Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

chapter two

ii. ang singkwenta, si sav, at si sof

s a v

───────────────

Ako si Sav, at hindi ko alam kung alam ni Sof na may gusto ako sa kanya.

Parang gago lang, e, 'no . . . malamang ang sagot diyan ay hindi. Una, hindi ako nagbibigay motibo. Pangalawa, hindi ako nagbibigay motibo. Pangatlo, nasabi ko na ba? Hindi ako nagbibigay motibo. Hindi naman sa dinidepensahan ko sarili ko (medyo parang gano'n na nga), pero hindi naman ako masisisi kung patahimik akong magkagusto sa kanya. Natural lang naman sigurong maging unang prayoridad na magkimkim ng feelings kaysa mawala siya bilang kaibigan ko. 

Mas gusto ko nang makita siyang kasama ang iba kaysa mawalan ako ng kasamang uminom ng pepsi sa may duyan sa lot 12.

Joke. Hindi ko pala kaya parehas. Pero sa posisyon ko ngayon, kailangan ko lang mamili. P'wedeng umamin ako sa kanya at i-risk ang anim na taong pagkakaibigan namin, o ipagtulakan siya sa kaklase naming si Edwin na tatlong taon nang hinihintay si Sof.

Kahit na naiirita ako sa kanya kasi hindi siya sumusuko, medyo bilib din ako sa kanya. Ni isang beses hindi nag-back out eh. After ma-reject, dami agad back-up plans kaya tingnan n'yo, pinagkalat na tatanungin niya ulit si Sof sa prom night. 

Baka gano'n 'yung deserve ni Sof.

'Yung gano'n katapang.

"Hoy, Sav, may barya ka diyan?"

Napatingin ako kay Sof. Monday na ulit at sabay na kaming naglalakad pauwi. Kinakalkal niya 'yung wallet niyang maliit na strawberry ang design. Naalala ko binili namin 'yan nung nag-intrams sa school.

"Bakit?"

"Bibili ako fishball."

"Ayun pala 'yung naaamoy ko. Libre mo 'ko Sof."

"Utot mo," sabi niya saka sinimangutan ako. Napatanga siya sa 'kin kasi mas matangkad ako sa kanya. "May utang ka pa nga sa 'kin sais."

"Huh? Saan na naman galing 'yan?" ungas ko. "Bakit lagi na lang akong may utang sa 'yo!"

"Hoy ka, ako nagbayad ng module mo kanina!"

Tumakbo na siya papunta sa nagbebenta ng fishball kaya sumunod na lang ako. Napangiti ako nang kaunti kasi agad siyang napadila sa labi niya pagkatingin sa fishball. Ang cute niya talaga matakam; sobrang transparent. 

"Ako na," sabi ko saka humugot ng bente sa bulsa. "Umiyak ka pa diyan, e."

"Yey."

Pagkatapos namin bumili, pumunta na lang kami sa may gilid ng isang sari-sari store saka doon kumain saglit. Sakit na ng paa ko pero pinaupo ko na lang muna si Sof kasi, ewan. Bakit ba?

"Sarap ng sauce."

"Oy, ah, tinabihan ka na naman kanina ni Edwin nung TLE." Tinaas-taas ko kilay ko kahit na ang gusto ko na lang gawin ay 'wag pag-usapan si Edwin. "Kilig ka ba?"

"Murahin kita diyan," sabi niya kaya natawa ako. "Nangopya lang siya notes sa 'kin kasi malabo raw mata niya."

"Dumadamoves lang 'yun."

"Tsk, kung si Edwin lang pag-uusapan natin dito uuwi na 'ko." Sinubo niya 'yung limang pirasong fishball sa bunganga niya.

"Luh, sungit naman nito."

"Ngewan ho shayo," sabi niya habang ngumunguya.

"Bad trip si madam." Kinuha ko na plastic cup niya saka tinapon ko na kasama ng sa 'kin. 

"Kulit mo kasi. Ang kulit niyo kasi. Ang kulit ni Edwin!"

"Sino ba talaga?"

"Kayong lahat," sabi niya. "Iniipit n'yo 'ko do'n. Sabing wala akong gusto sa kanya."

Gusto ko sana ngumiti pero pinigilan ko. "E, bakit naman hindi?" Sav, manahimik ka na, please. "Mabait naman siya. Matalino." Awa sa Diyos, Sav, itikom mo bunganga mo. "Sobrang ma-effort. Kung ibang babae 'yan, baka matagal nang pinatulan si Edwin."

"Maka-compliment ka naman. Baka para sa 'yo talaga si Edwin."

"Nung Biyernes si Gabby, ngayon si Edwin naman."

"Kung bilib na bilib ka kay Edwin, edi kayo na lang."

"Kadiri! Lalaki."

Tawa naman siya nang tawa ro'n. Nahampas tuloy ako. "Gaga ka talaga."

Tiningnan ko lang siya habang tumatawa rin. Ang cute niya talaga. Humigit ako ng hininga. "Baka . . . baka naman may iba kang nagugustuhan diyan," sabi ko. Umiwas ako ng tingin. "Kaya ayaw mong patulan si Edwin."

"Ano naman ngayon?"

Napatingin ako bigla sa kanya. "Huy. Totoo ba?" Kumurap siya, tapos saka ko nakita na na bahagyang namumula 'yung pisngi niya. "Ang arte! Nagbu-blush."

"Blush mo mukha mo!"

"Kilala ko ba?"

Hindi siya sumagot.

"Hoy Sof, kilala ko ba?"

"Hindi."

Walangya. Parang mas gusto ko yatang si Edwin na lang piliin niya.

"Joke. Nagjo-joke lang ako," habol niya bigla.

"Alin sa mga sinabi mo 'yung joke?"

"Hehe."

Nakng. Hinehe ako.

"'Yan gusto ko sa 'yo, para kang tanga kausap."

Tawa ulit siya nang tawa. "Bahala ka na nga diyan, pinapakailaman mo masyado love life ko."

Ewan ko ba bakit ako ganito. Wala akong ginagawa para magbigay motibo sa kanya, hindi ako umaamin, gustong gusto ko siya – sobra – pero wala akong ibang ginawa kundi asarin siya sa iba o ipagpilitang may gusto siya sa kung sinu-sinong taong maisipan ko lang itulak sa kanya. Para akong tanga. Parang ang defense mechanism ko lang sa pagiging duwag ko ay maging timang.

"Sof," sabi ko nang wala sa isip. Napatingin tuloy siya sa 'kin. 

"Ano?"

"Ha?"

Kumunot noo niya. "Tinawag mo 'ko. Bakit?"

Kumurap ako. "Guni-guni mo lang 'yan. Miss mo na siguro si Edwin."

Bumuntunghininga siya saka inikot mga mata niya. Natawa tuloy ako kasi gano'n siya kapag nauubusan ng pasensya. "Nakakainis ka seryoso," sabi niya saka tumalikod. "Uwi na nga 'ko." 

'Di ko namamalayang nasa kanto na pala kami ng street niya. 

"Ngats," sabi ko na lang.

Hindi siya sumagot. Paktay talaga, feeling ko nabwisit talaga siya sa 'kin ngayon. Hinayaan ko na lang kasi kakausapin pa rin naman ako niyan bukas, pero siguro maghinay-hinay na ako sa pang-aasar. Kaso nga lang kung hindi ko siya binabadtrip, ano pa silbi ko sa buhay niya?

Pag-uwi, dumiretso na lang ako ng higa sa kama. Hindi pa 'ko nagbibihis kasi suot ko pa 'yung pabangong hiningi ko kay Sof nung recess kanina, e kasing-amoy niya kaya . . . teka, ang creepy ko yata. Pero hindi pa rin muna ako nagpalit ng damit kahit na hinihingi na ni Mama kasi lalabhan niya raw.

Tumitig lang muna ako sa cellphone ko, iniisip kung ite-text si Sof o hindi. Wala naman dahilan para mag-text ako sa kanya ngayon, pero gusto ko siyang makausap, tanungin kung totoo bang may nagugustuhan na siya. Gusto kong malaman. Babae kaya? Lalaki? Si Edwin?

Ako kaya?

Nabato ko tuloy unan ko sa naisip ko. Pero may chance kaya, kahit gaano kaliit, na gusto rin ako ni Sof? Or kahit at some point lang. 

Ako kasi dati ko pa siya gusto. 

Nagsimula 'yon nung foundation day sa 'min first year, tapos by partners 'yung sayaw namin ng waltz. Ang kaso, kulang kami sa lalaki, kaya kaming dalawa na lang 'yung naging mag-partner. Tapos naaalala ko, lagi ako excited after class kasi magpa-practice kami tapos mahahawakan ko 'yung kamay niya, tapos mas malapit mukha niya sa 'kin nang nakangiti. 

Hayop. 

Hulog na hulog ako.

Bakit ko ba pinatagal nang ganito?

Na-text ko tuloy siya.

Sof

Hindi ko na alam sasabihin pagkatapos niyan. Parang pangalan lang niya 'yung alam ko.

Naalala ko, nagkakilala kami unang beses nung nakasabay ko siya sa tricycle nung grade six kami parehas, first day of school. Pagkababa namin ng tricycle, sabay kaming nag-abot ng singkwenta pesos. Nagreklamo 'yung driver kasi wala raw siyang barya, kaya 'yung pamasahe ko, kinuha na lang sa singkwenta ni Sof. Bale kailangan ko siyang bayaran, kaya ayun, naghanap kami parehas ng papabaryahan. Tapos nalaman naming magkaklase pala kami . . . ta's the rest is history.

Bale kung isu-summarize, kasalanan 'to ng tricycle driver. Siya pala writer ng love story namin na hindi ko maintindihan.

Mapuntahan ko nga 'yon si kuya . . . magpapasalamat lang ako.

───────────────

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro