chapter five
iii. si papa jack, ang balut, si sof, at si sav
s o f
───────────────
Isa lang ang masasabi ko: parang tanga 'yan si Sav. Putlang putla 'yung mukha bago ko iwan. Akala naman niya i-FO ko siya over the fact na may feelings talaga siya for Gabby. I mean, siguro if magiging sila, baka iwasan ko siya. Siyempre sarili ko pa rin uunahin ko, 'no.
Grabe lang kasi sobrang transparent ni Sav kanina. Halatang gusto niya si Gabby, ayaw pang aminin sa 'kin. Hindi naman ako magagalit. Masasaktan lang. Chos. Ginusto ko naman 'to kasi ilang taon din ako nagpakaduwag. Kasalanan ko 'to.
Kasalanan ko 'to.
Sinubsob ko na lang mukha ko sa unan saka sinubukang 'wag na mag-isip. Binuksan ko radyo ng cellphone ko saka nilipat sa channel ni Papa Jack, tapos naabutan kong may umiiyak na caller kasi in love daw siya sa best friend niyang may mahal nang iba. Siyempre nakiiyak din ako kasi relate ako diyan e. Nakiiyak lang ako pero hindi ako makikinig sa advice ni Papa Jack. Paano! Ang sabi ba naman, wag maduwag at magtanga-tangahan sa umpisa tapos magrereklamo 'pag naunahan. Wala siyang karapatang husgahan ako at ang choices ko sa buhay!
I mean, tama naman siya. Pero wala pa rin siyang karapatan.
Muntik na akong makatulog sa kantang pinatugtog ni Papa Jack nang biglang mag-vibrate cellphone ko. Usually, ang nagte-text lang sa 'kin ay 'yung Mama ko saka si Sav, kaya nagulat akong pagbukas ko ng cellphone, pangalan ni Edwin lang lumabas.
Mahaba message niya. Ito pala 'yung tinatawag nilang LSM. Sinasabi niya mahal na niya raw ako at ang tagal niya na 'kong hinihintay, pero maghihintay pa rin daw siya hanggang sa kaya niya kasi mahal niya ako. Ewan, marami pa siyang sinabi. Nakakakonsensya nga kasi alam kong hindi ko deserve 'yung gano'ng klaseng feelings galing sa isang tao, lalo na kung sigurado akong hindi ko mababalik. Kaya nga sobrang hirap niyang i-reject, e.
Sa dulo ng message, ang nakalagay, pwede raw ba niya ako isayaw sa Biyernes nang gabi.
Napaupo ako sa kama. Medyo pinag-isipan ko kung tatawag ba ako kay Papa Jack kasi naguguluhan ako. Kung sasagutin ko kasi si Edwin, magiging parang safety net ko lang siya dahil baka maging totoo na sina Sav at Gabby. Ayoko naman maiwan sa ere . . . pero ayoko rin naman manggamit.
Kung isasayaw ko naman si Edwin sa Friday, iisa lang ang ibig sabihin nun. Parang . . . parang tuluyan ko nang sasarahan ng pinto si Sav.
Pero paano 'yan? Siya talaga 'yung gusto ko.
Gusto ko talaga si Sav.
Bwisit. Bakit kasi sa best friend ko pa?
Nangilid tuloy luha ko kasi naalala ko mukha niya kanina nung sinabi kong umamin na siya kay Gabby (kahit indirectly dahil sa 'kin niya sinabi). Parang nagsisisi na nakokonsensya na naguguluhan siya na ewan. Ano kaya pumasok sa isip niya nung mga oras na 'yon? Kung magkaka-superpowers ako, pipiliin kong mabasa ang isip ni Sav. Mababawasan lahat ng problema ko sa buhay kung gano'n.
Nang mag-vibrate ulit cellphone ko, inasahan kong follow up text siya from Edwin. Pero hindi. Galing kay Sav.
sof, balut tayo. libre ko. sa gilid ng school. tara wag ka na maarte
E di ano pa? Nagbihis na 'ko.
Si Sav na 'yan e.
--
"Dalawang balut nga po."
Alas-dyis na yata nang gabi nung kumakain kami ni Sav ng balut sa tabi ng school. Habang inaabot ko sa kanya 'yung sisiw kasi hindi ko 'yun kinakain, sinabi niya sa 'king kalimutan ko na raw 'yung nangyari sa Fashion Circle.
"Kinalimutan ko naman na talaga 'yun," pagsisinungaling ko. "Ikaw lang 'to ang hilig mangulit."
"Ows, ikaw nga nag-bring up kahapon."
"Never mind," sabi ko. "Save mo na 'tong usapang 'to sa inyo ni Gabby. 'Wag mo na ako sali."
"Hindi. May sasabihin ako. T-Tungkol do'n sa Fashion Circle—"
"Nga pala—"
"Ha?"
"Ano?" sabi ko. "Ikaw muna." Ang bungol ko talaga madalas.
"Ikaw muna," sabi niya. Kinain niya na nang buo 'yung sisiw. Ew. "Ako next."
"Okay," sabi ko. Huminga ako nang malalim. "Nag-text sa 'kin si Edwin."
Kinamot niya kilay niya. "Dis oras ng gabi?"
Tawa ako nang tawa ro'n. "Hiyang hiya naman siya sa 'yo. Ikaw nga nag-aaya pa kumain balut."
"May best friend privileges naman kasi ako. Siya wala," sabi niya habang nakangisi.
Napangiti ako at napailing-iling kasi tama siya. "Anyways," sabi ko. "Ano . . . niyayaya na niya 'ko."
"Saan?"
"Alam mo na," sabi ko. "Sa prom. Sayaw niya raw ako."
"Oh?"
Anong klaseng reply 'yon? Oh? Napaayos na lang ako ng upo saka humigop sa balut ko. Sarap talaga kaso nga lang hindi ko gaano ma-enjoy dahil kay Sav. For some reason kasi parang biglang bumigat 'yung hangin. Dapat ba 'di ko na lang sinabi?
"Ayun."
"So ano," sabi niya. "Papayag ka?"
Bakit gano'n siya sumagot? Usually dapat tutulakin niya ako, or susundutin tagiliran, or sasabihin niya ang harot ko. Pero hindi. Nakaupo lang siya, nakatingin sa balut, ngumunguya. Tahimik. Baka inaantok lang siya.
"Bakit mo ako biglang niyaya?" sabi ko. "Anong oras na."
"Nag-crave lang ako bigla sa balut."
"Dapat nag-balut ka na lang mag-isa mo."
"Gusto kitang istorbohin," sabi niya saka ako tiningnan. Napangiti ako nang wala sa oras.
"Ewan ko sa 'yo."
"Ano na nga? Hindi mo naman ako sinagot. Papayag ka ba?"
"E-Ewan ko . . ." sabi ko. Nag-isip pa 'ko ng sasabihin. "Mabait naman si Edwin. Matalino. Matangkad."
"OK."
"Anong OK ka diyan?!"
"Edi go!" sabi ni Sav. Ubos na balut niya kaya siya tumayo. "Basta dapat jowa mo na siya sa college."
Lintik. Ni hindi man lang ako pipigilan. Sabagay, bakit naman niya ako pipigilan e, may Gabby na siya? Napatahimik na lang ako habang nginangatngat 'yung matigas na part ng balut. Saglit din kaming natahimik. Sa sobrang tahimik namin, 'yung nagtitinda ng balut nagbalot na. Uunahan pa yata kaming umuwi.
"Ano . . . boto ka ba kay Edwin?" tanong ko na lang.
"Paki mo kung sino boto ko."
"Wow ah," sabi ko nang nakasimangot. "Sorry naman sa pagtanong ng opinyon mo BFF."
Umupo ulit siya sa tabi ko. "What if boto ko sarili ko?"
Nasamid ako bigla. Pinukpok-pukpok ko dibdib ko habang umuubo kasi sa maling butas ko nalunok 'yung kinakain ko. Walangya talaga 'to si Sav saka mga linyahan niyang nakakabaliw. Nakakainis. Kung anu-ano sinasabi. Umiinit mukha ko. Blush ba 'to?!
"Parang gago!" sabi ko saka umubo ulit. "Hindi ka ba kinikilabutan?"
"Hindi."
Nagtinginan kami saglit bago siya tumawa.
"Eto naman, hindi ka mabiro!" Hinampas niya 'ko. "'Yan ba dulot ng pagiging in love kay Edwin? Nagiging korni at slow?"
"'Yan ba dulot ng umaamin sa Fashion Circle habang lasing, nagiging nakakapanindig balahibo?" sabi ko. Tumayo na lang ako bigla tapos natahimik naman siya. Bumili na lang ako ng pepsi sa malapit na sari-sari store na bukas pa saka bumalik sa tabi ni Sav.
"Natahimik ka diyan," sabi ko.
"Uwi na tayo," sabi niya na lang.
Naglakad kami pauwi habang nakapamulsa siya at habang umiinom ako ng Pepsi. Ang tahimik niya na naiilang ako nang kaunti. May nasabi ba 'ko? Baka sensitive topic lang talaga sa kanya si Gabby?
"Uy," sabi ko. "Sorry na binring up ko si Gabby."
"Ano na naman sinasabi mo diyan?"
"Wala. Hindi ka kasi nagkukuwento sa kanya." Paubos na Pepsi ko. "P'wede ka mag-share sa 'kin ah."
Hindi na naman siya sumagot. Ano ba 'yan. Parang wala siya sa mood. Nakatingala siya sa langit.
"Ano pala 'yung sasabihin mo kanina?"
Tiningnan niya 'ko.
May iba talaga sa tingin niya ngayong gabi. Parang . . . hindi ko ma-explain. Parang may na-miss ako, or hindi napapansin. Pero may iba talaga sa kanya ngayon.
Ano'ng problema mo, Sav?
Hinintay ko lang sagot niya.
"Wala 'yun."
Nasa kanto na pala kami ng street namin.
"Ewan ko sa 'yo," sabi ko.
Hindi ulit siya nagsalita. Ano ba 'to, hindi ako mapakali.
"Uy," tawag ko. May problema ba? May nasabi ba 'ko? Ano'ng mali?
"Oh?" sabi niya. Nakasuot siya ng itim na shirt ngayong gabi, saka maong. Nakahawi rin patalikod ang buhok niya. Suot niya rin 'yung tsinelas niyang itim na ninakaw niya mula sa kapatid niyang lalaki.
Ewan ko kung bakit gustong-gusto ko si Sav. To the point na minsan parang nalulukot ako. Para akong timang. Feeling ko ang dami kong oras na sinayang dahil lang takot ako. Ngayon, nakatingin siya sa 'kin, naghihintay ng sasabihin ko, at wala akong ibang magawa kundi kumapit sa sariling damit.
Ang dami kong gustong itanong at sabihin. Napakagat ako sa sariling labi at nag-isip.
"Wala," sabi ko. "Ngats ka."
───────────────
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro