Malagim na Pag-ibig
SA di kalayuan, nagkukubli ang masamang titig ni Grusilda sa asawa ng kinababaliwang lalaki. Matagal na siyang may pagtingin kay Sandro. Bawat araw na dumadaan ay lalong tumitindi ang pagnanasa niya rito. Kaya nga hindi niya matanggap nang malamang may asawa na pala ito.
Ilang taon nawala si Sandro sa kanilang baryo. Sa huling pag-uusap nila, sinabi ng lalaki na luluwas ito sa Maynila upang magtrabaho. Ngunit sa pagbalik nito sa baryo, may kasama na itong babae na nagngangalang si Loisa, ang asawa nito.
"Akin ka lang, Sandro. Akin! Sisiguraduhin kong sa akin ka mahuhulog balang araw," pangako ni Grusilda sa sarili.
Lingid sa kaalaman ng buong baryo, nagmula sa angkan ng mangkukulam si Grusilda. Siya na lamang ang natitira sa kanilang lahi mula nang pumanaw ang kanyang ina sampung taon na ang nakalilipas.
Matagal na niyang hindi nagagamit ang kapangyarihan dahil napilitan siyang magbago mula nang maging kaibigan si Sandro. Ngunit dahil sa nangyari, napipilitan siyang harapin muli ang madilim na pagkataong matagal na niyang tinalikuran.
Isang hapon, gumawa ng paraan si Grusilda para magkita sila ni Sandro. Inabangan niya itong lumabas sa harap ng bahay. Di nagtagal ay lumabas nga ang lalaki at may sigarilyo sa bibig. Bitbit niya ang basket at pasimpleng naglakad.
Pasimple siyang dumaan sa harap ng bahay hanggang sa magtagpo ang kanilang mga mata ni Sandro. Gumuhit ang ngiti sa mga labi ng lalaki nang makita siya.
"Uy, Grusilda! Kamusta ka na? Halika nga rito!"
Masayang lumapit si Grusilda sa lalaki at binati ito. "Magandang hapon, Sandro. Papunta sana ako sa palengke ngayon. Heto mabuti naman ako. Wala pa ring pagbabago. Mag-isa pa rin sa buhay. Ikaw ano na'ng balita sa 'yo ngayon? Buti at nakabalik ka na."
"Ayun naging maayos naman ang trabaho ko sa Maynila. Nakaipon na rin ng sapat para sa pagbuo ng pamilya."
"May asawa ka na pala... Nasaan siya ngayon? Ano'ng pangalan?" Nagkunwaring walang alam si Grusilda.
"Loisa ang pangalan niya. Nasa kuwarto siya nagpapahinga. Ang layo kasi ng biniyahe namin. Katunayan nga, balak na naming gumawa ng anak. Kaya lilipat na kami sa Maynila para magsimula ng bagong buhay."
"Aba, ayos 'yan!" Ngumiti lang si Grusilda, pero ang loob niya'y nag-aapoy sa galit dahil sa sinabi ng lalaki. "S-sige, Sandro. Sa ibang araw na lang tayo mag-usap. Mamamalengke pa kasi ako."
Habang naglalakad ay nagwawala ang puso ni Grusilda sa galit. Pakiramdam niya'y mawawasak ang mundo niya kapag nilisan ng lalaki ang baryo kasama ang mapapangasawa nito. Desperado na talaga siyang makuha ang puso ng lalaki.
Katunayan, hindi siya sa palengke pupunta, kundi sa isang kakahuyan na malayo sa mga tao para kumuha ng mga sangkap na gagamitin sa pangkukulam.
Muling nakipagkita kinabukasan si Grusilda kay Sandro. Pinag-usapan nila ang tungkol sa asawa nito. Nagkaroon ng pagkakataon si Grusilda para makausap si Loisa. Nakipagkaibigan siya rito. Lahat ng pambobola ginawa niya makuha lang ang loob ng babae.
"Napakapalad mo dahil si Sandro ang napangasawa mo. Alam mo bang marami sa amin dito ang nagkakandarapa d'yan kay Sandro. Mabuti nga ikaw ang nakatuluyan niya. Talagang napakaganda mo at bagay na bagay kayo!"
Tuwang-tuwa naman si Loisa sa mga paikot ni Grusilda. "Naku, maraming salamat talaga! Totoo nga ang sabi sa 'kin ni Sandro, mababait daw talaga ang mga tao rito."
"Aba oo naman! Lahat kami rito nagkakaisa at nagtutulungan. Kaya nga medyo nalulungkot ako dahil mukhang aalis na pala kayo rito. Nakakapanghinayang lang dahil alam mo naman naging parte na rin si Sandro ng baryong ito. Halos lahat ng tagarito kilala siya at kaibigan na rin niya." Nagpakawala ng pekeng ngiti si Grusilda.
"Nakaka-sad nga talaga pero gano'n talaga, eh. Sa Maynila na kasi namin sisimulan ang bagong buhay namin bilang mag-asawa. 'Di ba, love?" At humalik pa ito sa lalaki.
Ibinaba ni Grusilda ang paningin upang hindi makita ang eksenang iyon. Hindi niya kayang makita na may ibang humahalik sa lalaki.
"O, sige. Maiwan ko muna kayo d'yan. Maghahanda lang ako ng miryenda natin." Pumasok si Sandro sa loob ng bahay.
Kinuwentuhan ni Grusilda ng kung anu-ano ang babae. Lahat ng paraan ginawa niya makuha lang ang tiwala nito. Hanggang sa magkaroon siya ng pagkakataong mahawakan ang buhok ng babae. Nagsabi kasi ito na madalas daw mangati ang buhok nito.
"Baka naman siguro kinukuto ka na kaya palaging nangangati ang buhok mo. Akin na patingin nga." Hinimay-himay ni Grusilda ang buhok ng babae para kunwari naghahanap ng kuto, pero ang totoo, pasimple niyang binubunot ang ilang piraso ng buhok nito at inilalagay sa kanyang bulsa.
Sakto namang lumabas muli si Sandro at sinabing nakahanda na ang pagkain sa loob. Iyon ang unang pagkakataon na nakapasok siya sa bahay ng lalaki. Dati kasi ay sa labas lang sila madalas magkausap.
Humaba ang kanilang kuwentuhan sa loob. Si Grusilda ang pasimuno sa lahat ng usapan. Lalo tuloy humanga sa kanya si Loisa.
Kaya naman pagkauwi ay masayang-masaya si Grusilda, hindi dahil nakatanggap siya ng papuri sa mag-asawa, kundi dahil nakakuha siya ng buhok sa babae.
"Pagsapit ng umaga, magsisimula na ang kalbaryo mo, Loisa!"
Hindi na normal ang nararamdamang pagnanasa ni Grusilda kay Sandro. Dumating sa puntong handa na siyang pumatay matikman lang ang lalaki. At kung kinakailangan niyang patayin ang lahat ng maghahadlang sa kanya sa pagkuha sa lalaki ay gagawin niya. Kaya nga uunahin na niya ang asawa nitong si Loisa.
Pagdating ng bilog na buwan ay sinimulan ni Grusilda ang ritwal. Naghanda siya ng maraming kandila sa paligid. Dinasalan niya ang hawak na manikang itim habang tinatali sa leeg nito ang ilang hibla ng buhok ng babae.
Mula sa lamesang napalilibutan ng mga kandila, inilapag niya sa gitna ang manika habang paulit-ulit na sinasambit ang buong pangalan ni Loisa. Si Maria Loisa Abas Villamor.
Kumuha siya ng sampung piraso ng mahahabang karayom at isa-isang itinusok sa iba't ibang bahagi ng katawan ng manika. Muli niya itong dinasalan habang binabanggit ang buong pangalan ni Loisa sa huling bahagi ng orasyon.
Sa pagtatapos ng malagim na ritwal, dinampot niya ang manika at ibinabad sa batsang naglalaman ng mainit na tubig. Gumuhit ang matalim na ngiti sa kanyang mga labi habang pinagmamasdan ang manika.
"Sa loob ng sampung araw, ikaw ay unti-unting papanaw!" Kasabay niyon ang pagkulog ng malakas sa langit.
PAGBANGON ni Sandro ay napansin niyang matamlay ang anyo ni Loisa. Kinapa niya ang ulo nito at doon napagtantong inaapoy ng lagnat ang babae. Dali-dali niya itong pinakain ng agahan at pinainom ng gamot.
"Magpahinga ka lang, love. Babantayan kita rito hanggang sa gumaling ka." Hinalikan niya sa noo ang babae at niyakap.
Sa pagdaan ng ilang mga araw ay walang nagbabago sa kondisyon ng babae. Mataas pa rin ang lagnat nito at halos namumula na ang balat na tila gustong sumabog.
Nag-alala na si Sandro. Lalo na nang magsabi ang babae na tila tinutusok daw ng karayom ang buong katawan nito.
Isinugod ni Sandro ang babae sa isang ospital sa bayan. Hindi matukoy ng mga duktor ang sakit nito kaya naisipan nilang ipa-confine ang babae.
Lalong kinabahan si Sandro. Hangga't hindi raw natutukoy ang karamdaman ng babae ay mananatili ito roon. Ang nakapagtataka pa rito, normal ang lahat ng test na isinagawa sa babae. Hindi malaman kung ano talaga ang sakit na dumapo rito.
Habang lumilipas ang mga araw ay lalong lumalala ang karamdaman ni Loisa. Nawalan na ito ng gana kumain at hirap na ring magsalita. Nagsisimula na ring magkasugat-sugat ang balat nito.
Maiyak-iyak na si Sandro sa kalagayan ng asawa. Ni hindi na nga niya ito magawang yakapin dahil sa tindi ng init ng katawan nito. Nakakapaso. Para siyang humahawak ng apoy sa tuwing hahaplusin ang balat ng babae.
Hindi napigilan ni Sandro ang umiyak sa harap ng mga magulang. "Hindi ko po kakayanin kapag nawala sa akin si Loisa."
"Huwag kang mag-isip nang ganyan, anak. Gagaling din si Loisa. Magtiwala ka lang sa mga duktor," anang kanyang ina.
Isang linggo nang nasa ganoon ang kalagayan ni Loisa. Hindi humuhupa ang kanyang lagnat. Lalo pang kumakalat ang kanyang sugat. Naging lantang gulay na nga ito sa higaan. Hindi na maganda sa paningin ang anyo nito. Maging ang mga duktor ay parang naiilang nang lumapit dito.
Minsan ay naabutan ni Grusilda si Sandro sa labas ng bahay nito. Nakaupo at nakayuko na tila problemado. Lihim siyang napangiti at nilapitan ang lalaki.
"Sandro? Bakit ang tahimik mo d'yan? May problema ba?"
Umangat ang ulo ng lalaki na humarap sa kanya. "Grusilda... Hindi ko na alam ang gagawin ko..."
"Bakit? Ano ba'ng nangyari?" Pasimpleng humawak si Grusilda sa balikat ng lalaki.
"Bigla na lang dinapuan ng malubhang sakit ang asawa ko. Hanggang ngayon hindi pa rin matukoy kung ano ang sakit niya. Tapos ngayon lalo pang lumalala ang kalagayan niya. Pangsampung araw na nga siyang nakaratay ngayon sa ospital." Parang gusto muling umiyak ni Sandro.
Hinagod-hagod ni Grusilda ang likod ng lalaki habang may kaunting ngiti sa kanyang mga labi. "B-bakit nandito ka? Hindi ba dapat nandoon ka sa ospital at binabantayan ang asawa mo?"
"Umuwi lang ako saglit dito para makahinga nang maluwag. Hindi ko na kasi kayang makita ang asawa ko sa ganoong kalagayan. Sobrang nag-iba 'yong hitsura niya. Parang hindi ko na nga siya makilala sa tindi ng mga sugat niya. Namamaga na rin ang buong katawan niya. Pati ako parang magkakasakit kapag nakikita siya sa ganoong anyo."
"Huwag ka lang sumuko, Sandro. Pagsubok lang 'yan sa buhay mo. Malalampasan mo rin 'yan. Halika, puntahan na natin siya. Sasamahan kita."
Pagbalik sa ospital, naabutan nilang pinalilibutan ng mga duktor si Loisa. Nasa gilid naman ang mga magulang ng lalaki at mangiyak-ngiyak sa naghihingalong babae.
Tarantang lumapit si Sandro sa mga duktor ngunit sinabihan siya ng isa na lumayo nang kaunti. Kinabahan si Sandro habang nire-revive ang babae.
Si Grusilda naman ay nakasandal lang sa pinto habang nanunuod sa nangyayari.
Sa huli, bigo ang duktor na maisalba ang buhay ni Loisa. Malungkot na idineklara ng mga ito ang time of death ng babae.
Gumuho ang mundo ni Sandro. Napayakap siya nang mahigpit sa bangkay ng babae at humagulgol nang iyak. Ngunit hindi lang iyon ang lalong nagpasindak sa lalaki.
Ibinalita rin ng mga duktor ang resulta ng x-ray nito. Nang ilabas iyon sa kanya, nakita niya ang mga karayom na nasa loob ng katawan ng babae. Hindi mabilang na mga karayom ang nakatusok sa iba't ibang parte ng laman nito. Mga karayom na naging malaking palaisipan kung saan nagmula.
Dahil doon naghinala ang mga magulang ni Sandro. "Hindi kaya nakulam si Loisa?"
Mabilis na sumabat si Grusilda sa usapan. "Naku, mukhang malabo po iyon. Hindi na kasi uso ngayon ang mga kuwento-kuwento tungkol sa kulam. Matagal nang napaglipasan ng panahon 'yon. Panakot lang po kasi iyon sa mga bata noon. Sa tingin ko, baka may matinding pinagdadaanan si Grusilda na hindi lang niya sinasabi sa inyo. Kaya siguro naisipan niyang magpakamatay sa ganyang paraan."
Natahimik ang mag-asawa sa sinabi ni Grusilda. Posible bang kumain ng karayom si Loisa dahil sa mga problemang pinapasan nito?
Si Sandro, hindi makapagsalita. Walang masabi. Walang ibang ginagawa kundi ang umiyak nang umiyak habang yakap-yakap ang asawa. Halos hindi siya makausap sa ganoong lagay.
Sa pagkawala ni Loisa, si Grusilda ang nagsilbing kasa-kasama ni Sandro. Palagi itong nagpupunta sa bahay ng lalaki para kausapin at damayan ito sa pagluluksa.
"Matagal na tayong magkaibigan, Sandro. Nandito lang ako palagi at hinding-hindi kita iiwan. Sa lahat ng panahon hinding-hindi ako mawawala sa 'yo. Sasamahan kita hanggang sa malampasan mo 'yang pinagdadaanan mo."
Hindi talaga makausap si Sandro noong una. Pero nang magtagal ay unti-unti ring lumuwag ang loob nito dahil sa paglalambing ni Grusilda.
Hindi umalis si Grusilda sa tabi ng lalaki hanggang sa tuluyan itong maka-move on sa pangyayari. Dahil doon ay lalong napalapit ang loob ng isa't isa. Katunayan, isinama ni Grusilda si Sandro sa kanyang bahay malapit sa kakahuyan. Hindi pa kasi nakakapasyal doon ang lalaki mula nang magkakilala sila.
"Mabuti at natitiis mong tumira dito, Grusilda. Napakatahimik dito. Walang mga bahay sa paligid. Tapos nasa gitna pa ng kakahuyan itong bahay mo. Hindi ka ba natatakot dito?" usisa ni Sandro habang nililibot nang tingin ang paligid.
"Sanay na ako, Sandro. Isa pa hindi rin naman ako naniniwala sa mga multo at aswang. Wala akong dapat katakutan sa mga nilalang na kathang-isip lamang," palusot niya.
Naupo sa harap ng bahay ang dalawa. Hindi napigilan ni Grusilda ang humawak sa mga balikat ng lalaki. "Napakatatag mong tao, Sandro. Ikaw 'yong tipo ng lalaki na hindi sumusuko sa buhay kahit anong pagsubok ang dumating. Karapat-dapat ka lang mahalin nang tunay. Hindi na 'ko nagtataka kung bakit maraming babae ang nababaliw sa 'yo rito noon. Naaalala mo pa ba?" paglalambing ni Grusilda sa lalaki.
"Pero wala pa ring makakahigit sa kanila kay Loisa. Si Loisa lang talaga ang pinakamamahal kong babae. Kahit wala na siya, hindi pa rin nawala ang pag-ibig ko sa kanya. Parang ayaw ko na ngang mag-asawa ng iba dahil hindi ko kayang hiwalayan si Loisa kahit nasa kabilang buhay na siya."
"Naku, hindi naman puwede 'yon, Sandro. Nauunawaan ko kung gaano mo kamahal si Loisa, pero hindi naman puwedeng itali mo ang buong buhay mo sa kanya lalo't ngayong wala na siya. Kailangan mo ring magbagong-buhay at magsimulang muli. Kailangan mo rin ng mapapangasawa balang araw... Kailangan mo ng makakasama..."
Inilapit ni Grusilda ang mga labi sa mukha ng lalaki. "Palagi mong tandaan, Sandro, nandito lang ako para sa 'yo. Kung kinakailangan mo ng bagong babae na magmamahal at magpapasaya sa 'yo, nandito ako at handang magsimula ng bagong buhay kasama ka." Hindi na niya mapigilan ang pagnanasang nararamdaman. Ang pagnanasang matikman ang lalaki.
Akmang hahalikan na niya ang lalaki nang bigla itong tumayo at kumalas sa pagkakahawak niya. "Grusilda!" bulalas nito sa kanya.
"P-patawad, Sandro. Nabigla ba kita?"
"Hindi maaari ang sinasabi mo! Mahal na mahal ko si Loisa. Kahit kamatayan ay hindi kami kayang paghiwalayin. Siya lang ang nag-iisang babae sa puso ko. Baka nakakalimutan mo, magkaibigan lang tayo."
Napatayo na rin si Grusilda. "Patay na si Loisa! Wala nang silbi ang pagmamahal mong 'yan sa isang taong patay na! Kahit kailan hindi ka liligaya sa buhay mo kung hindi ka bibitaw sa nakaraan. Magbagong-buhay ka na, Sandro! Nandito ako at sasamahan kita na magsimulang muli."
"Pasensiya ka na, Grusilda. Uuwi na ako. Sa ibang araw na lang tayo mag-usap. Kailangan ko muling magpahinga." Mabilis na lumakad si Sandro palayo.
Nilukuban ng galit si Grusilda. Kumuha siya ng makapal na kahoy at sinundan ang lalaki. Pagkuwa'y mabilis niya itong pinalo sa batok. Agad itong nawalan ng malay at bumagsak sa lupa.
Sukdulan na ang pagnanasang nararamdaman ni Grusilda sa lalaki. Hindi na niya ito kayang pakawalan pa. Ikamamatay niya kapag hindi pa niya nakuha ang lalaki sa lalong madaling panahon.
Hinila niya ang walang malay na lalaki papasok sa kanyang bahay. Iginapos niya ito sa papag at hinubaran ng damit. Habang wala itong malay ay hinipuan niya sa maselang bahagi ng katawan ang lalaki. Pumatong pa siya rito at dinilaan ang makisig na dibdib ni Sandro.
"Akin ka lang, Sandro. Akin! Hindi ka na makakalabas dito. Sasamahan mo ako! Dito ka lang..." takam na takam siya habang mahigpit ang yakap sa lalaki.
Ang bilis ng tibok ng puso ni Grusilda. Para siyang mauubusan ng hininga. Nagbabaga ang katawan niya habang nakapatong sa hubad na katawan ng lalaki. Halos maglaway pa siya.
LABIS na nag-alala ang mga magulang ni Sandro. Mag-iisang buwan na itong nawawala. Maging ang mga pulis ay napagod na sa paghahanap at bigong makita ang lalaki.
Hanggang sa may umamin kung saan posibleng nagpunta si Sandro. May mga nakapagsabi na huling nakita raw nila ang lalaki kasama si Grusilda.
Nagtanong-tanong sila kung saan matatagpuan ang tirahan ni Grusilda. May nakapagturo na tumutuloy raw ito sa isang lumang bahay na nasa gitna ng kakahuyan. Nasa dulong parte na iyon ng baryo at sadyang malayo.
Pinuntahan iyon ng mga magulang ni Sandro kasama ang mga pulis. Nang makarating sila sa gitna ng kakahuyan, nakakita sila ng bahay na yari sa kahoy. Kumatok sila sa pinto ngunit walang tumutugon. Napilitan ang mga pulis na wasakin ang pinto.
Pagpasok nila sa loob, dinala sila ng paningin sa bukas na pinto ng kuwarto. Ganoon na lamang ang pagkasindak nila sa nakita sa loob.
Si Sandro, wala nang buhay. Wasak ang dibdib nito at walang puso. Habang si Grusilda, nakapatong sa harap ng katawan nito. Hawak nito ang puso ng lalaki at dinidila-dilaan pa.
"Akin ka lang, Sandro... Akin lang ang puso mo... Kung hindi ka lang sana nagwala d'yan, hindi sana mangyayari ito sa 'yo... Mula ngayon, akin na ang buong katawan mo. Akin na ang puso mo... Akin na ang buong pagkatao mo!" Biglang tumawa ang babae. Pagkatapos ay iiyak. Pagkuwa'y muling tatawa nang malakas.
Hindi kinaya ng ina ni Sandro ang masaklap na eksena at agad itong nawalan ng malay. Ang ama naman ng lalaki ay halos atakihin din sa puso habang mangiyak-ngiyak na pinagmamasdan ang walang buhay na anak.
Tuluyang nabaliw si Grusilda sa labis na pagmamahal sa lalaki. Ang pagnanasa nito ay umabot sa puntong pati laman sa loob ng lalaki ay nais nitong matikman. Ganoon katindi ang nararamdaman nito para kay Sandro.
Hinuli ng mga pulis si Grusilda. Sinubukan pa nitong magwala ngunit wala na itong nagawa nang posasan ang mga kamay nito. Natuklasan din ang isang malagim na lihim ng babae. Nakita nila sa loob ng bahay ang mga lumang kagamitan sa pangkukulam.
Kumalat sa buong baryo ang kaganapan. Maraming nagalit kay Grusilda. Hanggang sa headquarters ng mga pulis sa bayan ay sinundan ito ng mga tao para batuhin ng masasamang salita.
"Salot ka! Salot!"
Hindi nagtagal si Grusilda sa kulungan. Sa huli dinala rin ito sa mental hospital, kung saan talaga ito nababagay.
Hanggang sa mental ay nagwawala si Grusilda at panay ang sigaw sa pangalan ng kanyang minamahal...
"Sandroooo! Sandroooo! Akin ka lang Sandroooo!!! Akin lang si Sandrooo!!!" Doon tuluyang nagdilim ang buhay ni Grusilda.
Wakas.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro