Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabatana Isa [1]

AGAD SIYANG NAPADILAT nang maramdamang huminto ang sinasakyan nilang van sa ilalim ng lilim ng kahoy, nang kumilos siya’t inalis ang ulong nakasandal sa balikat ng katabi ay nakaramdam kaagad siya ng pananakit ng leeg. Marahang hinilot niya ito habang iginagala ang paningin sa paligid, sa hinaba-haba naman kasi ng byahe nila at sa hirap ng kalsadang tinatahak ay tiyak na makakaramdam siya ng pananakit sa katawan.

“Hanggang dito lang tayo, hindi na makakapasok ang sasakyan doon.” Anunsiyo ni Jorros na nasa harapan na hawak-hawak ang manibela. Nakatingin ito sa kanila sa tulong ng rear view mirror habang matamis na nakangiti, “Gising na, marami pa tayong gagawin.”

Malalim siyang napahikab at napatingin sa labas ng sasakyan, kahit medyo makulimlim ang tanawin ay napahanga pa rin siya sa gandang taglay ng kapaligiran; sa may hindi kalayuan ay tanaw na tanaw na niya ang paanan ng bundok na ngayon lamang niya naranasan, nagkalat naman ang naglalakihan at nagtataasang punong-kahoy sa paligid na may makakapal na kumpol ng dahon. Batid niyang hindi talaga siya makakaramdam ng init sa labas dahil sa lilim ng mga kahoy.

“Ang sakit ng braso ko,” daing ng kasama niya.

Nabaling ang tingin niya sa kaniyang kasamahan at nagsigising na rin ito; narinig kaagad niya ang mga reklamo nito dulot ng ‘di kumportableng tulog at sa pananakit ng parte ng katawang iniinda nito. Ngunit kalaunan, nang mapansin nila ang kinalulugaran ay sari-saring reaksyon ang iminungkahi nila.

“May ganitong lugar pa pala ngayon?” Tanong ni Celine na titig na titig sa labas.

“Hindi naman masama ang lugar n’yo Jorros. Malayong-malayo ‘to sa nilarawan mo.” Komento ni Joy, “Ang ganda nga rito.”

“Sige na, magsibabaan na kayo. Alas tres y medya na at marami pa tayo kailangang gagawin. Kailangan nating maghanda ngayon upang bukas na bukas ay dire-diretso  na tayo.” Paalala ni Jorros sa grupo.

“Malayo pa ba ang lalakarin natin?”
“Hindi naman gaano,” sagot nito habang inaabot ang backpack nito sa tabi, “pero sigurado akong matutuwa at mamangha kayo sa madaraanan natin.” Aniya sabay bukas ng katabing pintuan saka lumabas.

Hindi rin sila nagtagal pa sa loob at sabik na sabik na niligpit ang kani-kanilang kagamitan; inayos nila ito at saka tinulak pabukas ang pinto ng van. Nagsilabasan sila’t agad nilang nasamyo ang presko at malamig na hanging humahaplos sa kanilang mukha at nanunuot sa loob ng kanilang manipis na damit. Kahit alas tres pa ay hindi nila ramdam ang alinsangan ng panahon, napakakumportable ng paligid at nagsimula na silang mahalin ito.

“Ipapakita ko ‘to kay Mama,” sabi ni Celine at naglabas ng smartphone.

Kumuha siya ng mga larawan ng paligid at sinama na rin ang sarili. Hindi rin naman nagpahuli ang iba at kaniya-kaniya rin itong kumuha ng larawan kasama ang mga kaibigan.

“Itigil n’yo na ‘yan, tama na. Walang kuryente roon at kailangan pa natin ‘yang mga smartphones n’yo.” Utos ni Jorros na naunang umalis sa grupo, “Sundan n’yo ‘ko.”

▪ ▪ ▪

MAHIGIT DALAWAMPUNG MINUTO na rin ang nakalipas nang sinimulang tahakin ng grupo ang makipot na daan na magdadala sa kanila sa isang sitio na matagal na nilang pinaplanong bibisitahin. Hindi nga pumalya si Jorros at totoo ngang napakaganda ng tanawing madaraanan nila, hindi nila maipaliwanag ang galak na nadarama nang makitang naglalakad sila sa ilalim ng mga naglalakihan at nagtataasang kahoy.

Sobrang payapa ng paligid na maririnig mong umaalingawngaw ang huni ng mga ibon, tunog ng mga nagkikiskisang mga sanga at dahon ng kahoy, at ang tunog ng naaapakan at nasisira na mga tuyong dahon at patpat. Bawat isa’y mababakas ang matatamis na ngiti sa mukha, tuwang-tuwa sila sapagkat ayon nga sa kanila’y nasa isang paraiso sila.

Hindi naman nakatiis sina Lily at Celine at pasikreto nilang kinukunan ng litrato ang ibabaw na napakagandang tignan, pati mga ferns sa tabi-tabi ay hindi rin nakaligtas at may mga kuha rin ito. Ito ang unang pagkakataon na nakapasok sila ng gubat, ang makita itong mga ferns sa lupa mismo at hindi binibenta ay isang napakalaking bagay para sa kanila.

Ni isa’y walang nagreklamo tungkol sa kanilang paglalakad. Kahit bitbit at suot-suot ang naglalakihan at nagbibigatan nilang backpacks ay masaya pa rin nilang tinahak ang daan animo’y hindi alintana ang mga dala nila. Nangibabaw rin sa grupo ang diskusyon tungkol sa mga plano nila, sinisigurong magiging makabuluhan ang lakad nila.

“Matatapos lang talaga ‘tong project natin, magpapaitim na talaga ako rito.” Pahayag ni Crystelle na sabik na sabik, “Ito na ‘yung break na matagal ko nang hinahangad.”

“Ako rin, susulitin ko ang oras ko rito.” Pagsang-ayon ni Joy.

Sa isipan naman ni Lily ay iba ang kaniyang hinahangad, kung ang iba ay pinaplanong susulitin talaga ang bawat segundo rito, siya nama’y hindi. Gusto niyang manirahan rito, dadalhin ang pamilya niya’t kasama na roon ang fiancé niya. Malabo man itong mangyari dahil sa kapos talaga sila sa pera, pero balang araw, kapag makakapagtapos na siya sa kurso niya ay magagawa niya ring balikan ang lugar na ito at magtatayo siya ng resthouse nilang magkakapamilya, bahay na bibisitahin nila tuwing bakasyon.

“Naaamoy n’yo ‘yun?” Tanong ni Clyde na biglang napatigil sa paglalakad.

“Ang alin?”

“Ang simoy ng hangin na nagmumula sa dagat, ‘yung singaw niya.” Sagot ni Keith na naamoy kaagad ang pinapabatid ni Clyde.

“Ibig sabihin, malapit na tayo sa sitio namin.” Dugtong naman ni Jorros.

“Gusto ko nang maligo!” Sigaw naman ni Hannah na umalingawngaw sa buong kagubatan.

Mas lalong sumigla ang grupo nang nila marinig ang magandang balita; bumilis ang hakbang nila habang nakabuntot kay Jorros na tanging nakakaalam sa lugar na kanilang destinasyon. Iilang saglit pa’y nagsimula na ring dumahilig ang tinatahak nilang daan, todo-pigil naman sila’t iniiwasang babagsak at gugulong sa matarik na daan.

Hanggang sa nagsitigil na rin sila nang makababa sila ng tuluyan―narating na rin nila ang sitio ni Jorros makalipas ang mahigit kalahating oras.

Namangha ang grupo nang makita ang payak na pamumuhay ng mga tao ng pook; walang mga sasakyan na de makina, tanging isang lumang posong kinakalawang at nilulumot ang pinagkukunan ng tubig ng mga tao, mga sari-saring kambing, manok ang nakapastol at palakad-lakad sa madamong lupain, at hindi rin mawawala ang mga sari-saring pananim gaya ng gulay at bulaklak na nasa bakuran ng bawat bahay. Ngunit, ang mas kapansin-pansin sa lahat ay ang kumikinang at asul na karagatan sa likod ng mga kabahayan; sobrang linis nito at may nakikita silang iilang mga bangkero na pumapalaot.

“Parang bumalik ata tayo sa nakaraang panahon,” komento ni Crystelle na abala sa pagkuha ng larawan.

“Bakit hindi ‘to inabot ng sibilisasyon, Jorros? H’wag mo sanang mamasamain, pero bakit nasa ganitong estado pa rin? Bakit wala kayong kuryente gayong isang pamayanan naman ito.” Tanong ni Lily na masusing inoobserbahan ang paligid.

“Matagal na naming inaasam na kahit papano’y mabibigyan kami ng kuryente rito, kaso hindi kami pinupuntahan at pinapakialaman ng gobyerno at sinusuportahan.”

“Hindi n’yo ba idinudulog ‘to sa gobyerno?”

“Ilang beses na namin silang binabalik-balikan, naubos na lang ‘yung pera naming sa kakabyahe, wala pa rin. Kahit kalsada namin ‘di rin napaayos.” Paliwanag nito, “Pero nasanay lang din naman kami, masaya at kuntento na kami sa ganitong uri ng pamumuhay.”

Napatango na lamang si Lily sa pahayag nito. Napaisip siya na kung magtatayo man siya rito ng resthouse, tutulungan niya muna ang sitio na ito na magkaroon ng kuryente. At may pwesto na rin siyang mapapaglagyan ng kaniyang ipapatayong bahay, sisiguruhin niyang nakatayo ito malapit sa dagat nang sa gayon sa paggising nila ay unang masasaksihan nila ang ganda ng karagatan.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro