Chapter 2
"BABE!"
Tumayo si Jordan Moises Herrera mula sa kanyang kinauupuan at humakbang palapit sa akin.
Ang mga kaklase niya ay nakatingin sa amin, mga nakataas ang kilay. Ano, big deal lang na may "bebe" si Jordan?
"Do you know her?" tanong sa kanya ng isa sa mga babae niyang classmate na lumapit pa talaga.
Maiksi ang buhok ni Ate Girl, singkit at plantsadong-plantaso ang uniform. Mukha siyang mahinhin, matino at matalino, pero real talk lang, mas maganda ako.
Naghintay ako sa isasagot ni Jordan sa kanya, ang kaso hindi siya pinansin ni Jordan. Buti nga. Pakialamerang bida-bida kasi.
"So? What are you doing here?" Ang kulay brown na mga mata ni Jordan ay malamig na nakatitig sa akin.
Napangiwi ako. "Babe..." anas ko sabay kamot sa aking pisngi. Shit naman kasi, ano ba itong pinasok ko?!
Humalukipkip siya habang hinihintay ang aking sasabihin.
Kandalunok naman ako sa nerbiyos. "Uhm, I mean... Babe... bey-bigyan sana kita ng free ticket para sa battle of the bands na gaganapin sa plaza sa Sabado!"
Tumaas ang isang kilay niya, like he was saying na mukha akong tanga.
"Uhm, wala lang. As pasasalamat lang, ganoon!" Bumungisngis ako. Sana makalusot.
Napatingin ako sa mga kaklase niya na hindi pa rin inaalis ang mga mata sa akin. Kung suriin pa ako ng mga ito ay akala mo naman ay specimen ako na nasa microscope.
Nakakainis, ano ba? Bakit ba ang chichismosa ng mga tao rito. Mabuti pa sa lower sections, kahit naghihingalo ka na, wala pa ring pakialamanan.
"Uhm, kasi pinaalala mo sa akin kung gaano kahalaga ang edukasyon, at naappreciate ko iyon. Thankie, bye!" Pagkasabi'y nanakbo na ako palayo.
Palayo, patungo sa lugar na hindi niya na maaabot ng tanaw. Shit, hiyang-hiya ako!
Ano ba iyong pumasok sa isip ko? Bakit tinawag ko siyang babe?
Ang plano ko lang naman ay awayin siya, ipahiya. Ganern lang. Pero ang nangyari, ako iyong nahiya.
Bakit kasi ang lakas ng dating niya tapos nanghihina ako kapag nasasalo ko na ang malalamig na titig niya. At bakit din ba parang G na G siya sa akin? Ano bang kasalanan ko sa kanyang lintek siya?
Sa buong maghapon ay hindi ako mapakali sa upuan. Hindi mawala sa isip ko iyong Jordan Moises Herrera na iyon.
Nasa imagination ko pa rin iyong seryoso niyang mukha. Hanggang uwian, iniisip ko siya saka iyong bida-bida niyang babaeng classmate na nagtanong ng "Do you know her?"
Uwian na at nauna akong lumabas ng room kay Nelly. Nagmamadali talaga ako para hindi siya makasabay. Badtrip ako sa kanya dahil malakas ang kutob ko na siya ang nagpakalat ng chismis na kami ni Wayne Daniel Chung.
Sa labas ng gate ay natanaw ko si Isaiah na malungkot na naglalakad patungo sa nakaparada niyang Honda Click. Wala na siyang polo at tanging t-shirt na may print na lang ng Metallica sa harap ang kanyang suot.
Tinakbo ko ang pagitan naming dalawa. "Hoy, bakit malungkot ka?"
"Wala," matamlay na sagot niya saka sumakay sa motor. "Ano, papahatid ka ba?"
Napangisi ako. "'Yan ang gusto ko sa 'yo e!" Nanakbo na agad ako patungo sa likod ng motor niya.
"Kumapit kang maigi, bawal magaslaw."
"Yes, boss!" Sa likod ng motor ako kumapit.
Ayos, makakalibre ako ng pamasahe. Magkaibang way ang inuuwian namin, pero ihahatid niya ako. Mukhang may balak ng dumiskarte. Bahala siya. Wait ko na lang.
Angkas-angkas ako sa likod ni Isaiah nang paandarin niya na ang motor paalis. Nadaanan pa namin ang ibang tropa na kumakain ng fishball sa gilid. Nakipagpalitan pa ang mga ito ng dirty finger kay Isaiah.
Palabas kami sa kanto nang matanaw ko si Jordan na nakatayo sa tabi ng tindahan.
Kahit uwian na ay ang fresh at mukhang mabango pa rin ng lintek. White na white pa rin ang polo niya na hindi man lang yata nagusot. Nakapamulsa siya at tila may hinihintay. Sino kaya?
"Type mo ba iyon si Pogi?" tanong ni Isaiah. Nakita niya pala sa side mirror ng motor niya kung saan ako nakatingin.
Agad akong umiling. "Hindi, 'no!"
Natawa si Isaiah. "Maligo lang ako ng isa, mas pogi na ako riyan!"
Pagdaan namin sa harapan ni Jordan ay sakto na may lumapit na babaeng maiksi ang buhok at singkit sa kanya, iyong kaklase niyang bida-bida kanina. Si Do You Know Her.
"JM, let's go!" malambing na sabi nito kay Jordan.
JM? Ah, Jordan Moises. Close sila? Magjowa kaya sila?
Nakaisip ako ng kalokohan. "May palaka!" sigaw ko sabay turo sa bandang tinatapakan ng babae.
Nanlaki ang mga mata nito at nagtititili. "OMG! Saan?!" Napatalon pa sa pagpapanic.
Ang lakas ng tawa ko nang makalampas na kami ni Isaiah sa kanila. Kahit si Isaiah ay tawa nang tawa. Pag kalokohan talaga, maligaya itong ulupong na ito e.
Nang lumingon ako ay mangiyak-ngiyak si Ate Girl. Samantalang si Jordan ay matalim ang tingin sa akin. Luh, di sport.
"Gaga ka talaga, tatandaan ka nun!" ani Isaiah nang makarating na kami sa kanto bukana ng eskinita papasok ng street namin.
"Tandaan niya, paki ko!" Bumaba na ako ng motor. "Thanks sa paghatid!"
"Welcome. 'Ge, alis na ako."
Nang maglakad na ako papunta sa bahay namin ay hinarang ako ni Aling Agnes, isa sa mga palaging may issue sa akin at sa mommy ko. Wala yatang ibang pinagkakaabalahan sa buhay ito kasi ang daming time.
"Boyfriend mo ba 'yung naghatid sa 'yong nakamotor?" tanong niya.
"Tropa lang po," magalang na sagot ko.
"Asus..." Ang ngiti niya ay may halong ismid.
Nagpatuloy na ako sa paglalakad para mawala na siya sa paningin ko.
"Carlyn," habol niya sa akin. "Galing pala sa inyo kanina iyong asawa ng daddy mo!"
Sa narinig ay binilisan ko ang aking paglalakad. Hindi ko na inintindi pa ang ibang sinasabi ni Aling Agnes, nagmamadali na akong pumasok sa gate ng bungalow house na tinitirahan namin ng mommy ko.
Sa pagpasok ko pa lang ay nakita ko na agad ang basag na paso sa gilid ng pinto.
"Mom!" sigaw ko at pumasok agad sa sala.
"Darling!" Gulat na napatingala ang nasa mid 40's na babae sa pagpupulot ng mga throwpillow sa sahig.
Maputi, matangos ang ilong, hugis puso ang mukha, makinis ang balat at sexy pa rin na tila sa dalaga ang katawan. Siya si Clara Mercado, ang pinakamagandang babae rito sa lugar namin, siya ang mommy ko.
"Mommy, anong nangyari?!" tanong ko agad sa kanya. Magulo ang sala namin, kasing gulo ng buhok niya.
Ngumiti siya at pasimpleng inayos ang magulong buhok. Ang maamong mukha ay sinikap niyang pakalmahin. "Nakauwi na pala ang baby girl ko. Anong gusto mong merienda?" malambing niyang tanong sa akin.
Hindi ko pinansin ang sinasabi niya. "Sumugod na naman ba siya rito?!"
"Ha? Sino?" pagmamaang-maangan niya na bahagya pang namewang. "Oh, anyway, ano gusto mo ba mag-SM? Gusto ko rin kasing magpa-spa e."
Kumuyom ang mga palad ko sa pagpipigil. Kitang-kita ko ang pamumula ng maputi at makinis na leeg ni Mommy, ang magulo niyang buhok at ang tastas sa gilid ng suot niyang boho summer dress. At alam ko kung bakit.
Nakangiti ang mga labi niya nang lumapit sa akin. "Nagpadala ng pera daddy mo, gusto mo ba magparebond? Bumili ng bagong damit? Kumain sa labas? Sine kaya?"
"Kaya ba siya sumugod dahil nakipagkita ka na naman kay Daddy?!"
Natameme siya.
"Mommy, hindi totoong nagpadala lang si Daddy ng pera, di ba? Ang totoo ay nakipagkita ka sa kanya!"
Nangilid ang mga luha niya sa mata. "Darling..."
"Mommy naman!" Napapadyak na ako sa inis. "Hanggang kailan ka magpapakababa nang ganito? Bakit kailangan mo pang maghabol sa lalaking may asawa na?!"
Yes, may asawa na si Daddy. The truth was, anak ako sa labas at totoo ang mga chimis ng mga kapitbahay tungkol sa pagiging kabit ni Mommy.
Dating nagtatrabaho noon si Mommy sa Dallas, Texas. Nakatrabaho niya roon si Daddy. Dahil hindi pa gaanong uso ang Facebook that time, hindi niya agad nadiscover na may pamilya sa Pilipinas ang lalaking minahal niya. Ni hindi man lang siya naniguro at nagbackground check.
Ilang taon sila roon ni Daddy bago pa niya nadiscover na may asawa't anak ang pinakikisamahan niya. That time, bukas na ang mga mata ni Mommy sa katotohanang isa siyang kabit, but still sumige pa rin siya sa pakiki-apid.
Nakuntento sila sa mga nakaw na sandali hanggang sa makauwi sila rito sa Pilipinas. Grade 1 na ako, nang sumugod dito si Mrs. Rebecca Ponce-Tamayo, ang legal na asawa. Kinaladkad nito si Mommy sa kalsada at ipinahiya sa lahat ng nakakakita.
"Pero hindi ka niya mahal!" napupunong sigaw ko sa kanya. "Mommy, ilang taon na ako, pero andoon pa rin siya sa tunay niyang asawa, di ba?!"
"Hindi niya lang kasi maiwan dahil—"
"Tama na, Mommy! Utang na loob naman! Kung mahal ka nun, hindi ka nun gagawing kabit! Magdadalawang dekada na, magising ka naman na sana!"
Aminado ako na sinungaling talaga si Daddy. Pakonswelo na lang talaga na kahit luko-luko si Daddy ay good provider naman siya.
Tinalikuran ko na si Mommy bago pa ako makapagsalita ng hindi maganda. Ang hirap sa sitwasyon namin ay parang ako iyong nanay at siya iyong anak, ako kasi ang madalas manermon sa kanya.
Paulit-ulit lang kasi ang nangyayari sa loob ng ilang taon. Ang gulo-gulo palagi. Nakakasuka ang set up, pero heto at pinipilit kong sikmurain ang lahat dahil wala naman akong ibang choice. Hindi naman pwedeng mamili ng magiging magulang.
Hay, ang hirap talaga ma in love, nakakabulag. Wag naman sanang mangyari sa akin ang ganoon dahil malamang na magdidiwang ang mga kapitbahay naming chismosa.
Minsan nagkakaroon ako ng mga ka-MU sa school, pero di rin naman nagtatagal. Mabilis kasi akong manawa. Hindi ko ugaling magseryoso, para sa akin ay nakakatakot ang ganoon.
Hanggang crush-crush lang talaga ako. Pampa-inspired lang dahil nakakaumay nang mabuhay.
Pumasok na ako sa kwarto at sumubsob sa kama. Nasa ganitong pwesto ako nang magbeep ang phone ko. Chineck ko at nakita ang pangalan ni Isaiah.
Isaiah:
Ano, punta ka ba sa battle of the bands sa Sabado? Sunduin kita. =)
Bahagyang nawala ang badtrip ko sa aking nabasa. Napangiti ako at nagtype agad ng reply.
Me:
Ako lang ba susunduin mo?
May secret crush kasi ako kay Isaiah, pero very mild lang. Guwapo kasi siya at matalino kahit tamad. Saka tropa ko siya kaya kilala ko siya. Palagay ang loob ko sa kanya.
Isaiah:
Oo, bakit may gusto ka pa bang sunduin ko?
Napangisi ako sa reply niya. Malakas ang pakiramdam ko sa mga ganitong linyahan e, alam na alam kong low-key harot ito. Nagtype agad ako ng sagot.
Me:
Nilalandi mo ba ako?
Ang tagal niya bago nakapagreply. Nagulat siguro.
Isaiah:
Huy, hindi ah!
Napasimangot ako sa reply niya. Inis na ini-off ko na ang phone ko.
Tinamad na akong kausapin siya. Mabilis akong kausap, ang ayaw sa akin ay ayaw ko rin.
Tumihaya ako sa gitna ng aking kama at tumulala. Sa ganitong ayos ako tinamaan ng antok at pagod.
Wala ako sa mood maghapunan kaya dumiretso tulog na ako. Hindi ko na inintindi na naka-uniform at sapatos pa ako. Pati ang mga katok at tawag ni Mommy sa labas ng pinto ay hindi ko na rin pinagtuunan ng pansin.
As usual, tamad na tamad na naman ako kinabukasan. Sa dami ng hang-ups ko sa buhay, parang laging lowbat ang aking pakiramdam.
Sa pinto pa lang ng classroom ay sinalubong na ako ni Nelly. "Car, aga mo umuwi kahapon! Hinahanap ka kaya ni Charles Felix!"
Napatapik ako sa aking noo. Si Charles Felix Columna ay nakasama ko lang one time sa birthday ng isa sa tropa namin na si Miko Pangilinan.
Na-tipsy ako sa pag-inom, tapos tinabihan na ako. Dinigahan. Ang ganda ko raw, e di syempre na-thank you ako. Pagkakarinig yata sa "thank you" ay "I do."
Basta malinaw pa utak ko noon na hindi ko talaga pinatulan si Charles. Duh, nagpapa-cute kaya ano noon kay Isaiah.
"Ang sabi niya, BF mo raw siya," ani Nelly. "Totoo? Tangina, Car! Ang lihim mo!"
"Gaga, hindi ko jowa iyon. Ambisyoso siyang tipaklong siya!"
After ng birthday ni Miko ay palagi na akong itinitext ni Charles. Nire-reply ko naman kasi mabait ako. Pero never, ever kong flinirt iyong hunghang na iyon.
Pagkatapos ng klase ay hindi agad ako umuwi. Si Nelly ay nauna na dahil naospital daw ang nanay. Naiwan ako na kasama sina Isaiah at Miko sa likod ng stage. Kakaunti na lang ang mga estudyante dahil mga nagsiuwian na.
"Sino ba kasing hinihintay natin?" iritableng tanong ko. Magti-thirty minutes na kami ritong nakatambay sa likod ng stage at nakaupo sa mga nakatambak na sirang upuan. Nilalamok na ako.
Hindi pa ako umuuwi dahil hinihintay ko sila. Ang alam ko kasi ay may practice sila ng banda para sa darating na battle of the bands sa Sabado.
"Syota nitong si Miko kasali kasi sa cleaners," ani Isaiah.
Humalukipkip ako at tinitigan si Miko. "Ah, may pumatol sa 'yo?"
Ngumisi si Miko sa akin sabay haplos ng baba niya. "Oo naman, sa guwapo kong 'to?" Guwapo naman talaga siya. Silang tatlo nina Asher at Isaiah, matatangkad din at magaganda ang tayo. Maraming nagkakagusto sa kanila sa school kaya maraming bebe girls din ang nabubuwiset sa akin dahil ako ang palagi nilang kasama.
Mayamaya ay may lumapit sa aming babaeng estudyante. Maganda, maputi. Nang mapatingin ako sa ID nito ay napangiwi ako. Tangina, Grade 8?!
"Baby boy!" Agad na yumakap kay Miko ang dalaginding na hindi pa yata nireregla.
Nang magkatinginan kami ni Isaiah ay sabay kaming ngumiwi.
"Classmates mo sila?" tanong ni Baby Girl. 14 years old pa lang yata.
"Sila lang magkaklase," ako ang sumagot. "Taga Science Class ako."
Napaubo si Isaiah.
"Talaga? Taga Science Class ka?" Amazed na lumapit sa akin si Baby Girl. "Ibig sabihin, matalino ka?"
Ngumisi ako. "Malamang, Science Class nga e."
"Kilala mo ba si Jordan Moises Herrera? Taga Science Building rin iyon e, kaso graduating na siya."
Napakunot-noo ako. "Oo kilala ko. Bakit?"
Hanggang sa Grade 8 ba naman ay kilala si Jordan Moises Herrera? Ang tindi, ah!
Nag-puppy eyes si Baby Girl. "Wala lang, ang guwapo nun e..."
"Ay, guwapo? Miko, payag ka nun?" pang-aasar ni Isaiah kay Miko.
Parang wala namang pakialam si Miko. Ewan ko ba sa lalaking ito kung bakit nagi-girlfriend pa e wala namang silbi.
"Naguguwapuhan lang naman ako ron," nakangusong sabi ni Baby Girl bilang paliwanag sa boyfriend na wala namang pakialam. "Pero for me, baby boy ko pa rin mas guwapo. Iba naman iyong crush lang sa love."
"Crush mo si Jordan?" tanong ko kay Baby Girl. "Gagi, wag!"
"Bakit naman po, ate?"
Ate? Lakas, ah.
Nakapagtataka na ang kumikislap na mga mata ni Baby Girl ay biglang nanlaki. Sina Isaiah at Miko naman ay bigla na lamang nanahimik. Ewan kung bakit.
"Tangina, Jordan Moises Herrera? Nanligaw sa akin 'yun, binusted ko lang kasi mabaho hininga!"
Nagulat ako nang biglang natawa si Isaiah habang nakatingin sa akin.
Ako naman ay G na G pa rin. Tinapik ko pa sa balikat si Baby Girl. Seryosong umiling-iling pa ako para mas convincing. "Oo nga, gagi. Umiyak pa nga 'yun nang binusted ko!"
Namumutla na sina Baby Girl at Miko, habang si Isaiah ay natatawa pa rin na parang gago.
Muli kong tinapik sa balikat si Baby Girl. "Promise, mabaho talaga hininga nun. Pinayuhan ko na mag mouthwash muna, at baka sakaling magkapag-asa na siya sa akin—"
"Excuse me," malamig na boses na nagpatigil sa pagkuda ko.
Pakiramdam ko'y nanigas bigla ang aking leeg.
"Alam niyo bang bawal tumambay rito." Hindi iyon isang tanong dahil nakakainsulto, and at the same time, nakakapanindig balahibo.
Lalong natawa si Isaiah nang makitang nagkulay-suka ang mukha ko.
Nauna na siyang tumayo at kinindatan ako bago umalis. "Bye, Carlyn! Kita-kits next na lang bukas kung buhay ka pa."
Sina Baby Girl at Miko naman ay mga nagmamadali at walang tinging nagsialisan na rin. Parang biglang nakalimutan na kasama nila ako.
Nagpapanic na napatayo ako. "S-sandali, sama!" Susunod na dapat ako sa kanila nang bigla namang sumabit ang gilid ng aking palda sa sirang kahoy na upuan.
May tumikhim sa likod ko, of course alam ko kung sino.
Nang lumingon ako ay nasalo ko ang malamig na mga tingin ni Jordan Moises Herrera. Lalong namawis ang kili-kili ko sa kaba.
Tabingi ang bibig na nginitian ko siya. "He-he, sumabit."
Tinaasan niya ako ng kilay.
Sinikap kong hilahin ang palda ko mula sa pagkakasabit, ang kaso tila nananadya na hindi talaga mahila-hila. "Tangina, bat ayaw maalis?!"
Nakapamulsa lang si Jordan habang nakatingin sa akin.
Nginitian ko ulit siya kahit butil-butil na ang pawis ko. "Narinig mo ba 'yun sinabi ko kanina? Hehe, joke lang 'yon."
"What? That I have a bad breath?" kalmadong tanong niya.
Napangiwi ako. "Uhm, oo. Saka iyong ano... binusted kita..."
Humakbang siya palapit sa akin na sanhi para lalong kabugin ng kaba ang aking dibdib.
"Sorry talaga, peace..." Nag-peace finger sign ako.
Nang nasa harapan ko na ay tumungo siya para tingnan ang mukha ko.
Lalo naman akong nailang at nahiya sa kanya. "Sorry na. Joke lang kasi talaga iyon..."
Tumaas ang sulok ng kanyang bibig. "It's fine. Kahit naman kumalat iyong pinagsasasabi mo, I don't think na may maniniwala."
"Ha?" Umawang ang mga labi ko.
"First, mukha bang mabaho hininga ko?"
Dahil sa sobrang lapit niya sa akin ay naamoy ko ang mainit at mabango niyang hininga.
"Second, alam naman ng lahat na hindi ako papatol sa katulad mo."
Umismid ang mapula niyang mga labi at pagkatapos ay tinalikuran na ako.
Tulala na naiwan akong mag-isa. Nang mahimasmasan ay napahawak ako sa aking dibdib. Bakit ganoon? Hindi naman kami close, pero akalain mo iyon? Nagawa niya akong saktan nang ganoon na lang.
Nagtagis ang mga ngipin ko. Tanginang Herrera 'yan.
JF
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro