Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Bianca


"Pumunta ka rito, Bianca ha? Hindi puwedeng wala ka."

Muli akong napatingin sa screen ng cellphone ko para i-sure kung si Ate Claire ba talaga itong kausap ko. Para kasing hindi eh. Hindi naman kasi namimilit si Ate Claire sa 'kin. Kapag sinabi kong hindi ako sasama, hindi na 'yon namimilit. Alam niyang kapag ayaw ko, ayaw ko talaga kaya hindi na niya ako pinipilit pa. Alam niyang wala ring patutunguhan kong ipipilit pa niya ako. Pero bakit parang ibang Ate Claire yata ang kausap ko ngayon?

"Ate Claire?" tawag pansin ko sa kaniya pero biglang umingay sa kabilang linya. Huminga na lang ako nang malalim at inilapat ang likod ko sa upuan. Kaya ayokong sa cellphone lang kami nag-uusap ni Ate, kasi hindi iyon nag-fo-focus sa kausap kapag maingay ang paligid niya eh. Baka nakikipag-chismis pa 'to.

"Hoy! Basta, Bianca, pumunta ka talaga dito mamaya. Magtatampo talaga ako sa'yo kung 'di ka pupunta dito!"

Kahit sobrang ingay sa lugar ni Ate, pinilit kong intindihin ang sinasabi niya. Mas lalo lang sumakit ang ulo ko eh. Inabot ko ang bottled water sa mesa na pinabili ko pa talaga sa isa kong kasamahan sa trabaho, mabuti na lang at maganda ang timpla ng utak ng kasama ko at pumayag sa inutos ko. Kanina pa masakit ang ulo ko at mukhang mas sasakit pa dahil sa mga pinagsasabi ni Ate. Nasapian yata 'to ng ligaw na kaluluwa eh, kaya namimilit na kahit sinabi kong ayoko nga.

Pasimple kong hinilot ang aking sintido bago muling nagtanong kay Ate Claire. "Ano bang meron diyan mamaya, Ate?"

"OMG!" sigaw ni Ate na dumagdag sa ingay sa paligid niya. Kahit hindi ko siya nakikita, alam kong nanlaki na ang mga mata niya. Gano'n palagi ang reaction niya kaya kabisadong-kabisado ko na. "Alam mo ba kung anong date ngayon?"

Pati ba naman date, itatanong pa talaga sa 'kin? Alam naman niyang wala akong pakialam sa kalendaryo eh. Nagugulat na nga lang ako dahil dumating na 'yong sweldo ko.

"Ikaw ha? Bakit kinakalimutan mo ang monthsa—"

Mabilis na umikot ang mga mata ko. "Ate, wala akong boyfriend kaya wala akong dapat isiping monthsary—"

"Gaga! Birthday ko ngayon kaya pumunta ka sa office namin kung ayaw mong mag-away tayo!"

Hindi ko na nagawang ipagtanggol ang sarili ko dahil mabilis napatay ni Ate ang tawag. Birthday pala ni Ate?

Mabilis kong tiningnan ang date sa cellphone ko at napagtantong birthday nga pala talaga niya ngayon. Hindi ako natatakot na mag-away kami dahil mabilis namang suyuin si Ate pero ang pinoproblema ko ay ang birthday gift na pinangako ko sa kaniya. Saan ako kukuha ng pera nito?

Pasimple kong tiningnan ang wallet kong alam ko namang wala na talagang laman. Wala na pala akong pera, naubos na kabibili ng books online. Muli kong isinandal ang likod ko at pumikit na lang.

Ang gaga mo nga talaga, Bianca. Bakit pati birthday ng Ate mo, kinalimutan mo na?

*****

Mabilis lumipas ang oras kaya nagmamadali akong sumakay ng tricycle papunta sa university na pinapasukan ni Ate Claire. Ang university na matagal na ring hindi ko napuntahan. Isang instructor sa university na iyon ang Ate ko pero mula nang magtrabaho siya sa roon ay hindi ko talaga siya nadalaw. Ito ang una kong pagdalaw sa kaniya at sa tingin ko ay ito na rin ang huli.

Wala talaga sa plano ko ang muling tumapak sa university na ito. Ayoko talaga. Maisip pa nga lang ay hindi ko na kaya. Dahil sa tuwing naaalala ko ang university na 'to ay hindi ko rin maiwasang isipin ang mga nangyari dito at kasama na ang lalaking 'yon.

Naka-move on na 'ko sa kaniya pero hindi ko nga lang makalimutan. Iyon naman talaga ang problema palagi eh, hindi madaling lumimot. Lalo na kung ang mga pangyayaring iyon ay nagbigay talaga sa 'yo ng isang malaking sugat.

Muli na namang nag-play sa utak ko ang mga eksena na ayaw ko na sanang maalala pa. Mula sa unang araw na nagkita kami hanggang sa huling araw na nagmakaawa ako sa kaniyang 'wag niya kong iwan. Nilunok ko ang pride ko para lang sa litseng pagmamahal na 'yon. Pero hindi eh, kahit pala ilang beses kong lunukin ang pride ko, kapag hindi ka na mahal ng taong iyon, hindi na talaga.

"Sorry, Bianca. May iba na kasi ako."

'Yon ang huling mga salita na narinig ko sa kaniya bago niya 'ko iwanan. Mga salitang hanggang ngayon ay nasasaktan pa rin ako kapag naaalala ko. Kumusta na kaya siya? Kumusta ka na kaya, Jason?

"Ma'am, nandito na po tayo. Hindi ka pa po ba papasok?" tanong ng driver sa 'kin na nagpatigil sa pag-iisip ko. Mabilis akong kumuha ng barya sa coin purse ko at binigay kay Manong driver. Nang makababa ako ay binigyan ko muna ng isang sulyap ang buong university.

I'm back, mahina kong bulong sa isip bago pumasok sa gate.

Nang nasa guard house na 'ko ay mabilis akong nag-send ng chat kay Ate Claire na nandito na ako. Hindi rin naman nagtagal ay nakita ko na siyang papunta sa pwesto ko. Ang daming dinaldal ni Ate sa 'kin. Na ganito raw, ganiyan. Na ang dami na raw pinagbago ng university mula nang umalis ako.

"Five years na rin siguro, Ate," sagot ko sa kaniya nang tanungin niya 'ko kung ilang taon na raw ba mula nang huli kong punta rito.

"Five years? Grabe ka! Hindi ka man lang ba dumadalo sa alumni ng batch niyo?"

Hindi ko na siya sinagot. Bakit pa ba ako a-attend?

Hindi na muling nagtanong pa si Ate hanggang sa marating na namin ang office ng high school. Sobrang busy ang mga tao kaya umupo na lang ako sa tabi at pinagmasdan ang bawat galaw ng mga tao roon. Napaaga pala ang dating ko, hindi pa pala sila tapos mag-ayos.

Pero nang biglang bumukas ang pinto at pumasok ang lalaking kahit hindi ko na titigang mabuti ay kilalang-kilala ko talaga. Ang lalaking kahit hindi ko suot ang salamin ko ay makikilala ko pa rin kahit nasa malayo pa siya. Ang lalaking naging dahilan kung bakit ayaw kong bumalik sa university na 'to.

"Jason, nabili mo ba 'yong napkin ko?"

Mabilis akong yumuko at nag-type sa cellphone ko kahit wala naman akong ka-chat. Jusmio, napkin talaga? Sino ba ang babae na 'yan at nagpabili pa ng napkin kay Jason?

"Yes, babe." Mabilis na naglakad si Jason papunta sa babaeng tumawag sa kaniya. Hindi man lang niya napansin ang presensiya ko.

Babe?

Amputek, may girlfriend na siya?

Kinagat ko ang pang-ibabang labi ko at nagpatuloy sa pag-type. Parang gusto ko na lang na lunukin ako ng lupa. Gusto kong mawala na parang bula. Gusto kong burahin sa isipan ko ang eksena na 'to.

"Uy, may bisita pala tayo."

At ang mas malala pa, bakit napansin pa niya ako? Pwede namang ipagpatuloy niya ang pakikipaglandian niya eh. Total do'n naman siya magaling.

Pero ano bang pinuputok ng butse ko, matagal na kaming hiwalay eh. At isa pa, naka-move on na 'ko eh. Naka-move on na 'ko!

Matamis akong ngumiti kay Jason at doon ko lang siya natitigang maigi. Parang walang nagbago sa kaniya. Kung gaano siya kaguwapo no'ng huli kaming nagkita ay mas guwapo pa siya ngayon.

No, hindi siya guwapo. Hindi siya guwapo, Bianca.

"Bianca? Ikaw ba 'yan?" gulat pa niyang tanong na para bang hindi talaga niya inaasahan na makikita niya ako. "Kumusta ka na?"

Pero nang sasagot na sana ako ay bigla siyang umalis at pumunta sa mesa niya. May kinuha siyang maliit na papel at ibinigay sa 'kin.

"Kasal na pala namin nitong girlfriend ko next month. Punta ka ha?"

Wala akong nasagot sa kaniya. Ikakasal na pala siya samantalang ako, hindi pa talaga naka-move on. Litseng buhay 'to!

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro