Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

chapter nine

ix. ang 7-11, si sof, at si sav

s o f

───────────────

Sobrang nakakailang humarap sa lola ni Edwin dahil sa tatlong dahilan: 1. puro siya puri. 2. sabi niya, bagay raw akong maging misis ni Edwin. 3. kinailangan kong magpanggap na girlfriend ni Edwin dahil lilipad na raw pala ang lola niya paibang bansa at gusto niyang mapanatag ang loob na may girlfriend na ang kaisa-isa niyang apo.

"Salamat at sorry talaga, Sof," sabi sa 'kin ni Edwin habang pabalik kami sa sala. 'Yung lola niya kasi ay nasa kwarto niya sa third floor pa. "Sorry. Gusto ko lang talagang matahimik na siya sa kakakulit kung kailan ako magkaka-girlfriend."

"Ano ba, okay lang," sabi ko. "Wala 'yun. Mas nakakahiya nga sa 'yo, ako lang napakilala mo. Hindi totoong girlfriend."

"'Di mo pa ako sinasagot e."

"Edwin . . . " Medyo uncomfortable ako kapag bini-bring up niyang hindi ko siya sinasagot. Siya naman kasi 'tong makulit na ligaw nang ligaw kahit sinabi ko nang ayoko at wala akong balak sagutin siya. "Hindi mo 'ko magu-guilt trip. Isa pa, hindi cool 'yun."

"Oo. Sorry. Joke lang."

Pagbaba sa sala, wala si Sav kaya hinanap ko siya. Lugmok na naman ako kasi nakita ko siyang katabi si Gabby; galing talaga, nawala lang ako saglit. Pero wala dapat akong karapatang mag-complain kung pumapayag nga akong magpakilalang girlfriend ng manliligaw kong wala akong balak maging boyfriend. Huminga na lang ako nang malalim saka naki-videoke ulit.

Kinakabahan pa rin ako para sa prom bukas nang gabi. Parang make or break na kasi 'yon ng kung ano mang meron kami ni Sav, although hindi pa ako sure sa 'make' part dahil naduduwag pa rin akong umamin. Shit talaga, ga-graduate na kami't lahat hindi pa rin ako umaabante. 'Di kaya sinasayang ko lang ang oras ko?

Gusto ko siyang masayaw bukas. Gusto ko siya na lang para kami na rin hanggang college at sa mga susunod pang parte ng buhay namin pagkatapos no'n, para masunod na namin 'yung promised dare namin noon, para  matahimik na 'ko. Kung sana gano'n lang kadali ang mga bagay bagay. 

Pagkatapos kong magparinig sa kinakanta ko, kinalabit na ako ni Sav. Nilingon ko siya dahil kinalabit niya ako mula sa likod, tapos nakatingin siya sa 'kin nung sinabi niyang, "uwi na tayo".

Siyempre, dahil siya nagsabi, tumayo na lang din ako agad saka nagpaalam na sa mga kaklase ko at Edwin. 

"Tara na," ani ko kay Sav. 

--

Tahimik lang kaming naglalakad dalawa sa street sa labas. Medyo malamig saka tahimik na ang kalsada kasi wala na halos mga tao at sarado na ang mga tindahan. Mabigat na rin nang kaunti ang mga mata ko. Sa sobrang tagal naming magkasama, feel ko pati ritmo ng paghinga niya alam ko ang ibig sabihin kaya ngayon, medyo malakas ang feeling ko na inaantok na rin si Sav.

"Gusto mo mag 7-11?"

Hindi nakatingin sa 'kin si Sav sa 'kin nung tinanong ko 'yun, kaya pumunta ako sa harap niya saka doon naglakad nang patalikod.

"Hoy, tumingin ka sa dinaraanan mo," sermon niya.

"May moment kayo ni Gabby kanina a," sabi ko. "Musta?"

"Ako pa ang may moment? Ako ba ang pinakilala sa lola?"

"Wala 'yun, 'no! Meaningless favor lang ni Edwin." Pinaliwanag ko sa kanya 'yung dahilan. "Kaya hindi importante. 'Wag mo nga lipat sa 'kin 'yung usapan."

"E 'di meaningless din 'yung sa 'min kanina ni Gabby."

"Ows," sabi ko. "Kailangan pa ba kita sundutin para may mahita ako sa 'yo?"

Pero hindi sa akin nakatingin si Sav. Nagulat na lang ako nang sa isang iglap, hinila na niya 'yung braso ko papalapit sa kanya. Medyo nag-buffer ako nang ilang segundo kasi ang tumakbo lang sa isip ko ay bakit niya 'ko hinihila ang bango niya oh my god ang lapit lapit namin sa isa't-isa ito na ba ang Meteor Garden moment ko? bago ko na-realize na hinila pala niya ako dahil may bike na muntik nang bumangga sa 'kin.

"Seryoso, Sof," banggit niya. Lumayo na ako nang kaunti sa kanya at binitawan na rin niya ang braso ko. "Parang babysitting chore ang ginagawa ko kapag kasama kita."

Mabilis nag-init ang mukha ko sa sinabi niya kaya instinctively ko siyang natulak nang sobrang mahina lang naman.  Napatawa siya at bumalik na ako sa normal na paglalakad.

Maya-maya, narating na namin 'yung 7-11. Bumili lang kami ng iced coffee saka umupo sa isang lamesa sa labas, pinapanood 'yung mga sasakyan. Ilang beses naman na akong napalapit nang literal kay Sav, pero kinikilig pa rin ako every time. Hanggang ngayon tuloy parang timang na may parang umiikot-ikot sa tummy ko.

Napatingin ako kay Sav. "Huy, bakit ang tahimik mo diyan?"

Uminom siya sa kape niya. "'Di ba p'wedeng inaantok lang."

"E 'di uwi na tayo." Patayo na sana ako pero hinila niya damit ko paupo.

"Eh," sabi niya. Tiningnan niya ako. "'Wag muna. Gusto ko pa dito."

To be fair, ako rin naman. If may oppurtunity na makasama ko siya nang mas matagal nang kami lang dalawa, siyempre ta-take ko 'yun, 'no. Kaya inayos ko na lang ang pagkakaupo ko saka ngumiti. "Excited ka na bukas?"

"Ayoko isipin ang bukas."

"Bakit? 'Di ka ba masayang sayawin mo si Gabby?" Ako at ang mga nakakatanga kong mga tanungan.

"Huh," sabi niya saka napasinghal. "Ano'ng kinalaman ni . . . hindi."

"Weh. Hiya pa 'to."

"Ikaw nga e. Kilig na kilig ka kay Edwin kanina."

"Hilig nito mambaliktad," sabi ko. Inikot-ikot ko 'yung straw sa baso. "Lakas ng tama ng kape sa 'yo ah."

"In denial."

"'Wag mo nga ako inaano diyan."

Napatawa siya saka binato ako ng binola niyang tissue habang nakakagat siya sa labi niya. Binuklat ko 'yung tissue for some reason, tapos binola ko, ta's binato ko rin sa kanya. Masyado yatang mabilis reflexes ni Sav kaya nasalo niya lang 'yung tissue. 

"After ng prom night . . ." umpisa niya. "Ano na?"

"Anong ano na?"

"Kung sino man isasayaw mo, sila na 'di ba?" Sobrang lalim ng tingin sa akin ni Sav, any moment feeling ko matutunaw ako. Kinailangan kong umiwas ng tingin.

"Idea mo 'to, gusto ko lang ipaalala."

Bumagsak ang ulo niya sa lamesa. "P'wede bang mag-backout?"

Sana pwede. "Bakit? Hindi ka ba sure kay Gabby?"

Napahigpit ang hawak ko sa kape ko kasi hindi ko alam kung anong klaseng sagot 'yung maririnig ko galing kay Sav. Gusto ko ng reassurance na hindi naman si Gabby; hindi naging si Gabby kahit kailan — pero paulit-ulit ko lang naalala 'yung gabi sa Fashion Circle noong binanggit ni Sav ang pangalan niya pagkatapos niyang sabihing gusto kita. Gusto ko na sana mabura na lang 'yon, na magkunwaring para sa 'kin talaga ang katagang 'yun . . . pero ayoko namang lokohin ang sarili ko.

"Ewan," sagot na lang ni Sav. "Bahala na."

Hindi sana 'yon ang sagot na gusto kong marinig. 

"Sav," tawag ko. Mabilis na lumipat ang tingin niya sa 'kin. Bahagyang bumilis ang paghinga ko. "Ano . . ."

Tahimik siya.

Lumunok ako.

"Bakit? tanong niya.

Bigla na lang na gusto kong sabihin. Ewan ko kung dahil 'to sa alak na nainom ko kanina kanila Edwin. O baka 'yung kape. O baka dahil biglang nasagi ng kamay niya yung kamay ko tapos na-imagine kong hahawak 'yun sa bewang ni Gabby bukas, at nalukot nang matindi 'yung dibdib ko dahil hindi ko gustong mangyari 'yon; pero dahil sa mga ginawa ko at mga hindi ko ginawa simula pa noon, hindi magiging malabong mangyari ang saglit na pumitik sa utak ko.

Ayokong mangyari 'yun, pero bakit ang duwag duwag ko pa rin?

Hanggang kailan ako dito?

Bumuka ang bibig ko. 

Sav, gusto kita. Sobra.

Pero bigla ko ring naalala . . . magkaibigan lang kami.

"Sof," tawag niya.

Umiwas na lang uli ako ng tingin.

"Wala. Uwi na tayo."

───────────────

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro