Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

PANGALAWANG SIPOL

Kinabukasan...

Nagising si Lusiana sa ingay ng tila walang pagod na tilaok ng mga manok. Pilit niyang iminulat ang kanyang mga mata, at sa kanyang paggalaw, saka lang niya napansin na hindi siya nakahiga sa kama—nasa sahig siya, balot ng mga lumang kumot. Kumirot ang kanyang katawan, tila ba matagal na siyang nasa ganoong posisyon.

Napabalikwas siya, agad na hinanap ang kanyang anak. Nang matanaw niya ito sa tabi niya, mahimbing pa rin ang tulog ni Lengleng. Napabuntong-hininga siya ng malalim, ngunit kasabay nito, kumalam ang kanyang sikmura. Doon niya napagtantong hindi pa sila kumakain. Ilang saglit lang at bumangon siya, pinilit na iwaksi ang bigat sa kanyang katawan at ang mapait na panaginip na tila dumungis sa kanyang isipan.

Dali-dali siyang nagtungo sa kusina, nagsaing, at nagpabukal ng tubig para sa talbos ng kamote. Iluluto niya rin mamaya ang saging na saba para may susunod silang pagkain. Habang abala siya, isang mahina ngunit malinaw na tinig ang pumukaw sa kanyang atensyon.

"Mama?"

Lumingon siya at nakita ang anak niyang si Lengleng, kinukusot-kusot ang mga mata. "Anak, halika rito at uminom ka muna ng tubig. Malapit nang maluto ang kanin," wika niya, pilit na pinapatahan ang sariling hindi niya maipaliwanag kung bakit nanlalamig ang kanyang pakiramdam.

Tahimik silang kumain. Ngunit sa kalagitnaan ng kanilang pagkain, may narinig siyang tunog. Isang sipol.

Napahinto siya. Tumingin sa anak niyang walang pakialam na patuloy sa pagsubo ng kanin. Sinubukan niyang iwaglit ito sa isip, baka isang hangin lang na sumipol sa mga dahon. Ngunit ilang saglit lang—

Muli.

Mas malinaw. Mas tiyak.

Napalunok siya at dahan-dahang tumayo, lumapit sa bintana, inilibot ang paningin sa bakuran. Walang tao. Ngunit ang kanyang batok ay nagsimulang manlamig. Hindi niya maalis ang pakiramdam na may isang pares ng mata na nakatitig sa kanya. Nanginginig niyang isinara ang bintana, pilit na inaalo ang sariling baka pagod lang siya.

"Mama, bakit po?" tanong ni Lengleng.

Umiling siya at pinilit ngumiti. "Wala, anak. Tapos ka na ba?"

Tumango ang bata. Nang simulan niyang hugasan ang mga pinggan, muling bumalik ang sipol. Ngunit sa pagkakataong ito, hindi lang basta sipol—

Isa iyong himig.

Isang pamilyar na kanta.

Nanigas siya sa kinatatayuan. Alam niya kung kaninong sipol iyon. Alam niya kung kaninong himig. Iyon ang sipol ng kanyang asawa.

Patay na ang kanyang asawa.

Dahan-dahan siyang lumingon sa bintana, bagama’t parang tumatanggi ang kanyang katawan na humarap. Ramdam niya ang presensya ng isang tao sa likuran ng salamin, anino sa pagitan ng kurtina at ng liwanag sa labas.

Isa.

Muli niyang nasilayan ang hugis ng isang tao sa bintana. Hindi gumagalaw.

Dalawa.

Palakas nang palakas ang sipol, tila ba unti-unting lumalapit.

Tatlo—

Napasinghap siya at tuluyang lumingon. Wala.

Ngunit sigurado siyang may nakita siya! May naaninag siya roon!

Dagli siyang napatakbo palabas ng bahay, hinahanap kung sino man ang maaaring nandoroon. Ngunit walang tao. Wala ni isang bakas ng presensya.

"Lengleng," mahina niyang bulong, bago mabilis na kumaripas ng takbo patungo sa banyo kung saan naliligo ang kanyang anak. Nanginginig ang kanyang kamay nang bigla niyang buksan ang pinto.

Napakurap si Lengleng, nagtataka. "Mama?"

"Leng... wala ka bang nakitang tao rito? May sumilip ba sa bintana?"

Umiling ang bata, kita sa kanyang mga mata ang pagtataka. Ngunit para kay Lusiana, hindi iyon imahinasyon. May nakita siya. May narinig siya.

Bumalik sila sa loob, at habang kinukuha niya ang damit na pamalit ng anak, muli siyang binalot ng kilabot nang biglang nagsalita si Lengleng.

"Mama, minsan po nakikita ko si Papa sa panaginip ko."

Halos mabitawan niya ang damit na hawak. Huminga siya nang malalim bago nagtanong, "A-ano naman ang napanaginipan mo tungkol sa kanya?"

Itinaas ni Lengleng ang kanyang mga kamay upang magpabihis, ngunit sumagot ito nang walang pag-aalinlangan. "Lagi ko po siyang nakikita sa kakahuyan, Mama. May itinuturo po siya... tapos bigla akong nagigising."

Nanuyo ang lalamunan ni Lusiana. "Saang kakahuyan, anak?"

Dahan-dahang itinuro ni Lengleng ang bintana.

Sa labas. Sa kakahuyan sa likod ng bahay.

At sa unang pagkakataon mula nang mawala ang kanyang asawa, Lusiana ay muling nakaramdam ng hindi maipaliwanag na pangamba.

Sa loob ng kakahuyang iyon, may naghihintay.

At hindi niya alam kung anong naghihintay sa kanila.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro