Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Jesus Murder

WARNING: This story may contain strong language, offensive theme, adult content, depictions of sex, violence and elements that are not suitable for some audiences. Read at your own risk.

ARAW-ARAW kung libutin ni Renzo ang buong Recto. Bago pa lang siya sa lugar pero kung kumilos akala mo hari na ng daan. Naging madali na lang sa kanya ang maka-adapt sa magulong lugar dahil ganoon din ang kinalakihan niyang buhay sa probinsiya.

Tulad na lamang sa parteng iyon ng Recto, may nadiskubre siyang lumang sinehan na naglalabas umano ng malalaswang pelikula. Nabuhayan ng dugo si Renzo at hindi nagdalawang-isip na sumubok manuod sa sinehang iyon.

Papasok pa lang siya sa loob nang tumunog ang cellphone niya. Ang barkada niyang si Rex ang tumatawag. Ito kasama niyang nagpunta ng Maynila para maghanap ng trabaho.

"Hello, Rex? Bakit, ano'ng kailangan mo?"

"Pupunta ako ngayon sa Caloocan, p're. Birthday ng pinsan ko may inuman. Punta ka rito sabay na tayo."

"Naku! May trabaho ako ngayon hindi ako puwede," palusot niya. Ang totoo ay wala siyang pasok sa araw na iyon. Wala lang talaga siya sa mood uminom dahil mas gusto niya ngayon ang manood ng pelikula.

"Sige, ikaw ang bahala, p're."

"Oo, ako talaga ang bahala! Sige na!" Pagkatapos ng tawag ay ibinulsa niya ang cellphone at tumuloy na sa loob ng lumang sinehan.

Unang tapak pa lang sa loob ay bumungad na sa kanya ang maruming paligid. May amoy din ng dumi ng hayop ang ibang bahagi ng lugar. Sa mga pintong nadadaanan niya, may mga babaeng nakaabang at nagyayaya ng kaligayahan. Kung manamit ang mga ito, kulang na lang makita na ang kaluluwa.

Habang namimili si Renzo ng panonoorin, umagaw sa atensiyon niya ang isang pelikula na may pamagat na "Jesus Murder". Ayon sa description, ito ang kauna-unahang snuff film sa Pilipinas noong 1994. Ngunit dahil sa maselang tema nito ay isang beses lamang itong naipalabas noon sa mga piling sinehan.

Nakaramdam ng pagkasabik si Renzo. Sa poster pa lang ng pelikula ay madugong-madugo na. Porn movies ang habol niya sa sinehang iyon, pero uunahin na muna niyang panoorin ang isang ito. Nakuha kasi talaga ng pamagat nito ang kuryosidad niya.

Pagpasok niya sa loob ng cinema, bumungad sa kanya ang malaswang mga eksena. May grupo ng mga lalaking sumisinghot ng cocaine sa bandang dulo. Makikita sa bandang gitna ang mga bakla at callboy na naghahalikan. Agaw-pansin din ang babaeng nakikipag-date sa mga matatandang Kano sa bandang harapan. May ibang natutulog pa sa kani-kanilang upuan.

Sinehan ba ang pinasok niya o bahay-aliwan? Tahimik na lumakad siya papasok at umupo sa bandang gilid. Hindi niya gaanong pinansin ang mga naglalaplapan at naghihithitan sa paligid. Sanay na sanay na siya sa ganoong mga eksena. Sa probinsiya nila ay madalas na siyang makakita ng ganoon.

Nang magsimula ang pelikula, napasulyap siya sa paligid. Tila walang balak manood ang mga tao roon. Abala ang mga ito sa iba't ibang kalaswaan na ginagawa. Doon niya napagtanto na tambayan nga ng mga adik at namamakla ang sinehang iyon.

Dedma lang muli siya at ipinokus na ang paningin sa malaking screen.

Sa unang bahagi ng pelikula, makikita ang nakahubad na lalaking umiiyak at nagmamakaawa. Binibihisan ito ng tatlong kalalakihang nakasuot ng maskarang may anyong Demonyo. Ang damit na isinuot sa lalaking umiiyak ay kapareho ng suot ni Hesukristo nang ipako ito sa krus.

Umpisa pa lang ay bahagyang kinilabutan na si Renzo. Napapaisip tuloy siya kung paano siya sisindakin ng morbid na pelikulang ito.

Ang sumunod na eksena, ipinasok sa isang kuwarto ang lalaking nakabihis Hesukristo. Itinali ito sa isang malaking krus na yari sa kahoy. Walang patid ang pagtangis ng lalaki habang nagmamakaawa sa kanyang buhay. Inilabas naman ng mga lalaking nakamaskara ang iba't ibang uri ng lagari at patalim.

Nagsimulang kumabog ang dibdib ni Renzo. Parang hindi yata niya kakayanin ang susunod na makikita. Ngayon lang niya naramdaman ang pakiramdam kapag nakapanood ng palabas kung saan totoo ang nagaganap.

Ang sumunod na eksena ay hindi kinaya ni Renzo at bahagya siyang napapikit. Inilabas ang isang malaking pako at ibinaon sa mga palad ng lalaki gamit ang martilyo. Kagaya ng ginawa kay Hesukristo, ipinako rin nila sa krus ang lalaking iyon.

Bawat pagsigaw nito ay nagbibigay ng masakit na pakiramdam kay Renzo. Pakiramdam niya, siya mismo ang pinapako sa krus. Kitang-kita niya ang pagtulo ng sariwang dugo sa mga kamay at paa ng lalaki.

Habang tumatagal ay patindi nang patindi ang mga eksena. Ang sumunod na ginawa sa lalaki ay binuhusan ng mainit na tubig sa mukha galing sa isang takuri. Kitang-kita pa sa camera ang pag-usok at pagkalapnos ng mukha nito.

Sa bawat pagsigaw ng lalaki ay napapadaing din si Renzo. Parang gusto na niyang lumabas sa sinehan. Pati ang mga taong naglalandian sa paligid ay nahinto at napatingin na rin sa screen. Lahat sila ay nasindak sa ginawang pagpapahirap sa lalaki.

Ang sumunod na eksena ay hindi kinaya ni Renzo. Nagtakip siya ng mata matapos hatawin ng palakol ang iba't ibang bahagi ng katawan ng lalaki. Parang baboy na kinakatay ang tinig ng lalaking sumisigaw. Hirap na hirap na ito. Sa pagkakataon ding iyon, hindi na ito nagmamakaawang mabuhay. Nakikiusap na lang ito na patayin sa mabilisang paraan upang hindi na maramdaman ang sakit.

Batid ni Renzo, hindi lang basta pelikula ang pinapanood niya. Kung hindi siya nagkakamali, ang mga snuff film katulad ng palabas na iyon ay totoong footage ng mga aktuwal na patayan. Talamak sa dark web ang mga ganoong palabas. At ang labis na ikinagimbal ni Renzo ay may gumagawa rin pala ng ganito sa Pilipinas.

Madiin ang pagkakapikit ng mga mata ni Renzo. Pati mga tainga niya ay tinakpan na niya para hindi marinig ang nakapangingilabot na palahaw ng lalaking tinatadtad ang katawan habang nakapako sa krus. Ang mga kasama naman niya sa sinehan ay napasigaw na. Ramdam din yata ng mga ito ang ginagawang pagpaslang sa lalaking nasa pelikula.

Nakaramdam ng katahimikan si Renzo. Mukhang tapos na ang madugong eksena. Pagmulat niyang muli ng mga mata, akala niya ay magiging maayos na ang mga tagpo. Subalit ang sumunod na eksena ay mas matindi pa pala.

Napaawang ang kanyang bibig nang makita kung paano hiwain ng tatlong lalaki ang tiyan ng isang buhay na baboy gamit ang gahiganteng patalim. Pagkabiyak sa tiyan ng kawawang hayop ay walang-awang dinukot ng tatlo ang mga lamang-loob. Sunod ay dinampot ng mga ito ang putol-putol na katawan ng lalaki at ipinasok sa tiyan ng baboy.

Ibig nang bumaligtad ng sikmura ni Renzo. Nahilo siya sa eksenang iyon. Nangangati nang tumayo ang mga paa niya para lumabas ng sinehan. Pakiramdam niya'y magkakasakit yata siya sa palabas na iyon.

Sa mga sumunod pang eksena ay makikita ang tinadtad na katawan ng ibang tao at isinisilid sa wakwak na tiyan ng mga aso, kabayo, baboy at iba pang hayop. Hindi nakatiis ang ilang nanonood at napilitang lumabas ng sinehan.

Nagtapos ang pelikula kung saan ini-zoom ang camera sa maskaradong mukha ng tatlong lalaki. May binitawang salita ang nasa gitna na nagbigay ng kilabot kay Renzo. "Patay na ang Diyos, at hindi na siya mabubuhay muli."

At doon pa lang nagtapos ang pelikula.

Parang lalagnatin yata si Renzo pagkalabas ng sinehan. Medyo mainit ang temperatura niya at sinabayan pa ng malakas na pagtambol ng dibdib. Masikip ang kanyang paghinga at bahagyang sumasakit pa ang ulo. Hindi yata siya makakatulog sa napanuod niya.

Hanggang sa pagsapit ng gabi ay hindi nawala ang epekto ng pelikulang iyon sa kanya. Sumisikip pa rin ang kanyang dibdib at nanatiling mataas ang temperatura ng katawan niya. Ilang oras na siyang nakahiga at nagpapahinga pero walang nagbabago sa kanyang pakiramdam. Naglalaro pa rin sa buong pagkatao niya ang takot na idinulot ng snuff film na Jesus Murder.

Hindi na nga kumain ng hapunan si Renzo. Pagkauwi niya sa bahay kanina, agad siyang dumeretso ng higa para ipahinga ang katawan. Lumatag na lang ang gabi ay hindi nawala sa kanyang utak ang palabas.

Lampas alas-dos na ng hatinggabi bago tuluyang nakatulog si Renzo. Hindi pa man nagtatagal ang pagkakaidlip niya nang bigla siyang maalimpungatan. Nang magising ay doon pa lang niya napagtantong umuuga ang kama niya. Kinabahan siya at nagtakip ng kumot sa buong katawan. Gustuhin man niyang bumangon at tumakbo ay napanghinaan na siya ng loob. Nanlambot ang buong katawan niya sa takot.

Bumulaga sa kanya ang biglang paglitaw ng katawan ng isang duguang lalaki sa itaas ng kisame. Hindi ito tuluyang bumagsak sa kinahihigaan niya dahil nakabigti ang mga paa nito. Nagpaikot-ikot mula sa pagkakabitin ang katawan ng lalaki hanggang sa huminto ang mukha nito sa harap niya.

Napapikit si Renzo matapos makita ang nakasisindak na nilalang sa kanyang harapan. Ang lalaking iyon na nakabihis Hesukristo ay ang lalaking pinatay sa palabas na napanood niya!

Huminto ang pagyanig ng kama at nagsimulang kumalat sa paligid ang lamig na dala ng hangin. Nanginginig ang buong katawan ni Renzo kahit balot na balot ng kumot ang buo niyang katawan.

Lalong dumagundong ang dibdib niya nang maramdamang hinihila ang kumot na nakabalot sa katawan niya. Napayakap na lamang siya sa sarili habang nanatiling sarado ang dalawang mata.

Narinig niyang nagsalita ang lalaking nakabitin patiwarik. "Wala kang nakita... Wala kang nakita..."

Ang boses ng lalaki ay waring nagmula sa kailaliman ng hukay. Nagdulot iyon ng labis na kilabot sa kanya. Isang matinding kilabot na hindi kinaya ng isip niya. Doon siya tuluyang nawalan ng ulirat.

Kinaumagahan, binisita si Renzo ng kaibigang si Rex. Nagtaka pa nga si Rex dahil iba ang aura ng lalaki. Para bang may hindi tama rito. Nadatnan niya itong nakaupo sa labas ng bahay. Nakayuko, matamlay at namumutla.

"O, ano'ng nangyari sa 'yo, p're? May sakit ka ba?" Kinapa ni Rex ang leeg at noo ng lalaki. Wala naman itong lagnat pero sa hitsura nito ay parang may dinadaing na sakit.

"Masama ang gising ko," tugon ni Renzo. May takot sa tinig nito.

Nag-alala si Rex. "Ayos ka lang ba, p're? Ano ba kasi ang nangyari at bakit iba ka yata ngayon? Tumingin ka nga sa akin!"

Pag-angat ni Renzo ng ulo, unti-unting gumuhit ang pagkasindak sa kanyang anyo. Nanlaki ang dalawang mata niya at nanginig ang panga.

"Wala akong nakita! Wala akong nakita!" biglang sagot ni Renzo, paulit-ulit. Wala itong ibang sinasabi kundi iyon lang.

Nangunot ang noo ni Rex, dahil habang sinasambit iyon ng kaibigan, nakatitig ito sa likuran niya...

Wakas.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro