Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 40

"ISAIAH!"


Itinulak ko siya sa dibdib. Kapwa namimilog ang mga mata naming dalawa sa dilim.


"A-anong ginagawa mo ritong siraulong gago kang hayup ka mamatay ka na!"


"Uh, iko-congrats lang kita sa... sa competition kanina," nauutal na sabi niya. Nang bahagya siyang matapat sa kapirasong liwanag mula sa lamppost sa labas ng bakuran ay nakita ko na namimilog pa rin ang kakulay ng kadiliman ng gabi niyang mga mata.


Marahas kong pinunasan ang mga labi ko gamit ang aking bisig. Nagdududura pa ako sa sahig. "Pwe! Pwe!"


Nagpunas ulit ako ng labi pagkatapos saka siya ulit tiningala.


"Hoy, oo nga pala, akala ko ba may LBM ka?!" singhal ko sa kanya sa kontroladong lakas dahil baka marinig nina Mommy sa loob.


Napakamot ng ulo si Isaiah. "Ah, LBM? Charing lang iyon. Tinatamad lang talaga akong um-attend ng intrams kanina."


"Ah, ganoon? O sya, alis na," utos ko sa kanya. "Papunta si Jordan dito ngayon!"


"So kung pupunta siya? Magkaibigan naman tayo, ah!"


Itinulak ko ulit siya. "Hindi na kita kaibigan!"


Di naman siya nagpatinag. "Galit ka pa rin? Dapat nga ako ang magalit, tsinansingan mo ako ngayon!"


"Gago!" Nag-init ang pisngi ko sa sinabi niya. "Basta, F.O. na tayo!"


"Bakit naman?!" Bahagyang lumakas na rin ang boses niya. "Desisyon ka mag-isa, ah!"


Napasabunot ako sa aking buhok dahil sa frustration. Paano ko ba palalayasin si Isaiah? Patayin ko na lang kaya siya at isako sa basurahan namin sa labas para wala ng problema?


Inilapit niya ang mukha niya sa akin. "Hoy, babae, pinagbabawalan ka ba ng syota mo?" panunubok niya sa akin.


Lalo akong hindi makasagot. Ayaw ko namang pasamain si Jordan pagkakakilala niya. 


Ayaw kong isipin ni Isaiah na seloso at threatened ang boyfriend ko dahil ang ganda-ganda kong girlfriend. Iyong huli lang iyong totoo.


Napapalatak si Isaiah. "Tangina, seloso si Herrera!"


"Umalis ka na!" pigil na pigil ang boses ko dahil baka marinig nga nina Mommy sa loob.


Ang tagal pa ni Isaiah sa pang-aasar sa akin. Tuwang-tuwa pa siyang asarin ako. Kung kailan naman paalis na siya ay saka naman kami nakarinig ng paparating na tricycle.


Nagkatinginan kami. Kahit si Isaiah ay natigilan. Ako ay biglang natorete. Biglang natakot. Hindi ko alam kung ano ang kinatatakutan ko. Basta hinaltak ko si Isaiah sa kwelyo ng suot niyang t-shirt.


"Halika rito! Bilisan mo, punyeta ka!"


Nagmamadaling binuksan ko ang pinto ng bahay namin. Sa sobrang pagkataranta at pagkalito ay pinagtulakan ko si Isaiah papasok sa loob.


"Huy, bakit ako papasok?" Gulat na gulat naman ang mukha niya.


"Basta pumasok ka muna! Wag kang lalabas hangga't andito si Jordan!"


Hindi siya pwedeng makita ni Jordan. Hindi talaga. Basta hindi.


"Ay, gagi anong gagawin ko rito? Baka makita ako ng ermat mo."


Sinamaan ko siya ng tingin. "Wag kang mag-iingay diyan at baka marinig ka nina Mommy! Magtago ka! Kahit saan! Sa banyo, sa ilalim ng lababo! Basta kahit saan! Gusto mo sa basurahan!"


Pagkatulak ko sa kanya sa loob ng pinto ng sala ay isinara ko agad ang pinto. Humihingal ako. Nang huminto ang tricycle sa tapat mismo ng gate namin ay natiyak kong si Jordan nga ang dumating.


Pinakalma ko ang aking sarili, hinagod ng mga daliri ang bahagyang nagulong buhok, at naghanda ng isang ngiti.


"Hi." Nasa gate na siya.


"H-hello..." Kandarapa ang mga daliri ko sa pagbubukas ng lock. Sumasala pa dahil sa pagkataranta.


Parang gusto kong maiyak nang makita si Jordan. Grabeng namimiss ko siya pero hindi ko man lang ma-enjoy ang pagdalaw niya dahil natetensyon ako sa sitwasyon ngayon.


Nang makapasok si Jordan ay nakatitig siya nang mataman sa akin. Balisa ang mga kilos ko hanggang sa niyakap ko na lang siya sa bewang.


"How are you?" tanong niya matapos halikan ang ulo ko.


"Uhm, okay lang... I-ikaw?" Tiningala ko siya. "K-kailan ka uuwi?"


Napangiti siya. "Kararating ko lang, pinauuwi mo na ako."


Tumabingi ang bibig ko. "Uhm, natanong ko lang naman..."


"Are you tired?"


Humakbang siya papasok sa bakuran namin nang bigla siyang matigilan. Yumuko siya at may kinapa ang kanyang paa sa lapag.


Natigilan din ako at nadagdagan ang aking kaba.


"What is this?" Salubong ang makakapal niyang mga kilay.


Yumukod si Jordan at may dinampot. Ang tahip ng dibdib ko ay napakalakas nang iangat niya ang kanyang nakuha. Sombrelo ni Isaiah!


Itinapat niya iyon sa liwanag. Plain black ang sombrelo. Kitang-kita ko ang pag alon ng lalamunan ni Jordan habang sinisipat ito ng tingin. Nang bumaling sa akin ay nagtatanong ang kanyang mga mata sa akin.


Napalunok ako. Paano ko ba sisimulan? Anong una kong dapat sabihin na hindi siya mag-iisip na—


"He went here?" salat sa emosyong tanong niya.


"Uhm, h-hindi ko alam na pupunta siya." Sinikap kong gawing kaswal ang boses. "Binati niya lang ako. Nailaglag niya pala iyong sombrelo niya, hindi ko napansin kanina."


Ang dali lang sabihin na kay Ninong Luis ang sombrelo pero ayaw ko nang magsinungaling. Hindi ko na kayang dagdagan pa ang kasinungalingan ko. Iyong isiping nasa loob ngayon ng bahay namin si Isaiah ay nababagabag na ako.


Hindi naman nagsalita si Jordan. Nakayuko siya sa sombrelo at nakatingin dito. Wala naman siyang kahit anong galit, pagkainis o kahit simpleng pagkairita na ipinapakita. Formal lang ang reaksyon niya.


Nakagat ko ang aking ibabang labi.


"Carlyn..." mahinang tawag niya sa akin. "If I didn't see this, you wouldn't have told me, right?"


Mahinahon naman ang boses kaya nakapagtataka dahil hindi pa rin kumakalma ang pagkabog ng dibdib ko.


Sa kapirasong liwanag mula sa lamppost sa labas ng gate na bahagyang tumatama sa pwesto ni Jordan ay malinaw kong nahuli ang sandaling pag-igting ng kanyang panga. Hinagod niya ang mahahabang daliri sa kanyang buhok.


Pinanginginigan man ng kalamnan ay pinilit kong abutin ang isang kamay niya. Nakatikom ito na biglang bumuka nang maramdaman ang paghawak ko rito.


"Jordan, hindi ko alam na pupunta si Isaiah. Dumaan lang talaga siya kasi--"


Tumingin siya muli sa akin. Malamlam ang mga mata niya sa dilim. "Kumain ka na?"


Tumango ako kahit sandaling natigilan sa tanong niya.


Ang nakahawak kong kamay sa kanya ay ikinulong niya sa kanyang mainit at malaking palad. Ako na ang lumapit at dumikit nang kusa sa kanya.


Hinihintay niyang may sabihin ako. Nanatili naman ako na nakatingin lang sa kanya. Nalilito ako sa biglang pag-iiba niya sa naunang paksa. Sa huli ay inisip ko na lang na baka naintindihan niya na ang sitwasyon. Basta pag-alis niya mamaya ay titiyakin ko na paaalisin ko na rin agad si Isaiah.


Isinabit ni Jordan ang sombrelo sa sandalan ng kahoy na upuan na nasa loob ng bakuran namin. Naupo rin siya sa upuan habang hawak-hawak niya ang isang kamay ko.


Ilang minuto siyang nakaupo lang doon habang nakayuko. Siguro pagod siya, siguro inaantok dahil dito siya dumiretso mula pa sa Dasma.


"Uhm, gusto mo na bang umuwi?" tanong ko sa kanya.


Tumingala siya sa akin. Hindi ko makita ang reaksyon niya dahil madilim na sa parteng ito ng bakuran namin.


"Pinapauwi mo na ako," mahinang sabi niya na hindi patanong.


"S-sorry..."


Siya lang naman ang iniisip ko dahil baka pagod siya.


At nagso-sorry din ako dahil alam ko na may kasalanan ako. Nanghalik ako ng ibang lalaki. At iyong lalaking iyon ay nasa loob ngayon ng bahay namin. Hinding-hindi ko iyon kayang ipagtapat sa kanya.


Natatakot ako sa magiging reaksyon niya. Alam ko na ayaw niya kay Isaiah kahit ano pang paliwanag ang gawin ko. Kahit hindi ko sinasadya na halikan si Isaiah, kahit sabihin ko na kaibigan ko lang talaga iyon, baka magalit pa rin siya. Hindi ko kayang i-risk na mag-away kami. Natatakot ako. 


Tumayo na si Jordan. Hinaplos niya ang pisngi ko. "Aalis na ako. Magpahinga ka na."


"Iti-text kita..." nangangatal ang mga labing sabi ko.


"I'll wait for it." Hinalikan niya ako sa noo.


Yumakap naman ako sa bewang niya. Gusto ko sanang abutin ang mga labi niya para halikan kaya lang pinagpawisan ako ng malamig. Napaiwas ako ng mukha bigla.


Nang lumabas na ng gate si Jordan ay para akong mauubusan ng hangin sa baga.


Paharabas na binuksan ko ang pinto ng sala namin. Walang tao at madilim dito. Mabibigat ang paa na tinungo ko ang kusina para doon hanapin si Isaiah, kaya lang ay wala rin siya roon. Wala rin kahit sa ilalim ng lababo.


Wala rin si Isaiah sa banyo. Hindi ko naman siya pwedeng tawagin dahil baka marinig nina Mommy. Gigil na huli kong tinungo ang aking kwarto. Patadyak ko iyong binuksan.


Ganoon na lang ang pagsasalubong ng mga kilay ko nang makita si Isaiah sa kama ko. Nakasandal siya sa headboard habang nakahalukipkip. Nakapikit siya na animo natutulog pero alam ko namang hindi.


Ini-lock ko agad ang pinto bago siya nilapitan. Dumapot ako ng unan at hinampas sa mukha niya. "Hoy!"


Napangiwi siya at dumilat nang matamaan ng unan. "Ano ba? Natutulog iyong tao, wala kang manners."


Asar na sinabunutan ko siya. "Ako pa walang manners?!"


Dahil sa kanya ay pakiramdam ko aatakihin ako sa nerbiyos at takot kanina. Binabagabag din ako ng konsensiya ko.


"Ano, umalis na syota mong seloso?"


"Oo kaya lumayas ka na rin!" Nanginginig ako sa gigil. Gusto ko siyang saksakin ng ballpen hanggang sa polka dots ang buong katawan niya.


"So nagseselos talaga siya sa akin?"


"Obvious ba?!"


Napangisi siya. "'Sabi ko na nasa loob kulo nun e."


Hinila ko na siya sa kwelyo ng kanyang t-shirt at pakaladkad na pinatayo. Tatawa-tawa naman siya na sumunod sa akin.


"Oo na, ito na nga aalis na." Pinagpag niya ang t-shirt na nagusot dahil sa paghila ko.


"Iyong nangyari kanina, kalimutan mo na iyon! Saka wag ka ng pupunta rito, please lang!"


Sumimangot siya at hindi na nagsalita.


Inihatid ko siya hanggang sa labas ng gate namin. Kalalabas pa lang ni Isaiah nang mula sa tindahan sa di kalayuan ay mauulinigan ang boses ng grupo nina Aling Barbara.


Si Aling Agnes ay ngiting-ngiti sa akin nang magtama ang aming paningin. "Carlyn, nasaan na iyong isa? Bat 'yan na naman ulit?"


Tyempo, nakatambay na ang walang magawa sa buhay na mga nanay. Di bale at ayos na rin kaysa kung si Jordan ang naabutan nila kanina. At least kasi si Isaiah ay matigas ang mukha.


"Nakow, mukhang matino pa naman iyong isa," komento ni Aling Cecil na nilakasan pa talaga ang boses.


"Kow, oo. Maangas iyang isang 'yan, de motor. Nakita ko na 'yan noong nakaraan, may hikaw pa sa tainga. Meron pa nga yata 'yan pati sa dila." Napailing pa si Aling Agnes. "Mga kabataan talaga, ayaw sa matino. Gusto sa bad boy, pero kapag binugbog, nilosyang at nakaranas na ng hirap sa buhay, saka mga magsisisi."


Si Isaiah ay ngiwing-ngiwi at parang napipikon na sa naririnig. Mabuti nga sa kanya, pupunta-punta siya rito kaya magdusa siya.


Humirit pa si Aling Barbara. "Ganyang itsura, puro papogi lang. Mambubuntis lang at magkakalat ng panganay, makita niyo."


Kumibot ang sentido ko pero hindi ko na sila pinansin. Itinaboy ko na paalis si Isaiah bago pa siya ma-depress sa mga pinagsasasabi ng mga sagana sa free time kong neighborhood.


DUMATING NA ANG BUWAN NG MARCH.


Excited ang lahat dahil sa JS Prom na gaganapin sa Sabado ng gabi sa convention ng Malabon. Akala ko nga hindi ako makakasali dahil wala akong gown, mabuti na lang at ibinili ako ni Ninong Luis.


Last week lang nang tuluyang nagiba Great Wall of Clara. Hayun, nagka-resulta na ang ilang buwang pagta-tiyaga at panunuyo ni Ninong Luis sa mommy ko.


Araw-araw ba naman na nasa amin si Ninong Luis. Nakulitan na siguro si Mommy kaya tinanggap na ang lalaki.



GABI NG SABADO. Isang eleganteng fitted red mermaid gown ang suot ko. Ang aking buhok ay nakataas into a bun. Kahit manipis lang ang inilagay na make up sa akin ay sopistikada ang dating. Expert ang nag ayos sa akin. 


Pina-salon kasi ako ni Ninong Luis sa mall. Si Mommy naman ay nag-leave pa sa trabaho para talagang maasikaso niya ako. Minsan lang daw kasi ang ganitong okasyon.


Pagkarating sa convention ay may ilang lalaking estudyante ang nagtangkang lumapit sa akin pero lahat ay hindi natutuloy. Sinadya ko kasi talaga na sumimangot para hindi ako magmukhang approachable.


Sa lobby ng convention ay kasama ko si Sussie. Isang A-Line evening dress naman ang suot niya. Navy blue ang kulay ng kanyang gown. Kapareho ng sa akin, off shoulders din. May sleeves nga lang ang kanya. Ang ganda-ganda rin niya. Mukha siyang chubby na mannequin.


Marami ang mga estudyante ang mga naghihintayan sa lobby ng convention at isa sa mga agaw pansin ay ang bumaba mula sa dumating na tricycle. Naka-pink na Cinderella balloon gown ang babae na si Vivi. 


Ang ganda-ganda ni Vivi. Mukha siyang prinsesa. Dalagang-dalaga na ang itsura niya. Pagkakaalam ko ay halos magkasabay sila ni Sussie na nag 18 last year. 


Teka, akala ko ay hindi siya a-attend ngayon dahil sabi niya sa adviser namin na hindi raw siya pinayagan ng daddy niya? Anong ginagawa niya rito ngayon?


Nilapitan si Vivi ng kanina pang naghihintay na si Eli pero hindi niya pinansin ang lalaki. Nanatili siyang nakatanaw sa daanan ng mga sasakyan. Mayamaya ay nakarinig kami ng sunod-sunod na busina ng paparating na motor.


Nag-ingay ang mga estudyante sa lobby nang dumating ang isang black orange na Honda Click at mag-park sa mismong tapat ng lahat. Nakasakay dito ang isang lalaki na nakasuot ng itim na helmet. Napadiin ang hawak ko sa braso ni Sussie nang mag-alis ng helmet ang lalaki.


Ang lalaki ay si Isaiah. Kumikinang silver earrings nang hubarin niya ang suot na helmet. May pag-iling-iling pa siya para lalong gumulo ang kanyang already slightly messy hair. Kainis. Papansin talaga. Kilig na kilig naman ang mga babaeng estudyante sa tabi.


T-shirt na white at black baston slacks pants ang suot ni Isaiah. Black na combat boots naman sa kanyang paahan. Mula sa compartment box ng motor niya ay kinuha niya ang kulay grey na tux at basta na lang ipinatong sa kanyang balikat.


Lalong umugong ang ingay ng mga estudyante sa paligid, partikular ang mga estudyanteng babae. Ilang saglit lang din ng isang motor pa ang nakita naming paparating. Isang matte black na Honda Click na ang driver ay ang naka-all black suit na lalaki.


Sa pagkaka-tensyon pa lang ng katabi kong si Sussie ay nakilala ko na agad ang pangalawang dumating. Hindi nga ako nagkamali ng hula dahil nang maghubad ng helmet ay si Arkanghel nga.


Katulad ni Isaiah ay hindi rin nakapolo si Arkanghel. Tshirt na black lang din ang suot. May patong lang na black tuxedo at sa ibaba naman niya ay black baston slacks. Sa paahan ng lalaki ay isang pares ng low cut black Converse ang kanyang gamit. Ang sintas ng Converse ay kulay puti.


May paghagod pa ng buhok ang dalawa gamit ang kanilang mahahabang daliri. Parehong effortless ang magpinsan pero sa lahat yata ng lalaki rito sa prom ay sila ang pinakamaangas ang porma.


Makahulugan ang tingin ni Sussie sa akin matapos niyang sipatin si Isaiah.


Napaismid naman ako. "Mas guwapo si Arkanghel!"


Pero mas guwapo pa rin syempre ang baby ko. Si Jordan ang pinakaguwapo sa buong mundo. In universe rather!


Bumaba sa baitang ng lobby si Vivi at sinalubong si Isaiah. Yumuko naman ang mukha ni Isaiah kay Vivi at nagdampi ang kanilang mga labi. 


Sabay pa yata kaming napanganga ni Sussie sa aming nakita. Eksena ang dalawa, nakakaloka! Sarap hagisan ng granada.


Ang mga kaklase naming nakakakita ay kanya-kanyang ungol. Marami rin kasing fans ang loveteam nila, palibhasa kasi alam ng lahat kung gaano kapatay na patay si Isaiah sa patay na batang si Vivi.


Napataas ang isang kilay ko habang nakatingin kay Vivi. Matagal ko nang napapansin na may nagbago sa babaeng ito. Ang dating patay niyang aura ay nagkaroon ng buhay. Kababakasan na siya ng kompiyansa at tapang ngayon. Parang bigla siyang nag-rebelde. Siguro narealize niyang life is short.


Hinaltak ko na sa braso ang katabi kong si Sussie. "Tara na nga. Umay na."


Hindi pa madilim sa loob ng convention pagpasok namin. Bukas pa ang mga main lights. Dahil hinati ang dalawang antas ng senior high at kakaunti lang ang dumalo kaya hindi gaanong puno ang paligid. May espasyo pa sa gitna kahit may ilang mesa sa bawat gilid.


Doon kami pumuwesto ni Sussie sa pang apatang mesa na malapit sa sulok. Ang mga mata ko ay malilikot at may hinahanap. Nang makita ko na ay daig ko pa ang inasinan sa upuan.


Sabi ko na nga ba, mas guwapo ang baby ko. Kitang-kita ko sa aking pwesto si Jordan. Naririto na siya. Kasama niya sa mesa sina Mrs. Herrera at Jillian. Nasa bandang stage sila malapit.


Ang guwapo-guwapo niya at ang linis-linis sa suot na button-down longsleeves immaculate white polo. Bagay na bagay sa kanya kasi ang perpekto at ang amo ng mukha niya. Kung may kulang man sa kanya ngayon ay siguro pakpak at halo na lang sa ulo.


Pupusta rin ako na ang presko at bango-bango niya. Mamaya pag nagsasayaw na kami ay sisinghut-singhutin ko ang leeg niya.


"Sinong partner mo tonight, Carlyn?" tanong ni Sussie na pumukaw sa pansin ko.


Matamis akong ngumiti. "Si Jordan."


Napakunot-noo si Sussie. Nagtataka marahil siya dahil hindi na estudyante si Jordan sa Gov.


Inginuso ko naman sa kanya ang isa sa mga mesa na malapit sa stage. Napasunod naman siya ng tingin doon. Malamang na hindi makakaligtas sa paningin niya si Jordan na dito sa gawi namin nakatingin ang magagandang uri ng kulay tanso nitong mga mata.


"See?" kinikilig na sambit ko. "Siya ang date ko, Sussie. He's here because of me!"


Nakinig kami sandali ng program at pagkatapos ay nagsimula na ang pinaka ball. Namatay ang mga ilaw at pumailanlang na ang isang awitin. Umingay sa excitement ang mga senior high school. Ang iba ay hindi na nakatiis na hindi pumunta sa gitna. Kanya-kanyang partner ang bitbit. Iyong iba naman ay grupo-grupo.



♪ ♫

Minamasdan kita
Nang hindi mo alam
Pinapangarap kong ikaw ay akin

Nakita ko na tumayo na si Jordan mula sa kinauupuan. Sa akin siya nakatingin, at kahit formal ang mukha ay ang guwapo-guwapo niya. Ang ganda ng tindig niya na hindi mo iisiping isa lang siyang first year college na 19-year-old.


♪ ♫

Huwag ka lang titingin sa akin

At baka matunaw ang puso kong sabik

♪ ♪


Nalapirot ko ang braso ni Sussie nang makitang pahakbang na si Jordan patungo sa mesa namin. "Girl, palapit sa akin si Jordan," impit na bulong ko.


Magigiba yata ang puso ko dahil sa kilig at excitement. Mas paguwapo nang paguwapo si Jordan habang papalapit siya sa amin ni Sussie. Parang gusto ko siyang salubungin ng yakap at halik.


Nang huminto siya sa tapat ng mesa namin ay huminto rin yata pati paghinga ko. "May I dance with you?"


Tumayo na agad ako. "Sure, bebe."


Ang seryosong mga mata ni Jordan ay bahagyang kumislap nang tanggapin ko na ang palad niya.


Nilingon ko muna saglit si Sussie at binulungan. "Paano girl, hintayin mo na lang kung sino mauuna kina Arkanghel at Hugo. Pag nagsabay, Jack en poy kamo." Kinindatan ko siya.


"Sira." Itinulak niya na ako kay Jordan.


Sumama na ako kay Jordan para sumayaw. Sa may gilid lang kami at hindi gaanong gumitna. Nasa bewang ko ang mainit niyang mga palad ay ang mga bisig ko naman ay nakapatong sa kanyang balikat.


Tamang-tama nga ang naiisip ko, ang bango-bango niya.


"So beautiful," narinig kong bulong ni Jordan sa tainga ko.


Napangisi ako. "So handsome... and sexy."


Ngumiti siya at hinalikan ako sa noo. Mabuti na lang at bahagyang kumurap ang malabong ilaw sa madilim na paligid, walang nakakita sa ginawa niya.


Mahinang tumawa lang si Jordan pagkuwan ay mas hinapit pa ako sa aking bewang. Sinemplehan ko naman ang pagsinghot sa leeg niya.


"Naughty..." narinig kong paos na bulong niya.


Hindi ito ang first time na nagsayaw kami, isinayaw niya na ako noong debut ko, pero ang saya-saya ko pa rin. Punong-puno ang puso ko sa buong sandali. Wala akong pakialam kahit maraming napapatingin sa amin, mapa-estudyante at teacher na tila gusto kaming suriin at gisahin.


Habang nagsasayaw kami ay tinitingnan-tingnan ko ang best friend kong si Sussie. Kumakain siya sa table namin at kasama niya na roon ngayon si Hugo. 


Ang mga mata ko ay lumipat sa may bandang likod ng table, doon ay natanaw ko ang magkapareha na magkayakap sa dilim.


Kumunot ang noo ko habang nakatingin sa magkapareha. Magkayakap ang dalawa at mukhang may sariling mundo. Nang umiba ng pwesto ang lalaki ay nakilala ko ito, si Isaiah.


Nang humigpit ang hawak ni Jordan sa bewang ko ay tumingala ako sa kanya. Nasalo ko ang mainit niyang titig sa akin.


"Who are you looking at?" malalim at maaligasgas ang boses ni Jordan.


"Uhm, chini-check ko lang si Sussie." Paglingon ko kay Sussie ay wala na pala siya sa table namin. Nasa gilid na pala namin siya at kasayaw niya na ngayon si Hugo.


Kumunot ang noo ko dahil nasaan kaya si Arkanghel? Napabalik tuloy ang tingin ko sa dilim kung saan naroon sina Vivi at Isaiah.


Hinawakan ako ni Jordan sa pisngi at marahang pinaharap ang aking mukha sa kanya.


♪ ♫

We're the king and queen of hearts
Hold me when the music starts

♫♫


Kahit madilim ay nakakapaso ang mga titig niya sa akin. Ang klase ng pagkakahawak niya rin sa aking bewang ay bahagyang dumidiin.


All my dreams come true
When I dance with you
Promise me you're mine tonight
I won't wait in line tonight
While the lights are low
I'll never let you go

♩ ♪ ♫


Nang muli niya akong halikan sa noo at marahang bumaba ang mga labi niya sa aking pisngi ay biglang napaurong ako.


"Jordan, baka may makakita."


Mahinang umungol siya bagaman hindi na nagpumilit. Napangiti na lang ako habang nakayuko sa ilalim ng leeg niya.


Nang lingunin ko ulit si Sussie ay hindi na pala si Hugo ang kasayaw niya. Si Arkanghel na. Hindi ko na napansin kung kailan nagpalit ng partner ang kaibigan ko.


Nasaan naman kaya ngayon si Hugo?


Mayamaya lang ay napalitan na ang tugtog na pumapailanlang sa paligid.


"Jordan, pagod na ako," bulong ko kay Jordan. Nangangalay na ako sa pagsasayaw dahil ang tagal na rin namin dito.


Bumalik na kami sa mesa. Pinaupo ko si Jordan sa upuan na katapat ng sa akin. Nakapangalumbaba ako habang sinusubuan niya ako ngayon ng fried mojos. 


Hindi na namin naabutan ang sandwich at carbonara dahil kinain na yata ni Sussie ang nasa mesa namin kanina.


"Anong sabi ni Mrs. Herrera?" tanong ko kay Jordan bago ngumanga ulit sa pagsusubo niya sa akin.


Nai-imagine ko ang pagka-shock ni Mrs. Herrera sa pagsama ni Jordan sa prom ngayon. Kasi hindi naman uma-attend sa mga ganito si Jordan, 'tapos kung kailan graduate na ay saka naman naisipang um-attend ng prom.


"Wala naman." Ngumiti siya. "You want some more?" tanong niya na dahil paubos na ang mojos.


Umiling ako. "Okay na sa akin 'yan. Ah!" Ngumanga ulit ako at sinubo na sa akin ni Jordan ang natitira sa mojos. 


Matapos kong maubos ang mojos ay pinainom naman ako ni Jordan ng juice sa baso. Marahan niya ring pinunasan ng tissue ang gilid ng bibig ko pagkatapos.


♫♬

Parang atin ang gabi
Para bang wala tayong katabi
At tayo'y sumayaw
Na parang 'di na tayo bibitaw, bibitaw

Mahal tanging ikaw
Ang nais kong kasayaw


Palalim nang palalim ang gabi at nanunuot ang saliw ng kanta sa paligid. Tahimik na pinakinggan ko ito habang inaasikaso ako ni Jordan.


Pinunasan niya ng mabango niyang panyo ang pawis sa gilid ng leeg ko habang hawak niya ang isang kamay ko.


Wala na ang tugtog at nag-alisan na rin ang mga tao sa gitna, pero naroon pa rin sina Sussie at Arkanghel. Mukhang nasarapan sa pagsasayaw. Huling umalis ang mga ito kaysa sa ibang magkakapareha.


Ang pagkakahawak naman ni Jordan sa kamay ko ay bumaba sa ibabaw ng aking hita na natatakpan ng suot kong gown. Tumatagos ang init ng palad niya roon. Inignora ko iyon at kunwari'y hindi ko napapansin.


Nang bumalik na sina Sussie at Arkanghel ay inihanda ko ang aking nang-aasar na ngisi para kay Sussie. "Ano na, girl? Nadala na ba ng damdamin? Nakalimot na sa paligid?"


"Pst, wag mo nang asarin," saway ni Arkanghel sa akin na naupo sa tabi ni Sussie.


Inasar-asar ko pa sila lalo na si Sussie. Kahit madilim ay alam kong namumula ang babae. Si Arkanghel naman ay kunwari pang sinasaway ako pero feel na feel naman ang panunukso ko sa kanila.


Siguro hindi na nakatiis si Jordan sa tabi ko. Umusod siya at bumulong sa akin. "Punta tayo sa mesa nina Mommy."


Pasimple akong lumunok. Nakangisi pa rin ako na aakalaing hindi apektado at hindi kabado. Kabaliktaran sa totoo kong nararamdaman.


Wala akong maisip na katanggap-tanggap na dahilan para tumanggi na hindi makaharap si Mrs. Herrera. Sa tingin ko ay hindi na rin naman ako makakaiwas na magkaharap kami, kaya naman ay pumayag na ako.


Nagpaalam ako kay Sussie sa tono na chill lang. Nagbiro pa ako kahit ang totoo ay pinapawisan na yata ngayon ang kili-kili ko.


Hawak ni Jordan ang kamay ko nang maglakad na kami papunta sa table ng pamilya niya. Nang huminto na kami sa mismong mesa ay pati ang mga teachers na nasa katabi ay pasimpleng napapatingin sa amin, partikular sa akin.


"Good evening po," magalang na bati ko kay Mrs. Herrera.


Ngumiti sa akin ang ginang. Isang mabait na ngiti bagaman hindi na kasing tamis ng ngiti niya noon sa akin.


Si Jillian naman ay hindi nag-abala na kahit tingnan man lang ako. Busy siya sa kanyang cellphone at mayamaya ay tumayo. "My, punta lang po ako sa restroom."


Ilang sandali akong ilang na ilang at hindi mapakali sa kinauupuan. Kahit mabait naman ang bukas ng mukha ng mommy ni Jordan ay hindi ko pa rin magawang salubungin ang mga tingin nito sa akin. Daig ko pa ang nasu-suffocate. Mabuti na lang at may tumawag sa ginang.


Umalis si Mrs. Herrera kaya naiwan kami ni Jordan na dalawa lang dito sa mesa nila. Nilalaro ko ang mga daliri ko nang umusod si Jordan patabi sa akin. Inakbayan niya ako.


"'You okay?"


Tiningnan ko siya at pilit na nginitian. "Oo naman."


Pasimple akong kumawala sa pagkakaakbay niya. Ininom ko ang juice na kinuha niya para sa akin. Painom-inom ako sa baso habang nanonood ng mga ibang estudyante na sumasayaw sa gitna.


Si Jordan naman ay ramdam ko na sa akin nakatingin. Hindi siya nagsasalita, basta nakatingin lang siya sa akin. Pinakikiramdaman niya ako.


Isang matangkad na lalaki ang lumapit sa harapan ko. Nang tingalain ko ay nakita ko si Charles Felix Columna. Nakasuot siya ng black longsleeves polo. 


Alanganin ang ngiti ng lalaki. "Uh, Carlyn, pwede ba kitang yayain sumayaw?"


Magsasalita pa lang sana ako para tanggihan si Charles nang mauna na si Jordan. "No."


Sabay yata kaming napangiwi ni Charles dahil sa lamig ng tono ng pagkakasabi.


"Sorry, Charles. Iba na lang," sabi ko sa lalaki.


Tumango si Charles kahit pa kitang-kita ang sakit sa mukha niya. Tumalikod na siya at nakayukong lumakad palayo.


Nang lingunin ko si Jordan ay hindi na siya sa akin nakatingin. Nakasandal siya sa sandalan ng upuan habang hinihilot niya ng mahahabang daliri ang kanyang sentido.


"Okay ka lang?" Ako naman ang nagtanong ngayon sa kanya.


Hindi niya ako sinagot. Basta lang siya tumingin sa akin.


"Hi, Carlyn!" tawag ng babaeng huminto sa table namin ni Jordan.


Pag-angat ng mukha ko ay nakita ko ang pahabang mukha ni Barbie. Isa siya sa anim anak na babae ni Aling Barbara na kapitbahay ko. Iyong may ari ng tindahan sa amin. Kulay talong ang suot nitong evening gown.


Hindi ko kaibigan ang babaeng ito kaya anong sadya niya sa akin?


Nagniningning ang mga mata ni Barbie habang nakatingin kay Jordan.


"Kayo na ba talaga?" kilig na kilig ang tono niya.


Kumunot ang noo ko kasabay ng pagapang ng kaba sa aking dibdib.


"Carlyn, akala sa atin si Isaiah ang boyfriend mo."


Nanlamig ang pakiramdam ko. Hinawakan ko sa kamay si Jordan sa kamay para yayain sana ulit magsayaw nang magpatuloy sa pagsasalita si Barbie.


"Kwentuhan kasi sa tindahan na nakita raw sa bahay niyo si Isaiah. Gabi iyon e tapos walang ilaw sa inyo. Ang tagal daw bago umalis."


Napalunok ako dahil alam ni Jordan na sumaglit lang si Isaiah nang gabing tinutukoy ni Barbie.


"Miss," boses ni Jordan. "I think you're mistaken."


"Ah, hindi!" desididong sansala naman ni Barbie. "Hindi ikaw, Jordan. May motor saka may hikaw sa tainga e. Nagtataka pa nga nanay ko kasi bakit hindi sa tapat nina Carlyn ipinarada iyong motor niya, bakit doon pa sa kanto namin."


Hindi na nagsalita pa si Jordan. Namayani ang katahimikan at doon lang narealize ni Barbie ang katabilan ng sariling dila. Nakaramdam yata kaya patalilis na itong umalis.


Nang kami na lang ay hindi ko magawang mag-angat ng mukha. Nanliliit ako. Nakayuko lang ako at halos pigain ko na ang laylayan ng aking gown dahil sa pagkakalamukos ko rito.


"Is that true?" mahina at malamig na tono ni Jordan.


"S-sorry..."


"Nice." Iyon lang at hindi ko na siya narinig na nagsalita pa ulit.


JF


𝗖𝗿𝗲𝗱𝗶𝘁𝘀:
Ngiti by Ronnie Liang
King and Queen of Hearts by David Pomeranz
Prom by Sugarfree/ Jadine

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro