Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Ulo

POSIBLE nga bang mabuhay ang ulo ng hayop sa katawan ng tao? O ang ulo ng tao sa katawan ng hayop?

Marami nang mga bansa ang sumubok sa head transplant ngunit walang nakakuha ng perpektong resulta.

Ayon sa siyensya, hindi nila nakikita kahit sa future na magkakatotoo ang human head transplant. Isa itong napakadelikadong operasyon na katumbas ay kamatayan.

Kapag inilipat ang ulo sa ibang katawan, walang kasiguraduhan kung tatanggapin nito ang bagong chemical environment sa katawang pagsasalinan nito.

Dahil sa biological differences ng isang ulo sa donor body ay malabong ma-regain ng tao ang normal consciousness nito.

Napakasensitibo kasi ng ulo. Dito nakalagay ang utak na nagbibigay ng commands sa buong katawan ng tao.

Sa oras na ito ang maputol, mawawala ang lahat ng functions sa katawan at ikamamatay ito ng tao sa loob lang ng ilang segundo.

Kung sa face transplant nga, napakahirap nang ilagay ang mukha ng tao sa mukha ng iba. Nangangailangan ito ng napakaraming dosage ng immunosuppressant, isang uri ng drugs na pumipigil sa immune system para i-reject ang anumang operasyon na gawin dito.

Kung ulo ang gagamitin sa procedure na ito, kakailanganin pa ng mas mataas na dosage, at maaari na itong ikamatay ng tao.

Di bale nang maputulan ng kamay at paa, huwag lang ulo.

Isang malaking palaisipan pa rin kung ano ang magiging takbo ng utak ng isang tao sa oras na maisalin ang ulo nito sa ibang katawan.

Mananatili pa rin ba ang alaala nito? Makakapagsalita pa kaya? Makakapag-isip nang normal? Sa sobrang lalim ng sagot ay walang makaabot.

Isa si Dr. Roughe sa tumuklas kung paano niya mapapanatiling buhay ang isang ulo sa sandaling maidugtong ito sa ibang katawan.

Kapag nagawa niya, siguradong tatatak sa buong mundo ang pangalan niya. Lahat gagawin niya para sumikat. Walang imposible sa utak ni Dr. Roughe.

Gamit ang kapangyarihan at impluwensiya, binili niya ang isang preso na nakatakda nang bitayin. Nagpakuha rin siya ng asong gala sa lansangan.

Ang dalawang ito ang magiging bahagi ng kanyang malaking eksperimento. Nais niyang malaman kung ano ang kalalabasan kapag idinugtong ang ulo ng aso sa katawan ng tao.

Ang weird ng binabalak niyang mangyari. Kung sa bagay, weird din naman ang takbo ng utak niya. Lahat kasi ng bagay na imposible ay nais niya maging posible. Ganoon siya ka-weirdo.

Balik sa tanong. Paano nga ba mabubuhay ang ulo ng hayop sa katawan ng tao?

Kung iisipin ay sadyang napakalabo. Dahil una sa lahat, magkaiba ang compositions ng kanilang mga ulo. Magkaiba ang functions at structures ng mga ito.

Hindi dadaloy ang buhay dahil hindi match ang mga ugat at anatomy nila sa ulo.

Pinag-isipang mabuti ni Dr. Roughe, paano ba niya bubuhayin ang ulo ng asong ito sa katawan ng isang tao?

Bigla niyang naisip. Kung gagamitan niya ng teknolohiya ang eksperimentong ito, maaaring mabuhay nga sa katotohanan ang nais niyang mangyari.

Sa halip na pagdugtungin ang kanilang mga ugat, naisipan niyang gumamit ng isang uri ng wire na magsisilbing ugat ng katawan na magkaiba ang pinagmulan.


Ang special wire na ito ay nabili niya sa bansang China. Nabalitaan kasi niya ang isinagawang eksperimento roon tungkol sa isang aso at pusa na pinagdugtong ang katawan at naging magkambal-tuko.

Magkadikit ang kanilang katawan tulad ng cartoon series na "Cat and Dog". Isang cartoon na malayo sa katotohanan pero naging totoo dahil sa eksperimento ng China.


Nakaimbento sila ng kakaibang wire na magsisilbing ugat ng pinagdugtong na katawan na magbibigay ng buhay sa mga ito.

May kakayahan ang wire na i-match ang lahat ng kanilang internal organs at gumawa ng oxygen para padaluyin ang dugo at ang buhay.

Isang linggo bago dumating ang in-order na special wire ni Dr. Roughe. Pinugot muna niya ang ulo ng tao at tinurukan ng kakaibang gamot ang katawan nito para hindi agad mawalan ng activity ang lahat ng organs nito.

Ang gamot na itinuturok niya rito ay galing din sa China. Karamihan ng mga ginagamit niya sa eksperimento ay galing sa bansang iyon. Ang iba namang mga makina ay nagmula pa sa Russia.

Sunod naman niyang pinugot ang ulo ng aso. Doon niya sinimulang ikabit ang maninipis na special wire sa loob ng katawan ng tao patungo sa loob ng ulo ng aso.

Inabot siya ng ilang araw sa paglalagay lang ng mga wire. Marami pa siyang isinagawang procedures para mapagana ang mga wire na iyon.

Nang maitahi niya ang ulo ng aso ay iniwan niya ito sa loob ng ilang araw at hinayaang mag-adjust ang mga wires sa dalawang pinagsamang katawan.


Pati ito ay nahirapang i-reconstruct ang internal organs ng ulo ng hayop sa katawan ng tao kaya inabot ng ilang buwan bago natapos ang eksperimento.

Pagkatapos ng matagal na paghihintay, laking gulat ni Dr. Roughe sa naging resulta. Ang tao na may ulo ng aso ay gising na ngayon.

Nagsimulang kumurap-kurap ang mga mata nito, iginalaw ang ulo, kasunod ng mga daliri at kamay.

Sa una ay halos hirap na hirap ang tao na kumilos, lalo na sa bandang ulo. Halatang naninibago pa ito sa bagong ulo na isinalin sa kanya.

Sino ba naman ang hindi maninibago kapag sinalinan ka ng ulo ng isang hayop.

Inabot pa uli ng halos ilang linggo bago tuluyang nag-merge ang kanilang internal organs sa tulong ng special wires.

Sa pagkakataong iyon ay higit nang nakakakilos ang lalaki. Naigagala na niya ang ulo sa paligid at naibubuka na rin ang bibig.

Iyon nga lang, wala pa rin itong kakayahan na magsalita. Hindi pa rin ito nakakalakad pero nagagawa nang umupo at itaas ang mga kamay o paa.

Medyo mabagal nga lang ang kilos nito pero napakalaki ng improvements kumpara noong nakahiga pa lang ito.

Sinubukang kausapin ni Dr. Roughe ang lalaki. "Naririnig mo ba ako? Naiintindihan mo ba ang sinasabi ko? Puwede ka bang sumagot?"

Hindi tumutugon ang lalaki pero tumititig ito nang direkta sa kanya. Tila marami itong nais sabihin pero hindi magawang ilabas.

"Kung naiintindihan mo 'ko, tumango ka bilang 'oo'. Kung hindi naman, umiling ka na lang."

Wala pa ring reaksyon ang lalaki. Basta't nakatitig lang ito nang malalim sa kanya. Kulang na lang ay tumagos ang paningin nito sa kaluluwa niya.

Hindi niya pinilit ang lalaki. Marahil ay unti-unti pang nag-a-adjust ang ibang bahagi ng katawan nito. Binigyan pa niya ito ng ilang araw na pahinga at recovery.

Bahagyang kinilabutan si Dr. Roughe sa mga sumunod na araw. Ngayon lang siya kinilabutan nang ganito sa naging hitsura ng lalaki.

Nang maghilom kasi ang tahi nito sa leeg ay humalo na rin ang itim na kulay ng ulo ng aso sa ibang bahagi ng balat nito.

Para bang unti-unting nagiging aso ang buong balat nito pero tao pa rin ang hulma ng katawan. Ang isa pang napansin niya, hindi bumibitiw ng titig ang mga mata ng lalaki sa kanya.

Sa tuwing papasok siya sa kuwarto ay awtomatikong lilingon ang mga mata nito sa kanya. Kahit saan siya magpunta ay hindi aalis ang tingin nito. Liban na lang kung lumabas siya ng laboratoryo.

Hindi pa rin nakakapagsalita ang lalaki. Pero nagagawa na nitong maglakad paunti-unti. Bahagya pa nga siyang nagulat nang kusa itong lumabas ng silid at lumapit sa kanya.

"Kamusta na ang pakiramdam mo? Naiintindihan mo na ba ako? Maaari ka na bang tumango o umiling?"

Hindi alam ni Dr. Roughe kung ano ang pumasok sa isip ng lalaki pero bigla siya nitong sinakal.

Halos bumara ang hininga niya sa higpit ng pagkakasakal nito. Nagawa pang iangat sa sahig ang katawan niya.


Doon ginapangan ng takot sa buong katawan si Dr. Roughe. Hindi niya inaasahan na magiging ganoon ang kilos ng lalaki sa bago nitong ulo.

Pagkabitaw sa kanya ng lalaki ay hinila nito ang kanyang mga paa at kinaladkad patungo sa laboratoryo kung saan niya isinagawa ang eksperimento.

Binuhat siya nito at iginapos sa bakal na higaan.

Larawan ng pagtataka si Dr. Roughe kung ano ang nais gawin ng lalaki. Pero sa huli, napagtanto niya kung ano ang tumatakbo sa isip nito.


Doon na siya nagsisigaw. Kinuha ng lalaki ang mga equipment na ginamit niya noong sinimulan niya ang eksperimento.

Binabalak din yata ng lalaking ito na pag-eksperimentuhan ang katawan niya. Ano naman kaya ang gagawin sa kanya nito? Pupugutin ang ulo niya at ilalagay sa katawan ng hayop?

Mukhang ganoon na nga. Dahil sa muling pagpasok ng lalaki, dala na nito ang katawan ng asong pinugutan niya ng ulo.

"Lintik na!"


Kumalat sa buong laboratoryo ang sigaw ni Dr. Roughe. Ngunit hanggang doon na lang iyon. Sa lawak ng buong laboratoryo ay walang nakakarinig ng mga sigaw niya sa labas.

Nanginig ang buong katawan ni Dr. Roughe nang itutok ng lalaki ang surgical saw sa kanyang leeg. Naramdaman niya ang unti-unting pagkapunit ng kanyang balat nang bumaon ang talim nito.

Higit pa siyang kinilabutan nang bumuka ang bibig nito at inilabas ang dila. Nagpakawala ito ng isang mapanuksong ngiti.

Ganoon pala ang hitsura ng aso kapag ngumiti habang matalim ang titig ng mga mata. Parang Demonyo na sira ang ulo.

Sa kauna-unahang pagkakataon narinig niyang nagsalita ang lalaki. "Ikaw ang aso ko..."

Napaluha sa takot si Dr. Roughe sa nakapangingilabot na boses ng lalaki. Para nga itong Demonyo kung magsalita. Napakalalim ng boses. Daig pa niya ang binangungot sa tindi ng mga nangyayari.

At sa sumunod na eksena, wala nang salita ang nakalabas sa bibig ni Dr. Roughe nang bumagsak ang kanyang ulo sa sahig.

Huli na bago niya natuklasan ang posibleng kalalabasan ng resulta kapag pinagdugtong ang katawan ng hayop sa tao.


Bigo rin siyang mapag-aralan nang mabuti ang special wires na ginamit niya para bigyan ng buhay ang katawan.

Ni hindi nga niya nasaliksik kung ano ang disadvantages at possible danger na maaaring idulot ng produktong iyon. Basta na lang niya binili dahil naengganyo siya sa magkambal-tuko na aso at pusa sa China.

Huli na rin siya sa balita dahil ang hayop na iyon ay kasalukuyan umanong nagkakalat ng lagim ngayon sa bansa.

May lumabas na mga report na bigla na lang daw nawala sa katinuan ang magkambal-tukong hayop at inatake ang lahat ng taong makita nito.

Wala nang makapagsabi kung saan napadpad ang hayop matapos makapatay ng mahigit sandaang katao sa China.

Kung nasaan man ito ngayon, siguradong malalagay sa alanganin ang buhay ng nilalang na makakasalubong nito.

Kung alam lang niya, ang surgical special wire na produkto ng China ay ginawa hindi lang para magbigay ng buhay sa transplanted human body parts, kundi para kontrolin at padilimin din ang kilos at isip nito.

Pagkaraan ng ilang buwan, naging matagumpay ang eksperimento ng lalaking may ulo ng aso. Ang ulo ngayon ni Dr. Roughe ay nakadugtong na sa katawan ng aso.

Medyo hirap pa ring kumilos ang aso dahil naninibago sa bago nitong ulo.

Binuhat ito ng lalaki at hinaplos-haplos ang ulo.

Nakatingin lamang sa kawalan ang mga mata ni Dr. Roughe tulad ng reaksyon ng lalaki noong magising ito sa operasyon.

Walang reaksyon na makikita sa anyo ni Dr. Roughe. Para itong patay na dilat lang ang mga mata. Kung hindi lang gumagalaw ang asong katawan nito ay mapagkakamalang patay na nga ito.

Muling nagsalita ang lalaki. "Ikaw ang aso ko..."

Gulat na gulat ang mga tao sa labas nang masilayan ang lalaking may ulo ng aso bitbit ang alaga nitong aso na may ulo ng tao.

"Jusko poooo! Anong klaseng halimaw 'yan!" sigawan at takbuhan ang lahat.

Higit pa sa inaakala ni Dr. Roughe ang kalalabasan ng operasyon. Sa huli siya pa mismo ang naging biktima ng sarili niyang eksperimento.

Huli na para malaman niyang hindi sa lahat ng pagkakataon ay dapat panindigan ang kasabihang "nothing is impossible".

Wakas.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro