FINAL: /30/ Graduation, Death, Life, & Love
I'm dedicating this final chapter to the graduating class of 2020 and to all survivors!
"You have to die
a few times
before you can
really live."
― Charles Bukowski
FINAL CHAPTER:
/30/ Graduation, Death, Life, & Love
[GOLDA]
NAGISING ako nang maramdaman kong may humahaplos sa buhok ko. Pagmulat ko'y laking gulat ko nang makita ko si nanay.
"N-Nay?" tawag ko sa kanya. Nasa tabi ko siya at nakahawak sa'kin. Kitang-kita ko na nagliliwanag 'yung mukha niya.
Namuo ang luha sa mga mata ko at kaagad ko siyang niyakap.
"Joanne," laking gulat ko nang makita ko si Kuya Joseph.
Teka. Ito na ba 'yon? Patay na ba 'ko?
Parang bigla akong nahulog mula sa isang mataas na lugar. Nagbalik ako sa ulirat at namalayan ko 'yung sarili ko na nakayakap sa bisig ni Yaya Liliah.
"Yaya Liliah?" tawag ko sa kanya nang bumitiw ako.
"Golda... Anong nangyari?" nag-aalala niyang tanong.
Napatingin ako sa kinaroonan ko. Nakasalampak pa rin ako sa sahig, sa gilid ng kama ko. Nasa tabi ko si Yaya Liliah.
"Naabutan kitang nasa sahig... Mugtung mugto ang mga mata mo, hija," sabi niya.
Nakapa ko 'yung pisngi ko at naramdaman ang tuyong luha.
"Golda," tawag ulit niya. Umusod siya palapit sa'kin at hinawakan ako sa mukha. "Sabihin mo sa'kin ang totoo... Anong masakit sa'yo?"
Para kong bata na biglang umiyak. "Y-Yaya..." kaagad niya akong niyakap. "Ang sakit, Yaya..."
"Sshhh... Tahan na, Golda," sabi niya habang hinihimas ako sa likuran. "Sabihin mo kay Yaya kung anong masakit."
Pinilit kong pakalmahin 'yung sarili ko bago ako muling bumitaw kay Yaya Liliah.
"M-May sakit ako, Yaya..." sabi ko tapos umiling ako. "Ayoko pang mamatay, Yaya..."
Napatakip siya ng bibig nang marinig 'yon, tumitig sa'kin ng ilang segundo si Yaya Liliah. Inaasahan ko na maghihisterikal siya pero nanatili siyang kalmado.
Imbis na magdelihiryo ay niyakap ako nang mahigpit ni Yaya Liliah. Walang salitang inusal pero dama ko 'yung pagmamahal at simpatya niya sa yakap na 'yon.
"A-Anong gagawin ko, Yaya?" at sa kauna-unahang pagkakataon... Sinubukan kong magtanong sa ibang tao kung ano nang dapat kong gawin.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay pinakita ko sa ibang tao ang kahinaan ko, na natatakot ako na harapin 'tong mag-isa.
Hindi ko alam kung ilang oras kaming nanatili sa gano'ng oras ni Yaya Liliah. Ako na humihikbi sa bisig niya, at ang paghimas niya sa likuran ko para iparamdam sa'kin na hindi ako nag-iisa.
"A-Anong gagawin ko? Natatakot ako..."
Pagkaraan ng ilang sandali'y bumitiw siya sa'kin.
"Ikaw talagang bata ka," pinilit niyang ngumiti at nakita ko ang nagbabadyang luha sa mga mata niya. "Kahit kailan talaga'y gusto mong solohin palagi ang mga problema mo."
Matapos akong pakalmahin ni Yaya Liliah ay inaya niya akong kumain sa may garden, para rin makalanghap ako ng preskong hangin.
Pinagluto niya ako ng ni-request kong pagkain. Pagkatapos ay magkaharap kami ngayon dito sa garden.
Kinuwento ko kay Yaya Liliah ang lahat. 'Yung sakit ko, 'yung mga ginawa ko.
Alam ko na ayaw niyang ipakita sa'kin na gusto niyang umiyak kahit na kanina pa niya pinipigilan. Pero hinarap niya ako ng diretso para matulungan ako sa abot ng makakaaya niya—naramdaman ko na ayaw niya ring sumuko para sa'kin.
"Sinubukan mo bang magpagamot?" tanong niya.
Umiling ako. "Pare-parehas lang sila ng findings, 'Ya. 'Tsaka... Pakiramdam ko mas mamamatay ako sa ospital kapag nagpalunod ako sa gamot."
Walang anu-ano'y bigla niya akong hinampas. "Aray ko naman, ya!"
"Eh luka-loka ka palang bruha ka!" inis niyang sabi. "Ayaw mong mamatay pero ayaw mong magpagamot?"
Natawa ako sa sinabi niya. Pero hindi siya natawa at mas lalo pa siyang sumimangot. "Anong nakakatawa?!"
"Sorry naman, Yaya. Susubukan kong humanap ng paraan para magpagamot ako..." sabi ko.
"Sinubukan mo na bang manampalataya? Magdasal sa diyos?" tanong niya bigla.
Napangiwi ako. "Yaya, alam mo namang hindi ako relihiyosa."
"Hindi mo naman kailangang maging relihiyosa para manampalataya," seryosong sagot niya.
Napaisip ako ro'n kasi parang may punto siya. Napabuntong hininga si Yaya.
"Kaya pala pinamigay mo na ang mga gamit mo..."
"Nakabili na rin ako ng ataul, Yaya—aray!" hinagisan ba naman ako ng pamaypay sa mukha! "Yaya, masakit!"
"Halika rito at sasakalin na kita! Ginigigil mo ako, Golda!" naghihisterikal niyang sabi. "Diyos mio, kahabagan ka ng diyos, Joanne!"
"Kumalma ka, Ya!"
"Paano ako kakalma?!"
Lumipas ang sandali. Muli kaming natahimik at naging seryoso ni Yaya Liliah habang nakatingin sa malawak na bakuran.
"Alam mo 'yung feeling na ang dami ko pa palang gustong gawin pero parang hindi ko alam kung ano at kung saan magsisimula," sabi ko habang nakatingin sa kawalan. "Akala ko kasi tanggap ko na kasi halos nakuha ko na lahat ng gusto ko... Magandang bahay, maraming kotse, mamahaling damit, at kung anu-ano pa."
"Ano pa bang mas mahalaga kaysa sa mga materyal na bagay, kayamanan at pera?" tanong bigla ni Yaya at nagkatinginan kami.
Napaisip ako. Alam ng puso ko 'yung sagot.
"Pamilya... Kaibigan...'Yung mga taong mahal mo."
Napangiti si Yaya Liliah. "Kung gano'n sa tingin ko alam mo kung ano pa ang mga dapat mong gawin."
Tumango ako at bigla akong may naalala. "Oo nga pala, Yaya. Sa'yo ko ipapangalan 'tong bahay na 'to, ha—"
"A-Ano kamo?" sa gulat ni Yaya Liliah ay napahawak siya sa dibdib. Akala ko mahihimatay siya.
"Yaya! Huwag kang ganyan baka mauna ka pa sa'kin!" biro ko at hinampas niya ko.
Natawa na lang kami parehas.
*****
"JOANNE," sumungaw si Yaya Liliah sa pintuan. "Nandiyan na siya, paakyatin ko ba rito sa kwarto mo?"
"Sa study room na lang siya maghintay. Sandali lang kamo at mag-aayos lang ako," sabi ko at tumango si Yaya bago umalis.
Pagkaraan ng ilang sandali'y pumunta ako ng study room. Pagpasok ko'y nakita ko siyang nakaupo sa sofa.
"G-Golda—" tumayo siya at kaagad na lumapit sa'kin.
Hindi ako gumalaw sa kinatatayuan ako at nagulat ako nang bigla siyang lumuhod sa harapan ko at hawakan ako.
"I'm sorry... I'm really sorry," sabi niya habang nakayuko at hawak ang mga kamay ko. Yumuyuyog 'yung mga balikat niya. Umiiyak ba siya? "I'm sorry... Please... Patawarin mo ako."
"Markum..." tawag ko sa kanya at inalis ko 'yung pagkakahawak niya sa'kin. "Tumayo ka nga riyan," utos ko.
Noong una ayaw niyang tumayo. Pero pinilit ko siya. Nang makatayo siya ay niyakap niya ako bigla.
Bakit ba umiiyak 'tong taong 'to? Nalaman siguro niya kay Steven mga pinaggagawa ko nang bumalik ako rito sa Maynila.
Ngayon na lang ulit kami nagkita matapos ko siyang palayasin sa ospital noong dalhin ako ro'n. Noon ay nagmamaang-maangan siya sa ginawa niya pero ngayon ay mukhang nagsisisi na siya.
Nalaman ko kasi kay Cindy kung ano 'yung matagal nang ginagawa ni Markum. May sarili siyang company at sinusulot niya 'yung mga clients ko—namin. Kahit kailan hindi 'yon sinabi sa'kin ni Markum, isang malaking bypassing.
Parang peke lang kasi ang lahat ng pinakita niya, pinaramdam niya sa'kin na importante ako, may nalalaman pa siyang alok ng kasal. Pero pakiramdam ko nang malaman ko 'yon eh hinihintay niya na lang akong matsugi para mapasakanya lahat ng mga pinaghirapan ko.
Nang tumahan si Markum ay bumitaw siya sa'kin. Umupo kami parehas sa sofa ng magkaharap.
Humingi ulit siya ng sorry at nagpaliwanag ng side niya. Pero hindi ako nakikinig habang nagpapaliwanag siya. Parang... wala naman na kasi sa'kin 'yon.
"Markum, okay na. Hindi naman na 'ko galit," sabi ko pero parang hindi siya kumbinsido.
"Anong dapat kong gawin para makabawi sa'yo?" tanong niya. Dama ko naman 'yung sinseridad niya.
Umiling ako. "Wala, Markum. Wala kang dapat gawin. Gusto ko lang ay magkaroon na tayo ng peace of mind parehas."
Natahimik ang paligid pagkatapos. Wala na siyang nagawa nang sabihin ko 'yon kaya napahinga siya nang malalim.
"Kung iyan ang sinabi mo," sabi niya sinubukang ngumiti sa'kin. "Pero gusto kong malaman mo na... totoo 'yung sinabi ko sa'yo."
"Ang alin?"
"'Yung inalok ko sa'yo dati... 'Yung kasal... Seryoso ako..."
Natameme lang ako at napatitig sa kanya.
"Pero alam ko na... imposible 'yon. Hindi ko magiging pag-aari ang puso mo," sabi niya. "Lalo na kung may nagmamay-ari na niyan."
Hindi ako kumibo sa pinagsasabi niya. Ngumiti na lang ako.
"Maraming salamat sa lahat, Markum."
Sumilay ang ngiti sa kanyang mukha. "No worries, Boss Golda."
*****
HUMINGA muna ako nang malalim bago pumasok sa loob ng coffee shop. Dito sa Dharma Café namin napag-usapang magkita.
Pagpasok ko'y biglang may bumangga sa'kin na batang babae.
"Juniper!" napatingin ako sa tumawag sa bata at nakita ang isang singkit at matangkad na babae. "I'm sorry, Miss. Pasensiya na sa anak ko..."
"Okay lang," ngumiti ako sa kanya.
Nakita ko na puno na 'yung coffee shop at wala nang bakanteng pwesto. Hindi ko siya nakita.
"May vacant pang tables sa second floor," sabi ng babae sa'kin. Karga na ngayon 'yung anak niya. Hindi siya mukhang staff dito at base sa suot niya'y baka siya ang may-ari ng lugar na 'to.
"Thank you," sabi ko at umakyat ako sa itaas.
Pagkaakyat ko'y nakita ko siya roon sa pwesto sa gilid ng bintana. Lumapit ako sa kanya at nagulat siya nang makita ako.
"Oh, bakit parang nakakita ka ng multo?" nakasimangot kong sabi at umupo ako sa harapan niya.
"H-Hi," nahihiyang bati niya. "Sorry kung ginabi ako, traffic papuntang—"
"Umorder ka na ba?" tanong ko habang tinitingnan 'yung menu. Punyeta bakit hindi ako makatingin sa kanya?
"Hindi pa," sabi niya at akma akong tatayo nang pigilan niya 'ko. "Ako na lang bababa. Anong gusto mo?"
"Kahit anong kape, basta 'yung mainit, walang asukal..."
"Okay, I'll be right back."
Sumunod ako sa kanya at pinagmasdan ko si Gil hanggang sa mawala siya sa paningin ko. Napasandal ako sa upuan.
Nang makabalik siya'y umayos ako ng upo.
"So..." dinig kong sabi niya para basagin ang katahimikan. "Kamusta ka na?"
"Ako? 'Eto buhay pa naman," sagot ko. "Kamusta 'yung mga bata?"
"They miss you..." sabi niya at nagkatitigan kami, tapos tumingin siya sa kawalan. "They're doing well naman but... parang bumaba lang 'yung energy nila. Siguro dahil nalulungkot sila na gagraduate na sila ng high school."
Hindi ko na alam kung anong isasagot ko.
Tinext ko siya para makipagkita. Sabi niya siya na lang daw ang dadayo rito sa Maynila para hindi ako bumyahe ng malayo.
Ngayong nasa harapan ko siya naalala ko tuloy bigla lahat ng nangyari noon sa William Consuelo High School.
"Golda," tawag niya sa'kin. "Galit ka pa rin ba sa'kin?"
Napatingin ako sa kanya. "Bakit naman ako magagalit sa'yo?"
Parang napamaang siya nang sabihin ko 'yon. Matapos ko siyang palayasin noon kapag pumupunta siya sa bahay.
"D-Dahil do'n sa... ginawa ng kuya ko."
"Oo, nagalit ako sa'yo, Gil," sabi ko. "Akala ko kasi kaibigan kita."
Napayuko siya. "I'm sorry... My mom is sorry too... Sinusubukan na naming itama ang mga pagkakamali... Kuya Fredo is in jail already, he's found guilty in all charges..."
Katahimikan ulit.
"Lulu is fighting too..." nang sabihin niya 'yon ay nag-angat ako ng tingin. "She really became strong."
Napangiti ako nang malaman 'yon.
Makalipas ng ilang sandali ay napahinga ako nang malalim. "So, okay na ba tayo?"
Akma akong tatayo nang pigilan niya 'ko. "Sandali lang... May gusto pa sana akong itanong."
"Ano 'yon?"
Ilang segundo bago siya sumagot. "Pwede pa rin ba tayong maging magkaibigan?"
Ngumiti at tumango lang ako.
Wala naman sigurong masama na magsimula ulit.
*****
KUNG anu-ano ang sinubukan kong paraan para maghanap ng solusyon.
Sa kagustuhan ni Yaya Liliah ay nagpunta kami ng Manaoag Shrine para manampalataya, pina-bless niya pa 'ko ro'n sa pari, na-stress lang ako sa dami ng tao. Si Cindy naman ang nirekomenda ay Chinese Medicine, mga herbal na kung anek-anek. Si Steven, may nirekomendang mga doktor.
Buong buwan ng Pebrero ako sumubok, naghanap—pero wala pa rin. 'Yung sakit ko? Minsan sinusumpong pero himalang kinakaya ko pa. Malakas pa ako. Pero kapag umatake, sobrang sakit, parang mamamatay ka na, gano'n 'yung feeling.
Naging constant ang communication namin ni Gil sa chat at text, minsan tumatawag siya para magkwento para i-update ako tungkol sa mga bata.
Minsan kahit wala ako sa mood, hinahayaan ko lang siya na magkaroon ng pake sa'kin. In fairness dahil do'n nalilibang ako. Friends nga kami, 'di ba.
Tumawag ulit si Gil. "Makakapunta ka ba sa graduation dito sa school?" tanong niya.
"Para saan naman?" balik tanong ko.
"Ah... Para makita mo 'yung mga bata. Palagi ka nilang kinakamusta sa'kin," sabi niya. "I figured out na hindi mo sila kinokontak."
Actually, alam nila 'yung number ko. Sinubukan nila akong kausapin pero ewan ko ba at hindi ako makapagreply sa mga message nila. Ayoko na kasing ma-attach, nakakalungkot.
Napabuntong hininga ako. "Susubukan ko."
"Bakit parang nag-aalangan ka?"
"Ehh..."
"Basta, pupunta ka. Susunduin na lang kita para hindi ka mapagod."
*****
KANINA pa 'ko nagpapalit ng damit. Hindi ko alam kung ano 'yung isusuot ko.
Kapag parang revealing at kita masyado 'yung cleavage ko ay pinapalitan ko. Kapag naman sobrang balot ang init naman sa katawan.
Sa huli, nagsuot na lang ako ng isang black cocktail dress na above the knee, pinarisan ko ng itim na sandals. Nakaladlad lang 'yung mahaba kong buhok at hindi na 'ko nagsuot ng marami pang kulurete sa katawan. Light make up lang din 'yung nilagay ko sa mukha ko.
Ilang sandali pa'y tinawag ako ni Yaya Liliah.
"Golda, may bisita ka—teka, saan ang lakad mo?" sabi ni Yaya na nasa pintuan.
"May lakad lang, 'Ya," sagot ko.
Pagkababa ko ay nakasunod pa rin sa'kin si Yaya Liliah. Lumabas ako at nakita ko si Gil at ang sasakyan niya.
Ngumiti siya nang makita ako. "Let's go?"
Humarap muna ako kay Yaya. "Uuwi rin ako mamayang gabi, 'Ya," sabi ko.
"Siya ba, Golda?" panunukso ni Yaya Liliah pero inirapan ko lang siya.
Pinagbuksan ako ng pinto ni Gil at pumasok ako sa loob ng kotse niya. "Tuloy na ho kami," paalam niya kay Yaya bago pumasok sa loob.
"Wala ka bang dapat gawin sa school? Pwede naman akong pumunta na lang do'n," sabi ko nang paandarin niya 'yung kotse. Nagprisinta rin kasi siya na ihahatid din niya ako pauwi.
"Mamayang hapon pa naman 'yung graduation," sabi niya habang diretsong nakatingin sa kalsada. "Atsaka marami na silang nag-aasikaso ro'n."
"Ah, anak ka nga pala ng principal," bulong ko.
"Kamusta ka na?" tanong niya.
"Alam mo, palagi mo na lang tinatanong 'yan. Wala na bang ibang tanong?" medyo naiinis kong sabi.
"I just wanted to make sure that you're okay," nakangiting sagot niya. "Ready ka na ba na... makita sila?"
Hindi ako nakaimik nang itanong niya 'yon. Paanong ready ba? Keri lang naman.
Nag-insist si Gil na kumain muna kami sa isang restaurant bago tumuloy sa school. Pumayag na lang ako kasi hindi naman ako kumain bago umalis.
Pagkatapos ay saktong ala una kami nakarating ng William Consuelo High School.
Ang daming mga nakaparadang sasakyan, ang dami ring mga tao na nagkalat, mga nakasuot sila ng pormal, mga magulang tapos mga anak nilang naka-toga na kulay dark green. Amoy bulaklak din ang paligid.
Pumarada si Gil malapit sa mismong main building. Inalok niya akong magstay muna sa lounge ng faculty pero tumanggi ako dahil ayokong maging hot issue at umagaw eksena.
Tinanong ko kay Gil kung bukas ba 'yung infirmary at sinabi niyang oo kaya sabi ko roon na lang muna ako tatambay habang hindi pa nagsisimula 'yung ceremony. Busy na kasi si Gil dahil siyempre teacher kaya siya.
Pagpasok ko sa infirmary ay nakita ko si Nurse Ellen, nakadress din siya para sa event.
Humalukipkip ako at sumandal sa pintuan.
"Graduation pero nakaduty ka pa rin?" sabi ko tapos nagulat siya, 'yong parang nakakita ng multo.
"OMG! Hello, my friend!" masayang bulalas niya tapos niyakap ako.
Huh? Kailan pa kami naging friends? Feeling close talaga 'tong babaeng 'to kahit kailan.
Inalok niya 'kong umupo tapos kung anu-ano ang sinabi niya, sobrang daldal talaga. Siyempre alam niya na 'yung tungkol sa'kin pero wala siyang binanggit na nakaka-offend tungkol do'n.
Nagkwento lang siya ng mga kaganapan sa eskwelahan, tungkol sa mga estudyante. Napangiti na lang ako kasi hindi niya 'ko hinuhusgahan.
"Magsisimula na 'yung graduation!" napasulyap siya sa orasan. "Tara na!"
"Akala ko ba nakaduty ka?" nakakunot kong tanong.
"Ano ka ba, okay lang 'yan!" Kinawit niya 'yung kamay niya sa braso ko at hinila ako palabas do'n. Hinayaan ko na lang siya.
Pagdating namin ng gymnasium, kung saan ginaganap ang seremonya, halos mapuno 'yon ng mga tao. Umakyat kami sa bleachers at umupo sa bakanteng pwesto, 'yung mga estudyante at magulang ay nakaupo sa mga upuan sa may baba.
https://youtu.be/_doAV8bx0xg
Tumutugtog ang isang pamilyar na kanta, graduation march. Tapos sa gitna ay may aisle at red carpet kung saan nagmamartsa ang mga estudyante kasama ang mga magulang nila.
Habang nanunuod ay nagkukwento si Nurse Ellen pero hindi ko masyadong maintindihan 'yung mga sinasabi niya dahil sa lakas ng music at hinanap ng mga mata ko—sila.
Medyo nahirapan ako hanggang sa makita ko kung saan nakaupo si Gil sa ibaba, nasa tabi niya 'yung mga kaklase ko. Nakita ko sila ro'n, mga masayang nakangiti at nagkukulitan.
Maya-maya pa'y natapos ang processional, sumunod ang doxology at pag-awit ng national anthem. Nagspeech si Principal Consuelo.
Hanggang sa isa-isa nang tinatawag ang mga estudyante para tanggapin ang mga diploma nila sa stage at magbow sa harapan ng maraming tao.
Inabangan ko 'yung mga pangalan nila.
"Capre, Waldy Mae Y."
"Godini, Blake P."
"Jao, Buggy T."
"Luntian, Luvina L."
"Morado, Ruffa V.
"Reid, Paul S."
"Reyes, Kahel O."
Sunod na binigyan ng awards ang mga honor students. Isa sa mga pinakamataas na award si Jao, at Ruffa. With honors din si Lulu at Blake.
Sa pagtatapos ng programa ay kinanta ng mga estudyante ang nanalong piyesa sa graduation song competition. Tungkol 'yon sa pagkakaibigan.
Namalayan ko na lang na tapos na ang graduation ceremony at nagkakasiyahan na ang mga estudyante, hingis 'yung mga cap na suot nila sa ulo. Nagyayakapan, nagkukuhanan ng mga litrato—ilan lang 'yan sa mga senaryong nangayayari ngayon.
Nakatingin lang ako sa kanila at masaya ako para sa kanila. Totoo.
Pagkatapos ng palitan ng mga yakap, mensahe, at larawan ay kanya-kanya silang lapit sa kanilang mga magulang at masayang umalis ng magkakasama.
"Golda?" tawag sa'kin ni Nurse Ellen.
Halos paubos na rin pala 'yung mga tao sa gym.
"Gusto mo kumain? May buffet sa faculty," alok niya. Tumango ako kahit wala naman akong balak kumain at magtagal pa.
Bumalik kami ni Nurse Ellen sa main building.
"Wait, friend, diyan ka lang muna, gusto mo ikuha na lang kita ng foods?" alok niya ulit nang makabalik kami sa infirmary.
"Sige," wala sa loob na sagot ko.
Nang mawala si Nurse Ellen ay napaupo ako sa swivel chair niya. Sumandal ako at tumingala. Bakit ba 'andito pa rin ako? Nagbabalak na 'kong umuwi dahil tapos naman na 'yung graduation. Itetext ko na sana si Gil nang biglang tumunog ng masakit sa tenga 'yung speakers.
"Ang sakit sa tenga no'n ah."
Ilang sandali pa'y narinig ko ang tunog ng isang gitara. Isang pamilyar na himig.
"Sa pagsikat ng araw... Tinawag mo ang aking palayaw... Magkasamang nilakbay mundo nating makulay..."
"Huh?" Napatayo ako bigla dahil alam ko 'yong kantang 'yon.
"Tawanang walang humpay... Iyakang kay lumbay... 'Yan ang nagpatatag sa ating pagkakaibigan..."
Lumabas ako ng infirmary at naririnig ko sa buong hallway ang kanta dahil tumutugtog 'yon sa speakers.
"Unti-unting nalalapit pagtatapos na kay pait... Alaalang binuo, mananatili sa puso't isip ko..."
Kusa akong dinala ng mga paa ko sa lugar na hindi ko na dapat pang puntahan. Umakyat ako sa ika-apat na palapag... Sa dati kong classroom.
"Panahon may ay lumipas, pasasalamat kong handog ay 'di magwawakas. Tinig ko man ay maubos... Kahit kailan, kahit saan, 'di malilimot 'di magbabago..."
Pero pagpasok ko sa loob... Wala namang ibang tao.
Tumutugtog pa rin 'yung graduation song entry ng section namin na komposisyon ni Kahel at liriko ni Lulu.
"Saan man mapunta, ang saya'y dala-dala. Sa hirap man o ginhawa... Sa puso't isip... Mananatili ka..."
Tumigil bigla 'yung kanta.
"We knew you'll come."
Napalingon ako at nakita ko sa pintuan si Lulu, nakasuot pa rin siya ng toga at abot tenga ang ngiti niya. Mabilis siyang tumakbo papunta sa'kin at niyakap ako.
"Goldyyyyyy!" biglang pumasok si Waldy sa loob, katulad ni Lulu ay nakasuot pa rin siya ng toga. Niyakap niya rin ako.
"Hey, dudeeee!" si Paul. Tapos pumasok din sa loob si Kahel na may dalang gitara, Ruffa, Jao, at Blake na may dalang boquet.
"Ano 'to?" tanong ko sa kanila.
"Suotin mo 'to dali!" biglang pumunta sa likuran ko si Waldy nang ilabas niya... ang isang toga?
Wala akong nagawa kundi isuot 'yon, pinatong ni Lulu sa ulo ko 'yung cap.
"Mga baliw, anong kalokohan 'to?" nakakunot kong tanong sa kanila.
Imbis na sumagot ay lumapit sa'kin si Blake at inabot sa'kin ang flowers. "Your graduation."
"What's up motherfuckeeeers!" napatingin kaming lahat sa pintuan at nakitang pumasok si Nap, tapos sumunod na pumasok sila Briana, Sophie—at ang mga kaklase ko.
"Anong ginagawa nila rito?" tanong ko ulit. Nakatoga rin silang lahat!
Hinila ako ni Lulu sa dati naming pwesto, tapos umupo rin silang lahat habang nakatingin sa'kin.
"Welcome baaaack!" Sigaw ng ilan ang iba'y nakangiti lang sa'kin.
"Lulu, please, paki-explain kung anong nangyayari," sabi ko sa katabi ko.
Pero bago pa siya makasagot ay nagulat ako nang pumasok bigla sa classroom si Gil at 'yung nanay niya... si Principal Consuelo. Binati sila ng mga kaklase ko at pagkatapos ay tumahimik sila.
Tumikhim si Principal Consuelo. "This class, STEM 2-C, is indeed an exceptional class," sabi niya at sumulyap sa anak niya. "You are persistent for asking me this favor. I couldn't believe that you even wrote me your personal stories regarding the matter. And after thinking about it... I realized that I should do it." tumingin sa'kin bigla si Principal Consuelo.
Hinawakan ni Lulu 'yung kamay ko. "Hindi ka namin nakasama sa graduation eh. We arranged something special for you—to graduate with us."
Halos mapanganga ako nang sabihin niya' yon.
"Joanne Mari Goldanes, please accept this token of appreciation, for making a difference in these youth's lives."
May inabot si Gil sa nanay niya na maliit na kahon, tapos sumenyas sa'kin si Gil na lumapit sa harapan.
"Go," udyok ni Lulu.
Wala akong ibang nagawa kundi tumayo at lumapit kay Principal Consuelo. Pagkalapit ko sa kanya ay nilabas niya 'yung nasa kahon at nakita ko ang isang gintong medalya. Sinabit niya 'yon sa'kin at nagpalakpakan at naghiyawan 'yung mga kaklase ko.
Nagsalita ng pabulong si Principal Conseulo. "Pinilit nila ako na payagan sila na gawin 'to para sa'yo. Pero sa tingin ko... you deserve this. Hindi dahil bumabawi ako sa'yo... You made an impact in their lives. Thank you."
Bakit siya nagpapasalamat sa'kin? Tumingin ako kay Gil at inusal din niya ang pasasalamat.
Humarap ako sa mga kaklase ko at ang iingay pa rin nilang lahat.
"Okay!" biglang tumayo at sumigaw si Nap. "Bilang official na pagtatapos, kakanta tayo!"
Tumugtog si Kahel ng gitara at sumabay silang lahat sa pagkanta.
'Let's dance in style,
Let's dance for a while,
Heaven can wait, we're only watching the skies,
Hoping for the best but expecting the worst,
Are you gonna drop the bomb or not?'
Hindi ko alam kung anong pumasok sa kokote nila at naisipan nilang gawin 'to para sa'kin. Sino ba naman ako?
'Forever young
I wanna be
Forever young
Do you really wanna live forever,
Forever,
Forever young?'
Natapos ang kantahan ay nagsigawan ulit sila. Sunod ay mga palitan ulit ng yakap, kanya-kanyang kislap ang mga camera. Pero sa pagkakataong 'to—kasama ako sa kanila.
Nakakapagod. Nakatulog ako sa biyahe pauwi. Ginising na lang ako ni Gil nang makarating kami sa bahay ko sa Maynila.
"Gil..." tawag ko sa kanya bago siya bumaba para pagbuksan ako ng pinto. "Thank you sa lahat." Mabilis akong dumukwang sa kanya para gawaran siya ng halik sa pisngi.
Natulala lang siya at mabilis akong bumaba ng sasakyan.
Hinding hindi ko makakalimutan 'yung araw na 'to. Hanggang kamatayan... Dadalhin ko.
*****
HINDI ako sumuko sa paghahanap ng solusyon. Binigyan nila ako ng maraming rason para magpatuloy, para hindi ako bumitaw sa buhay.
Kung saan-saan ako napadpad at unti-unti ko nang binibitawan lahat ng mga materyal na bagay na mayroon ako. Lahat ng mga hindi ko na kailangan ay binigay ko sa mga mas nangangailangan.
May nakita ako sa internet na isang forum. Tungkol sa isang scientific breakthrough na bumubuhay ng maraming tao, isang malaking himala.
Tinatawag itong Project: Afterlife. Puro mga 'tsismis' o mga sabi-sabi ang mga nabasa ko sa forum. 'Di kalaunan ay gumawa talaga ako ng account para magtanong tungkol do'n.
Ang sabi, para sa mga mayayaman lang daw ang Project: Afterlife. Tapos may isang anonymous netizen ang nag-aalok ng confidential information tungkol doon kapalit ang pera.
Pinatulan ko at nagbayad ako ng medyo malaking halaga. Pagkatapos ay may sinend sa'king file 'yung netizen. Akala ko tungkol sa Project: Afterlife 'yung info pero tungkol lang 'yon sa mga naging pasyente nito. May mga larawan nila at totoong pangalan. Confidential nga dahil ilan sa mga larawan ay mga malalaking tao sa industriya, ang iba'y mga politiko.
Nakita ko roon ang isang pamilyar na babae.
Galilee N. Manzano
Pilit kong inalala dahil nakita ko na siya noon... Doon sa coffee shop—sa Dharma Café!
Hindi ko alam kung anong nakain ko at talagang pumunta ako ng Dharma Café para makausap siya. Pinagdasal ko na sana naroon siya at mukhang tinupad 'yung hiling ko, nakita ko siya sa may counter at inalalayan ang isang staff.
"Good morning, mam!" bati sa'kin ng cashier pero hindi ko siya pinansin. Nakatingin ako sa babae na nasa likuran niya. "Ma'am?"
"Can I talk to her?" tanong ko at tinuro siya.
"M-Ma'am Galilee?" tawag ng cashier sa tinuro ko.
Nagtungo kami ni Galilee sa second floor kung saan walang ibang tao. Tanghali pa lang kasi at wala pang masyadong customer.
Hindi na ako nagpaliguy-ligoy pa at sinabi ko sa kanya ang agenda ko. Gusto kong malaman kung ano 'yung Project: Afterlife at kung mapapagaling ba ko nito.
Natulala si Galilee sa kawalan, pinproseso ang mga narinig mula sa'kin. Base sa itsura niya ay parang ayaw niya nang balikan ang nakaraan.
"I-I'm sorry... Matagal nang nashut down ang Project: Afterlife," sabi niya at tila gumuho ang mundo ko nang marinig ko 'yon.
Nagkwento si Galilee tungkol doon. Nagulat ako kasi hindi ko ineexpect kung ano 'yung ginagawa roon. May mga binanggit siyang 'consciousness', temporary host, at iba pa na hindi ma-digest ng utak ko. Masyadong malalim.
Pero sa madaling salita, kung nag-ooperate pa rin ang Project: Afterlife. Hindi pa rin ako nito matutulungan.
"Gano'n ba..." nanlulumong sabi ko. Well, at least nagbaka sakali pa rin ako.
"If you don't mind... Kung may i-recommend ako sa'yo?" dahan-dahan niyang tanong at nag-angat ako ng tingin. "My husband and I had a friend who had a cancer but then... he was healed."
"Paano?" tanong ko.
"He said it was a metaphysical healing."
Napakunot ako. Sinubukan ko ang lahat maliban sa faith healing. "Don't tell me na faith healing 'yan." Sabi ko.
Umiling si Galilee. "No, it's not what you think. It's like a therapy... pero hindi therapy. I know it sounds ridiculous but he went to that temple in the mountains and he lived among the monks...One year later, the cancer cells vanished."
Base sa tono ni Galilee ay hindi siya nagsisinungaling.
Sa huli ay binigay sa'kin ni Galilee ang address ng lugar. Nagpasalamat ako sa kanya at bago ako umalis ay pinakilala niya 'ko sa asawa niyang si Theo, silang dalawa ang may-ari ng café.
Hindi ako nag-aksaya ng panahon at nagtungo ako sa lugar na tinutukoy ni Galilee. Nagcommute lang ako at nagdala ng kaunting gamit.
Pakiramdam ko... pupunta ako sa malayung-malayong lugar—'yung tipong wala nang balikan.
Kinailangan ko ng guide ng lokal para marating namin 'yung mismong temple sa itaas ng bundok. At nang marating namin 'yon ay sumalubong sa'kin ang payapang gusali. Puro puno ang paligid.
Kumatok ako sa kahoy na pinto at bumukas ang pinto. Sinalubong ako ng isang babae, wala siyang buhok.
"Maligayang pagdating, Golda."
Puta. Kinilabutan ako.
Pero nabuhayan ako ng loob dahil kakaibang kapayapaan ang naramdaman ko rito.
*****
ONE AND A HALF YEAR LATER
Putangina buhay pa rin ako.
Gusto ko sanang balikan 'yung doktor na nagbigay ng taning sa'kin at kakaltukan ko siya pero nagbagong buhay na ako.
Hindi na ako si Boss Golda.
Wala na ang mga kayamanan na inipon ko.
Simpleng namumuhay na lang ako ngayon dito sa isla.
Isang taon din akong tumira sa templo na tinuro sa'kin ni Galilee kasama ang mga monghe at katulad kong mga nagpapagaling.
Isang malaking himala dahil simula noong lumabas ako roon ay hindi na ako nakaramdam ng kahit anong kirot.
Pakiramdam ko namatay ako ro'n tapos nabuhay ako ulit.
Himala?
Siguro nga.
Maraming himala ang nangyayari sa mundo pero bulag tayong lahat dahil abala tayo sa paghahabol sa mga materyal na bagay—sa pera, sa titulo, at kung anu-ano pa.
Doon ko napagtanto na walang coincidence. Lahat ng bagay may purpose. Kung marunong lang tayong tumingin sa maliit na bagay ay hindi natin alam na araw-araw tayo nitong dinadala sa himala.
'Yung mga maliliit at malalaking bagay na 'yon ang daan kung bakit kami nagkita ni Galilee na siyang nagturo sa'kin ng lugar na 'yon—'yung solusyon na matagal ko nang hinahanap.
Totoo talaga 'yung sinabi nila, 'yung mga bagay na hinahanap mo ay hinahanap ka rin. At 'yung 'Humingi kayo at ito ay ibibigay sa inyo. Maghanap kayo at makakasumpong kayo. Kumatok kayo at ito ay bubuksan sa inyo.' (Mateo 7:7)
Ngayon, araw-araw kong sinusulit ang pangalawang buhay na binigay sa'kin ng Diyos.
Hindi ko pa raw oras at siguro may misyon pa ko sa mundo.
Tinalikuran ko lahat ng dating mayroon ako. Mas pinili kong mamuhay ng payak at simple. Araw-araw akong umaakyat dito sa burol para salubungin ang araw, bilang pasasalamat sa Kanya.
Tinalikuran ko man ang pagiging Boss Golda ko, hindi ko pinutol ang komunikasyon sa mga taong mahahalaga sa'kin... sila Lulu na palagi akong ina-update sa buhay nila. Sila Markum, Steven, Cindy at Yaya Liliah.
"Nandito ka lang pala," napalingon ako sa bagong dating.
Nakita ko siyang hingal na hingal.
"Ang tagal mong dumating," nakasimangot kong sabi sa kanya.
"Sorry naman," sabi niya at hinihingal pa rin. "This place is eight hours away from Manila."
Ngumiti ako at lumapit sa kanya. Nagrereklamo pa rin si Gil pero pinatahamik ko siya nang ilapat ko 'yung labi ko sa kanya.
Hinapit niya 'ko sa bewang at hinalikan ako pabalik.
Hindi rin natapos ang komunikasyon naming dalawa. Ayaw niya 'kong tantanan eh, 'yun pala tinamaan na pala talaga sa'kin ang kumag. Ganda ko kaya. After all those sweet video calls, ngayon lang ulit kami nagkita. Pero parang hindi nagbago 'yung nararamdaman ko.
Minahal ko rin ang masungit na teacher na 'to. Kaya pala pinagtitripan ako tuwing recitation, type talaga niya 'ko. Ayaw lang umamin.
Halos maputol 'yung hininga naming dalawa nang bumitiw kami.
"I missed you, love," sabi niya.
"I missed you too, kumag," sagot ko.
Umakbay siya sa'kin at tumanaw kami sa dagat. Ang gandang tanawin, parang paraiso. Napag-usapan na nga namin na dito kami titira—malayo sa polusyon, malayo sa gulo. Tapos palalakihin naming mabuti 'yung magiging mga anak namin dito.
"Nasa baba na sila, miss ka na rin nila," sabi niya at maghawak-kamay kaming bumaba.
Kasama niya kasi sila Lulu, summer vacation at napagkasunduan nilang mag-outing at dalawin ako rito.
"Hmm... Alam na ba nila 'yung tungkol sa'tin?" tanong ko.
"Gets na nila 'yon, malalaki na 'yong mga batang 'yon," sagot niya.
Nakita ko sa gilid 'yung kubo at bigla ko siyang hinila papasok ro'n.
"Oy, bakit tayo pupunta diyan?" tanong niya.
"Makakapaghintay pa naman sila, kasi ako hindi na makpaghintay sa'yo," sabi ko at napangiti kami parehas bago niya ko kinabig at nagsalo ng isang matamis na halik.
THE END
-xxx-
AUTHOR'S NOTE:
May 14, 2020
Isang paglalakbay na naman ang nagtapos. Una sa lahat, maraming salamat sa pagsubaybay ng kwentong ito! Sa mga matagal na nag-aabang, o kahit kasisimula mo palang basahin. Maraming salamat!
Alam niyo ba na noong una ay nahirapan akong isulat ang kwento ni Golda, dahil parehas kaming nangangapa ni Golda sa mga kabataan ngayon (tumatanda na talaga tayo, hays.)
Pero alam n'yo, hindi ko sinukuan ang kwentong 'to kahit na nahirapan ako. At nagulat ako dahil noong hinayaan ko lang na isulat ko sila ay tila nagkaroon sila bigla ng sariling buhay...
Tinuruan ako ng kwentong 'to na mag-enjoy sa proseso. At nakakagulat at nakakatuwa ang naging resulta. Pakiramdam ko bumalik ako sa pagiging hayskul gamit ang POV ng isang 30 yr old na babae.
Sa totoo lang, ang totoong kapalaran ni Golda sa kwentong 'to ay kamatayan. Noong una pa lang ay sinintensyahan ko na siya na mamamatay siya sa ending. 'Yon ang original goal ko, ang mamatay si Golda... Siguro dahil gusto ko lang magpaiyak? (Kidding aside) narealize ko na hindi lang sa pagpatay ng karakter ang pamantayan ng "nakakaiyak" na istorya.
Nakita ko na marami sa inyo ang nakaunawa sa mga kabataan ng kwentong 'to, tulad nila Lulu, Kahel, Jao, Waldy, Ruffa, Paul, at Blake dahil halos kasing edaran n'yo lang din sila.
Nakatakdang mamatay si Golda para magbigay ng aral pero nagbago ang isip ko habang tumatagal... Habang tumatagal na natanggap ni Golda 'yung pagkamatay niya...
Saktong napanood ko 'yung Stranger Than Fiction at sobrang nakarelate ko sa dilemma ng writer do'n kung kailangan bang mamatay ng karakter niya o hindi.
"It's a book about a man who doesn't know he's about to die and then dies. But if the man does know he's going to die and dies anyway, dies willingly, knowing he could stop it, then isn't that the type of man you want to keep alive?"
- Karen Eiffel, Stranger Than Fiction
Sa huli, nagbago ang isip ko. Hindi ko magawang mapatay si Golda. Paano ko mapapatay ang isang karakter na buong pusong tinanggap ang kamatayan niya? Mas nangibabaw yung hiyaw ng puso ko na deserve ni Golda na mabuhay.
Kaya heto... Hindi ako nagsisisi sa naging desisyon ko. Masaya ako na nabuhay si Golda at sana kayo rin.
Maraming salamat ulit sa pagbabasa ng kwentong ito at nawa'y magamit ninyo sa totoong buhay ang mga aral na napulot niyo.
Hindi pa rito nagtatapos ang pamamahagi ko ng inspirasyon. Kitakits tayo sa Inspired Series (Standalone novel) number 4!!! :D
PS. Kaway sa mga nakagets ng WYCWID x STIY crossover dito. :D
LET'S GO TO THE BEACH!!!
LOVE,
DEMI (AnakniRizal)
Sa mga nais makipagkulitan at magbahagi ng reaksyon, tweet me sa aking twitter @/demdemidemii with #STIY or #STIYFinal
ENDING SONG:
A New Day Has Come by Celine Dion
"I was waiting for so long
For a miracle to come
Everyone told me to be strong
Hold on and don't shed a tear"
https://youtu.be/_g3gxDGSagI
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro