Bumuntung-hininga si Catrina ng matapos siyang mag-almusal. Katatapos lamang kumain ng kanyang mga nakababatang kapatid at ngayon ay naliligo na nga sila para hindi mahuli sa eskwela.
Ang kanilang ina na si Virgie ay nauna nang tumalima sa palengke upang magtinda. Ang kanilang ama na si Eduardo naman ay maagang pumanaw ng maaksidente ito sa daan.
"Ate Cat! Tara na po!" Masigasig na pagyaya ni Candy, ang walong taong gulang nyang kapatid habang hawak sa kabilang kamay si Christy na pitong taong gulang.
Muli pang ineksamen ni Catrina ang kaniyang sarili at ang laman ng kaniyang bag upang masiguradong dala na niya ang mga kailangan bago pumasok sa trabaho bilang crew sa isang fastfood chain. Ganoon din ang ginawa niya sa mga kapatid bago sila lumabas ng bahay.
Matapos ihatid sa eskwelahan ang mga kapatid, isang malalim na hinga muli ang pinakawalan ni Catrina bago ayusin ang cap na suot at pumasok sa pinagtatrabahuan niya.
"Magandang umaga, Ma'am, Sir!" Ngiting sambit ni Catrina sa mga customer na pumapasok sa establishimento nila. Ngayon ay nakatoka siya sa pagmamop ng sahig habang ang kanyang mga kaibigan ay naka-assign sa kaha at sa paghahatid ng mga order ng mga customer.
"Catrina." Tinig ni Larisse pagkahatid ng order sa isang lamesa. Nginuso nya ang paparating na lalaking matangkad na may dalang portable cassette player na tumungo sa bakanteng lamesa.
Nagkibit-balikat na lamang si Catrina sa turan ng kaibigan. Noon pa lang napapansin na nila ito na mag-isang kumakain at tila ba ay walang kaibigan. Palagi nitong dala-dala ang bagay na may kalumaan na.
Natapos ang kalahating-araw ni Catrina at agad na dinaanan ang mga kapatid sa eskwelahan upang sunduin ang mga ito.
Lumipas ang tanghali at ng nakapagpahinga na ay nagpalit ng damit pamasok niya sa unibersidad kung saan siya ay nasa ikatlong taon na sa Kolehiyo. Kinuha niya ang kursong Sikolohiya upang mas maintindihan ang mga tao sa kanyang paligid pati na din sa mabilis makakuha ng trabaho sa programang iyon.
Sa kadahilanang siya ay may trabaho sa umaga, kinuha niya ang mga panggabing klase simula alas-sais hanggang alas-nwebe ng gabi. Tangan ang backpack, agad siyang tumungo sa unibersidad.
Katulad ng inaasahan, mas tahimik ang mga pasilyong iyon dahil karamihan ay pang-umagang klase ang mga kinuha. Sa ibang pagkakataon, malamang ay natakot na siya dahil hindi siya sanay sa ganoong paligid ngunit dala ng determinasyong makatapos at guminhawa ang buhay, pinagbalewala niya ang pakiramdam.
Hindi pa man nakakarating sa silid nila, may nauulinigan na siyang mahinang tunog sa kung saan.
Mula sa kanyang pwesto, narinig niya ang ilan sa mga linya ng Neocolours na may titulong Hold On.
'Di kalaunan lumakas ito hudyat na papalapit ang may dala ng tugtuging iyon. Nagtama ang mga mata nila Catrina at ng lalaking araw-araw niyang nakikita sa trabaho at maging sa loob ng silid-aralan.
Walang iba kundi si Timoteo Sandoval.
Matagal ng gustong tanungin ni Catrina ang dahilan ng palagi niyang pagdadala ng cassette player nito ngunit wala siyang pagkakataon. Palaging nababaling sa iba ang atensyon hanggang sa isang araw, isang proyekto ang kailangan nilang gawin sa isang asignatura.
At sa pagkakataong iyon, sila ni Timoteo ang magkapares. Ikalawang araw na simula ng pag-usapan nila ang tungkol sa paksa na kanilang gagawin ngunit kinailangan nilang magpunta pa sa Manila Bay para matapos ang pinapagawa sa kanila.
"Catrina." Sambit nito ng makita siya sa labas ng silid-aralan.
"Timoteo." Sagot niya at tahimik na pumasok sa loob patungo sa upuan niya sa likod. Ramdam niyang nakasunod sa kanya ang lalaki at tumabi sa kanan niya. Agad na pinatay panandalian ang cassette upang maghanda sa klase.
Hindi na bago kay Catrina ang mga tuksuhan sa paligid nila pagkakita sa kanila. Kilala siya bilang masayahin na tao kaya sinakyan niya na lang iyon at katulad ng inaasahan, tahimik lang ang lalaki sa tabi niya.
"Talaga bang ganyan ka? Tahimik at bugnutin?" Hindi maiwasang tanong ni Catrina habang ibinubuod ang kanilang proyekto sa Manila Bay. Lumipas ang mga araw at kinailangan na nilang tapusin ang proyekto.
Halo-halong tunog ng alon, ihip ng hangin at busina ng mga sasakyan ang maririnig sa paligid ngunit pumailanlang pa din ang musika mula sa cassette player ni Timoteo.
"Mahalaga sa akin ang bagay na ito." Bulalas ni Timoteo habang nakatuon ang atensyon sa dagat. Napukaw ang pokus ni Catrina at pinakinggan ang sentimyento ng lalaki. "Nang mawala ang aking ina, ito ang pinamana niya sa akin. Narito ang mga paboritong kanta na isinatinig ng aking ama sa kanya simula noong nililigawan pa lang niya ito hanggang maging magkabiyak sila."
"Pasensya. Hindi ko alam na may sentimental value pala sa iyo iyan. Akala ko, trip mo lang. Para maging cool sa mata ng lahat." Nahihiyang pag-amin ni Catrina.
Napatawa na lang si Teodoro at tiningnan siya ng diretso sa mga mata. "Ganoon ba tingin niyo sa akin? Pa-cool?"
Mabilis na napatango si Catrina at hindi nila namalayang pareho na lang silang natawa. Hindi nagtagal, naging simula iyon ng pagkakaibigan nila.
Kung noon ay panay pandededma ang gawa nila sa isa't isa, ngiti ang salubong nila sa tuwing nadadayo sa trabaho niya ang lalaki at paminsan-minsan pa ay sabay silang umuuwi. Dala pa din ang cassette player niya.
Kung noon ay puro malulungkot na kanta ang pinapatugtog ni Timoteo, napuno ito ng masasayang awitin. Minsan pa ay napapaindak sila sa saliw ng magagandang tugtog habang naglilinis sa bahay at tinutulungan siya ng lalaki.
Kilala na din si Timoteo ng kanyang ina at mga kapatid. Hindi nagtagal at parehong nakatapos sila sa kurso ng Sikolohiya at unti-unting nakaahon sila Catrina sa kahirapan.
Magkahawak ang kamay, masayang tinungo ng magkasintahan ang daan patungo sa lugar kung saan sila unang naging magkaibigan. Dinig ang love song na may titulong Crazy For You.
Agad na imumuwestra sa pag-upo si Catrina ng pigilan siya ni Timoteo. Nababanaag ang pagtataka sa mukha, lumuhod ang lalaki sabay tanong ng, "will you marry me, Catrina?"
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro