Susi Is the Key
Nasanay ako sa bahay na walang susi.
Kaya naman tatlong beses ko nang naiwan ang susi sa loob ng bahay simula nang bumukod kami ni Anshe. Yung una pa nga, pangalawang araw lang namin nun ha, as in kakalipat lang namin at isang gabi pa lang kami nakakatulog. Kinabukasan ng hapon, komo bago sa lugar ay madalas kaming naghahanap ng mga pwedeng bilhan sa nilipatan namin dito sa Tanza o kainan dahil nga rin hindi pa kami nakakapag-ayos ng mga gamit. Paglabas namin ng bahay, napansin ni Anshe na naiwan kong bukas ang bintana sa taas kaya naman kailangan kong bumalik para isara ito. Doon ko na nalamang naiwan ko pala ang susi loob, sa mesa at hindi kasi ako nasanay nang may susing nakakabit sa coin purse ko.
Buti na lang at may mabait na kapitbahay na nag-alok na tumawag ng tulong mula sa isang "eksperto" daw na umaakyat ng bahay. Kumuha ng hagdan saka inakyat ni kuya ang bintana sa taas saka niya kami pinagbuksan mula sa loob. Ano namang pag-iinteresan niya sa mga gamit namin? Mga libro? Mga tambak ng papel ng mga estudyante?
Isa pa yang bintana na yan na hindi ko rin nakasanayan nang lumalaki. Sa tinirhan kasi namin sa Las Piñas noon, parang wala namang silbi ang mga bintana. Buksan mo ito at ang makikita mo lang ay ang bintana rin ng likod-bahay. Ang madudungaw mo lang sa ibaba ay burak, mga upos ng yosi, balat ng kendi at chichirya at ilang mga bulasi na inaanod kapag bumabaha. Maningala ka man sa bintana kung maswerte kayong may second floor ay sala-salabat na mga jumper na kuryente sa posteng parang sandalan lang ng paa ng asong umiihi ay mukhang tutumba na at mga hollow blocks sa bubong na pampabigat sa mga kalawanging yero kapag bumabagyo dahil kinulang ng pambili sa pako.
Sa pangalawang beses na naiwan ko ang susi sa loob, buti na lang may duplicate si papa at sa malapit na rin sila nakatira sa amin. Well hindi naman ganun kalapit kasi sa Tanza kami tapos sila sa Naic. Wala akong magawa kung hindi hintayin si papa na dumating, buti at naka-motor na siya at gabi na rin kaya walang trapik.
Ito ngang latest ay nang magmemeryenda kami nila Anshe at Mayari at dahil laging humahabol ang aso naming sila Missile at Magic, na-i-lock ko agad ang pinto nang hindi chinicheck kung dala ko ang coin purse kung saan nandoon ang susi ko. Nang ma-realize ko, sabi ko patay, nagpalit pa naman ako ng bagong doorknob sa harapan na mas matibay na kasi nga may baby na kami kaya dapat mas secured na ang bahay, hindi na ito uubra sa pabangga-bangga lang. Ayoko naman magbasag ng salamin eh di mas malaking gastos lang. Ang pwede ko na lang i-kompromisong sirain ay ang pinto sa likod namin. Nakakahinayang pa rin kasi bagong palit ko lang din ng doorknob at double lock pero no choice na. Nakiusap ako sa kapitbahay na makikiraan ako sa likod namin, nga pala nasa town house kasi kami kung saan dikit-dikit ang mga bahay at bukas ang mga likod. Swerte ko pa rin dahil hindi pa nagpapasara ng likod ang kapitbahay kung hindi wala talaga akong ibang dadaanan.
Pero mas swerte pa rin ako dahil himalang hindi ko pala na-i-lock ang pinto sa likod ng bahay at hindi ko rin naikasa ang double-lock kaya madali lang din akong nakapasok pero malas yun kung inakyat kami sa likod sa panahong wala kami doon kaya, ahm, parang hindi rin swerte.
Actually, maraming beses ko pang naiwan ang susi ko sa looob ng bahay. Ilang beses ko na ring ginising si Anshe kasi nga hindi ko pala dala ang susi, o hiniram ang duplicate ni kuya na malapit sa amin o yung kay papa nga, basta ang bottom line kasi, hindi ako nasanay magdala ng susi kapag umaalis ng bahay.
Lumaki ako sa mga bahay na walang doorknob. Nakasalalay ang kaligtasan ng pamilya namin noon sa tibay ng pako na pinilit ibaon sa pader at sa alambreng nakadugtong sa manipis na pinto. Sa bakod na kawayan na isinasara lang namin gamit ang kalawanging kadena at padlock pero kayang-kaya rin namang patumbahin masandalan lang ng nagmamaoy na kapitbahay. Maninipis na kurtina ang nagsisilbing divider sa mga tulugan, sako ang pangharang sa banyo at hinding-hindi ko malilimutan ang pintong nabili ni papa sa junk shop na binubuhat-buhat lang namin sa tuwing bubuksan at isasara. Hindi man lang narasan ng lumang pinto na maikabit sa pintuan at magawa ang tunay na silbi niya sa buhay.
Kapag mahirap ka, tunay ang dahilang hindi ka makakaalis o makakasama sa lakad dahil walang magbabantay sa bahay. Hindi kami ang tipo ng pamilya na umaalis para kumain sa labas o para lang mamasyal hindi dahil sa hindi kami close kung hindi sadyang natutuhan lang namin at natanggap na wala yun sa kakayahan namin. At si mama ang laging naiiwan sa bahay para maging bantay. Para kalagan ang mga kadena ng bakod kung ginagabi ako ng uwi. Para tanggalin ang pagkakakawit ng alambre sa pako at para iangat ang mabigat na pinto at papasukin ako sa loob.
Madalas nating marinig na hawak natin sa mga palad ang susi para tayo magtagumpay. Naniniwala naman ako doon, na ikaw lang ang may kakayahan para baguhin ang kapalaran mo, pero kasi naniniwala din akong habang ikaw lang ang nagmamay-ari ng susi sa buhay mo, hindi mo naman palaging hawak yun. At may mga sandaling malilimutan mo kung saan mo nailagay yun, o madadapa ka sa buhay at titilapon na lang ang susi na yan at kahit ilang balik ka na sa kalsada ay hindi mo na mahahanap pa yun. Na minsan may mga kapareho tayong susi pero isa lang ang may hawak ng susi na makakapagbukas para sa isang pagkakataon na magbabago ng buhay nila
At nariyan ang mga tulad ko, sinanay ng buhay sa isang bahay na walang susi ang mga pinto dahil hindi naman sila kailanman nagsara, o hindi sila kailangang isara. Dahil ano pa ba ang pwedeng nakawin sa amin na hindi pa nananakaw ng kahirapan? Hiya para umutang ng bigas at de lata sa tindahan? Dignidad na tumanggap ng mahirap ngunit mababang sweldo na trabaho? Prinsipyo na lang ata ang hindi nakukuha sa amin e at pag-asang balang araw ay mababago pa ang takbo ng buhay namin.
Hindi ako makakaranas ng ilang gitnang-uring pantasya kung hindi dahil sa mga taong tumulong at naniwala sa akin para umober the bakod sa mga pagkakataong hindi ko alam kung paano rin ako nakapasok. Lagi akong napapagsarhan pero abot-abot ang pasalamat ko sa mga taong laging bukas ang puso at palad na umabot, magpahiram ng susi sa gaya kong minsang iniisip kung nagkaroon nga ba talaga ako ng susi in the first place.
Ang hiling ko, sana hindi na ako palagi ang kumakatok sa iba para humingi ng tulong. Kaya simula ngayon, hindi na lang coin purse at susi sa bahay ang palagi kong i-do-double check bago umalis, kung hindi pati na rin ang puso ko, para laging ipaalala sa sarili na higpitan ang kapit sa pananampalataya at sa kakahayan ko dahil ito ang susi ko na hinding-hindi mawawala sa akin.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro