Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Joy

Maaga akong nakauwi galing sa isang bookstore, ang hirap pa lang kalabanin ang sarili kapag wala kang pera. Nakaka-ilang sabi na 'ko kanina na "deserve" ko 'to, "deserve" ko 'yan. Halos lahat ng librong nakita ko sa bookstore "deserve" ko, wala akong pinalagpas. Well, deserve ko naman talaga. It's pay day, you know. Nagpakahirap akong magtrabaho kaya tama ang sinasabi nilang "hindi dapat tinitipid ang sarili", correct na correct.

Isa akong manunulat sa isang sikat na writing platform online. Ang hirap magsulat kaya deserve ko talagang bumili ng libro. Dapat may reward tuwing suweldo para mas gustuhin ko pang magsulat.

Tiningnan ko ang suot kong relo na bigay pa ng isa kong pinsan. Hindi naman niya talaga 'to binigay, hiniram ko lang 'to pero hindi ko lang sinuli. Hindi ko napigilang ngumiti nang maalala ko ang araw na 'yon. Bakit ko naman isusuli 'di ba? Afford naman niyang bumili pa ng panibagong relo. Pero ako? Hindi! Ubos na ang suweldo ko, eh.

Mas napaaga ang uwi ko ng ilang minuto, magugulat na naman si Mommy nito. Ang sabi ko kasi sa kaniya kanina matatagalan ako ng uwi kasi lilibutin ko pa ang buong mall pero tanging bookstore lang pala ang napasukan ko. Ang galing ko talaga. Dapat matuwa pa si Mommy.

"Mom, I'm home!" masigla kong tawag kay Mommy pero wala akong narinig na sagot niya. Mabilis kong hinubad ang sapatos ko at nagpalit ako ng sapin sa paa. Excited na 'kong tingnan ang mga binili kong libro na alam ko namang hindi ko na mababasa.

Wala eh, trip ko lang talagang bumili kahit 'di ko babasahin. May sakit na yata talaga ako sa utak pero pakialam ko ba? Kaligayahan ko 'to, eh. Naghirap akong magsulat para may pera ako pambili ng libro. I should be thankful. Yeah, that's right, Joy. Ipaglaban mo ang karapatan mo.

Umakyat na 'ko papunta sa kuwarto ko para matingnan na ang mga binili kong libro. May isa pa namang series akong binili, as in complete mula book one hanggang book five. At sobrang excited na 'kong amuyin 'yon. Yes, amuyin lang, wala pa 'kong planong magbasa.

Gano'n siguro talaga. Ang hirap na kasing i-manage ang oras ko. 'Yong tipong wala na nga akong oras para tapusin ang mga ongoing stories ko, magbabasa pa ba ako? Siyempre, joke lang.

"My babies," ani ko habang yakap na ang mga libro ko nang makarating ako sa kuwarto. Inisa-isa ko pang inamoy ang mga pinamili ko. "Finally, hawak ko na rin kayo."

Ang series na 'to ang pinangarap ko talagang bilhin. Mula nang nagsimula akong ma-addict sa pagbabasa ay ito na talaga ang pinangarap ko. Idol na idol ko ang nagsulat nito kaya nga lang kapag may pera na 'ko at pumunta akong bookstore ay palaging out of stock ang series kaya wala rin akong napapala. At kanina lang, ang suwerte ko dahil may isa pang natira. Kaya hindi na 'ko nagdalawang-isip na bilhin ang mga librong 'to.

Hindi na 'ko nagbihis, dumeretso ako sa kuwarto nila Mommy habang bitbit ang limang libro. Excited akong ipakita kay Mommy ang series dahil pati siya ay reader din nito. Actually, si Mommy nga ang nag-influence sa 'kin na basahin ang series na 'to pero mas ako pa 'yong na-addict. Paano ba kasi, ang guwapo kasi ng bida.

"Mommy, nakauwi na 'ko. And guess, what?" excited kong tawag kay Mommy nang nasa pintuan na ako ng kuwarto nila. Hinawakan ko ang door knob at napagtantong bukas pala iyon. Dahan-dahan ko iyong binuksan at sumilip pa ako para tingnan kung nasa loob ba si Mommy pero walang tao sa loob ng kuwarto.

"Nasa'n kaya sila? Don't tell me, nag-date sila ni Daddy pero hindi ako sinabihan?" Biglang nagtagpo ang mga kilay ko. Ang daya talaga nila Mom at Dad, hindi man lang ako sinabihan.

Pero sa halip na isirado pabalik ang pinto ay mas pinili kong pumasok sa kuwarto nila Mommy. Nakita ko ang mga nagkalat na mga papel sa sahig pero hindi ko iyon binigyan ng pansin. Sobrang excited yata silang mag-date kaya hindi na naglinis. Si Mommy talaga.

Minsan lang kasi umuwi si Daddy, palagi kasi siyang busy sa trabaho niya. Palaging out of town kaya nasasanay na rin ako na si Mommy palagi ang kasama. Minsan nga ay isang beses lang umuwi si Daddy sa isang buwan at sanay na ako sa gano'ng set up. And worst, minsan ay hindi pa siya umuuwi.

Nagkibit-balikat na lang ako at pinulot isa-isa ang mga papel na nagkalat. Ako na lang ang maglilinis, gano'n siguro talaga kapag sobrang excited.

Pero bigla akong natigilan nang may nakita akong isang picture katabi sa mga papel na nagkalat. Tinitigan ko iyong maigi at kahit anong gawin kong titig ay hindi nagbago ang nakita ko sa picture kahit gusto ko talagang magbago 'yon.

Biglang sumikip ang dibdib ko. Bakit ganito? Bakit si Daddy ang nakikita ko? Bakit may kasama siyang ibang babae sa picture?

Wala sa sarili akong napaupo habang sapo ang mukha nang may bigla akong narinig na kalabog kasabay ng pagbukas ng pinto ng comfort room. Nakita ko si Mommy nakahiga sa sahig at may nakasaksak na kutsilyo sa kaniyang leeg.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro