Chapter 1
Simula...
Ang hirap maging maganda.
Actually madali lang naman talagang maging maganda kung... kung hindi ka mataba.
Ako nga pala si Susana Alcaraz. Sussie for short. Only child. Ulila sa ina pero may loving and kunsintidor na ama. Grade 8. Hindi naman talaga mataba, chubby lang. Masipag akong mag-aral at hobby ko ang mag-foodtrip. Wala akong masyadong friends dahil bukod sa maarte ako ay masyado akong OA at straight sa buhay.
Mabilis ang mga lakad ko palampas sa quadrangle kung saan may nakatambay na mga lalaking estudyante. Kanina ko pa sila napansin. Kapansin-pansin naman kasi ang mga nakatambay dahil suki ko sila- suking murahin sa isip.
Tatlong lalaki ang nasa bench sa gilid ng quadrangle na malas ay talagang kailangan kong madaanan dahil sa likod mismo noon ang classroom ko. Ang tatlong itlog na ito ay sina Hugo, Lucky, at Lexus. At sa kasamaang palad ay mga kaklase ko sa 8-Masipag.
Patay-malisya akong nagpatuloy maglakad. Teknik kasi sa mga papampam na ito ay wag papansinin para mawalan ng gana at tantanan ka. Kasi kung papatulan mo ang mga galunggong na ito, lalo ka lang nilang pagti-trip-an.
"Uy, si Sussie-Piggy!" Ang kalbong si Lucky ang starter ng pang-aalipusta sa body size ko.
"Oo nga, si Sussie o!" segunda naman ni Lexus sabay siko sa katabing si Hugo na busy sa touchscreen phone na hawak. iPhone ang phone. Hmp, parang kailan lang Samsung ang phone niya. Araw-araw yatang nagpapalit, palibhasa mayaman.
Actually, guwapo si Hugo. Higit na mas guwapo kina Lucky at lexus. Sa kasamaang palad nga ay naging crush ko pa ang lintek na ito noong Grade 5 hanggang Grade 6 ako. May kaya ito sa buhay pero sa public nag-aaral dahil teacher ang mama nito dito mismo sa school na pinapasukan namin. Noong una ay natutuwa ako sa kanya, kalaunan ay nasuka na rin ako dahil wala na siyang ginawa kundi ang pansinin ang chubby cheeks at baby fats ko. Nagising na lang ako one day na hindi ko na siya crush.
Wala lang naman sa akin ang crush. Normal lang. At hanggang doon lang. Inspirasyon lang.
Nang makita ako ni Hugo ay ibinaba niya agad ang hawak ng iPhone at nginisihan ako. Ngising nagbigay ng kaba sa akin. Ganitong-ganito ang lintek na ito kapag nasa kondisyong manira ng araw. Pero patay-malisya pa rin akong nagpatuloy sa paglalakad.
"Sussie, anong ulam niyo kagabi?" pambu-buwiset ulit ni Lucky. "Yummy ba? Mukhang nakatatlong balik ka e!"
Na sinegundahan na naman ni Lexus. "Oo nga, 'Jol. Tingnan mo iyong damit niya, umiksi bigla!"
Tumayo sa bench si Hugo at lumapit sa akin. "Chubs!"
Inirapan ko si Hugo, ang pinakamalakas mang-asar sa tatlo. Siya naman kasi talaga ang pasimuno. Mula nang maging paborito niya ako asarin noong Grade 5 kami ay nagsigayahan na rin ang mga feeling cool niyang tropa.
Hindi ko sana siya papansinin kaso humarang talaga siya sa daan.
"Sungit mo naman. Parang binibiro ka lang ng mga tropa ko e."
Nakapamulsa siya sa suot na school pants, kulay maroon na slacks dapat iyon pero dahil feeling cool ay jeans na light brown ang suot ng lalaki. Hindi rin siya nakasuot ng school polo, t-shirt na may tatak na Adidas lang ang suot niya. Sa leeg niya ay may silver siyang dog tag, at sa tainga ay kumikinang ang bilog ding silver na hikaw. Mahaba na ang buhok at patilya kaya nakasuot ng cap para maitago iyon. Na-iimagine ko na ang pagpuslit niya sa guard pagpasok sa gate kanina. Hay, pasaway talaga.
Tiningnan ko siya nang masama. "Pwes wala akong time makipagbiruan sa mga tropa mo!"
"Hala yari ka, 'Jol! Galit si Sussie-Piggy sa 'yo!"
Ang daming salita dito at tono na hindi ko talaga magawang makasanayan. Lalo sa parteng ito ng General Trias, Cavite. Kagaya ng 'Tol, naging 'Jol. Sinungaling, sa kanila ay pontoy o bokter. Tsinelas, sa kanila ay shower. Sombrelo, tawag nila shorpit. Bugbugin, ibig sabihin sa kanila ay buntalin. At kapag may nakaaway ka dito, ang tanging sagot ay square areglo.
Hindi ako in born Caviteña, sampid lang ako rito. Taga Bulacan talaga ako pero may bahay kami rito sa Gen Tri.
Itinaas ni Hugo ang isang kamay para patigilin sa panunukso ang mga tropa niya. Nagsitigil naman ang mga galunggong. Palibhasa kasi leader ang turing ng mga ito sa kanya.
Naglakad ako at hahayaan na sana si Hugo nang bigla siyang humarang ulit sa harapan ko. Sa dibdib niya tuloy nabunggo ang nguso ko.
Inis ko siyang tiningala. "Ano ba?!"
"Dito ka muna, Chubs."
"Alis sabi!"
"Kwentuhan muna tayo. Please? Kwento mo sa akin iyong ulam mo kagabi."
"Ano ba? Umalis ka nga sa daraanan ko!"
"Paano kung ayaw ko?" nakakalokong tanong ni Hugo. Lalo pa siyang dumikit sa akin.
"May problema ba rito?" mahinahon pero may diin ang boses na nagmula sa likod ko.
Gulat na napalingon ako sa nagsalita. Kahit ang tatlong mapang-asar ay napasunod ng tingin sa lalaking biglang dumating.
Una akong napatitig sa kulay abo niyang mga mata na kahit walang emosyon ay malamig tumitig. Katulad ni Hugo ay guwapo siya. Matangkad din, maganda ang tikas ng pagkakatayo, matangos ang ilong, pangahan ang makinis na mukha, malantik ang mahahabang pilik-mata, at natural na mapula ang mga labi. Mas angat lang siya kay Hugo nang ilang porsyento dahil mukha siyang may lahi. Gray kasi ang mga mata niya.
Kung hindi ako nagkakamali, Arkanghel ang pangalan niya.
Nakasimangot na hinarap ni Hugo ang lalaki. "Ikaw, may problema ka?"
"Meron." Humakbang siya papunta sa amin.
Dahil matangkad at mahahaba ang binti ay mabilis na narating ni Arkanghel ang pwesto namin ni Hugo. Nagulat na lang ako ng bigla niyang hulihin ang pulso ko.
Hinigit ako ni Arkanghel papunta sa likuran niya sabay tulak ng malaking palad niya sa dibdib ni Hugo.
Nanlaki ang mga mata ni Hugo sa pagkabigla. "The F-"
"Teacher daw nanay mo? I don't care, 'Pre."
Napaungol sa tabi sina Lucky at Lexus. Siguro ay nabigla dahil kahit kailan ay wala pa talagang nagtangkang banggain si Hugo.
Kahit si Hugo ay shocked. Nagtatagis ang mga ngipin niya habang masama ang tingin kay Arkanghel.
"Hugo, di ba? Ito tandaan mo, Hugo, bawal mo nang buwisitin itong si Susana Alcaraz mula sa araw na ito."
Gulat na napatingala ako kay Arkanghel na seryosong nakikipagtagisan ng tingin kay Hugo.
"Arkanghel..." tulalang sambit ko.
Yumuko siya at ngumiti sa akin. "Dahil mula ngayon, akin na ang biik na ito. Naiintidihan niyo?"
JF
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro