Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

chapter eight

viii. ang videoke, si sav, at si sof

s a v

───────────────

Bandang 10PM, nakakanta na si Sof ng Akin Ka Na Lang saka Ako na Lang. Tawang-tawa naman ako sa may gilid habang pinapanood siya kasi feel na feel niya masyado e; may papikit-pikit pa 'yan kasi siyang nalalaman. Sa sobrang tagal ko siyang pinapanood, nagulat na lang ako inaabutan na pala niya ako ng mic.

"Hoy, Sav! Gising. Ikaw naman kumanta."

Napatingin lang ako sa kanya ng ilang segundo bago kunin 'yung mic. Ano namang kakantahin ko? 

"Kantahin mo muna raw 'yung kay Edwin. Labas lang kami saglit."

Huh? Bakit? Saan sila pupunta? Aalis siya nang wala ako? "Ha?"

"On the Wings of Love yata 'yung kanya."

"Sa'n kayo punta?"

Si Edwin ang sumagot kahit 'di naman siya ang kausap ko. "Papakilala ko lang siya kay Lola."

Parang on instinct yatang nagngalit ang ngipin ko sa sinabing 'yon ni Edwin. Ipapakilala agad eh hindi pa nga niya girlfriend? Iniisip ko rin madalas saan nakakahanap ng lakas ng loob 'to si Edwin, e. Humigpit na lang ang pagkakahawak ko sa mic at pinanood silang dalawa na maglakad palayo. Hindi ko na rin kinanta 'yung On the Wings of Love kasi medyo nabadtrip ako kaya tumayo na lang din ako saka tumambay sa may tapat ng bahay nila.

Tangina.

"Uy. Senti ah?"

May tumabi sa 'kin habang umiinom ako ng alak sa isang baso. Pagkalingon ko, si Gabby pala.

"Gab. Kakanta ka ba?"

Napatawa siya nang kaunti. "Hindi, 'no. Nahihiya ako."

"Mahiyain ka talaga, 'no?"

"Tama lang."

"'Di ba dati kumanta ka sa Christmas Party? Ano ngang kanta 'yun — You Belong with Me?"

"Oh my God, Sav, ang tagal na niyan!" bulalas niya saka mahina akong pinalo sa braso. "Gusto ko na lang ibaon sa limot."

"Bakit naman? Ganda kaya ng boses mo. Kanta ka nga do'n."

"Pinapaalis mo 'ko agad, kakatabi ko lang ah."

Tumawa ako.

"Hirap mo lapitan eh . . . kasama mo lagi si Sof."

Tiningnan ko siya  habang nakaiwas siya ng tingin. Napunta rin naman ang tingin niya sa 'kin, pero nag-iwas din ako. Ewan ko ba. Sa tuwing naaalala ko kasing umamin siya sa 'kin noon, naiilang talaga 'ko. Hindi na rin naman kasi news na habulin talaga si Gabby kaya nakakagulat na sa 'kin lang pala siya magkakagusto. Kung ano meron ako na wala sa iba, hindi ko alam. Lagi sa 'king nginungodngod ni Bry na ang tanga ko raw para i-reject si Gabby nang dalawang beses, pero parang hindi naman gano'n katanga magkagusto sa nag-iisang si Sof.

"Sorry." Ewan bakit ako nag-sorry. "May gusto ka ba sabihin?"

"Huh? Wala naman . . . gusto ko lang tumabi. Medyo maingay na kasi ro'n."

"Ah . . . oo nga e. Ayaw mo kasi kumanta para matameme sila."

Tiningnan niya ako saka tumawa. "Puro ka biro. Saan pala si Sof?"

Napakagat lang ako ng labi saka napahigit ng hininga. "Ayun . . . kasama si Edwin. Pinapakilala raw."

"Pinapakilala? Sila na ba?"

"Ewan. Baka."

"Paano ka na?"

"Ha?" gulat kong sagot.

"'Di ba kaya mo ako ni-reject dahil gusto mo siya?"

Napanganga ako at parang lahat ng mga pwede kong sabihin tumakas mula sa utak ko. Kumunot noo ko. Sinara ang bibig. Umiwas ulit ng tingin. "S-Saan mo naman nahagip 'yan?"

"Sav," sabi niya nang may malamlam na ngiti. "Hindi ako tanga, 'no."

Napakurap ako saka napahilamos ng mukha habang nakaiwas pa rin ng tingin. Bigla na lang lumamig ang paligid saka sumikip ang dibdib ko. Gano'n ba ako kahalata? Or masyado lang akong pinagtutuunan ng pansin ni Gabby dahil gusto niya 'ko? 

"Wala ka bang balak sabihin sa kanya?" tanong niya pa.

"Hindi ko . . . hindi ko masyado iniisip," sabi ko. "Natatakot kasi ako sa posibleng datnan, e."

"Parang ninanakawan mo naman 'yung sarili mo ng chance na magkaroon ng feelings na heard at reciprocated." 

"Sorry. Duwag lang."

"Hanggang  kailan?" sabi niya. "Alam mo bang umamin pa rin ako sa 'yo kahit alam kong si Sof naman talaga? Kasi bukod sa gustong-gusto kita, ayokong pakawalan 'yung sobrang liit na chance na baka pwede. Ayokong magkagusto in silence." Niyakap niya ang tuhod niya. "Kung sasayangin ko ang buhay kong nagkakagusto sa isang taong hindi ako gusto, at least sinasayang kong alam kong alam niya. Wala akong what if's o pagsisisi."

Tumahimik kami parehas pagkatapos niya sabihin ang lahat ng 'yon. 

"Sorry," basag ko sa katahimikan. Hindi ko alam kung para saan 'yang sorry ko. Dahil ba hindi ko maibalik 'yung feelings na deserve naman ng tulad ni Gabby? Dahil tatanga-tanga ako? Dahil duwag ako habang naging sobrang tapang niya para sa 'kin? Ewan ko. Siguro para sa lahat ng dahilan na 'yan. 

Tumawa lang siya. "Hindi naman ako worthy ng sorry. Nagkagusto lang ako. Na-reject. Human experience."

Ngumiti na lang din ako, at sakto, narinig ko ang tawa ni Sof mula sa malayo. Parang twenty minutes lang siya nawala pero hinahanap-hanap ko na siya agad, lintik na pangungulila 'to. Mukhang narinig na rin 'yon ni Gabby kaya tumayo na siya.

"Nandiyan na sundo ko," sabi niya. "O, pa'no? See you na lang bukas ah."

"Sige," sagot ko habang nakangiti. "See you, future Prom Queen."

Tumawa siya saka nagpailing-iling. "Kahit kailan ka talaga."

Nang makaalis na si Gabby, tumayo na rin ako saka hinanap kung nasa'n si Sof. Nasa may sala uli siya sa tapat ng videoke, pero wala si Edwin. Ewan ko kung anong sumanib sa 'kin pero hinanap ko si Edwin, at nakita ko nga siya sa may kusina.

"Huy. Musta?" sabi ko. "Boto ba lola mo kay Sof?"

Nginitian ako ni Edwin. "Interisado ka ah."

"Malamang. Best friend ko 'yun, 'no."

"Best friend nga lang ba talaga?"

"Ba't ba puro kayo ganyan?" Napaupo ako sa may lababo. "Ayos ka rin, e. Pinakilala kahit 'di mo naman girlfriend."

"Correction: hindi pa."

Amp. "Tigas ah." Naurat ako nang kaunti. "Seryoso ka talaga kay Sof, 'no?"

"Oo." Nagsalin siya ng alak sa baso niya. Umiinom din pala si Edwin. "Ikaw?"

"Ha? Anong ako?"

"Seryoso ka ba kay Sof?"

Sa hindi malamang dahilan, kinabahan ako. "Ba't ako kasama sa usapan?"

Tawa ang sinagot ni Edwin. "Ewan? Ikaw lang naman karibal ko eh."

Napasinghal ako saka nag-iwas ng tingin. Bumaba ako sa lababo. "Pinagsasabi mo diyan."

"Okay lang magtanga-tangahan. At least mauunahan kita," pang-aasar niya.

Iinom na sana siya pero kinuha ko sa kanya 'yung baso. Uminom ako. Saglit na walang nagsalita sa amin.

"Hoy," sabi ko.

"Ano?"

"Seryoso rin ako," sabi ko saka hinigpitan ang pagkakahawak sa baso. "Kay Sof."

Dahan-dahan, may ngiti na sumalpak sa mukha ni Edwin. Inakbayan niya 'ko. "E 'di ipahalata mo."

"Unlike naman kasi sa 'yo, wala kang iniingatang friendship."

"Sa pag-iingat mo masyado sa pagkakaibigan n'yo na 'yan, napapabayaan mo na 'yung posibleng tsansa sa future na pwedeng maging kayo," sabi niya. "Pero bakit naman kita bibigyan ng advice? E di naagawan mo pa 'ko."

Bakit ba ang hilig nila bigyan ako ng mga talata na nagpapa-stress lang sa 'kin lalo? Kada sermon nila sa 'kin, mas nare-realize kong ang dami ko nang nasasayang na oras. Bakit ba ako nag-settle sa friendship lang? Bakit hindi ko ni-risk para sa posibleng kami?

Tinanggal ko na lang ang akbay ni Edwin saka pinuntahan si Sof na kumakanta na naman ng Kailan ni Khalil Ramos. Ang drama ng babaeng 'to. Ang cute ng sweater niyang kanina pa niyang umaga suot. Ang cute din ng buhaghag niyang buhok. Ng ngiti niya. Para akong nanghihina. 

Masama bang gustuhing sana akin na lang siya? Na sana 'wag na siyang tumingin kay Edwin. Na hindi na niya kailangang umiyak sa mga callers ni Papa Jack. Nandito naman kasi ako, e. Duwag lang. Pero nandito ako.

Ba't kasi hindi na lang ako?

───────────────






Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro