Simula
Sa nakaraang limang daang taon, sa mundo ng mga kaluluwa ay may isang taksil na imortal ang nagtangkang magnakaw ng kuwintas na siyang susi sa dalawang lagusan patungo sa ibang mundo. Nang hawak na ng taksil na ito ang kuwintas, bigla itong naglaho sa kanyang mga kamay at naging isang bituin sa kalangitan. Gulat at pagtataka ang nangibabaw sa taksil na immortal, wala siyang nagawa at hindi na muli pang naibalik ang kuwintas.
Samantala, sa mundo ng mga mortal ay may isang magsasaka ang nakatuklas ng isang lagusan patungo sa kaharian ng mga kaluluwa. Sa pamamagitan ng isang kuwintas na nagmula sa isang bulalakaw, nagbukas ang lagusang ito at napasok niya ang kakaibang mundo.
Sa kanyang pagpasok, napakaraming kaluluwa ang kanyang nakasalamuha, namumuhay ang mga ito na parang normal lamang, halintulad sa mga nabubuhay na mortal.
"Mawalang-galang na po, maaari mo bang ituro ang daan patungo sa palasyo?" tanong ng mortal sa isang matandang lalaki na tila pagkaubos ng dugo ang ikinamatay.
Itinuro ng matandang lalaki ang daan patungo sa palasyo ng Mahatma.
Walang takot niyang tinahak ang daan na napaliligiran ng mga walang buhay. Maging ang mga puno't halaman ay kulay abo. Lahat ay walang buhay, maliban sa mga bituing nagniningning sa kalawakan at ang bilog na buwan na siyang nagbibigay liwanag sa kapaligiran.
Dalawang gabi ang inabot ng mortal sa paglalakbay patungo sa palasyo ng Mahatma. Ilang kaluluwa na rin ang nakausap niya, at iisa lamang ang bilin nila...
"Mag-iingat ka. Hindi ka nabibilang dito kaya't maraming kapahamakan ang sa iyo'y naghihintay."
Sa ilang kaluluwang nagbabala sa kanya, walang takot pa ring nagpatuloy ang mortal hanggang marating niya ang kanyang patutunguhan.
Nakarating siya sa palasyo kung saan niya nakilala si Epiridion, ang naghahari sa mundong ito.
"Sino ka? Isa kang lapastangang mortal!" Inakala ni Epiridion na may masamang balak ang mortal na nakapasok sa kanilang kaharian kaya't tinangka niya itong ipapatay at ipatapon sa piitan, kung saan ipinatatapon ang lahat ng kaluluwang nagkasala at walang katapusang pinarurusahan. Ngunit hindi siya nagtagumpay sapagkat ang kuwintas na suot ng mortal ay naging kalasag niya. Laking gulat ni haring Epiridion sa nakita, nagtaka sya sa kung paano napunta ang kuwintas na ilang libong taon na nilang pinangangalagaan.
"Nagmula ito sa bulalakaw at hindi ko ito ninakaw!" depensa ng mortal. "Impossible!" Tinangka muli nilang hulihin ang mortal ngunit bigla itong naglaho na parang abong tinangay ng hangin. Pinahalughog ng hari ang buong kaharian ng Mahatma ngunit bigo silang matagpuan ang mortal.
Lumipas ang apat na daang taon, hindi pa rin nila natatagpuan kung nasaan na ang mortal at wala man lang balita kung ano na ang nangyari dito.
Nagsimula nang magkagulo ang mga kaluluwa, ilang dilubyo na ang nagdaan, nagsimula nang yumanig ang lupa at naglalapit nang bumukas ang impyerno.
Ito ang kinatatakutan nila sapagkat oras na mabuksan ang lagusan patungo sa impyerno ang lahat ng mga kaluluwa ay mapupunta dito. Dahil nawala ang kuwintas na nagsisilbing susi sa dalawang lagusan, wala silang ibang magagawa upang pigilan ang maaaring mangyari.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro