Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Six CDs



"G,"

It's him. Napaayos ako ng sandal sa headboard ng kama ko nung narinig ko ang boses niya mula sa headset. Gaano na ba katagal nung huli kong narinig ang boses niya? Di lang isang taon o dalawa. Halos apat na taon na din ang nakakalipas.

Tiningnan ko yung unang CD case sa kamay ko. May nakasulat dun na November 15, 2010.

"Mahal kita, G." malamig ang boses niya nung sinabi niya yun. Napapikit ako. Siya talaga 'to. Tila nauubusan ako ng hininga nung i-sink in ko sa utak ko na boses niya ngayon ang naririnig ko. Pinause ko ang CD player at tumingin sa kawalan.

Umuwi ako dito sa probinsya para makapagpahinga sa trabaho. Simula nung grumaduate ako ng highschool, pumunta agad ako sa Manila para makapag-college at makahanap agad ng trabaho. Occasionally, umuuwi ako dito noon pero hindi naman nababanggit nina Nanay na may package na dumadating dito.

At eto na nga, naipon ang anim na CDs sa harap ko ngayon na may kanya kanyang petsa para mas ipaalam sa akin na matagal na ang nakakalipas.

Huminga ako ng malalim at dahan dahan na pinindot ang play. Naramdaman ko ang bilis ng kabog ng dibdib ko at panginginig ng kamay ko lalo na nung narinig ko siyang mahinang tumawa,

"Huwag ka ng umiyak, okay? Ito na po yung Anniversay gift ko sa'yo. Tsk, akala naman kasi lagi siya lang ang marunong mang-surprise. Walang wala ka talagang tiwala sa gwapo mong boyfriend 'no? Umiyak ka nung isang linggo eh. Hindi mo alam na may hinahanda ako para ngayon sa anniversary natin kasi iniisip mo lahat ng lalaki, walang pakielam. Akala mo mga lalaki kaya naggi-girlfriend para idisplay o mai-kama lang. You've always been like that kahit patatlo mo na akong boyfriend. Ilang ulit ko bang sasabihin sayo na hindi ako ganun?"

"But you were, Sam. Katulad ka din nila."

"Actually, hindi ko alam ang sasabihin ko dito. Mukha nga akong tanga na nakaharap sa radio. Tinatawanan ako nina Mama. Pero sabi ko, ikaw nalang 'to kunyare para sincere." Mahina siyang tumawa sa sarili niyang joke. "Pinapanuod kita nung nakabili ka ng CD shelf mo. Gustong gusto mo nun eh. Kung tutuusin, yun ang balak kong ibigay sa'yo since nakakalat yang mga CDs mo sa kwarto pero naunahan mo akong bumili. Dun ko nalang naisip na bakit hindi puro CDs na galing sakin nalang ang makuha mo? Kasi G, simula sa CD na 'to...expect mo na every year akong magreregalo ng CDs at pupuniin ko yang CD shelf mo. Mapatunayan ko lang sayo na magtatagal tayo."

Tanga.

Tumingin ako sa lumang CD shelf ko na nasa sulok ng kwarto ko. May mga CDs pero katulad nung shelf, niluma na din ng panahon.

Tanga mo, Sam.

Ni isang CD mo nga, hindi ko nailagay dito.

"G... mahal kita. Sobra. At habang lumilipas ang araw, mas minamahal pa kita. Ayokong mag-promise sayo kasi ayaw mo ng mga promises. Ayokong magsalita ng tapos kasi lagi mong sinasabing mabilis magbago ang lahat. Pero G, kung iniisip mo na dadating din ako sa point na iiwanan kita tulad ng mga ex mo. . .tama ka. Dahil oo, iiwanan nga din kita. Mauna nalang tayong dalawa kung sinong maghahatid satin sa huling hantungan."

Bahagya siyang tumawa at bumuntong hininga,

"Kasi kung tutuusin, hindi ko makita ang mga dahilan kung bakit ka nila iniwan at niloko. Yes, you have flaws pero sino bang wala? Oo, hindi ka perpekto pero hindi naman kelangan maging perperkto ng isang tao para mahalin ka."

Pero nakita mo ang lahat ng flaws ko, Sam. Nakita mo ang imperfections ko. You did, then left.

"I love you, G—"

Naputol na yung pagsasalita at ibig sabihin nun tapos na. Ang mahal mahal ng CD dati tapos yun lang? Tsk. In-eject ko na yung CD at binalik yun sa case. Tinanggal ko yung ear buds sa magkabilang tenga ko at nilayo lahat sakin yung mga CDs.

"Kalokohan." Singhap ko ng makatayo ako sa kama. Inayos ko na yung mga gamit ko at nagpalit ng damit.

"Geraldine!"

"Po?"

"Hinahanap ka nina Babang! Nakita ka daw sa kanto kanina!"

"Teka lang po! Bababa na!"

Tinitigan ko yung limang hindi pa nabubuksan na CD cases. Minadali kong hinanap yung pinakasumunod na CD dun. April 20, 2011. Curiosity killed the cat, inilagay ko yung sa body bag ko pati na din yung CD player bago lumabas ng kwarto. Bahala na.

Nakita ko si Babang nung bumaba ako. Walang ano ano ay lumapit siya sakin at niyakap ako. Matagal na din kasi kaming di nagkikita, umuuwi nga ako dito wala naman siya. At pag siya ang nandito, ako naman ang nasa Manila.

"Nagpakita ka ding babae ka!" hinampas niya ako sa braso. "Nagpalit ka ng number! Lumipat ka ng apartment sa Manila! Nagtatago ka ba?"

"Nanakawan ako!" despensa ko kasi totoo naman. Manila eh. "Lumipat din ako ng trabaho kaso malayo dun sa dating apartment kaya ayun."

"At wala kang pasabi? Nakakainis ka, bruha!"

"Eh ikaw nga kay Inay ko pa nalaman na sa Manila ka na din nagtatrabaho!"

"Pano ko ba paalam sayo kung ninakaw pala cellphone mo? Iba na pala ang katextmate ko! Jusko!"

Kaibigan ko si Babang nung highschool. Close kami kaya alam niya ang lahat ng nagyare sa buhay ko kasama na ang dalawang boyfriend ko na niloko at si Sam. Nagkwento lang ng kung ano ano si Babang hanggang sa hindi malamang dahilan, napunta yun sa nasawi kong love life.

"Nako Babang, change topic!"

"Nagtatanong lang ako! Hinahanap ka kasi ni Sam."

Ako hinahanap niya?

"Bakit naman niya ako hahanapin?"

"E di ba umalis ka? Tapos lumipat ka pala ng apartment. May ibibigay ata sayo." Ibibigay? Naalala ko yung naipong CDs sa may kwarto ko at sa maliit na bag ko ngayon. "Lagi kang tinatanong sakin pero wala naman akong masagot. Nagkita na ba kayo?"

"Di naman naming kelangan magkita."

"Ay, Geraldina! Bitter ka pa din hanggang ngayon? Natapos na po ang World War 2, di ka pa din nakaka-move on? Di uso?"

Napailing nalang ako sa sinabi ni Babang. Ayoko na din kasing mag-usap tungkol dun. Hindi naman sa bitter ako pero may mga bagay talaga na ayoko ng ungkatin pa lalo na kung wala naman mangyayare after nun.

Ano bang mapapala ko kung kwentuhan niya ako tungkol kay Sam? Tapos na naman kami. Four years na nga eh. At alam kong naka-move on na ako...ata. Wala namang dahilan para mang-hold pa ako. Tapos na yun. Ginaya niya yung dalawa kong gagong ex boyfriend kaya kasama na siya sa grupo ng mga gago.

Umalis na si Babang kasi madami pa siyang ginagawa sa kanila. Dumaan lang talaga para mangamusta. Sumabay ako paglabas sa kanya para makapunta sa plaza. Madalas ko kasi tambayan yun dati para manuod ng naglalaro ng basketball. Ewan ko din ba sa sarili ko kung bakit lahat ng ex ko ay nagba-basketball.

"G," Kinilabutan ako nung inumpisahan kong pakinggan yung second CD. "Galit ka ba?" Malungkot siyang tumawa. "Sino bang niloloko ko? Malamang galit ka. Malamang halos isumpa mo ako ngayon."

April 2011. Lampas limang buwan na nung nagbreak kami.

"Sabi nila mag-sorry daw ako sa'yo. Sabi naman nung iba, hayaan ko nalang dahil part 'to ng break up. Masakit talaga. Nakaka-konsensya lalo na kung ako yung nang-iwan. G..." Tinitigan ko yung mga naglalaro sa may court. Gabi na pero madami pa ding naglalaro dito sa plaza. "G, mapapatawad mo ba ako?"

Gago, hindi.

"Pero sino ba ang niloko ko? Malamang hindi. Matapos ng mga sinabi ko at matapos ng ginawa ko sayo tapos bigla akong makikipagbreak? Gago di ba." Buti alam mo. "Hindi mo nga din pala natanggap yung anniversary gift ko sa'yo. Bakit? Kasi hindi ko binigay. Kasi nakipagbreak ako sa'yo isang linggo bago tayo maga-anniversary dapat."

Dapat.

Bakit ang lakas ng loob niyang ipagsigawan ang dapat? Tangina.

Papatayin ko na sana yung CD player dahil sa inis nang may narinig akong ingay sa headset.

"Bakit ganun, G? Okay naman ako nung una kasi naisip ko na okay 'to. Makakawala ako sa sinasabi nilang nakakatakot sayo. Pero bakit ganito? Nung una, tanggap ko yung mga tingin mo sa akin simula nung nakipagbreak ako sayo kasi ako ang nangiwan pero bakit habang tumatagal...nagsisisi ako? Nung nakikita kitang umiyak nung mga unang linggo kay Babang, hinayaan kita. Nakokonsensya ako sa ginawa ko. Napapaisip kung bakit kita ni-let go ng ganun ganun nalang. Naisip ko kung bakit ang lakas ng loob kong ipagmayabang sayo na hindi ako gagaya sa mga ex boyfriends mo pero...ano 'tong ginawa ko?"

Iniwan mo din ako.

"Araw araw kitang nakikita. Araw araw kong nakikita kung paano mo ako titigan na parang tinatanong mo sa akin kung bakit kita iniwan...kung bakit ako sumuko.. bakit? At habang nakikita kita, narealize ko na hindi ang mga tingin mo ang nagtatanong kundi ang sarili ko. Kung bakit iniwan kita kung mahal kita? Kung bakit ako nakipagbreak sayo kung ganito naman nararamdaman ko sayo? Bakit ako natakot?"

Napahinga ako ng malalim nung narinig ko siyang umiyak.

"G, nagsisisi ako. Pinangunahan ako ng takot ko. Sorry, G." iyak niya. Rinig na rinig ko ang iyak niya. "Ang gago ko, G! Ang tanga ko. Balak kitang kausapin nun eh. Balak kitang lapitan pero ito na naman ang pagkaduwag ko. Parang kinakain ko ang sarili kong dila at ako mismo ang nagse-semento sa mga paa ko para hindi ako makalapit sayo. Tapos... tapos..."

Parang may bumara na kung ano sa lalamunan ko nung lumakas ang iyak niya.

"G, I'm sorry. I'm sorry. I'm sorry." Narinig ko na parang may bumukas na pintuan. "Sam, hijo? Bakit ka—"

Napa-kurap ako nung biglang naputol at nag-stop yung pangalawang CD. Doon ko napansin na kanina pa akong nagpipigil huminga. This was his voice four years ago pero...habang pinapakinggan ko ang boses niya, bakit parang kahapon lang nangyare ang lahat?

Bakit ako nasasaktan?

Agad akong tumakbo pauwi sa bahay namin. Naalala ko lahat ng pinagsamahan namin ni Sam, lahat ng ginawa niya sakin para mapatunayan sakin na mahal niya ako. Naalala ko din yung panahon na biglaan siyang nakipag-break sa akin. Yung dahilan niya na natatakot siya sakin sa baka anong kahantungan ng relasyon na 'to dahil sa pagiging bata pa namin. Sa pananakot ng ex boyfriends ko sa kanya. Kaya siya bumitaw.

Agad agad akong pumasok sa bahay. Sinabi ko na agad na hindi ako kakain ng hapunan. Pumunta ako sa kwarto at kinuha yung pangatlong CD. November 22, 2011.

Napansin ko ang panginginig ng kamay ko nung binuksan ko ang pangatlong CD case. Pinaltan ko na agad yung naiwang CD sa CD player yun at agad na pinindot ang play.

"Nakilala ko si G sa club namin at dahil sa lumipad na bola. Pareho kasi kaming sports club, varsity ako tapos isa siya sa mga sports manager. Kung unang beses mong makikita si G, iisipin mo na isa siyang astig na babae. Lagi magulo ang buhok pero nakalugay, laging naka-backpack at inaayawan ang shouder bags. Siya yung laging napapagalitan ng guard dahil naka-Chucks kahit uniform na palda. At pag-PE, nakataas ang jogging pants kasi naiinitan. Siya yung babaeng mukhang hindi makakabasag pinggan pero pagnapindot mo sa maling paraan, nagagalit na parang makakabasag ng mukha."

Dahan dahan akong naglakad papunta sa bintana at umupo doon. Narinig kong mahinang tumawa si Sam na parang may hawak na gitara. Naririnig ko din kasi yung pasimpleng pagpa-plucking.

"Nung una natakot ako kay G. Ibang klase kasi. Kung pano niya ikunot yung tshirt niya sa balikat niya, parang laging naghahamon ng suntukan. Pero naging close kami. At dun ko nalaman kung gaano din siya kahina at nasan yung natatago niyang pagkababae." Napangiti ako nung tumawa siya. Lagi niyang biro sakin yun dati kasi para akong tomboy. "Sisigawan ka niya pag naiinis siya at pag galit na, may batok o hampas na yung kasama. Nakita ko siyang maging malakas at mahina nung nagkukwento siya sakin tungkol sa buhay niya. Naging barkada kami hanggang sa ayun na. Natalo ako. Nahulog na pala ako ng walang kamalay malay."

Napasandal ako sa gilid ng bintana nung narinig ko yung tinutugtog niya sa gitara. Halaga ng Parokya ni Edgar. Kanta na madalas niyang tugtugin sa akin kapag nagdadrama ako sa kanya tungkol sa lovelife kong walang kwenta.

"G, miss mo na ba ako?" napapikit ako at inisip siya sa harapan ko habang tinatanong yun. Naalala ko kung paano laging lumalabas yung maliit na dimple niya sa ilalim ng labi niya tuwing magsasalita. "Miss na kasi kita."

"Sabi ko sa sarili ko hindi ko na susundan yung dalawang CD na pinadala ko sayo pero nung bigla kitang nakita sa inyo nung isang linggo... bumalik lahat." Napatingin ako dun sa mga CDs sa kama. Yung unang dalawang CD na hindi ko natanggap. "Nakakahiya kasi eh. Ni hindi ko nga alam kung paano ko ibibigay sayo 'tong pangatlo lalo na paginiisip ko na narinig mo na yung dalawang CD. Parang tanga lang. Pero kaninang umaga, nakita ulit kita. Paalis ka na nun. Natorpe ako. At nung nakita na kitang sakay ng tricycle, dun ko narealize na November 15 pala. Second anniversary natin dapat."

Narinig ko ang kaibahan ng 'dapat' niya sa pangalawang CD sa 'dapat' na tinutukoy niya dito. Ang tagal na namin siguro... yung dapat na matagal naming relasyon.

"G, anong ginawa mo sa akin? Alam mo bang nagalit ako sayo nung nalaman kong umalis ka na agad after ng graduation natin? Kasi hindi kita nakausap. Hindi mo ako nabigyan ng pagkakataon. Pero ang tanga ko, hindi mo naman gagawin yun kung hindi kita sinaktan. Sinubukan kong gamiting dahilan yung naging takot ko sayo nung nakipagbreak ako sayo pero wala eh. Mas lalo lang akong nagmumukhang tanga sa ginagawa ko. Nagiging desperado." Tumawa siya. "G, bakit ganito? Di ba dapat wala na kasi matagal na tayong tapos? Pero bakit hinahanap pa din kita? Bakit gusto kong makita ka ulit? Bakit nandito na naman yung pakiramdam na gusto kitang makasama? Yung pakiramdam na gusto ko ulit patunayan sayo na kaya ko...na.."

Bigla siyang tumigil at bumuntong hininga.

"Hanggang ngayon, G...mahal pa din kita. Gusto kong sabihin na mahal ulit kita pero kung tutuusin, hindi naman natapos yun eh. Hindi naputol. Lumala pa nga. Hindi ko alam kung paano at kung bakit pero nararamdaman ko. Sa tuwing naririnig ko na umuwi ka galing Manila, iniisip na malaki ang posibilidad na magkita tayo sa daan...ramdam ko. G, mahal pa din kita."

Iminulat ko ang mata at sumilip sa bintana. Narinig ko ang boses niya. Hindi galing sa headphones kundi galing sa labas ng bahay namin.

"G, kung magkaron ako ng lakas ng loob para ipadala sayo ang CD na 'to at kung matanggap mo... Pwede ba? Pwede bang mag-usap tayong dalawa? Gusto ko lang malaman...baka pwede pa."

Kusang nag-stop yung CD player ko pero hinayaan ko lang yun. Sinundan ng mata ko si Sam sa labas ng bahay namin. Kasama niya yung mga dating kabarkada niya. Napatigil sila sa tapat ng bahay namin kasi may malapit na tindahan dun at pwedeng tumambay.

Nakita ko ulit si Sam matapos ng ilang taon. Naramdaman ko ang dahan dahan na paglamig ng palad ko at ang pagbilis ng tibok ng puso ko dahil sa nerbyos. Kung nakikita ko siya noon, binabalewala ko siya, iniiwasan at pinagtataguan dahil sa sama ng loob pero ngayon... hindi ko na alam.

Agad kong kinuha yung phone ko at tinawagan si Babang.

"Alam mo ba yung mga CDs ni Sam?"

"Ha? Yung CDs ni Sam? Yung pinapadala niya sayo?"

"Alam mo?"

"Oo."

Napasuklay ako sa buhok ko, "Bakit hindi mo sinabi sakin!"

"Hindi mo pa ba napapakinggan? Akala ko alam mo!"

"Babang..." napakagat ako sa kuko ko. Hindi ako makahinga ng ayos dahil sa bilis ng tibok ng puso ko. Matapos ng ilang taon, ngayon lang ulit ako kinabahan ng ganito.

"Don't tell me, hindi mo pa alam?"

"Alam ang alin?"

"Omg. Tapos mo na ba lahat ng CDs?"

Tumingin ako sa natirang CDs sa kama, "Nasa paapat palang ako."

"G.."

"What?"

Bumuntong hininga siya, "Palagay ko, kelangan mo munang tapusin yan bago ka mag-wala dyan...or better yet, kalimutan mo nalang lahat."

"Bakit ba? Ano bang kelangan kong malaman?"

"G...kasi, sumuko na si Sam." Bumagsak ang balikat ko sa sinabi ni Babang. Oo, aaminin ko. May part sa loob ko na nageexpect na baka nga pwede pa. "Ang alam ko kasi, matapos niyang ibigay yung huling CD sayo...huli na yun. Sinabi niya saking titigil na siya. At alam kong may—"

Napatawa ako, "Sino bang niloko ko, Babang?"

Tinapon ko yung CD player sa kama papunta dun sa nagkalat na CD cases.

"Lampas apat na taon na ang nakakalipas. Masyado akong nagpapadala sa CDs na 'to. Matagal na naman 'to."

"G.."

"Sige na, Babang. Nababaliw lang siguro ako."

"Pero G,"

"Bye."

Ibinaba ko na yung phone ko at sinampal ng ilang beses ang pisngi ko. Ang tanga tanga ko. Bakit ako nagpapadala sa messages niya sakin nung nakalipas na taon? Tapos na nga di ba? Tinapos na niya bago kami mag-anniversary. Ano pa nga bang pakielam ko?

Pero bakit ako umaasa na baka?

Baka pwede pa... ulit.

Lumapit ako sa bintana at nakita na andun pa din sina Sam. Bigla akong napaurong nung nakita ko siyang tumingala at tumingin sa bintana ko. Bigla akong nagtago at lumapit sa kama. Nakita niya kaya ako?!

Pinahinahon ko ang kaba ko at umupo sa kama. Napatingin ako sa kamay ko nung may naramdaman ako sa palad ko. Napatitig ako sa CD case na muntik ko ng matuunan.. Ang pangapat na CD. March 2012.

"G, galit ka pa din ba sakin?" malamig ang boses ni Sam. Tahimik at malalim. "Nilalayuan mo ba ako? Iniiwasan? G... galit ka pa din ba?"

Umupo ako sa sahig at sumandal sa gilid ng kama. Ayoko na dapat eh pero eto ako, pinapakinggan ang pang-apat na CD. May kung anong bumabagabag sa akin na gusto kong mawala at matahimik tulad noong hindi ko pa naririnig ang mga boses ni Sam mula sa CDs na 'to.

"G, ganun ka na ba talaga kagalit sa akin? Galit ka pa din ba sakin dahil sa kaduwagan ko? G... bakit hindi kita makita? Pinuntahan kita sa apartment mo sa Manila pero wala ka daw dun.. nakuha ko ang number mo kay Babang pero. . . G, hindi na ba talaga pwede?"

March 2012...

Mahal pa din niya ako ng mga panahong 'to.

"Iniabot ko sa nanay mo yung CDs kasi umaasa ako na baka maintindihan mo ako. Pero ayaw mo ba? Ganun na ba talaga ang galit mo sakin kaya hindi mo magawang tumanggap ng kahit ano sa akin?"

Bumalik ang CDs sa kanila? Pero... wala akong natatanggap. March 2012... ito yung panahong lumipat ako ng apartment at nanakawan ako...

Kaya siguro..

"G, pano ko ba maayos ang lahat? Handa naman akong kausapin ka eh. Handa akong pakinggan lahat. Kaya kong tanggapin lahat ng galit at sama ng loob mo sakin. Nagmamakaawa ako. Kung yun lang ang paraan para maayos ang lahat. Please, G." Tumayo ako at lumapit sa bintana. "Masyado na ba akong huli? Pwede pa ba akong maghintay?"

Parang naramdaman ni Sam na nasa may bintana ulit ako nung tumingala ulit siya. Nakita ko yung pagliwanag ng mukha niya na parang gulat na gulat siya na makita ako dito.

"G, mahal kita eh. Tanga na kung tanga. Martyr na kung martyr..."

"Uy, G! Kamusta!"

"G, mahal pa din kita."

Mabilis na naputol yung sa pang-apat na CD. Napatingin sa may bintana ko yung mga kasama ni Sam nung binati niya ako. Nagtaka ako nung parang may sinabi siya sa mga kasama niya at nakita ko siyang papalapit sa gate ng bahay namin.

Sa kaba, kinuha ko agad yung pang-limang CD at yun ang pinalit sa CD player.

"Geraldine! Andito si Sam!"

Natigilan ako. Nakapasok na siya.

June 2013.

Dahan dahan akong lumabas ng kwarto ko. Sumilip ako sa may salas para makasigurado kung andun nga si Sam... kung siya yung nakita ko sa labas. Humarap siya sakin at nakita ko agad yung dimple sa ilalim ng labi niya nung ngumiti siya.

"G!"

Ito na ba yung pwede pa? Hindi ko alam ang nararamdaman ko pero mabilis ang kabog ng dibdib ko sa tuwing naaalala ko lahat ng sinabi niya sa CDs.

Nagulat ako nung lumapit si Sam sa akin at bigla akong niyakap. Nag-react ang puso at katawan ko sa ginawa niya.

"Tagal mong di nagpakita ah!"

"Ah kasi—"

Siguro sa biglang pagkakayakap sa akin ni Sam, napindot ko yung CD player at may umingay sa headphones na nakapasok pa rin sa tenga ko.

"G, ikakasal na ako."

"Sabi sa akin ni Babang, big time ka na daw sa Manila kasi nakahanap ka agad ng magandang trabaho pagkagraduate."

"Hindi ko na ata kayang hintayin ka pa."

"Kamusta ka na?"

"Ah, mabuti naman.."

"G... nakikipagbreak na ulit ako sayo... kahit alam kong hindi naman tayo nagkabalikan."

"Namiss kita, G."

"Sumusuko na ulit ako, G."

Ang hirap kasi sayo, G, sinasabi mong naka-move on ka na pero sa totoo—hindi pa.

"Ah." Hinanap ng kamay ko ang stop button at itinago sa likod ko ang CD player. "I—ikaw, kamusta?"

Tanga.

Ang tanga mo, Geraldine.

"Ito," tumango tango siya na para bang inaasahan niyang alam ko ang lahat ng balitang nangyare sa kanya. "Gan'on pa din."

Tumango ako. Nahihirapan akong huminga. Hindi ko maintindihan kung bakit ganito. Bakit bumalik ang lahat dahil sa mga pesteng CDs? Okay na ako, e. Okay na.

"Nakakakain ka na ba, Sam?" biglang sumigaw si Nanay mula sa kusina. "Sabayan mo nga 'yang si Geraldine. Nakatapak lang ng Maynila, hindi na marunong kumain ng pagkaing probinsya!"

"Nay, hindi lang ako gutom!"

"Sige po, sasabayan ko po si G!"

"Wag na!" napahawak ako sa kanya noong nagtangka siyang maglakad papunta sa kusina. "Wala talaga akong ganang kumain, e."

Mukhang nagulat si Sam sa pagkakahawak ko sa kanya kaya inagaw ko pabalik ang kamay ko. Napahawak siya sa braso niya, kung saan ko siya nahawakan, hanggang sa malipat ang tingin niya sa isa kong kamay. Napangiti siya, "Nangongolekta ka pa rin ng CDs?"

Tanga.

Mabilis akong tumango. "Old habit na e."

"Nakabili ka na siguro ng ilang shelf 'no? Sobrang hilig mong bumili ng CDs na akala mo mapapakinggan mo lahat ng sabay sabay."

Napangiti ako. Tanda pa rin niya 'yon.

Napatingin kaming pareho sa labas noong may tumawag sa kanya.

"Ay oo nga pala." Tumingin siya sakin. "Una na ako, ha? Susunduin pa kasi namin si Reign."

"Reign?" tinikom ko agad ang bibig ko dahil sa sinabi ko.

"Oo, si Reign. Magagalit na naman sakin 'yun kapag nalate ng sundo."

"Ah." Sinabi niya yung mga salitang 'yon na para bang kilala ko si Reign. Na para bang dapat ko kilala ko siya at alam ko kung anong meron sa kanilang dalawa.

Pinanood ko siyang magpaalam sa nanay ko. Lumingon siya sakin bago makalabas ng pintuan. Kusa nalang bumuka ang bibig ko at sinabing, "Ingat ka, Samuel."

Napansin ko ang matagal na titig niya sa'kin bago siya ngumiti at tumango.

Ilang minuto na rin ang nakakalipas mula nang makaalis si Sam dito sa bahay at natauhan lang ako nang pukpukin ni Nanay ang ulo ko ng kutsara. "Ilang beses ko bang sasabihin na kumain ka na?"

"Busog nga ako, Nanay."

"Ayan! Ganyan na talaga kayo! Binabalewala niyo na lahat ng ginagawa ko porket matanda na ako! Mga 'to! Magiging magulang din kayo!"

"Nay naman! Hindi lang kumain ng hapunan, oh."

"Mga walang utang na loob!"

"Ito na nga po. Kakain na nga. Kakain na ho." Napailing nalang ako at dumiretso sa kusina. Pero humirit pa rin si Nanay na hindi na ako marunong makinig dahil nagkakapera na ako at hindi ko na kelangan ang tulong niya. Hay jusko, mga nanay talaga.

Inilapag ko ang CD player sa lamesa at kinuha ang sarili ko ng pagkain. Tinitigan ko ng ilang segundo ang CD player bago sumubo at umiling na nahihibang na ako.

Narinig mo nang mahusay, Geraldine. Umpisa palang ng panglimang CD, inamin na niyang ikakasal na siya. Sumuko ang gago. Ni hindi nga marunong bumati noong nagkakasalubong kayo sa daan? Duwag siya di ba? Hanga na nga ako at nakapagpropose siya dun sa Reign na 'yon.

"Reign." Psh! "Ang hina mo talaga, Geraldine. Para apat na CD, bumibigay ka. Ang hina mong babae ka."

Pero bakit ganon... ginawa kong lahat para itabi ang nararamdaman ko para kay Sam. Pinangibabaw ko ang pagkaawa sa sarili ko.

"Baka kasi nagkamali lang tayo." Tandang tanda ko pa kung paano niya sabihin sa'kin 'yon. Na baka naoverwhelm lang kaming dalawa sa concept ng pagibig. "Ayokong masakal, G. Ayokong matulad sa kanila, G."

Nagawa niyang sabihin 'yon sayo, Geraldine. Ano siya, basta basta nalang kung gumawa ng desisyon? Gusto na ulit at aayaw bigla kapag naisipan lang? Eh talagang gago pala siya! Leche. Bakit pa kasi nagkaroon ako ng interest na pakinggan ang mga 'to? Apat na taon na. Wala na dapat kaming pakielam sa isa't isa.

Umakyat na ako pagkatapos kong kumain. Inayos ko ang gamit ko na iiwanan dito sa probinsya at mga dadalhin ko pabalik ng Manila. Ibinalik ko na ang mga CDs at CD player sa kahon at isiniksik 'yon sa pinakasulok ng cabinet ko.

Tama. Wag na natin ibalik ang lahat. Maayos na ako at ganoon din naman siya. Wala ng dahilan para mapakinggan ko ang lahat ng CDs.

Pero bakit may pang-anim pa? Ikalimang CD palang 'yon pero nasundan pa ng isa.

"Geraldine. Please... wag."

Pigilan mo ang sarili mo.

Isipin mo nalang, worth it ba na malaman mong sumuko na siya? Hindi na naman di ba? Kasal na yung tao. Kaya tama na. Okay? Tama na.

Napatigil ako sa dilemma nang biglang tumunog ang phone ko.

"Babang?"

"Oh, ano tapos mo na?"

Napasimangot ako, "Hindi ko na tinapos."

"Haaaa?"

"Eh di ba, sabi mo kalimutan ko nalang lahat?"

"True kaso syempre baka kasi curious ka lang... ganon."

"Oo, curious ako. Ang gara lang kasi. Sa loob ng apat na taon, hindi man lang dumating ang isa sa mga 'to. Hindi ba sign na 'yon na wala ng dapat i-work out dahil kahit mismo si timing ayaw?"

"Pero, G. Hmmm, ito... sa tingin mo ba hindi rin magara kung out of the blue napunta sa kamay mo ang mga CDs na 'yan?"

"Akala ko ba wag nalang, Babang?"

"Ay ewan ko! Hindi ko rin alam. Kaloka ka naman kasi. All this time akala ko alam mo ang mga yan at overtime lang yang galit mo kay Sam kaya deadma kalang sa efforts niya. Hindi mo pala natanggap."

"At sa tingin mo, magiging okay kami kung natanggap ko ang mga CDs na 'yon?"

"Possible 'yon, friend. Malay ba natin!"

May rason. May rason kung bakit hindi ko natanggap ang mga CDs... at posibleng may rason din kung bakit ko sila ngayon natanggap. Kaya ba ulit tanggapin ng puso ko ang sakit? O mas magandang maging peklat nalang ang lahat ng mga 'yon?

"Sige na, Babang. Nagaayos pa ako ng gamit, e." Ibinaba ko na ang phone ko at sumandal sa kama. "Bahala na."

"G, ikakasal na ako. Hindi ko na ata kayang hintayin ka pa. G... nakikipagbreak na ulit ako sayo... kahit alam kong hindi naman tayo nagkabalikan. Sumusuko na ulit ako, G."

Sumikip ang dibdib ko nang marinig ko ulit ang mga salitang 'yon.

"Kung noon, nagiging excited ako tuwing Biyernes dahil alam kong uuwi na ulit ako ng probinsya at alam kong may posibilidad na makikita na ulit kita. Pero habang tumatagal, ang sakit, G. Ang hirap na makita ka. Ang hirap malaman at marinig na nandito ka rin sa probinsya. Ang sakit, G, na makasalubong ka sa daan at tanggapin na ayaw mo na talaga sakin. Hindi mo nga ako magawang tingnan." Narinig ko ang pagbuntong hininga niya. "G, ikakasal na ako. Hindi ko na ata kayang hintayin ka pa. Sumusuko na ulit ako."

Kinabahan ako nang may malakas na suntok akong narinig.

"Gustong gusto kong sabihin sa'yo 'yan sa personal, G. Gusto kong malaman mo na nakamove on na ako sayo. Baka kasi... baka kasi..." Napayakap ako sa binti ko nang narinig ko ang pagwawala niya. Ang galit niya. Ang bawat pagmumura niya.

"Tangina, G! Putangina!"

Nakarinig na rin ako ng ingay, katok mula sa pintuan at pagsigaw ng pangalan niya na may bahid ng pagaalala.

"Ganoon na ba talaga ako kagago, G? Ganoon na ba talagang kalaking kasalanan ang nagawa ko sayo? Ha?! Hindi pa ba sapat na nagsisisi ako sa nagawa ko at mabaliw ng dahil sayo para mapatawad ako!? Oo, G! Tanga ako! Ang laki kong gago pero putangina naman! Magsabi ka! Sabihin mo na ayaw mo na sakin! Hindi 'tong nagmumukha akong tanga nang kahihintay sayo!"

Ilang segundong tumahimik at sa akala kong naputol na ang panlimang CD, muli siyang nagsalita.

"Putangina, sasabihin ko sayo na ikakasal na ako? Ang gago mo talaga, Sam! Para ano? Para kunyare papayag na siyang makipagkita sayo at makapagusap kayo? Susuko ka na ulit? E tarantado ka nga. Ni wala ka ngang ginawa kundi magmukhang tanga na kausapin ang radio!"

Nakailang sigaw pa siya at suntok bago siya huminahon at lumapit sa radio.

"G, please... tapusin mo na 'tong sakit na 'to."

Dahan dahang pumatak ang luha ko kahit wala na akong naririnig mula sa CD. Parang tumutunog pa rin sa tenga ko ang mga sigaw niya, ang lahat lahat ng sinabi niya. Hindi ko alam. Hindi ko alam na ganito na pala ang nagawa ko sa kanya. Wala akong kamuang muang na nakakasakit na pala ako ng tao.

Tumayo agad ako at kinuha ang box. Kinakabahan na binuksan ang huling case at ipinalit ang CD sa loob ng player. May 27, 2014. Matagal bago niya banggitin ang pangalan ko.

"Geraldine. Kamusta ka? Ang dami kong naririnig na magandang balita sa'yo. Hindi inaasahan ng lahat pero isa ka sa mga naging successful satin. At habang tumatagal, mas lalo akong nahihirapan na abutin ka. Sobrang layo na ng lipad mo, wala ka na atang balak bumalik." Mahina siyang tumawa at muli kong narinig ang pag-pluck niya sa gitara. Tulad ng dati, ayon pa rin ang kanta. "Hindi ko alam kung bakit kaharap ko na naman ang radio ngayon. Nahihibang na naman ako. Pero siguro, ito na yung oras para ibuhos na ang lahat... at tumigil na ako."

Naalala ko ang pag-attempt niya sakin na kausapin ako noong nakita niya akong bumibili sa tindahan pero ang dating Samuel lang ang nakita ko noong mga panahon 'yon. Na tila mismong utak ko ang nagkusang nagsabi sa'kin na hindi na namin kelangang magusap. Ilang beses ko rin siyang nakasabay sa bus pero agad agad akong yumuyuko o ibababa ang saklob ko para hindi niya ako makita.

"Geraldine, sa loob ng ilang taon, nalaman ko na ang dahilan kung bakit natakot sa'yo ang mga ex boyfriend mo at kung bakit naging isang dakila silang gago." Napatayo ako at dumiretso sa labas. Gabing gabi na at wala ng masyadong tao sa labas. "Kasi kung hindi nangyare 'yon, hindi ko makikila ng lubusan ang isang Geraldine Agoncillo at hindi kita magiging girlfriend. Hindi kita mamahalin."

Umiwas ako. Kasi ayoko siyang kausapin. Tulad ng ginawa ko sa mga ex ko noon, kapag nagtagal, ako na mismo ang lalayo at iiwas. Dahil gusto kong sabihin at paalalahanan ang sarili ko na nasaktan ako at hindi ko na kelangan ng pangalawang panggagago mula sa kanila.

At lahat sa kanila, si Sam lang ang gumawa ng paraan. Ang laking kalokohan nga lang dahil hindi 'to dumating sa'kin ng tamang oras.

"Aaminin ko, G. Natakot ako. Hindi na dahil sa mga sinabi nila pero dahil dahan dahan akong nababaliw ng dahil sayo. Wala ka pang ginagawa, tinititigan palang kita sa malayo... lalo pa akong nahuhulog sa'yo."

Hinayaan kong dalhin ako ng mga paa ko sa tapat ng eskwelahan namin. Tinitigan ko ang pagbabago ng alma mater namin. Kung paano at kelan ko unang nakausap si Sam.

"Pasalamat sa lumipad na bola."

Tinamaan ako ng bola na pinagpapasahan nila sa ulo. Sa takot, isang linggo siyang nagsorry sakin. At mas naging malapit kami dahil sa club activities.

"G, hindi ko na alam ang gagawin ko pero desidido na ako na ito na ang huli. Ayokong sumuko pero mukhang kelangan na, e. Mukhang nakalimutan mo na ako at siguro oras na para ako naman. Kelangan ko nang kumawala sa nararamdaman ko para sayo."

Naramdaman ko na naman ang init ng luha ko sa mga pisngi ko.

"Geraldine..."

"Oh?" natatawang sagot ko.

"Sorry."

Pinunasan ko ang mga luha ko at dahan dahang tumango.

"Mahal... na mahal... na mahal kita."

Ilang beses kong ni-rewind at pinaulit ulit ang mga huling salitang nirecord ni Sam. At sa bawat pakikinig ko, mas lalo lang lumalala ang pagiyak ko. Ang lupit ni tadhanang tumiming. Pinaabot ng apat na taon. Apat na taon para isummarize sakin kung gaano ako minahal ni Samuel... at ipaalam sakin na, oo, hindi rin natapos o naputol ang nararamamdan ko para sa kanya. Mas lumala pa. Itinago ko lang... ipinagwalang bahala. Dahil pinaniwala ko ang sarili ko na... wala na talaga. Wala ng pagasa.

"Mahal... na mahal... na mahal kita."

At ito na nga. Natapos ko ang anim na CDs. Nalaman ko na ang dapat kong malaman pero hindi ibig sabihin noon, may pagbabago. May Reign na siya di ba? At kahit mismo si Babang ang nagsabing kalimutan ko nalang. Nahuli na, e. Sapat na na malaman ko.

"Mahal... na mahal... na mahal kita."

Ang gago lang talaga.


"Gabing gabi na, ah. Nagawa mo pang mamasyal?" Napatingin ako sa kaliwa ko at nakita siya. Bigla siyang natataranta nang mas nakalapit siya sakin. "Ba-bakit ka umiiyak? May nanggago ba sayo sa kanto? Uy!"

Umiling ako. "Sinisipon lang ako."

"G, ang sipon galing sa ilong. Hindi sa mata."

Bigla kong tinakpan ang mukha ko at bahagyang tumawa sa corny niyang joke. "Okay lang ako."

Pero biglang kumunot ang noo ni Sam at sumimangot, "Hindi ko tinatanong kung okay ka. Tinatanong ko kung may nanggago sayo."

"Wala."

"Eh bakit ka umiyak?"

Itinaas ko ang CD player na hawak ko, "Nadala lang ako sa kanta. Alam mo naman ako, mababaw ang luha."

"Inaaway ka ng kanta?" napangiti siya. "At dito mo naisipang gumawa ng music video? Sa harap ng school natin?"

"Ah, ano kamusta? Nagalit ba siya sayo?" Pagpipilit kong ibahin ang topic. Naglakad na rin ako dahil kelangan ko ng umuwi. Matuluyan pa ng sipon.

At siguro... okay na rin 'to.

Kahit papano, at least maging okay na ang lahat.

"As usual. Akala mo nagmemenopause kung magalit."

"Suyuin mo lang, magkakabati rin kayo."

"Hindi ako magaling don." Binilisan niya ang paglalakad niya para masabayan ako. "Hindi nga kita nasuyo e."

Pinilit kong ngumiti. "Hindi naman ako siya, e. Malay mo di ba?"

"Siguro nga. Subukan kong kausapin siya mamaya."

Hindi na ako sumagot. Tahimik lang kaming naglalakad pauwi. Hindi ko na tinatanong kung bakit kasama ko pa rin siya ngayon kahit pauwi na ako dahil alam kong pagiging gentleman lang 'to at nakita niya akong magisa kaya niya ako sinamahan.

Nagpaalam na ako sa kanya nang makarating kami sa tapat ng bahay namin. Ngumiti naman siya at tumango. Hindi siya umalis hangga't hindi ako nakakapasok. Sasarhan ko na sana ang gate nang titigan ko ulit ang CD player ko.

"Sam." Nilingon niya ako. "Sorry."

"Bakit?"

"Sa apat na taon." Sorry dahil hindi ko nalaman. "Thank you din." Dahil minahal mo ako.

Nagdirediretso na ako sa loob.

Pumasok sa loob ng bahay.

At tumitig sa kawalan.

Wala akong balak para ngayon. Balak ko lang umuwi at normal na gawin ang madalas kong gawin kapag umuuwi ako sa probinsya. Ang humiga sa kama at titigan ang kisame. Pero hindi ko inaasahan na maririnig ko ang overdue na anim na CDs mula kay Samuel.

Napasandal ako sa pintuan at aksidente napindot ulit ang play button.

"Mahal... na mahal... na mahal kita."

Dahan dahang bumilis ang tibok ng puso ko.

"Mahal... na mahal... na mahal kita."

"Mahal... na mahal... na mahal kita."

Apat na taon...

"Mahal... na mahal... na mahal kita."

Agad kong binuksan ulit ang pintuan at tumakbo palabas.

"Sam!"

Pero wala na siya.

Isang bakanteng kalye nalang ang naabutan ko.

Kahit napakinggan ko na ang anim na CDs, wala man lang akong ginawa. Dumating siya kanina pero hindi ko nagawang iopen sa kanya. Wala akong sinabi. Natakot rin ako.

Wala na siya.

Mukhang hanggang dito nalang talaga—

"Ang tagal mo."

Napatingin ako sa likod ko at nakita si Samuel na nakasandal sa tabi ng gate ng bahay namin. Dahan dahan siyang lumapit sakin at kinuha ang kamay ko. Kinabahan ako ng binuksan niya ang player at nakita niya ang CD sa loob.

"Tinawagan ako ni Babang."

Tinanggal niya ang pang-anim na CD sa player.

"At hindi ko girlfriend si Reign tulad ng nasa isip mo. Nakalimutan mong Samantha Reign ang pangalan ng kapatid ko."

Napatungo ako sa sinabi niya. At napunta ang tingin ko sa nanginginig niyang kamay nang may kunin siya sa maliit niyang bag.

"Sabi ko huli na..."

Nakita ko ang sumunod na CD case sa kamay niya. June 4, 2014.

Binuksan niya 'yon at inilagay ang CD sa loob ng player.

"Hindi ko alam kung tama 'to pero..."

Tumunghay ako at tiningnan siya. Hinayaan ko siyang pindutin ang play at muling marinig ang boses niya mula pang pitong CD. Naramdaman ko ang malamig niyang kamay sa kamay ko. Nagdadalawang isip niya akong tinitigan sa mata.




"Geraldine... pwede pa ba?"

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro

Tags: