Sumpa
SUKDULAN ang pagkahilig ni Paula sa pera. Wala siyang iba na gustong makuha kundi pera. Iyon ang tanging bumubuhay sa kanya. Pakiramdam niya ay mawawalan siya ng buhay kapag naubusan ng pera.
"Babe, malapit na ang birthday ko," paalala niya sa nobyong si Bryan habang kumakain sa isang restoran.
"Siyempre naman hindi ko nakakalimutan 'yon, babe. Ano ba'ng gusto mong regalo?"
"Babe, hindi regalo ang kailangan ko. Pera lang sana ang gusto ko."
"What?" biglang natawa ang lalaki. "Are you serious, babe? Ayaw mo ba ng flowers? Chocolates? Malaking teddy bear? Kaya kong bilhin lahat 'yon sa 'yo!"
"No need na, babe. Gagastos ka pa, eh. Imbes na gastusin mo 'yong pera na ipambibili mo ng gano'n, eh, ibigay mo na lang sa akin...tapos ako na bahala bumili ng gusto ko. Sige na, babe. Please?"
Kapag ganoon na ang boses ng nobya, wala nang magagawa ang lalaki kundi ang sumunod.
"O-Okay then... Cash na lang ang ibibigay ko sa 'yo sa birthday mo." Nabawasan ang ngiti sa mga labi ng lalaki.
Si Paula naman, tuwang-tuwa. Daig pa ang nanalo sa lotto. "Wow! Thank you so much, Babe!"
Balak sana ibinili ni Bryan ng sampung malalaking box ng chocolate ang babae, na may kasamang isang balot ng malaking rosas. Pagkuwa'y ilalagay niya ito sa loob ng sasakyan, para paglabas nila ng bahay at isasakay na niya ang babae ay magugulat ito sa mga surpresang naghihintay sa loob.
Subalit nasira ang lahat ng plano niya nang ideklara ng babae na pera lang pala ang gusto nitong matanggap.
Pagdating nga ng kaarawan ni Paula, ibinigay na lamang ni Bryan ang sampung libo na ipambibili sana niya ng bonggang regalo para sa babae. Pagkatapos ay iyon lang. Gumala na lang sila sa mga pasyalan at kumain. Siya pa ang gumastos sa lahat ng pinuntahan nila dahil ayaw bawasan ng babae ang sampung libo na ibinigay niya.
Nahihiyang aminin ni Bryan na hindi siya nag-enjoy sa celebration na ginawa nila ng babae, pero ang babae naman ay tuwang-tuwa dahil sa iniregalong pera ng nobyo. Ito na yata ang pinakamasayang babae nang araw na iyon...dahil sa pera.
Ganoon talaga si Paula. Hindi siya tumatanggap ng materyal na bagay kahit kanino. Mas gusto niya kapag pera ang inireregalo sa kanya. Hindi raw kasi niya kailangan ng mga gamit o bagay na balang araw ay mapaglilipasan lang din. Para sa kanya, kapag may pera puwede mong makuha ang lahat. Hangga't may perang umiikot sa kamay niya, hinding-hindi siya mawawalan ng kaligayahan.
Abala sa panonood ng TV si Paula nang may kumatok sa pinto. Pagbukas niya, bumungad ang kapitbahay nila na may dalang isang llanera ng leche flan. "Para sa inyo ng nanay mo!"
"Wow! Thank you po, Manang!"
Grabe ang paglalaway ni Paula habang pinagmamasdan ang leche flan na may strawberry sa ibabaw. Dinala niya iyon sa kusina para sana hatiin nang magbago ang isip niya. Kung hahatian pa niya ang ina, siguradong kulang pa sa kanya ang matitira.
Naisip niya, hindi na dapat pinapakain nang ganito ang nanay niya dahil masyado itong matamis. Baka makasama pa sa kalusugan ng matanda.
Hindi na niya inabala pa ang inang nasa loob ng kuwarto. Agad niyang kinain ang buong llanera ng leche flan habang nanonood ng TV.
Kinabukasan, ipinangbili niya ng bagong smartphone ang sampung libo na iniregalo ng nobyo. Nanghingi pa siya nang sumunod na araw sa lalaki ng limang libo. Gagamitin daw niya para sa mahalagang lakad na kailangang asikasuhin.
Alam na ni Bryan ang totoong dahilan ngunit pinilit niyang huwag na lang magsalita. Ibinigay agad niya sa babae ang halaga na hinihingi nito kahit labag sa loob niya. Kilala kasi niya kung magalit ang babae. Kahit gahaman ito sa pera, hindi pa rin niya ito kayang iwanan. Ganoon niya kamahal ang babae.
Ipinang-shopping ni Paula ang limang libo nang sumunod na araw. Bigat na bigat siya sa dami ng mga dala paglabas sa Mall.
Mag-isa siyang nakapila sa sakayan ng jeep. Habang wala pang tao, inilabas niya ang wallet sa bulsa at binilang kung magkano pa ang natira. "500 na lang? My gosh! Kailangan ko na namang humingi kay Bryan nito!"
Habang nag-aabang ng masasakyan pauwi, may lumapit na matandang babae sa kanya. "Kahit magkano lang, ineng."
Sinimangutan niya ang matanda. "Sorry! Wala akong pera!"
Pero mapilit ang matanda. "Kahit magkano lang tatanggapin ko, ineng. Gutom na gutom na kasi ako. Parang awa mo na..."
Madaling uminit ang ulo ni Paula lalo na sa mga hindi kakilala. "Ano ka ba! Sinabi na ngang wala, eh! Ba't ang kulit mo! Doon ka sa basurahan maghanap ng pagkain! Umalis ka na nga! Kasalanan mo kung bakit ganyan ang buhay mo!"
Gumuhit ang makahulugang ngiti sa mga labi ng matanda. "Mag-ingat ka sa ugali mong 'yan, ineng. Baka 'yan ang ikasira ng buhay mo. Baka mas mahirap pa sa kalagayan ko ang danasin mo." Dali-daling tumalikod ang matanda at naglakad palayo.
Kung hindi lang ito agad umalis ay baka lalo pa itong binara ni Paula. Gusto pa nga niyang sundan ang matanda para sagutin ito, pero hinayaan na lang niya at inisip na mas lamang pa rin siya rito ng estado sa buhay. Hindi dapat siya nagpapa-apekto.
"Basta't mabababang tao talaga walang magawa sa buhay kaya ayan ang napapala!" bulong niya sa sarili.
NABAHALA si Paula pagkauwi nang maabutang inaapoy ng lagnat ang kanyang ina. Nanginginig ito sa kinahihigaang kama at namumutla ang mukha. Isinugod agad niya ito sa ospital.
Lalo siyang nanlumo nang sabihin ng duktor na kailangan pa raw nitong manatili ng ilang araw sa ospital. Hindi pa rin nagbabago ang kalagayan ng kanyang ina. Medyo hirap din itong huminga dahil sa tindi ng ubo.
Sumakit ang ulo ni Paula nang makita ang mga kailangang bayaran para sa gamot at treatments ng ina. Bukod kasi sa pneumonia ay nagkaroon din ito ng iba pang komplikasyon sa katawan.
Napilitan siyang gastusin ang iba pa niyang naipon para lang sa pagpapagamot ng ina. Ngunit sa huli ay nauwi rin sa wala ang lahat. Pasadong alas-diyes ng umaga nang bawian ng buhay ang kanyang ina. Hindi na raw kinaya ng katawan nito ang mga komplikasyon.
Gumuho ang mundo ni Paula. Labis na nagpasikip sa kanyang dibdib ang pagkamatay ng ina. Sa tuwing maiisip niya kung gaano kalaki ang ginastos sa ospital ay parang papanawan siya ng ulirat. Hindi pa kasi tapos ang gastos niya. Kailangan pa niyang gastusan ang burol at libing nito.
Dahil malaking pera ang nawala sa kanya, napadalas tuloy ang panghihingi niya ng pera sa nobyo. Kapag hindi napagbigyan ang gusto ay agad siyang nagtatampo rito at nagbabantang iiwanan ang lalaki.
Bigay rin naman nang bigay si Bryan. Hanggang sa dumating ang araw na siya rin ang sumuko. Hindi na niya kaya ang ugali ng babae. Ilang beses na niyang niloloko ang sarili sa paniniwalang mahal pa siya nito. Ang totoo, pera lang ang talagang minahal sa kanya nito.
Siya na mismo ang nakipag-breakup sa babae. "I'm sorry, Paula." Iyon ang huli niyang litanya bago tinalikuran ang babae.
Walang nagawa si Paula. Hindi na niya puwedeng habulin at pagbantaan ang lalaki dahil ito na mismo ang kumalas sa kanilang relasyon.
Sunod-sunod ang kamalasang dumating kay Paula. Namatay ang kanyang ina. Iniwan siya ng nobyo. Malaking pera ang nawala sa kanya. Halos isumpa niya ang mundo sa galit. Lahat ng hindi magandang nangyari sa kanya ay isinisi niya sa mundo at sa langit.
Mag-isa na lang siya sa bahay. Lahat ng mga kaibigan ay tinawagan na niya para magpasama sa bahay ngunit wala sa mga ito ang sumipot. Napamura na lang siya sa galit. Kung kailan niya kailangan ang mga kaibigang ito ay doon pa hindi mahagilap.
Nilakasan niya ang loob. "Hindi ko kayo kailangan! Kaya kong mabuhay mag-isa!"
Iyon nga ang ginawa ni Paula. Lahat ng mga gamit na puwedeng ibenta sa bahay ay ibinenta na niya mabawi lang ang halagang nawala sa kanya. Subalit tila kay ilap yata ng panahon at wala pa sa kalahati ang naipon niya. Hindi iyon sapat para mabuhay siya ng isang buwan nang nag-iisa.
Sa pagkain at gastusin pa lang araw-araw ay ubos agad iyon. Hindi na siya makakakuha ng para sa pansariling kaligayahan niya.
Isang araw, nagising na lang si Paula dulot ng mga sigawan sa labas. Pagsilip niya sa bintana, nilalamon na pala ng apoy ang isang bahay na malapit sa kanila. Sa sobrang lakas ng apoy, madali itong kumalat at nadamay pa ang ibang mga bahay.
Naalarma si Paula nang makitang papalapit na rin ang apoy sa kanilang bahay. Dali-dali siyang nag-empake ng mahahalagang mga gamit at nilisan ang bahay bago pa ito madaanan ng apoy.
Sa pagkakataong iyon, pati bahay ay nawala na rin kay Paula. Kasamang natupok ng apoy ang kanyang tirahan.
Dahil sa mga kamalasang dumating sa kanya, unti-unting nagbago ang takbo ng isip niya. Naging mainitin ang ulo niya at lahat ng makasalubong sa daan ay sinisigawan niya.
Parang baliw na nga ang tingin sa kanya. Hindi na niya alam kung saan pupunta at kung saan titira. Wala nang may gustong tumanggap sa kanya mula nang mawalan siya ng pera.
Hanggang sa dumating ang araw na tuluyan na siyang nagpagala-gala sa kalsada. Kada araw ay palipat-lipat siya ng lugar na matutulugan: sa ilalim ng tulay, sa gilid ng simbahan, sa tabi ng paaralan. Kung saan-saan siya napunta ngunit palaging may isang tao ang nagpapaalis sa kanya at sinasabing bawal daw manatili roon.
Isang hapon, nakasalubong niya sa kalsada ang pamilyar na matandang babae. Ito ang matandang namalimos noon sa kanya. Dali-dali niya itong nilapitan at binati. Ngunit iba ang tono ng matanda sa kanya.
"Bakit nandito ka? Ano'ng ginagawa mo rito? Bakit ganyan ang suot mo? Daig mo pa ako, ineng! Hinigitan mo pa yata ako!"
Gusto mang magtaray ni Paula ay hindi niya puwedeng gawin. Wala na siyang ibang iniisip kundi ang makahingi ng tulong.
"Natatandaan n'yo pa po pala ako, Lola. Sana po mapatawad n'yo ako sa mga nasabi ko sa inyo noon. Kung kinukulam n'yo man po ako ngayon sana tanggalin n'yo na po. Alisin n'yo na po ang sumpa n'yo sa akin. Ayaw ko na po ng ganitong buhay."
Ngumisi lang ang matanda. "Wala akong maitutulong sa iyo, ineng. Bilog ang mundo. Hindi natin mapipigilan ang pag-ikot nito, pati ang takbo ng buhay."
Muli siyang tinalikuran ng matanda at naglakad palayo. Sa sobrang inis ni Paula ay sinundan niya ang matanda at hinawakan ito sa balikat.
Pagharap ng matanda ay nagulat si Paula sa nakita. Hindi mukha ng matandang babae ang nasa harap niya, kundi mukha ng isang kasuklam-suklam na halimaw. Lawlaw ang balat, lubog ang mga mata, matutulis ang mga ngipin at may sungay sa magkabilang noo.
Nagsalita ang matanda. "Bawat araw ng buhay mo ay magdurusa ka! Hindi lang ikaw ang aking isinumpa. Lahat kayong mga gamahan ay dadanas ng matinding hirap hanggang sa kayo mismo ang sumuko sa inyong mga buhay!" tinig ng isang demonyo ang lumabas sa bibig nito.
Muling lumakad palayo ang matandang babae. Hindi na nito alintana ang mga sasakyang nagdadaan. Nagtuloy-tuloy ito sa paglakad. Tumagos pa nga sa mga sasakyan, hanggang sa unti-unti na itong maglaho.
Napako sa kinatatayuan si Paula. Hindi siya makapaniwala sa nakita. Parang huminto ang puso niya sa pagtibok. Hindi niya alam kung tatakbo o maiiyak ba siya. Nanatili siyang nakatitig sa direksyon kung saan naglaho ang matanda. Nanigas siya sa kinatatayuan.
Isang hapon ay tahimik na naglalakad si Paula. Walang emosyon ang namumutla niyang mukha. Hindi niya alam kung saan siya pupunta. Lakad lang siya nang lakad hanggang sa madaanan ang isang riles. Huminto siya roon at lumingon nang kaliwa't kanan. Tila may hinihintay. Pagkuwa'y lumakad siya sa gitnang bahagi ng riles at hindi na nilingon ang paligid.
MAKIKITA sa CCTV screen ang mga taong nagkukumpulan sa isang riles ng tren. Nagtaka ang mga tagabantay kung ano ang kaganapan. Nagtawag sila ng mga tauhan para papuntahin sa nasabing lugar.
Doon nila napag-alaman na bangkay ng isang babae ang pinagkakaguluhan ng mga tao. Bali-bali ang katawan nito at halos hindi na makilala ang mukha. Halatang kinaladkad ito ng tren kaya nagkadurog-durog ang katawan.
Base sa footage ng CCTV, makikita ang babae na kusang tumawid at lumakad sa gitna ng riles. Hindi sakop ng camera ang buong riles kaya hindi nakunan ang pagkakabangga rito ng tren.
Ayon din sa kanilang hinala, halatang sinadya iyon gawin ng babae. Sinadya nitong magpakamatay sa riles ng tren. Kitang-kita nila iyon sa kilos ng babae, kung paano ito maglakad, na tila naghihintay talaga itong may dumating na tren para ipasagasa ang sarili.
"Sobrang bigat yata ng problema ng babaeng ito at nagawa niya ang ganoong bagay..." sambit ng isang tauhan habang nakatingin sa CCTV footage.
"Oo nga, eh," tugon naman ng isa. "P-Pero teka...tingnan n'yo ito!" Itinuro ng lalaki ang gilid na bahagi ng footage.
Nagimbal sila sa napanood.
Habang nagkukumpulan ang mga tao sa riles, makikita sa bandang gilid ang isang matandang babae. Tila nakatanaw ito sa nangyayaring kaguluhan. At ilang sandali pa, unti-unti itong naglaho sa kinatatayuan.
Nagkatinginan ang mga tauhan. Hindi sila puwedeng dayain ng mata. Isang matandang babae ang biglang naglaho sa camera!
Wakas.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro