Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

UNANG SIPOL

Alas-siyete ng umaga...

Abala si Lusiana sa pagluluto. Dahil tulog pa ang kanyang anak, marami pa siyang maaaring gawin at tapusin. Pagkagising kasi nito, agad niya itong tuturuan muli sa pagsusulat.

Dahil sa kanilang kalagayan-silang dalawa na lang sa buhay-wala siyang ibang pagpipilian kundi turuan ito sa pagbabasa at pagsusulat.

Matagal nang wala ang kanyang asawa, kaya mag-isa niyang tinataguyod ang anak. Kahit papaano, may tanim siyang gulay sa kanilang bakuran at may mga manok na naiwan sa kanya ng kanyang asawa. Nangingitlog ang mga ito, at pilit niyang pinararami. Iyon lamang ang alam niyang paraan upang patuloy silang mabuhay.

Sa kabila ng lahat, itinuturing pa rin ni Lusiana ang sarili bilang maswerte. Namumuhay sila nang tahimik, at ni minsan ay hindi nagreklamo ang kanyang anak sa kanilang sitwasyon.

Habang patapos na siya sa pagluluto, isang matapang na alingasaw ang biglang sumingaw sa hangin-isang amoy na napakabahò. Napangiwi siya at tila naduduwal. Agad niyang tinakpan ang kanyang ilong at lumabas ng bahay.

"Baka may patay na namang daga sa kakahuyan," naisip niya.

Kinuha niya ang pala sa isang gilid at nagsimulang hanapin ang pinagmulan ng masangsang na amoy.

Ilang minuto siyang naglibot-libot, ngunit wala siyang nakitang patay na daga. Sa hindi inaasahang pagkakataon, nawala rin ang mabahong amoy.

Papalakad na sana siya pabalik ng bahay nang may mapansin siya sa di-kalayuan. Hindi niya maaninag kung ano iyon, kaya't napagpasyahan niyang lapitan. Ngunit bago pa man siya makalapit-

"Mama?"

Napalingon siya sa tinig ng anak.

Nakatayo si Lengleng sa pintuan ng bahay, nakatingin sa kanya na may pagtataka sa mukha.

Kumaway si Lusiana at ngumiti. "Pumasok ka na muna. Ipaghahain kita bago ka maligo," sagot niya.

Ngunit nanatili si Lengleng sa kinatatayuan, bahagyang nakakunot ang noo. "Mama, sino 'yang kasama mo?"

Napako ang tingin ni Lusiana sa anak. Nanlamig ang kanyang pakiramdam. Dahan-dahan siyang napalingon sa kanyang likuran-

Walang tao. Tanging kakahuyan lamang ang naroroon.

Muli niyang nilingon si Lengleng, ngunit wala na ito sa may pintuan.

Bigla siyang kinabahan. Mabilis siyang tumakbo pabalik sa bahay, iniwan ang pala sa lupa.

"Lengleng!" tawag niya, habol ang hininga. Napatingin siya sa bawat sulok ng bahay.

Wala.

"Lengleng!" ulit niyang sigaw.

Sa sandaling iyon, marahang bumukas ang pinto ng kwarto sa kanyang kanan, lumikha ng mahinang tunog-

Ang kwarto ng kanyang anak.

Napako siya sa kinatatayuan. Nanuyo ang kanyang lalamunan. Nang sumilip siya sa loob, nakita niya si Lengleng, nakaupo sa kama, tila bagong gising lamang.

Nanlaki ang mga mata ni Lusiana. Mabilis siyang lumapit sa anak at bahagyang inuyog ito.

"H-hindi magandang biro 'to, anak. Maligo ka na muna. Ihahanda ko na ang pagkain natin," wika niya.

Naguguluhang tumango si Lengleng, kumikislap-kislap pa ang kanyang mga mata, tila inaantok pa.

Tumayo si Lusiana, nanginginig pa rin ang mga kamay, saka bumalik sa kusina. Hindi niya mapigilang mapalingon sa labas, dilat na dilat ang kanyang mga mata. Walang tao, ngunit ramdam niya ang bigat sa paligid.

Ipinilig niya ang ulo at mariing ipinikit ang mga mata. "Guni-guni lang 'to," pilit niyang ikinumbinsi ang sarili. "Pagod lang ako."

Habang nagsasandok ng kanin si Lusiana, dumating si Lengleng, bagong paligo.

"Anak, halika rito. May pag-uusapan tayo," wika niya, itinuro ang upuan sa harapan ng mesa.

Umupo si Lengleng. "Mama, bakit po?" tanong nito, mapupungay ang mga mata.

"Huwag mo nang uulitin ang ginawa mo kanina. Masamang biro iyon." Inilagay niya ang kanin at gulay sa plato ng anak.

"Ang alin po, Mama?" tanong ng bata, nakatingin sa kanyang plato.

Umiling na lang si Lusiana at ipinagsawalang-bahala ito. "Kumain ka na. Mag-aaral pa tayo pagkatapos."

Matapos kumain...

Habang nagsasampay si Lusiana ng mga damit na hindi natuyo kahapon, nasa kwarto naman si Lengleng at naglalaro.

Nang matapos, dumaan siya sa kusina at kinuha ang sinanlag niyang kamoteng kahoy. Paborito ito ng kanyang anak kaya inihanda na niya kaninang umaga.

Dala ang platito at baso ng tubig, tinungo niya ang kwarto ng anak. "Leng, magmeryenda ka na," tawag niya pagpasok.

Nakita niyang nakadapa ang bata sa kama, abala sa pagkulay sa likod ng isang lumang libro.

Inilapag ni Lusiana ang pagkain sa mesa. Yumuko siya at hinalikan ang ulo ng anak, saka niyakap ito.

"Ano 'yang kinukulayan mo?" tanong niya, nakatingin sa buhok ng bata.

Hindi sumagot si Lengleng. Patuloy lang ito sa ginagawa.

Napakunot-noo si Lusiana. Inilapit niya ang mukha sa papel.

Nanlaki ang kanyang mga mata. Dahan-dahan siyang kumalas sa pagkakayakap sa anak.

Walang kahit anong guhit ang papel. Wala ni isang kulay.

Papaano?

Matagal nang may hawak na krayola si Lengleng. Kanina pa ito nagkukulay-pero walang bakas ng kahit anong tinta sa papel.

Sumayaw ang kanyang buhok sa ihip ng malamig na hangin.

Dahan-dahan niyang iniangat ang ulo, nakatingin sa kanyang anak.

Biglang bumukas ang pinto.

At mula roon-lumitaw si Lengleng.

"Mama?"

Napaatras si Lusiana. Nanlamig ang buo niyang katawan, nanuyo ang kanyang labi.

Tiningnan niya ang bata sa may pintuan-basa ang mga paa nito.

"Saan ka galing?" tanong ni Lusiana, hindi inaalis ang titig sa kama.

"Mama, sa labas lang ako umihi," sagot ni Lengleng.

Dahan-dahang bumaba ang tingin ni Lusiana sa paa ng anak.

Basa nga ito.

Nakaugalian na ni Lengleng na binabasa ang paa bago pumasok sa loob.

Napalingon siyang muli sa kama.

Wala na roon ang bata.

Sinapo ni Lusiana ang kanyang noo, nanginginig. Namamawis siya, kahit malamig ang paligid.

"B-baka pagod lang ako," mahina niyang bulong sa sarili. "Pagod lang 'to."

Pinilit niyang ngumiti. "Dinalhan kita ng merienda," aniya, itinuro ang mesa.

Ngunit bumakas ang pagtataka sa mukha ni Lengleng. "Mama? Nasaan po?"

Napakurap si Lusiana. Dahan-dahang nilingon ang mesa.

Wala roon ang platito.

Nanlaki ang kanyang mga mata.

At bago pa siya makapagsalita-

Nagdilim ang kanyang paningin.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro