Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Poison the Children

LAMAN ngayon ng balita ang mga batang nawawala. Walang makapagsabi kung ano ang nangunguha sa mga ito. Kung ito ba'y isang tao lamang o grupo ng isang sindikato.

Ang balitang iyon ang nagtulak sa mga magulang ni Carl para lalo siyang higpitan. Hindi na siya makalabas ng bahay dahil puro sermon ang inaabot niya. Hanggang tanaw na lang siya sa mga batang naglalaro sa labas.

Para sa kanya, hindi na tama ang labis na paghihigpit ng mga magulang niya. Kung ang mga kalaro nga niya'y araw-araw nasa labas pero hindi naman nawawala.

Isa pa, sa harap ng bahay lang naman siya makikipaglaro. Hindi naman siya mahilig gumala sa malalayo kaya malabo siyang mawala.

Ilang araw nang nakakulong si Carl sa kanilang bahay na kung tawagin niya ngayon ay rehas. Bawat galaw niya, palaging inuusisa ng nanay at tatay niya.

Kulang na lang yata pati pagsilip niya sa bintana ay ipagbawal na rin.

Isang araw nga, nagtungo sina Carl sa ospital para ipagamot ang lola niyang may sakit. Buong pamilya nila ay umalis. Iyon lang ang unang pagkakataon na nakalabas siyang muli ng bahay.

Pagkatapos nila sa ospital ay namasyal naman sila sa Mall. Kahit papaano, doon ay nagawa muling ngumiti ni Carl. Sa wakas at nakasagap din siya ng buhay sa labas. Talagang nabubuhayan siya ng dugo kapag nakakakita ng maraming tao at palaruan.

Itinuro niya ang isang carousel sa kanyang ina. Subalit binawalan siya nitong sumakay roon. Sinubukan naman niyang magpabili ng ice cream. Pero palo lang sa braso ang inabot niya.

Nag-init muli ang ulo ni Carl. Lahat na lang ng itinuturo niya ay ayaw ibigay sa kanya. Nang pagbawalan pa siyang pumunta sa loob ng Fun World, doon na siya nagdabog, umiyak at kumaripas ng takbo.

Habang tumatakbo ay dinig pa niya ang sumisigaw na boses ng nanay niyang tumatawag sa kanyang pangalan.

Nagdilim ang isip ni Carl. Tumakbo siya nang tumakbo hanggang sa makarating sa labas ng Mall. Mula sa mga hagdan ay naupo siya at doon ibinuhos ang natitirang mga luha.


Pagkasulyap niya sa di kalayuan, nakakita siya ng clown na kumakaway at tila nakatingin sa kanya. Ang costume nito ay nahahati sa dalawang kulay na puti at itim. Ang makeup nito sa mukha ay black and white din.

Kinilabutan si Carl. Hindi niya alam kung clown o demonyo ba ang nilalang.

Sumesenyas ang clown na lumapit sa kanya. Nang hindi pa siya gumalaw ay naglabas ito ng malaking lollipop sa bulsa.

Doon naengganyo si Carl. Tumayo siya at wala sa loob na nilapitan ang payaso. Lumundag naman sa tuwa ang matangkad na clown. Umakbay ito sa kanya saka sila naglakad palayo.

Nang tuluyan silang makaalis ay saka naman nakarating sa labas ang mga magulang ni Carl kasama ang lola nitong naka-wheelchair.

"Saan kaya nagpunta ang batang 'yon!" nag-aalala ang tinig na sabi ng nanay.

Inabot sila ng gabi sa paghahanap ngunit bigo silang makita si Carl. Doon sila nangamba na baka isa na rin ang anak nila sa mga misteryosong nawawala.

GABI. Dinala si Carl ng kasamang payaso sa isang fun house. Sa labas ay abandonado nang tingnan ang bahay. Ngunit pagpasok sa loob, buhay na buhay ito at makulay ang paligid.

Marami ring mga bata na naglalaro at kumakain. Kahit saan tumingin, dagsa ang mga laruan at maliliit na rides.

Nagningning ang mga mata ni Carl habang pinagmamasdan ang mga kasiyahan sa paligid. Nakalimutan na niya ang ginawang paglayas kanina. Enjoy na enjoy siya ngayon kasama ang mga batang naglalaro sa fun house na iyon.

DALAWANG araw na ang nakalipas mula nang mawala si Carl. Labis nang nag-aalala ang mga magulang niya. Kung saan-saan na sila lumapit at nanghingi ng tulong para hanapin ang bata.

Ang isang bagay na nagbigay ng kilabot sa kanila ay ang CCTV sa labas ng Mall na ipinakita sa kanila ng awtoridad. Nakita nila roon na habang naglalakad palayo si Carl ay tila may kausap ito kahit walang kasama.

Katunayan, ganoon din ang footage ng ilang mga batang nahuling naglalakad sa CCTV bago sila mawala. Lahat sila ay tila may kinakausap sa kanilang tabi na para bang may kasama o kalaro.

Labis na nanlumo ang mga magulang ni Carl. Hindi na nila alam kung paano hahanapin ang bata.

Habang pauwi ang dalawa, may isang lalaking nakaitim ang lumapit sa kanila. "Mag-ingat kayong lahat! Nagbalik na siya! Kukunin niya ang mga anak n'yo! Nagbalik na siya rito sa mundo! Si Draven the Clown!"

Nagtaka ang ina ni Carl at napatanong. "Sino ang tinutukoy mo? At bakit alam mong nawawala ang anak namin?"

Ngunit hindi na sila sinagot ng lalaki. Sa halip ay sa ibang tao naman ito lumapit at sinabi ang kaparehong babala.

MASAYANG naglalaro ang mga bata sa loob ng fun house nang tawagin sila ng payaso. Niyaya sila nitong magpunta sa kusina para kumain.

Ang fun house ay may malaki ring kusina. Mula roon ay bumungad sa mga bata ang iba't ibang pagkain na nagpakulo sa mga tiyan nila.

Lalo na si Carl na halos maglaway pa nang makita ang spaghetti. Matagal na siyang hindi nakakakain nito dahil bihira lang magluto ng spaghetti ang nanay niya.

Doon ay araw-araw siyang nakakakain ng spaghetti at iba pang putahe na gustong-gusto ng batang tulad niya.

Sa pagdaan ng ilang mga araw ay unti-unting nagbago ang kilos ng mga bata. Kung kumilos at magsalita ang mga ito, daig pa ang mga baliw sa mental.

Habang nagtatagal sila sa loob ng fun house ay padilim nang padilim ang mga isip nila.

Hanggang sa dumating ang araw na hindi na laruan ang nilalaro nila kundi mga sigarilyo, cocaine, ecstacy at iba pang uri ng droga. Ang iba ay natuto pang tumungga ng alak.

Lahat ng masasamang bisyo ay ginawa ng mga batang iyon na tila hindi na hawak ang sariling isip.

Pagdating ng panahon na hinihintay ng payaso, isa-isa niyang binulungan ang mga bata. Pagkatapos ng bulong na iyon, kusang loob na lumabas ang mga ito at nagpakalat-kalat sa daan.

Ang iba, nangholdap ng mga bag at cellphone.

Ang iba, sumakay sa jeep at nanghablot ng mga gamit.

Ang iba, nagnakaw ng mga pagkain at paninda sa mga tindahan.

Ang iba naman, nambato sa mga dumadaang sasakyan.

Mabilis ngang naibalita sa telebisyon ang mga batang nanggugulo at nag-aamok sa daan. Ang ilan sa mga ito, nakumpirmang kabilang sa mga batang nawawala.

Nahuli ng mga pulis ang isang bata. Nang dalhin nila ito sa presinto ay nagwala ang bata at naging agresibo. Gulat na gulat silang lahat nang tubuan ito ng pangil at kinagat ang kanilang mga kamay.

Nagkaroon ng pambihirang lakas ang bata at nagawang dumikit sa mga pader. Sa paraang iyon ay nakatakas ito at hindi na nahabol. Walang makapagsabi kung paano iyon nagawa ng bata.

Hinala ng iba, mukhang sinapian ito ng Demonyo.

Pagbalik ng batang iyon sa fun house, humahagulgol ito nang iyak at kinuwento ang mga pulis na dumakip daw sa kanya.

Pinakalma naman siya ng payaso at binigyan ng sigarilyo. Iyon lang at tumigil na sa pag-iyak ang bata.

GABI. Lulan ng sasakyan ang lalaking nakaitim na nagngangalang si Julius. Binalaan na niya ang bawat taong nakakasalubong tungkol sa pagbabalik ng nilalang na kumukuha sa mga bata para lasunin ang isip.

Subalit walang may gustong maniwala sa kanya. Isa siya sa mga nawalan ng anak noon dahil sa nilalang na iyon.

Kaya naman siya na lang ang susugod para puksain ang salot na ito. Nalaman na niya kung saan nagtatago ang nilalang.

Huminto siya sa harap ng isang abandonadong fun house. Mukha lang itong abandonado sa labas. Pero kung sisilipin ang likod, may isang shortcut doon na natatakpan ng matataas na damo kaya hindi napapansin ng tao.

Sa tantiya niya, doon din marahil idinadaan ng nilalang ang mga nakukuhang bata para hindi mahalata na may ipinapasok ito sa abandonadong fun house.

Ikinasa niya ang malaking baril at pinasok ang naturang bahay.

Nang magpaputok siya sa langit ay nagulat ang mga bata. Nagsigawan ang mga ito na parang hayop at nagtakbuhan sa loob.

Sinundan ni Julius ang mga bata at pinasok din niya ang pinakaloob ng fun house. Doon niya nakita ang mga bata kasama ang payasong nakaitim na costume.

Iyon ang clown na kanyang pakay. Ang nilalang na tinatawag noon bilang Draven the Clown. Isang demonyong payaso na lumalason sa isip ng mga batang nakakaramdam ng lungkot para turuang magrebelde at gawing halimaw.

Sa isang senyas ng clown, umungol na parang hayop ang mga bata at sumugod sa kanya.

Inihanda ni Julius ang baril at pinaputukan ang isa. Napaatras naman ang ilang mga bata. Tila ayaw na ayaw ng mga ito ang tunog ng kanyang baril. Sila ay nanghihina at nangingisay sa sahig.

Napaatras si Julius sa sunod na ginawa ng payaso. Hinawakan nito pataas ang sariling ulo hanggang sa humiwalay ito sa leeg. Iginulong nito ang ulo sa sahig na parang bola.

Tila may isip namang gumulong ang ulo patungo sa kinaroroonan ni Julius. Hindi niya alam kung ano ang mangyayari sa oras na makarating sa kanya ang ulo.

Sinubukan niya itong iwasan. Pagtama ng ulo sa isang palaruan ay lumikha iyon ng matinding pagsabog.

Nadapa si Julius sa ginawang pag-iwas. Pagtingin niyang muli sa payaso, tinutubuan ito ng panibagong ulo! Sumenyas itong muli sa mga bata para sumugod.

Wala na siyang nagawa. Sunod-sunod niyang pinagbabaril ang mga batang naging halimaw bago pa makalapit sa kanya. Wala na siyang pakialam kahit maubos pa ang mga ito.

Ang pagputok ng baril niya ay lumikha ng sapat na ingay para agawin ang atensiyon ng mga taong napapadaan sa labas.

Akala ng ilan, may nagaganap na patayan sa loob ng abandonadong fun house. Napilitan silang magtawag ng pulis.

Nang matapos ang matitinding putukan, bumagsak sa sahig ang katawan ni Julius dulot ng pagod. Ubos lahat ang mga bata sa loob at duguan. Nagbalik na rin ang dati nilang mga anyo.

Ang demonyong payaso ay misteryosong nawala. Kahit saan siya lumingon ay hindi na niya ito makita.

Kung gaano siya katagal nakasandal sa dingding ay hindi niya alam. Sinukluban siya ng pagsisisi sa ginawa niya. Marami siyang mga batang napaslang at wala iyon sa plano niya. Ang nais lang niya'y mapuksa ang mismong nilalang na dumukot at lumason sa mga ito.

Sandali pa at nakarinig siya ng mga yabag ng paa na pumasok sa loob. Hanggang sa madatnan siya ng mga pulis na nakasandal, hawak ang baril, habang nakabulagta sa paligid ang bangkay ng mga bata.

Agad siyang inaresto ng mga pulis at pinosasan sa kamay. "Huwag kang gagalaw! Ikaw lang pala ang nangunguha sa mga bata! Tapos ngayon pinagbabaril mo pa!"

Nataranta si Julius at hindi alam ang gagawin. "Teka lang! Wala akong kasalanan! Hindi ako ang kumuha sa kanila. Maniwala kayo! Gusto ko lang silang tulungan! Pakiusaaaaap!"

Wala nang may gustong makinig kay Julius. Hindi na niya alam kung paano patutunayan na hindi siya ang kumuha sa mga bata.

Nang dalhin siya sa loob ng sasakyan, natanaw niya sa di kalayuan si Draven the Clown. Matalim ang titig sa kanya, kumakaway habang tumatawa.

Wakas.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro