/12/ A Good Daughter
Forgiveness
takes time
But an
unconditional love
is eternal
/12/ A Good Daughter
[GOLDA]
NGAYON na lang siguro ulit ako kinabahan ng ganito. Ewan ko ba, sanay naman na akong humarap sa mga tao pero biglang nabuhay 'yung kaba sa dibdib ko, paano kung hindi nila ako magustuhan?
In fairness, malamig dito sa dressing room na binigay nila sa amin sa backstage. Mas dumagdag tuloy ang lamig sa kabang nararamdaman ko. Siguro kaya rin ako kinakabahan kasi ngayon ko lang naranasan 'to.
Biglang bumukas ang pinto at pumasok siya sa loob ng silid, matamlay ang kilos niya at nakatingin sa sahig, napansin ko na may hawak siyang paper bag.
Umupo siya sa dulo malayo sa akin. Kaming dalawa lang ni Waldy ang nasa dressing room ngayon.
Tumingin ako sa orasan, fifteen minutes na lang magsisimula na 'yung patimpalak kaya kanina pa 'ko nakaayos. Pero si Waldy, hindi pa rin siya nag-aayos ng sarili, nakasuot pa rin siya ng uniform.
Tumayo ako at lumapit sa kanya.
"Bakit hindi ka pa nagbibihis?" tanong ko sa kanya.
Dahil araw ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika ngayon ay required ng pamunuan na nakasuot kaming mga kalahok ng pormal. Kaya nga nakasuot ako ng Filipiniana dress.
Hindi sumagot si Waldy. Nakita ko 'yung paper bag sa sahig at kinuha ko 'yon. Binulatlat ko 'yung laman at nakita 'yung susuotin niyang damit kaso laking gulat ko nang makitang luray-luray 'yon gamit ang gunting.
"Anong nangyari sa damit mo?" tanong ko sa kanya. Tumingin siya sa'kin at walang bahid ng emosyon ang mukha niya.
"Nagtatanong ka pa, alam mo naman ang sagot," walang ganang sagot niya sa'kin.
Nilapag ko sa mesa 'yung damit at pumanewang ako.
"Sila Briana na naman ba ang may pakana nito?"
Sumilay ang malungkot na ngiti sa kanyang labi. Isang linggo na ang nakalipas magmula nang bumalik siya sa school at kahit na hindi ko man nakikita ng harapan ay alam kong isang linggo na rin siyang pinahihirapan ng mga bully.
Biglang bumukas ulit ang pinto at sumungaw mula roon ang isang facilitator. "Ready na kayo? Malapit na magstart. Ikaw beh," tinuro nito si Waldy, "magbihis ka na."
Nang umalis ang facilitator ay humarap ulit ako kay Waldy. Nakita ko ulit 'yung damit niya atsaka biglang may pumasok na idea sa isip ko.
"B-Bakit ka naghuhubad?" gulat niyang tanong nang makita niya 'kong binababa 'yung zipper ng dress ko.
Huminto ako at ngumisi sa kanya.
"Last contestant for Filipino category, Ms. Mary Gold Marquez from STEM Section C."
Halos lumuwa ang mga mata ng mga audience at ng mga hurado nang makita ako. Suot ko ngayon 'yung dress ni Waldy, maiksi 'to sa'kin kaya kita 'yung legs ko, tapos luray-luray kaya kita 'yung balat ko. In short, nagmistula akong boldstar—este sexy version ni Sisa.
Wala nang nagawa 'yung mga teachers dahil nasa entablado na ako at nagsimula akong umarte. Makalipas ang ilang sandali ay napuno ng malakas ng palakpakan ang auditorium.
Sawakas natapos din! Noong una lang ako kinabahan pero hindi ko namalayan na tapos na pala. Masaya akong bumalik sa dressing room para magpalit ng damit at nakita ko si Waldy na suot 'yung damit ko kanina.
Medyo maluwag sa kanya 'yung damit ko pero hindi naman masagwang tingnan.
"T-Thank you," nahihiya niyang sabi. Lumapit ako sa kanya at tinapik siya sa balikat.
"No problem, bata." Nawirdohan siya nang sabihin ko 'yon. "Pangalawa ka sa English category, 'di ba? Go, ilabas mo lahat ng sama ng loob mo sa pag-arte."
Tumango siya at lumabas. Nagpalit na ako ng damit, sinuot ko 'yung uniform ko, at lumabas na rin ako pagkatapos. Pumunta ako sa may audience at nakita ang isang pamilyar na tao.
"M-Markum?" dali-dali akong lumapit sa kanya, prenteng prente siyang nakaupo. Mabuti na lang nasa may likuran siya kaya walang ibang makakapansin sa'min ngayon. "Anong ginagawa mo rito hinayupak ka?"
"Oh, hi, Boss," patay-malisyang bati niya sa'kin. "That was a terrific performance, I think mas nakadagdag sa points ang costume mo dahil mukhang manyak ang mga jury." Tumawa siya kaya mas lalo akong nabwisit.
"Tigil-tigilan mo ako, Markum. Paano mo nalaman na ngayong araw 'yung contest?"
At parang kabute na sumulpot sa likuran niya ang tatlong ulupong na sila Buni, Burnik, at Buloy.
"Hello, Boss." Sabay-sabay nilang bati at kung wala lang kami rito sa auditorium kanina ko pa sila pinagmumura at pinagsisipa.
Huminga ako ng malalim at sinubukang pahabain ang pasensya ko. "Mukhang may mabubugbog ako mamaya." Tinaas ko 'yung kamao ko at natakot ang tatlong ulupong kaya umalis na sila.
"I'm ready with that," ngumisi si Markum sa'kin. Mas lalo akong nahahighblood sa lalaking 'to.
"Markum—"
"I just want to check you out, Golda," napalitan ng pag-aalala ang kaninang nang-aasar niyang boses. "How are you?"
"Palagi naman kitang ina-update tungkol sa kundisyon ko, Markum. Okay lang ako."
"You're taking your meds?"
"Oo." Nag-iwas ako ng tingin. Narinig ko ang pagbuntong hininga ni Markum.
"I just wanted to see it for myself. Kilala kita, Golda. You tend to overwork yourself."
"Seryoso, Markum, okay lang ako."
Pero sa totoo lang kapag inaatake ako ng sakit palagi ko lang tinitiis dahil lumilipas din naman. Tsaka regular naman akong umiinom ng gamot. Sanay akong magtiis dahil kaya ko pa, at hangga't kaya ko pa hindi ko sasayangin 'yung oras ko na maburyo lang sa isang lugar.
Tumitig sa'kin si Markum, inaalam kung nagsasasabi ba ako ng totoo. Maya-maya'y tumayo na siya at naglakad paalis.
"Babalik ka pa ba?" tanong ko bigla.
Hindi siya lumingon at kumaway na lang, hanggang sa tuluyan na siyang maglaho sa paningin ko.
"Boyfriend mo?" halos mapatalon ako sa gulat nang may sumulpot sa gilid ko. Nakita ko si Sir Gil.
"Huwag mo nga akong ginugulat," inis kong sabi sa kanya. "Hindi ko 'yon boyfriend. Loyal secretary ko. Teka, bakit nandito ka? Don't tell me napanood mo ako?"
"Not really," sagot niya. "I actually came here to ask you kung ikaw ang nagpapunta rito kay Mrs.Capre." tinuro ni Sir Gil ang nanay ni Waldy 'di kalayuan, nakaupo ito at nanunuod.
Sabay kaming napatingin ni Sir Gil sa entablado at nakitang nagtatanghal na si Waldy.
"Oo, ako ang nagpapunta sa kanya rito." Sagot ko.
"Are you befriending the students' parents now?" mapang-akusang tanong niya.
"Long story, Gil," sagot ko sa kanya at nagulat siya nang tawagin ko siya ng walang 'sir'. Iniwanan ko siya at lumapit ako sa nanay ni Waldy.
Nang matapos ang pagtatanghal ay tumingin sa'kin si Mrs. Capre at kita ang galak sa kanyang mukha.
"Salamat sa pagpapapunta mo sa'kin dito, hija."
"Walang anuman ho."
Inanunsyo ang mga panalo at parehas naming nakuha ni Waldy ang first place. Ako sa Filipino category at siya naman ay sa English. Mukhang tama nga si Markum na nakadagdag points 'yung suot kong gutaygutay na damit.
Umalis na rin si Mrs.Capre matapos ianunsyo ang winners, hindi na siya nagpakita sa anak niya. Pabalik ako ngayon sa classroom namin nang makita ko sila Lulu, Kahel, at Jao na naghihintay sa labas.
"Congratulations!" masiglang bati sa'kin ni Kahel. Binati rin ako ni Jao at si Lulu naman ay tahimik lang.
"Oh, nanuod din kayo?" tanong ko sa kanila.
"'Yung announcement ng winners na lang 'yung naabutan namin," sagot ni Jao.
"Pero narinig namin na masyado mo raw ginalingan, Golda," sabi ni Kahel.
Hawak-hawak ko 'yung trophy at hindi ko maiwasang mapangiti.
"Goldy won so she's treating us a lunch," nagsalita bigla si Psycho Lulu at parang pumitik 'yung ugat ko sa noo. Heto na naman siya sa pang-eextort sa'kin.
"Talaga ba!" masayang sabi ni Kahel. "Parang gusto ko ng steak ngayon."
"Sige, ngayon lang ako manlilibre dahil nanalo ako," sagot ko sa kanila.
Maglalakad na sana kami papuntang cafeteria nang makita namin si Waldy na lumapit sa'min.
"Bakit?" tanong ko. Nakayuko lang siya at hindi makatingin sa'min ng diretso. "Hoy, hindi tayo aabutan ng pasko rito."
Nag-angat siya ng tingin at lumapit kay Lulu. "G-Gusto ko lang sabihin..."
"What?" poker-faced na tanong ni Lulu.
"I-I'm sorry, Lulu."
Natahimik kaming lahat nang sabihin 'yon ni Waldy.
"S-Sorry if I did those mean things to you." Napayuko si Waldy.
Hindi pa rin kumikibo si Lulu kaya siniko ko siya. "Sorry daw, huy," bulong ko.
Humakbang ng isa si Lulu palapit kay Waldy. "It doesn't matter."
Tumaas 'yung kilay ko sa sinagot ni Lulu, iyon lang talaga masasasabi niya?
"It's in the past, Waldy." Pagkatapos ay tumalikod na si Lulu at naglakad.
"I think..." si Jao. "That's her way of saying that she forgive you?"
Hindi kumibo si Waldy.
"Alam ko na," sumabat bigla si Kahel. "Sumama ka na lang sa'min kasi manlilibre si Goldy ng lunch."
Tumingin si Waldy sa'kin at tumango ako sa kanya. Sabay-sabay na kaming naglakad papuntang cafeteria.
Nang mapadaan kami sa main lobby ay nakita namin ang isang ambulansya na nakaparada sa labas. Huminto kami saglit para tingnan kung anong nangyayari, may stretcher na ipinasok sa loob ng sasakyan.
Nakita namin si Sir Gil na humahangos palapit sa'min.
"Bakit?" tanong ko. Tumingin si Sir Gil kay Waldy.
"It's your mother, Waldy," nag-aalalang sabi ni Sir Gil.
*****
[WALDY]
KANINA pa ako nasa labas ng hallway, nakaupo lang sa bench habang nakatingin sa kawalan. Hindi ko nga alam kung ilang oras na 'yung lumipas magmula nang pumunta ako rito.
Nang sabihin sa'kin ni Sir Gil na sinugod si mama sa ospital hindi ako 'agad sumama papuntang ospital. Hinintay kong mag-uwian bago pumunta rito. At ngayon hindi pa rin ako pumapasok sa loob ng kwarto niya.
Hindi ko alam. Hindi ko na alam. Magmula nang bumalik ako sa school, hindi na ako tinigilan nila Briana. Since I lost my place on their group, there's something inside me that... that felt at ease. Siguro dahil hindi ko na pinipilit magpanggap na masayang sumusunod sa kanila.
Doon lang naman kasi ako magaling. Ang umarte. Ang umarte na okay lang ang lahat. Pero kapag uuwi ako sa bahay namin hindi ko magawang umarte, dahil sa totoo lang malaki 'yung kinikimkim kong sama ng loob sa nanay ko.
Ang sabi sa'kin ni Sir Gil nawalan daw ng malay si mama dahil sa sobrang pagod. Nagpunta pala siya ng school kanina para manuod sa'kin. Nakita niya rin na nanalo ako.
"Oh, tinubuan ka na ng ugat diyan." Nag-angat ako ng tingin nang marinig ko ang boses at nakita ko siya. Ang babaeng sumampal sa'kin, ang babaeng tinawag akong walang respeto kahit na hindi naman niya alam kung anong pinagdadaanan ko—si Golda.
"Bakit andito ka sa ospital?" takang-taka kong tanong. Nakita kong nakasuot siya ng pambahay.
Tinaas niya ang dala niyang paper bag ng pharmacy store. "May sakit ako, eh."
"May sakit ka?"
"Bakit hindi ka pumasok sa loob?" balik tanong niya sa'kin. Nag-iwas ako ng tingin. "Ah kasi galit ka sa mama mo."
Umupo siya sa tabi ko at napatingin naman ako sa kanya.
"P-Paano mo nalaman—"
"Ah, nagkakwentuhan kami ng mama mo," sagot niya na parang wala lang. "Kinuwento niya lahat ng nangyari sa pamilya n'yo." Tumingin siya sa malayo at naglabas ng sigarilyo.
"No smoking area 'to, miss," sita sa kanya ng isang nurse na dumaan.
"Tch, kaasar 'yon," tinabi niya 'yung sigarilyo. Tumingin siya sa'kin. "Alam mo hindi ako dapat magsabi sa'yo nito dahil hindi mo naman ako kaanu-ano. Hindi naman kasalanan lahat ng mama mo kung bakit kayo nabaon sa utang—kung bakit namatay ang papa mo."
Biglang bumalik lahat ng sakit, nanikip 'yung dibdib ko nang marinig 'yon. "What do you mean? Ano bang alam mo?"
"Kaya nga sabi ko sa'yo hindi ako dapat ang magsabi sa'yo. Kahit isang beses pakinggan mo lang magpaliwanag ang mama mo."
Tumayo na siya at umalis.
Bumagsak 'yung luha ko at hinabol ko siya. "Tell me." Kumunot si Golda. "Sabihin mo sa'kin 'yung sinabi niya sa'yo."
Huminga siya ng malalim bago sumagot. "Kaya lang naman nangutang ang mama mo, para 'yon sa sakit ng papa mo."
Sakit ni papa? Hindi ko alam na may sakit si papa.
"Sige na, Waldy," hinawakan niya 'ko sa balikat. "Kausapin mo na ang mama mo." Iyon ang huli niyang sinabi at iniwan niya na 'ko.
Bigla akong nagkaroon ng lakas ng loob at sinunod ko ang utos niya. Pumasok ako sa kwarto kung saan nakaconfine si mama.
"Waldy—" mahina niyang sabi nang makita ako.
"Totoo ba 'yung kinwento mo kay Golda, 'ma? Totoo ba na nangutang ka kasi may sakit si papa?"
"Anak... A-Ayaw ipaalam sa inyong magkapatid ng papa mo kung ano 'yung sakit niya kaya...kaya ko 'yon nagawa para ipanggamot sa kanya pero... pero ginastos lang ng papa mo sa sugal 'yung pera."
Bakit hindi ko 'to alam? Bakit ngayon ko lang 'to nalaman? Nakatayo lang ako habang iniisip 'yung mga sinabi ni mama. Simula nang mamatay si papa wala akong ibang sinisi kundi siya. Naalala ko lahat ng ginawa ko.
"P-Pero bakit, 'ma?" mahina kong tanong.
"Ayokong masira ang imahe ng papa n'yo sa inyong magkapatid kaya hindi namin ipinaalam. Sorry, anak—"
"Hindi mo naman ako anak—"
"Simula nang pinakasalan ko ang papa mo, naging anak na kita, Waldy."
"Gano'n ba?" tumalikod ako kasi ayokong makita niya na umiiyak ako. "Kailan ka raw madidischarge?"
"Bukas pwede na akong lumabas dito."
*****
TATLONG araw na ang lumipas mula nang madischarge si mama mula sa ospital. May isang anonymous Good Samaritan daw ang nagbayad ng bill, at kung sino 'yon—hindi namin alam.
Bumalik sa normal ang lahat, gano'n pa rin at walang pinagbago ang turing sa'kin ni mama. Hindi na namin pinag-usapan ulit 'yung tungkol sa nakaraan. Tahimik lang ako at pero may kung ano sa loob ko na gustong sabihin sa kanya pero hindi ko magawa.
Kaya kumuha ako ng papel at doon ko sinulat lahat ng mga bagay na gusto kong sabihin kay mama.
Dear mama,
I'm sorry. Iyon lang ang gusto kong sabihin sa'yo. Dalawang salita lang 'yan pero hindi ko magawang sabihin. Siguro dahil nahihiya ako sa'yo, hindi naman kasi ako lumaki na palagi kong sinasabi sa inyo ni papa na mahal ko kayo. Mahirap mang paniwalaan pero kahit na hindi kita tunay na mama, thank you kasi inalagaan mo kami noon ni ate noong maliit pa kami.
Sorry kung hindi ako nakikinig sa'yo, kung naiinis ako sa'yo kahit na wala ka namang kasalanan. Ang dami kong gustong sabihin pero mukhang hindi pa ito 'yung tamang oras para sabihin ko lahat. Sana palagi kang malusog, huwag mong pababayaan 'yung sarili mo. Tayong dalawa na lang 'yung magkasama kaya... Hayaan mo, magpapakabuti akong bata kahit na binubully ako sa school.
Doon na lang ako babawi sa'yo, simula ngayon sisikapin kong maging mabuting anak, maging mabuting estudyante. Kahit na gaano pa kahirap 'yung pambubully nila Briana sa'kin, magiging malakas ako.
Salamat sa lahat,
Waldy
*****
[GOLDA]
"HAY, sawakas, uwian na!" masaya kong sabi.
"Balita ko manlilibre ka raw ulit?" sabi ni Kahel na nasa likuran ko.
"Hoy, nawili naman kayo masyado sa libre," nakasimangot kong sabi.
"Huwag muna kayong uuwi, guys!" nasa harapan si Jao at nakita kong nasa tabi niya 'yung vice-president na si Ruffa. "Magmimeeting tayo for next month's Intramurals."
"May activity na naman?" bulong ko sa sarili ko. Wala talagang katapusan ang mga school activities.
"Welcome to highschool," sagot sa'kin ni Lulu na may sariling mundo habang nagsusulat.
Pinapunta kami ni Jao at Ruffa sa gym para roon pagmeetingan 'yung mangyayari sa Intrams, meron daw kasing cheering contest at required lahat ng seniors na sumali.
Magsi-six na ng gabi nang matapos ang meeting. Papunta ako sa parking lot nang habulin ako ni Waldy.
"Golda!" tawag niya sa'kin.
"Oh? Bakit?"
Nakangiti siya. "Gusto ko lang sabihing thank you."
"Thank you saan?" nakakunot kong tanong.
"Sa lahat," sagot niya at tumalikod na siya nang bigla siyang humarap ulit. "Hindi ko ipagkakalat na ikaw ang nagbayad ng bill sa ospital." Pagkatapos ay tumakbo na siya paalis.
Pinagsasasabi nu'n?
Sumakay na 'ko sa kotse ko at umuwi ng bahay. Ang dami naming assignments at quizzes, kailangan ko na gawin para makatulog ako ng maaga.
Pagparada ko ng sasakyan sa labas ng bahay namin ay narinig ko ang ingay ng tatlong ulupong kong alalay.
"Anong kinakanan ng mga kolokoy?" bulong ko sa sarili ko.
Pagpasok ko sa loob ay sumalubong sa'kin si Burnik.
"Welcome home, Boss!"
"Anong meron?"
"May nagsauli lang ng ID mo, nahulog mo raw," sagot niya sa'kin at napatingin ako sa lace ko at putangina wala 'yung ID ko.
"S-Sino?" sasagot pa lang si Burnik nang marinig ko ang boses nila Buloy at Buni sa kusina, kaagad akong pumunta roon at saktong nakita na hinahainan nila ng pagkain ang taong nakakuha ng ID ko.
"Welcome home, Boss!" bati ni Buni at Buloy.
"Ikaw?!" duro ko sa kanya.
"Yes, it's me." Sagot sa'kin ni Blake.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro