Chapter 8.
“Nakita niyo ba ang mukha ni Bella nang makasalubong natin siya sa labas ng arena? Hindi maipinta para siyang bulkang sasabog!” natatawang turan ni Mia. “Buti nga sa kanya. Akala ko magpapa-api ka na naman Sofia eh.”
“Ha? Lagi ba akong nagpapa-api?” tanong ko sa kanya.
“Masyado kang mabait. Yun ang tingin ko sayo. Kaya gusto kitang sakalin minsan, hindi nga lang tayo close. Tingnan mo ang secret website na ‘to ng Westside.” inabot niya sa akin ang tablet niya. Naglalaman iyon ng iba’t ibang forums. Maraming naka-post tungkol sa mga Rexes ng school, pero ang pinakamadami ay ang mga stolen shots ko at mga bonggang picture ni Bella. Pinagbobotohan doon kung sino nga ba ang nararapat na maging girlfriend ng pinakamataas na Rex ng school. At sa lahat ng forums, panalo si Bella.
“Base sa reaksyon mo parang ngayon mo lang nakita ang website na ito ah.” ani Mia.
“Tama ka.”
Bumuntong hininga siya at tumitig sa akin. “Alam mo bang walang gustong tumanggap sayo sa dorm na ‘to? Dahil unang-una sa lahat, mapapadalas dito ang Demon Rex, ibig sabihin para kaming tumutulay sa alambre kapag nandito siya. Isang maling galaw, tapos ang buhay namin. Pangalawa, tingin nilang lahat, hindi mo siya deserve.”
Yun matagal ko nang alam. Isa lang naman ang dahilan kung bakit ayaw nila sa akin. Hindi kasi nila sigurado kung saan ako nanggaling, at kung nararapat ba akong mag-aral sa eskwelahang ito na punong-puno ng mga spoiled brat na tagapagmana.
“Dapat pala akong magpasalamat dahil tinanggap niyo ako dito.”
“Wala yun. Gusto ka kasi namin talaga. Tingin namin mas naging mabait si Jave simula nang dumating ka sa school na ito. At hindi ka kagaya ng mga mayayabang na estudyanteng mataas ang numero. Kung makaasta akala nila pag aari nila ang buong school na ito. Iba ka sa kanila.” sabat ni Dianne.
Napakagat ako sa labi. Iba talaga ako.Dahil hindi naman ito ang mundo ko dapat. Tumingin ako sa relo. Pilit kong inaalis sa isip ko ang magalala pero hindi ko mapigilan. Magdadalawang-oras na hindi pa rin kumakatok si Jave. Kinakabahan ako baka may nangyaring masama sa kanya. Hindi patas lumaban si Xymon, pati buong grupo nito parang mga halimaw sa pagkabrutal, nagaalala akong baka kung mapanu silang apat doon.
Si Zirk, lamog na ang katawan nun. Si Ark naman, sa itsura nito mukhang hindi kakayanin ang mga sipa at suntok ng kalaban. Tapos sina Jave at Jiro…walang inaatrasan. Baka mamaya…
“Wag kang mag-alala. Hindi pa tinalo ni Xymon si Jave sa kahit na anong match. Sina Jiro at Ark sanay sa bogbogan ang mga yun. Shadow sila ng Demon Rex, magkakasama sila sa lahat ng trouble sa loob at labas ng campus.” sabi ni Mia.
“Panu si Zirk?”
“Narinig mo naman si Ark di ba? Si Zirk lang ang bahala sa bola. Hindi sila matatalo--”
Hindi pa man natatapos si Mia. Narinig namin ang malakas na katok sa pinto. Halos magiba iyon, at parang isang bulto ng tao ang biglang sumandal doon.
“Sofia..”
“Jave??” kaagad akong tumayo upang buksan ang pinto. Natumba siya sa harapan ko at kinailangan kong iharang ang katawan ko para hindi siya tuluyang mabuwal. “Jave!” napugto ang hininga ko nang makita kong duguan ang mukha niya. Sabog ang gilid ng labi at may dugong umaagos mula sa ulo. “Jave, anong nangyari? Bakit dito ka nagpunta, kailangan mong madala sa hospital!” hindi ko napigilan ang biglang pag-agos ng luha ko.
“Ihiga mo siya sa kama mo Sofia, dali. Dianne tumawag ka ng ambulance sa clinic ngayon na!”
“Sige.” talima ni Dianne na nahihintakutan.
“Wag!” nanghihina ngunit mariing utos ni Jave. Hinawakan niya ako sa pisngi. “Gamutin mo nalang ako dito, pwede ba? Hindi nila ako pwedeng makita sa ganitong kalagayan.”
“Ano ba naman Jave! Halos hindi ka na ang makahinga yang pagka-Rex mo pa din ang iniisip mo. Dianne tumawag ka na ng ambulance, please.”
Bumaba ang hawak niya sa may batok ko. Pilit niyang nilapit ang mukha niya sa mukha ko. “Babe, makinig ka. Ayoko sa hospital. Dito ako pumunta dahil ikaw ang gusto kong gumagot sakin…” base sa boses niya at sa lamya ng katawan niya hindi ako magtataka kung bali-bali ang buto niya.
“Jave..parang awa mo na..hindi ko alam ang gagawin ko sayo ngayon. Paano kung nagka-internal hemorrhage ka? Kailangan mo ng doctor..please..” bumubuhos na ang luha ko. Halos mataranta na ako. Hindi ko alam kung saan ko siya unang hahawakan sa dami ng bogbog at pasa niya.
“Sssshhh..hindi ko ikakamatay to ok? Chill ka lang..”
“Ako ang mauunang mamatay sayo kapag hindi ka nagpadala sa doctor..” literal dahil nahihirapan na akong huminga sa kaba. Ang puso ko parang walang pagsidlan sa sobrang bilis ng tibok, kailangan kong habulin iyon.
“Anong ginawa sayo ni Xymon? Bakit ka nagkaganito? Ang sabi ko sayo sumama ka na sakin kanina.”
“Ano ka ba, malayo sa bituka to.”pilit siyang tumatawa kahit nakangiwi sa sakit.
Dumating si Mia na may dalang yelo para sa mga pasa ni Jave. Sinubukan nitong gamutin ang gilid ng bibig ni Jave.
“Wag mo akong hawakan!” biglang sigaw ni Jave.
Namutla si Mia. Binigay nalang sa akin ang gamot. “Sorry. Ako na.” bulong ko ay Mia.
Idiniin ko sa bibig niya ang bimpong may yelo. Napadaing siya sa sakit. Nanginginig ang kamay ko. “Tara na sa hospital Jave.” kasi hindi ko talaga alam kung papanu siya gagamutin. Hinawakan niya ang nanginginig kong kamay dinala sa bibig at hinalikan.
Sumenyas siyang halikan ko ang gilid ng bibig niya. Napalunok ako. Kahit na nasa bingit na ng kamatayan nakukuha pang maglandi ng Paniking ‘to. Pero dahil tarantang-taranta na ako at hindi ko na malaman ang gagawin ko. Sinunod ko nalang ang sinasabi niya.
Hinalikan ko siya ng marahan sa sugat niya sa bibig.
“Dito pa.” turo niya sa leeg na may pasa din. Hinalikan ko din iyon.
Itinuro niya ang kilay. Sinunod ko nalang siya dahil nakikita kong parang gumagaan ang nararamdaman niya base sa exspresyon ng mukha niya.
“Ok na ako.” sabi niya. “Pwede na akong kunin ni Lord.”
Dahil sa sinabi niyang iyon napayakap ako sa kanya na humahagulgol. “Jave naman eh!” Gumanti siya ng yakap sakin.
“Ang bango ng buhok mo…” narinig kong bulong niya.
Naghahaluccinate na ba siya? Nakikita na ba niya ang garden of Eden? Hindi!
“Jave, stay with me. Don’t go anywhere. Stay. Please..”
“Ang bango mo talaga. Pwede ba akong matulog dito sa kama mo?”
“Oo! Oo naman! Matulog ka. Walang problema. Giniginaw ka ba?” hinigpitan ko pa ang yakap ko sa kanya dahil ramdam kong nanginginig siya. Sinenyasan ko si Dianne na tumawag na ng ambulance. God! Malapit na akong magcollapse. Pero kailangan kong tatagan, walang titingin kay Jave kapag nagpass out ako ngayon. Halos dumilim na ang paningin ko, nanatili akong nakayakap sa kanya.
Darating na ang ambulance. Darating na yun. Konting tiis nalang.
Naramdaman kong nag-steady na ang paghinga niya. Nakapikit na si Jave, steady naman ang heartbeat niya at normal ang pulse kaya sure akong nakatulog lang siya.
“Asan na ang ambulance? Wala pa ba?” tanong ko kay Dianne. Sinubukan kong patirin ang mga luha ko habang nakatitig sa mukha ni Jave. Kung ganito ang kalagayan ni Jave, anong nangyari sa tatlo?
“Mia, sina Jiro..?”
Nakatitig si Mia sa tablet niya.
“Mia.”
Saka lang siya nag-angat ng tingin. “Sina Jiro? May mga pasa sila sa mukha pero ok naman sila..”
“Pasa? Bakit si Jave nagkaganito?” hindi ako makapaniwala. Hindi naman sa hindi ako natutuwang ok lang sina Jiro pero..
“You might wanna see this Sofia.” Kagat labing sabi ni Mia.
Video yun ng laro na nakuha mula sa cctv ng arena. Malinaw ang kamerang ginamit kaya klarong-klaro kung ano ang nangyari sa laro. Madugo. Madugo ang naging labanan ng dalawang team. Parang hindi basketball, parang away kalye ang nangyari.
Magkaharap sina Jave at Xymon sa Jumpball. Nang umangat ang bola sa ere pataasan ng talon ang dalawa, dahil mas mataas ang talon ni Jave, nagawang suntukin ni Xymon ang tiyan ni Jave. Hindi naman siya pumayag na hindi makaganti, imbes na paluin ang bola patungo sa court ng kalaban, pinalo ni Jave ang bola papunta sa ulo ni Xymon. Dahilan para bumagsak ito nang gumugulong.
Habang nakagwardiya ang mga kamao at sipa nila Ark at Jiro sa iba pang kalaban, tumakbo si Zirk sa bola at malayang pumuntos sa basket ng kalaban.
Napikon si Xymon sa resulta ng unang engkwentro kaya sinubukan niyang nakawin ang bola kay Zirk sa pamamagitan ng pagtadyak sa binti nito. Pero si Jave ang sumalag ng tadyak na yun, sinipa ni Jave ang binti ni Xymon bago pa man masaktan si Zirk.
Ganun din ang ginawa ng mga kateam nito kina Jiro at Ark. Pero sa tingin ko madumi ding maglaro ang mga kaibigan ni Jave. Tinatapatan ng sipa ang suntok ng kalaban at sinasalag ng siko ang bawat opensa ng mga ito.
It was no longer a basketball. It was a bull fight. Tatlong gwardya, isang taga-puntos. Yun ang naging taktika ng team nila Jave. Nagsakitan sila hanggang sa isa-isang bumulagta ang lahat ng mga kagrupo ni Xymon.
“Sino ang nagsabing kaya mo akong higitan sa larong ako mismo ang nagturo sayo ha?” ani Jave habang dini-dribol ang bola.
“Tandaan mong laging nalalamangan ng estudyante ang nagturo sa kanya.”
“Depende kung gaano kagaling ang estudyante at kung gaano kadesperadong matuto.” sagot ni Jave. “Zirk, humanda ka.” inaasahan kong ipapasa ni Jave ang bola kay Zirk pero kay Xymon niya ito ibinato, sa sobrang lakas halos magliyab ang bola sa bilis, tumama iyon sa panga ni Xymon dahilan para bumulagta ito at sumabog ang dugo mula doon. Napapikit ako.
Pinatay ko ang tablet. Hindi ko kayang panoorin. Tama nang alam ko kung ano ang nangyari. May dahilan si Jave kung bakit ayaw niyang makita ko iyon.
“Nakaganti ba si Xymon kaya siya nagkaganito?” tanong ko kay Mia.
“Hindi na nakabangon si Xymon pagkatapos niyang tamaan ng bola sa panga. Lumabas ng court si jave na sugat lang sa bibig ang meron sa kanya. Masyado siyang magaling, aksidente lang ang pagkakatama sa kanya ni Xymon. Kaya hindi ko alam kung anong nangyari..”
Tumunog ang cellphon ni Jave. Dinukot ko iyon sa bulsa niya. Si Jiro. “Jave, nasan ka na? Tulungan mo akong magpaliwanag dito sa guidance, wag kang maduga, pumunta ka dito!” sumisigaw si Jiro sa telepono.
“Ji-jiro. Si Sofia to.”
“Sofia? Si Jave?”
“T-tulog.”
Nakarinig ako ng sunod-sunod na mura kay Jiro. Ako man ay umahon ang asar ko. Muntik na akong magka-nervous breakdown kanina! Inabot ko ang noo ni Jave. Inamoy ko ang dugong umagos doon. Corn syrup at food color na malapot???
Naghagikhikan sina Dianne at Mia.
Sasakalin ko ‘tong Paniking ‘to! Iniumang ko na ang kamay ko sa leeg niya. Walang kamalay-malay ang sarap pa ng tulog ng taong kweba! Mamaya na, mas masarap patayin ang taong gising para mas ramdam niya! Nanggigigil talaga ako!
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro