Manika
ISANG misteryosong babae ang nakilala ni Bruno. Natagpuan niya itong nakaupo sa parke, walang kausap, walang katabi at palaging nakatingin sa malayo.
Minsang tabihan niya ito ay kusa itong humarap sa kanya at nakipag-usap. "Maganda ba itong manika ko?"
Pinagmasdan ni Bruno ang manikang kasing laki ng sanggol na hawak ng babae. Hindi niya maiwasang kilabutan sa kakaibang hitsura ng manikang ito. Parang mangkukulam.
Sa huli, tumango pa rin siya at sinang-ayunan ang babae upang hindi ito masaktan, kahit ang totoo'y hindi niya gusto ang nakakatakot na hitsura ng manika.
"Salamat. Sa lahat ng nakakita sa manika ko, ikaw lang ang nagandahan."
Nawirduhan na rin si Bruno sa babaeng ito. Boses pa lang ay may taglay ding misteryo. "Wala 'yun! Lahat naman ng nilalang ay may taglay na kagandahan," sabi na lamang niya para makuha ang loob ng babae.
Aaminin niya, kahit may pagkawirdo ito ay hindi maitatanggi ang taglay nitong kagandahan. Pati na ang maalindog nitong katawan at perpektong postura na nagpaliyab sa pagkalalaki niya.
Hanggang baywang ang buhok nito at natatakpan ang kalahati ng mukha. Madalas din itong nakayuko kahit may taong kausap.
"Gusto mo bang mamasyal?" Minsan ay niyaya ni Bruno ang babae. Para naman hindi puro kawirduhan ang ginagawa nito sa mundo.
Dahil sa kabaitang pinapakita niya ay gumaan din ang loob nito sa kanya. Sumama nga ito nang yayain niyang gumala sa Mall.
Ayon sa babae, iyon daw ang unang beses na makapasyal siya sa matataong lugar. Hindi siya komportable kapag napalilibutan ng maraming tao.
"E, bakit palagi kang nakatambay sa Park? Marami rin namang tao roon, ah?"
"Pero hindi kasing dami ng mga nandito. Para silang mga langgam na nagkakagulo sa paningin ko. At isa pa, hindi rin ako sanay sa mga malalamig na pasyalan gaya nito. Mas gusto ko pa rin ang sariwang hangin."
"Gano'n naman pala, e. Dapat pala sa Luneta kita dinala. Mas gusto mo sa mga open places, 'no?"
"Oo, Bruno."
"Bakit naman?"
"Mas nakapagbibigay ng lakas sa amin ang sariwang hangin."
Nagtaka si Bruno. "Sa amin?" Saka nito naalala ang manikang hawak palagi ng babae. "Oh, I get it."
Saglit na pumagitan ang katahimikan sa kanilang dalawa. Mayamaya'y si Bruno ang bumasag nito nang tanungin niya ang pangalan ng babae.
"Ako nga pala si Rosana. At ito ang pinakamamahal kong kapatid, si Roselia." Sabay hagod nito sa ulo ng manika.
"Pati pala manika mo may pangalan din, ah!"
"Mahal na mahal ko ang manikang ito. Si Roselia na lang ang natitirang pamilya ko."
Doon pa lang naunawaan ni Bruno kung bakit ganoon kumilos ang babae. Mahirap nga naman mangulila sa magulang at mamuhay mag-isa.
Isang araw, niyaya si Bruno ng babae sa bahay nila. Iyon ang unang beses na makakatapak siya sa tahanan ng babae.
Nagdala si Bruno ng mga rosas dahil paborito ito ni Rosana. Madalas ikuwento sa kanya ng babae na punong-puno raw ng rosas ang loob ng bahay nito.
Kitang-kita nga niya nang makapasok sa loob kung gaano karaming rosas ang makikita sa paligid. Bumabagay ito sa pulang damit na laging sinusuot ng babae.
"Halika sa kusina. Kumain muna tayo."
Isang masarap na putahe ang inihanda ng babae kay Bruno. Nang matikman niya ito ay lalo siyang naglaway sa sarap.
Hindi niya namalayang naparami siya ng kain. Ang sobrang kabusugan ay tila nagpaantok sa kanya. Tila may kakaibang sangkap ang pagkain na nagpadilim sa paningin niya.
Bigla na lang nakatulog si Bruno sa lamesa at napasandal ang katawan sa kinauupuan. Nang magising siya, labis ang pagtataka niya kung bakit siya nakatali sa isang kama.
At nang lingunin niya ang paligid, nakahilera sa tabi ang mga agnas na bangkay ng mga lalaking nakabigti. Halos dumilim ang silid sa dami ng mga katawang nakaharang sa nakasarang bintana.
Biglang iniluwa ng pinto si Rosana habang buhat-buhat ang manikang si Roselia.
"Rosana... Ano ito?" Nagsimula nang kumabog ang dibdib ni Bruno.
"Salamat, Ate. May bago na naman akong doll collection!"
Gulat na gulat si Bruno nang makitang magsalita ang manika. Sa pagkakataong iyon ay kumikilos ito na parang tao. Tumatawa na parang demonyo.
"A-Anong..." umurong ang dila ni Bruno. Halos wala nang tinig na gustong lumabas sa kanyang bibig.
Isang malagim na katotohanan ang ibinulgar sa kanya ni Rosana. "Salamat sa kabaitan mo kahit hindi ako totoong tao."
May ilang sandaling napaisip si Bruno kung ano ang ibig sabihin ng babae. Pero nang pagmasdan niyang mabuti ang dalawa, doon siya may napansing kakaiba.
Muling nagsalita ang manika, at ito mismo ang nagkumpirma sa bagay na ibinubulong ng isip niya.
Hindi totoong tao si Rosana. Isa lamang itong manika na kasing laki ng tao. Isang uri ng manika na sadyang idinisenyo para magmukhang tunay na tao.
Sa kanilang dalawa ay si Roselia ang tunay na tao. Taglay nito ang kakaibang sakit kung saan may pagkakapareho sa manika ang hitsura ng balat at katawan nito. Hindi rin ito lumalaki kagaya ng isang unano. Isa itong rare condition na hindi pa natutuklasan ng siyensya.
Kitang-kita ni Bruno kung paano lumiwanag ng kulay pula ang mga mata ni Roselia. Kung ano ang iwika ng isip nito ay siya namang lumalabas sa bibig ng manikang si Rosana. Isang ilusyon. Isang patibong. Isang tunay na sugo ng dilim!
Sinukluban ng kilabot ang kanyang katawan nang mapagtanto ang sinapit ng mga bangkay na nakabigti sa silid. Mga lalaking tulad niya ay kinaibigan din ni Rosana para ibigay bilang laruan sa kanyang kapatid.
"Ngayon, may bago na akong laruan..." tumatawang sabi ni Roselia habang inilalabas ng kapatid nito ang patalim sa bulsa.
Sindak na nagsisigaw si Bruno. At sa isang senyas ng bata sa alagang manika, patalim na ang nagsalita.
Wakas.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro