Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

/6/ What is Ikigai?



Life won't
baby you;
it'll push you
to depths of hell
to shape your
destiny.
Are you ready
to burn?

/6/ What is Ikigai?

[KAHEL]


"ILANG hours?" tanong ng babae sa counter habang nakatutok sa screen ng computer at ngumunguya ng chewing gum.

"Ah... Hindi po ako magko-computer, itatanong ko lang po kung may bakante po bang trabaho rito?" tumingin sa'kin ang babae at nakita ang mapanghusgang tingin sa kanyang mga mata. "Kahit ano pong trabaho, taga-linis, taga-bantay—"

"Hindi kami hiring," putol sa'kin ng babae at bumalik ang tingin niya sa computer. Ilang segundo rin akong nakatayo nang magsalita ulit ito. "Kung hindi ka naman costumer lumayas ka na."

Wala akong ibang nagawa kundi lumabas. Tiningnan ko muna ulit ang computer café bago ako naglakad paalis. Tumingin ako sa suot kong relos at nakitang alas otso na ng umaga, oras na ng klase pero nandito pa rin ako.

Nang makarating ako sa may plaza ay umupo ako sa isang bakanteng mahabang upuan. Kitang kita ko ang paglabas ng mga tao sa simbahan, kakatapos lang kasi ng pang-umagang misa. Maya-maya'y may tumabi sa'kin na mamang pulubi, base kasi sa itsura niyang madungis at may grasa sa mukha at braso.

"Ang unfair talaga ng mundo, ano?" narinig kong nagsalita 'yung mama. "Bakit kaya kung sino pa 'yung mga kurakot ay siyang lalong yumayaman?" napatingin ako sa kanya at nakita kong nakatingin siya sa may puno 'di kalayuan kung saan may nakasabit na poster ng mayor ng bayang 'to.

"Siguro, gano'n talaga kapag hindi nag-aral," sabi ulit ng mamang pulubi at tumingin sa'kin. "Wala kang moralidad na sinusunod, ang nasa isip mo lang eh kung paano yumaman. Kaya siguro karamihan sa mga milyonaryo ay mga hindi nakapagtapos ng pag-aaral."

"Ho?" iyon lang ang nasabi ko dahil hindi ko alam kung ano'ng gusto niyang iparating sa'kin.

"Ano'ng sa tingin mo, hijo? Agree ka ba sa sinabi ko?" medyo nawiwirdohan ako sa kanya pero ewan ko ba't nakikinig pa rin ako.

"Na alin ho?"

"Na karamihan sa mga milyonaryo sa mundo ay hindi nakapagtapos ng pag-aaral."

Napakibit balikat ako sa sinabi niya, "Parang ang dating ho sa akin ay hindi ko na kailangang mag-aral kung totoo 'yung sinabi ninyo." Nagulat ako nang biglang tumawa ang mama.

"Inhinyero ako, hijo, akala ko noon kapag nakapagtapos ako't nakakuha ng lisensya ay aangat ako sa buhay," nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya. Engineer siya? "Halatang nagulat ka, akala mo siguro ay pulubi ako, ano?"

"H-hindi ho," tanggi ko pero masyado 'atang obvious 'yung reaksyon ko. Natawa lang at nailing ang mamang kausap ko.

"Mukha lang akong pulubi sa itsura ko, may talyer kasi ako 'di kalayuan, madungis pero marangal na trabaho, hindi nga lang nakayayaman," sabi sa'kin ng mama. "Pero hindi man ako kasing yaman nitong ni Mayor Carlos, para sa'kin ay kayamanan pa rin ang edukasyon. Kaya ikaw, tapusin mo pa rin ang pag-aaral mo."

"Baka... hindi na lang din po ako mag-aral," sagot ko na medyo ikinagulat ng mama. "Wala ho kasi kaming pera para makapag-college ako." Tumitig lang sa'kin ang mama nang sabihin ko 'yon.

Tumayo na ako pagkatapos at walang paalam na umalis. Baka hindi ko na magustuhan kung saan pa mapunta ang usapan. Habang naglalakad ay hindi ko pa ring maiwasang mapaisip. Sa totoo lang... Nakakatamad na mag-aral.

Medyo sang-ayon ako sa sinabi ng mama kanina pero sa huli ay sinabi niya pa rin na magtapos ako. Pumapasok na kasi sa isip ko, huwag na lang ako mag-college, bukod sa wala kaming pera, para saan pa?

Naglakad lang ako papasok at isang oras ang lumipas bago ko narating ang William Consuelo High School. Isang linggo na akong late sa pagpasok, kaka-enrol ko lang kasi. Tinanggap pa rin naman ako kasi nakapagbayad ako ng tuition fee para sa first grading.

Pagpasok ko sa loob ng classroom ay tumambad sa'kin ang magulong klase, may sari-sarili silang mundo at tila hindi napansin ang presensya ko. May mga tumingin sa'kin pero hindi naman ako pinansin, hindi ko naman ka-close ang mga kaklase ko—maliban sa isa na kaklase ko pa mula noong elementary, si Lulu.

Papunta sana ako sa pwesto ko sa may tabi ni Lulu pero nakita ko na may babae nang nakaupo roon, ngayon ko lang nakita ang babae at parang mukha na siyang matanda. Hindi ako napansin ni Lulu dahil nakasubsob lang siya sa desk niya at abala sa ginagawa niyang pagsusulat.

Tumingin ako sa likuran at nakita kong nakatingin sa'kin ang apat na naghahari-harian sa klase na 'to.

"Woy, tingnan mo nga naman, sino 'tong pumasok? Buhay pa pala si orange boy," sabi ni Nap at halatang ako ang tinutukoy dahil nakatingin siya sa'kin. Tumayo siya at inikutan ako. "Mabuti na lang at pumasok ka na kasi nabobored kami—"

"Nap, graduating na tayo ng senior high pero isip bata ka pa rin," bored kong sagot sa kanya, inunahan ko na siya sa kung ano mang trip niya sa'kin.

Ngumisi si Nap atsaka ako kinuwelyuhan.

"Huwag kang mayabang, orange boy, alam namin dito ang karakas mo," sabi sa'kin ni Nap at hindi ako nagpa-apekto sa mga sinasabi niya. Nakatingin lang sa'min ang mga kasama niya sabay tumunog ang bell. Dumating ang teacher ng pangalawang subject at nagsibalikan ang lahat sa pwesto nila.

Wala ng bakanteng upuan kaya lumabas na lang ako ng classroom. Namalayan ko na lang 'yung sarili ko na naglilibot sa campus, in short, nagcutting ako buong araw. Hanggang sa namalayan ko na lang na uwian na pala. Walang kwentang araw, bakit pa ba 'ko pumasok?

Buong araw ko lang inisip kung bakit ba 'ko nandito, kung bakit ganito ang nangyayari sa buhay ko. Manhid na nga 'ata ako dahil nasanay na 'kong mag-isip ng ganito, na para lang lumulutang sa kawalan, dahil wala akong direksyong sinusundan.

Naalala ko 'yung pinag-usapan namin ng mama kaninang umaga. Pumasok sa isip ko, huwag na lang kaya ako mag-aral?

Pero kung gagawin ko 'yon parang tumatakas lang ako sa realidad na meron ako.

At ang mas malupit na naisip ko? Bakit pa ba 'ko pinanganak sa mundo kung wala rin naman akong kwenta.

Naglalakad ako pauwi nang may mga humarang sa'kin.

"Kahel Reyes," tatlong lalaking estudyante na mas malaki sa'kin. "Binayaran kami para bugbugin ka."

"Ha?" natawa ako pagkatapos. Sa hinaba-haba ng paglisaw ko sa campus, 'eto lang ang mapapala ko?

Palubog ang araw, dinala ako ng tatlo sa may tapat ng lumang building para bugbugin. Hindi ko alam kung bakit pero deep inside alam ko sa sarili ko ang sagot. May tinatakasan akong mga tao. At hangga't hindi ko sila binabayaran ay ganito ang makukuha ko.

Sa bawat suntok at sipa na nakukuha ko ay parang wala na lang akong nararamdaman. Para akong basura na hangin ang laman, nang makuntento sila'y tsaka nila ako iniwanan.

"Kahel!" sunod ko na lang nakita ang mukha ng kababata ko, si Lulu. "Goldy, tulong!" nakita ko na may isa pang babae na palapit sa'min.

Kahit na masakit ay pinilit kong tumayo, nakaalalay pa rin si Lulu sa'kin. Ngayong kaharap ko na siya, hindi ko alam kung ano'ng sasabihin ko. Hinawakan ko 'yung pisngi ko dahil sa sakit.

"Bakit nila 'yon ginawa sa'yo?" tanong ni Lulu. Tumitig lang ako sa kanya at parang bigla akong mas nawalan ng loob. Tinalikuran ko sila at iika-ika akong naglakad paalis.

Dahil masama akong tao.


*****

[GOLDA]


"BOSS! Gising na!"

Sino ba 'tong punyetang 'to? Istorbo amputa. Dahan-dahan akong nagmulat at nakita ko ang pagmumukha ni Burnik, nakangiti ng creepy ang gago. Sa bwisit ko'y sinuntok ko ang kumag at tumalsik ito palayo.

"Aray ko po!"

"Ang aga-aga mukha mo nakita ko?" sabi ko at nakita ko 'yung itsura ko sa salamin, gulu-gulo 'yung buhok ko, parang sinabunutan ng sampung bruha.

"B-boss, mag-aalas otso na," tinuro ni Burnik 'yung orasan sa pader at nanlaki 'yung mga mata ko, nawala 'yung antok ko puta. Tangina late na 'ko!

"Bakit ngayon mo lang ako ginising?!" sa inis ko'y sinipa ko siya na 'agad niyang nasalag.

"B-boss! Kanina pa kita ginigising!"

"Heh! Labas!" natulak ko siya palabas ng kwarto at sinara ko 'yung pinto. Shete, lunes na lunes late ako.

Kalahating oras akong na-late pero pumasok pa rin ako. Dinig ko na 'yung boses ni Sir Gil sa loob ng classroom. Huminga ako ng malalim bago ko binuksan ang pinto at pasimpleng pumasok.

"Very well, Ms. Golda, masyado ka pang maaga para sa next subject," napahinto ako nang makita ko na nakatingin sa'kin lahat ng mga kaklase ko. Tumingin ako kay Sir Gil at nakitang nakasimangot siya sa'kin—'yung totoo marunong bang ngumiti 'tong kumag na 'to?

Pinilit kong ngumiti sa kanilang lahat at nag-peace sign ako.

"Hey, Sir, classmates, good morning!" sabi ko habang naka-peace. "Hehe."

"At dahil pangatlong late mo na 'to magpasa ka ng apology letter, sa tatlong yellow pad paper, back to back, mamayang uwian. Take your seat," sabi ni Sir Gil sa'kin at nginitian ko pa rin siya kahit nagngingitngit 'yung kalooban ko. Naglakad ako papunta sa pwesto ko pero may nakaupo na roon.

"Excuse me?" sabi ko sa lalaking nakaupo sa upuan ko, nakatanaw siya sa malayo.

Ah... Siya 'yung lalaking nabugbog noong nakaraang biyernes, may band-aid pa 'yung pisngi niya. Teka nga, bakit ba siya nakaupo sa upuan ko?

"Mawalang galang lang, upuan ko 'yan," sabi ko pero hindi ako pinansin ng lalaki. Punyeta naman. Tumingin ako kay Lulu sa tabi at nakitang may sarili pa ring mundo ang gaga. Pumanewang ako. "Bingi ka ba?"

Bored na tumingin sa'kin ang lalaki, sa pagkakatanda ko ang pangalan niya ay Kahel. Well, bagay naman sa bagets dahil kumikinang 'yung buhok niya kapag natatamaan ng araw. Sabi ko na nga ba't pampam lang 'yung guard, pwedeng magkulay ng buhok sa eskwelahang 'to! Kaasar.

"Matagal ko ng pwesto 'to," sagot sa'kin ni Kahel at mukhang ayaw niya talagang ibigay sa'kin 'yung pwesto ko. "

"May pangalan mo ba 'yung upuan?" sabi ko at nagulat na lang ako na nasa tabi ko na si Sir Gil. "Ay kabayo ka!" bigla na lang kasi siyang sumulpot. Natahimik ang buong klase at nakatingin sa'min. My gad, sobrang agaw atensyon na 'to.

"Ms. Golda—"

"Paano ako makakaupo eh may nakaupo na sa upuan ko?" hindi ko na napigilang magtaray, kay aga-aga sira na 'yung araw ko.

"Ano ba 'yan, istorbo naman sa klase," nagsalita 'yung isa sa fifth row at nagbulungan ang mga kumag.

Walang anu-ano'y biglang padabog na tumayo 'yung Kahel at lumabas ng classroom. Aba, mabuti't tinablan na siya.

Hindi ko kinekeri ang attitude ng mga kabataan ngayon.


*****


"OH, ayan, nakakahiya naman sa'yo at nilinis ko na 'yung 'club room' mo," sabi ko kay Lulu nang pumasok kami sa loob ng silid.

In fairness, amoy bagong floor wax ang kahoy na sahig, kitang kita 'yung repleksyon ng ganda ko. Tapos 'yung mga gamit naman ay wala ng alikabok. May bago ring kurtina, electric fan at white board—siyempre gastos ko lahat.

"Nilinis mo o pinalinis mo?" sabi ni Lulu sabay lapag ng lunch box niya sa mesa at umupo.

"Edi pinalinis," sagot ko sa kanya at umupo ako kaharap niya, dumekwatro ako at humalukipkip. Mabuti na lang din at pinadala ni Markum 'yung tatlong kumag dahil sila ang magiging utusan ko rito, hindi ako papayag na gawin akong alipin nitong Lulu na 'to.

Lunch break. Perks din pala 'tong pagkakaroon ng secret hideout kuno, malayo sa mga kabataang maiingay. Medyo nawala na 'yung stress ko dahil hindi na bumalik sa classroom ang batang may attitude problem na si Kahel, nag-cutting na ata—may attitude problem din naman 'tong kasama ko ngayon. Aish, ayoko ng isipin at baka ma-stress ulit ako.

"Tinupad ko na ang wish mo na magka-club room kuno, ano akala mo sa'kin genie?" sabi ko sa kanya pagkagat ko sa burger na binili ko. "Ano na? Magpapakamatay ka pa ba?" pang-aasar ko lang pero parang hindi naman siya naapektuhan.

"We're just starting," sagot niya sa'kin. "Hindi ko pa napapaliwanag sa'yo kung ano'ng gagawin natin."

"Natin? Talagang dadamay mo ako sa kalokohan mo na 'to?" sabi ko sa kanya at tumitig siya sa'kin. "Bakit? Nagagandahan ka ba sa'kin?"

"Ikaw, sa tingin mo hindi ba kalokohan 'yung ginagawa mo rito sa school?" aba at marunong sumagot 'tong bata na 'to ah. Parang nag-boomerang 'yung sinabi ko ah.

Umubo ako kunwari at natawa, "Alam mo ang funny mo sis." Plastic kong sabi sa kanya.

"You'll play along with my plan, tutal parang naglalaro ka lang din naman dito," sabi niya sa'kin at nawala 'yung ngiti ko.

"Hoy, kung binabalak mong maghanap ng karamay sa kamatayan, huwag ako." Seryoso kong sabi.

"Akala ko ba mamamatay ka na rin?"

"Heh, iba 'yung mamamatay sa balak pumatay."

"Hindi naman tayo papatay ng tao."

"Eh ano gagawin natin dito? Magbabahay-bahayan?"

"Sinabi ko na sa'yo. Ulyanin ka na siguro. We'll find Ikigai."

"Ahh... Okay okay, 'yung Ikigai shit na 'yan. Ano ba meron sa punyetang Ikigai na 'yan?"

Pagkatapos niyang kumain ay tumayo siya at lumapit sa white board para magsulat. Kumuha muna siya ng marker at nagsulat sa itaas ng isang hapon na salita.

生き甲斐 IKIGAI

"Let me educate you, Ms. Golda," napataas kilay ko nang sabihin niya 'yon. Humalukipkip lang ako at tinaas ko 'yung mga paa ko sa mesa habang nakikinig sa kanya. "Naglaro ka na ba ng tennis?"

"Oo."

"Mayroong tinatawag na 'sweet spot', once you hit the sweet spot of your racket it will provide you with the maximum return of your effort," napatango lang ako pero kahit na iba 'yung naisip ko. Parang ano lang. "In short, bulls eye, parang gano'n lang din ang Ikigai, 'yon 'yung sentro mo. What is Ikigai? It is a concept from Japan—a reason to jump out of bed each morning."

"Ah, parang pamilyar 'yan, 'yung sa commercial sa kape—para kanino ka bumabangon?" sabi ko sa kanya at napatango lang ang bagets. "Okay, continue," iniimagine ko na lang na para lang siyang empleyado ko na nagpepresent ng report.

Sunod siyang nagdrawing ng mga bilog sa white board, nagmukhang bulaklak 'yung bilog dahil magkaka-intersect 'yon sa isa't isa. Pagkatapos ay tinuro niya ang pinakagitna nito kung saan naka-intersect ang apat na bilog.

"Ang sabi sa definition, your Ikigai is at the intersection of what you love, what you are good at, what the world needs, and what you can get paid for," tumalikod siya para magsulat sa loob ng mga bilog. "Sa madaling salita, Passion, Mission, Profession, at Vocation, kapag nag-salubong ang apat na 'to, iyon ang tinatawag na purpose point o Ikigai."

"Ahhh..." umayos ako ng umupo at pumangalumbaba sa mesa. "Tapos?"

"Ikaw, Goldy, ano'ng Ikigai mo?" tanong niya bigla sa'kin. "Ano'ng rason mo para bumangon araw-araw?"

Napatingala ako para mag-isip.

Ano nga bang dahilan kung bakit ako bumabangon?

Hindi ko tuloy maiwasang maalala. Dumaan ako sa hirap. May mga araw na wala akong makain, may mga araw na hindi ko alam kung saan ako matutulog. Pero nagawa kong mag-tiis, mamaluktot, kasi naniniwala ako na dadating din 'yung araw na hindi ko na kailangang kumain ng asin, naniwala ako na dadating 'yung araw na giginhawa rin 'yung buhay ko.

Kaya sa tuwing umaga na magmumulat 'yung mga mata ko, may bumubulong sa'kin na 'bumangon ka'. Naniwala ako sa bawat bukas merong pagkakataon para magbago ang buhay ko.

At nangyari nga.

Ngayon ngang iniisip ko na nagawa kong pagdaanan 'yon? Parang hindi ako makapaniwala. Paano ko nagawa 'yon?

"Hmm... Kung sa eksaktong salita, hindi ko alam," sagot ko habang nakatingala pa rin, tinigil ko 'yung pagbabalik ng alaala baka maiyak lang ako leche. "Sa totoo lang... Nagawa ko naman halos lahat ng gusto ko sa buhay. Lahat ng karangyaan, nagsawa at naumay na nga 'ko eh." 

Tumingin ako sa kanya at nakitang na tumalikod siya at pumunta sa may bintana.

"Well... Hindi mo pa rin nahahanap kung ano."

"Ha?"

"Let's find it together," lumingon siya sa'kin at nakita ang kanyang ngiti. "For me, it sucks to live without knowing why. It sucks to wake up without knowing what to do."

Napatitig ako sa kanya nang sabihin niya 'yon. Huminga siya ng malalim at nahawa rin ako.

"Alam mo, Lulu," seryoso kong sabi. "Bata ka pa. Marami pang mangyayari sa buhay mo." Ewan ko ba pero feeling ko ang sincere ko sa sinabi kong 'yon. Dumaan din ako sa edad niya, dumaan din ako sa puntong gusto ko ng mamatay pero heto ako. Kasi kinaya ko.

Hindi ko nga lang alam kung paano ko sasabihin sa kanya. Madali lang sabihin sa kanya pero hindi ko alam kung kaya niya bang gawin ang nagawa ko noon. 

"Ayokong tumanda ng walang patutunguhan," sagot niya sa'kin. "Kaya nga nakuha ko 'tong opportunity para malaman kung bakit."

"At kung hindi mo makuha ang sagot?" tanong ko sa kanya at nagkibit balikat siya.

"This room used to be a Literary Magazine Club room," pag-iiba niya bigla ng usapan. "That's why, we, the SOS Club, will do our first project."

"Ha?" Ngayon naman project? Oka—y hindi lang 'ata bato ang kinuha ko para ipukpok sa ulo kundi adobe. "Pwedeng diretso ka na sa point?"

"We'll gather people's Ikigai and we'll publish it." Simpleng sagot niya sa'kin at nanatili lang akong nakakunot.

"Ganito ba ang ibig mong sabihin, maghahanap tayo ng mga Ikigai ng tao tapos ilalagay sa magazine?" nakakunot kong sabi at tumango siya.

"Precisely, Goldy," nakangiting sabi niya.

Napasandal ako sa kinauupuan ko. Parang noong isang araw lang gusto niyang mamatay, tapos ngayon heto. Ang lala ng mood swings ng batang 'to. Ganito na ba talaga mga kabataan ngayon? Mga emotionally unstable creatures? Paano sila magiging kapakikapakinabang na mamamayan balang araw?

"Osige, sabi mo eh," sabi ko na lang para wala ng mahabang usapan.

"And the first person that we'll feature," may kinuha siya sa bag niya at dinikit niya sa white board ang isang picture. "The 'Orange Boy', Kahel Reyes." 



Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro