Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Halimaw, Saan Ka Ginawa?

SA LUMALAWAK na kakayahan ng utak ng tao, lahat na yata ay posibleng mabuo at magawa nito. Pati ang makalumang paniniwala ay sumasabay rin sa paglawak habang tumatanda ang panahon.

Kagaya na lamang ng binabasa ngayon ni Xander sa internet. Isang ritwal ang nagsasabing puwede raw lumikha ng halimaw gamit lang ang mga bagay na makikita sa bahay.

Simula pa man ay nakahiligan na ni Xander ang paggawa ng iba't ibang uri ng eksperimento. Kahit ang karamihan sa mga ito ay nauuwi sa wala, hindi pa rin siya nagsasawang magsayang ng oras sa mga ito.

Iyon lang kasi ang libangan ng mga tulad niyang walang kaibigan. Kaya naman ganoon na lamang kung pasukin ng iba't ibang kawirduhan ang utak niya. Palibhasa'y puro laruan ang palagi niyang kasama noong pagkabata. Kaya ngayong malaki na siya, ang pagiging wirdo ay hindi naalis sa pagkatao niya.

Dulot ng pagkainip ay hinatak siya ng utak para gawin ang ritwal na nabasa sa internet. Para makabuo raw ng isang halimaw ay nangangailangan ng apat na sangkap: lupa, tubig, dugo at laman ng isang hayop o nilalang na wala nang buhay.

Madali na sanang hanapin ang mga nabanggit, subalit sa panghuling sangkap ay napakunot-noo siya. Saan naman kaya siya hahanap ng nilalang na wala nang buhay?

May maliit na gagambang napadaan sa paanan niya. Mabilis niya itong tinapakan at dinampot. Sa wakas at may nakuha na rin siyang nilalang na wala nang buhay.

Sinimulan na niya ang hakbang sa ritwal ng paggawa ng halimaw.

Kumuha siya ng pinanggalingan ng cup noodles at inilagay roon ang katawan ng patay na gagamba. Tinabunan niya iyon ng lupang kinuha pa niya sa likod ng bahay at nilagyan ng kaunting tubig hanggang sa maging basa ang lupa.

Sa pangatlong hakbang, kailangan daw niya itong patakan ng sariling dugo. Iyon daw ang magbibigay ng buhay sa lilikhaing halimaw.


Sisiw lang kay Xander na sugatan ang sarili. Sanay na siyang masaktan dulot ng labis na pag-iisa. Kaya naman kumuha siya ng karayom at tinusok ang daliri. Hinayaan niyang pumatak ang dugo sa lupang nakalagay sa cup noodles.

Ang huling hakbang na kailangan daw gawin ay alayan ito ng dasal. Sa artikulong nabasa niya ay nakalagay na rin ang isang latin prayer na kakailanganin sa ritwal. Ito ang binasa niya nang tatlong beses habang hawak ang cup noodles.

Nang maisagawa na ang lahat ng hakbang, inilagay niya sa ilalim ng kama ang cup noodles. Ayon sa nabasa niya, kailangan daw ilagay sa mga sulok ng bahay ang eksperimento at hayaan itong dapuan ng buhay sa mga susunod na araw.

Lumipas ang ilang mga araw ay walang nangyari sa ginawang eksperimento ni Xander. Napagalitan pa siya ng ina dahil kung anu-anong basura na naman daw ang nilalagay niya sa mga sulok ng bahay. Inutusan siya nitong itapon iyon.

Nagtungo si Xander sa kusina ngunit wala na naman ang basurahan doon. Dulot ng katamaran, sa inidoro na lang niya tinapon ang lupa saka binuhusan ng tubig.

Nakaugalian na niyang itapon o itago sa mga sulok-sulok na bahagi ng kanilang bahay ang kanyang basura kapag wala siyang makitang basurahan.

Muli siyang tinawag ng ina at inutusang maglatag ng mga pinggan sa lamesa dahil kakain na sila. Pagkatapos niyang gawin iyon ay sinilip niya ang kalderong nakasalang pa sa lutuan. Pagbukas sa takip ay agad na pumasok sa kanyang ilong ang amoy ng mainit na tinolang manok.

Tuwang-tuwa siya dahil paborito niya ang ulam na niluto ng kanyang ina para sa araw na iyon. Ang dami nga niyang nakain at halos pumutok ang tiyan niya sa labis na busog.

Hindi nagtagal ay naramdaman niya ang pagtawag ng kalikasan. Dali-dali siyang sumugod sa banyo at inilabas ang masamang loob sa kanyang tiyan.

Pagkatapos maghugas ay binuhusan niya ng tubig ang inidoro. Nagulat pa siya dahil bigla itong bumula-bula at naglabas ng berdeng likido na hindi niya alam kung saan nagmula.

Dahil sa pagkabusog ay sinumpong na siyang muli ng katamaran. Agad siyang lumabas ng banyo at nagkulong muli sa kuwarto. Ugali na niyang humiga at harapin ang cellphone pagkatapos mabusog. Wala na siyang pakialam kahit may dumi pang naiwan sa paligid na dapat linisin.

Inabot ng gabi sa paglalaro ng mobile games si Xander. Nahinto lang siya nang makaramdam ng pagsakit ng pantog.

Muli siyang tumayo at nagtungo sa banyo para umihi. Ngunit pagpasok niya roon, bumulaga sa kanya ang berdeng likido na nagkalat sa buong inidoro. Saan nanggaling ang mga kemikal na ito? At bakit tila lalo silang dumadami?

Pagkatapos niyang umihi, nagbuhos siya ng isang balde ng tubig sa inidoro. Muling lumitaw ang kalinisan nito. Payapa siyang nagbalik sa kuwarto at dinampot muli ang cellphone.

Sa pagdaan ng panibagong araw ay ganoon pa rin ang daily routine ni Xander. Walang kasawaan ang paulit-ulit niyang pagbabasa ng mga wirdong ritwal o kuwento sa internet pagkatapos ay gagayahin niya ito.

Naistorbo siya sa pagbabasa nang tumawag muli sa kanya ang kalikasan. Pagtungo niya sa banyo, nalukot ang noo niya nang makita muli ang mga nagkalat na berdeng likido sa inidoro. Sa pagkakataong iyon ay mas marami ito at halos mahulog pa sa sahig ang iba.

Ang likido ay mayroon na ring amoy na masakit sa ilong. Parang binubugbog ang sikmura niya sa tuwing malalanghap ang amoy na iyon. Tila may kung anong nilalang ang dumura ng laway roon at ganoon na lang kadami ang kemikal.

Muli niya itong binuhusan ng tubig at nang luminis ay naglabas na siya ng sama ng loob. Pagkatapos ay dumeretso na rin siya sa pagligo at nagtapis ng tuwalya sa katawan.

Bago siya lumabas ng banyo ay nilingon niyang muli ang inidoro. Ganoon na lamang ang pagtataka niya nang umapaw muli ang berdeng likido.

Bubuhusan na sana niya ng tubig iyon nang biglang bumula-bula ang tubig sa inidoro kasabay ng paglitaw ng isang tila buntot.

Kumaripas ng takbo si Xander patungo sa kuwarto. Larawan ng pagtataka ang buong anyo niya. Saan ba nagmumula ang likidong iyon? Hindi kaya galing sa eksperimentong itinapon niya roon?

Kung anuman iyon ay nagdulot na ito ng kilabot sa kanya. Hindi na niya napigilang sabihin sa ina ang nangyayari sa kanilang inidoro.

Hanggang sa makita mismo ng kanyang ina ang pag-apaw ng tubig sa inidoro na may kasamang berdeng likido. Ilang beses itong binuhusan ng tubig ngunit hindi na bumababa ang laman ng inidoro. Lalo itong umaapaw hanggang sa bumuhos na sa sahig.

Inutusan siya ng ina na tawagin ang kapitbahay nilang tubero para ipasuri ang banyo. Hindi pa man siya nakakalabas ng bahay nang marinig niya ang biglang pagsigaw ng ina.

Dali-dali siyang bumalik at sumilip sa banyo. Subalit pagbalik niya roon, isang kasindak-sindak na eksena ang bumulaga sa kanya.

Mula sa inidoro ay lumabas ang isang galamay na pumulupot sa leeg ng kanyang ina. Nilublob ng galamay na iyon ang mukha nito sa umaapaw na tubig sa inidoro.

May isa pang galamay ang lumabas at pumalupot sa katawan ng babae. Doon naalarma si Xander at naghanap ng matulis na bagay na maipanglalaban sa halimaw.

Pumasok sa alaala niya ang ginawang eksperimento tungkol sa paglikha ng halimaw. Doon niya napatunayang totoo nga ang lahat ng nakasaad sa artikulong iyon. Hindi siya makapaniwala.

Nakakita ng mahabang pamalo si Xander. Iyon ang ipinanghataw niya sa dalawang galamay na nagtatago sa loob ng inidoro. Ngunit hindi natinag ang galamay. Bagkus ay naglabas pa ito ng isa pang galamay at inagaw ang pamalong hawak niya.

Doon pinatiran ng tapang si Xander at akmang tumakbo. Bago pa siya makalabas ay narinig niyang muli ang pagsigaw ina at tinatawag ang pangalan niya. Nakikiusap ito na huwag niyang iwan.

Noon lang niya narinig pumalahaw nang ganoon ang ina kaya naawa siya at maluha-luhang bumalik. Ngunit sa mga sumunod na eksena ay nanigas siya sa kinatatayuan.

Nakita niya ang pagtilapon ng putol na kamay ng kanyang ina. Sunod-sunod ang paghagis ng iba't ibang bahagi ng katawan nito. Ang huling bagay na tumilapon mula sa banyo ay ang ulo nito.

Doon nagsisigaw si Xander at bumigay ang mga binti sa sahig. Napahagulgol siya habang pinagmamasdan ang putol-putol na katawan ng inang nagkalat sa sahig ng kusina.

Mula sa inidoro, sunod-sunod ang paglabas ng mga galamay habang umaapaw ang tubig. Pagbagsak nito sa lupa, ang maliit nitong katawan ay unti-unting lumaki hanggang sa maghugis-tao.

Sandali pa at lumabas na sa banyo ang nilalang na nagmula sa inidoro. Laksa-laksang kilabot ang dumapo sa katawan ni Xander. Halos panlakihan siya ng mga mata sa halimaw na hating tao at hating gagamba ang katawan.

Ang mas nakagigimbal pa, kamukha ng halimaw na iyon ang anyo niya. Ang pinagkaiba lang ay malalaki ang luwa nitong mga mata, kulubot ang mukha, malaki ang bibig at may maliliit pang mga matang nakapaikot sa noo nito.

Sa labis na takot ay hindi agad nagawang tumayo ni Xander. Nanginginig ang mga kamay na gumapang siya sa sahig hanggang sa makarating sa pinto.

Ngunit nang maalala niya ang ginawa ng halimaw sa kanyang ina, unti-unting humupa ang takot na nararamdaman niya at napalitan ng galit. Galit na handang gawin ang lahat maipaghiganti lang ang pagkasawi ng ina.

Siya ang lumikha sa halimaw na iyon. Siya rin ang tatapos sa buhay nito.

Nanggigigil ang mga kamaong tumayo si Xander. Lalo namang tumalim ang mga titig sa kanya ng taong gagamba.

Pareho silang sumugod sa isa't isa. At nang magtagpo ay sabay silang nilukuban ng kadiliman.

Paggising ni Xander ay maraming likido ang nagkalat sa sahig. Nang lingunin niya ang halimaw ay wala na itong buhay at butas ang katawan. Subalit sa tabi ng halimaw, nakita niya ang isang bagay na nagpasindak sa kanya.

Nakita niya roon ang sariling katawan! Tunaw ang balat at halos hindi na makilala ang mukha! Doon nagbalik sa kanyang isip ang isang bahagi ng alaala bago humantong ang lahat sa madilim na pagwawakas.

Pagkasugod niya sa halimaw ay nilamon siya nito nang buo. Hindi na siya nakapalag pa. Dumiretso siya sa loob ng katawan nito ngunit nanatiling buhay. Sinamantala niya ang pagkakataon at nilamutak ang lamang-loob ng halimaw hanggang sa mabutas niya ang katawan nito.

Bumagsak ang halimaw at nakalabas siya sa tiyan nito. Subalit hindi nagtagal ay nahilo siya hanggang sa magdilim ang paningin. Hindi niya kinaya ang dami ng lason na nalanghap niya sa loob ng katawan nito.

Gulat na gulat si Xander habang pinagmamasdan ang sariling bangkay. Kasunod niyon ang pagsigaw niya nang ubod ng lakas.

"Aaaaaaaaaaahhhh!!!"

Wakas.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro