Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

chapter three

iii. ang fashion circle, si sof, at si sav

s o f

───────────────

Isang beses, lasing kami parehas ni Sav galing sa birthday party ng kaibigan naming si Bry. Noong gabing 'yon, 'yung family niya ay nagpuntang probinsya, pero hindi siya sumama dahil sabi niya, mami-miss niya raw 'yung Pasig. Hindi naman ako naniwala sa kanya no'n; malakas lang feeling ko na may pumipigil sa kanyang umalis. Kung ano man 'yon, hindi ko alam.

Basta ang alam ko, 'yung gabing 'yon ang pinaka-memorable para sa 'kin.

Para kasi kaming tanga parehas no'n. Alala ko, nakaupo kami sa may gilid ng Fashion Circle, tapos umiinom pa kami ng Cobra. 'Yung mga nangyari at mga sinabi sa 'kin ni Sav no'ng gabing 'to, hindi niya na maalala. Wala na sa memorya niya, at kahit kailan, hindi ko rin binalak sabihin sa kanya na naaalala ko pa ang mga 'to.

Minsan din kasi, gusto ko na lang ding kalimutan.

Malamig nung gabing 'yon, nahihilo ako, at parang siya lang ang nagma-make sense sa mundo pati na ang amoy ng alak sa hininga niya. Nakasandal siya sa balikat ko nung bigla siyang nagsalita.

"Uy," sabi niya.

"Oh?"

"Kung aamin ba 'ko sa 'yo, magagalit ka sa 'kin?"

Tumalon nang pagkalaki-laki ang puso ko sa tanong niya. Ni-compose ko ang sarili ko kahit na mahirap — kahit halos malabo — kasi may tama rin talaga ako nung oras na 'yun.

"Una, ano'ng aaminin mo?" tanong ko, mahina ang boses. May sa dalawang kotse na ang dumaan. "At bakit ako magagalit?"

"Na . . . na ano . . ."

"Ano?"

Pinipigil ko ang hininga ko.

"Na gusto kita," sabi niya. "Na may gusto ako sa 'yo."

Napahigpit ang hawak ko sa Cobra. "Lasing ka lang yata."

"Kunwari hindi ako lasing," sabi niya saka umahon mula sa balikat ko. Umupo siya sa harap ko saka tiningnan ako nang diretso sa mga mata ko. "Gusto kita."

Ang nauna kong naisip, imposible. Pangalawa, ito na ba 'yung drunken confession na napapanood ko sa TV? Pangatlo, imposible. Mas pinili kong hindi maniwala. Lasing siya, hindi niya alam sinasabi niya, at hindi ako magpapauto dahil lang sa sinabi niya isang beses habang nasa impluwensiya ng alak.

"Okay," sabi ko. "Uwi na tayo."

"'Di ka galit?"

"Hindi ako galit." Tumayo na ako.

"Bakit?" sabi niya. "Bakit hindi ka galit?"

"Kasi gusto rin kita, Sav."

"HAHAHAHAHAHA."

"Talagang tinawanan mo 'ko?"

"Kasi . . . kasi . . ." Hindi na siya makahinga sa kakatawa. Napakapit siya sa braso ko habang tumatawa. "Kasi . . . baka hindi ko 'to maalala bukas."

Napakurap ako. "Joke lang ba 'ko sa 'yo?"

"Hindi," sabi niya.  "Gusto kita."

"Since 'di mo naman 'to maaalala bukas, ano pa gusto mong sabihin sa 'kin?"

"Hmmm . . . maganda . . ."

Nginitian niya 'ko.

 "Gabby . . ."

Ah.

"Uwi na tayo," sabi ko saka tumayo.

Noong gabing 'yon, akala niya si Gabby ang kasama niya.

--

Natulog ako sa bahay nila no'n. Tabi kami sa iisang kama — wala naman malisya, 'di ba? Magkaibigan lang naman kami, 'di ba? Pagkadilat ng mga mata ko, tulog pa siya, kaya pinagmasdan ko na lang siya kahit saglit. Alalang-alala ko lahat ng sinabi niya nung nakaraang gabi. Ang saya sana, kaso paepal lang 'yung last part na pangalan ng iba 'yung binanggit niya. Alas-cinco nang umaga no'n at sobrang presko rin ng kirot na dala no'n sa dibdib ko.

Bwisit. Ako ang kasama, pangalan ni Gabby ang binabanggit.

Akala niya yata si Gabby ang nakasama niyang umuwi kagabi. Nung nasa birthday kasi kami, nandoon din si Gabby tas buong gabi yata silang magkatabi, nasa kabilang gilid lang ako ni Sav. 

Pagkatapos ko titigan ang mukha ni Sav, binuksan ko cellphone ko. May apat na missed call ako galing kay mama, tapos isang text galing kay Gabby. Mas kinabahan ako sa notification niya kaysa sa mga text ng mura ng nanay ko.

sof, gusto ko tlga si sav. pwede mo b sya papuntahin sa bahay after ng klase?

Nairita pa 'ko nyan kasi bakit ako ang kinakausap niya? Bakit hindi niya i-text si Sav nang diretso? Siguro ang mas nakakabwisit sa lahat ng 'yon, maraming nagsasabi sa akin na magkamukha raw kami ni Gabby, kaya mas may sense na akalain ni Sav na ako si Gabby. Bago pa ako mabwisit nang tuluyan, umuwi na ako bago pa magising si Sav.

Pagkauwi ko, nag-text siya sa 'kin.

nakauwi ka na?

Nag-reply ako.

oo, kagabi pa

sino kasama ko kagabi?

baka si gabby

Hindi na ulit siya nag-reply.

--

Kung ano man ang pinag-usapan nila nung araw na 'yon after class, hindi ko na alam. Nalipat na rin kasi si Gabby ng section kaya wala nang natuloy sa kanilang dalawa ni Sav, at wala na ring nag-pursue. For some reason, hindi nagkukwento si Sav tungkol kay Gabby. Kahit isang beses. Wala rin ni isang mention kahit na tungkol sa nangyari sa Fashion Circle, o sa bahay ni Gabby — wala. 

Parang hindi nag-e-exist si Gabby unless ako ang mag-bring up ng pangalan niya. In-assume ko  na lang na para kay Sav, sensitive issue si Gabby, kaya hindi na rin ako naki-usyoso.

Anyway, ngayong Martes, nasa ukay-ukay kami ni Sav para sa prom. Nadaanan kasi namin pauwi tapos nakita naming mura lang, kaya sakto na rin para masabihan ko na si Mama na 'wag ituloy 'yung panghiram ng prom dress ng pinsan ko. 

"Gusto ko mag-suit," sabi ni Sav bigla habang nag-bu-browse sa mga damit.

"Wow," sabi ko. "Sure ka? Baka pauwiin ka ng principal."

"Ingungudngod ko sa kanya resibo ng prom payment ko."

Tumawa ako. "Sige, may mga suit yata sa kabilang section." Kinikilig ako. Ewan ko. Si Sav magsu-suit . . . gusto ko makita si Sav na naka-suit. Nakita ko na isang beses nung nag-attend kami ng isang debut, pero gusto ko makita ulit.

"Sana mura lang."

"Ako, ano'ng color ng dress kaya?"

"Hmm," sabi niya. May kinuha siyang dress na nakasabit saka tinapat sa 'kin. "Ito — color red. Okay lang sa 'yo sleeveless?"

"Pili ka tapos suotin ko ta's tingnan mo kung bagay sa 'kin."

After ng about two hours, nakapili na kami ng susuotin. Alas-sais na nang makauwi kami at halos wala nang araw. Naglalakad kami nang sabay nang mahagip ng mga mata ko 'yung napakaingay na Fashion Circle.

"Sav," tawag ko.

"Bakit?"

"May tanong ako. Dalawa."

"O sige. Tanong mo 'yung pangalawa."

"Ano 'yung tinext mo sa 'kin kagabi?"

"Ano? 'Yung Sof?"

"Oo."

"Ah, wala. Tini-testing ko lang kung may load ako."

Kumunot noo ko. "Anak ka ng epal talaga. Pwede mo naman text sarili mo."

"Eh sa gusto kitang bwisitin."

"Kahit wala ka pang gawin."

"Ano na 'yung isang tanong?"

"Nung . . ." Napatigil ako at napaisip kung sasabihin ko nga ba talaga. Tiningnan ko siya.

"Nung?"

Pakshet, ang ganda ng mukha ni Sav kapag natatapatan ng ilaw. I mean, maganda naman talaga siya all the time, pero mas lalo na kapag madilim tas may city lights sa mukha niya. Napaiwas na lang ako ng tingin kasi hindi pwedeng humarot-harot ako sa isip habang medyo seryoso 'yung itatanong ko.

"Nung birthday ni Bry nung second year, naaalala mo ba?"

"Oh, ano meron?"

"Naaalala mo bang tumambay ka sa Fashion Circle?"

"Huh . . . ewan, tagal na niyan ah. Ano meron?"

"Ah," sabi ko. "Baka kasi kasama mo si Gabby nung gabing 'yon." Gusto ko sapukin sarili ko.

"Gabby na naman? Nananahimik na 'yung tao," sabi niya saka ako inakbayan. "Crush mo ba 'yun?"

"Paano nalipat sa 'kin 'to!" Inalis ko akbay niya.

"Puro ka kasi Gabby."

"Ikaw nga puro ka Edwin."

"Basta, wala akong naaalala," sabi niya. "Bakit?"

What if sabihin ko? Sabihin ko na nung kasama niya ako, umamin siya sa 'kin — except kay Gabby talaga siya umamin at hindi sa 'kin, kasi akala niya ako si Gabby, kasi bwisit siya, at nakakainis siya, at ang dali sa kanyang saktan ang feelings ko dahil gustong gustong gusto—

"Ah," sabi niya. "Akala ko panaginip lang 'yun?"

Napabagal ako maglakad. 

"'Y-Yung ano?"

"Na tumambay ako sa Fashion Circle habang umiinom ng Cobra."

Shet, shet. "May kasama ka?"

"Hindi ba ikaw? O si Gabby?"

Lichugas. Binilisan ko na lang maglakad.

Hays, ano ba gusto kong mangyari? Na sabihin niya sa 'king alam niyang ako 'yung kasama niya nung gabing 'yun? Na ako talaga 'yung inaminan niya at hindi si Gabby? Na wala siyang gusto kay Gabby dahil ako ang gusto niya una pa lang?

E, kung 'yan 'yung gusto kong hilingin, ano naman?

"Uy, so ano nga?" sabi niya. "Ikaw ba kasama ko no'n?"

"Tanungin mo si Gabby."

"Sof, tapatin mo nga 'ko." Hinawakan niya braso ko kaya napatingin ako sa kanya.

"Ano?"

"May nasabi ba ako nun?" 'Yung mukha niya tarantang-taranta. "Pramis, wala talaga akong maalala."

Napatigil ako saka huminga nang malalim. I feel bad nang kaunti kasi parang masama loob ako sa kanya para sa bagay na hindi naman niya maalalang ginawa niya. Kasi naman e, ayos na 'yung mga sinabi niya nung gabing 'yon. Kinailangan pa niyang banggitin 'yung pangalan ni Gabby.

"Oo, meron," sabi ko. "Pero directed kay Gabby lahat."

"HUH? Hindi ko gets. Paanong para sa kanya?"

"Basta, bahala ka na mag-isip," sabi ko saka naglakad uli nang mabilis. "Hindi ko na rin maalala."

"Shet, ikaw ba kasama ko no'n or hindi?"

"Ugh," sabi ko. "Oo, kasama mo 'ko no'n."

"Sinabi ko bang gusto kita?"

Napanganga ako sa tanong niya saka napatigil sa paglalakad. "Ano?!"

Tawa nang tawa si Sav. "OA?!"

"Bakit naman kasi ganyan tanungan mo?"

"So, 'di ko 'yun sinabi?"

"Hindi mo sinabi," pagsisinungaling ko. "Buti na lang, kasi hindi ako si Gabby."

"Ano'ng ibig mong sabihin diyan? Kahit kailan naman 'di ko sinabing gusto ko siya."

"Hindi mo naman kailangang sabihin."

"Dami mong pautot diyan."

"Talaga."

"Paano kung sinabi ko talaga sa 'yo 'yun?

"Ha?"

"'Di ko na uulitin. Bingi ka kasi."

"Kilabutan ka nga!"

Hindi ko na siya hinintay magsalita pa ulit. Binilisan ko na lang maglakad hanggang sa nakahabol siya sa 'kin maya-maya. Hindi na rin niya ulit 'yon binanggit.

Hay.

Ang swerte naman ni Gabby.

───────────────

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro