Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

God is Dead

WARNING: This story may contain strong language, adult content, depictions of sex, violence, religions, and elements that are not suitable for some audiences. Read at your own risk.

ISANG grupo sa Maynila ang nagtayo ng sarili nilang organisasyon kung saan lahat ng mga miyembro ay walang Diyos at relihiyong pinaniniwalaan.

Ang tawag nila sa kanilang samahan ay LuVianos, na ang ibig sabihin ay kalayaang mabuhay sa kahit anong paraan na kanilang naisin.

Sa lugar ng mga LuViano, ang isang bagay na mahigpit nilang sinusunod ay mamuhay nang walang pinaniniwalaang mga Diyos at relihiyon.

Para sa kanila, ang relihiyon ay isa lamang sa mga pangunahing dahilan ng hindi pagkakasundo ng maraming lahi sa iba't ibang panig ng mundo.

Kaya sa binuo nilang kaharian itinapon nila ang paniniwala tungkol sa mga relihiyon. Sa halip ay nagsagawa sila ng sariling pilosopiya na nagsasabing, "hindi mo kailangan ng relihiyon para gumawa ng mabuti sa kapwa".

Naniniwala sila na ang tao ay puwede pa ring makagawa ng mabuti sa mundo nang hindi sumasamba sa kahit anong Diyos.

Bahagi rin ng kanilang pananaw ang humanap ng kagandahan sa madidilim na mga bagay.

Bukod dito, kilala ang mga LuViano sa paglikha ng mga sining na may madidilim na tema. Karamihan dito ay mga nakakatakot na paintings at sculptures ng mga santo at Diyos-Diyosan.

Sa lugar nila, kilala ang malaking rebulto ng Sto. Nino na lawit ang mahabang dila, may mahabang sungay, itim ang mga mata at taglay ang anyo ng Demonyo.

Ginagawa nilang nakakatakot ang imahe ng mga Diyos at Santo para ipakita sa lahat na isang kathang isip lamang ang mga nilalang na ito at hindi dapat sinasamba o dinadasalan.

Every art of LuVianos intentionally goes with really disturbing imagery and is trying to provoke everyone's brain into thinking. They think that art should be allowed to be unsafe and unsettling.

Ang kanilang talento sa paglikha ng nakakatakot na imahe ng mga Santo ay nakatulong para palakasin ang sarili nilang ekonomiya.

Marami sa ibang bansa ang bumibili sa kanilang mga obra at daan-daang libo ang kinikita nila rito. Ang bawat salaping nalilikom nila sa kanilang negosyo ay ginagamit para magpatayo ng bahay sa mga nangangailangan.

Buwan-buwan ay nagkakaroon din sila ng malaking feeding program para sa mga bata at pamilyang halos wala nang makain.

Maliit lamang ang kanilang komunidad ngunit taglay nila ang walang kapantay na kaunlaran. Sa lugar nila'y walang away, walang gulo, walang diskriminasyon.

Lahat sila ay nagkakasundo dahil sa iisang paniniwala at iisang paninindigan.

Walang Diyos. Walang Demonyo. Walang relihiyon. Kalayaan lamang ang kanilang hangarin.

Freedom. Equality. No Discrimination. Expressionism.

Ang misyon ng kanilang organisasyon ay patunayan sa lahat na puwedeng gumawa ng mabuti sa kapwa nang walang kinikilalang mga Diyos-Diyosan.

Ang kakaibang pamumuhay ng mga LuViano ay pinag-usapan at kumalat sa iba't ibang lugar. Hanggang sa makarating ito sa preacher na si Donito Carlos.

Isa siyang pulubi na palipat-lipat lang sa iba't ibang lugar. Minsan ay nasa tabi ng kalsada. Minsan ay nasa ilalim ng tulay. Minsan ay nasa gilid ng basurahan.

Sa umaga ay madalas siyang makita sa daan, nangangaral at isinisigaw ang mga salita ng Diyos.

Sa kabila ng kanyang kalagayan ay hindi nawala ang pananampalataya niya. Naniniwala siya na ang taong may malakas na pananampalataya ay mas mahaba ang buhay.

"Mga anak ni Hudas!" gulat na gulat ang lalaki sa kanyang natuklasan tungkol sa mga LuViano. "Patawarin n'yo po sila, Panginoon! Hindi nila alam ang kanilang ginagawa!"

Palibhasa'y may deperensya na rin siya sa utak kaya ganoon na lamang ang reaksyon nang marinig ang balita tungkol sa mga taong hindi naniniwala sa Diyos.

Sensitibo si Donito Carlos kapag Diyos ang pinag-uusapan. Ayaw na ayaw niyang nakakarinig ng masasama tungkol sa Panginoon. Lahat ng hindi naniniwala rito ay itinuturin niyang mortal na kaaway.

Galit na galit si Donito Carlos sa mga taong walang pananampalataya. Para sa kanya, lahat ng walang kinikilalang Panginoon ay hindi na dapat binibigyan ng puwang sa mundo.

Katwiran niya, ano pa ba ang silbi ng buhay kung walang pananampalataya?

Nilakbay ni Donito Carlos nang araw na iyon ang lugar ng mga LuViano. Nais niyang sirain ang organisasyong ito na sa tingin niya'y nagkakalat ng lagim sa sanlibutan.

Isa-isa niyang hinarang ang bawat taong makasalubong at pinangaralan tungkol sa mga salita ng Diyos. "Isang malaking kasalanan sa ating ama ang magtayo ng sariling relihiyon! Kinakailangan n'yong magbalik-loob sa Diyos upang makamit ang totoong kaligayahan!"

Sa lakas ng boses niya, pati ibang mga tao sa lugar ay napapatingin na rin. Tingin nga nila rito ay isang baliw na naligaw sa kanilang bayan.

"Pasensiya na ho kayo pero hindi relihiyon ang LuVianos. Isa itong pilosopiya na aming pag-aari sa lugar na ito."

Kahit anong paliwanag ng mga LuVianos ay lumalabas lang sa kabilang tainga ni Donito Carlos. Matindi ang kagustuhan nitong mabuwag ang naturang komunidad.


Sa mga sumunod na araw ay nagbalik siya roon at mag-isang nangaral sa daan. Binasa niya ang bibliya, ibinahagi ang sampung utos at ipinagsigawan ang mga turo sa simbahan.

Kahit magmukhang tanga na ang sarili ay hindi itinigil ni Donito Carlos ang pangangaral hangga't hindi nagbabago ang loob ng mga tagaroon.

"Hindi tamang babuyin ang imahe ng Diyos! Ang ating ama ay sadyang sagrado at hindi dapat ginagamit sa mga bagay na walang kabuluhan!" Sabay turo sa rebulto ng mga nakakatakot na santo sa paligid.

Isang babae ang lumapit kay Donito Carlos. "Mawalang galang na ho. Ano po ba ang ginagawa n'yo rito? Nagsasayang lang po kayo ng oras. Bakit kailangan n'yo pang ipagpilitan ang isang bagay na hindi namin gustong gawin?"

"Dahil hindi n'yo dapat tinatanggihan ang Diyos sa buhay ninyo! Siya ang buhay nating lahat! Sa kanya nagmula ang ating mga hininga. Siya ang may likha sa mundong tinatapakan natin ngayon!"

"Pero magkakaiba tayo ng paniniwala at pananaw sa buhay. Hindi n'yo puwedeng pilitin ang isang tao na pumanig sa inyo dahil karapatan din naming pumili kung anong daan ang tatahakin namin. Hindi n'yo kailangang pakialaman kung anuman ang meron dito sa lugar namin ngayon. Payapa kaming namumuhay rito kaya sana huwag n'yo na kaming gambalain pa."

"Pero naghahasik kayo ng lagim sa mga ginagawa ninyo! Kaya maraming mga sakit at sakuna ang kumakalat ngayon dahil sa mga tulad ninyo! Nagagalit na ang Diyos sa lumalaking kasalanan sa mundo! Tinutulungan ko lang naman kayo na magbalik-loob sa liwanag!"

Isang ale pa ang sumingit sa usapan. "Kung meron mang naghahasik ng lagim dito, ikaw iyon, Ginoo! Bigla-bigla ka na lang kasi sumugod dito. Ano ba'ng kailangan n'yo?"

"Oo nga. Saka ito talaga ang sistema sa lugar namin at hinding-hindi mo iyon mababago!" pakli pa ng isa. Pilit pa rin nilang pinapakitaan ng magandang loob ang matanda.

"Pero mali ang ginagawa n'yo! Mali ang sistema ninyo, mali ang paniniwala ninyo, lahat ng nandito mali! Kaya nga ako nagpunta rito para itama lahat ng mga baluktot ninyong pag-iisip! Walang masama sa ginagawa ko dahil inilalapit ko lang naman kayo sa mabuti. Kaya kung inaakala n'yong nagpunta ako rito para manggulo, pwes nagkakamali kayo!"

Sadyang matapang si Donito Carlos. Mag-isa lang siya roon pero kinakalaban ang lahat ng LuVianong makabangga niya.

Ganoon siya katapat sa kanyang pananampalataya. Handa siyang banggain ang kahit na sinong tao maibahagi lang ang relihiyong kinalakihan.

Sa huli ay nagsawa rin ang mga tao at hindi na pinansin si Donito Carlos. Araw-araw pa rin siyang nagpupunta sa lugar ngunit ni isa ay wala nang pumapansin sa kanya.

Doon pa lang napagtanto ni Don Carlos kung gaano siya nagmukhang tanga sa pagsasalita sa daan pero wala namang nakikinig.

Nagdulot iyon ng labis na galit sa kanya. Isang galit na kahit ang pananampalataya niya ay hindi napigilan ang pagdilim ng kanyang isip.

Sa muli niyang pagbabalik ay may dala siyang palakol. Isa-isa niyang sinugod ang bawat kabahayan nang gabing iyon at walang awang pinagtatadtad ang katawan ng mga LuViano.

Bawat bahay na madaanan ay hindi niya pinalampas. Hangga't may nakikita siyang LuViano ay kanyang pinupugutan ng ulo at pinuputulan ng kamay. Parang karne ng hayop kung tadtarin niya ang mga ito.

"Dahil sa ginagawa n'yong pambababoy sa Panginoon, hindi ko na hihintaying dumating ang panahon na malunod kayo sa Impiyerno! Dahil ako na mismo ang magdadala ng Impiyerno dito sa lugar ninyo!"

Isang batang babae ang nagmamakaawa sa kanya habang pinagmamasdan ang mga magulang nitong wala nang buhay at wakwak ang dibdib.

"Kebata-bata mo pa pero Demonyo ka na! Wala kang Diyos! Dapat lang na mawala na sa mundo ang mga walang Diyos sa kanilang puso!"

"Naririnig n'yo po ba iyang sinabi n'yo?" sigaw sa kanya ng bata.

Hindi nagustuhan ni Donito Carlos ang sinabi ng bata kaya agad niyang tinabas ang leeg nito gamit ang palakol.

Gumulong ang napugot na ulo ng bata sa sahig at mabilis na nangisay ang katawan.

Lumabas si Donito Carlos at naghanap pa ng ibang bahay na mapapasukan.

Nagkagulo sa buong komunidad ng Mga LuViano. Isa-isa silang nagsilabasan at nagtakbuhan palayo.

Ni hindi na siya nilabanan ng mga tagaroon. Ang tingin sa kanya ay isang salot na halimaw. Lahat ay iwas sa kanya sa takot na mahawa sa pagkahalimaw ng kanyang utak.

Kamatayan ang sasapitin ng sinumang matamaan ng palakol ni Donito Carlos. Uuwi silang pugot ang ulo at tadtad ang katawan.

Isang matandang lalaki pa ang binutasan niya ng ulo at dinukot ang utak.

"Walang silbi ang utak na ito kung wala namang pananampalataya!" Nanggigigil ang kamao na dinurog ni Donito Carlos ang sariwang utak. Bumulwak pa ang dugo at dilaw na likido sa kanyang kamay.

Isang matabang lalaki ang nagsusubok na tumakas pero bago pa makatakbo ay tinamaan na ng palakol ang paa. Natumba ito sa daan at putol ang kalahating paa.

Hindi maipinta ang anyo ng matanda sa pagtangis. "Bakit mo ginagawa ito? Ano ba'ng nagawa namin sa 'yo?"

"Sa akin wala! Pero sa Panginoon meron! Ang mga katulad n'yong Demonyo ang nagdadala ng salot dito sa sanlibutan! Mga walang kuwentang tao!"

"Hindi ka marunong rumespeto sa paniniwala ng iba. Lalo mo lang pinatunayan sa amin kung gaano kasama ang relihiyon n'yo. Hindi kami nanakit ng kapwa kailanman. Wala kaming tinapakang ibang tao at wala kaming pinapatay. Hindi kami tulad mo. Ikaw ang Demonyo!"

Sa sinabi ng matanda, hinataw agad ni Donito Carlos ng palakol ang leeg nito. Saka niya hiniwa ang dibdib nito at hinati sa dalawa ang katawan.

Ang mga lamang-loob na lumabas ay dinampot niya at hinagis sa paligid. Puno ng galit ang dibdib niya.

Tuluyan na siyang nasiraan ng bait. Hindi na niya naisip na higit pa sa krimen ang ginagawa niya ngayon. Isang bagay na hindi rin katanggap-tanggap sa mata ng Diyos.

Nakalimutan na niya ang isa sa sampung utos na huwag papatay. Siya na mismo ang pumapatay sa mga taong nais niyang iligtas noong una at ibalik ang loob sa Panginoon.

Sinong mag-aakala na ang taong may malakas na pananampalataya ay magiging utak pa sa pagdanak ng dugo sa lugar na iyon?

Ang gabing iyon ay naging madugo at madilim. Walang kapantay na lagim.

Pagsapit ng umaga, kalat ang dugo at mga putol-putol na katawan sa kalsada. Habang si Donito Carlos ay paika-ika sa paglakad at habol ang hininga.

Naliligo siya sa dugo ng mga napaslang na LuViano habang hawak ang palakol na nabahiran na rin ng dugo.

Puno ng pagsisisi ang kanyang anyo. Noon lang niya napagtanto kung gaano katindi ang inabot ng lahat.

Siya pa mismo ngayon ang lumabag sa mga salita ng Diyos. Hindi niya kilala ang kanyang sarili kagabi. Pakiramdam niya'y sinapian siya ng Demonyo sa kanyang nagawa.

Bakit ganoon? Matibay naman ang pananampalataya niya pero bakit nakuha pa ring kontrolin ng Demonyo ang kanyang utak?

Sa labis na emosyon ay hindi kinaya ni Donito Carlos ang pagsabog ng kanyang bait. Gamit ang palakol hiniwa niya ang sariling leeg.

Di kalaunan, isa na rin siya sa mga bangkay na nakahandusay ngayon sa daan.

Nalagas ang buong komunidad ng mga LuViano. Kasama ang mismong tao na lumagas sa kanila.

Wakas.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro