Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 32

"SAAN KA NA? NAKALIGO AT NAKAPAG-TOOTHBRUSH NA AKO."


Umikot ang bilog ng mga mata ko nang marinig ang boses ni Hugo. Malapit na ako sa condo niya nang tumawag siya ulit. Nang nasa tapat na ng Montemayor Condominium ay bumaba na ako ng taxi.


"Dito na po, Engineer Aguilar."


"Pakibilisan, napapagod na akong maghintay sa 'yo."


Natawa ako sa sinabi niya pero hindi ko na pinansin. Naglakad na ako papasok sa lobby. Nasa visiting list ako ni Hugo kaya nakapasok agad ako matapos kong magpakita ng valid ID sa frontdesk. Halatang prepared na magpadalaw kasi mukhang matagal na akong nasa visiting list.


Naglakad na ako. Minsan naiisip ko kung naging ganito ba kami ni Hugo kung sakaling walang umalis noon?


Magkakaroon pa rin ba ng chance ang friendship namin kung hindi ako nasaktan at hindi rin ako nakasakit noon? 


Naiisip ko pa rin... at nahihirapan pa rin akong sagutin...


Napailing ako sa mga sumasagi sa isip ko. Nandito ako kay Hugo para lumimot at para maalala na rin kung saan ba ako nakatayo. Hindi ko na dapat pang pigain pa ang utak ko sa mga tanong na mahirap hanapan ng sagot.


Nang makalampas sa lobby at inilabas ko ang phone ko para tawagan si Hugo. Tatawagan ko na sana siya para itanong ulit kung anong floor at number ang place niya nang magbeep ang phone ko. Pagkuha ko ay may text message siya. Nanulis ang nguso ko nang makitang kasama sa room number and floor ang code ng mismong lock ng pinto niya.


Bakit hindi na lang niya ako pagbuksan kapag nag-doorbell ako? Door lock code iyon, hindi dapat ipinamimigay. Paano kung bumalik ako roon kapag wala siya tapos pagnakawan ko siya? Hindi rin talaga nag-iisip ang itlog na iyon.


Napakadali lang talaga sa kanya na magtiwala kahit noon. Sa panlabas ay may pagkabarumbado lang siya, pero ang totoo, malambot siyang tao. Isa pangnapatunayan ko sa paglipas ng panahon ay ang pagiging napakabuti niyang kaibigan. Siya iyong tipo ng tao na dadamayan ka at hindi iiwan, lalo na kapag alam niyang kailangang-kailangan mo.


Paglabas ng elevator sa 25th floor ay hinanap ko na agad ang pinto niya. Dahil lima lang ang pinto sa floor na ito ay nakita ko agad ang kay Hugo. Nag-try akong mag-doorbell pa rin kahit pa alam ko ang code, pero hindi niya talaga ako pinagbuksan.


Naiiling na itinipa ko na ang code. Isang try lang, na-unlock agad ang pinto.  "Hugo?" Pagbukas ko ay mahina akong tumawag.


Nakarinig ako ng mahinang nagha-hum ng isang 90's R&B song. Sumilip ako sa loob.


Dim ang ilaw sa malawak sa sala. Leather ang lahat ng sofa na naabot ng tanaw ko. Nakakahanga ang malaking curved TV sa pader. Hindi ko alam kung ilang inch pero mukhang pati pores ng langgam ay makikita ko kapag nanood ako roon.


Makakapal din ang kurtina na halatang mabibigat at mahihirap labhan at patuyuin kung hindi mo gagamitan ng malupitang washing machine.


Pumasok na ako sa loob. Nag-alis ako ng sapatos saka iginala ang paningin sa paligid. Minimalist and dark, iyon ang napansin ko. Alam mo agad na lalaki ang nakatira rito. Maliban sa sala set na black leather, black na kurtina, grey na dingding at ilang pirasong high-tech appliances ay wala na akong ibang nakikita. Maski isang pirasong halaman, wala.


"It's amazing how you knock me off my feet, hmn..." malamig at malambing na tinig na mula sa kaliwang parte ng suite. Doon din galing yung nagha-hum...


Pigil ang ngiti ko nang makilala ang boses. Ano kayang nakain at kumakanta? May pitik pa. Di naman yata nakainom?


Kumakanta lang kasi ang itlog na ito kapag lasing. Na-shock ako nang first time kong narinig ang boses niya. College kami noon. Hindi ko akalain na bukod sa mambwiset ay may iba pa pala siyang talent.


Kapag lasing siya, doon lumalabas ang talent niya sa pagkanta. Madalas ko siyang marinig kumanta kapag galing siya sa gimikan, dahil sa akin siya pumupunta kapag nalalasing siya. Hangover cure niya raw kasi iyong mga sermon ko.


Sinabihan ko siya noon na mag-audition sa TV kasi sayang naman dahil maganda ang boses niya sa Pop and R&B, ang kaso ayaw niya. Hindi niya raw trip. Ang gusto niya sa buhay ay magpayaman, pumarty at mambabae. Walang-wala sa listahan niya ang kumanta.


Humakbang ako papunta sa kitchen ng suite kung saan naroon siya. Naghu-humming pa habang nakaharap sa stove. Hindi ko alam kung ano ang niluluto niya pero amoy sunog na ang kung ano man iyon.


Habang nakatalikod ay malaya ko siyang napagmasdan. Black na sweatpants at white plain shirt ang suot niya. Nakapaa lang siya sa carpeted na sahig. Mabango, galing ligo e. Mukha ring hindi pa siya nagsusuklay.


Lumingon siya sa akin na bitbit ang kawali. Nakangiti ang mga labi niya na parang nang-aasar.


"I want to know what turns you on... I'd like to know so I can be all that and more."


Inilipat niya ang niluto sa bandehado na nasa mesa. Nilapitan ko siya hanggang sa ilang pulgada na lang ang layo namin sa isat-isa. Nilabanan ko ang nanunukso niyang tingin.


"I'd like to know what makes you cry so I can be the one who always makes you smile," he continued singing.


Nakatitig na lang ako sa mukha ni Hugo habang parang tinatangay ako ng malamig na boses niya. May mga pagkakataon talaga na mukhang malalim na tao si Hugo, pero madalas naman, mababaw lang siya. 


"He never understood what you were worth, and he never took the time to make it work. Baby, I'm the kind of man who shows concern, yes I do. Anyway that I can please you let me learn."


Ngumiti ako sa kanya samantalang siya ay seryoso ang titig na nanunuot.


"Tell me what I gotta do to please you. Baby, anything you say I'll do 'cause I only want to make you happy. From the bottom of my heart, it's true..."


Ibinaling ko ang aking paningin sa mesa kung saan naroon ang mga inihanda niya para sa akin. Adobong manok na natuyuan na ng sabaw at may onting sunog, pero mukha namang masarap.


I admit, I couldn't help comparing Hugo to Arkanghel.


Napakaraming beses...


Normal lang siguro iyon dahil ginagawa niya ang mga dating si Arkanghel ang gumagawa...


Dahil kay Hugo, nakabangon ako. Dahil sa friendship niya, ngumiti ulit ako...


Pero hindi normal kung iisipin kong fair iyon sa kanya. Kasi kahit bali-baliktarin ang mundo, iba pa rin si Hugo at si Arkanghel.


"Pahugas kamay!" masiglang sabi ko saka nilampasan siya para makapunta sa lababo. Pinaka huli kong gustong mangyari ay ang mapansin niya na may iba sa akin sa araw na ito.


Naghugas ako at nagsabon saka feel at home na kumuha ng dalawang plato at dalawang pares ng kutsara't tinidor. Kumuha rin ako ng tag-isa naming baso. Ako ang naglagay ng mga iyon sa mesa. Ako rin ang kumuha ng pitsel ng tubig sa ref. Nakatingin lang naman si Hugo sa akin kahit nang salinan ko ng tubig ang baso niya.


Ipinagsandok niya naman ako. Nilagyan niya rin ako ng ulam sa plato ko."Bakit pala gutom na gutom ka? Di ba tuwing umuuwi ka, kumakain ka muna sa pantry?" tanong niya.


"Walang tinda ngayon," dahilan ko. Hindi ko masabing wala na naman akong ganang kumain kanina.


"Okay," sagot niya pero nakatingin sa mukha ko. Nanghuhuli ng emosyon. Mabilis ang radar niya. 


Ngumiti ako at masiglang nagsalita. "Ano pala ang panonoorin?"


"The Platform."


"Maganda iyon?" tanong ko habang nanguya. "Nakikita ko sa FB, ang daming may gusto, ang dami ring ayaw. Masakit daw kasi sa utak at sikmura pero may deep lesson."


Napa-tsk siya. "Baboy naman nito."


Baboy agad? Wala namang tumatalsik sa bibig ko habang nagsasalita. Umirap ako saka nilunok ang nasa loob ng bibig ko.


"Wag ka ngang ganyan! Pano kita magugustuhan niyan kung ang baboy mo kumain?"


Tumawa lang ako. Sanay na rin ako na ang hilig niyang magbiro. Basta hindi lang sosobra dahil mabilis din akong mapikon sa kanya.


Nakangisi niya akong dinuro ng kutsara. "Hindi mo ako maaakit kung ganyan ka, Susana Alcaraz!"


"Sorry to burst your bubble, Engineer Aguilar, pero wala akong balak na akitin ka. Ew, ha? Ang dami mo kayang babae, puro laway ka na!"


Natatawang naiiling naman siya. "Bakit hindi ba nabubura ng ligo iyong laway?"


"Alam mo, kadirdir ka! Ayoko na ngang makipag-usap sa 'yo." Inirapan ko siya ulit saka ako nagtuloy sa pagkain.


Pagkatapos kumain ay ako ang naghugas ng pinagkainan namin. Hindi ako inawat ni Hugo dahil mukhang wala talaga siyang balak maghugas ng mga plato. Naalala kong nasabi niya dati sa akin na hindi bale na siyang paglutin, paglampasuhin ng sahig o paglinisin ng banyo, basta wag lang siyang paghugasin ng plato sa lababo. Hate niya raw iyon.


Habang naghuhugas ako ay nakasandal siya sa gilid ng lababo at nanonood sa akin habang nakapamulsa sa suot na black sweatpants.


"Sussie," tawag niya mayamaya.


"Hmn?" Bahagya ko siyang nilingon. Nagbabanlaw na ako ng mga sinabong pinagkainan.


"Papagawa ako ng bahay sa Dasma next year. Hinihintay ko lang iyong ibibigay na pera ni Dad sa akin para pangdagdag sa ipon ko."


"Weh may ipon ka?"


"Oo naman, no. Suma-sideline na ako kahit noong graduating pa lang. Saka hindi ako magastos kaya naiipon ko ang allowance na binibigay ni Daddy sa akin. Malaki-laki na iyong nasa bangko ko ngayon."


"Magkano? Twenty K?" Sinulyapan ko siya nang nang-aasar na sulyap.


"Tsk, bat ba wala kang tiwala sa akin?"


"Joke lang!" Natawa ako sa tono niya. Parang napikon. Funny kasi hindi naman siya talaga pikon. Ewan ko ba bakit balat-sibuyas ang bata ngayon.


Tinapos kong patuluan ng tubig mula sa nakabukas na gripo ang huling baso. Nang mabanlawan na ang lahat ay inilagay ko na sa lalagyanan ang mga hinugasan ko.


"E ano nga pala kung papatayo ka na ng bahay?" Hinarap ko siya. "Iinggitin mo ako? E di ikaw na, may pampatayo!"


Hindi sumasagot si Hugo. Nakasimangot lang siya habang nakatingin sa akin.


"Sorry na. E ano nga?" Napaka-matampuhin naman bigla. Nang tapos na sa lahat ay hinubad ko na ang suot kong apron at ibinalik sa pagkaka-hanger sa mini closet ng kusina. Pinagpag ko ang basa kong mga kamay.


Lumapit siya sa akin at kinuha ang mga basa kong kamay. Ginamit niya ang maliit na face towel na nakasampay sa balikat niya para ipamunas sa akin. Marahan ang paghagod niya hanggang sa mga bisig ko na nabasa rin ng tubig kanina.


"Okay ba sa Dasma?"


Napaarko ang isang kilay ko. Bakit ako ang tinatanong?


"O mas okay na sa Gen Tri na lang rin ako magpatayo?" malumanay siya nang magtanong ulit.


"Ikaw..." Ngumuso ako. "Bahay mo naman iyon kaya nasa sa 'yo ang desisyon."


Tumingin siya sa mga mata ko. "What do you think of Tagaytay?"


"Wait..." Binawi ko ang mga kamay ko mula sa kanya. "Nakabili ka na ba ng lupa? Magpapatayo ka e hindi ka pa pala nakakapag-desisyon kung saan mo itatayo? Adik ka ba?"


Nagusot ang matangos niyang ilong. "Kaya nga tinatanong kita sa opinyon mo e!"


"E bakit ako? Ako ba titira sa ipapatayo mo?"


Humakbang siya palapit para abutin ang kaliwang pisngi ko. Pinisil niya iyon nang magaan. "Ayaw ko lang mahirapan kang dalawin ako."


"Sus! Oo na!" Tinapik ko ang kamay niya. "Sa Tagaytay ka na lang kumuha! Para instant bakasyon ako kapag dumalaw ako sa 'yo."


Tumaas ang sulok ng bibig niya. "So Tagaytay na?"


"Oo. Ikaw. Bahala ka!" Nilampasan ko siya. Nauna na ako sa sala. "Dito tayo manood, ayaw ko sa kwarto mo."


Ramdam ko naman ang pagsunod niya sa akin. "Sige, kasya naman tayo sa sofa. Saka matibay iyan, wala pang tunog kapag naalog."


Naupo agad ako sa ipinagmamalaki niyang "matibay" na sofa. In fairness, masarap maupo sa leather sofa na ito. Magkano kaya ito? Mahal siguro. Yayamanin itong si Hugo Emmanule Aguilar e.


Kahit naman noon, mayaman na itong itlog na ito. Napilitan lang ipasok sa public school kasi nga pasaway. Saka iyong mommy niya, ulirang head teacher sa public school.


Tumabi siya sa akin matapos kunin ang remote sa ibabaw ng round glass center table. "What's your wish, Ma'am?"


Nakangisi ko siyang nilingon. "World peace?"


"Mahirap iyon."


"E ano bang pinakamadaling hilingin?"


Tumingin din siya sa akin. "Maliban sa akin?"


Pabiro ko siyang sinuntok sa matigas niyang braso. "Buksan mo na iyong TV, Engineer, bago pa kita walk-outan!"


Sumipol siya saka itinapat ang remote sa flat screen TV na nasa pader. Ang linaw ng screen nang bumukas ang TV. Ang smooth pati ng navigation. Nagsimulang magbrowse ng movies si Hugo sa Netflix. Hindi niya pinili iyong The Platform kasi baka raw ma-stress ako.


Kung alam lang niya na kanina pa ako nai-stress...


"Teka, okay lang bang nandito ako?" tanong ko sa kanya. "Baka mamaya may dumating na babae mo, masugod na naman ako." Though sanay naman na akong masugod ng mga babae nitong si Hugo. Madalas kasi na mapagkamalan akong kabit nitong lalaking ito.


Lahat ng dumaang girls kay Hugo ay may galit sa akin. Kasalanan din ni Hugo kasi minsan, sinasadya niya talagang asarin ang mga nagiging girlfriends niya para hiwalayan na siya. At ako lang naman iyong ginagamit niyang pang-asar. Nandoon iyong ginagawa niyang wallpaper ng phone at laptop niya ang picture ko. Minsan naman ay ginagawa niya akong profile picture sa Facebook.


Kahit kanino ko i-explain hanggang ngayon, walang naniniwala na magbest friend lang talaga kami. Kahit nga sina Tatay Bear at Ma'am Aguilar ay iniisip na idine-deny ko lang si Hugo.


Pero okay na rin iyong ganoon na iniisip ng lahat na taken ako. At least, hindi ako naliligawan dahil ayaw ko rin namang magpaligaw talaga.


"Anong papanoorin?" tanong niya nang hindi pa rin makapili sa Netflix list.


"Ako na nga maghahanap!" Inagaw ko na sa kanya iyong remote kasi na-stuck doon sa trailer. May sounds agad nang magplay ang trailer.


Wala akong makita kaya pinili ko na lang i-click ang Scouts Guide to the Zombie Apocalypse.


"Are you sure with that?" pigil ang tawa niya sa akin.


"Oo kaya manahimik ka na riyan!" Sumandal na ako sa sandalan ng sofa nang mag-start na ang movie.


Nang magstart ang movie ay tumayo si Hugo para patayin ang ilaw sa kusina. Pati ang lampshade sa gilid ng sofa. Ang tanging naiwan na lang na liwanag ay ang mula sa flast screen TV.


Napapitik siya sa hangin nang parang may naalala. "Sayang walang popcorn. Sineng-sine na sana."


Pinagpag ko ang tabi ko. "Umupo ka na! Start na o!"


"Wala kasing snacks e. Sana man lang naalala mong bumili nang papunta ka rito. Di ka rin talaga thoughtful e!" reklamo niya. Tumabi na siya sa akin sa sofa.


Nasa kalagitnaan ang movie. Tawa na ako nang tawa samantalang si Hugo, nakahalukipkip lang sa tabi ko. Mukhang banas na rin siya kasi ang likot ko pa sa sofa. Wala siyang magagawa, mababaw lang talaga kaligayahan ko.Ang OA na rin ng tawa ko kalaunan. Pati hindi funny scenes, tumatawa ako. Hindi ko na gets kung natatawa pa ba talaga ako nagpipilit na lang tumawa. 


Hanggang sa nanahimik na ako sa kinauupuan. Nakatitig na lang ako sa screen ng TV.


Ginawa ko naman lahat para malibang, ang kaso sumasagi pa rin talaga sa isip ko iyong nangyari sa mall kanina. Sumisingit pa rin sa alaala ko kung paano kumabog at nanikip ang dibdib ko.


Ayaw kong kumurap kasi parang nagbabago iyong nakikita ko sa screen, nagiging iba. Nagiging siya...


Nagbeep ang phone ko na nasa ibabaw ng center table. Inabot ko iyon at ichineck kung sino.


Handsome Artemi:
Ate?


Tumaas ang isang kilay ko. Nagtipa ako ng reply.


Me:
Ano na namang problema mo?


Nang tingnan ko si Hugo ay nakatingin na siya sa akin at hindi na sa screen ng TV.


"Hey! We're watching here, 'tas nag-ti-text ka?" sita ni Hugo sa akin.


Itinaas ko ang isang kamay ko kay Hugo. "Teka, reply ko lang ito..."


Umusod siya palapit sa akin. Inaabot niya ng paningin ang screen ng phone ko. "Sino ba kasi 'yan? Di ba 'yan makakapaghintay?"


"Sorry. Saglit lang." Mabilis akong nagtipa ng sagot kay Art.


Me:
Ano ba iyon?


Nagbeep ulit ang phone kaya lumayo ako kay Hugo para mabasa nang malaya ang text.


Handsome Artemi:
Hinihingi ni Kuya number mo. Ano, G?


Napanganga ako.


Nawindang.


Nag-overthink.


"Hoy!" sigaw ni Hugo na ikinagulat ko.


Lutang na napatingin ako sa kanya. "Ha?"


Salubong na ang makakapal na mga kilay niya habang nakatingin sa akin. "Sino ba kasi 'yan? Bakit ayaw mo pakita?"


Hindi ako makapagsalita. Hindi ko siya masagot. Tapos bigla na namang nagbeep ang phone ko.


Handsome Artemi:
Hey, ano? Bigay ko ba?


"Sa-sandali..." nauutal na paalam ko kay Hugo. Umusod ako hanggang sa dulo ng sofa.


Nanginginig ang mga daliri ko. Nag-iisip ako ng ire-reply, magta-type pa lang sana ako nang magbeep na naman.


Handsome Artemi:
Tagal!


"Susana!" naiinis na ang tono ni Hugo. Tumayo na siya para sundan ako sa dulo ng sofa.


Nasa harapan ko na si Hugo at corner niya na ako sa gilid. Hindi ko na alam kung saan titingin nang biglang magbeep na naman.


Handsome Artemi:
Nabigay ko na!


Nanlaki ang mga mata ko sa screen ng phone.


"Sino ba kasi 'yan?!" Hinawakan ni Hugo ang pulso ko na saktong nabitiwan ko ang phone. Bumagsak iyon sa palad niya.


Bago niya pa mailayo ang phone ko sa akin ay nagring ito at nagflash sa screen ang isang unknown number.


Nakasimangot na sinagot iyon ni Hugo. "Hello?!"


Nagtagis ang mga ngipin niya matapos makinig. Bahagya rin siyang lumayo.


"Who's this?" he asked the caller on the other line.


"Hugo..." Hindi na ako makahinga sa kaba, lalo pa nang makita ko ang pagbabago ng reaction niya.


Ang mga mata ni Hugo na sa akin nakatingin ay bahagyang nanalim. Nang magsalita siya ulit ay tuluyan na akong nanghina. "Bakit ka tumawag at anong kailangan mo sa girlfriend ko?!"


JF


Song credits: I wanna Know by Joe

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro