Chapter 32
Dear Jordan,
Sorry ulit sa ginawang pagsuntok sa 'yo ni Daddy. Wag kang mag-alala, naiganti na kita. Noong pinagtimpla niya ako ng kape, dinamihan ko iyong asukal.
Nangalumbaba ako sa armchair. Itinigil ko saglit ang pagsusulat. Ilang araw na kaming hindi nagkikita ni Jordan. Abala siya sa mga projects at ilang school activities. Graduating na kasi.
Sa uwian na lang sana kami magkakaroon ng time na magkasama, ang kaso naman ay consistent na si Daddy na ihatid-sundo ako. Hindi kasi busy kaya ako ang pinag-iinitan lagi.
Gustuhin ko mang maging mabuting anak ay hindi ko mapigilan na hindi mag-rebelde. Araw-araw at gabi-gabi kasing ang ingay ng bahay namin. Wala yatang oras na hindi sila nag-aaway ni Mommy.
Madalas akong hindi kumakain ng dinner at pumapasok sa school na hindi nagb-breakfast. Hindi na rin ako nakakapagbaon dahil hindi na nagluluto si Mommy sa umaga.
Palagi lang nagkukulong si Mommy sa kwarto, si Daddy naman ay nasa kusina at madalas na nag-iinom.
Ipinilig ko ang aking ulo. Ayaw ko munang maalala ang issue sa bahay. Nagpatuloy ko ang pagsusulat kay Jordan.
Malapit na ang Pasko, saan kayo magpa-Pasko? Ako baka sa bahay lang. Parang wala namang plano ang parents ko. Tsaka nga pala itatanong ko lang kung reregaluhan mo ba ako?
Idinugtong ko sa sulat na sana wag na siyang magregalo. Ang dami niya na kasing gastos sa akin. Kahit may kaya ang parents niya ay malamang na sakto lang ang ibinibigay na allowance sa kanya.
Nang matapos ko ang sulat ay itiniklop ko na. Pa-puso na pagtiklop. Nagpaturo ako kay Hugo kung paano. Suki kasi ng love letters ang itlog na iyon, at sa dami ng narereceive niyang sulat, alam niya na paano ang iba't ibang tupi sa papel.
Pagsapit ng recess sa umaga ay pinuntahan ko si Lai sa room ng Grade 12 Science Class. Speaking of Lai, nag-manifest ang sinabi ko noong una kaming magkita. Beshy ko na siya.
As usual, wala sa room nila si Jordan. Abala nga kasi masyado. Gayunpaman ay hindi siya nakakalimot na mag-iwan ng sulat kay Lai.
Nang lumapit sa akin si Lai ay parang hindi masaya ang babae. "Bakit ka andito? Sabi ko ako na ang pupunta sa 'yo." Nakalabi siya at kababakasan ng panghihinayang.
"Nakakahiya kasi ang gulo ng mga estudyante sa building namin."
Umiwas siya ng mga mata sa akin. "Okay lang naman..."
Sa akin hindi okay. Masyadong mahinhin si Lai. Hindi siya bagay sa building namin. Ang aasim kaya ng mga nakakasalubong niya sa daan bago siya makarating sa room namin. Ang liligalig pa.
Nang matanggap ko na ang letter ni Jordan ay umalis na ako bago pa dumating si Lou. Masyado na akong depressed sa buhay kaya hindi ko na keri na makarinig na naman ng kung anu-anong salita mula sa kanya. Kota na ako this year. Next year naman ulit.
Sa daan pabalik sa room ay napahawak ako sa aking bulsa kung saan naroroon ang aking coin purse. Gusto ko sana na dumaan sa canteen kaya lang naalala ko na wala na pala akong pera.
Ubos na ang forty pesos ko mula pa kahapon. Kung hindi lang ako hatid-sundo ni Daddy ay baka noong nakaraan pa ako naubusan. Lulugo-lugo akong bumalik na sa room.
Pagpasok ko sa room namin ay napakunot noo ako nang makitang may nakapatong na isang daan sa ibabaw ng armchair ko.
Napalingap agad ako sa paligid. "Kaninong pera ito?!" sigaw ko.
Tumingin lang sa akin ang mga kaklase ko. Ang mga mukha nila ay clueless.
"Hoy, kanino ngang pera sabi ito?!" ulit ko. Nakakapikon kasi bakit ngayon pa may pakalat-kalat na pera kung kailan gipit ako?
"Di namin alam, Car," si Hannah na isa sa mga kaklase ko ang sumagot.
"Di namin napansin e," sabi naman ng isa pa sa mga estudyante rito sa room.
Iwinagayway ko ang isang daang sa ere. "Ah, wala talaga, ah?! Akina 'to pag walang nag-claim!" pananakot ko. "Finders keepers!"
Ibinulsa ko na ang pera dahil wala namang kumukuha. Nandito ko nakita ko sa armchair ko kaya bahala sila riyan. Akin na 'to!
Paupo na ako sa upuan ko nang mapatingin ako sa likod kung saan naroon si Isaiah. As usual, tulog na naman siya sa armchair niya.
"Hmp!" umismid ako at naupo na.
Nag magsimula ang klase namin ay nakikiramdam pa rin ako kung may nawawalan ng pera, pero natapos ang klase hanggang first break na walang naghanap. Napangiti ako sa loob-loob. May instant pera na ako. Makakapag-lunch ako mamaya.
Lumabas ako ng breaktime sa tanghali. Sa canteen ay nanghahaba ang leeg ko sa paghahanap ng kung sino.
Bumagsak ang balikat ko dahil hindi ko namataan ang aking hinahanap. Bumili na lang ako ng burger at mineral water. Hindi na ako nag softdrinks dahil nananakit ang tagiliran ko nitong mga nakaraang araw.
Lumabas ako ng canteen pagkatapos kong bumili ng pagkain. Naupo ako sa bench habang nginangabngab ang biniling burger. Binibilang ko sa isang kamay ang natira kong pera.
100 minus worth 25 pesos na burger at worth 10 pesos na mineral water, may 65 pesos na lang ako. Titipirin ko ito. Sana lang walang ambagan sa room o kung ano pa man para di na ito mabawasan.
Ibinulsa ko na ulit ang coin purse. Habang nakaupo sa bench ay patingin-tingin ako sa mga dumaraang estudyante. Hindi ko napansin na may papalapit sa akin. Nagulat na lang ako nang bigla ay may katabi na ako.
"Jordan!" Umawang ang mga labi ko nang makita siya. Siya nga ito. Malinis na malinis ang suot na polo, maliban sa pawis sa leeg ay fresh na fresh pa rin siya kahit katirikan ng araw sa tanghali.
Ngumiti ang mapula niyang mga labi. "Hi."
Hindi ko malaman ang sasabihin. Three days kaming hindi nagkita, at namiss ko siya.
Napatingin siya sa balat ng burger na hawak ko. Nagsalubong ang mga kilay niya. "'Yan lang ang kinain mo sa lunch?"
Tumango ako. "Di naman ako gaanong gutom..."
Hindi pa rin nawawala ang pagkakasalubong ng mga kilay niya.
"Ikaw? Kumain ka na ba?"
Tiningnan niya ako ng ilang segundo, pagkatapos ay umiling siya. "Hindi pa. May inutos sa akin ang isang teacher namin."
Sinipat niya ang relong pambisig. Sinipat ko rin naman siya. Parang lalo pa siyang gumuwapo mula nang huli ko siyang makita.
Nagtaas siya ng tingin pagkuwan. "May thirty minutes before bell pa. May gagawin ka ba?"
"Uhm, wala."
"Tara." Hinawakan niya ang isang pulso ko.
"Saan?"
"Kain muna tayo."
"T-teka, Jordan—" Hindi niya na ako pinansin. Basta hinila niya na ako patayo sa bench.
Hawak-hawak niya ang pulso ko hanggang sa makarating kami sa canteen. Ang ilang mga estudyante roon ay nataon pang mga kaklase niya sa Science class. Nakatingin ang mga ito sa amin.
Balewala lang naman kay Jordan ang mga tingin. Pinaupo niya ako sa isa sa mga bakanteng upuan at mesa sa gawing gilid ng canteen.
Hindi ko na naawat si Jordan nang bumili siya ng pagkain. Dalawang order ng kanin at ulam na chicken nuggets. Tag 70 yata ang per order. Bumili rin siya ng dalawang bote ng mineral water at isang sandwich.
Hindi naman ako gutom dahil kumain na ako ng burger kaya lang nang nasa harapan ko na ang kanin at ulam ay bigla na lang kumalam ang aking sikmura. Mukhang namiss ng tiyan ko ang kanin.
Magana akong kumain na hindi ko napapansing hindi gaanong ginagalaw ni Jordan ang kanya.
Pagkaubos ko sa kanin ko ay ibinigay niya sa akin ang kalahati sa kanin niya. Nagtatanong ang mga mata ko pero nginitian niya lang ako.
Hindi na ako nahiya. Kinain ko na ang bigay niya. Ngayon ko naramdaman na gutom pa pala talaga ako.
Pagkatapos kumain ay saka ako natauhan. Late reaction iyong hiya ko. Halos ako na iyong umubos sa mga binili ni Jordan.
"Sorry." Nakangiwi ako habang nagpupunas ng tissue sa bibig.
"It's fine." Inalis niya ang takip ng mineral water saka inabot sa akin. "Drink this."
"Uhm. T-thanks..." Tinanggap ko ang tubig.
Pagkainom ko ay inabot niya rin sa akin ang sandwich at ang isa pang bote ng mineral. "Meryenda mo mamaya."
Napanganga ako nang marealize ang lahat. Hindi siya kumain. Ako lang ang talagang pinakain niya!
Sinamaan ko siya ng tingin. "Niloko mo ako! Kumain ka na e!"
Ngiti lang ang sagot niya sa akin.
Napanguso naman ako. Wala talaga akong panlaban kapag ngumingiti na siya nang ganyan.
Malapit nang mag-bell kaya nagyaya na siya. Hinatid niya ako hanggang sa labas ng building namin.
"Mag-aral ka ng mabuti," bilin niya sa akin. Ang aliwalas ng mukha niya sa sikat ng araw.
Tumango ako. "Nag-aaral na ako ng mabuti no. Kanina may quiz kami 1-10, 7 ako!"
Napangiti siya at bahagyang napailing. "That's good. Next time, 8 naman. But no pressure."
"Sus! Anong pressure? Keri ko iyon. Gusto mo next time mag 11 ako kahit 1-10 lang iyong quiz e!"
Lalo siyang napangiti. Hindi na siya nagsalita. Nakatitig na lang sa akin ang magandang uri ng mga mata niya.
Dahil katirikan ng araw at nasa parte kami na walang gaanong silong ay mas kitang-kita ko na naman ang mga perpektong detalye sa mukha ni Jordan.
Napakalinaw niya mula sa kaunting pawis sa kanyang matangos na ilong, ang makinis niyang balat, at ang mga mata niya na matingkad na kulay brown sa liwanag. Lahat ay nakakabighani.
Nakanganga ako sa kanya. Hindi pa ako matitinag sa pagtitig kung di lang ako nasanggi ng naghahagarang mga estudyanteng babae.
Inis na napalingon ako sa mga ito. "Punyeta, ano ba? Di ba kayo natingin sa dinadaan niyo?!"
"Sorry po." Mga Grade 10 yata ang mga nasa likod ko. Mga naghaharutan.
Hinawakan ako ni Jordan sa pulso. "Hayaan mo na, di naman nila sinasadya," pagpapakalma niya sa akin.
Napangiwi ako nang maalala na kasama ko nga pala siya. Dahil doon ay nawala ang aking pagkakasimangot at mabait akong ngumiti sa mga Grade 10.
Nang mag-ring ang bell ay nagpaalam na si Jordan sa akin.
Parang ayaw ko pa siyang paalisin. Namiss ko kasi talaga siya e. Yayain ko kaya siyang mag-cutting? Char.
Marahan niyang pinisil ang pisngi ko. "Pumunta ka na sa room mo. Baka may teacher na kayo."
Lumabi ako. Nakakainis talaga dahil minsan na nga lang kaming magkita tapos saglit lang kami nagkasama.
"Sige na," pagtataboy niya sa akin. Nakangiti siya pero sa mga mata niya ay makikita na parang ayaw niya pa ring umalis.
Malungkot na kinawayan ko na siya. "Sulat ka, ah..."
"Yes. Sumulat ka rin."
Patalikod na ako nang pigilan niya ako sa pulso. Nagtataka naman akong napahinto. May kinuha siya sa likod ng pants niya, wallet.
Napakunot ang noo ko nang makitang kumuha siya roon ng two hundred peso bill na buo. Nang iabot niya iyon sa akin ay napatanga ako.
Dahil hindi ko makuhang kunin ang inaabot niya ay siya na mismo ang nagpasok niyon sa bulsa ko.
"J-Jordan..." gulat na sambit ko.
Ngumiti siya. "Bayaran mo na lang ako pag may trabaho ka na."
Tumalikod na siya at naglakad paalis bago pa ako makabawi. Napakurap-kurap ako nang wala na siya.
Humakbang na rin ako papasok sa building ng Grade 11. Hindi ko alam kung maaaliw o mahihiya. Naguguluhan ako.
Buraot akong tao at hindi ako nahihiyang manghingi kahit kanino, kaya lang ngayon kay Jordan ay nagtatalo ang damdamin ko kung ano ang mararamdaman.
Papunta na ako sa hagdan nang mapatingin ako sa room na madadaanan sa gilid. Ang una kong nakita ay si Hugo na nagsusulat. May kinokopyahan siyang notebook na pag-aari siguro ng katabi niya sa upuan. Babawiin ko na sana ang aking paningin nang mabaling ang mga mata ko sa katabi niya. Natigilan ako nang makitang si Jillian pala.
Nakatingin din sa akin ang babae. Katulad pa rin nang mga nakaraan, hindi siya nakasimangot o nakangiti. Walang emosyon ang maamo niyang mukha. Napayuko ako at nagpatuloy sa paglalakad.
Sa uwian ay tamad na tamad akong tumayo dahil alam ko na nasa labas na naman ng gate si Daddy. Kung noong bata ako ay sabik ako sa kanya, ngayon naman ay sukang-suka ako. Parang parusa sa akin na makasama siya kahit ilang minuto lang sa kotse.
Sa paglabas sa pinto ay nakasabay ko pa si Isaiah. Nagbanggaan ang mga balikat namin. Kung nananadya man siya o hindi ay wala akong pakialam. Wala ako sa mood ngayon para makipagbangayan.
Pinauna ko na siyang makalabas. Sa labas ay naroon si Vivi na kasabay ang kinakapatid nitong si Eli.
Napataas ang isang kilay ko nang makitang cool lang si Isaiah. Nakipagharutan siya kina Asher at Miko. Nang dumating ang pinsan niyang si Arkanghel ay lalo silang umingay. Ang sarap nilang pagtatadyakan sa hagdan.
Pagpunta ko sa gate ay natanaw ko si Jordan na naglalakad kasama si Jillian. Ngingiti sana ako nang mapansing papasok si Daddy sa gate.
Bago makalapit si Daddy sa akin ay may kumalabit sa gilid ko. Ang nalingunan ko ay si Lai na kaklase ni Jordan sa Science Class. Yumakap sa akin ang babae na parang nagpapaalam.
Ngumiti ako kay Lai at lumayo na sa kanya. Sakto na nakalapit na sa akin si Daddy.
"Bilisan mo," malamig na sabi ni Daddy na nagpatiuna lumabas ng gate.
Dahil nasa likuran ako sa paglalakad ay malaya kong nilingon si Jordan. Makahulugan ang mga pasimple niyang tingin sa akin.
Pigil naman ang ngiti ko. Ang kaliwang kamay ko ay nasa loob ng aking bulsa. Nandoon sa loob ang sulat na pasimpleng inilagay kanina ni Lai nang yakapin ako ng babae.
Pagdating sa bahay ay dumiretso na ako sa kwarto. Iniwan ko sa sala si Daddy na mainit na naman ang ulo.
Pagsara ko ng aking pinto ay tiningnan ko na agad ang sulat ni Jordan.
I miss you.
-JMH
Maiksi lang pero ang dami ng katumbas na pakiramdam. Baon ko ang tatlong salitang ito hanggang sa mga sumunod na araw.
Sinubukan akong abutan ni Mommy ng allowance kaya lang ay inawat siya ni Daddy. Kung ayaw ko raw magutom ay magbaon ako ng pagkain, wag pera. Baka raw kasi pag may pera ako ay tumakas lang ako at gumala.
Nakipagtalo si Mommy kay Daddy tungkol sa bagay na ito, sa huli ay nagpatalo na lang si Mommy. Para walang away ay nanahimik na lang siya.
Kapansin-pansin ang panghihina ni Mommy nitong mga nakaraang araw. Gusto ko man siyang lapitan at kausapin ay nagpipigil ako. Malaki pa rin kasi ang tampo ko sa kanya.
May mga araw na hindi makapagluto si Mommy tuwing umaga kaya ako na lang ang nagluluto. Minsan nagpi-prito ako ng hotdog, itlog o meatloaf para may makain sa almusal. Nang maubos na ang stocks namin ay pumapasok na lang ako na gutom.
Nakakapag-lunch pa rin naman ako sa school dahil sa dalawang daan na bigay ni Jordan. Napagkasya ko iyon ng mahigit isang linggo. Dapat nga ay sosobra pa kaya lang ay biglang nagkaroon ng ambagan sa room.
Kahit bihira na rin kaming magkita ay patuloy pa rin kami ni Jordan sa pagpapalitan ng letters through Lai.
The next day ay twenty pesos na lang ang pera ko. Hindi na ako nakapag-lunch dahil kapos-kapos na. Hindi pa ako bayad sa panibagong ambagan. Tag two-hundred-fifty para sa Christmas party.
Unang recess namin ay di na ako lumabas kahit nagugutom. Sabado naman na bukas kaya magtitiis na lang ako.
Ang problema ko na lang ay ang weekend. Napaka-boring sa bahay namin. Pinaputol ni Daddy ang Netflix subscription tapos wala pa rin akong cellphone.
Ang gusto ni Daddy ay mag-aral lang ako kapag walang pasok. Ayaw niya rin akong palabasin kahit sa tindahan lang. Ganoon daw si Ate Jade kaya dapat ay gayahin ko.
Okay lang naman na mag-stay ako sa bahay basta may foodtrip. Ang kaso kahit mani o crackers ay wala. Badtrip.
Breaktime nang dumating ulit si Lai. Parang sinisilihan ang pwet ko nang labasin siya. Excited ako palagi sa mga sulat ni Jordan. Kahit pa maiiksi lang ang mga iyon ay palagi kong nilu-look forward.
Napamaang ako kasi imbes na sulat ay isang standard size na box ang dala ni Lai.
"Pinabibigay ni Jordan." Ngiting-ngiti ang babae nang iabot sa akin ang kahon na apat na ulit ang laki sa lalagyanan ng sapatos. Nakabalot ito ng kulay pink na gift wrapper.
"Ano ito?" Tinanggap ko ang kahon na hindi ko alam kung ano ang laman.
"Basta pinabibigay niya." Hindi pa rin mapalis ang pagkakangiti ni Lai pero ang mga mata niya ay hindi sa akin nakatingin kundi sa loob ng classroom namin.
Kinuha ko ang sulat na ginawa ko at inabot kay Lai. "Thanks, Lai."
"Welcome!" masayang sabi niya at sumulyap pa ulit sa loob ng classroom namin bago umalis.
Pagkaalis ni Lai at tumalikod na ako. Papasok ako sa room nang makabangga ko ang papalabas na si Asher.
"Ano ba? Bulag ka ba?!" singhal ko sa kanya.
Ngingisi-ngisi lang naman ang lalaki saka nakapamulsang lumabas ng room namin. Ewan kung saan pupunta. Muntanga.
Bumalik na ako sa upuan ko at ipinatong ang kahon sa ibabaw ng armchair. May note ito sa itaas na computerized. Nakalagay: Smile before you open.
Namalayan ko na lang na nangingiti na nga ako. Nang tingnan ko ang paligid kung may nakatingin sa akin ay nakahinga ako nang maluwag nang makita na wala naman.
Binuksan ko ang box, at napasinghap nang makita ang loob nito. Mga chips, biscuits, chocolates, gummy bears, at isang malaking plastic na garapon ng Stick-O. May malaking balot din ng Mik-Mik!
Ang pigil na ngiti ko ay lumawak hanggang sa napapahagikhik na ako. Natigil lang ang ligaya ko nang pumasok sa pinto ng room si Isaiah. Nakataas na naman ang kilay sa akin na parang gago.
Inirapan ko siya at saka inisa-isa ang mga laman ng pa-box ni Mayor. May letter din pala sa loob.
This time ay hindi sa simpleng papel nakasulat ang letter. Nasa stationary ito at nakasobre pa. Ang cute-cute.
Wag kang magpapagutom. Wag kang magpapasaway sa parents mo. Matulog ka sa oras. Mag-aral ka ng lesson. Gumawa ng assignments.
-JMH
Sisimangot na sana ako sa laman ng sulat kung di ko lang nakita na may nakasulat pa sa ibaba.
PS. Most importantly, don't you dare forget about me :)
Dahil doon ay maligaya at buhay na buhay na naman ako buong klase. Kahit nang uwian na ay masaya pa rin ako kahit pa sinundo na naman ako ni Daddy.
Nalungkot lang ulit ako nang sumapit na ang Christmas party. Hindi ako nakasali dahil wala akong pang ambag. Hindi ko na rin nakita pa si Jordan dahil nagbakasyon na.
Bisperas ng Pasko na ang lungkot-lungkot ko. Umalis si Daddy matapos nilang magsagutan na naman ni Mommy. Mabuti pa sa labas namin masaya. Maingay dahil kali-kaliwa ang mga nagv-videoke. Mga lasing na ang mga kapitbahay dahil kanina pa sila nagkakasiyahan.
Si Mommy ay nagkulong na naman sa kwarto. Maghapon siya roon hanggang sa abutin siya ng gabi. Wala siyang ganang kumain kaya hindi na rin ako nagsaing.
Nang mag-bagong taon naman ay mas malala ang nangyari. Sumugod si Tita Becky. Nagkaroon na naman ng live show sa labas ng bahay namin.
Pagkatapos ng gulo ay kinaladkad ni Daddy si Tita Becky paalis. Pagbalik ni Daddy ay lasing na lasing na ang lalaki. Si Mommy naman ay nagkulong na naman sa kwarto hanggang gumabi.
Sumilip ako sa bintana ng aking kwarto bandang 1:30 am. Tapos na ang count down. Nagsipasukan na ang mga tao sa kanya-kanyang bahay nila.
Pabalik na ako sa kama nang mapatingin ako sa gate namin. May tao sa labas. Madilim sa banda roon kaya anino lang ang aking nakita.
Umawang ang mga labi ko nang makitang umakyat ang anino sa gate namin. Napamulagat ako. "Isaiah?"
Nagsuot agad ako ng bra at dali-daling lumabas ng kwarto. Kinakabahan ako kasi nasa sala lang natutulog si Daddy. Dahan-dahan ang paghakbang ko hanggang sa makarating sa main door ng bahay. Ingat na ingat ako na wag magigising si Daddy sa sofa.
Tangina talaga ni Isaiah. Ano na naman ba ang trip niyang hayup siya?
Mabuti na lang talaga at lasing na lasing si Daddy kaya ni hindi man lang naalimpungatan kahit nang tumunog ang pag ikot ko sa doorknob.
Paglabas ko ay hindi ko na binuksan pa ang ilaw. Ang matangkad na anino ay nasa loob na ng bakuran namin. Kahit bahagyang madilim ay nasisinag ko ang suot niya. T-shirt at shorts. May suot din siyang cap sa ulo.
Pagkalapit na pagkalapit ko sa kanya ay sinapak ko siya agad. "Gago ka, bat ka andito?!"
Hindi siya kumibo kaya hinila ko ang t-shirt niya sa kwelyo. Bumagsak sa lapag ang suot niyang sombrelo.
Ganoon na lang ang gulat ko nang mag-angat siya ng mukha, at magtama ang aming paningin. Nakangiwi ang mapula niyang mga labi sa akin.
"Jordan..." bulalas ko.
JF
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro