Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Bangis ng Alak

WARNING: This story may contain strong language, adult content, depictions of sex, violence, religions, and elements that are not suitable for some audiences. Read at your own risk.

"LAKLAK ka nang laklak! Mukha ka nang parak!"

Hataw na hataw si Muyok sa pagbirit sa videoke. Palibhasa'y sinapian na ng espiritu ng alak kaya nagwawala na ang boses. Hindi niya alam, pati mga asong gala ay nagwawala na rin sa labas. Kulang na lang ay wasakin ang bakod niya para lang lapain siya.

Kabilin-bilinan ng lola

'Wag nang uminom ng serbesa

Ito'y hindi inuming pangbata

Mag-softdrinks ka na lang muna

Pero ngayon ako'y matanda na

Lola pahingi ng pantoma

Isang ale ang dumungaw sa bintana. "Hoy, Muyok! Magpatulog ka naman! Papatayin mo ba kami sa bangungot?"

Sakto ring natapos ang pag-awit ni Muyok kaya nakamit din ng mundo ang kapayapaan. Pati mga kainuman niyang namumula na sa pagkalasing ay lalo pang namula sa kakatawa sa kanya.

Birthday ni Muyok kaya nag-arkila siya ng videoke sa harap ng bahay. "Ano'ng masasabi n'yo? Ayos ba? Sagot! Ngayon narinig n'yo rin ang aking talento na hindi n'yo inakala!" pagmamayabang pa ni Muyok na hindi na alam kung saan uupo sa labis na kalasingan.

"Sa madaling salita, talentong ikaw lang ang naniniwala!" banat sa kanya ng isang barkadang mahilig mambara.

Isang palo sa ulo ang tinamo nito matapos insultuhin si Muyok. "Mainit na nga ang panahon, pinaiinit mo pa ang ulo kong hayop ka!" Tawanan ang iba pa nilang kasamahan.

Pare-parehong may saltik na sa utak ang magbabarkada kaya wala nang ginawa kundi pagtrip-an si Muyok. "Isa pa! Isa pa! More!"

Nagsalita ang isa sa kainuman niya at nag-request ng kanta. "Kantahin mo naman 'My Way' para matsugi ka na!"

Umugong muli ang tawanan. Sa lugar kasi nila ay may kumakalat na kuwento tungkol sa mga lalaking minamalas at namamatay matapos kantahin ang 'My Way' sa mga videokehan.

Pumili ng kanta si Muyok. Lumabas ang titulong "Halik ni Hudas" sa screen. Pagka-start ng tugtog ay humedbang ang mga kasama niya.

Mga asong naloloko

Nagpapanggap na tao

Pangakong matamis

Puro langaw at ipis

Sa bawat tabi at sulok

Pagkatao'y nabubulok

Nakalubog na sa kabaong

Lalo pang binabaon

Isang nagrorondang tanod ang napadaan sa kalsada. Parang mga pusang nabulabog ang magbabarkada at inawat si Muyok sa pagkanta. Alam kasi nilang bawal na ang mag-videoke pagdating ng hatinggabi. Si Muyok lang talaga ang pasaway at ayaw makinig. Hindi na rin nagtagal ang kanilang inuman matapos masabihan ng tanod.

Kinabukasan, habang naglalakad sa daan ay may nakasalubong na matabang lalaki si Muyok. May tulak itong kariton na punong-puno ng mga case ng alak. Huminto ang lalaki nang magkatinginan sila.

"Gusto mo bang bumili?" nakangiting tanong ng matabang lalaki.

"Ano ba'ng meron d'yan?"

"Mga alak na kung tawagin ay Black Dragon. Ako mismo ang nagtimpla at gumawa. Mura lang ito, bossing. Sa halagang isang daan, may limang bote ka na."

Nahumaling si Muyok. Basta alak ay kakagatin niya.

Ayon pa sa lalaki, iyon daw ang pinakamatapang na alak sa balat ng lupa. Pampalakas. Pampasigla. Pampawala ng problema.

Humiling ng free taste si Muyok para subukan ang produkto. Namangha siya sa lasa. Matapang nga pero masarap. Manamis-namis at medyo mainit sa tiyan.

"Iyan ang Black Dragon, ang alak ng matatapang at malalakas!" pagmamalaki ng matabang lalaki.

Hindi nagdalawang-isip at bumili rin si Muyok.

Tuwang-tuwa naman ang matabang lalaki habang inaamoy ang isang daang piso na papel. Mabilis itong umalis at itinulak ang kariton.

Magtatanong pa sana uli si Muyok ngunit paglingon niya ay wala na ang matabang lalaki pati ang tulak nitong kariton. Nagtaka siya. Parang bula na biglang naglaho ang lalaki. Sa lawak ng daan ay imposibleng makaalis agad ito nang ganoon kabilis. Nagkibit-balikat na lamang siya at nagpatuloy sa paglalakad.

Sinubukan muli ni Muyok ang tapang ng alak pagkauwi sa bahay. Naglapag siya ng baso sa lamesa at sinolo ang isang bote. Napakatapang talaga. Naghahalo ang tapang at ang sarap. Ang pinaghalong pait, tamis, at linamnam na kumukurot sa dila niya. Habang tumatagal ay lalong nakapanglalaway. Nakapang-iinit. Nakapang-aalab ng puso.

Isang bote pa lang ang naubos niya ngunit malakas na ang tama. Nagsimula na siyang mahilo at manlambot ang katawan. Ngunit sa tuwing dadaloy sa dila niya ang alak ay lalo siya nitong inuudyok para tumikim.

Hindi siya nakatiis at muling tinira ang isa pang bote. Ang tatlong bote na natira ay itinabi niya para sa mga barkada mamayang gabi.

Ngunit sa paglatag ng gabi ay hindi na nagawang tawagan ni Muyok ang mga barkada. Namumula na siya sa labis na kalasingan. Dalawang bote lang ang naubos niya pero halos masuka-suka na siya. Iba talaga ang tama ng alak na iyon. Sobrang sarap pero nambubugbog.

Bagsak agad sa kama ang katawan niya. Ang labis na kalasingan ay mabilis na nagpatulog sa kanya. Nagising na lang siya na nasa gitna na ng kalsada. Nagtaka siya kung paano napunta roon. Bumangon siya at nilibot nang tingin ang paligid.

Babalik na sana si Muyok sa bahay nang lumabas ang asawa niya. Nagulat siya nang makita ang nakasisindak nitong anyo. Ang ulo nito ay naging kamukha ng Demonyo. Napaatras siya.

Biglang may tumawag sa kanya. Paglingon ni Muyok sa di kalayuan, nakakita siya ng lalaking nakaputi, mahaba ang buhok, may balbas at maamo ang mukha. Lumiliwanag ang katawan ng lalaking iyon at nakalutang sa lupa ang mga paa.

"Anak, ako ang Panginoong Diyos."

Napamulagat si Muyok at kinusot ang dalawang mata. Hindi nagbago ang kanyang paningin. Nasa harap nga niya ang Diyos!

"L-Lord?" sambit niya.

"Napupuno na ng Demonyo ang mundong ito, Muyok. Hindi na kaaya-aya sa aking paningin. Tulungan mo akong linisin ang buong sanlibutan. Patayin mo ang lahat ng taong makikita mo na may anyong Demonyo. Huwag mo silang tirhan ng hininga. Sila ang salot na sumisira sa ating mundo at dapat na silang mawala rito. Magagawa mo ba iyon para sa akin, anak? Isa lang ang kapalit. Isasama kita sa langit."

Paniwalang-paniwala si Muyok. Lumuhod pa siya at nag-sign of the cross. "Opo, Lord! Susundin ko po ang kagustuhan ninyo! Amen po! Amen!"

Tumayo siya at hinarap ang asawa. Isang malakas na suntok ang pinakawalan niya sa mukha nito. Sinakal pa niya ito at inangat ang katawan sa lupa. Pagkuwa'y ibinato niya ito papasok sa loob at kumuha ng patalim sa kusina. Tinadtad niya ng saksak ang katawan ng babae. Ang sama ng titig niya sa mala-Demonyo nitong anyo.

Kagaya ng inutos ng Panginoon, huwag daw niyang tirhan ng hininga ang Demonyong ito. Iyon nga ang ginawa niya. Pinagsasaksak niya ang mukha nito. Pati leeg. Pati dibdib. Hanggang tiyan. Hindi niya tinigilan hanggang sa tuluyang malagutan ng hininga.

Sa sobrang galit ay nagsisigaw si Muyok. Doon siya nagising sa realidad. Napagtanto niya, panaginip lang pala ang lahat. Pagbangon niya, sakto namang pumasok ang kanyang asawang si Maricel. Galit na galit ito at pumuputak na naman ang bunganga.

"Pinagbigyan na nga kitang uminom kagabi, pati ba naman ngayon uminom ka pa rin? Tingnan mo nga 'yong mga kalat mo sa kusina! Linisin mo naman! Pagod na pagod na ako, Muyok! Ako na lang palagi ang naglilinis! Ako na lang palagi ang naglalaba! Ako na lang palagi ang kumikilos dito sa bahay! Tumulong ka naman! Maryosep, tumatanda kang paurong!"

Nairita siya sa bunganga ng asawa. Tinakpan niya ang dalawang tainga at pumikit. Bigla siyang nakarinig ng bumubulong na boses. "Patayin mo ang lahat ng taong makikita mo na may anyong Demonyo. Huwag mo silang tirhan ng hininga."

Pagdilat ni Muyok, nagulantang siya sa bagong mukha ng asawa. Ang anyo nito ay kahawig na ng isang Demonyo. Patuloy pa rin sa pagbubunganga ang babae habang gumuguhit sa mabalasik nitong anyo ang galit.

Lumakas ang mga bulong sa tainga ni Muyok. "Huwag mo silang tirhan ng hininga. Patayin mo ang lahat ng taong may anyong Demonyo."

Pinakulo ng nainom na alak ang dugo ni Muyok. Nagwala ang utak niya. Dagdag pa ang mga bulong na nagpadilim sa isip niya.

Sumigaw siya na parang dragon. Sa pagkakataong iyon ay hindi na niya alam ang nangyayari. Ang nasa isip lang niya ay patayin ang lahat ng taong may anyong Demonyo.

Nilapitan niya ang asawa at sinakal. Halos umangat sa lupa ang mga paa nito. Nagpupumiglas ang babae ngunit bigo itong makalaban. Singlakas ng sampung dragon ang mga kamay ni Muyok. Nagawa niyang kalbuhin ang babae sa pamamagitan lang ng isang sabunot.

Pagbagsak ni Maricel sa sahig ay nagsisigaw ito sa labis na sindak. Lalong uminit ang dugo ni Muyok sa boses ng babae. Sinapak niya ito sa mukha at inihampas ang ulo sa dingding. Doon nawalan ng malay ang babae.

Galit na galit na lumabas ng kuwarto si Muyok. Pagbalik niya, may hawak na siyang patalim. Namimilog pa ang dalawang mata niya habang pinagmamasdan ang babae na may halimaw na mukha. Muli niyang narinig ang bumubulong na boses. "Huwag mong tirhan ng hininga!"

Hinataw niya ng saksak sa dibdib ang babae hanggang sa malagutan ng hininga. Pagkatapos ay hiniwa niya ang tiyan nito at nilamutak ang mga lamang-loob. Sunod niyang hiniwa ang mga kamay at paa ng babae hanggang sa maputol.

Patuloy lang sa pagbulong ang nilalang na nasa isip ni Muyok. Inuudyok siya nitong katayin at tadtarin ang katawan ng asawa hanggang sa hindi na makilala.

Iyon nga ang ginawa ni Muyok. Matapos niyang putulan ng kamay at paa, sunod naman niyang pinugot ang ulo nito. Dinukot pa niya ang mata at pinutulan ng dila. Ang mas nakagigimbal pa, binutas niya ang ulo ng babae at dinukot ang utak.

Tuwang-tuwa siya at nanlalaki pa ang dalawang mata habang pinagmamasdan ang sariwang utak na mamasa-masa pa. Dinurog at nilamutak niya ito gamit ang kanyang kamay. Gigil na gigil siya. Hindi niya tinigilan hanggang sa magmistulang giniling ang utak ng babae.

Bigla siyang nakaramdam ng gutom. Inamoy niya ang utak at dinilaan. Natakam siya. Noon lang niya nalaman na ganoon kasarap ang utak ng tao. Hindi siya nagdalawang-isip na papakin ito. Parang hayop na ngumangasab kung kainin niya ang utak. Kakaibang sarap sa pakiramdam ang idinulot nito sa kanya.

Pagkatapos kainin ang utak ay lalo siyang nagkaroon ng pambihirang lakas. Itinapon na niya ang kutsilyo. Sariling mga kamay na niya ang ginamit sa pagdurog sa katawan ng babae. Dinampot niya ang ulo at binasag ang bungo gamit ang kamao niya. Pinagbabali niya ang mga buto ng babae at inihagis sa iba't ibang bahagi ng kuwarto.

Unti-unting nakaramdam ng pagbigat ng dibdib si Muyok. Parang nag-aapoy ang katawan niya sa labis na kalasingan. Kulang na lang ay sumuka siya ng apoy.

Dahan-dahan siyang tumayo at tumakbo sa banyo. Isinuka niya sa inidoro ang lahat ng nagpapabigat sa dibdib niya. Nang makaramdam ng ginhawa ay humihingal na lumabas siya ng banyo at napasulyap sa katapat na salamin.

Nagulat si Muyok. Demonyo ang sarili niyang anyo sa salamin! At mula sa likuran niya, nakatayo ang lalaking nagpakilala bilang si Hesukristo.

"Paslangin mo lahat ang Demonyo, anak. Lahat ng may anyong Demonyo ay paslangin mo. Huwag na huwag mong titirhan ng hininga."

Nangilabot si Muyok. Paano niya papatayin ang isang nilalang na may ulo ng Demonyo kung ang nilalang na iyon ay siya na mismo? Hilakbot na hilakbot siya habang kaharap ang sarili sa salamin.

"Huwag kang matakot, anak. Kasama mo ako sa langit. Ako ang Panginoong Diyos. Wala kang dapat katakutan kapag ako ang kasama mo."

Makapangyarihan ang salita ng nagbabalatkayong nilalang. Nilapitan nga ni Muyok ang salamin at sinuntok. Hindi na niya alintana ang pagdugo ng kamao. Pinagsusuntok niya ang salamin hanggang sa mabura ang repleksyon niya roon. At ang malalaking tipak ng salamin na nahulog sa sahig ay pinulot niya at isinaksak sa sariling mukha.

Humagalpak ng tawa ang nilalang habang pinagmamasdan si Muyok na sinasaktan ang sarili. Hindi na nakita ni Muyok ang paglabas ng tunay na anyo ng nilalang na nagpapanggap na Hesukristo. Ang nilalang na nasa likuran niya ngayon ay ang matabang lalaki na nagbenta ng alak sa kanya. Tuwang-tuwa ito habang nakikita siyang naghihirap at nauubusan ng hininga.

"Laklak ka nang laklak! Mukha ka nang parak!"

Wakas.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro