Kabanata Apat [2]
SUMISIGAW SA SAKIT si Annalyn habang dinaramdam ang pananakit sa katawan; ramdam na ramdam niya ang bawat gasgas at daplis na natatamo sa tuwing may matutulis na bato siyang nadaraanan o may mga magagaspang na halaman siyang nasasagi. Purong kadiliman ang nakikita niya at wala siyang kaalam-alam nasaan na siya, pero sigurado siya na nanganganib ang buhay niya. Umiiyak siya, hindi niya lubos makontrol ang sariling emosyon dahil sa takot at pangungulila na lumukob.
"Tulong!"
"Tulungan n'yo 'ko pakiusap!"
"Bitawan mo 'ko!"
"Maawa ka!"
Ngunit parang bingi ang lalake, wala itong pakialam sa kaniya kahit na anong pagmamakaawa niya. Kahit sumigaw siya nang sumigaw ay wala talaga itong reaksyon, sa halip ay patuloy lamang siyang kinakaladkad nito sa loob ng kagubatan. Sobrang higpit ng hawak nito sa kaniyang magkabilang binti at batid niyang namamaga na ito dulot ng taling nakapulupot. Tanging binti lamang niya ang nakaangat at ang katawan at ulo niya ay nasa lupa―nakakaladkad.
Ang damit niyang puti ay napakarumi na, ang braso niya ay may mga gasgas na, at ang buhok niya ay kinapitan na ng lupa at tuyong dahon. Sadyang kalunos-lunos ang kaniyang sitwasyon; napakarami ng sugat niya at may iilang parte rin siya na namamaga, bahagya na siyang nanghihina at nagsimula nang mapundi ang pag-asa niya.
"Tulungan n'yo k―"
Napadaing siya nang mabagok ulit ang ulo niya sa kung anong matigas na bagay sa nadaanan niya, bahagya siyang nahilo at ang sakit nito ay nanatili sa kaniyang katawan. Hindi siya gumalaw at ininda muna itong 'di mawaring sakit na nangibabaw, mariin siyang napakagat at napapikit.
Sa 'di inaasahang pagkakataon ay sumagi sa isipan niya ang imahe ng kaniyang ina at nakakababatang kapatid; muli niyang naalala ang mga panahong magkasama sila, mga masasayang alaala na pinagsalu-saluhan nila. Doon na siya mas lalong naiyak, nanubig lalo ang mga mata niya at may kung anong bumibikig sa kaniyang lalamunan.
Sa pangungulila niya ay may kalakip na mga pangamba ito; takot sa katotohanang malaki ang puruhan na mamamatay siya sa araw na iyon gaya ng sinapit ni Jorros, at ang napakasama pa ay ni isang pagkakataon man lang ay 'di siya nakapagpaalam. Parang nilakumos ang puso niya habang iniisip ang tsansang mamamatay siya at iiwanan niya ang kaniyang ina na walang kaalam-alam sa pangyayari.
Dahil dito ay nauwi siya sa isang desisyon, isang desisyon na napakalabo kung magiging matagumpay ba ito. Pero para sa kaniya ay masasayang lang kaniyang lakas kung 'di siya gagawa ng paraan upang iligtas ang sarili. At kalaunan, nang maramdaman niyang medyo humuhupa na ang pananakit ng sariling ulo ay natukoy kaagad niya na 'yun na ang hinihintay niyang hudyat; muli siyang gumalaw at nag-isip ng paraan upang makatakas.
Nagpumiglas siya, sa kabila ng pagkakaladkad ay ibinuhos niya ang natitirang lakas at nanlaban sa lalake kahit na napakabrusko ng katawan nito. Kahit na masakit ay naglumikot talaga siya upang alisan din ng lakas ang lalake nang sa gayon ay mabibitawan siya nito.
Ngunit, umabot ito sa puntong kinakakatakutan niya. Tumigil ang lalake at napakasama ng tingin nito sa kaniya, titig na parang hinuhukay ang kaluluwa niya. Imbes na bitawan siya nito ay mas lalong humigpit pa ang hawak ng lalake sa kaniya, ramdam niyang bumabaon na ang matatalas na kuko nito sa binti niya at napakahapdi na nito lalo pa't nasugatan talaga siya.
"Pakawalan mo 'kong hayop ka!" Sigaw niya sa lalake.
Hindi pa rin ito sumagot, sa halip ay isang malakas na sipa ang natanggap niya: sapul siya sa mukha at parang niyanig ang mundo niya sa lakas nito. Isang sipa pa ang natanggap niya at tinamaan siya sa sikmura. Sa puntong 'yun ay hindi na siya nakagalaw pa nang mahilo siya ng lubos. Matinding sakit ang dinulot ng sipa ng lalake at hindi niya kayang tagalan ito, hindi rin nagtagal at bigla siyang nawalan ng malay.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro