Chapter 4
"JORDAN..."
Tulala ako at hindi makapaniwala habang nakatingala sa matangkad na lalaking dumating. Malabo ang ilaw sa hallway at madilim na sa labas ng building, pero malinaw sa akin ang galit sa kulay tanso at magandang uri niyang mga mata.
Anong ginagawa niya rito? Anong oras na, bakit nandito pa siya?
Si Wayne na nasubsob sa pader nang tadyakan niya ay galit na tumayo. "Fuck you! Wag kang makikialam dito!"
"Putangina, sino ba 'yan?!" sigaw ng kalbo na tropa ni Wayne.
Pagtayo ni Wayne ay muli siyang tinadyakan ni Jordan, sa tiyan siya tinamaan. Nabuwal siya sementadong sahig at nagkadaubo.
Napatili ako nang akmang susugurin si Jordan ng tropa ni Wayne. Nag-aalala ako dahil puro aral lang ang inaatupag niya, wala siyang alam sa pakikipagbasag-ulo. Pagtutulungan siya ng mga ito at tiyak mapupuruhan siya.
Pero bago pa siya mahawakan sa kwelyo ng isa ay nakaikot na siya sa ere at pinawalan ng sipa ang panga ng susugod sa kanya. Napatanga ako bigla. That was a roundhouse kick!
Marunong siya ng taekwondo!
"Tangina, marunong mangarate amputa!" Duguan ang ilong at bibig niyong kalbo.
Kahit ang ibang tropa ni Jordan ay mga gilalas habang may dugo sa mga nguso.
Ang una kong plano na magtititili at manakbo patungo sa guard house ay hindi nangyari. Nakatanga lang ako sa kung paano pinagsisisipa ni Jordan ang tropahan ni Wayne.
Walang makalapit sa kanya. Walang ka-effort-effort na napapabagsak niya ang mga nagtatangka na sumugod sa kanya, just by kicking them. He was so graceful. Ni hindi sagabal sa kanya kahit may dala siyang backpack.
Bumangon si Wayne at hinila ako sa braso. "Wag kang makilam dito, kung sino ka mang pakialamero ka!"
Umigting ang panga ni Jordan nang makitang hawak-hawak ako ni Wayne. "Asshole."
Oh, marunong siyang magmura. Panibagong discovery kay Jordan Moises Herrera.
"GF ko ito! Sa tingin mo, bakit ganitong oras ay nandito pa siya? Kasi nga hinihintay niya ako. Gawain na namin ito tuwing uwian!"
Nagpapasag ako mula sa hawak ni Wayne. "Bitiwan mo ako! Sinungaling ka, di kita boyfriend! Adik! Bastos! Manyak!"
"Leave her alone," malamig at mariing bigkas ni Jordan.
Pabalya akong itinulak ni Wayne sa hagdan. Muntik nang tumama ang ulo ko sa railing, mabuti na lang at agad kong naitukod ang mga palad ko sa semento.
Hindi yata nila namumukhaan si Jordan. President siya ng student council, anak ng teacher at nag-iisang kuya ni Jillian. Kung alam iyon ni Wayne ay baka nabahag na ang bayag niya ngayon.
Dumura si Wayne ng dugo. Pasuray-suray niyang dinuro si Jordan. "Nakipagbasag ulo ka para sa ganyang babae? Syota ng bayan 'yan!"
"Laspag na 'yan!" sabat ng nakalugmok sa sahig na isa pa sa tropa ni Wayne. "Mahilig sa lalaki, mana sa nanay niyang kabit! Kumabit sa mayaman para di na magtrabaho, pasustento na lang!"
Nanlaki ang mga mata ko. "Bastusin mo na ako, pero wag ang mommy ko, gago!" Susugurin ko sana ang nambastos kay Mommy nang mauna na itong tadyakan ni Jordan sa dibdib.
Nagtakbuhan na ang mga tropa ni Wayne. Si Wayne naman ay iika-ika na sumunod na rin.
Akmang hahabulin ni Jordan ang mga ito nang pigilan ko siya sa pulso.
Napatingin siya sa kamay ko na nakahawak sa kamay niya. Kahit ako ay nagulat sa biglang paghawak ko sa kanya.
Matagal na nakatingin lang kami sa isat-isa.
"T-thank you..." mahinang anas ko nang maapuhap sa wakas ang aking boses.
Ang galit sa malamig niyang mga mata ay bahagyang kumalma.
Binitiwan ko ang kamay niya. "Pero sana hindi mo na sila pinatulan." Umiwas ako ng tingin. "Sana tinawag mo na lang iyong guard at hindi ka na nakipag-away sa kanila..."
Dinampot ko ang shoulder bag ko at ang black varsity jacket niya na nahulog kanina sa sahig. Ang jacket ay walang imik na ibinigay ko sa kanya.
Wala siyang sinabi na kahit ano. Tinalikuran ko na siya at humakbang na ako paalis.
Tumutulo ang luha ko habang naglalakad patungo sa gate. Hiyang-hiya ako sa kanya at sa sarili ko. Nanginginig pa rin ako sa takot dahil kung hindi siya dumating, malamang na na-rape na ako.
"They're no longer minors, sue them."
Natigilan ako sa paglalakad nang marinig ang boses niya mula sa likod ko. Nakasunod pala siya sa akin.
"Hindi sila dapat makatakas sa ginawa nila sa 'yo."
Suminghot ako at umiling. "Hindi na."
Narinig ko ang pag-tsk niya. Mayamaya ay nasa tabi ko na siya.
Gulat akong napalingon nang kunin niya ang shoulder bag ko sa akin. Isinukbit niya iyon sa balikat niya, kasama ng kanyang black backpack at ang black varsity jacket.
"I'm serious. Kailangan silang maparusahan."
Nagpunas ako ng luha gamit ang aking mga palad. "Mapapahiya lang ako kapag nalaman ng mga tao ang nangyari. Masasaktan lang ang mommy ko. Wag na."
Sinubukan kong kunin sa kanya ang aking bag pero iniiwas niya iyon sa akin.
"Baka inaabangan ka pa nila sa labas, ihahatid kita sa inyo."
Umawang ang mga labi ko sa sinabi niya. "Ha?"
Tiningnan niya ako at kahit walang emosyon ang kulay tanso niyang mga mata ay ramdam ko na seryoso siya.
"Bakit mo ginagawa ito?" mahinang sambit ko. Naguguluhan kasi ako at nagugulat sa inaasal niya.
Nagkibit-balikat siya. "Because I am the student council president of this school." Pagkasabi'y nauna na siyang maglakad sa akin.
Oo nga naman. Bilang student president, concerned nga siya sa mga estudyante. Wala ng iba pang dahilan.
Paglabas ng school gate ay hindi talaga ibinalik ni Jordan sa akin ang bag ko. Wala tuloy akong choice kung hindi hayaan siyang sumunod sa akin.
Pagsakay ng jeep ay kasama ko siya. Nasa harapan ko siya. Siya ang nagbayad ng pamasahe kahit pa tumatanggi ako.
Sa buong byahe ay nakayuko lang ako. Hindi ko alam kung saan napunta ang angas at tapang ko, nanliliit ang pakiramdam ko ngayon habang nasa harapan niya ako.
Hindi pa rin ako makapaniwala sa mga nangyayari. Siya, si Jordan Moises Herrera ay ipinagtanggol ako kanina. Nakipag-basag ulo siya, para iligtas ako.
At ngayon, kasama ko siya sa jeep. Ihahatid niya ako at inilibre pa ng pamasahe. Parang hindi totoo, parang echos at panaginip lang ang lahat ng nangyayaring ito.
Sa paminsan-minsang pagsulyap ko sa kanya ay ilang beses kong nahuli ang pag-igting ng kanyang panga at pasimpleng pagpapatunog niya ng mga daliri sa kanyang kamay.
Parang galit siya kahit pa kalmado naman na ang kanyang magandang uri ng kulay tansong mga mata.
Nang maglapat ang mapula niyang mga labi ay natiyak ko na nagtatagis ang kanyang mga ngipin. Hindi ko mapigilang hindi mapahanga.
Sa kabila ng kanyang pagpipigil ng emosyon ay napaka-perpekto pa rin niya. Wala akong maipipintas, kahit pa ang bahagya niyang nagusot na white school polo ay hindi nakabawas sa kanya maski kaunti.
Nang bumaba na kami sa amin ay saka niya lang ibinigay sa akin ang bag ko. "Fix yourself. Baka magtaka ang parents mo kapag nakita ka nilang ganyan."
Lumabi ako at pasimpleng hinagod ng kamay ang aking nagulong buhok. "Salamat ulit..."
Nakatingin lang siya sa akin.
"Salamat saka sorry, napaaway ka dahil sa akin," nahihiyang sabi ko. "Pero sana wala ng ibang makaalam tungkol sa nangyari. Ayaw kong pag-alalahanin pa si Mommy. Ayaw ko rin na mapag-usapan pa ito sa school..."
Alam ko kasi na pagchi-chismisan lang ako. Baka wala pang maniwala na totoong pinagtangkaan ako ni Wayne. Baka pagtawanan lang ako ng lahat.
Sinikap kong ngumiti para ipakita sa kanya na okay na talaga ako. "Ayos lang naman ako, wala namang nangyari sa akin. Sa tingin ko ay natakot rin naman na sina Wayne at hindi na sila uulit. Pero mag-iingat pa rin ako. Hindi na ako uuwi ng late."
Hinihintay ko siyang umalis pero hindi siya kumikilos sa kinakatayuan niya. Nakatingin pa rin siya sa akin, hindi ko naman alam kung ano ang iniisip niya.
"Uhm, okay na ako rito. Papasok na lang ako sa eskinita na 'yan, 'tapos bahay na namin iyon." Itinuro ko ang maliit na shortcut patungo sa kabilang kalsada. Doon ako madalas na dumaraan pauwi.
"Ihahatid kita hanggang inyo."
"Ha? Pero malapit naman na—" Nahinto ako sa pagsasalita dahil nakarinig ako ng kaguluhan mula sa kabilang kalsada.
"Carlyn!" sigaw ng ginang na papalapit sa amin, isa siya sa mga kapitbahay namin ni Mommy. "Si Clara, sinugod ng asawa ng daddy mo!"
Nagmamadaling nanakbo ako papasok sa eskinita. Iniwan ko si Jordan, pero sumunod siya sa akin.
Paglabas ng eskinita ay natanaw ko agad ang bungalow naming bahay. Sa labas ng gate ay may nakaparadang pulang Toyota Rav4, pag-aari iyon ng mga Tamayo, ng legal na pamilya ni Daddy.
"Malandi ka talaga, Clara!" Isang matabang babae ang may hatak-hatak sa buhok ni Mommy. Siya si Mrs. Rebecca Ponce-Tamayo o Tita Becky, ang legal wife ni Daddy.
Ang mga kapitbahay namin ay mga nasa labas at nakikiusyoso, gayunpaman ay walang nagtatangkang umawat.
"Imoral ka!" sigaw ni Tita Becky. "Sinusustentuhan na nga kayo ng asawa ko, gusto mo pa pati asawa ko ay makuha mo! Maninira ka ng pamilya! Wala kang kaluluwa!"
Halos mahubad na ang suot ni Mommy na sleeveless dress dahil pinaghahatak iyon ni Tita Becky.
Si Mommy naman ay tila tuod lang na umiiyak. Hindi lumalaban at walang pakialam kahit nasasaktan at malapit na siyang mahubaran.
"Mommy!" Agad akong umawat sa kanila, dahil wala namang ibang nagtatangka na umawat. Mga nanonood lang.
Hinawakan ko ang mga braso ni Tita Becky upang mabitiwan niya si Mommy.
"Tita Becky, please po..." makaawa ko. Puro kalmot na ang makinis at maputing braso ni Mommy nang tingnan ko sa malapitan.
Humihingal si Tita Becky nang harapin ako. "Bitiwan mo ako, Carlyn! Kailangang maturuan ng leksyon 'yang malandi mong ina!"
Dahil mataba at malaking babae si Tita Becky ay naitulak niya ako. Akma siyang susugod ulit kay Mommy nang humarang si Jordan sa harapan niya.
"Ma'am, tama na po."
Natigilan si Tita Becky. "And who are you? Umalis ka sa daraanan ko at kakalbuhin ko pa ang Clara na 'yan! Maninira ng pamilya ang kabit na 'yan! Mukhang pera, malandi at wala 'yang konsensiya!"
"Tita Becky, please po!" umiiyak na pakiusap ko sa tunay na asawa ni Daddy. Nilapitan ko ulit siya at hinawakan sa kamay. "Kakausapin ko si Mommy. Pangako po, kakausapin ko siya..."
Tiningnan ako ni Tita Becky. "This is the last, Carlyn!" galit na sabi niya. "Next time na malalaman ko na kinukulit na naman ng mommy mo ang asawa ko na makipagkita sa kanya, magdedemanda na ako!"
"Kakausapin ko po si Mommy..." umiiyak na pangako ko. Kahit hindi ko alam kung makikinig si Mommy sa akin.
Ilang taon na akong paulit-ulit na nakiusap, nagalit, at nagrebelde kay Mommy, pero wala namang nangyayari. Binabalikan niya pa rin si Daddy.
"Aalis ako, Clara!" sigaw ni Tita Becky. "Pero hindi pa tayo tapos. Hindi ka pa makontento na suportado ng asawa ko ang lahat ng gastusin niyo rito, ang gusto mo pa pati asawa ko ay makuha mo nang buo. Hindi mo na inisip ang pamilya namin. Hindi mo na inisip na may anak at asawa si Lothario!"
Dinuro pa muli ni Tita Becky si Mommy bago nagpasyang sumakay sa Toyota Rav4 na nakaparada sa tapat ng bahay namin.
Galit na tiningnan ko ang mga kapitbahay naming walang silbi. "Ano pang tinitingin-tingin niyo? Showtime is over, madlang people!"
Bago mag-alisan ang mga ito ay nagbulungan pa. Marurumi ang mga tingin na ibinabato nila sa amin. Kahit paulit-ulit ang eksenang ito, parang laging bago at interesante pa rin sa kanila.
Si Jordan naman ay nasa gilid ko lang, ayaw kong salubungin ang mga mata niya na nakatingin sa akin. Nahihiya ako sa kanya dahil kinailangan niya pang maabutan ang tagpo kanina.
Pinunasan ko ang aking luhaang mukha, pagkatapos ay tinulungan si Mommy na makatayo mula sa kinalulugmukang semento.
Lumapit sa amin si Jordan, ang hawak niyang itim na varsity jacket ay inilagay niya sa balikat ni Mommy upang matakpan ang punit nitong damit.
"Salamat," sabi ko kay Jordan nang hindi siya tinitingnan. "Pwede ka ng umalis."
Parang wala naman siyang narinig. Hindi pa rin siya umalis, sa halip ay tinulungan niya ako sa pag-alalay kay Mommy hanggang sa makapasok kami sa sala ng aming bahay.
Nakaupo na si Mommy sa sofa at tahimik na umiiyak. Gusto ko siyang sigawan, awayin pero nagpigil ako. Masyado na siyang drained sa nangyari kanina, sa ibang araw ko na lang siya kokomprontahin.
Hinarap ko si Jordan at kahit nanliliit ang aking pakiramdam ay sinikap kong salubungin ang kanyang mga tingin. "Salamat. Okay na kami. Umalis ka na."
Tumango siya. Tiningnan niya muna si Mommy bago siya tumungo sa pinto. "Aalis na po ako, Ma'am."
Maliit na nginitian siya ni Mommy. "Thank you."
Paglabas ni Jordan ng pinto ay napasunod din ako. Hindi ko siya hahayaang umalis mag-isa. Ihahatid ko siya hanggang sa labas ng eskinita, mahirap na at baka harangin pa siya ng mga chismosa sa labas at iinterrogate.
"Sasamahan na kita," habol ko sa kanya.
Wala siyang imik. Habang papunta kami sa gate ng bahay namin ay pinakikiramdaman ko siya. Hindi naman siya mukhang shocked, disappointed o disgusted sa nangyari. Parang wala lang. Seryoso lang.
Nang makarating kami sa labas ng bakuran namin ay narinig ko siyang nagsalita. "Bumalik ka na sa inyo. Gabi na."
"Lugar namin ito, safe ako rito." Siya ang hindi safe dahil may nakatambay na umpukan ng mga chismosa sa may tindahan malapit sa eskinita.
"Carlyn, bago 'yan ah!" narinig kong sabi ni Aling Cecil. Malagkit ang tingin kay Jordan.
"Aba't ang guwapo!" sabi ni Aling Barbara na lumabas pa ng kanyang tindahan para lang usyosohin kung sino ang kasama ko. "Mukhang matino, Carlyn, ah!"
Hindi ko sila pinansin. Nag-focus ako kay Jordan kahit kinakabog ngayon sa kaba ang dibdib ko. "Sige na, tara na."
Para mas mapabilis, hinahawak ko ang laylayan ng suot niyang white school polo at hinila siya.
Sa tapat ng eskinita, sa may shortcut pabalik sa highway kami huminto.
"You can go now," sabi niya. "Pumasok ka ng maaga bukas, sasamahan kita sa guidance para ireklamo ang grupo ng mga nagtangka sa 'yo kanina."
Napahingal ako. "Sinabi ko na di ba? Ayaw ko nga!"
"Hindi pwede na hindi sila maparusahan." Nagsalubong ang makakapal niyang kilay. "Mabigat ang ginawa nila kanina, hindi iyon dapat mapalampas lang."
"Ayaw ko nga!" Napataas na ang boses ko. "Please? Okay naman na ako. Ayaw ko na ng gulo, hahaba lang kasi 'yan kapag pinatulan ko."
Matagal siyang napatitig sa akin. Daig ko pa ang nilulunod sa bawat paglipas ng mga segundo at minuto.
Lumunok ako at bahagyang yumuko. "Jordan, ayaw ko ng gulo. Ayaw ko na pag-alalahanin at bigyan pa ng poproblemahin ang mommy ko. Gusto ko na lang kalimutan iyong nangyari kanina..."
Nagtagis ang mga ngipin niya pero hindi na siya nagsalita.
"Salamat ulit sa tulong mo ngayong araw..." nahihiyang sabi ko. "At pasensiya na talaga sa abala."
Tumango siya. "Bumalik ka na sa inyo, tatanawin kita bago ako papasok dito sa eskinita."
Nakagat ko ang aking ibabang labi.
Mukhang wala akong choice kung hindi gawin ang gusto niya. Hindi siya aalis hangga't hindi ako nakikitang pumapasok sa gate namin.
"Sige..." Tumalikod na ako at naglakad papunta sa bahay namin.
Bago ako pumasok sa gate ay nilingon ko ang bukana ng esikinita. Nakatayo pa rin doon si Jordan at nakatanaw nga sa akin.
Nang makapasok na ako sa gate ay saka lang rin umalis si Jordan. Hindi pa rin ako makapaniwala. Hinintay niya nga talaga akong makapasok muna. Muli akong napabuntong-hininga.
Pagpasok ko sa sala ay nakatayo na si Mommy. Nakapagpalit na ng pang-itaas na damit. Magaslaw na ang mga kilos, tila ipinapakita sa akin na okay lang siya, na hindi niya alintana ang mga kalmot at pasa niya sa kanyang katawan.
Masama ang loob ko sa kanya kaya hindi ko na tinanong kung okay nga ba siya. Kahit naman din kasi tanungin ko siya, oo lang ang isasagot niya sa akin.
"Who's that pretty boy, darling?" nakangiting tanong niya. She was pertaining to Jordan Moises Herrera.
"Schoolmate ko," matabang naman na sagot ko. Kung kausapin ako ni Mommy, akala mo walang naganap na hagaran kanina sa labas namin.
"I like him for you."
Itinirik ko ang aking mga mata.
"Carlyn, gusto mo bang kumain? Padeliver tayo ng food?"
Hindi ko na siya pinag-aksayahan pa ng panahon na sagutin. Naglakad na ako papunta sa kwarto ko. Wala akong ganang magdinner.
Sa dami ng nangyari ngayong araw na ito, ang gusto ko na lang gawin ay ipahinga ang katawan at utak ko.
Pagkagising ko kinabukasan ay hindi na rin ako nag-almusal. Naligo at nagbihis na ako agad. Ang gusto ko na lang ay umalis agad ng bahay.
Paglabas ko sa kwarto ay wala si Mommy.
Wala rin siya sa kusina, wala ring handang almusal o kahit ano. Siguro ay nasa kwarto siya at nagkukulong. Mukhang may iniinda siyang masakit sa kanyang katawan pero ayaw niya lang ipakita o ipahalata sa akin.
Sa sala ay nakita ko ang black varsity jacket ni Jordan. Nakatupi iyon at mukhang bagong laba. Mainit-init pa na halatang mula sa dryer at pagkatapos ay plinantsa.
Sumilip ako sa labas ng bintana, umuulan pala. Isinuot ko ang varsity jacket saka ako kumuha ng payong. Umalis na ako ng bahay nang hindi nagpapaalam kay Mommy.
Sa school ay dumiretso ako ng building namin. Umuulan kaya walang mga nakatambay sa labas.
Habang papalapit ako sa hagdan ay parang gustong manginig ng mga tuhod ko. Bumabalik sa isip ko ang nangyari rito sa akin kagabi.
Nakailang lunok ako bago ipinagpatuloy ang paglalakad. Pilit kong idinidikdik sa utak ko na dapat strong lang lagi ako.
Wala akong ibang kakapitan sa buhay kung hindi ang aking sarili, kaya hindi talaga ako pwedeng maging mahina.
Malapit na ako sa hagdan nang mula roon ay may bumabang babaeng estudyante. Maamo ang hugis puso niyang mukha, tila napakabait at friendly.
Nang makita ako ay ngumiti siya, ngiti na parang pagalang lang sa mga taong nakakasalubong. Kilala ko siya. Siya si Jillian Mae Herrera, isang ulirang estudyante, anak ng teacher at kapatid ni...
Nakalampas na siya sa akin nang lingunin ko siya at habulin ng tingin. Kahit wala siyang kamalay-malay, siya ang dahilan kung bakit muntik na akong mapahamak.
Tumuloy na ako sa second floor ng building kung saan naroon ang room ko.
Pagpasok ko sa room ay parang wala lang. Maligaya ang lahat sa kanya-kanyang ginagawa. Wala man lang nakakaalam sa kanila sa nangyari sa akin kagabi.
Si Isaiah ay ngumiti sa akin nang makita ako. "Carlyn, mukhang masama na naman gising mo!"
Kaumpukan niya sina Miko at Asher habang nagja-jamming sila sa likod. Ginagawa nilang gitara ang sirang armchair at beat box ang mesa ng teacher namin na nasa likod.
Ang iba naman naming classmates ay kung hindi nagse-selfie, nagse-cellphone, kumakain ng chips ay mga nagchi-chismisan. Ang ingay-ingay ng paligid, parang palengke.
Si Nelly ay nasa kanyang upuan at abala sa pagkikilay. Nang makita niya ako ay napatayo siya agad. "Car, you're here!" Bago pa siya tuluyang makalapit ay tiningnan ko siya nang masama.
"Wag kang lalapit sa akin at baka masapak kita," mahina pero mariing banta ko sa kanya.
Nagulat siya at hindi nakapagsalita. Kilala niya ako, alam niya na tototohanin ko ang banta kaya dumistansiya agad siya. Ewan ko kung aware siya sa kung ano ang kasalanan niya, baka hindi since boba siya.
Tahimik akong umupo sa upuan ko at sumubsob sa armchair. Wala akong gana ngayon sa lahat. Nag-angat lang ako ng mukha nang dumating na ang first subject teacher namin.
Pagdating ng first break ay masigla na ako. Nakamove on na kahit paano. Nakikipagharutan na ako kina Miko at Asher dito sa canteen.
"Nasaan ba si Isaiah?" inis na tanong ko sa kanila.
Akala ko ay susunod si Isaiah sa amin dito. Hanggang ngayon ay wala pa rin. Mamayang uwian ay gusto kong magpahatid sana sa kanya pauwi.
"Nasa nililigawan niya," si Miko ang sumagot.
Iyon lang at nabwiset na naman ako. Uminit ang ulo ko.
"Tuloy ba ang battle of the bands niyo sa Sabado? Pakisabi sa kanya, hindi ako pupunta kapag hindi niya ako sinundo sa amin!" inis na sabi ko.
Mas inaasikaso pa ni Isaiah ang panliligaw kaysa pagpa-practice para sa darating na Sabado. Parang tanga talaga.
Isa pa itong si Miko, kung hindi games ay syota rin ang inaasikaso. First contest ng banda nila ang battle of the bands na gaganapin sa Sabado, pero parang hindi nila sineseryoso.
"Car, astig talaga niyang varsity jacket mo. Paarbor mo na 'yan sa akin o!" pangungulit ni Miko sa akin. "Palitan ko ng oversized vintage shirt na Nirvana."
"Ayoko nga. Bigay 'to sa akin ng suitor ko, gago ka ba?" Padabog ko silang iniwan sa canteen.
Paglabas ko ay nakasimangot pa rin ako. Nakahalukipkip ako sa isang sulok nang matanaw ko si Wayne na mag-isang naglalakad. Wala ang mga minions niya ngayon.
Maamo ang mukha ng tinamaan ng magaling, hindi mo aakalaing manyakis at adik. Tila siya may hinihintay. Nang matanaw ang hinihintay ay napangiti ang kanyang mga labi.
Sa bukana ng papasok sa canteen ay naroon si Jillian Mae Herrera, ang babaeng nililigawan niya. Pero hindi ito sa kanya nakatingin.
May ibang tinitingnan si Jillian. Nang sundan ko kung ano o sino, ang nakita ko ay ang tropa ng dati kong malokong classmate na si Hugo Emmanuel Aguilar.
Napailing ako. Mukhang hindi aware si Wayne na hindi naman talaga ako ang reason kung bakit siya binusted ni Jillian. Sadyang bobo lang talaga siya.
Naglakad ako at nang malapit na ako sa kinatatayuan ni Wayne ay napatingin siya sa akin.
Sa malapitan ay napansin ko ang bukol siya sa noo. Malamang nakuha niya iyon kagabi nang masubsob siya sa pader matapos siyang tadyakan ni Jordan. Mabuti nga!
Napangisi siya sa akin, akala mo walang ginawang masama. Ang angas pa, palibhasa kasi alam niyang hindi ako magsusumbong.
Umismid siya. "Tsk, ang pangit na tuloy ng araw ko."
"Kung pangit ang araw mo, isipin mo na lang na mas pangit ka."
Lalampasan ko na siya nang bigla niyang haltakin ang isa kong braso. "You are not my girlfriend," malakas ang pagkakasabi niya, maybe he wanted Jillian to hear it.
Nanlaki ang mga mata ko dahil ang tapang niya na gumawa ng eksena rito sa canteen, dito sa maraming tao pa mismo.
"Ano ba, bitiwan mo ako!" Pilit kong hinihila ang braso ko sa mariing pagkakahawak niya. Nakatingin na ang mga estudyante ngayon sa amin.
"No," mabalasik niyang sabi. "I want the whole school to know that you're not my girlfriend! Na ipinagkakalat mo lang na tayo, pero hindi naman iyon totoo!"
"Wala akong pinagkakalat!" sigaw ko sa kanya. Naubos na ang pasensiya ko. "Hindi kita gugustuhing maging boyfriend, ang kapal ng mukha mo!"
"Really?" Tumawa siya at lalong hinigpitan ang pagkakahawak sa braso ko. "As if may karapatan kang maging choosy e pakawala ka naman!"
"Oo choosy ako at no, hindi ako pakawala! For your information, may boyfriend ako!"
Lalong natawa si Wayne. "At sino naman? Malamang patapon din 'yang katulad mo!"
"Anong patapon? Gago ka ba? Ang boyfriend ko ay si Jordan Moises Herrera!" malakas na sabi ko at huli na para marealized ko ang mga salitang nabitiwan.
Nagkaroon ng bulungan sa paligid, mas lalo ring dumami ang mga estudyante na nakatingin sa amin.
Shit! Bakit ba si Jordan ang nasabi ko? Sana si Isaiah na lang. Hayan tuloy, ang init ng mga tingin ng lahat sa akin. Of course, kilala nilang lahat si Jordan!
Natigagal naman si Wayne, mukhang unti-unti niyang napagtanto kung sino ang lalaking tumulong sa akin kagabi.
"Bitiwan mo ako," mariing utos ko sa kanya. Gusto ko nang makaalis at makatakas.
Hiyang-hiya ako sa mga tingin ng mga estudyante, pati si Jillian ay nakatingin sa amin ngayon.
"You are lying..." Pagak na tumawa si Wayne. "Fuck you! Di ka papatulan ng katulad ni Jordan. Nangangarap ka ng gising, Carlyn!"
Natanaw kong palabas ng canteen sina Miko at Asher. Nang makita nila akong hawak-hawak ni Wayne ay naging seryoso ang kanilang mga mukha. Pasugod sila sa akin nang biglang may magsalita mula sa likod ko.
"Let her go." Kalmado pero buo, malamig at mariin ang boses. Kilalang-kilala ko ito!
Nakita ko ang pagkukulay suka ng mukha ni Wayne. Kusang bumitiw ang mga kamay niya sa aking braso.
Isang mainit na palad ang humuli sa kabilang pulso ko. Nang hilahin niya ako paharap sa kanya ay nasalo ko ang malamig na kulay tanso niyang mga mata.
Napatulala ako sa kanya. It was him, Jordan Moises Herrera!
"Don't you dare touch her again," walang emosyon niyang sabi kay Wayne.
Pagkatapos ay nilingon niya ako.
"Let's go, ihahatid na kita sa classroom mo." Hawak ang aking kamay na hinila niya ako palayo sa lahat.
JF
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro