Bagsik ng Letra
NABUHAYAN ng dugo si Harvey matapos makita ang mga bagong Rapper na namamayagpag ngayon sa internet. Hindi niya inakalang magbabalik muli ang HipHop sa eksena matapos malaos ng ilang taon dahil sa pagsikat ng K-Pop at Hollywood music sa bansa.
Damang-dama rin niya ang pagbangon ng HipHop dahil sa mga tugtugang maririnig sa labas. Dahil doon, tila nahumaling siyang muli na magbalik sa karera bilang rapper. Kung hindi lang sana siya tinalo noon sa isang malaking fliptop battle, hindi sana siya malalaos nang ganito.
Ang pagbagsak ni Harvey sa rap scene ay sa ganito nagsimula: Nag-away sila ng kaibigan at kasabayan sa industriya na si Cyborn dahil sa babae. Nasira ang kanilang samahan matapos siyang magkaroon ng relasyon sa nobya ng kaibigan. Palagi silang laman ng balita dahil sa walang humpay nilang bangayan at sagutan. Hanggang sa magkatapat sila sa isang pinakamalaking tournament ng fliptop sa bansa, kung saan umuwing luhaan si Harvey matapos talunin ni Cyborn sa freestyle rap.
Mula noon, tinalikuran na ni Harvey ang industriya at naisipang bumalik sa kanilang probinsiya. Doon siya nagbagong-buhay at nagpalipas ng panahon sa mga taong mainit ang dugo sa kanya.
Dahil sa muling pagkauso ng HipHop kung saan siya nakilala, naisipan niyang itayo ang sarili sa pagkakalugmok at surpresahin ang mga tao sa isang comeback track.
Iyon nga ang ginawa ni Harvey. Nagbalik siya sa dating studio sa Maynila at nagtawag ng pinakamagaling na producer para tulungan siya sa pagbuo ng bagong kanta.
Para makahanap ng inspirasyon, binalikan niya ang mga kantang naging bahagi ng childhood niya. Kabilang na ang mga kanta ni Eminem at iba pang rapper na iniidolo niya.
Muli niyang napakinggan ang kantang "Rap God" ni Eminem. Ito ang nag-udyok sa kanya para gumawa ng mga kantang sing bilis ng mga verses nito.
Pansin kasi niya na karamihan sa mga rap songs ngayon ay sakto na lamang ang bilis ng mga verse. Wala nang gumagawa ng mabibigat at mas mabibilis na verses gaya ng isang bahagi sa kantang Rap God.
Iyon ang bagong concept na naisip niya. Mababangis at mabibilis na mga verses.
Naghanap pa siya ng ibang kanta na puwedeng kuhanan ng inspirasyon. Hanggang sa matagpuan niya ang isang kanta na pinamagatang "Pasabog".
Letra ko ang papatay sa 'yo.
Boses ko ang bubugbog sa 'yo.
Linya ko ang magbabaon sa 'yo.
Wag kang gagalaw, wag kang pipikit, wag kang bibitaw
Heto ang matinding pasabog na yayanig sa mundo mo
Nagulantang si Harvey sa mga sumunod na napakinggan niya. Halos atakihin siya dahil sa labis na bilis ng mga verses. Ito na yata ang pinakamabilis na rap song na narinig niya. Wala pang nakagagawa nang ganoon kabilis maliban sa unknown artist ng kantang ito.
Nagsaliksik siya tungkol sa kantang iyon. Walang nakakaalam kung sino ang tao sa likod nito. Hindi kilala ang may-ari ng kanta. Bigla na lang itong nag-leak sa internet. Isa ito sa mga kantang lumulutang sa online na walang nagmamay-ari.
Gayuma sa pandinig ang kanta kaya pilit itong ginagaya ng mga rapper sa internet. Nagkaroon pa nga ng challenge kung saan sinusubukan nilang higitan ang bilis ng mga verses nito.
Si Harvey naman ang sumubok. Pati siya ay nahirapan din sa mga verses ng kantang iyon. Hindi niya makuha-kuha ang mabibilis na bahagi nito. Palagi siyang nawawala sa tono at nabubulol.
Napansin ni Harvey, may something sa kanta na pumipigil sa boses niya para magaya ang eksaktong bilis nito. Pero hindi siya sumuko. Magdamag niyang pinag-aralan ang techniques ng kanta. Inabot siya ng ilang araw sa pag-ensayo. Hanggang sa dumating ang isang gabi na maging siya ay namangha sa labis na bilis ng boses niya.
Sa pagkakataong iyon ay mukhang handa na siyang higitan ang misteryosong kanta. Lumapit siya sa microphone ng studio at sinimulang bigkasin ang mababangis na mga letra.
Maghanda na ang lahat ng mga ungas
Nandito na ang diablong hihigop sa iyong lakas
Hindi ka makakawala, hindi ka makakatakas
Kahit saan ka magtago makikita ko ang iyong bakas
Huwag kang gagalaw huwag kang kukurap huwag kang bibitaw
Nandito na ang matinding pasabog na lalagas sa lahat ng halimaw
Babagsak na ang bulalakaw buong kalawakan matutunaw
Papanaw lahat ng matakaw nakamamatay na liwanag sa iyong mata ay sisilaw
Halos yumanig ang buong studio sa bilis ng boses niya. Napantayan nga niya ang fast part ng kantang iyon. Subalit hindi pa man siya natatapos ay bigla na lang sumikip ang dibdib niya. Para siyang mauubusan ng hininga.
Napilitang huminto si Harvey at huminga nang malalim. Ngunit habang tumatakbo ang bawat segundo ay pasikip nang pasikip ang hininga niya. Halos tumirik ang mga mata niya at patiran ng hininga.
Bumagsak siya sa sahig habang hawak ang dibdib na namimilipit sa sakit. Parang pinipiga at dinudurog ang puso niya.
Kinabukasan, nagulat ang mga staff ng studio nang matagpuan sa recording room ang nakabulagtang katawan ni Harvey. Wala nang buhay, dilat ang dalawang mata at naiwang buka ang bibig. Para bang namatay ito sa labis na gulat at takot.
Ayon sa autopsy, atake sa puso ang ikinamatay ni Harvey. Isang bagay na kataka-taka dahil wala naman itong sakit at malusog na malusog ang pangangatawan. Hindi ito nagkulang sa pagkain, vitamins at exercise kaya paano ito magkakasakit nang ganoon?
Pumutok sa media ang misteryosong pagkamatay ni Harvey. Maraming teorya ang nabuo tungkol sa kanyang pagkawala. May mga nagsasabing kinulam daw siya. May ibang naniniwala na nilason daw siya. Ang iba ay sinabing baka may iniinda raw siyang sakit na hindi sinasabi sa publiko. Marami pang hinala ang lumabas ngunit wala sa mga ito ang napapatunayang totoo.
Hanggang sa dumating ang araw na pumutok din sa balita ang kantang "Pasabog". Misteryo ito sa paningin ng mga tao dahil hindi mahagilap kung sino ang artist nito. Pakalat-kalat lang ito sa online na kapag natiyempuhan ng isang tao ay kababaliwan nito ang kanta at pipiliting gayahin.
Marami ang naadik sa kanta at nagsubok na pantayan ang bilis ng mga verses nito. Subalit wala sa kanila ang nagtagumpay. Hanggang sa isang araw, may panibagong balita na sumindak sa mundo.
Ang kanta ay biglang nasangkot sa sunod-sunod na pagkamatay ng ilang mga rapper na sinubukan umanong gayahin, higitan o pantayan ang mabibilis na bahagi nito. Huling nakita ang mga ito sa studio na kino-cover ang kantang iyon. At iyon na rin ang huling pagkakataon na nakita silang buhay.
Ang pangyayaring ito ay naihalintulad sa pagkamatay ni Harvey. Gaya ng ibang biktima, natagpuan din itong patay sa sariling studio na marahil ay sinubukang lamangan ang misteryosong kanta.
Marami ang natakot sa kantang iyon hanggang sa ma-ban sa buong bansa. Mula noon ay hindi na ito nakita sa internet. Maliban na lamang sa ibang mga taong na-download na ito bago pa mangyari ang insidente.
ISANG music expert na si Federick Go ang sumubok na imbestigahan ang misteryosong kanta. Mula sa software na gamit sa laptop, pinutol niya ang mabilis na parte ng rap song at isinalin sa kabilang tab. Ito ang maririnig sa forward mode:
Maghanda na ang lahat ng mga ungas
Nandito na ang diablong hihigop sa iyong lakas
Hindi ka makakawala, hindi ka makakatakas
Kahit saan ka magtago makikita ko ang iyong bakas
Huwag kang gagalaw huwag kang kukurap huwag kang bibitaw
Nandito na ang matinding pasabog na lalagas sa lahat ng halimaw
Babagsak na ang bulalakaw buong kalawakan matutunaw
Papanaw lahat ng matakaw nakamamatay na liwanag sa iyong mata ay sisilaw
Ini-highlight ng lalaki ang bahaging iyon at hinanap sa software ang reverse features. Pagkapindot niya sa reverse button, ito ang maririnig sa backward mode:
Magbabayad ang lahat ng pumantay sa aking talento
Ipatitikim ko ang pagliliyab ng aking puso
Nagbabagang apoy na susunog sa iyong pagkatao
Lahat ng gumaya mawawalan ng hininga mahuhulog sa impiyerno
Sa ayaw at sa gusto mo sasamahan n'yo ako rito
Sige pa, awit pa, hindi mo mahihigitan ang kapangyarihan ko
Sa oras na sumabay ka dudurugin ko ang dibdib mo
Tatanggalan kita ng hininga mamamatay kang dilat ang mata
Base sa mga narinig, nagkaroon nang idea si Federick kung ano ang misteryong nakatago sa kanta, at kung ano ang kinalaman nito sa mga rapper na namatay matapos itong sabayan, pantayan o higitan.
Ngunit ang isa pang naiiwang misteryo ay kung sino ang nagmamay-ari sa kantang ito? Iyon ang sunod na inalam ni Federick.
Hindi niya makita sa internet ang sagot kaya naisipan niyang magtanong-tanong sa mga lumang record label noon na naglalabas ng mga HipHop genre sa bansa. Hanggang sa natagpuan niya ang dating may-ari ng Inosaint Records na nagsara noong 1999.
Dito niya nakumpirma na galing nga sa label na iyon ang naturang kanta. Inilabas daw ito noong 1995 na pagmamay-ari ng rapper na si C.K Rusty (Certicio Kim Rusty) na nagpakamatay noong 1996, isang taon ang lumipas mula nang mai-release ang huling album nito.
Ayon dito, binansagang hari ng rap si C.K Rusty dahil sa kakaibang bilis nito sa pagbuga ng mga linya. Hindi nga lang ito sumikat dahil karamihan ng mga kanta nito ay tungkol sa droga, sex, violence, anti-religion, at iba pang tema na hindi katanggap-tanggap noon sa bansa.
Hanggang sa dumating ang araw na marami nang mga rapper ang nakagaya at nakahigit sa style nito sa pagra-rap. Sumabay pa ang pagkalulong nito sa droga na lalong nagpadilim sa isip nito. Iyon ang nagtulak kay C.K Rusty para magtanim ng matinding galit sa mundo.
Sa huling pagkakataon, naisipan nitong gumawa ng isang kanta na magsisilbi umanong patama sa lahat ng gumagaya sa kanya.
Ang kantang iyon ay ang "Pasabog" na naitala bilang pinakamabilis na rap song sa bansa. Subalit isang taon matapos mailabas iyon, natagpuang patay si C.K Rusty sa sariling kuwarto nito. Nakabigti at puno ng laslas sa iba't ibang bahagi ng katawan.
May iniwan itong suicide note na nagdulot ng kontrobersyal noon sa bansa: "Sasama na ako sa Demonyo. Lahat ng sumabay sa akin ay isasama ko rin sa Impiyerno."
Mula nang magsara ang Inosaint Records, tinanggal na rin ang lahat ng kopya ng mga album ni C.K Rusty. Ang tanging awit nito na kataka-takang lumitaw sa internet ay ang kantang "Pasabog" na kinatatakutan ngayon dahil sa dala-dala nitong malagim na sumpa.
Wakas.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro