Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 14

"TAHAN NA..."

Sumisinghot ako nang bahagyang lumayo sa kanya. Shet naman, nakakahiya. Nacarried away ako. 

Nang tingalain ko siya ay hindi siya nakangiti pero hindi rin siya ganoong kaseryoso. Ang totoo ay may something sa mga mata niya ngayon habang nakatingin sa akin. Tila naaaliw ang mga ito.

"You look ugly when you cry."

"Ano?" Nanlaki yata ang butas ng ilong ko sa sinabi niya. "Kelan ako pumangit, ha?!" Pasalamat siya mabango siya, kung hindi ay masisikmurahan ko siya ng wala sa oras.

"Hey..." Magaan niyang ipinatong ang kanyang mainit na palad sa ulo ko. "'Wag mo nang isipin ang sinabi ni Lou, hindi mangyayari iyon."

Napalabi ako. "Pano ka nakakasiguro?"

"Basta, alam ko."

"Promise 'yan?"

Doon gumuhit ang isang ngiti sa mapula niyang mga labi. Sandali akong natulala. Kahit seryoso o nakasimangot, ang guwapo niya na. Higit talaga lalo kapag nakangiti siya.

Hay... He was so fine, I wanted to bite him.

Binawi niya na ang palad na nakapatong sa ulo ko. "Sige na, bumalik ka na sa room mo. Baka hinahanap ka na ng teacher niyo."

"Hindi ako hahanapin nun," mabilis kong rebut. Ayaw ko pa kasing bumalik sa room at ayaw ko pa rin siyang umalis.

"Basta bumalik ka na," malumanay na sabi niya. "Sayang iyong mga pwedeng matutunan mo kung mag-stay ka pa rito."

Ngumuso ako. "Kahit naman andon ako, wala rin naman akong natututunan."

"Tss, pumasok ka na.."

"Ayaw nga!" pag-iinarte ko.

"Jordan!" Napalingon kami sa baba ng hagdan nang may tumawag sa kanya. Nakatayo roon ngayon si Lou at nakatingin sa amin.

Aba't sumunod pa talaga. Lalaban.

"May test tayo ngayon, kailangan na nating bumalik sa room," kunot ang noo na sabi ni Lou. "Tara na!"

Bago bumaba ay nilingon ako ni Jordan. "Pumasok ka na rin at sikapin mong may matutunan sa itinuturo ng teacher niyo."

Nang pababa na si Jordan ay nagsalubong ang mga mata namin ni Lou. Matalim ang tingin niya sa akin, but sad to say, wala akong pake.

"Jordan," sigaw na habol ko.  "Kapag nakick out ako, please 'wag mong gawin iyong pangako mo sa akin na magda-drop out ka rin!" 

Napatigil naman sa pagbaba si Jordan. Nang lingunin niya ako ay maliit siyang ngumisi at napailing.

Lalo namang tumalim ang tingin sa akin ni Lou. Binelatan ko siya bago ko talikuran.

Itsura niya! Matalino lang siya sa akin pero kung pagandahana ang usapan, no contest! Hindi niya ako kaya kahit mag-filter pa siya!

Nagmartsa na ako pabalik sa room namin. Kanina lang ay stressed ako, ngayon ay maligaya na naman.

Kahit naka-free data ay nag-status ako sa Facebook ng Hashtag feeling secured.

"Bakit namumugto mata mo?" puna agad ni Nelly pagbalik ko sa upuan.

"Nakakita kasi ako ng guwapo, hayun naiyak ako."

Nanghaba agad ang leeg niya at tumingin sa pinto ng classroom. "Hala, nasaan?"

"Gaga!" Pinanlisikan ko siya ng mata. 

Nang umalis na ang teacher ay nagkagulo na naman ang mga kaklase namin. Si Isaiah ay tumayo mula sa upuan niya saka lumabas ng pinto.

"Another chika," bulong ni Nelly sa akin. "Nagkabalikan na naman sila ni Viviane Chanel."

"O?" Napahabol ako ng tingin kay Isaiah na ngayon ay papunta sa kabilang classroom. Tigas ng mukha, di pa naman recess pero sisilay na ang gago.

So nagkabalikan na naman pala sila ni Vivi? Kaya pala hindi niya ako piniperwisyo ngayon at hindi na siya sad boi.

"Kanina, chinika sa akin ni Miko na nahuli niya raw kanina sa hagdan sina Isaiah at Vivi. Ang kwento, umiyak daw si Isaiah. Baka nagmakaawa na balikan siya."

"Ang taray ng Vivi, iniiyakan na kahit di pa tsugi."

Impit na natawa si Nelly. "'Sinabi mo!"

Pagkatapos ng klase ay nagmamadali akong lumabas ng classroom. Sa hagdan na lang ako magre-retouch ng lip tint. Mahirap na kasi baka madagit na naman ako ni Isaiah.

Ay, oo nga pala, nagkabalikan na sila ni Vivi kanina so hindi niya na naman ako kailangang hayup siya.

Habang pababa ng hagdan ay nag-s-spray ako ng Bench pink na So In Love. Nagpahid din ako ng lip tint kahit walang salamin, tinantiya ko na lang.

Sa hagdan ay nakasabay ko ang pinsan ni Isaiah na si Arkanghel. Guwapo rin talaga itong kumag na ito. Palagi nga lang nakasimangot kaya di ko pinapansin gaano.

Sa pababa ng hagdan ay nakasalubong ko naman si Hugo. Isa pang sayang na guwapo, kasi walang kwenta ito, patapon, saka mukhang mag-iipon ng panganay sa future.

Pagkakita sa akin ni Hugo ay nginisihan niya agad ako. "May balita ba tayo sa BFF natin?" tanong niya.

Ang BFF na tinutukoy niya ay iyong kaibigan ko noong Grade 8 kami, si Susana Alcaraz or Sussie. Nasa Bulacan pa rin iyon hanggang ngayon, na bukod sa laging uncontacted ay hindi rin active sa Socmed.

"Kinumusta ka," sagot ko kay Hugo. "Nagbilin din sa akin na sabihin ko raw sa 'yo na pautangin mo ako ng five hundred."

Namilog ang mga mata ni Hugo. Paniwalain ang kamote.

Napangisi ako sa loob-loob. "Oo nga. Sinabi talaga."

Si Arkanghel na kasabay ko ay umismid saka nauna nang umalis. Ako naman ay naiwan na kausap si Hugo.

Inilahad ko kay Hugo ang palad ko. "Limang daan, dali na. Pangload ko 'yan kasi tatawagan ko si Sussie."

"Pangtawag?" Napapalatak si HUgo. "Ang laki naman ng limang daan! Daig pa long distance abroad, ah!"

"Tange, long distance naman talaga ang Cavite to Bulacan!"

Bubulong-bulong na humugot siya ng pitaka mula sa bulsa ng suot na pants. Salubong ang kanyang mga kilay nang maglabas siya ng buong five hundred bill. Rich kid talaga itong kamoteng ito.

"May number ka ni Sussie? Bigyan mo ko!"

Pagkakuha ko sa five hundred ay ibinulsa ko agad. "Meron kaso di nakasave sa phone ko ngayon. Nasa bahay, bukas ko na lang bigay sa 'yo." Hindi ako nagsisinungaling, may number talaga ako ng kaibigan kong si Sussie, ang kaso matagal nang uncontacted kaya di ko na rin tina-try contact-in.

Umamo ang mukha ni Hugo. "Promise 'yan, ah!"

"Oo nga!" Tumalikod na ako. "Bye-bye na!"

"Sige, bye! Ingat ka!" pahabol na sigaw ni Hugo sa akin. "Bukas, ah?!"

"Oo promise, bukas!" Kumaway ako habang ngiting-ngiti. Nabura lamang ang aking pagkakangiti nang mapatingin ako sa harapan, nakatayo kasi roon ngayon si Jillian.

"Carlyn, bukas ah!" sigaw ulit ni Hugo. "Hintayin kita!"

Napalunok ako at nakalimutan na si Hugo. Nafocus ang atensyon ko kay Jillian na ngayon ay matalim ang tingin sa akin.

Gayunpaman ay ngumiti ako sa kanya tutal ay bati na kami ng kuya niya. Kaya lang, hindi siya gumanti ng ngiti. Para siyang walang nakita na tumalikod at humakbang paalis.

Weird. Anyway, ipinagkibit-balikat ko na lang. Ganoon naman kasi talaga pag magaganda, laging napagkakamalang suplada.

Maligayang naglakad na ako palabas ng gate. Nadaanan ko pa sina Isaiah at Vivi sa paradahan ng motor. Sinusuutan ni Isaiah si Vivi ng helmet.

Tanginang Isaiah talaga ito e, unfair. May favoritism. Ako noon, inabot lang basta iyong helmet. Pero si Vivi, siya pa nagsuot? Ano, wala bang sariling kamay si Vivi?

Nilampasan ko na sila at naiimbyerna ako. Sa may gate ako tumambay dahil maaga-aga pa naman. Malamang na wala pa sa kanto sa labasan ang bebe ko. Wait ko siya rito.

Hindi nga ako nagkamali dahil ilang minuto lang ang lumipas, natanaw ko na si Jordan na paparating. As usual, ang fresh pa rin kahit uwian na. Hindi talaga siya malikot.  

Seryoso ang kanyang guwapong mukha habang naglalakad at pasimpleng lumilingon kung saan ako galing. Wala siyang kamalay-malay na ang hinahanap niya ay nasa harapan niya lang.

Hinintay ko siyang makalapit sa akin. Kasabay niya sa paglalakad ang dalawang lalaki na kaklase niya siguro. Sa gawing likod niya naman ay natanaw ko rin ang kanyang guardian devil— si Lou.

Napasimangot agad ako. Nang magtama ang mga mata namin ni Jordan ay saka lang ako ngumiti. "Jordan!"

Dahil sa pagtawag ko ay napatingin din sa akin ang mga kaklase niya at syempre, ang eyesore na si Lou. 

Lumapit na ako at sinalubong si Jordan. "Kukunin mo ba ngayon iyong naiwan mong t-shirt at jacket sa bahay namin?" tanong ko na wala akong pakialam kahit marinig ng mga kasama niya.

Hinuli ko ang kamay ni Jordan at hinila siya. Hindi lang siya ang may karapatang maghawak ng kamay at manghila, no. 

Ang mga kasama niya ay napatigil din habang nakatingin sa amin. Si Lou naman ay nakatanga na para bang may gustong sabihin.

Nakaramdam naman si Jordan kaya nilingon niya ang mga kasama na naghihintay sa kanya. "Ingat kayo sa paguwi."

Simple lang iyong sinabi ni Jordan at madaling intindihin kahit di ka from Science Class. Ibig sabihin ay pinapalayas niya na ang mga kasama.

Nakakaunawang nag-alisan na ang mga ito maliban sa slow na si Lou. Parang urong-sulong pa kung aalis na ba o hindi pa.

Naasar ako kaya hinila ko na si Jordan palayo. Nagpahila naman siya kaya ang saya-saya.

Nang malayo-layo na kami ay saka lang ako bumitiw sa kanya. Tiningala ko siya. "Nalabhan na iyong shirt at jacket mo. Ano kukunin mo na ba?"

Hindi siya kumibo. Nang hihilahin ko na ang kamay ko mula sa pagkakahawak niya ay hindi niya ako hinayaang makawala.

Wala siyang imik nang hilahin niya ako hanggang sa sakayan. Nakasunod naman ako sa kanya. Para kaming magjowa na HHWW.

Hindi kami sumakay ng jeep. Sa pilahan ng tricycle na papuntang diretsong Navarro kami sumakay. Sa likod kami ng sidecar ng tricycle pumuwesto, iyong open ang likod at may kurtinang pwedeng takip.

Kanina ang dami kong kuda, ngayon ay nawawala yata ang dila ko. Pareho kaming tahimik habang nakaupo.

Ang taas ng tensyon kasi magkadikit kami sa upuan. Hindi ito tulad ng sa jeep na may space, dito dikit kung dikit. May times pa nga na kumikiskis minsan iyong braso ko sa braso niya.

Sumikdo ang dibdib ko nang abutin ni Jordan ang kurtina na tabing rito sa amin sa likod. Hinila niya iyon hanggang sa matabingan ang pinto. Pasimple ko siyang nilingon.

Pagkatabing niya ng kurtina sa amin ay humalukipkip siya at pumikit. Napanguso ako dahil alam ko na ginawa niya iyon dahil naramdaman niya siguro na natetensyon ako.

O baka naman natetensyon din siya?

Sumandal na rin ako sa sandalan at nagpatuloy sa pananahimik. Pinakiramdaman ko na lang siya sa aking tabi, wala siyang kakilos-kilos at dumilat lang siya noong nakapasok na ang tricycle sa Navarro.

"Nakatulog ka ba?" tanong ko sa kanya kahit alam ko namang hindi.

Hindi niya ako sinagot. Sungit.

Lumabi ako at muling nagsalita. "Joke lang na nilabhan na iyong shirt at jacket mo."

Hindi pa rin siya kumikibo. Hinawi niya na ang kurtina sa harapan namin since wala na kami sa highway at wala na masyadong kasunod na sasakyan.

"Iyong ballpen mo na lang kunin mo, naiwan mo sa amin kagabi."

Naramdaman ko ang pagka-tensyon niya sa aking tabi. Lihim akong napangisi. O ano ka ngayon, ha?!

Dahil diretsong Navarro ang tricycle ay hindi kami bumaba sa may shortcut na eskinita. Sa mismong tapat ng bahay namin kami bumaba. Si Jordan ang nagbayad ng pamasahe namin.

Sa tapat ng bahay namin ay may nakaparadang hindi ko kilalang sasakyan. Honda Civic na itim. Siguro may nakiparada. Pero ang gago naman, bakit mismong sa tapat ng bahay namin?

Dinutdot ko ang hood ng kotse at pilit sinipat ang loob. Dahil tinted ay hindi ko malaman kung may tao ba sa loob.

"Hey," tawag ni Jordan sa akin. "Baka tumunog 'yan."

"So?" Hinarap ko siya. "Bakit siya nakikiparada rito sa tapat namin? Sisingilin ko ng parking fee ito!"

Lalapitan ko sana ang gilid ng kotse nang marahang hilahin ni Jordan ang braso ko.

"Tigilan mo na 'yan," saway niya sa akin sa mahinahong boses.

Tumigil naman ako.

Pumunta na ako sa gate ng bahay namin dahil natanaw ko na present and alive ang neighborhood sa may tindahan. Lahat ay nakatingin sa amin ni Jordan.

Pagkabukas ng gate ay niyaya ko na agad sa loob si Jordan. "Bilisan mo at baka maubos ka sa titig ng neighborhood."

Kumunot ang aking noo nang makitang may tao sa sala namin. Bihira pa sa bluemoon na magkaroon kami ng bisita kaya takang-taka ako.

Isang lalaki na tingin ko ay nasa early forties ang edad. Kahit nakaupo ay tiyak kong matangkad ito. Nakasideview siya kaya ang matangos niyang ilong lang ang nakikita ko, pero tingin ko naman ay guwapo. Kahit simpleng polo shirt at jeans ang suot ay mukha siyang yayamanin. Rolex ang relo.

"Sino ka?" tanong ko agad na dahilan para mapatingin siya sa akin.

"Hi." Tumayo siya nang makita ako. "I'm Luis Fernandez. Friend of your mom," magalang na pakilala niya sa akin. "You must be Carlyn."

Hindi ko siya pinansin. "Mommy!" sigaw ko.

Mula sa kusina ay lumabas si Mommy. Simple lang ang kanyang ayos ngayon, wala rin siyang kahit anong make up sa mukha. Pambahay na shirt and shorts ang kanyang suot, at ang buhok niya ay nakataas in a messy bun.

"Sino 'yan?" tanong ko na ang tinutukoy ay ang lalaki na di ko kilala, though nagpakilala na kanina.

Wala talaga akong kilala sa mga kaibigan ni Mommy. Ang alam ko kasi ay malalayo ang lugar ng mga kakilala niya at karamihan ay nasa ibang bansa. Kaya nga duda ako roon sa pinuntahan niyang birthday party noong nakaraan.

"Si Luis," sagot ni Mommy. "Kasamahan namin siya ng daddy mo sa Texas noon. Kababalik niya lang ng Pilipinas."

Sa narinig ay kumalma ako. "O, ninong ko ba siya?"

Natawa si Mommy at tiningnan si Luis. "Inaanak mo pala itong dalaga ko."

Ngumiti si Luis sa akin. "Malaki na ba utang ko?"

"Medyo pero makakahabol pa po kayo," biglang galang na sagot ko. Sana dollars ang ibigay sa akin ni Ninong.

Nang makita ni Mommy si Jordan ay lalo siyang napangiti. "Nandito ka pala, hijo."

"Good afternoon po," magalang na bati naman ni Jordan kay Mommy. Pati sa ninong ko ay bahagya siyang tumango. Very good talaga.

"Carlyn, darling, may cake tayo sa ref. Dala ni Luis. Pagmeryendahin mo muna ang bisita mo."

"Okidoks." Naghubad na ako ng sapatos at inilagay sa rack.

Gumaya naman si Jordan na naghubad din ng sapatos. Ako na ang naglagay ng sapatos niya sa rack. In fairness, walang amoy.

Nang mag-angat ako ng paningin kay Jordan ay nakasimangot siya na parang alam ang nasa isip ko. Bumungisngis naman ako.

"Luis, may boyfriend na ang inaanak mo," sabi niya kay Ninong. "Akalain mo, may dalaga na talaga ako."

Hindi ko na nacorrect si Mommy dahil tuloy-tuloy na siya sa pagsasalita. Saka katamad din siyang i-correct so hinayaan ko na lang.

"May tiwala naman ako riyan sa dalaga ko. Saka mukha namang mapagkakatiwalaan din itong boyfriend niya." Tumingin si Mommy kay Jordan na ngayon ay pati yata tainga, namumula na. "Guwapo na ay matalino at reponsable pa. Taga Science Class."

Paano kaya nalaman ni Mommy? Mukhang nag-imbestiga na siya.

"Aba, magaling pumili ang inaanak ko. Mabuti na lang hindi nagmana sa mommy," sabi ni Ninong Luis.

"Luis!" natatawang nandilat ang mga mata ni Mommy, tapos ayun, pinaghahampas niya na sa braso ang ninong ko. Ang harot, kainis.

Bago pa ma-stress nang tuluyan si Jordan ay hinila ko na siya papunta sa kusina namin. "Pakakainin ko lang ito, Mommy!"

Pagkarating sa kusina ay pinaupo ko agad si Jordan sa stool na katapat ng maliit naming kitchen island.

"Teka, pag-slice kita ng cake."

Binuksan ko ang ref at inilabas doon ang Mango Bravo Cake from Contis. Nag-slice ako at naglagay sa platito. Inilapag ko agad iyon sa harapan ni Jordan.

"Kain ka muna."

"Thanks."

Nakakatuwa kasi hindi siya tumanggi. Nahihiya siguro siya kay Mommy.

Naupo ako sa katabi niya mismong upuan at binantayan siya sa pagkain ng cake. Mula sa paghawak ng mahahaba niyang daliri sa katawan ng tinidor ay nakamasid ako.

Nakasabay ko na siyang kumain noon sa bahay nila kaya hindi na bago ngayon sa akin ang tanawin, although nakakatuwa pa rin talaga siyang panoorin. Ang hinhin niya kasi, natalo niya pa ako.

"Di ka ba kakain?" tanong niya matapos tusuk-tusukin with care ang cake.

"Mamaya na."

Tumango siya.

"Di ka ba active sa FB?" tanong ko pagkuwan. Never ko kasi siyang naabutang active.

"Why?"

"Wala lang."

Parang hindi naniniwala ang mga tingin niya sa akin kaya napasimangot ako.

"Hoy! Hindi ko ini-stalk FB mo, no!" Inirapan ko siya. "Pero in fairness, ang cute mo roon sa picture mo habang nagka-car wash ka ng kotse niyo. Ang dami ngang comments, mga 53, puro babae."

Naiiling na sumubo siya ng cake. Pagpasok ng dulo ng tinidor sa kanyang bibig ay natulala ako ng ilang segundo.

Bakit ganoon iyong lips niya, sobrang red na dinaig pa iyong mga labi ko na naka-lip tint. Ah, siguro kasi nga may lahi siya. Foreigner iyong grandfather niya sa father's side. Very good genes.

Sumubo ulit siya, this time ay nalagyan ng kaunting icing ang kanyang mga labi. Dinilaan niya iyon para mawala. Nanuyo ang lalamunan ko dahil ang red na nga ng lips niya, lalo pang namula nang mabasa ng laway niya.

Bago pa kung anu-ano ang maisip ay tumayo na lang ako. Ikinuha ko ng malamig na tubig si Jordan. Ipinagsalin ko siya sa baso at inilapag iyon katabi ng platito. "O inom-inom din, baka mabulunan."

Dumating si Mommy sa kusina. "Umalis na ang ninong mo, darling."

"Umalis na agad?" may pagpapanic na tanong ko. "Walang binigay sa akin?"

Napailing si Mommy habang nangingiti. "O." May inilapag siyang lilibuhin sa kitchen island. "Bigay sa 'yo."

Nagningning ang mga mata ko sabay kuha agad sa perang lilibuhin. Binilang ko agad. 5k!

"Tipirin mo. Ilagay mo sa bangko para naman di ka laging nauubusan ng pera. Ang kunat pa naman ngayong magbigay ng allowance ng daddy mo."

Tumango ako. Noong Grade 9 ako ay ikinuha ako ni Mommy ng Junior Savers Account sa BDO bank pero di naman laging nahuhulugan. Pag may pera roon ay nangangati rin ako palaging iwithdraw. Anyway, maghuhulog ako roon ngayon ng five-hundred.

"Mommy, single ba si Ninong?" bigla kong naisipang itanong.

"Oo bakit?"

"Talaga?" masayang sambit ko. "Akitin mo. Siya na lang ipalit mo ke Daddy!"

Nasamid sa nginunguyang cake si Jordan.

Si Mommy naman ay namula yata hanggang tainga. "Loka ka! Best friend ko iyon since college kami!"

"So? Parang hindi lang naman best friend ang tingin sa 'yo ni Ninong e. May malisya."

"Carlyn, ano ka ba?" Sinimangutan ako ni Mommy na napipikon na. "Tumigil ka, ha! 'Yang bunganga mo, di ka na nahiya rito sa bisita mo."

Umirap lang ako. Di ko naman iyon isu-suggest kung wala akong napuna. Nahuli ko kasi si Ninong kanina na kakaiba ang mga titig kay Mommy. Iyon bang titig na parang matagal ng merong itinatagong pagsinta. Dense lang talaga si Mommy kaya di niya mahalata.

Parang biglang inuhaw si Mommy. Bigla na lang niyang dinampot ang baso ng tubig na kinuha ko para kay Jordan.

"Mommy, di sa 'yo 'yan!"

"Manahimik ka!" Pinandilatan niya ako saka niya inisang tungga ang tubig.

Hinaplos ko naman si Jordan sa braso. "'Wag ka nang sad, ikukuha na lang kita ng bago, ha?"

"Stop it," mahinang saway niya sa akin na hiyang-hiya.

Bumungisngis lang naman ako.

Nang matapos uminom si Mommy ay hinarap niya kami. "Noong umalis ba ako kagabi ay wala kayong ginawang milagro?"

Tiningnan ko agad si Jordan kung may lamang cake ang bibig niya, mahirap na at baka masamid na naman kasi.

Umiling ako. "Wala po."

Ngumiti na ulit si Mommy. "Sige, dito muna kayo. Iidlip muna ako at nanakit ang likod ko sa paglilinis ng bahay kanina."

"Magsasaing ba ako for dinner, Mom?"

"Wag na. Hindi ako kakain mamaya." Naglabas si Mommy ng 1k bill at inabot sa akin. "Bumili na lang kayo kung may gusto kayong kainin."

Napatitig ako sa buong isang libong papel na inaabot niya. Akala ko ba wala na siyang pera? Pero kinuha ko na rin at baka magbago pa isip ni Mommy.

"Sige, goodnight, Mommy! Sana mapanaginipan mo si Ninong!"

"Lukaret ka!" pasigaw na sabi ni Mommy saka umalis na.

Nang wala na si Mommy ay tinabihan ko na ulit si Jordan. "Huy, di kita sinumbong sa mommy ko, ah."

Narinig ko ang mahinang pag-tsk niya.

Siniko ko siya sa tagiliran. "Di ka ba magti-thank you na di ko sinumbong iyong pangmomolestiya mo sa akin kagabi?"

Nang tumingin siya sa akin ay salubong ang makakapal niyang kilay at bahagyang namumula ang dulo ng matangos niyang ilong.

Pigil-pigil ko naman ang tawa. Nangalumbaba ako sa kitchen island at pinanood ulit ang pagtusuk-tusok niya ng tinidor sa cake. Mukhang wala na siyang balak kainin iyon.

"Uhm, sarap ba itong cake?" Dahil biglang natakam ay hindi nag-iisip na dinukwang ko padaliri ang cake niya sa platito.

Gulat na napatingin siya sa akin, at lalo pang nagulat nang isubo ko ang daliri ko na may icing.

Nagtagis ang mga ngipin niya nang sipsipin ko ang aking daliri.

"Don't do that again," bagamat mahinay ay seryoso niyang bigkas. Iniwas niya sa akin ang kanyang paningin.

Tinapos ko ang pagsipsip sa aking daliri. "Ang damot mo naman. Pero sorry."

Nahiya naman ako. Nakalimutan ko na siya si Jordan Moises Herrera at hindi siya basta-basta na katulad ng mga tropa ko. Malamang na mahalaga sa kanya ang kalinisan, hindi kagaya nina Isaiah na walang kaso kahit magsalo-salo kami sa softdrinks na iisa lang ang straw.

Akala ko galit na siya, pero mayamaya ay narinig ko siyang nagsalita. "Y-you can do that..."

Nagtatakang napatingin ako sa kanya.

"It's fine."

"Ha?"

"Just..." Umiwas siya ng tingin sa mga mata ko. "Just don't do that in front of other men."

Sandali akong napatulala pagkatapos ay unti-unting napangiti.

"Tulog na siguro si Mommy," bulong ko na sinigurado ko namang maririnig niya. "Jordan..." tawag ko sa kanya.

"What?" Nakataas ang isa niyang kilay nang lingunin ako.

"Uwi ka na," nangingiting utos ko sa kanya.

Inilayo ko ang platito ng cake sa kanya saka sinalo ang nakakalunod niyang mga tingin.

Umusod ako palapit sa kanya. "Sige ka, pag di ka pa umuwi, ikikiss kita."

Ang kulay tanso niyang mga mata ay bahagyang nanlaki. At mula sa malamlam na liwanag ng kitchen chandelier ay nasinag ko ang bahagyang pamumula ng kanyang mukha.

Lalo akong napangisi. "Jordan, this is a replay."

Ang mga labi niyang nakaawang sa pagkabigla ay unti-unting napangiti. Pagkatapos ay nakangiting napailing siya.

Nang muling magtama ang aming paningin ay wala na ni isa sa amin ang nakangiti. Maging ang eskpresyon niya ay bumalik na sa pagiging seryoso. Nakatitig na lang siya sa akin.

Nang bumaba ang kulay tanso niyang mga mata sa aking mga labi ay narinig ko siyang mahinang nagsalita. "Magsusumbong ka ba?"

Napalunok ako bago siya sagutin. "H-hindi..."

Bahagyang tumaas ang sulok ng kanyang bibig. Tumayo siya at nang hawakan niya ang aking pisngi ay napatingala ako sa kanya.

"Jordan..." sambit ko nang yumuko siya.

Hindi ko matiyak kung inaasahan ko ba ito o hindi, basta napapikit na lamang ako nang muli ay malunod ako sa mainit at matamis niyang mga labi...

JF

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro