chapter seven
vii. si edwin, si gabby, si sof, at si sav
s o f
───────────────
"Uy, isasayaw ka raw ni Edwin sa prom?"
Hindi pa ako nakakaupo sa upuan ko, 'yan na agad tinatanong sa 'kin ng mga kaklase ko. Wala ako idea kung bakit sobrang hilig ni Edwin ipagkalat mga plano niya sa buhay na naka-relate sa 'kin, e, wala naman sa ibang tao kung iimbitahin niya 'ko sa prom night o kung magiging girlfriend niya 'ko. Buti sana kung siya 'yung ginugulo ng mga kaklase ko e hindi. Sa 'kin sila puro lagi tanong.
Hindi ko pala ni-reply-an si Edwin kagabi. Sa totoo lang, nawala talaga sa isip ko. Si Sav lang talaga inisip ko buong gabi hanggang sa makatulog, tapos siya ulit agad inisip ko pagkagising. Hindi ko kasi maalis sa isip ko 'yung bigat ng tingin niya sa 'kin bago siya maglakad pauwi kagabi . . . parang gaya ko, may gusto rin siyang sabihin, hindi niya lang magawa gaya ko. 'Yan tuloy, kinulit ako agad ni Edwin pagkapasok niya sa room.
"Uy, Sof. Na-receive mo ba text ko?"
"Ha? Anong text?"
OO NA, ANG SAMA KO NA. Pero wala na akong ibang maisip na lusot bukod sa pagsisinungaling. Sobrang daming trouble 'yung maiiwasan ko kung magpanggap lang akong hindi ko natanggap 'yung mahaba niyang message. Nakakakonsensya malala, lalo na nung nagbago agad expression ng mukha niya, pero ang kulit niya rin naman kasi. Sabing hindi ko siya gusto. Sabing ayokong mag-effort siya nang mag-effort. Masyado kasi siyang naniniwala na nakukuha lahat sa sikap – pero hindi naman gano'n 'yung case sa lahat ng bagay. May mga puso kasing hindi natuturuan magmahal. Ay, wow. Joke. Saan ko ba nahugot 'yan?
"Ay . . . gano'n ba."
"Ano ba 'yun? Importante?" tanong ko. Bago pa siya makasagot, binago ko na agad topic. "Uy! Nga pala, happy birthday. May pa-lumpia ka ba?"
Bigla na lang niya ako nginitian, parang lumiwanag mukha niya. Alam mo, cute naman talaga si Edwin, e. May dimples, matangkad, may pagka-moreno, tapos kabuhok niya si Sehun ng EXO. Malas niya nga lang kasi sa 'kin siya nagkagusto (na hindi ko naman deserve).
"Salamat," sabi niya saka nahihiyang ngumiti. "Hindi lang lumpia, Sof. Maghahanda lola ko ngayon. Punta kayo ni Sav, ah."
"Kaming dalawa talaga ni Sav?" pa-joke kong sagot.
"Kung gusto mo ikaw lang. Kaso parang magkadikit na kayo; parang hindi tama 'pag magkahiwalay kayo eh. Gaya ngayon."
Speaking of, hindi kami sabay pumasok ngayon ni Sav ulit kasi hinatid na naman ako ni Papa. "Ewan ko nga nasa'n 'yun, e."
"Nakita ko siya kanina sa canteen kasama si Bry. Nga pala, Sof – 'yung sa text ko–"
"Sige, daanan ko na lang sila," putol ko sa sinabi niya. "See you mamaya sa birthday mo!"
Ang pangit talaga ng ugali ko. Dapat talaga hindi muna ako mamatay kasi baka i-take 'to sa 'kin ni San Pedro against me ta's 'di pa ako papasukin sa langit. Kailangan ko muna mag-repent.
Anyway, pumunta na 'ko sa may canteen para hanapin sina Sav saka hindi rin kasi ako mapakali dahil pagkauwi niya kagabi, wala siyang text o ano. 'Di ko alam kung gawa gawa ko lang 'tong 'tension' na nararamdaman ko sa 'ming dalawa pero gusto ko siyang makita at magpabwisit sa kanya para man lang makakalma at gumaan naman loob ko kahit kaunti. Gano'n naman si Sav. Madali gumaan lahat 'pag nandiyan siya.
Kaso nga lang, wala na siya sa canteen. Bumalik na lang ako sa room na bagsak ang balikat saka nagbasa ng John Green na libro kasi wala namang teacher, tapos nung napansin kong papalapit sa 'kin si Edwin, nagtulug-tulugan ako. Kaso nga lang ayun, natuluyan. Nakatulog akong totoo.
Pakshet, pagdilat ko may panis na 'kong laway saka nakasandal na ako sa balikat ng kung sino.
Nagulat ako kasi ang 'kung sino' na 'yon ay si Sav pala.
"Gising na ang prinsesa," sabi niya. Nakangiti siya sa 'kin na parang nang-aasar, ta's nakatingin siya sa gilid ng labi ko na may panis na laway, pero ako naman si tangang napangiti agad. Saya siguro magising kada araw ta's gano'n lagi maaabutan ko, 'no?
Pero medyo bangag pa 'ko. Subconscious ko lang talaga nagpangiti sa 'kin kasi automatic na 'yan 'pag si Sav na kaharap ko — parang nagre-register na agad sa utak ko na kailangan kong maging masaya. Masyado akong malandi kaya late kong na-realize na medyo madilim na pala sa labas?!
"Hala, anong oras na? Uwian na ba?" Agad kong hinanap bag ko.
"Oo," sabi niya saka sinara ang cellphone. "Kanina pa."
"HA?!"
"Tulog na tulog ka kasi!"
"Gaga! Bakit naman 'di mo 'ko ginising?" Hinampas ko siya nang mahina. "Baka sarado na gate."
"'Di 'yan, may nagpa-practice pa ng sayaw sa labas."
"Dapat ginising mo pa rin ako." Kinuha ko suklay niya sa pangalawang bulsa ng bag niya. Siyempre alam ko kung sa'n nakalagay. "Shet ka."
Tapos saka ko lang na-realize . . . bakit 'yun 'yung first thought ko?
Habang nagsusuklay, saka ko lang naisip — bakit siya nag-stay dito kasama ko sa loob ng madilim na classroom habang tulog ako sa balikat niya? Tapos kaming dalawa lang magkasama. Anak ng tokneneng, kinilig bawat buto ko sa thought na 'yun. Kung sana lang may iba 'yung ibig sabihin . . . hay.
Hindi na 'ko masyado nakapag-isip kasi bigla na siyang tumayo. "Tara, diretso na tayo sa birthday ni Edwin."
"Oo nga pala."
"Woy, masama kalimutan birthday ng future boyfriend mo."
Sinamaan ko siya ng tingin. "Alam mo, tigilan mo nga ako. Bagong gising ako ah."
"Bakit? Totoo naman ah. Pinagkalat na naman niyang aayain ka niya bukas."
"Wala naman akong sinabing . . ." Bigla ko siyang naalala saka si Gabby. "Wala, nevermind." Kung magiging sila ni Gabby tomorrow night, dapat magka-boyfriend na rin ako. Siguro oras na para bigyan ko ng chance si Edwin . . . p'wede naman siguro 'yun. Gusto ko na lang din kasi maka-move on kay Sav.
"Yie, kinikilig. Nagbu-blush ka na naman."
"Utot mo nagbu-blush!"
"Halika na nga, paparating na rito si Kuya Mark," sabi niya. Si Kuya Mark 'yung janitor na nakatoka linisan ang mga classroom after ng classes. Tumango na lang ako at napaisip kung nando'n kaya si Gabby sa birthday ni Edwin mamaya . . .
Tama naman ako.
Hays. Not even one night na makasama ko si Sav? Chos. Feeling property lang?
Mag-alas siyete na rin nang nakarating kami sa birthday ni Edwin. May mahabang lamesa sa harap ng bahay nila tapos may iba't-ibang mga pagkain na akala mo kaninong piyesta ng santo. Si Edwin kasi, only child siya sa bahay nila tapos ang mga kasama niya lang ay 'yung parents niya, dalawang tiyahin, saka isang lola kaya spoiled na spoiled siya at, ayun, mabait. Isa rin 'yan sa mga sinasabi sa 'kin ng mga kaklase ko na patulan ko na raw siya kasi magiging magandang asawa raw si Edwin in the future. E, may isang problema nga: hindi ko siya gusto. Sapat na rason naman na 'yon, 'di ba? Though baka matutunan ko rin kapag . . . naging sina Gabby at Sav na.
"Uy, Sof! Nakapunta kayo!" sabi ni Edwin na may malawak na ngiti. Huhu, naalala ko na naman 'yung ginawa kong pagsisinungaling sa kanya. Ang sakit naman magsinungaling sa taong sobrang bait sa 'kin, at sa birthday pa niya. Napakagat ako ng labi.
"Gulat na gulat. Siyempre naman 'no," sabi ko. "Pahingi na ako shanghai."
"Dami dun," sabi niya. "Kuha na lang kayo."
"Grabe handaan n'yo. Parang birthday ng santo," komento ni Sav. Nagtawanan kami nang kaunti.
"Nakakahiya nga e sobrang gara nila maghanda. Parang sixteenth birthday lang e."
"Sana dinala ko tupperware ni Mama."
Tumabi lang kami ni Sav sa mga kaibigan namin sa classroom habang kumakain. Magkatabi kaming dalawa at nasa harapan namin si Gabby . . . na sulyap nang sulyap sa girlfriend ko. Joke. Sa best friend kong si Sav. Medyo masakit pala sabihin pero ginusto ko naman 'to in a way.
Naalala ko tuloy sabi sa 'kin ni Gabby nung second year, crush niya raw si Sav. Medyo mabigat na revelation 'yan for me kasi as far as I could remember no'n, muse siya sa section one nung first year, tapos ang daming nagka-crush sa kanyang mga lalaki (kahit higher years, na medyo creepy to be honest) tapos kay Sav lang pala siya titiklop. Naisip ko pa no'n baka type siya ni Sav kasi tahimik siya, mabait, tapos academic achiever pa. One time tinanong ko si Sav:
"Sav, may crush ka ba sa kahit sino sa classroom?"
"Oo."
"Kilala ko?"
"Kilalang kilala mo."
Sabi ng instincts ko, si Gabby ang tinutukoy niya. Kaso nga lang medyo crush ko na si Sav no'n kaya malamang broken hearted ako for a while, until . . . ayun, hindi naman natuloy ang something nila kasi nalipat pabalik si Gabby sa first section nung third year. Ngayong fourth year lang, rinig ko, nagpalipat daw si Gabby ng section. Malakas feeling ko na para 'yun kay Sav.
Nag-aasaran silang dalawa minsan, nag-uusap 'pag nagkakatabi ng upuan, or sabay na nagre-recess depende sa panahon. Pinagtataka ko talaga bakit never nagkwento si Sav tungkol kay Gabby. Nahihiya ba siya? Hindi ba 'ko mapagkakatiwalaan? Napatingin tuloy ako sa kanya habang tinatanggal ko balat ng hipon ko, ta's natawa ako kasi nakatingin siya sa 'kin.
"Ano?" sabi ko.
"Mag-fa-five minutes ka na diyan sa kinakain mo."
"'Wag mo nga 'ko pakialaman."
"Akin na, balatan ko."
"Ano 'ko bata?!"
"Bakit kasi hindi nabalatan 'tong hipon ?"
"Nakikikain ka na nga lang."
"P'wede pabalat?" Napatingin ako bigla kay Gabby nung sinabi niya 'yun.
Naalala ko 'yung sinabi kagabi ni Sav about 'best friend privileges'. Kasama dapat sa listahan ng best friend privileges ang pagbabalat ng hipon.
Bigla akong nandiri sa naisip ko. Para akong possessive na third wheel na kabit na higad.
"Ah — akin na," sabi ni Sav.
"Utal utal pa," bulong ko naman.
Alala ko nung nag-Foundation day last month, hinatid niya si Gabby pauwi. Hindi kaya nagkaroon sila ng conversation that day? 'Di kaya about paglihim 'yon ng relationship nila, tapos ire-reveal lang sa amin bukas nang gabi? Oh, my God. Hindi kaya two years na sila at ayaw niya lang sabihin sa 'kin? Napapraning na ako habang binabalatan ni Sav si Gabby. Nakakainis. Nakakainggit. Sana pala nagpabalat na lang din ako.
Napatayo na lang ako.
"Uy, saan ka?" biglang tanong ni Sav.
"Mag-CR ako."
"Weh, hahanapin mo lang si Edwin e." Narinig 'yon ni Gabby kaya siya tumawa.
"Uy, kayo na ba?" tanong ni Gabby na nang-aasar kaya umiling ako.
"Sige na, naiihi na 'ko e."
"Huy, 'wag ka umuwi mag-isa ah. Sabi ng nanay mo hatid daw kita pauwi." Medyo kinilig ako kasi rinig na rinig 'yon ni Gabby, kaso hindi pa pala siya tapos magsalita. Lumipat ang tingin niya sa 'kin mula sa pagbabalat niya ng hipon. "Kaso ang sabi ko si Edwin na bahala sa 'yo."
Napasimangot ako pero sinubukan kong itago. "Kaya ko naman mag-isa."
"Galing sa naligaw nang ilang beses kahit na buong buhay na siyang nakatira sa Pinagbuhatan."
Hindi ko mapigilang tumawa kaya tinulak ko na lang siya nang kaunti. Nakitawa rin si Gabby. "Alam mo, napakaepal mo. Sige na, mag-CR lang talaga 'ko. Magsama kayo diyan."
"Sama ako," sabi ni Sav. Ni hindi niya na tiningnan si Gabby nang inabot niya sa kanya 'yung binalatan niyang hipon.
"Taray naman, may pahimayang kaganapan," pang-aasar ko habang lumalakad kami papunta sa loob ng bahay nina Edwin. Hindi siya sumagot.
"Ano oras mo gustong umuwi?"
"Ewan, depende. Ikaw?"
"May videoke raw mamaya eh," sabi niya sa 'kin nang nakangiti. "Hintayin natin."
"Sige."
Mahilig kasing kumanta si Sav. Ang ganda ng boses niya, parang kaboses ng kumanta ng Tadhana. Hay, araw-araw akong nakakahanap ng bagong rason para magustuhan siya.
Tumambay kami sa may labasan after naming mag-CR. Alas-otso na nang gabi. Nakaupo ako sa may sidewalk , pinapanood ang mga dumaraang mga sasakyan habang kumakain ng isaw si Sav sa gilid ko.
Napatingin ako sa kanya.
Pinanood ko siyang hawiin ang buhok niya. 'Yung tingin niya sa kung saan. Napansin ko rin kung gaano kasakto sa kanya 'yung uniform niyang sabay naming binili nung second year kami. 'Yung hikaw niyang itim. 'Yung labi niya.
Parang araw-araw nahuhulog lang ako sa kanya.
Napatakip ako ng mukha.
Bwitre. Sana kasi ako na lang.
───────────────
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro