Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

deaddora.exe

Before I end my life, I just want to share the video game I created. I don't give a fuck if it unfolds all my secrets. And of course, the moment you're reading this, I might be dead. To all the crooks and cheaters, this is what you all deserve!

Nagtaka si Bruce sa nabasa niya. Pagbukas niya sa website ng 4Chan ay ito agad ang thread na bumungad sa kanya. Nababalot ng misteryo ang mensahe na kumiliti sa kuryosidad niya. May nakalagay na link sa ilalim ng mensahe. Pagkapindot doon, dinala siya nito sa website ng isang PC Game na may pangalang "Dead Dora".

Ayon sa description, ang Dead Dora ay isang laro na tumatalakay sa lost adventure ni Dora the Explorer na hindi umano ipinakita sa telebisyon. Pero naka-indicate din sa description na isang work of fiction lamang iyon. Gayunpaman, nakuha pa rin nito ang atensiyon ni Bruce kaya idinownload niya ang file.

Deaddora.exe ang pangalan ng file. Sa palagay niya, isa na naman ito sa mga panibagong creepypasta games na kumakalat ngayon sa online. Palibhasa'y kinababaliwan niya ang mga larong may halong katatakutan kaya hindi siya nagdalawang isip na subukan ito.

Sa poster pa lang ng laro, makikita ang duguang mukha ni Dora kasama ang partner nitong si Boots na may halimaw na anyo. Kahit sinong bata ay matatakot laruin ito.

Ang ilan sa mga paborito niyang creepypasta games ay ang Ben Drowned ng Majora's Mask, Killswitch, Lavender Town Syndrome ng Pokemon Red and Blue at Godzilla: Monster of Monsters. Ngayon ay curious siya kung ano kaya ang meron sa Dead Dora na ito.

Pagkatapos mag-download ng file ay agad niya itong in-open. Nagdilim ang screen at lumitaw ang duguang mukha ni Dora. Sa ilalim nito ay nag-fade in ang pamagat ng laro. Dead Dora: The Unseen Adventure of Dora the Explorer.

Nagsimula ang laro sa isang Amusement Park na kung tawagin ay Blue Paradise. Tumunog sa speaker ng computer niya ang introduction dialogue ni Dora na karaniwang maririnig sa naturang palabas.

Hola! Me Llamo Dora. Today, we're going to San Nicholas Cemetery to save my little brother. He was kidnapped by an evil scientist and we need to get him back right now, before it's too late!

Naglalakad sina Dora at Boots habang hinahanap ang daan palabas ng amusement park. Medyo madilim na sa kanilang dinadaanan dahil latag na ang gabi. Wala na ring mga tao sa buong lugar.

Ilang sandali lang, may panibagong dialogue na lumitaw sa bandang ilalim ng screen. Oh no! I think we're lost! There's a lot of maze in here. Could you find the right way to the exit?

Makikita ang tatlong maze na buhol-buhol at nahahati sa mga letrang A, B at C. Isa lang sa mga ito ang daan patungo sa exit ng amusement park.

Basic lang iyon kay Bruce. Ang guhit sa exit ang sinundan niya nang tingin hanggang sa dalhin siya nito sa letrang B. Pagkapindot niya sa tamang letra ay mabilis na lumakad doon sina Dora hanggang sa makalabas sa exit.

Lumitaw sa screen ang mensaheng, Congratulations! You passed the first level! Kasabay ng nakagugulat na tunog ng batang babaeng sumisigaw na parang tino-torture. Bahagyang nagulat doon si Bruce at napahawak sa dibdib.

Sa pangalawang lebel ng laro, makikitang nakatayo sina Dora sa lumang tulay na tinatawag na Sta. Lucia Bridge.

Habang binabasa ni Bruce ang dayalogo, bahagyang nanindig ang kanyang balahibo sa malakas na ihip ng hangin na sound effect ng laro. Kakaiba ang tono ng hangin na animo'y bumubulong. Tila nagbabanta. Tila nagpapahiwatig.

Ayon sa dayalogo, kailangan nilang tumawid sa tulay na iyon. Ang problema, may mababangis na mga asong nakaharang sa gitna ng tulay. Kailangan nilang lampasan ang tulay nang hindi inaatake ng mga aso.

Humingi ng tulong si Dora sa backpack niya. Inilabas ng backpack na may mukha ang mga kakailanganin para makatawid nang ligtas sa tulay. Pinili ni Bruce ang isang baril. Nagtaka pa siya kung bakit may baril si Dora sa bag nito. Hindi nga yata talaga child-friendly ang larong iyon.

Gamit ang baril, isa-isang pinaputukan ni Dora ang mga aso. Bawat tamaan ay nagpapakawala ng nakakikilabot na alulong. Isang alulong na sagad hanggang buto. May kasama pang nilalang na bumubulong. Hininaan niya ang speaker ng computer dahil baka mapatay siya nito nang hindi oras sa takot.

Sa pangatlong lebel ng laro, makikitang nakatayo sina Dora sa isang madilim na gubat na kung tawagin ay Dead Forest. Patay na ang lahat ng mga puno sa paligid. Madidinig din ang nakapanghihilakbot na huni ng iba't ibang mga hayop. Lalo namang lumakas ang ihip ng hangin na parang may ibinubulong na hindi niya maintindihan.

Doon nagsimulang tumindig ang mga balahibo ni Bruce. Tila pumapasok hanggang sa kaloob-looban ng dalawang tainga niya ang mga nakakikilabot na tunog. Pakiramdam niya, nandoon siya mismo sa loob ng laro. Parang ayaw na niyang tumuloy.

Ngunit ipinaalala niya sa sarili na isang laro lamang iyon at hindi dapat katakutan. Naglakas-loob siyang ituloy ang paglalakbay ni Dora. Pinindot niya ang enter at lumitaw ang panibagong dialog.

May mababangis na mga nilalang ang diumano'y namumugad sa gubat na iyon. Kailangan nilang paslangin ang bawat nilalang na mapadaan upang marating nila ang sementeryo kung saan dinala ang kapatid ni Dora.

May isang sasakyan na nakaparada sa gilid. Kailangan daw nila itong gamitin at banggain ang mga halimaw na magtangkang humarang sa kanilang dadaanan. Ngunit ang problema, nawawala ang susi ng sasakyan.

Ayon sa dayalogo, kailangang talasan ang mata para makita ang susi. Bahagyang nahirapan si Bruce sa paghanap dahil medyo madilim ang buong gubat. Inilapit na niya ang mukha sa screen at pinagmasdang mabuti ang bawat detalyeng makikita sa paligid.

Nahanap niya ang susi sa madamong parte ng gubat. Pagkapindot niya ng mouse sa kinaroroonan ng susi, kusa itong lumabas at lumapit kina Dora. Agad silang sumakay sa sasakyan at pinaandar ang makina.

Pinatakbo ni Bruce ang sasakyan gamit ang left and right button. May mga halimaw na biglang lulundag mula sa itaas ng mga puno at haharang sa daan. Binangga lang ni Bruce ang lahat ng mga ito. Medyo napapapikit pa siya dahil bawat halimaw na mabangga niya ay naglalabas ng nakapangingilabot na sigaw na parang nagmula sa kailaliman ng lupa. Isang sigaw na tila sinasadya siyang gulatin at takutin. Mahina na ang volume ng computer pero malakas pa rin sa pandinig ang sigaw ng mga ito. Parang mga Demonyong nagwawala sa impiyerno.

Tuluyang pinatay ni Bruce ang volume ng speaker para hindi na marinig ang mga nakakagulat na sigaw. Bahagyang nabawasan ang takot niya roon.

Matagumpay niyang nalampasan ang madilim na gubat. Narating din niya ang sementeryo na may pangalang San Nicholas Cemetery. Ito ang lugar kung saan binihag ang kapatid ni Dora. Ayon sa dayalogo, kailangan nilang pasukin ang sementeryo at hanapin kung saan itinago ang kapatid nitong lalaki.

Subalit pagkapasok pa lang nila sa gate, biglang lumitaw ang isang cartoon character na pamilyar kay Bruce. Nagtaka siya nang masilayan si Jimmy Neutron. Ano ang ginagawa ni Jimmy Neutron sa isang Dora the Explorer na laro?

May mga dialog na muling lumabas sa screen. Nag-uusap ang dalawang karakter.

Dora: Hey, who are you?

Jimmy: I'm Jimmy Neutron. What are you doing here?

Dora: I'm looking for my little brother. An evil scientist has brought him here.

Jimmy: Well, go away! This place is very dangerous for you.

Dora: I can't go home without my little brother!

Jimmy: There is no one here but me. Leave this place now or I'll bury your head!

Dora: What do you mean?

Jimmy: There's something here that is not meant to be seen by anyone.

Dora: How about my brother? I need to find him first!

Jimmy: You consumed all my patience! Take this, bitch!

Nagulat si Bruce sa sumunod na eksena. Naglabas ng palakol si Jimmy Neutron at pinugutan ng ulo si Dora. Gumulong ang ulo nito sa paanan ni Jimmy. Kasunod niyon ang paglabas ng bagong dayalogo na nagpakaba kay Bruce.

Jimmy: Ha! Ha! Ha! No one will find my secret now except you... Yes, you! Yes, the one who's reading this right now. . .You! Ha! Ha! Ha! Gotta blast!

Nagtapos ang laro sa pag-blackout ng screen kasabay ng paglitaw ng duguang mukha ni Dora.

Napakunot ng noo si Bruce. Siya ba ang kinakausap ng karakter na ito? Kung magsalita kasi ito, parang siya ang tinutukoy sa huling dialog nito. Ano naman kaya ang sikretong nakatago sa sementeryong iyon at bakit takot na takot si Jimmy na may makapasok doon?

Natapos ni Bruce ang laro na walang naintindihan sa storyline nito. Maraming mga katanungan ang naiwan sa isip niya. Nag-iwan din iyon ng kilabot sa kanya. Kahit natapos na niya ang laro, nanatiling nakatayo ang kanyang mga balahibo. Hindi mawala sa isip niya ang mga sound effects nito pati ang ending scene kung saan pinugutan ng ulo si Dora.

Mag-isa lang sa bahay si Bruce kaya hindi niya maiwasan ang pagkalat ng kilabot sa buo niyang katawan. Nagtatrabaho sa ibang bansa ang mga magulang niya at malayo rin ang bahay ng mga tropa kaya wala siyang malapitan.

Binuksan niya ang ilaw sa buong sulok ng bahay at pinagana ang TV. Nilakasan pa niya ang volume nito para umingay sa loob ng bahay. Sinara din niya ang mga bintana ng kuwarto upang hindi masilayan ang kadiliman sa labas. Ewan ba niya kung bakit ganoon na lang ang epekto ng larong iyon sa kanya.

Nang sumunod na araw, tuluyang humupa ang takot sa buong pagkatao ni Bruce. Lulan siya ng inarkilang sasakyan kasama ang mga kaklase sa subject nilang Tourism Planning and Development. Pupunta sila sa isang bayan sa Pampanga upang magsagawa ng research na ide-defense nila sa susunod na linggo.

Habang nasa biyahe, naisipang manaliksik ni Bruce tungkol sa Dead Dora. Nais niyang malaman ang ibang impormasyon tungkol sa larong ito na nagbigay ng kakaibang takot sa kanya.

Napag-alaman niya na isang Filipino ang game developer ng larong ito na nagngangalang si Jimmy Manansala. Ayon sa ilang mga artikulo, nalulong sa droga si Jimmy kaya bumaluktot ang isip. Nawalan siya ng trabaho at pinatay pa ang sariling asawa. Nakulong si Jimmy ngunit binawian din ng buhay sa loob ng kulungan. Bukod sa problema sa pag-iisip ay nakitaan din ito ng iba pang komplikasyon sa katawan na siyang ikinamatay nito.

Walang nahanap si Bruce na kakaibang impormasyon tungkol sa mismong laro kaya hindi niya malaman kung may dapat din ba siyang malaman doon. Sa tingin niya'y sapat na ang nalaman niya tungkol kay Jimmy Manansala kaya inihinto na niya ang pananaliksik. Sa wakas at makakahinga na rin siya nang maluwag.

Nang makarating na sa lugar, nagkanya-kanya silang magkakaklase. May ilang naghanap ng tindahan. May ilang naghanap ng kainan. May ibang gumala sa mga pasyalan.

Si Bruce ay naisipang libutin ang madamong lugar kung saan may mga lumang bahay sa paligid. Unang beses niyang makasagap ng sariwang hangin sa probinsya kaya nanibago siya. Napakatahimik din ng lugar. Malayong-malayo sa nakagisnan niya sa Maynila.

Sa kanyang paglalakad ay may nadaanan siyang sementeryo. Nasa bandang dulo iyon ng masukal at madamong paligid. Kinabahan siya dahil pagkahinto roon ay nakarinig siya ng pamilyar na tunog. Isang malakas na ihip ng hangin na tila bumubulong. Katulad ng tunog ng hangin sa larong Dead Dora.

Pag-angat ng dalawang mata niya, lumukso ang kanyang puso sa nabasa sa itaas. San Nicholas Cemetery. Hindi siya puwedeng dayain ng mata. Ito ang kaparehong pangalan ng sementeryong tinutukoy sa Dead Dora game.

Dulot ng kuryosidad ay pinasok ni Bruce ang sementeryo. Bumungad sa kanya ang mga wasak na puntod sa paligid. Para bang inabando na ang sementeryong iyon at halos lahat ng mga puntod ay wala nang laman.


Isa-isa niyang sinilip ang mga ito. Ganoon na lamang ang pagkabog ng kanyang dibdib nang makita ang isang puntod. . .may laman itong pugot na ulo ng isang babae!

Wakas.

No one will find my secret now except you... Yes, you! Yes, the one who's reading this right now. . .You!

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro