Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Something To Talk About

ANG SWERTE ng mga taong natatagpuan agad ang nakatadhana para sa kanila. 'Yong tipong nagtagpo lang ang mga mata n'yo alam mo na agad na siya na ang para sa'yo. 'Yong nakabunggo mo lang may sparks na kayong naramdaman sa isa't isa. 'Yong isang date lang, magiging isang libong date na.

Pero ako? Maswerte rin ako, syempre! Hindi lang dahil sa love at first sight kaya minahal ko siya. Hindi lang dahil sa nagkabunggo kami kaya nakilala ko siya. Nasa tiyan pa nga lang ng mga nanay namin magkakilala na kami, eh. Bago pa lang magkakaisip palagi na kaming magkasama at bago pa matutong magsalita magkaibigan na.

Noong matutunan ko kung paano ba talaga ang umibig, walang paliwanag, siya agad 'yon. Masasabi kong siya ang nagpapakalma sa puso ko kapag binabagyo 'to ng mga alalahanin. Siya ang pahinga ko kapag napapagod dahil sa mga pagsubok. Ganyan ang epekto sa akin ni Ken.

Pero kasi hindi naman ako kasing swerte ng iba. Nagtagpo na't lahat ang mga mata namin nang ilang libong beses pero hindi ko pa alam kung pareho ba kami ng nararamdaman. Ilang ulit ko na ba siyang binunggo para maramdaman niya naman ang kuryente na nararamdaman ko 'pag nadidikit sa kanya? At ilang friendly dates pa ba ang gagawin namin para lang mabura na ro'n 'yong friendly at matira na lang ang salitang date? Kapag talaga ako napúno sasabihan ko na sa kanyang,

High school pa lang nagmamahal na 'ko sa'yo nang palihim, baka gusto mong gantihan, Ken?

"Naiintindihan mo?"

"Ha?" wala sa sariling ani ko nang marinig ang tanong na 'yon ni Ken. Nakasimangot akong napakamot sa ulo nang mahina niya 'yong tuktukin.

"Hindi ka nakikinig."

"Nakikinig ako!" singhal ko.

"Sige nga, ano'ng sinabi ko?" Nakapamewang na tanong niya.

"Magla-lock palagi ng pinto tsaka bintana."

Tumango siya. "Ano pa?"

"Ano pang ila-lock?" tanong ko habang nag-iisip na agad ng isasagot.

Nagsalubong ang kilay niya. "Ano pang bilin ko, Di," may diing aniya.

Kapag gwapo ba mabilis talagang mag-init ang ulo? Ewan ko ba rito. Dinaig ang sikat ng araw sa init ng bungo ngayon.

"Ano?" muling tanong niya.

Nakagat ko ang ibabang labi nang walang maalala. Iyon yata ang sinasabi niya habang nag e-emote ako kanina.

"Huwag basta-basta magbubukas ng pinto kapag may kumakatok, Jeydi," sagot niya sa sarili niyang tanong. Binuo na rin ang pangalan ko para intense.

"Ah!" nakangising ani ko at tumango pa nang maalala 'yon. Narinig ko nga kaninang sinabi niya 'yon. Natabunan lang sa utak ko.

"Ah," walang emosyong pang-gagaya niya sa'kin bago ako inirapan. Binuhat na niya ang dalawang maleta ko bago pumasok sa gate ng apartment. "Bakit ba napakarami nitong dala mo? Wala ka na bang balak umuwi?"

Ramdam ko sa boses niya ang hirap dahil sa pagbubuhat niya ng mga 'yon. Siniksik ko pa naman 'yon para mas maraming laman kaya paniguradong sobrang bigat niyon pareho. Nakonsensya naman ako bigla.

"Mahirap naman kung kaunti lang ang dadalhin ko." Itinulak ko siya habang paakyat sa hagdan sa isiping makakatulong 'yon. Agad naman siyang umangal.

"Mas lalo lang akong nahihirapan, Jeydi!"

"Sorry na!" natatawang ani ko.

Nakarating kami sa ikatlong palapag na siya ring huling palapag. Binuksan ko ang pinto at pinauna siyang makapasok bago isinara ulit 'yon. Naupo naman siya sa pangdalawahang sofa roon. Nag-iisa lang 'yon. Para lang talaga sa amin.

"Ang mga bilin ko, Jeydi, huwag mong kalilimutan."

"Makakalimutan ko pa ba naman 'yon, eh, nakailang ulit ka na?" Inabutan ko siya ng isang basong malamig na tubig. Inisang tungga niya lang 'yon. "Isa pa?" tanong ko nang iabot niya sa akin pabalik ang baso. Iling lang ang isinagot niya bago sumandal at pumikit.

"Matutulog muna ako. Gisingin mo ako, ha, kapag dinner na."

Ipinatong ko lang ang baso sa lamesa bago ako pasalampak na umupo sa tabi niya. "Ang kapal ng mukhang dumayo ng kain dito, nasa tabi lang naman ang apartment niya."

Nagmulat siya at tiningnan ako habang natatawa bago muling pumikit. "Ipinagbuhat kita, hoy!"

"Tse!" angil ko pero napangiti naman.

Sumandal ako sa balikat niya at pumikit din. Habang nakapikit inisip ko kung ano bang mangyayari ngayong college na kami. Excited ako pero nakakapressure pala lalo pa't ako lang naman ang aasahan nila mama.

Ilang minutong katahimik ang lumipas nang muli akong magsalita, "Kinakabahan ako, Ken."

"Saan?" Inaantok nang tanong niya. Akala ko nga tulog na siya, eh.

"College na tayo." Wala akong narinig na sagot sa kanya. Nang maramdaman ko ang pag-akbay niya sa akin ay napamulat ako. Nakita kong nakamulat na rin siya at nakatingin na sa akin nang tiningala ko siya.

"Ano'ng ikinakatakot mo sa pagiging kolehiyo, eh, mag-aaral ka lang din naman dito?"

"Syempre, mas mahirap 'to."

Malalim siyang nagbuga ng hangin. Ang kamay niya sa balikat ko ay umakyat sa tuktok ng ulo ko at marahang hinaplos 'yon. "Basta ibigay mo lang ang best mo tulad ng palagi mong ginagawa. 'Yung kapag natapos na ang araw wala kang pagsisisihan kasi ibinigay mo ang lahat ng kaya mo."  Nakangiti akong tumango. "At 'yung kaya mo lang, Jeydi. Hindi 'yung magpupumilit ka pa kahit pagod ka na," dungtong niya pa.

"Wala ka bang ikinakatakot ngayong college na tayo?"

"Mayroon."

Patagilid akong umupo para mas maharap ko siya nang mabuti. "Ano?"

Mataman siyang tumitig sa akin ng ilang segundo bago sumagot, "Basta. Marami." Pagkasabi niya no'n ay pumikit na siya ulit.

"Ang galing mag advice, takot ka rin naman pala," nakangiwing ani ko.

ANG dami kong naririnig na kapag nasa kolehiyo ka marami ka pa raw makikilalang iba. Baka 'yung gusto mo noong high school mapapalitan kapag may nakilala ka sa college na mas gwapo, o mas matalino. Kumbaga, dumadami ang nakakasalamuha mo, lumalawak ang mundo mo. Actually, hinintay kong mangyari 'yon. Sinubukan kong tumingin sa iba. Sinubukan ko lang kung gaano ba talaga katatag 'yung nararamdaman ko para kay Ken. Hindi naman masamang sumubok, 'di ba?

***

"KEN!"

Mula sa pagtitingin ng foundation, na hindi ko alam kung bakit ba iyon ang tinitingnan ko, ay nilingon ko si Jeydi. Nakakurba paitaas ang kulay rosas niyang labi. Pati tuloy ako napapangiti sa ganda niya.

"Bagay ba?"

Naningkit ang mga mata ko at inalala ang namumulang labi niya na ipinakita niya rin sa akin kani-kanina lang.

"Ano, ngalay na ako sa kangingiti!" may kalakasang pagkakasabi niya kaya napalingon sa amin ang ibang customer ng store na 'yon.

"Eh, bakit kasi nakangiti ka pa," natatawa kong ani.

"Sumagot ka na lang kasi tsaka bilisan mo. Gabi na kaya!"

"Ang lapit-lapit natin lagi kang nakasigaw," naiiling kong ani. Wala pa kasing kalhating dipa ang layo niya pero kung makasigaw siya parang sampung kilometro ang layo niya sa'kin.

"Ano na?"

"Ito na nga." Pinag-aralan ko ang hugis pusong labi niya. Napakaganda niyon, may pang kulay man o wala. Pero syempre kailangan ko siyang sagutin ngayon. "Mas bagay sa'yo 'yung pula."

Tumingin siya sa maliit na salamin na naroon sa rack ng mga lipstick. "Hindi ba bagay 'to?" nakalabing tanong niya nang muli akong lingunin.

"Bagay naman pareho sa'yo dahil maputi ka. Mas gumaganda ka lang sa pula."

"Para namang sinasabi mong pumapangit ako sa pink?" nakasimangot na aniya na ikinatawa ko muli.

"Bakit mo pa ako tinatanong kung may napili ka na at nagustuhan?" naiiling kong ani. "At hindi ko sinasabing pumapangit ka sa pink, ang sabi ko mas gumaganda ka sa pula."

"Eh, maganda kasi pareho," nakangsuong aniya at tiningnan ang hawak.

Nilapitan ko siya at kinuha sa kamay niya ang dalawang magkaibang kulay ng lipstick.
"Bakit ka pa kasi namimili kung pwede mo namang kunin pareho."

"Hoy, para sa isa lang ang budget ko," bulong niya. Nanlalaki pa ang mga mata.

"Ako ang magbabayad ng isa."

Bumalik ang malawak na ngiti niya. "Sabi mo 'yan, ha!"

"Sa isang kondisyon."

Ngumiwi siya. "Iyan tayo, eh. Ano, laging may kapalit?" 

Hindi ko pinansin ang sinabi niya at itinuloy ang sasabihin ko. "Sagutin mo nga 'ko. May pinagpapagandahan ka ba?" Itinaas ko ang hawak kong basket na may laman ng mga pinamili niyang pampaganda. Nagtataka ako dahil ngayon lang naman siya gumamit ng ganito. Hindi ko tuloy alam kung required ba ang ganito kapag kolehiyo na. Ganito rin kasi si Ate Kendra noon no'ng nag kolehiyo siya. O talagang may pinagpapagandahan lang 'tong isang 'to?

"Wala, ah."

Umiwas siya ng tingin at napakamot sa ibaba ng tenga. Naningkit nang husto ang mga mata ko dahil doon "Nagsisinungaling ka."

"Wala nga at hindi ako nagsisinungaling! Tara na nga!"

Sinundan ko siya ng tingin nang mauna na siyang umalis at maglakad papunta sa counter. Malalim akong napabuntong-hininga at naiiling na sumunod sa kanya habang binabagabag ang puso ko.

Naalala ko noong minsan niya akong tinanong kung may ikinatakatok ba ako ngayong kolehiyo na kami. Sa totoo lang ay siya 'yon. 'Yung puso niya. Baka kasi matuto ng tumibok ngayon.

Hindi na naman bago ang kasabihan na sa isang pagkakaibigan hindi pwedeng hindi mahuhulog ang isa. At sa amin ni Jeydi, ako 'yon. Noon pa namang high school kami alam ko na sa sarili ko na higit pa sa pagkakaibigan ang nararamdaman ko para sa kanya. Pero hindi ko magawang magtapat. Nakakatakot. Nakakaduwag. Oo, lahat na ng tawag diyan, gano'n ang nararamdaman ko.

Gano'n kasi kapag 'yung bagay na pinaghahawakan mo na nagbibigkis sa inyong dalawa ang nakasalalay sa gagawin mong kilos. Baka kasi may masira. Baka may mawala. 'Yong pagkakaibigan namin, ayokong masira at mawala 'yon. Iyon kasi ang pundasyon namin. Iyon ang bagay na kapag naputol, alam kong kaming dalawa 'yung mawawala.

Pero ngayong kumikilos siya ng ganito, na para bang may nagpapatibok na ng puso niya, parang gusto kong maging matapang kahit saglit. Kahit isang beses. Baka pwedeng iisang tabi ko muna 'yung pagkakaibigan namin at 'yung takot ko. Baka pwedeng masabi ko naman 'yong nararamdaman ko. Baka pwedeng iparinig ko sa kanya. Kasi baka may pag-asa. Baka lang naman.

Pwede kayang umasa?

Gusto kong umasa.

***

"JEYDI!"

Pareho kaming natigilan ni Ken nang marinig ang tumawag sa pangalan ko bago pa man kami makalabas ng gate ng campus. Nang lingunin ko 'yon ay nakita ko ang isa sa blockmates ko. Naglalakad na siya papalapit sa akin.

"Siya si Bughaw." Pagbibigay alam ko kay Ken kahit hindi naman siya nagtatanong. "Pero Ryder talaga ang pangalan niya."

"Eh, bakit Bughaw?"

"Ang cute kasi ng mga mata niya. Kulay asul," napapabungisngis na sabi ko bago bumaling sa papalapit ng kaklase. "Oh, ano'ng nangyayari sa'yo?" tanong ko na agad kay Bughaw kahit may isang dipa pa halos ang layo niya sa amin.

"Hindi ka ba sasama sa greenhouse?" tanong niya nang tuluyang makalapit.

"Greenhouse?" Rinig ko si Ken na nasa likuran ko. Dahil do'n kaya napatingin sa kanya si Bughaw. Nang tingalain ko si Ken ay salubong na salubong ang kilay niya habang nasa kaharap namin ang tingin.

"Oh, may kasama ka pala," mahinang ani Bughaw na sinulyapan ako bago tumingin muli kay Ken. "Ryder, P're."

Kaunti na lang ay magiging isa na ang kilay ni Ken nang tiningnan niya ako kahit nakalahad na ang kamay ni Bughaw. Kung hindi ko pa 'yon pasimpleng itinuro gamit ang nguso baka hindi niya pa 'yon aabutin.

"Kenneth."

Nagkamayan sila. Hindi pa rin nagbabago ang itsura ni Ken. Agad kong kinuha ang atensyon ni Bughaw.  "Hindi ako sasama sa greenhouse. Nasabi ko na 'yon kay Amanda."

"Korni mo, tol. Kailan ka ba sasama sa'min?"

"Kapag lafang lang. 'Yoko kapag inuman."

"Wow! Good girl," natatawang ani Bughaw na pinisil pa ang pisngi ko.

"Sige na. Mauuna na kami," paalam ko. Tumango naman siya at kumaway kaya hinila ko na paalis doon si Ken.

Pansin ko ang pananahimik ni Ken hanggang sa makauwi kami. Hindi naman siya ganito kanina bago namin makita si Bughaw. Nagtataka tuloy ako sa ikinikilos niya. Kung hindi ko lang alam na unang beses nilang pagkikita 'yon baka isipin kong may sama siya ng loob doon.

Una ang kwarto niya kaysa sa akin. Hinihintay ko siyang magpaalam bago ako lumampas sa kanya pero wala akong narinig hanggang sa makalapit sa pinto ko. Isang beses ko pa siyang nilingon habang inaalis sa pagkaka-lock ang pinto ko pero naroon pa rin siya sa tapat ng pinto niya. Nakahawak sa doorknob at nakatungo. Nang silipin ko ang mukha niya ay nakita kong mariin siyang nakapikit.

"Ken? Okay ka lang?" Hindi siya sumagot kaya muli ko siyang tinanong, "Huy, Ken, may problema ba?" tanging iling lang ang sagot niya.

'Yung pagtataka ko nahahaluan na ng pag-aalala. Mabagal ang kilos ko nang bumaling ako sa pinto ko. Hinawakan ang doorknob pero hindi ko magawang pumasok. Iniisip ko kung may nagawa ba akong mali para umasta siya ng ganito. Pero 'yung pag-iisip ko biglang pinutol ng isang magaang paghawak sa braso ko. Sa bilis ng pangyayari ang sunod ko na lang nalaman magkalapat na ang labi namin ni Ken.

Ilang beses akong kumurap. Tanging nakapikit na mga mata niya ang nakikita ko. Kung anu-ano ang naiisip ko pero nabablangko 'yon sa kung ano bang dapat kong gawin. Sa huli ipinikit ko na lang ang mga mata ko at dinama ang mariing pagkakalapat ng labi naming dalawa.

Idinikit niya ang noo sa akin nang maghiwalay ang mga labi namin at sinabi ang bagay na matagal ko nang hiniling na marinig sa kanya. Iyon 'yung mga kataga na hinding hindi ko pagsasawaang pakinggan kahit paulit-ulit pa.

"Mahal kita, Jeydi."

***

MALALIM akong nagbuga ng hangin at tinitigan ang nakatungo at tulalang si Jeydi. Nanatili kami rito sa labas ng pinto niya. Nakasandal siya sa roon, samantalang narito naman ako sa gilid niya at patagilid na nakasandal sa pader.

Para akong bibitayin sa kaba dahil sa pananahimik niya. Hindi mapakali ang kalamnan ko. Nabigla ko kaya siya? Natakot ko ba siya? Gusto kong batukan ang sarili. Hindi na kasi ako nakapag-isip ng tama kanina. Aaminin kong kinain ako ng selos. Sa dinami-dami ng lumalapit sa kanya, 'yung Ryder na 'yon lang ang pinagselosan ko. Sa isip ko nang mga oras na magkausap sila kanina, baka iyon na 'yong dahilan ng pag-aayos niya. Baka iyon na ang nagugustuhan niya. Iba pala ang epekto kapag may nakaharap kang tao na maaaring nagugustuhan ng taong mahal mo. Nakakaduwag na tipong ikukumpara mo ang sarili mo sa kanya. Nakakabaliw na gustong gusto ko nang hilahin paalis doon si Jeydi. Palayo sa kanya.

"Di."

Nakita ko ang tipid na pagkilos niya nang umayos siya sa pagkakasandal pero hindi nag-angat ng tingin sa akin.

Naghanap ako ng mga tamang salita na dadahan-dahanin ang mga gustong sabihin sa kanya. Tutal ay narito na rin lang, aamin na ako. Ibubuhos ko na lahat. Tsaka ko na lang siguro iisipin kung anuman ang mangyari pagkatapos nito.

Tumayo ako sa harapan niya at hinawakan ang magkakrus niyang braso. Doon na siya nag-angat ng tingin sa akin. Seryoso ang mukha niya, pero hindi mapakali ang mga mata. Alam ko kapag may bumabagabag sa kanya, dahil ganitong ganito siya ngayon.

"Kailangan nating mag-usap."

Matagal pa bago siya tumango. Iyon lang. Walang imik. Mahina ko siyang hinila paalis sa pagkakasandal at binuksan ang pinto ng apartment niya. Ini-upo ko siya sa sofa, hinila ko naman ang isang upuan ng dining table at iniharap 'yon sa kanya. Nagbuga ako ng hangin nang makitang nakatungo na muli siya. Naglulumikot ang dalawa niyang kamay sa isa't isa.

"Totoo ang sinabi ko kanina, Jeydi." Tumigil ang mga kamay niya pero muli lang pinaglaban ang mga hinlalaki. Muli akong nagbuga ng hangin na para bang madadala niyon ang kaba ko. "Mahal kita... Higit pa sa pagkakaibigan," pagpapatuloy ko.

Matapos ang matagal niyang pananahimik, pinutol 'yon ng isang malalim na buntong-hininga.

"Pareho lang pala tayo, Ken. Pareho lang pala tayong lihim na nagmamahal sa isa't isa. Pareho lang tayong kinain ng takot at pangamba na baka hindi masuklian ang nararamdaman natin."

Parang may gumagapos sa hangin sa baga ko at nagpahigpit sa paghinga ko nang marinig ang mga sinabi niya. Sumilay ang isang matamis na ngiti sa labi ko pero agad 'yong binura ng sunod niyang sinabi.

"Sinabi ko sa sarili kong susubukan kong tumingin sa iba."

Nag-angat siya ng tingin sa akin. Naghalo ang kabang nararamdaman ko nang ngumiti siya. Ngiti na pati sa namamasa niyang mga mata ay mababakas ang saya.

"Pero iba pa rin talaga kapag 'yung puso mo na ang naghahanap sa taong 'yon. Kapag 'yung puso mo na ang nakakita ng dapat mong mahalin."

"I-ibig mong sabihin..."

"Napatunayan kong hindi naman gano'ng kababaw lang ang pagmamahal ko sa'yo. Hindi naman kita nagustuhan lang dahil sa gwapo mong mukha na kapag may nakita ng mas gwapo mawawala na 'yung nararamdaman ko sa'yo. Minahal kita dahil ikaw 'yan. At wala ng ibang Kenneth Molina sa mundong ito."

Sa sobrang saya dahil sa mga narinig sa kanya ay mabilis akong napatayo at nakapikit na napasuntok sa ere. Nanatili pa akong nakatalikod sa kanya. Nakapikit habang nasa noo ang nakakuyom na kamao. Nagpapasalamat dahil nadinig na ang matagl kong panalangin. Ang mahalin ako ng mahal ko.

"Ano'ng ginagawa mo?"

Nilingon ko si Jeydi nang marinig ang natatawa niyang boses. Nakatayo na rin siya.

"Sobrang saya ko lang, Jeydi. Hindi ko 'to inaasahan. Sa tanang buhay ko hindi ko inakalang pareho tayo ng nararamdaman." Nilapitan ko siya nang makita ang pagpatak ng luha sa kanyang mga mata. "Mahal na mahal kita, Di. Hindi ako magsasawang sabihin 'yan ngayon. Araw-araw. Para makabawi ako sa mga panahong hindi ko naiparinig 'yan sa'yo."

Mahina siyang napahagulgol at yumakap sa akin. Paulit-ulit sa salitang napakasarap marinig mula sa kanya.

"Mahal na mahal kita, Ken."

***

ANG SWERTE ng mga taong natatagpuan agad ang nakatadhana para sa kanila. 'Yung tipong nagtagpo lang ang mga mata n'yo, binubuo na pala ang tadhana na kayong dalawa ang magkasama. 'Yung nakabunggo mo lang pero iyon na pala ang umpisa ng walang hanggan n'yo. 'Yung isang date lang, magiging isang libong date na. With your chikiting. Pero syempre saka na 'yung huli para sa amin ni Ken. Date lang muna na kaming dalawa lang.

"Babe, bagay ba?" tanong ko habang nakangiti nang malawak para mas makita niya ang maganda kong labi.

Naningkit ang mga mata niya. Iimik na sana ako sa sobrang tagal niyang sumagot pero naunahan niya ako.

"Parang mas bagay 'to riyan." Turo niya sa labi niya.

"Gago!" natatawa kong ani. Kahit nga 'yung mga customer doon na nakarinig ng sinabi niya natatawa sa kanya.

"Sus, kilig ka naman."

"Try nga natin 'to sa'yo." Sumimangot siya nang ilapit ko ang lipstick sa labi niya pero ngumuso rin naman agad.

'Yung apat na taong relasyon namin ni Ken hindi naman naging smooth lang ang daan. Hindi naman parang kendi na puro tamis. May pinag-aawayan pa rin naman kami, maliit man o malaking bagay. Pero idinadaan namin lahat 'yon sa usapan. Hindi itutulad sa mga salitang hindi nasabi nang ilang taon dahil sa takot at pangamba kaya nanatili lang sa likod ng dila.

WAKAS

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro