Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Hukay-Bitay

WARNING: This story may contain strong language, offensive theme, adult content, depictions of sex, violence and elements that are not suitable for some audiences. Read at your own risk.

SA isang nayon na malayo sa sibilisasyon, dinala ng sasakyan si Gardo kasama ang iba pang mga kapwa preso. Sila ang mga taong nakahilera sa death row at nakatakdang bitayin.

Ang paraan ng pagbitay sa kanila ay kakaiba. Dadalhin sila sa isang sementeryo kung saan isasagawa ang pagbitay. Sila mismo ang maghuhukay sa kanilang libingan bago sila ilibing nang buhay.

Mula nang ipatupad ang death penalty sa buong bansa, binigyan din ng karapatan ang bawat lalawigan na gumawa ng sarili nilang paraan sa pagbitay. At isa na nga rito ang lugar na iyon kung saan nililibing nang buhay ang mga kriminal.

Ang tawag sa parusang ito ay "Hukay-Bitay".

Katwiran ng nagpatupad sa batas na ito: "Kailangan unti-unti nilang maranasan ang pagkalagot ng hininga upang maramdaman din nila ang hirap ng mga taong pinatay nila nang walang kalaban-laban."

Pagkarating sa sementeryo, isa-isang pinalabas sa likod ng sasakyan ang apat na preso. Binigyan sila ng kanya-kanyang pala na gagamitin nila sa paghuhukay.

Kalat sa paligid ang mga sundalo habang nakatutok ang kanilang baril sa mga preso. Sa oras na may gawing hindi maganda ang isa, tiyak na mapapaaga ang kamatayan nito.

Tahimik lang ang mga preso habang sila'y nakapila. Blangko ang ekspresyon ng mga mukha nila. Para bang tanggap na ng kanilang kalooban na doon na talaga ang huling hantungan nila. Nakasuot pa sila ng dilaw na damit, palatandaan ng dugong kriminal na dumadaloy sa kanila.

Si Gardo, nakayuko na lamang sa lupa habang walang patid ang paglunok ng laway sa bawat salitang binibitawan ng commander. Habang ipinaliliwanag nito ang kanilang mga gagawin ay lalo siyang naaawa para sa sarili.

Sa bilyun-bilyong tao sa mundo, bakit isa pa siya sa napasama sa masaklap na parusang ito?

Kung sa bagay, siya rin naman ang dahilan kung bakit siya nandito. Mas pinili niya ang magulong buhay kaya sa nalalabing oras ay napabalik-tanaw siya sa lahat ng mga krimeng nagawa niya, sa mga batang napatay niya, at sa mga babaeng ginahasa niya.

Wala na silang magagawa kundi gawin ang dapat gawin: hukayin ang sarili nilang libingan.

Pagkasenyas ng commander, nagsimula na ang mga preso sa paghukay ng lupa. Nakatayo sila sa kani-kanilang puwesto habang naghuhukay ng kanilang paglilibingan.

Ang katabi nga niyang si Froilan, hindi marunong maghukay ng lupa kaya ilang beses nasigawan ng commander.

"Kasalanan mo kung bakit ka nandito! Kaya wala kang karapatan magreklamo! Maghukay ka na lang d'yan!"

Pati si Gardo ay apektado sa sinabi ng commander. Hindi rin siya marunong maghukay pero kailangan niyang gawin dahil iyon na ang nakasulat sa kanilang kapalaran.

Iyon na ang inilagay ng batas sa kanilang mga buhay.

Wala silang magagawa kundi ang sumunod.

Ang isa pa nilang kasama na si Alyas Bangis na isang lider ng pinakamalaking gang sa bansa ay parang bata na humagulgol habang nagmamakaawa sa commander.

"Patawarin n'yo na po ako... Alam ko po matinding kasalanan ang nagawa ko... Pero sana mabigyan n'yo po ako ng pangalawang pagkakataon para mabuhay... Nangangako po ako na babaguhin ko na ang buhay ko... Parang awa n'yo na po... Nagsisisi na po talaga ako... Kumakatok po ako sa inyong mga puso para humingi ng kapatawaran at pangalawang pagkakataon..."

Ang lalaking ito, biglang naging anghel ang dila sa tamis ng mga salita. Ganito ba ang nagagawa kapag kaharap na ang kamatayan? Biglang lalabas ang natitirang bait sa katawan.

Tinawanan lang siya ng commander. "Pangalawang pagkakataon? Naririnig mo ba ang sarili mo, Alyas Bangis? Ikaw ba, binigyan mo ba ng pangalawang pagkakataon 'yong mga taong pinatay mo noong nagmamakaawa sila sa 'yo? Pinakinggan mo ba sila noong nakiusap sila na huwag mong patayin? Hay nako! Maghukay ka na lang d'yan!"

Napahiya ang malaking bulas at lalong umiyak. Sa kabila ng matamis nitong pagmamakaawa ay ganoon lang ang salitang natanggap nito. Isang malaking kahihiyan ang tinamo nito.

Pati si Gardo ay maiiyak na rin yata. Kahit hindi siya ang kausap ng commander, damang-dama niya sa sarili ang mga salitang binitawan nito sa ibang preso.

Kahit magkakaiba sila ng mga kasalanan, pare-pareho na lang ang kanilang kahahantungan. Kaya ba pare-pareho na rin ang nararamdaman nila nang mga oras na iyon? Lahat sila ay nakakaramdam ng awa sa bawat isa.

May isang preso pa ang nagsalita. "Walang kuwenta ang batas na ito! Kung bibitayin n'yo lang din naman kami, ano pa ang pinagkaiba n'yo sa aming mga masasamang tao? Parang kriminal na rin kayo no'n! Labag din sa batas ng Diyos ang ginagawa n'yo dahil pumapatay rin kayo ng tao!" Ang drug lord na si Mario, hindi na nakapagpigil ng emosyon.

Sa kabila ng pagmamatapang nito, isang malutong na tawa lang din ang pinakawalan ng commander. Hindi na niya kailangang patulan pa ang isang ito. Hindi na rin naman kasi magtatagal ang buhay ng isang banal na aso.

"At kailan ka pa naging relihiyoso, Mario? Bagong batak ka na naman ba? Tanong ko lang sayo, inalala mo ba ang Diyos noong pinasok mo ang mundo ng droga? Hindi mo man lang ba naalala ang mga pangaral niya noong pinili mong ilagay sa gulo ang buhay mo? Pwes, shut up ka na lang d'yan at maghukay!"

Wala na sa kanila ang nagsalita matapos iyon. Lahat ay natahimik habang naghuhukay ng kanilang libingan. Umurong ang kanilang mga dila sa takot at pagkapahiya. Isa lang ang kausap ng commander pero sa tuwing magbibitaw ito ng salita lahat sila natatamaan.

Lumubog na ang araw pero hindi pa rin tapos ang apat sa paghuhukay. Wala pa nga sa kalahati ang lalim ng nahuhukay ng mga ito.

Ang mga sundalo nangalay na ang kamay sa kakahawak ng kanilang mga baril.

Uminit muli ang ulo ng commander. "Ano ba naman 'yan! Inabot na tayo ng gabi rito hanggang ngayon wala pa rin kayong natatapos! Pakibilis-bilisan naman at marami pa kaming susunduin na preso para dalhin dito! Hindi lang po kayo ang kostumer!"

Nanginginig lang sa takot ang apat habang naghuhukay ng lupa. Nagmukhang paligsahan sa pabagalan ang kanilang ginagawa. Wala ni isa ang gustong matapos sa paghuhukay.

Si Gardo, lalo pang binagalan ang paghuhukay. Kunwari ay sumakit ang balakang. Nangati ang paa. Nangalay ang likod. Lahat ng makakapagpabagal sa kanyang gawain ay ginawa na niya. Hindi pa siya handang ilibing nang buhay ang sarili.

At hinding-hindi siya magiging handa kailanman.

Inabot pa ng ilang oras bago tuluyang natapos ang isa sa kanila. Ang drug lord na si Mario ang unang natapos.

Mangiyak-ngiyak ito habang ipinapasuot sa kanya ang barong na pangpatay. Nang mapalitan na ang kanyang damit ay isinilid na siya sa kabaong. Nilagyan pa ng kandado ang kabaong na iyon para makatiyak na hindi na siya makakalabas.

Dinig pa ang tumatangis niyang tinig kahit nakasara na ang kabaong. Di nagtagal, inilagay na rin ito sa hukay at sinimulang tabunan ng lupa.

Napaiyak na ang mga katabi ni Gardo. Habang si Gardo naman, nanatiling tahimik sa kinatatayuan at hindi gumagalaw. Nagmukha na nga siyang rebulto na walang ekspresyon ang buong anyo at katawan dahil sa pagpipigil ng takot at luha.

Sunod na inilagay sa kabaong si Alyas Bangis. Lahat na yata ng matatamis na salita ng kapatawaran ay sinabi nito pero malabong mapagbigyan pa siya ng batas.

Ang lalaking binansagang mabangis ay nawala ang bangis nang ipasok sa kabaong. Nahirapan pa nga ang mga sundalo dahil parang hayop ito na ayaw pumasok sa lungga.

Ayaw tingnan ni Gardo ang masakit na eksena pero napasulyap siya sa huling pagkakataon. Nakita niya kung paano umiyak si Alyas Bangis habang buong pusong nagmamakaawa at humihingi ng tawad sa commander.

"Huwag ka sa 'kin humingi ng tawad. Do'n dapat sa mga taong pinatay mo at ng grupo mo. Hanapin mo sila sa kabilang buhay at sa kanila ka humingi ng tawad. Baka sakaling maawa sila sa 'yo at isama ka sa langit." Sabay sarado ng commander sa kabaong at hindi na hinayaan pang makapagsalita muli ang lalaki.

Nanunuot pa sa kanilang pandinig ang mga palahaw nito habang ibinababa ang kabaong sa lupa.

Ngayong dalawa na lamang sila ni Froilan ang natitira, doon pa lang nanginig ang buong katawan ni Gardo.

Nagpakawala ng mapanuksong titig sa kanila ang commander. Tila namimili pa ito kung sino ang isusunod sa hukay.

Halos hindi makatitig si Gardo sa mga mata ng commander. Muli siyang na-istatwa sa kinatatayuan habang ipinagdadasal na huwag muna sanang tawagin ang kanyang pangalan.

Gayundin ang katabi niyang si Froilan na parang gusto nang lumipad ang katawan makatakas lamang.

"Froilan, ikaw na ang sunod."

Kahit hindi pangalan ni Gardo ang tinawag, nagulantang pa rin ang buo niyang pagkatao at halos sumabog ang puso niya sa gulat.

Bigla namang humagulgol si Froilan at nagbalak pang tumakbo. Kaya naman lalong humigpit ang pagkakahawak ng mga sundalo rito.

Sa lahat ng mga preso, itong si Froilan na yata ang may pinakamalakas na hagulgol. Siya ang nagpakawala ng pinakamatinding pag-iyak.

Para siyang bagong silang na sanggol na walang patid ang pag-iyak. Para nga siyang bumalik sa pagkabata kung umiyak. Hindi bagay sa malaking bulas na katawan niya pati sa kanyang mukha na barakong-barako.

Halos patiran ng hininga si Gardo habang naririnig ang mga hagulgol ni Froilan. Kahit nakapikit na siya, parang nakikita pa rin niya ang ginagawa sa lalaki.

Sa kanyang pagdilat, nakita niyang nakasuot na ng barong ang lalaki at nakasilid na rin sa kabaong. Hindi na niya hinintay na isara ang kabaong. Agad niyang ipinikit muli ang mga mata at napausal ng dasal sa isip.

Lahat na yata ng santo at mga anghel ay tinawag niya pero sa mga oras na iyon ay tila wala nang may gustong makinig sa kanya.

Nanatili siyang nakapikit at nanginginig habang ibinabaon sa lupa si Froilan.

Nang matapos itong ilibing ay saglit na kumalat ang katahimikan.

Nakapikit pa rin siya at nakikiramdam...

Dumagundong ang dibdib niya nang humawak sa kanyang balikat ang commander. Doon siya napadilat sa labis na gulat.

"Gardo, mamili ka. Hukay-Bitay o Baril sa Likod?"

Napalunok lang ng laway si Gardo. Walang salita ang nais lumabas sa bibig niya. Sinubukan niyang huminga nang malalim dahil parang naubusan na siya ng hangin sa dibdib.

"Kapag pinili mo ang hukay-bitay, alam mo na ang mangyayari. Pero kapag baril sa likod ang pinili mo, babarilin ka lang sa likod ng mga sundalo ko. Parang katulad ng kay Jose Rizal. Medyo madali iyon dahil diretso na agad ang kamatayan. Hindi ka na mahihirapan pa. Makakaramdam ka lang ng saglit na sakit pero ilang segundo lang 'yon pagkatapos wala na. Nasa tahimik na ang buhay mo."

Hindi naiwasan ni Gardo ang pangingilid ng mga luha. Iyon na yata ang pinakamabigat na desisyon sa buhay niya. May pagpipilian nga siya ngunit pareho naman ang kahahantungan. Kahit ano ang piliin niya, kamatayan pa rin ang patutunguhan.

"Bibigyan kita ng isang minuto para makapag-isip. Kung pipiliin mo na barilin ka na lang sa likod, sabihin mo lang na "baril". Pero kung hindi ka nagsalita sa loob ng isang minuto, alam mo na ang kahahantungan mo." Sabay lingon ng commander sa hukay.

Muling napapikit si Gardo. Tumatakbo ang oras pero wala pa ring salita ang lumalabas sa bibig niya.

May mga pagkakataong ibubuka na niya ang bibig para sabihin ang salitang "baril", pero bigla namang umuurong ang kanyang dila.

Urong-sulong ang dila niya nang mga oras na iyon. Kung kailan gustong lumabas ay saka biglang aatras.

Nagwala ang lahat ng kanyang laman sa katawan pagkarinig sa natitirang sampung segundo na bilang ng commander.

Ten...

Nine...

Eight...

Tikom pa rin ang bibig niya.

Seven...

Six...

Five...

Nagtatago pa rin ang dila niya.

Four...

Three...

Two...

Bumuka na ang bibig niya pero hindi na naman natuloy ang gustong sabihin.

One...

Halos mapalundag siya sa gulat nang tapik-tapikin ng commander ang balikat niya.

"Dahil hukay-bitay ang pinili mo, sige isuot mo na itong barong mo."

Iniabot ng isang sundalo ang kanyang barong.

Tapos na ang oras kaya wala na siyang magagawa kundi isuot ito.

Habang isinusuot ni Gardo ang barong ay parang manekin na walang ekspresyon ang kanyang mukha. Waring tanggap na ng pagkatao niya ang paparating na kamatayan.

Hindi na rin nahirapan sa kanya ang mga sundalo dahil pagkatapos isuot ang barong ay kusa na siyang humiga sa sariling kabaong.

Sa kanyang paghiga, bahagyang nanindig ang mga balahibo niya. Noon lang niya naramdaman ang pakiramdam nang nakahimlay sa kabaong. Medyo malamig na parang mainit na hindi niya maipaliwanag.

Sa huling pagkakataon ay tumingin siya sa commander. Doon niya ibinuhos ang mga luhang nagsusumigaw sa pagmamakaawa. Ang mga mata niya ay tila nangungusap. Kahit hindi siya nagsasalita, bakas na bakas sa kanyang anyo ang mga nais niyang sabihin.

Mukhang napansin din iyon ng commander kaya naawa sa kanya. Sa lahat ng mga inilibing nang buhay kanina, sa kanya lang ito nagsalita nang banayad at mahinahon.

"Pasensiya ka na, kaibigan, pero wala na tayong magagawa. Kailangan nating gawin ito para sa ikatatahimik ng mga taong napatay mo. Isipin mo na lang na pagkatapos ng seremonyang ito ay matatahimik na rin ang buhay mo. Wala ka nang mararamdaman kundi katahimikan, walang hanggang katahimikan. Hindi mo na maririnig ang hinaing ng pamilya ng mga taong pinatay mo. Hindi mo na mararamdaman ang kunsensiya na gumugulo sa isip mo. Hindi mo na rin makikita ang mundong ito na punong-puno ng kaguluhan at kasamaan. Wala ka nang makikita at mararamdaman kundi katahimikan. Kaya sana kaibigan, maintindihan mo. Pasensiya ka na, Gardo, at paalam..."

Lalong rumagasa ang luha ni Gardo nang unti-unti nang isara ng commander ang kabaong. Nang maramdaman na niya ang pagbuhat ng mga sundalo sa kanya ay doon pa lang lumabas ang humahagulgol niyang boses.

Sa nalalabing oras, inisip niya ang Diyos at umusal ng salita sa kanyang isip. "Alam kong wala akong karapatan na sabihin ito dahil matindi ang kasalanang nagawa ko, pero sana mapatawad n'yo ako. Kayo na lang ang makakausap ko ngayon habang may hininga pa ako. Kayo na po ang bahala sa akin. Isinusuko ko na ang buong buhay ko sa inyo. At kahit alam kong hindi na maibabalik sa dati ang lahat ng mga pagkakamali ko, humihingi po ako ng tawad sa inyo, pati na rin sa mga taong naabuso ko, lalong-lalo na sa mga taong napaslang ko..."

Patuloy sa paghagulgol si Gardo. Ngunit ang kanyang hagulgol ay unti-unting humina, hanggang sa mumunting bulong na lamang ang maririnig sa kanya. Ramdam na niya ang unti-unting pagkawala ng hangin sa kanyang katawan dahil sa kawalan ng oxygen sa ilalim ng lupa.

Pumikit na lamang siya at hinintay ang pagdating ng walang hanggang katahimikan...

Wakas.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro