Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

PANG-APAT NA SIPOL

Tagaktak ang pawis sa noo ni Lusiana at aligagang nilingon ang kabilang direksyon niya upang hanapin ang kanyang anak ngunit bigo siya. Karga-karga niya ang kanyang anak nang siya ay tumakbo at nakatali pa nga ito sa kanyang baywang. Papaanong nakawala ito sa kanya?

Parang mababaliw si Lusiana sa mga nangyayari sa kanya. Nilingon niya ang direksyon kung saan sila nanggaling. Madilim na ngunit kailangan niyang bumalik. Agad niyang sinindihan ang kanyang lampara mabuti na lang at hindi natapos ang gaas nito. Nakaramdam siya ng takot ngunit mas matimbang sa kanya na mahanap ang kanyang anak.

Tila ba naulit ang panahong ito sa kanyang naging nakaraan. Sa tuwing uuwi ang kanyang asawa galing sa kanyang mga kaibigan ay lagi itong umuuwing lasing. Lagi nitong dinadala si Lengleng sa kakahuyan at siya naman ay walang pakundangan sa kahahanap sa kanyang anak at sa tuwing matatagpuan niya si Lengleng ay wala na itong malay na nakahandusay sa lupa.

Para siyang mangiyak-ngiyak at naguguluhan ang kanyang isipan kung papaanong nawala ang kanyang anak. Tatakbo na sana siya pabalik ngunit agad siyang natigilan nang may narinig siyang sitsit. Hindi iyon kalayuan sa kanyang kinatatayuan. Nanlamig ang kanyang batok at nanigas ang kanyang mga tuhod. Dahan-dahan niyang nilingon ang walang tigil na pagsitsit.

Madilim at walang ilaw ang kanilang bahay. Tanging ilaw lang ng lampara ang nagsisilbing ilaw niya. Nanginginig ang kanyang kalamnan sa takot dahil kahit nakalingon na siya sa direksyon kung saan niya naririnig ang sitsit ay hindi pa rin ito tumitigil. Mabagal at pahina nang pahina ang sitsit habang papalapit naman siya nang papalapit. Bandang kakahuyan lamang na malapit sa kanilang bahay nanggagaling ang sitsit.

Halos marinig niya na rin ang tibok ng kanyang puso. Mahigpit ang pagkahahawak niya sa kanyang lampara ngunit nanginginig ang kanyang mga kamay.

Habang papalapit ay tila may naaamoy siyang mabaho at masangsang na amoy. Katulad ng amoy na naamoy niya noong isang araw at inakala niyang namatay na daga. Pasangsang nang pasangsang ang amoy at halos masuka siya sa amoy nito. Wala siyang natatandaang may ibinaon siyang kahit na anumang hayop doon.

Biglang tumigil ang pagsitsit nang tuluyan na siyang makarating sa lugar at nawala na rin ang mabahong amoy. Sa tulong ng ilaw ng lampara ay may nakita siyang tila nakaumbok na lupa na para bang libingan ng patay. Dalawa ito at ang isa ay maliit lamang.

Napalingon naman si Lusiana sa bandang gilid niya at kita niya ang palang isinandig niya sa isang puno noong araw na hinanap niya kung saan nanggagaling ang mabahong amoy. Walang pagdadalawang isip na kinuha niya ito. Inilagay niya malapit sa kanyang paanan ang lampara.

Humugot muna siya ng kanyang paghinga bago ibaon sa lupa ang pala at kinalkal ito. Palalim nang palalim ang kanyang pagbubungkal nang biglang may tinamaan siya. Nang hugutin niya ang pala ay malakas siyang napasigaw. Malakas na ang kutob niyang may nakabaon nga sa lupa ngunit hindi niya inaasahan ang kanyang natuklasan.

Isang kamay ang tumambad sa kanya.

Dali-dali niyang uling binungkag ang lupa gamit ang pala. Halos mamutla siya at napaatras dahilan upang matumba siya sa kanyang kinatatayuan. Para bang umiikot ang kanyang paligid at nakaririnig siya ng mga bulongan sa kanyang tainga.

Sa harapan niya nakita niya ang kanyang sarili. Katawan niya mismo ang nakabaon sa lupa. Nagkukumahog siyang gumapang papaluhod patungo sa isa pang nakabaon. Hinukay ni Lusiana ito gamit ang kanyang mga kamay at doon nakita niya ang kanyang anak na si Lengleng. 



A/N: Short update na po muna tayo ngayon. Pasensya na po.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro