Ulong Pugot
LARAWAN ng pagkagulat si Nato nang makita ang ulong pugot na naka-display sa altar. Ayon sa amo niyang si Lolo Sergio, isa umanong bampira ang may-ari ng ulong iyon. Napatay ito noon ng matanda at idinisplay nito sa bahay ang ulo.
Marami pang nakitang kakaiba si Nato sa bahay, tulad ng mga patalim na ginagamit daw sa pagpaslang noon sa mga aswang, pati na ang mga agimat na nakasabit sa dingding. Pero ang nagbigay talaga ng kilabot sa kanya ay ang pugot na ulo ng bampira.
Bakit naman kaya idinisplay pa ng matanda sa bahay nito ang ulong pugot?
"Sisiw na lang sa akin ang pumaslang ng mga aswang noong kapanahunan ko. Pero ang bampirang ito ang bukod tanging elemento na nahirapan akong paslangin. Napakalas niya. Sobrang makapangyarihan. Mabuti na lang at mas lamang ako ng diskarte sa kanya kaya natalo ko siya. Pero hindi biro ang kapangyarihan niya. Kaya niyang buhayin ang kanyang sarili kahit ilang beses mo siyang patayin," salaysay ni Lolo Sergio.
Nilalagyan nito ng bawang sa bibig ang ulo ng bampira upang hindi na makabalik sa katawan. Linggo-linggo ay pinapalitan ng bawang ang bibig nito. Medyo masakit na rin sa ilong kapag inamoy nang malapitan.
Ayaw sanang maniwala ni Nato sa kuwento ng matanda, pero nang hawakan niya ang ulo at pagmasdang mabuti, totoong ulo nga ito ng tao...o ng isang bampira. Sa hitsura at amoy pa lang, halatang tunay na ulo talaga.
Marami pang ipinakita sa kanya ang matanda. Tulad ng mga nakumpiskang manyika na ginagamit ng mga sinaunang mangkukulam noong unang panahon. Pati na rin ang mga lumang libro na naglalaman ng iba't ibang ritwal na pantawag ng Demonyo.
"Magkamali ka lang ng basa, baka may Demonyo kang mapakawalan." Kaya dapat ay maging maingat daw sa paggamit ng mga librong iyon.
Sa isip-isip ni Nato, malabo rin namang may mapakawalan siyang Demonyo. Bukod sa hindi siya interesado sa mga paksa tungkol sa kababalaghan ay wala rin siyang hilig sa pagbabasa ng mga libro.
Sinasakyan lang niya ang bawat sinasabi ng matanda. Hinahayaan niya itong magkuwento nang magkuwento. Nakakatulong din kasi iyon upang mapanatiling matibay ang memorya ng matatanda.
Sabi pa ni Lolo Sergio, nasa angkan na raw nila ang pagkakaroon ng angking lakas upang labanan ang mga aswang. Naputol lamang ang tradisyong iyon nang isilang ang anak nitong si Danilo na lumaking sarado ang isip sa kababalaghan.
"Palibhasa lumaki siya sa poder ng ina niya kaya doon nagmana. Hiwalay na kami ng asawa ko noong isilang siya kaya hindi ako nabigyan ng pagkakataon na makasama ang anak ko. Masuwerte nga ako dahil pinayagan niya akong makipagkita kay Danilo paminsan-minsan. Mabuti na lang din at naalala pa rin ako ng anak ko kahit ngayong matanda na ako."
Kaya nga pinadala ni Danilo si Nato sa bahay upang maging caregiver ni Lolo Sergio. Dahil sa kawirduhan ng matanda, ayaw na itong pakisamahan ng sariling anak kaya ipinaubaya na lang sa ibang tao. Nagpapadala na lamang ng pera ang lalaki para sa mga pangangailangan ng matanda.
Trabaho ang dahilan kung bakit nandoon si Nato. Kailangan niyang pakisamahan ang matanda kapalit ng offer sa kanya ni Danilo.
Napag-usapan kasi nila na kapag pumanaw na si Lolo Sergio, makakakuha siya ng kalahating milyong piso bilang kabayaran sa pag-aalaga rito. Bukod pa roon ang buwanang suweldo na matatanggap niya.
Sa isip-isip niya, ganoon yata talaga kapag mayayaman; pera-pera na lang ang lahat.
Lahat ng bagay idinadaan sa pera.
Pinaiikot ang mundo sa pera.
Base sa kalagayan ng matanda, mukhang malapit na rin naman itong mamatay. Naka-wheelchair na lamang ito at hindi na rin magawang kumain mag-isa. Bagama't nakapagsasalita pa ng diretso ay mababakas na rin sa kilos nito ang nalalabing hininga. Halos lumabas na ang mga ugat sa labis na katandaan.
Sobrang payat na ng matanda. Hindi na rin ito malakas kumain. Mukhang mapapadali na lang talaga ang buhay nito kaya hindi na dapat mainip si Nato. Konting tiis lang at darating din ang kalahating milyon.
Kung puwede lang sana niyang lasunin ang matanda para makaalis agad sa bulok na bahay nito, pero hindi naman siya ganoon kasama para gawin iyon.
Marami pang ikinuwento sa kanya si Lolo Sergio. Ibinahagi pa nito sa kanya kung paano nito naingkuwentro ang malupit na bampira.
"Haduro ang pangalan ng bampirang iyan. Isa siya sa mga bampirang napadpad dito sa bansa para ikalat ang kanilang kapangyarihan. Hindi siya 'yong tipo ng bampirang naninipsip ng dugo sa leeg. Siya ay isang bampira na ginagamit ang pangil para ipasa sa iba ang dugong-bampira. Nagpaparami sila ng lahi. Pati ang mahal kong bansa ay sinakop nila. Mabuti na lang at napatay ko ang bampirang ito kaya nahinto ang pagkalat ng kanyang lahi."
Sabi pa ng matanda, gusto raw siyang gantihan ng bampirang ito. Sa oras na matanggal ang bawang nito sa bibig ay maaari itong makabalik sa katawan at makapaghasik muli ng lagim.
"Kaya huwag mo kalilimutang palitan ang bawang kada linggo. Kapag mas sariwa ang bawang ay mas mabisang pantaboy. Huwag na huwag mo hahayaan na mawalan ng bawang ang bibig ng bampirang 'yan." Ang sama pa ng titig ng matanda sa ulo ng bampira.
Tumango na lamang si Nato, pagkatapos ay iginuyod ang wheelchair patungo sa kuwarto nito. Maingat niyang binuhat ang matanda at inihiga sa kama nito.
Itinupi niya ang wheelchair at itinabi sa gilid ng kama. Lalabas na sana siya nang magtawag muli ang matanda at itinuturo ang bandang puwitan nito.
Ilang sandali pa'y bigla na lang nakaamoy ng mabaho si Nato. Pagkalapit niya sa matanda, pasimple siyang napakamot ng ulo sa inis.
Kung puwede lang sanang tagalinis na lang ng bahay ang trabaho niya at hindi na kailangang maghugis ng puwit ng matanda.
Hirap na hirap si Nato sa paghugas sa matanda. Inilipat muna niya ito sa sala at pinalitan ang kutson ng kamang nabahiran ng dumi. Imbes na kusina na lang ang wawalisan niya ay nadagdagan pa ang lilinisin niya.
Buhay nga naman. Ngayon ay naiintindihan na niya kung bakit ayaw alagaan ng sariling anak si Lolo Sergio. Bukod sa iba na ang takbo ng isip nito ay hindi na rin pala nito namamalayan ang paglabas ng dumi sa katawan.
Pero hindi na bale. Kung kalahating milyon lang din naman ang kapalit nito ay handa siyang magtiis makuha lang ang halaga na puwedeng makapagpabago sa buhay niya.
Gabi na niya ibinalik sa kuwarto si Lolo Sergio. Siya naman ay nagpunta sa kabilang kuwarto para doon matulog. Titiisin na lang niya ang takot na matulog mag-isa kaysa marinig ang malakas na hilik ng matanda na daig pa ang alulong ng halimaw.
Sa pagdaan ng mga araw ay naging tutok sa trabaho si Nato. Magdidilig ng halaman sa umaga, maglilinis ng bahay sa tanghali, mamamalengke, magluluto ng pagkain, magpapalit ng damit ng matanda, maglalaba, at higit sa lahat ay magpapalit ng bawang sa bibig ng bampira.
Dumaan ang isang buwan ay palaging ganoon ang daily routine ni Nato. Unti-unti na rin siyang nakapag-adjust sa kakaibang environment ng bahay hanggang sa masanay. Natuto na siyang labanan ang inip at takot. Wala rin naman kasi siyang ibang magagawa o mapupuntahan sa lugar na iyon.
Isang araw, tinanggal niya ang bawang sa bibig ng bampira na nalipasan na ng isang linggo. Nagtungo siya sa kusina para kumuha ng panibagong bawang nang tumunog ang kanyang telepono.
Kaibigan niya sa ibang bansa ang tumawag. Nangangamusta lang pala. Inabot pa sila ng mahigit isang oras sa pag-uusap. Pagkatapos nito ay sumunod namang tumawag si Danilo at nangamusta rin sa kalagayan nila sa bahay.
"Heto okay naman kami, Boss. Wala po kayong dapat ipag-alala sa tatay n'yo. Alagang-alaga ko siya rito. Pinapakain ko siya ng masusustansiya. Siguradong hahaba pa po ang buhay niya," makahulugan niyang biro. Alam naman kasi niyang kahit ang lalaki ay ayaw na ring humaba pa ang buhay ng ama.
Pagkatapos ng kanilang pag-uusap ay nagtawag na naman ang matanda sa kuwarto nito. Pagpasok niya sa silid, sumalubong agad sa kanya ang napakabahong amoy. Alam na niya ang ibig sabihin niyon. Kailangan na naman niyang hugasan ang matanda at palitan ang kutson.
Sa sunod-sunod na pag-atake ng mga gawain ay nakalimutan na niyang palitan ng bawang ang bibig ng bampira. Naiwang nakabuka ang bibig nito sa altar at walang bawang sa loob.
Gabi na natapos sa trabaho si Nato. Napagod siya sa paglinis ng kutson. Mabuti na lang at mahimbing na ang tulog ng matanda kaya makakapagpahinga na rin siya.
Isa-isa niyang isinara ang mga bintana at pinto. Pagkuwa'y nagtungo na siya sa kanyang silid para magpahinga. Bagsak agad sa kama ang katawan niya. Ramdam pa niya ang pagpintig-pintig ng katawan gawa ng pagod.
Nasa puntong ipipikit na niya ang dalawang mata nang biglang mag-brownout. Napabalikwas siya nang bangon at dali-daling sinindihan ang flashlight ng kanyang cellphone. Naghanap siya ng posporo at sinindihan ang kandila sa kanyang silid.
Sunod naman siyang nagpunta sa kuwarto ng matanda para bigyan ito ng ilaw. Ngunit paghawak niya sa pinto, nagtaka siya dahil nakakandado ito sa loob.
Napakunot siya ng noo. Hindi niya kinakandado ang silid ng matanda para madali siyang makapasok kung sakaling kailanganin siya nito. Hindi rin naman puwedeng ang matanda ang tumayo para ikandado ito. Labis siyang nahiwagaan.
Mahinahon niyang kinuha ang susi ng silid na nasa kusina at pagbalik ay agad niyang binuksan ang pinto.
Pagbukas niya rito, halos itulak siya ng napakalakas na hangin na lumabas mula sa silid. Kasunod niyon ang pagmulagat ng dalawa niyang mata sa nakita.
Si Lolo Sergio, dilat ang mga mata. Wala nang hininga. May bakas ng kagat sa kaliwang leeg. Habang ang isang misteryosong lalaki na naka-itim ay nakapatong sa harap nito.
Hindi mabilang na kilabot ang dumapo sa kanya pagkaharap ng lalaking nakaitim. Sumilay ang maputi nitong mukha, mapulang mga mata at matutulis na pangil.
"B-b-bampira!" halos mautal siya sa takot. Ito ang nilalang na tinutukoy ng matanda sa kuwento nito noon... Si Haduro!
Sinarado niya ang pinto ng kuwarto at kumaripas ng takbo patungo sa labas. Ngunit pagbaba niya sa hagdan ng balkonahe, bumulaga sa kanya ang bampirang nakaharang sa pinto. Nag-aapoy sa galit ang mga mata nitong nakatitig sa kanya. Para bang gutom na gutom ito at hindi nakatikim ng dugo sa loob ng mahabang panahon.
Nanginginig ang mga paang tumakbo siya patungo sa kusina. Halos madapa pa siya sa tindi ng takot. Ngunit pagkarating niya roon, nakaharang naman ang bampira sa pinto na maaari niyang labasan.
Ibinuka nito ang bibig at inilabas ang matatalim na mga pangil. Nangilabot si Nato habang pinagmamasdan ang bibig nito na puno ng bakas ng dugo.
Habang lumalapit ang bampira ay lalong lumalakas ang kabog ng dibdib niya. Bumigay ang mga tuhod niya at napaluhod sa sahig. Hindi na niya alam kung saan pa pupunta. Lahat na lang ng puwede niyang daanan ay hinaharangan ng makapangyarihang bampira.
Akmang hahawakan na siya ng bampira nang mapaatras ito habang pinagmamasdan ang kuwintas na suot niya.
Paghawak niya sa kuwintas ay naalala niyang isang krus pala iyon. Sa pagkakataong iyon ay nasilayan niya ang kaunting takot sa anyo ng bampira.
Doon siya nagkaroon ng lakas ng loob para tumayo. Hinubad niya ang kuwintas na krus at ipinalupot sa kamao niya. Lalong umatras ang bampira nang makahalata ito sa balak niyang gawin.
Akmang susugurin na niya ito nang biglang magpakawala ng malakas na sigaw ang bampira. Isang sigaw na nagpalutang sa kanya sa ere at itinapon siya palayo. Sa tindi ng pagkakabagsak niya ay kumawala ang kuwintas sa kamay niya. Dahil sa dilim ng paligid ay hindi na niya ito makita.
Natuwa ang bampira at muling lumakad palapit sa kanya. Wala na siyang laban. Dali-dali siyang tumayo at tumakbo paakyat sa ikalawang palapag ng bahay kung saan nakasabit sa pasilyo ang mga armas at patalim na pag-aari ni Lolo Sergio.
Dinampot niya ang isang palakol at naghanap ng mapagtataguan.
Narinig niya ang yabag ng mga paa ng bampira. Naglalakad ito sa pasilyo at tila hinahanap siya. Dinig pa niya ang nakapangingilabot nitong ungol na animo'y tinig ng isang mabangis na hayop.
Inihanda niya ang sarili. Hinayaan niyang nakabukas ang pinto ng silid na pinagtataguan niya. Doon siya sumandal sa gilid ng pintuan habang nag-aabang sa pagpasok ng bampira.
Hinawakan niya nang mahigpit ang palakol. Nilakasan niya ang pakiramdam. Bawat yabag ng mga paa'y pinakikiramdaman niya kung saan pupunta. At narinig niyang papunta nga ito sa bukas na silid.
Napabuga siya ng malalim at pinagpag ang lahat ng takot sa katawan.
Sa pagpasok ng bampira sa pintuan, agad niyang hinataw ng palakol ang leeg nito. Gumulong-gulong pa sa pasilyo ang napugot nitong ulo. May ilang segundo pang nangisay ang katawan nito bago bumagsak sa sahig.
Dali-dali niyang dinampot ang ulo at dinala sa kusina. Kumuha siya ng bawang at ipinasok sa bibig nito.
Nang maibalik niya sa altar ang ulo ng bampira, awtomatikong bumagsak ang katawan niya sa sahig dahil sa pagod.
Napasandal siya sa dingding at hinabol ang hininga. Natulala na lamang siya sa mga nangyari. Naiwan ang halu-halong emosyon sa kanyang anyo: sindak, takot, hilakbot, pagtataka, lungkot.
Dahil sa malagim na pangyayari, hindi na niya alam kung paano pa haharapin ang bukas. Paano niya lilinisin ang bakas ng lagim na iniwan ng bampira? Paano niya ipapaliwanag ang pagkamatay ni Lolo Sergio?
Biglang bumagsak ang ulong pugot sa paanan niya. Halos mapasigaw siya at sinipa palayo ang ulo. Sa lakas ng pagkakasipa ay natanggal ang bawang sa bibig nito.
Kinabahan siya. Agad niyang dinampot ang ulo at nangapa sa paligid para hanapin ang bawang. Hindi puwedeng mawala ang bawang. Ngunit sa dilim ng paligid ay hindi na niya maaninag kung saan gumulong ang bawang.
Sa kawalan ng pag-asa ay napatitig siya sa ulo ng bampira. Ganoon na lang ang pagkasindak niya sa bigla nitong pagdilat. Nagpakawala ito ng nakapangingilabot na ngisi. Kasunod niyon ang nagmamakaawang sigaw ni Nato na umalingawngaw sa buong paligid.
Wakas.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro