Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 24

BUMAGSAK AKO SA BALIKAT NI ISAIAH.


Inalalayan ako ni Isiaah na maupo sa upuan saka siya lumuhod sa aking harapan. Ikinulong niya sa kanyang malalaki at maiinit na palad ang aking mukha. "Ayos ka lang? Sorry, binigla kita."


Si Asher sa gilid ko ay panay ang paypay sa akin ng karton na hindi ko alam kung saan niya nakuha. Hindi ko rin matandaan kung kailan siya lumitaw sa tabi ko. Sa pagkakatanda ko ay nasa likod siya kanina at busy sa pagse-cellphone.


Napatingin sa amin ang mga kaklase namin. May ilan ng nakiusyoso kung ano ang nangyari. Si Miko ang nagtaboy sa mga ito.


"Isaiah, a-anong nangyari kay Jordan? N-nasaan siya?" pati ang boses ko ay nanginginig na. Nanlalamig din ang mga palad ko sa mga oras na ito.


"Sshh, tahan na. Okay naman siya. Tahan ka na, please," pang-aalo niya sa akin. "Lumabas kasi si Jordan kanina ng gate, nagpa-load daw. Ayun, nandoon pala si Wayne at nakaabang. Sinaksak siya pocket knife. Mabuti matalas ang pakiramdam at mabilis reflexes niya kaya nakaiwas siya. Ang kaso nahagip siya sa braso. Nasa clinic siya ngayon."


Inabutan ako ni Miko ng bote ng mineral water at pilit akong pinapainom. Tinanggihan ko iyon dahil hindi ko rin magagawang lumulon sa sobrang pag-aalala ko ngayon.


Sinikap kong makatayo nang mahimasmasan. "P-pupuntahan ko si Jordan..."


Pupuntahan ko si Jordan. Kailangan ko siyang makita para masiguro kung ano ang lagay niya. Hindi pwedeng hindi!


Nang makatayo ako ay humarang naman sa harapan ko si Isaiah. "Car, okay naman na si Jordan. Maliit na sugat lang. Ginagamot na siya sa clinic."


"Si Wayne naman, nahuli na rin," sabat ni Asher sa gilid ko na tuloy pa rin sa pagpapaypay. "Tinext ako ni baby, kasama raw parents ni Herrera na pupunta ngayon sa presinto para magsampa ulit ng panibagong kaso."


"Isaiah, gusto ko siyang makita," pakiusap ko kay Isaiah.


"Mamaya sasamahan kita pagkatapos ng klase—"


"Gusto ko ngang makita si Jordan!" sigaw ko sa kanya. "Ngayon ko siya gustong makita!" Hindi ko na mahihintay ang mamaya. Hindi ako matatahimik sa pag-aalala hangga't hindi ko siya nakikita.


"Okay, okay," sumusukong sabi niya. "Sasamahan kita. Pupuntahan natin siya."


Itinulak ko siya at nauna akong lumakad patungo sa pinto. Hindi ako makakatagal nang hindi ko nakikita si Jordan at personal na natitiyak na ayos lang siya.


"Hoy, darating na si ma'am!" habol sa amin ni Asher.


Nilingon siya ni Isaiah. "'Pag hinanap kami, sabihin mo umihi lang."


"Ano, sabay kayong umihi?!"


"Basta bahala ka ng magdahilan!" pagkasabi'y hinabol na ako ni Isaiah.


Sa hagdan niya ako naabutan. Agad niya akong inalalayan.


"Carlyn, okay ka lang?"


Pagbaba namin ay saktong tumunog ang bell. Nang matanaw niya na paparating ang next subject teacher namin ay niyakap niya ako at hinila papunta sa likod ng hagdan para magtago.


"Wala na si ma'am..." anas niya habang yakap pa rin ako. Naglabas siya ng panyo mula sa bulsa ng suot niyang school pants. Pinunasan niya ang pisngi ko na basa ng luha.


"Si Jordan..." humihikbing sambit ko.


"Oo, pupuntahan natin siya. Tahan na..." Hinawakan niya ako sa pulso.


Lumabas kami nang nakaakyat na ang teacher sa hagdan. Panay ang tulo ng luha ko habang naglalakad kami sa corridor. Si Isaiah naman ay panay hagod sa aking likod para pakalmahin ako.


Lumabas na kami ng building ng Grade 11. Ang tinatalunton namin ay ang papunta sa clinic ng school. Umiwas kami sa mga teachers na muntik na naming makasalubong sa daan.


"Wala na iyong mga pulis saka mga tanod," sabi ni Isaiah sa tabi ko. "Kanina ang dami e. Mabuti nagsialisan na. Wala na ring usyoso."


Pagkarating namin sa tapat ng clinic ay huminto muna kami. Bigla ay parang hindi ko maihakbang ang mga paa ko. Bigla akong natakot lalo nang matanaw ko sa bintana na nasa loob ang kapatid ni Jordan na si Jillian. 


Natanaw ko rin sa loob si Lou...


"Car," tawag ni Isaiah sa akin. "Ano? Pasok ka na, ako magbabantay rito sa labas."


Pinunasan ko ang luha sa aking pisngi gamit ang aking bisig. Akma akong tatalikod nang hawakan ako sa braso ni Isaiah.


"Car..." Itinaas niya ang mukha ko at pinagpantay ang aming paningin. "Wala kang kasalanan sa nangyari. Wag mong sisihin ang sarili mo."


Napahikbi ako. Wala ba? Wala ba talaga? 


"Sige na, pumasok ka na. Gusto mo bang samahan kita hanggang loob?"


Umiling ako. Nagdesisyon ako na gusto ko talagang makita si Jordan ngayon. Bahala na kahit ang lakas ng kabog ko. Gusto ko talaga siyang makita. Gusto kong masigurado na talagang okay siya.


Inayos ko ang sarili saka naghdang pumasok sa loob. Nakasalubong ko sa labas ng pinto ang lumabas na si Lou. Bumadha ang gulat sa mukha niya nang makita ako.


"Bakit ka nandito?" mahina pero mariin ang boses niya.


"G-gusto kong makita si Jordan."


Nagsalubong ang mga kilay niya. "Ang kapal mo naman na pumunta pa talaga rito. Alam mo bang muntik ng mapahamak si Jordan dahil sa 'yo? Hindi ka man lang ba nakokonsensiya?"


Nagtagis ang mga ngipin ko pero hindi ako nagtangkang sumagot. Akma na akong papasok sa pinto nang magsalita siya ulit.


"First time ni Jordan umabsent dahil sa 'yo. First time niyang mapaaway dahil sa 'yo. Ngayon muntik pa siyang tuluyang mapahamak dahil din sa 'yo. Sana kung gusto mong sirain ang buhay mo, 'wag ka nang mandamay ng inosenteng tao."


"Hoy, hoy," hindi nakatiis na sabat ni Isaiah. "Wala namang ganyanan. Hindi naman ginusto ni Carlyn iyong nangyari."


Saglit na natigilan si Lou nang mapatingin siya sa mukha ni Isaiah. Napalunok siya at hinamig ang sarili saka muling tumingin sa akin. 


"Really, Carlyn?" nang-uuyam ang tono ni Lou. "Hindi mo rin ba ginusto na lasingin si Jordan nang gabing hindi siya nakauwi sa kanila? Tinawagan ako noon ni Jillian ala una ng madaling araw. She checked her brother's room and he wasn't there. See? Marunong na ring magsinungaling si Jordan dahil sa 'yo. You're a bad influence."


Kumuyom ang mga palad ko. Gusto ko nang sapakin si Lou pero alam ko na wala ako sa lugar ngayon para mag-angas. Wala siyang sinasabing mali. 


Lahat ng sinasabi niya ay tama naman. Tama lahat kaya ang sakit, pero gusto ko pa ring makita si Jordan. Gusto ko muna siyang makita...


"Tinuruan mo na ngang uminom, magbulakbol, makipag-away, pinahamak mo pa. Hindi ka na naawa sa mga magulang nina Jordan at Jillian, ang titino at ang babait na tao."


"Gusto ko pa rin siyang makita at hindi mo ako mapipigilan," mahinang sabi ko na kulang sa lakas. Tinalikuran ko na si Lou.


Hahabulin niya pa sana ako nang pigilan siya ni Isaiah. Hindi ko na sila nilingon, dumiretso na ako papasok sa loob ng clinic.


Ang lakas ng kabog ng dibdib ko. Natatakpan ng malaking tela na kulay green ang kama na kinaroroonan ni Jordan.


Napahinto ako nang mapatingin sa akin si Jillian. Ang takot at pag-aalala sa mga mata niya ay napalitan ng galit at paninisi. Gayunpaman ay wala akong narinig na kahit ano mula sa kanya.


Nang makita ko si Jordan ay parang piniga ang puso ko. Nakaupo siya sa gilid ng kama. wala siyang suot na polo, at t-shirt lang ang pang-itaas. Nakaangat ang kaliwang manggas dahil may adhesive bandage gauze siya sa braso.


"Jordan..."


Napaangat siya ng tingin sa akin. Ngumiti siya nang makita ako. "Hey..."


"Kuya, babalik muna ako sa room ko," flat ang tono na paalam ni Jillian saka tahimik na umalis.


Napayuko naman ako nang mapadaan sa harapan ko si Jillian. 


Naiwan kaming dalawa ni Jordan sa loob ng maliit na clinic. Hindi ako makatingin nang diretso sa kanya at hindi ko rin magawang lumapit. Nahihiya at nanliliit ako kapag napapatingin sa sugat niya sa braso.


Inilahad niya ang kamay sa akin. "Give me your hand."


"B-bakit?"


"Because I want to hold it."


Napa-igtad ako nang siya na ang umabot sa kamay ko. Marahan niya akong hinila hanggang sa mapaupo rin ako sa gilid ng kama.


"Come," yaya niya sa akin na lumapit sa kanya.


Hindi ako tuminag kaya siya na ang lumapit. Magaang niyakap niya ako gamit ang kanang braso. Ang mukha niya ay kanyang idinikit sa gilid ng leeg ko.


"Pinag-alala ba kita?" bulong niya sa banayad na boses. "Sorry."


Pinigilan ko ang paghikbi. Maingat kong hinaplos ang ibabaw ng adhesive bandage gauze. Nasa 4 inches ito kaya nai-imagine ko na may kalakihan din ang sugat niya sa braso.


"Nasaktan ka..." garalgal ang boses na sabi ko.


"No." Lalo siyang sumiksik sa leeg ko. "Please, don't cry. If you cry, you won't be pretty anymore. Do you want that?"


Bahagya akong lumayo. "Jordan..."


Umungol siya at muling lumapit sa akin. Ang isang kamay niya ay inilagay niya sa likod ko.


Ang inaalala ko ay kami lang rito sa clinic, baka mamaya ay may dumating at maabutan kami sa ganitong ayos. Hindi na makakaya ng konsensiya ko kung pati reputasyon ni Jordan dito sa school ay marurumihan na rin dahil sa akin.


"Gusto lang kitang makita kung okay ka. Babalik na ako sa room ko," paalam ko sa kanya. "May teacher na kami."


"Mamaya na." Ayaw niya akong bitiwan.


Kung noon ito nangyari ay papayagan niya agad akong umalis o baka siya pa nga ang magtataboy sa akin. Pangangaralan niya pa ako na dapat ay nasa klase ako kapag may teacher para may matututunan ako.


"Carlyn..." anas niya sa balat ko. "Let's stay like this just a little longer..."


Nanigas ang aking leeg nang maramdaman kong hinahalikan niya na ako roon. Umatras ako pero humigpit ang pagkakayakap sa akin ng kanyang braso. Parang wala rin siyang pakialam kahit pa may biglang dumating at makakita sa amin.


Nakadampi ang mainit niyang mga labi sa balat ko at marahang umakyat sa aking punong tainga. Ang kabog ng dibdib ko ay palakas nang palakas.


"Jordan, naghihintay sa akin sa labas si Isaiah—" Naputol ang aking sinasabi nang bigla niya akong halikan sa labi.


Napapikit ako nang maramdaman ang mainit at mabango niyang hininga sa akin. Napaungol na lamang ako kalaunan.


Para ng sasabog ang puso ko. Kusang tumaas ang mga braso ko paikot sa kanyang leeg habang tinatanggap ko nang buong puso ang mga halik niya.


Nang saglit kaming sumagap ng hangin ay humihingal akong nagsalita. "B-baka may makakita..."


Nauwi rin sa wala ang aking pagtutol dahil muli niya lang akong hinalikan habang ang isang kamay niya ay taas-baba sa aking likuran. Balewala sa kanya kahit nasa clinic kami.


Napaungol si Jordan at lalong nilaliman ang halik. Ang mainit na dila niya ay nasa loob na ng aking bibig. Libo-libong kuryente ang nanulay sa ugat ko nang mahuli ng dila niya ang dila ko.


Ilang beses niya akong hinalikan. Sa panglimang beses ay inipon ko ang aking natitirang lakas para umiwas sa kanya. Namamanhid na ang mga labi ko at namimigat na ang talukap ng aking mga mata.


Humihingal ako nang muli niyang yakapin. Nakayuko siya habang ang kulay tanso niyang mga mata ay malamlam na nakatingin sa aking mukha.


Ang daliri niya ay dinama ang aking mga labi na alam kong ngayon ay bahagyang namamaga.


Isang pilyong ngitina ngayon ko lang nakita ang gumuhit sa kanyang mapulang mga labi. "I won't apologize for this..."


Napalunok ako at nag-iwas ng tingin. "B-babalik na ako sa room ko. Baka pagalitan na ako ng teacher namin..."


"Hindi ako makakasabay sa 'yo mamaya." Napabuga siya ng hangin. "Gusto ni daddy sumabay ako sa kanila mamaya pagbalik niya galing presinto."


"A-ayos lang iyon..."


"Wala naman na si Wayne. Sigurado nang hindi na siya makakapag-piyansa." Hinawakan niya ang kamay ko. "Ngayon lang, Carlyn. Ngayon lang tayo hindi sabay, okay lang ba?"


"Oo naman." Sinikap kong ngumiti kahit hindi ako makatingin sa kanya.


"No, sumabay ka na lang sa amin. I'll tell my dad na idaan ka sa Navarro. Kasya naman tayo sa backseat and—"


"Hindi na!" maagap kong sabi. "Okay lang talaga ako. Maaga akong uuwi ngayon kaya safe iyon. Saka sasabay ako kay Isaiah."


Humigpit ang pagkakahawak niya sa kamay ko.


"Jordan, okay lang talaga..."


Sinilip ko ang kanyang mukha. Seryoso siya at tila may iniisip.


Hindi ko pinigilan ang sigaw ng damdamin, at this time, ako ang yumakap sa kanya. Magaan lang pero ibinuhos ko ang puso ko sa yakap na ito.


Naramdaman ko na natigilan si Jordan pero mayamaya lang ay gumanti siya ng yakap sa akin. "Carlyn, bukas sa akin ka na ulit sasabay..."


Hindi ako sumagot. Nangangatal ang mga labi ko sa pagpipigil ng paghikbi. Niyakap ko lang siya hanggang sa kaya ko na siya ulit harapin.


Nakangiti ako sa kanya nang lumayo. "Aalis na ako. Pagaling ka..."


"Please, text me." Hinuli niya ulit ang kamay ko.


Hinila ko na ang kamay ko at tumalikod na. Hindi ko na ulit nilingon si Jordan. Parang hinihiwa ang puso ko sa bawat paghakbang ko palayo.


Nang makalabas na ng clinic ay saka kumawala ang mga luhang kanina ko pa pinipigilan. Mapait akong ngumiti sa kawalan at napailing. Pinahid ko ang mga luha saka pinuntahan sa bench si Isaiah.


Agad namang tumayo si Isaiah nang makita ako. Nanakbo siya agad patungo sa akin. "Ayos ka lang?"


Tumango ako at nagyaya na pabalik sa room namin. Sa daan ay hindi ko inaasahang makakasalubong si Jillian. Kasama niya si Mrs. Herrera at mukhang papunta sila sa clinic.


Expected ko nang hindi ako papansinin ni Jillian, ang masakit lang ay pati ang mabait na si Mrs. Herrera ay hindi ako tinapunan ng kahit kapirasong sulyap. Para bang hindi niya ako kilala o ako ay isang hangin lang.


Nang makalampas sila sa akin ay napayuko ako. Tahimik akong naglakad sa tabi ni Isaiah hanggang sa makabalik kami sa room.


Pareho kami ni Isaiah na pinagalitan ng teacher namin. Hindi kami nakapag-quiz dahil nasa labas kami at nakabalik kung kailan patapos na ang klase.


Sa tabi ko na naupo si Isaiah. Sa bakanteng upuan siya ni Nelly pumuwesto. Hindi niya ako iniwan. Kahit nang may pinakokopya sa blackboard ang teacher namin ay siya ang nagsulat ng para sa akin.


Hindi ako hinawalayan ni Isaiah hanggang mag-uwian. Dinampot niya ang bag ko at siya ang nagbitbit nito. Pagkarating namin sa kinapa-parkan ng motor niya ay siya ang nagkabit ng helmet sa akin.


Nakasabay namin sa paglabas ng Brgy. Pinagtipunan ang kotse nina Jordan. Nakatungo ako sa likod ni Isaiah at hindi ako nagtangkang lumingon doon.


Ihinatid ako ni Isaiah hanggang sa amin mismo. Nanghahaba naman ang mga leeg ng kapitbahay nang makitang ibang lalaki ang kasama ko.


Nang malaman Isaiah na wala si Mommy ay bumaba rin siya. Pinarada niya ang motor sa tapat namin.


Gusto ko sanang sabihin sa kanya na okay lang ako kaya pwede na siyang umalis, pero hindi ko magawang magsalita. Nanghihina ako at ang gusto ko lang gawin ay manahimik.


Sumama si Isaiah sa loob. Naghubad siya ng sapatos at medyas lang ang kanyang itinira. Siya rin ang nag-alis ng suot kong sapatos pagkaupo ko sa sofa.


"Gusto mong tubig?" alok niya sa akin.


Hindi niya na ako hinintay na sumagot nanakbo na siya sa kusina namin. Pagbalik niya ay may dala na siyang isang baso ng malamig na tubig.


"Inom ka muna." Inabot niya iyon sa akin.


Nang di ko tanggapin ay siya na mismo ang naglapit sa bibig ko. Uminom na rin ako dahil nang dumikit ang tubig sa aking mga labi ay saka ko narealized na kanina pa pala ako nauuhaw.


Ibinalik ni Isaiah ang baso sa kusina pagkatapos. Panay naman ang beep ng phone ko sa bag. Hindi ko iyon kinuha o tiningnan man lang. Nakasandal lang ako sa sofa at pinakikinggan ang pagbi-beep at pagri-ring nito.


"Ayos ka na ba?" Pagbalik ni Isaiah ay tumabi ulit siya sa akin. Pinisil niya ang pisngi ko. "Gusto mong buksan ko iyong TV?"


Umiling ako.


"Gusto mong gumala sa Sabado? Sunduin kita. Stroll tayo kahit saan mo gusto. Pwede rin tayo sa bahay lola ko sa Tanza. Di ba gusto mo roon kasi maraming puno ng mangga?"


Hindi ako kumikibo kahit salita siya nang salita.


"Gusto mo, SM na lang? Ano, sa SM Rosario o sa Dasma para mas malawak? Arcade tayo? Libre ko na, ano? Ika-carwash ko iyong van namin para bigyan ako ng pera ni papa."


Nang tahimik pa rin ako ay napabuntong-hininga na si Isaiah. Ang magandang mga mata niya na kasing kulay ng kadiliman ng gabi ay punong-puno ng pag-aalala habang nakatingin siya sa akin.


Nag-beep ulit ang phone ko sa aking bag. Dalawang magkasunod na ang ibig sabihin ay dalawang text message. Nang hindi ko iyon pansinin ay si Isaiah na ang kumuha sa bag ko.


Chineck niya ang ang screen. "Dami na pala text at missed calls sa 'yo si Herrera."


Kinuha ko ang phone mula sa kanya at basta na lang iyong ini-off nang hindi binabasa ang mga unread messages.


Nagtatanong ang mga mata ni Isaiah sa akin nang muli akong tamad na sumandal sa sofa. Sa huli ay sumandal na rin siya patabi sa akin. Nakatingin lang siya.


Hindi na siya nag-usisa at nangulit dahil na-gets niya nang wala talaga ako sa mood. Iniisip niya siguro na hindi ito katulad ng ibang araw na kaya niyang baguhin ang mood ko.


Inakbayan niya ako at pinasandal ang ulo ko sa ilalim ng kanyang leeg. Yumakap naman ako sa kanyang bewang at tiningala siya. Nakita ko na nakapikit ang kanyang mata.


"Isaiah..." mahinang tawag ko sa kanya matapos lumipas ang ilang minuto.


"Hmn?" ungol niya habang nakapikit pa rin.


"Thank you..."


Ang mapula niyang mga labi ay ginuhitan ng isang ngiti. Nang dumilat siya ay tumingin siya sa akin. "Okay ka na?"


Marahan akong tumango. "Anong oras ka uuwi?"


"Gusto mo na ba akong umuwi?"


Hindi ako sumagot. Sumiksik lang ako lalo sa kanya at siya naman ay yumakap na sa akin. Masuyong hinahaplos niya ang buhok ko.


Nang muli akong tumingala ay aksidenteng tumama ang pisngi ko sa dulo matangos na ilong ni Isaiah. Napakurap siya at napalunok. Kahit ako ay bahagya ring nabigla.


"Carlyn..." anas niya sa paos na boses.


May sasabihin pa siya na hindi na niya naituloy dahil sa sumunod na mga sandali ay magkalapat na ang aming mga labi.


Hindi ko rin alam kung sino sa amin ang nauna at kung bakit nauwi kami ni Isaiah sa ganito. Nakita ko na nakapikit ang mga mata niya habang hinahalikan niya ako, hanggang sa kusa na ring pumikit ang mga mata ko.


Nang maghiwalay kami ay kapwa namin habol ang aming paghinga. Dama ko ang pag-iinit ng mukha ko habang si Isaiah ay nakatitig sa akin habang nanlalaki ang kanyang mga mata.


Hinaplos ko ang kanyang pisngi. "Isaiah, g-gusto mo bang maging tayo..."


JF

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro