Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 3

HINDING-HINDI magkakagusto sa isang katulad ko?


Inulit-ulit ko sa isip ang mga binitiwan niyang salita, nakakapikon. Anong ibig sabihin niya roon? Porket ba hindi ako matalino, wala sa highest section, hindi niya na ako posibleng magustuhan? Like ever?


Pinilit kong hilain ang palda ko na nasabit sa sirang bahagi ng upuang kahoy. Sumabit ang sinulid kaya hindi maalis-alis, sa inis ay basta ko na lang itong hinaltak.


Nagmamartsa akong lumakad papunta sa gate. Wala na masyadong mga estudyante dahil papadilim na. Kanina pa nag-uwian ang lahat. Nakasimangot ako sa isip ay minumura sina Isaiah. Mantak ba namang iwan ako? Mga walanghiya.


Mga walang kwentang tropa, nang-iiwan sa gitna ng kagipitan. Wala silang kamalay-malay na hinamak ng Jordan Moises Herrera na 'yan ang pagkatao ko.


Malapit na ako sa gate nang maparaan ako sa mga nakatambay na lalaking estudyante sa tapat ng faculty. Nakangisi silang lahat sa akin, partikular sa gawing likuran ng aking palda. Mga mukhang tanga, real talk lang, mga mukha namang kulang sa ligo.


Nilampasan ko sila hanggang sa makalabas ng gate. Marami pang tambay sa labas ng school, hanggang sa patungo sa highway kung saan sakayan ng jeep at tricycle.


Naglalakad ako nang matanaw ko si Jordan sa tapat ng tindahan. Nandoon na naman siya na parang may hinihintay. Sa balikat niya ay may nakasampay na color black varsity jacket. Ang mukha niya ay hindi nakasimangot at hindi rin nakangiti. Basta seryoso lang.


So hindi pa pala umuuwi ang hari ng mga suplado. Akala mo kung sinong guwapo na nakatayo habang nakapamulsa. Duh! Mas guwapo pa si Isaiah sa kanya, no!


Hindi ko namalayang bumabagal na pala ang aking bawat hakbang. Nakatingin lang ako sa kanya at hindi ko maiwasang magtaas ng kilay habang papalapit sa kanyang kinatatayuan. Guwapo naman talaga ang supladong ito.


Napansin niya yata na may nakatingin sa kanya kaya napalingon siya sa gawi ko. Nagsalubong ang makakapal niyang kilay nang makita ako.


Sinamantala ko na nagtama ang aming mga mata, inirapan ko siya at inismiran. Tila nagulat siya dahil napaawang ang mapula niyang mga labi.


Nagpatuloy ako sa paglalakad hanggang makalampas sa kanya. Tulala pa rin siya sa akin. Hindi yata sanay na tinatarayan.


Nakalayo na ako, nasa tapat na ng hintuan ng jeep, nang maisipan ko siyang lingunin. Nakayuko siya at parang may pinag-iisipan nang malalim.


Aalisin ko na ang aking paningin sa kanya nang mag-angat siya ng mukha. Sa akin siya nakatingin nang magsimula siyang maglakad.


Wait, sa akin ba siya papapunta? Nahugot ko ang aking paghinga habang papalapit siya. 


Aawayin niya ba ako? Pagsasabihan? Ano? Huminto siya sa aking harapan na hindi ko alam ang kanyang sadya. Nakatingin lang siya sa akin at parang pinag-iisipan pa kung magsasalita ba siya o hindi.


"A-anong problema mo?" nauutal na tanong ko dahil hindi ko na matagalan na nakatingin lang siya sa akin.


Okay lang sana na tumingin siya sa akin basta hindi siya ganito kaguwapo kung makatingin. Nakakainis e, parang gusto ko tuloy siyang ilagay sa bag ko at iuwi.


Nagulat ako nang iabot niya sa akin ang dala niyang jacket.


"Para saan 'yan?" nagtatakang tanong ko. Aanhin ko naman ang jacket niya?


Hindi siya kumibo. Sumimangot lang.


Kumunot ang aking noo nang makitang padaan sa gilid namin ang mga tambay na lalaking estudyante na nakita ko sa loob ng school kanina, iyong malalakas ang loob na ngisihan ako e mga mukha namang kulang sa ligo.


Ang mga lalaking estudyante ay salitang sumulyap na naman sa gawing likod ng aking palda.


"Put this around your waist," narinig ko ang malamig na boses ni Jordan.


Nanlaki ang mga mata ko nang marealized kung bakit niya ako binibigyan ng jacket. Pagtingin ko sa palda ko, punit pala ang gilid nito.


Pahaba ang punit, wakwak hanggang gitna. Nakalaylay iyon at kitang-kita ang likod ng aking hita at dulo ng maiksi kong shorts sa loob. Maiksi lang ang school blouse ko, plus shoulder bag ang gamit kong bag, wala akong ibang ipangtatakip sa punit ng aking palda.


Napatingin ako kay Jordan at walang sabi-sabing hinablot ko ang ibinibigay niyang jacket. Itinali ko agad iyon sa aking bewang para matakpan ang likod. Magpapasalamat sana ako ang kaso ay hindi ko na naituloy dahil nakasimangot siya.


"Hindi ko bigay sa 'yo iyan. Isoli mo sa akin bukas," pagkasabi'y tinalikuran niya na ako.


Naiwan akong nakatanga at nakahabol ng tingin sa kanya. Sumakay siya ng jeep na hindi man lang nag-abalang lingunin ako ulit.


Napakasungit!


Ang kaso sa ginawa niyang pagpapahiram sa akin ng jacket ay nabura ang inis ko sa kanya. Kahit gigil pa rin ako ay na-appreciate ko ang ginawa niya.


Sa pag-uwi sa bahay ay agad kong hinubad ang jacket. Wala sa loob na inamoy ko ito. Hmn, mabango. Amoy suplado.


Pumunta ako sa kusina at naabutan ko roon si Mommy na nakatulala sa kumukulong sinaing. "Mom, nandito na ako."


Napapitlag siya at halatang hindi niya namalayan na nakauwi na ako. "Darling, you're home." Ngumiti siya nang makabawi sa pagkabigla.


Inabot ko sa kanya ang jacket ni Jordan. "Pakilabhan, Mom. I need that tomorrow." Kaya iyong matuyo agad dahil may automatic washing machine with dryer kami.


"Kanino ito?" Nagtatakang napatitig siya sa varsity jacket.


"Sa manliligaw ko po."


Pagkasagot ay umalis na ako dahil baka magtanong pa si Mommy. Paghiga ko sa aking kama ay napailing ako.


May something kay Jordan Moises Herrera. Ginugulo niya ang dating tahimik kong mundo. Wow lalim.


Kanina hate ko siya, hindi na nga lang ako sure ngayon. Isa siyang palaisipan sa akin.


Pero hindi nga, naiinis ako sa kanya. Naiinis ako dahil ang guwapo niya, dahil suplado siya, at naiinis ako sa sinabi niyang walang maniniwala na magkakagusto siya sa isang katulad ko. Real talk, aware ako na maganda ako at malakas ang appeal. Totoo akong tao, magaling makisama at hindi maarte.


O baka ang ibig niyang sabihin ay dahil sa hindi ako matalino? Dahil nasa lowest section ako? Nakaka-insulto siya, ah. Kahit hindi ako matalino, always complete attendance naman ako!


Para maiiwas ang pag-iisip sa kanya ay itinext ko na lang si Isaiah. Tutal si Isaiah naman talaga ang crush ko.


Me:

Hoy, bakit mo niyo ako iniwan kanina? Mga walanghiya kayo!


Saglit lang ay nag-reply na agad si Isaiah. Napangiti ako nang magbeep ang aking phone. Ito ang gusto ko sa ulupong na ito, never niya akong pinaghihintay.


Isaiah:

Sorry na.


Me:

Walang sorry-sorry! San ka? Punta ka rito sa amin, tambay ka. Magmotor ka na lang.


Umahon ako sa kama. Wala naman akong gagawin ngayon at gusto ko ng makakausap. Pwede ring sumama na lang ako kay Isaiah mag-stroll.


Kaya lang ay bumagsak ang balikat ko nang magreply si Isaiah.


Isaiah:

Pass. Nag-aaral ako ng lesson natin e.


Nagusot ang ilong ko sa reply niya. Dati ay hindi ako naniniwala na nag-aaral na siya nang mabuti, pero since last year ay nagsimula na akong maniwala. Bigla na lang kasi siyang nasali sa top.


Ano kayang nangyayari kay Isaiah? Bakit kaya bigla-bigla na lang siyang sinipag sa pag-aaral? Parang dati lang e pasimuno siya ng katamaran.


Nagtype ako ng reply. Kung gusto niya na ang matinong landas, hindi ko siya hahadlangan. Actually, mas lalo ko siyang naging crush. Hindi na siya patapon ngayon. May direksyon na ang buhay niya.


Me:

Sige, kita-kits na lang bukas. Bumawi ka sa akin. Saka sa sa battle of the bands sa Sabado, shout out mo ko bago kayo tumugtog. =)


Hindi na siya nag-reply pa. Mukhang busy nga sa pag-aaral. Bumalik na lang ulit ako sa pagkakahiga.


Nang magbeep muli ang phone ko ay dali-dali ko iyong tiningnan. Akala ko si Isaiah pero si Nelly lang pala.


Nelly:

Hoy Carlyn! Nagpost si Charles Felix Columna sa FB! Pinariringgan ka hahahahaha.


Ano na namang drama ng feeling boyfriend of the year? Dahil bored at walang magawa, hindi naman ako pinapatulong ni Mommy sa gawaing bahay, nag-Facebook na lang ako.


Two weeks ago na pala akong ina-add ni Charles sa FB, ngayon ko lang nakita. In-accept ko ang friend request niya saka ibrinowse ang kanyang timeline. Hinanap ko ang latest post niya.


Charles Felix Columna's Facebook status: Playgirl ampota di naman ganon kaganda! 


Maraming comments, mga nakikisawsaw. Karamihan sa comments ay mga girls na halatang nagpapapansin lang kay Charles.


Isang comment ang nagpainit sa ulo ko. Galing sa bruhang si Nelly.


Nelly Rose Madlangbayan: @Charles, bakit di mo pa itag si @Carlyn Marie Tamayo, papost-post ka pa duwag ka naman. Bat di mo matanggap kasi na ayaw na niya sa yo? Move on na lang kasi amp!


Pinagsasabi nitong hangal na ito?


Maraming nag-react sa comment ni Nelly. Hindi ako binanggit ni Charles sa post, pero heto at nagbigay siya ng idea sa mga chismosa. Ang dami tuloy reacts galing sa mga pakialamerang nilalang.


Princess Angeline Sipat: OMG! Carlyn strikes again!


Jessa Fe Ruiz: Si Carlyn pala pinatatamaan! Issue o, @tag multiple friends


Rose Ann Camacho: Cheer up @Charles di ka niya deserve! By the way, hi! Kumain ka na ba?


Kristine Lei Tagle: Yeah, I heard na BF rin ngayon ni Carlyn si  @Wayne Daniel Chung Wow, pinagsabay kayo? And wait! Suitor ng top 1 namin si Wayne, ah? Inagaw niya? 


Mary Joy Jimenez: Lahat ng guwapo di talaga pinaliligtas ni Mareng Carlyn. Haha! 


Hugo Emmanuel Aguilar: Ako na lang ang gwapo rito na di nagiging syota nyan. Carlyn, ano na? Galaw-galaw. HAHAHAHAHAHAHAHAHA


Kumikibot ang sentido ko sa asar. Marurunong pa ang mga lintek kaysa sa akin. Anyway, wala namang katotohanan mga pinagsasabi nila kaya deadma.


Since busy si Isaiah, wala akong makausap ay bumalik na lang ako sa pagkakahiga sa kama. Tumulala ako sa kisame.


Sa puting kisame ng aking kwarto ay bigla na lang lumitaw ang nakasimangot na mukha ni Jordan Moises Herrera kanina. Napangiti ako.


Ano kayang ginagawa ng suplado na iyon ngayon?


Bakit kaya niya pinahiram sa akin ang kanyang jacket? Ano bang pakialam niya kung punit ang palda ko? Bakit siya concerned?


Kung magsalita siya ay parang ako na ang pinakawalang kwentang estudyante sa Gov na nakilala niya. Lantaran niya pang sinabi sa akin na malabo niyang magugustuhan ang isang katulad ko.


Understandable naman kung di niya talaga ako magugustuhan. Hindi kami bagay. Masyadong magkalayo ang mga personalities namin.


But what if maging boyfriend ko nga siya? Malamang na buong Gov ay mapapanganga. Including the teachers and all the mahaderas out there.


Imposible ang naiisip ko pero nakakatuwa lang talagang isipin. Nakakatuwa lang iimagine ang magiging reaction ng lahat. Paano nga kaya ano?


Kinabukasan ay bitbit ko ang jacket ni Jordan. Excited ako papasok sa school. Ibabalik ko ngayon sa kanya ang jacket. Bagong laba ito at pinaliguan ko pa ng Penshoppe cologne, iyong fruity flavor.


Sa bench ay nadaanan kong nakatambay sina Miko at Asher, mga tropa, minus Isaiah. Nagja-jamming sila habang nagpo-phone.


"Hoy, buhay pa si Carlyn! Nice!" sigaw ni Miko nang matanaw ako. Napatingin siya sa bitbit kong color black varsity jacket. "Astig niyang jacket mo. Arbor na 'yan."


"Lolo mo arbor."


Tumayo siya at sinalubong ako. "Hoy, igalang mo naman ang lolo ko! Deads na 'yun!"


"Saan pala si Isaiah?" tanong ko sa kanila. Madalas kasi silang magkakasama, kaya nakapagtataka na ngayon ay hindi.


"Baka kasama si Arkanghel," si Asher ang sumagot.


Si Arkanghel ay pinsan ni Isaiah. Naging kaklase naming dalawa noong Grade 8. Tropa rin siya,  hindi nga lang sumasama sa mga tambay namin. Mas gusto laging mag-isa. Parang may galit sa earth.


"Hindi sila magkasama," ani Miko na hindi makatingin sa akin.


Parang nakatunog naman si Asher at biglang napayuko. Para silang may itinatago sa akin. Nakakairita na nakaka-curious.


Kwinelyuhan ko si Miko dahil ang siya ang mas malapit sa akin. "Nasaan nga si Isaiah kung hindi sila magkasama ni Arkanghel?"


Nagkatinginan muna ang dalawa bago mahinang nagsalita si Miko. "May pinopormahan."


Natigilan ako. "Nanliligaw?" ulit ko na kulang na lang ay masuntok ko silang dalawa.


"Oo nga," kakamot-kamot na sagot ni Asher. "Muse ng kabilang section. Vivian Chanel pangalan. Kaklase niyo dati."


Napataas ang aking isang kilay. Si Vivian Chanel Contamina o mas kilala sa tawag na 'Vivi'. Naging kaklase ko na rin dati. Maganda ang babae, mahinhin, walang dila. Hindi yata kasi nagsasalita. Kumbaga, patay na bata. Mula pa noong Grade 9 kami, trip na iyon ni Isaiah, pero deadma lang siya. Akala ko sinukuan na niya, hindi pa rin pala.


Gusto pa rin ba talaga ni Isaiah iyon? Hindi naman siguro. Hindi naman kasi mahilig sa babae si Isaiah, na-attract lang talaga siya noon kay Vivi dahil sikat ang babae. Palagi itong nakukuhang muse, pero never naman nanalo. Hanggang first runner up lang, kasi wala namang talent, at saka sabaw pa sumagot sa question and answer. 


"Hoy, Carlyn! Tambay ka muna!" tawag ni Asher sa akin nang iwan ko na sila sa bench.


Hindi ko pinansin ang yaya nila sa akin. Nababanas ako sa pagmumukha nila. Saka baka dumating na si Nelly, kumukulo ang dugo ko sa isang iyon.


Dumiretso na ako sa paglalakad. Naaasar ako kay Isaiah kaya pupuntahan ko na lang muna si Jordan Moises Herrera. Ibabalik ko ang jacket niya tapos magpapa-cute na rin ako.


Ano ngayon kung hindi ako type? Baka lang makalusot. Doon na nga ako sa Science Building nagpunta. Pagkarating ko sa tapat ng Grade 12 room ay hinanap agad ng aking mga mata ang sadya ko. Nasaan kaya siya?


May mga estudyante na sa loob, pero wala si Jordan. Late ba siya? Parang hindi kapani-paniwala. Alam ko ay palagi siyang maagang pumapasok.


"Sinong hinahanap mo?" Nagulat ako nang biglang may lumapit at magtanong sa akin. Babaeng estudyante, nakasalamin at mukhang matalino.


Napatingin ako sa mukha niya, simple lang siya. Mukhang friendly at mabait kaysa roon kay 'Do You Know Her'.


Nginitian ko siya. "Si Jordan Moises Herrera."


Ngumiti rin siya. "Ah, si Jordan? Wala. Lumabas kanina e."


"Ganoon ba? Sige, thanks." Mukha talaga siyang mabait at parang gusto ko biglang magkaroon ng best friend na taga Science Class. "Ako nga pala si Carlyn, ikaw?"


Saglit lang siyang nagulat at pagkatapos ay nakangiting sumagot. "Laila. Lai na lang."


Kinuha ko agad ang kamay niya at kinamayan siya. "Nice meeting you, Lai."


Masaya akong umalis ng Science Building. Meron na akong kaibigan na taga Science Class. In the near future ay pwedeng maging mata ko siya kay Jordan kapag naging kami—


Natigilan ako bigla sa paglalakad nang marealize ang tumatakbo sa isip ko. Pero napangiti na rin ako pagkatapos.


So what kung maging kami nga ni Jordan? Kahit suplado siya at hindi ko type, hindi ko made-deny ang fact na napakaguwapo niya. Good catch siya, masarap ipang-rampa. Trophy siya na  panghampas sa mukha ng mga G na G sa akin dito sa school.


Hindi niya rin ako type at iyon ang isa pa iyon sa mga nakaka-thrill. Ang ngiti ko ay unti-unting nauwi sa isang ngisi.


Wala namang mawawala sa akin kahit maging kami ng lalaking iyon. Pang display lang, hindi ko naman siya seseryosohin.


Nag-isip ako kung saan siya matatagpuan. I needed to see him now. Kapag matalino, usually kung hindi sa classroom, faculty ay sa library mo sila makikita. Okay, nakapag-decide na ako na sa library pumunta.


Pagkarating sa library ay inilabas ko agad ang aking ID. Kailangan kasing mag-log in at mag-iwan ng ID bago makapasok sa loob.


Ang bantay ng library ay ang classmate ko noong Grace 10 na si Ruth. Top 1 namin lagi at sobrang bida-bida. Inis ako sa double chin niya.


"Anong gagawin mo rito?" nakasimangot niyang tanong nang makita ako.


"Obvious ba? E di magbabasa. Alangang magswimming ako rito."


Nginitian ko siya dahil naiintindihan ko naman na nakakagulat talaga na matagpuan ako sa ganitong lugar. Allergic ako sa libro at mas gusto kong mag-retouch ng foundation at kilay tuwing free time kaysa magreview at magbasa.


"ID mo."


"O." Inilapag ko sa harapan niya ang ID ko saka ako nagsulat sa papel na nasa desk. "Pasok na ako, ah? Marami-rami akong aaralin ngayon e."


Tumirik lang ang mga mata niya. Sarap pitikin ng fake lashes.


Pagpasok sa loob ay natagpuan ko agad si Jordan sa dulo ng library. May suot siyang salamin sa mata, na ngayon ko lang nakita. At bagay sa kanya. May hawak siyang libro at tahimik niya iyong binabasa.


Ini-ready ko na ang pamatay kong ngiti at nilapitan siya. "Hi."


Tumaas ang tingin niya sa akin pero wala naman siyang kahit anong reaction. Ni hindi man lang siya nagulat na may naligaw na diwata rito sa library.


"Hi," ulit ko sa pagbati. Inilapag ko sa ibabaw ng mesa ang jacket niya. "Thank you pala rito."


Tinapunan niya lang ng sulyap ang jacket at bumalik na siya sa binabasa. Ang suplado talaga.


Nanatili naman akong nakatingin sa kanya. Wala lang, natutuwa kasi ako sa mahahaba niyang pilik-mata habang nakayuko siya. Saka ang perpekto talaga ng pagkatangos ng kanyang ilong. At iyong mga labi niya, ang pula at ang ganda ng hugis, marunong kaya iyong magmura?


"I don't like being watched," simpleng sabi niya.


Napakamot ako ng pisngi. Nafeel niya pala iyong mga titig ko? Astig naman.


Naupo ako sa katapat niya. "Hmn? Ano bang magandang basahin?" tanong ko sa hangin, pero syempre parinig ko na rin iyon sa kanya.


Kinutingting ko ang mga libro sa harapan niya. Puro tungkol sa Biology.


"Hmn? Maganda ba ito? May mare-recommend ka ba—"


"This is not a comic shop." Ibinaba niya ang hawak niyang libro.


"Ito naman. Bakit ba ang init ng ulo mo? Parang nagtatanong lang kung may mare-recommend ka sa akin e. Feeling mo naman bobo ako? Excuse me, I know what is Biology!"


Tinaasan niya ako ng kilay. Parang mas lalo pa siyang gumuwapo nang magsuplado, nataranta tuloy ako.


"Biology is..." Mabilis kong sinulyapan ang libro sa aking harapan at binasa ang nakasulat doon. "Biology is the scientific study of life!"


Nagulat ako nang bigla siyang napangiti, napailing.


Wow, totoo ba itong nakikita ko? Parang hindi ko kayang paniwalaan. Ang kaso hindi rin nagtagal ay bumalik na sa pagiging seryoso ang emosyon ng kanyang mukha. Nakakainis, ang bilis ng mood.


"Uhm, baka pwede kitang ilibre ng fishball?" panunubok ko. Hindi ko ugaling manlibre ng lalaki, ako kasi ang madalas na nililibre ng lalaki. 


"What?" Napataas ang tingin niya sa akin.


Matamis akong ngumiti. "Pagtanaw lang ng utang na loob kasi pinahiram mo sa akin iyong jacket mo."


Umiling siya at walang emosyong sumagot. "I don't eat street foods."


"Ha? Ang corny mo naman pala."


Kumunot lang saglit ang noo niya at nagpatuloy na ulit sa pagbabasa ng hawak na libro.


"Bakit mo pala ako pinahiram ng jacket kahapon? Hindi naman tayo close para maging concerned ko sa akin. Naisip ko lang na baka narealize mong type mo pala ako."


"I am not responsible for what you understand."


Napanguso ako. "Required ba sa mga taga Science Class na laging naka-english? Malapit nang reglahin ilong ko sa 'yo e."


Nahuli ko ang pag-alon ng kanyang lalamunan, pero hindi naman siya nagsalita. Nagpatuloy pa rin sa pagbabasa at pang-i-snob sa akin.


"Alam mo ba ang kasabihang 'Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa malansang fucking fish!'"


"Sshhh!" saway ng mga estudyanteng nasa kabilang table.


Nakita ko na palapit na sa mesa namin ni Jordan si Ruth. "Carlyn, ano ba 'yan? Akala ko ba magbabasa ka? Nanggugulo ka lang yata rito e."


Mabilis kong hinablot ang libro na hawak ni Jordan. "Anong nanggugulo? 'Kita mong nag-aaral ako!"


Hindi pinansin ni Ruth ang sinasabi ko, hinarap niya si Jordan at malumanay na kinausap. "Jordan, pasensiya ka na, ha? Ginugulo ka ba niya?"


"Hoy, hindi ko siya ginugulo!" gigil na asik ko kay Ruth. Bakit kay Jordan ang hinahon niya makipagusap, sa akin hindi?


Tumayo na si Jordan at tinanguan si Ruth. "It's okay, paalis na rin naman na ako."


Napatanga ako nang kunin na ni Jordan ang mga libro sa mesa at tahimik na umalis. Iyong jacket, naiwan niya!


Nang wala na si Jordan ay seryosong hinarap ako ni Ruth. "Carlyn, mahiya ka nga. Feeling mo naman maisasali mo si Jordan sa listahan ng mga lalaki mo. Wake up, girl. Hindi mo siya ka-level."


Padabog na umalis na ako sa library. Buong araw ay badtrip ako.


Ang kapal ng mukha ni Ruth na husgahan ako. Maging boyfriend ko lang si Jordan, lalaplapin ko iyon sa harapan niya. Makita niya!


Napangiwi ako. Ew! Kahit naman maharot ako, wala pa akong first kiss, 'tapos manlalaplap agad? Baka manguya ko lang ang red lips ni Jordan, kawawa naman.


7:00pm na ako nag-ayos at nagready na umuwi dahil kasali ako sa cleaners ngayong araw. Saka ayaw ko pa ring umuwi dahil naiinis ako kay Isaiah. Buong klase kasi na busy siya sa pag-aaral o kung di naman ay sa kaka-cellphone. Para siyang nagkaroon bigla ng sariling mundo. Hindi ko na siya mareach.


Paglabas ni Isaiah ng room kanina ay pasimple ko siyang sinundan sa labas. Nakita ko siyang pumunta sa kabilang section. Mukhang sabay silang uuwi ng nililigawan niya. Ibig sabihin, hindi ako pwedeng sumabay sa kanya ngayon.


Palabas ako ng classroom nang makaeceive ako ng text from an unknown number. But the way ng pagkakasabi sa text, alam ko na agad na mula ito sa legal wife ni Daddy.


+639-4985-0026**
Carlyn, malaki ka na. May isip ka na. Alam mong mali ang ginagawa ng nanay mo na paghahabol sa lalaking may asawa na! Sana man lang pagsabihan mo! Sana man lang pigilan mo! Wag kayong manira ng pamilya!


Dineretso delete ko ang text message. Blangko ang aking mukha nang bumaba ng building namin.


Wala nang ibang tao maliban sa akin. Hinintay ko talaga na umalis ang lahat para wala na akong makakasabay sa daan bago ako uuwi. Hindi okay ang mood ko. Gusto kong mapag-isa, ayaw ko munang makakita ng mga tao ngayon.


Madilim na sa labas nang tumapak ako sa first floor ng building. Natigilan ako nang makita ang apat na lalaking nakatayo sa ibaba na tila ako ang hinihintay. Mga estudyante rin sila rito, pero hindi na nakasuot ng mga polo. T-shirts na lang.


"'Yan na," narinig kong sabi ng isa sa kanila. 


Ang pinakamatangkad sa kanila ay napatingin sa akin. Maputi, singkit. Guwapo naman pero hindi ko feel. Nakilala ko agad siya, si Wayne Daniel Chung from higher section.


"Wayne..." Hindi ko alam kung bakit bigla akong kinutuban nang masama nang magsimula siyang humakbang patungo sa akin.


"Hi, Carlyn." Walang kangiti-ngiti ang mga labi niya, bahagya ring namumula ang singkit niyang mga mata.


"Anong kailangan mo?" pagmamatapang na tanong ko kahit pa natatakot ako dahil pati ang mga kasama niya ay parang namumula rin ang mga mata. Bigla ay nagsisisi na ako na nagpaiwan pa ako at nagpagabi rito sa building. Sana pala ay sumabay na lang ako sa iba.


"Maganda pala talaga 'yan," sabi ng kalbong kasama niya.


"Maganda pero laspag na," sabi naman ng lalaking naunang magsalita kanina.


Nagtagis ang mga ngipin ko pero hindi ako umimik. Masyado ng magulo ang utak ko ngayon kaya hindi ko na lang sila pinansin. Tahimik na naglakad ako palampas sa kanila, kaya lang ay humarang ang dalawa niyang kasama.


"Ano ba?!" singhal ko. "Ano bang kailangan niyo?!" Ayaw nila akong paalisin. 


"Alam mo ba ang ginawa mo?" tanong ni Wayne sa akin. "Ipinagkalat mo lang naman na girlfriend kita."


Napanganga ako. Kailan ko ipinagkalat? Ni wala nga akong pakialam sa kanya!


"Porket nginingitian ka ni Wayne, feeling mo type ka na niya? Ayan, dahil sa pagkakalat mo na kayo, binusted tuloy siya ni Jillian!" sabat ng isa sa mga kasama niya. "Grade 8 pa lang, nililigawan na iyon ni Wayne, pero binusted siya kahapon dahil sa 'yo!"


"Hindi ko ipinagkakalat na—" Hindi ko natapos ang aking pagsasalita nang bigla akong sampalin nang malakas ni Wayne.


Napausod ako at para akong nabingi ng ilang minuto sa lakas. Gulat na napatingala ako sa kanya.


"Sa tingin mo ba papatulan kita? Sa tingin mo ipagpapalit ko sa 'yo si Jillian?!" Biglang nanlisik ang singkit niyang mga mata. "Compared to you, si Jillian ay matino, matalino, mas maganda, may kinabukasan! E ikaw? Syota ka ng bayan! Laspag ka na! Anak ka ng kabit!"


Nagpantig ang tainga ko sa huli niyang sinabi. Paano niya nalaman ang tungkol sa pagiging kabit ng mommy ko?!


"Nagulat ka ba na alam ko?" Mapanganib siyang ngumisi at kinorner ako sa kanto ng pader. "Kapitbahay niyo lang naman ang tita ko. Alam na alam sa lugar niyo na pareho kayo ng mommy mo na maruming babae!"


Bumangon ang galit sa aking dibdib. Buong lakas ko siyang itinulak. "Ang kapal ng mukha mo, Wayne! Kahit maruming babae pa ang tingin mo sa akin, wala akong pake! Wala akong gusto sa 'yo! Itsura mo!"


Nagtawanan ang mga kasama niya. "Ma-pride pala 'yan, Wayne. Nahurt yata kasi nabuko mo siya!"


Kwinelyuhan ako ni Wayne at basta na lang hinaltak palapit sa kanya. "May gusto ka sa akin, Carlyn! Kaya nga ipinagkalat mo na tayo, dahil papansin ka! Nangangati ka!"


Dinuraan ko siya sa mukha. "Mangarap ka, ulol!"


Nagtawanan na naman ang mga kasama niya. "Pagbigyan mo na 'yan para tumigil, Wayne!"


Galit na pinunasan ni Wayne ang pisngi niya na dinuraan ko. Pabalya niya akong binitiwan. "Tutal, kahit paano ay type naman kita, pagbibigyan ko 'yang kati mo."


"A-anong gagawin mo?" Nanlaki ang mga mata ko nang makitang kinakalas niya ang belt niya.


"Hawakan niyo," utos ni Wayne sa mga kasama niya. "Titirahin ko 'yan nang madala!"


"Ano ba?!" Hinawakan ako sa magkabilang kamay ng mga lalaki. "Ano ba? Bitiwan niyo ako!" Nagsisigaw ako pero hindi nila ako binibitiwan.


"Kahit sumigaw ka, walang makakarinig sa 'yo. Dulo itong building natin!"


May tumadyak sa likod ng aking tuhod sanhi para mapaluhod ako sa hagdan. Napakapit ako sa mga baitang, si Wayne naman ay pumuwesto sa aking likuran at agad na hinawakan ako sa bewang.


Nagtitili ako nang iangat niya ang aking palda. Hindi ako makakilos dahil hawak ng mga kasama niya ang mga kamay ko. Damang-dama ko ang kawalan ko ng laban. 


Pero hindi nangyari ang akmang pagbaba ni Wayne sa suot kong shorts, dahil may bigla na lang dumating at tinadyakan siya. 


Gulat na napalingon ako sa matangkad na lalaking nakatayo sa gilid namin. Nanlilisik ang brown niyang mga mata habang nakatingin sa akin.


Naluluhang sinambit ko ang pangalan niya. "Jordan..."


JF

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro