Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 9

Tsinelas




Nakaramdam nanaman ako ng galit. Galit hindi para kay Ericka kundi sa sitwasyon namin. Sitwasyon na ginawa ng mundo, estado ng buhay na pilit isinasampal sa akin na kahit pare-pareho tayong tao, hindi pare-pereho ang mga pribilehiyong pwede nating matamasan.

Pag mayaman ka, magiging madali sa 'yo ang buhay. Pag marami kang pera, makukuha mo ang lahat sa isang pitik ng daliri lang. Pag mahirap ka naman, magiging mahirap din sa 'yo ang buhay. Kaya nga naniniwala ako minsan na kung ipinanganak kang mahirap, at namatay kang mahirap...kasalanan mo na 'yon.

Pero kung iisipin mo, hindi naman madali ang buhay sa mundo. Na kung minsan, kahit gaano ka pa magsumikap...may mga tao, o pagkakataon na pilit na magbababa sa 'yo, hanggang sa mapagod ka, hanggang sa sumuko ka na lang at hindi na lumaban.

"Oh, Junie...naglakad ka lang ba?" tanong sa akin ni Manong guard.

Dahil sa lalim ng iniisip ko ay hindi ko na nagawa pang sumakay ng jeep papasok sa may factory, nilakad ko 'yon ng hindi ko namamalayan dahil sa pag-iisip ng kung ano.

"Lumipad po, Manong," nakangising sagot ko sa kanya.

Pinilit kon magtunog normal, yung normal na Junie na para sa mga kaibigan ko abnormal. Yung Junie na ma-ingay, masiyahin, mukhang walang problema. Si Junie ka, bawal kang malungkot, dapat masaya lang.

Mula kay Manong ay lumipat ang tingin ko sa pamilyar na sasakyang nakaparada sa harap ng factory. Sasakyan 'yon nila Ericka, maaga siyang pumapasok dahil may naghahatid sunod sa kanya.

May kung ano pa din akong nararamdaman, pero naglaho ang lahat ng 'yon nang makita ko ang paglabas niya sa may pantry. Para bang may hinihintay siyang dumating, hinihintay niya akong dumating.

Sandali niyang kinausap ang kasama niyang driver, hanggang sa magpaalam na ito. Nilingon niya ang gate, nang magtama ang mga mata naming dalawa ay kaagad na lumaki ang ngiti niya, nagawa pa niyang kumaway na para bang ako ang bumuo ng araw niya.

Napakamot ako sa aking batok, pasimple kong inamoy ang sarili ko. Medyo may kalayuan ang nilakad ko. Baka iba na din ang amoy ko. Umalis ako ng aming bahay na amoy baby, ngayon ay baka amoy Dinasaur na.

"Junie!" nakangiting tawag niya sa akin.

Kung mayroon sigurong makakasaksi kung gaano kamangha ang babaeng 'to sa kagwapuhan ko ay aakalain na ginayuma ko.

Gwapo naman ako, hind inga lang yung mukhang artistahin kagaya nina Boss Eroz at Julio. Pero may sinabi din naman ang pangangatawan ko, moreno ang balat ko na bagay na bagay din sa akin. Medyo singkit ang mata, na sa tuwing tumatawa ako ay nawawala. Sabi sa akin ni Nanay, gwapo ako...syempre Nanay ko 'yon. Masasaktan talaga ako pag siya mismo sinabing hindi.

Ilan nga sa mga kaklase ko noon sa college ay sinabing may kamukha akong Korean actor, nung minsang hinanap ko sa internet ay napa-sangayon ako. Tama, gwapo nga ako.

Dahan dahang nawala ang ngiti ni Ericka nang bumba ang tingin niya sa katawan ko. Alam ko na kaagad kung ano yung tinitingnan niya. Bakat kasi sa suot kong damit yung pawis.

Marahan kong pinasadahan ng palad ko ang suot kong tshirt, kung pasadahan ko 'yon ay akala ko naman maaalis yung gusot.

"Umaga pa lang pero pawis ka na kaagad?" tanong niya sa akin.

Bago pa man ako makasagot ay kaagad na niya akong hinila papasok sa may pantry. Nagtaas ako ng kilay nang makita kong may hawak na kaagad siyang puting bimpo na hindi ko alam kung saan niya kinuha.

"Talikod ka," nakangiting sabi niya sa akin.

Kaagad akong napa-iwas.

"Hindi na ako bata," giit ko sa kanya.

Pinanlakihan niya ako ng mata, pilit na inaabot ang likuran ko para ilagay ang bimpo.

"Hindi lang naman 'to pang bata!" natatawang sabi niya sa akin.

Kahit anong pilit kong umiwas sa kanya ay naabot pa din niya ang likuran ko, dahil 'yon din naman ang gusto ko. Nagpapakipot lang talaga ako.

Hindi ko ma-iwasang mapangiti habang nakatalikod ako sa kanya, abala siya sa paglalagay ng bimpo sa likuran ko na para bang bata pa ako. Mas lalo akong nakakaramdam ng kilig sa tuwing nararamdaman ko ang pagtama ng balat niya sa balat ko.

"Pag nagkasakit ka, mahahawa si Nanay. Gusto mo bang mahawa si Nanay?" tanong niya sa akin.

Napakagat ako sa aking pang-ibabang labi. Mas doble talaga ang kilig sa tuwing tinatawag niyang Nanay ang Nanay ko. Na para bang sigurado na talaga siyang kami hanggang dulo. Ganuon din naman ako.

"At baka mahawa din ako..." marahang sabi niya. Naramdaman kong medyo nahiya pa siya nang sabihin niya 'yon.

Nang maramdaman kong tapos na ang paglalagay niya ng bimpo sa likuran ko ay hinarap ko na siya at kaagad na hinapit sa bewang palapit sa akin.

"At bakit ka naman mahahawa? Hindi naman tayo nakatira sa iisang bahay," pang-aasar ko sa kanya kahit alam kong hindi naman 'yon lang ang dahilan. Gusto ko lang talaga siyang asarin.

Sandaling tumulis ang nguso niya bago niya ako matapang na hinarap. Sobra talaga ang pagiging intimidating ni Ericka, na sa isang tingin niya lang sa akin bigla parang ako na ang natakot para sa sarili ko.

"Mahahawa ako pag nag-kiss tayo," diretsahang sabi niya sa akin.

Parang ako pa ang nakaramdam ng pamumula ng pisngi dahil sa kilig.

Mag-iiwas na sana ako ng tingin ng siya mismo ang dahan dahang naglapit ng mukha niya sa mukha ko.

"Wala ka pa namang ubo ngayon, kaya pwede pa tayong mag-kiss," pang-aasar niya sa akin.

Habang dahan dahang lumalapit ang mukha niya sa akin ay kaagad na akong napa-ubo, dahilan para matawa si Ericka. Pero hindi hadlang 'yon para ikawit niya ang magkabilang braso niya sa leeg ko. Mas lalo niya akong hinila payuko.

"Sinasagot n akita, Junie." Sabi niya sa akin bago niya inangkin ang mga labi ko.

Nagulat ako sa sinabi niya, pero dahil sa sensasyong dala ng mga labi niya sa labi ko. Sa lambot ng labi niya, wala na akong nagawa pa kundi ang magpaubaya sa kanya. Wala na akong nagawa kundi ang sabayan ang halik na ginagawa niya sa akin.

Mas lalong humigpit ang yakap ko sa bewang niya. Ganoon din naman ang pagkakapit niya sa leeg ko.

Mas lalo kong nilaliman ang halik. Si Ericka ang unang girlfriend ko, kaya naman hindi din ako ganoon kasigurado kung tama ba ang ginagawa kong halik. Pero siya alam kong magaling siya, halos siya na nga ang sinasabayan ko.

Napapakapit ako nang mahigpit sa kanya sa tuwing nararamdaman ko ang pagkagat niya sa pang-ibabang labi ko. Habol ko ang aking hininga nang humiwalay siya. Parang walang nangyaring kung ano ang itsura niya, samantalang ako ay para nag buhat ng sampung sako ng bigas kung hingalin.

Natawa siya dahil sa naging reaksyon ko. Marahan niyang hinaplos ang likuran ko na para bang nag-aalala siya dahil habol ko ang aking hininga.

"Saan mo natutunang humalik?" tanong ko sa kanya.

Hindi kaagad siya nakasagot sa akin. Tipid na ngiti lang ang isinagot niya.

"Kusa lang 'yon," sagot niya pa sa akin at kaagad akong tinalikuran para daw ipagtimpla ako ng kape.

Habang abala si Ericka sa pagtitimpla ay hindi ko ma-iwasang tingnan niya habang nakatalikod sa akin.

Kami na pero marami pa akong hindi alam sa kanya, ganoon din naman siya sa akin. Marami pa kaming hindi alam sa isa't isa.

"Pang-ilang boyfriend mo na ako?" tanong ko. Mahinahon, gusto ko lang malaman.

Hindi ko naman 'yon gagamitin laban sa kanya. Gusto ko lang na mas maging open kami sa isa't isa. Lalo na't seryoso na 'to, hindi ko na tatanggihan.

Kami na talaga ni Ericka. Siya ang una at huling girlfriend ko. At papakasalan ko siya, siya lang ang babaeng ihaharap ko sa altar.

"Uhm...I lost count," tipid na sagot niya sa akin. Hindi ko pa ganoon ma-intindihan dahil English pa.

"Tagalugin mo," pang-aasar ko sa kanya.

Ngumisi siya, nilingon ako at naglakad palapit sa akin para ihatid ang ginawa niyang kape.

"Hindi ko na mabilang," pag-amin niya.

Nagulat ako dahil doon. Gustihin ko mang itago ang tunay kong reaksyon ay hindi ko na-iwasan dahil sa biglaan kong pananahimik. Para bang naputulan ako ng dila dahil sa kanyang sinabi.

Hindi na niya mabilang? Sobrang dami ba kung ganoon?

"Paanong hindi mo mabilang?" mas seryosong tanong ko.

Umupo siya sa harapan ko, kahit hindi makatingin ng diretso ay nagawa pa din niyang pagsilbihan ako.

"Hindi ko alam kung paano bibilangin. May ilang seryoso...may ilang parang hindi naman," sagot niya sa akin. Mas lalong kumunot ang noo ko.

Naalala kong hindi siya dito lumaki. Sa ibang bansa siya lumaki, iba ang nakasanayan niya. Iba ang pamumuhay doon kesa dito. Kailangan ko 'yon intindihin.

Tipid na lang akong tumango at sumimsim sa aking kape. Hindi na din naman siya nagsalita pa, nagpatuloy lang siya sa pag-aasikaso sa akin na para bang pumasok lang talaga siya sa factory para asikasuhin ako.

Nagpaalam na din ako kay Ericka ng dumating na ang oras ng trabaho. Na-iwan siya sa may pantry kasama si Alice at ang ibang taga office.

"Sampung litsong manok, tatlong bilao ng palabok yung pinakamalaki, tsaka cake na din...at panulak," rinig kong utos ni Boss Eroz sa isa sa mga katrabaho ko.

Nalaman kasi niyang birthday ng isa sa mga kasamahan namin. Hindi siya nagdalawang isip na paghandaan kaagad ito.

Sa lahat ng mayaman, sila yung nagpatunay sa akin na hindi nasusukat ang pagkakaibigan sa kung anong estado mo sa buhay. Simula ng dumating si Boss Eroz sa factory, hindi ko na naramdaman na pumapasok ako sa trabaho araw-araw. Para lang akong nasa pangalawang bahay namin. Pamilya ang turing niya sa lahat, kaya naman mataas ang respeto namin sa kanya.

"Busog nanaman si Junie," pang-aasar sa akin ng katrabahong kausap niya bago ito umalis.

Pinandilatan ko siya ng mata bago ako tumawa.

Ngumisi si Boss Eroz, inabala ang sarili sa panunuod ng paglapit ng delivery truck sa amin.

"Boss kailan mo papalinis sasakyan mo?" tanong niya sa akin.

Dahil sa pagpuna ko ay nilingon din niya ito.

"Pag hindi na busy," sagot niya sa akin.

"Ang gwapo mo pero ang dugyot," pang-aasar ko sa kanya.

Imbes na ma-inis ay mas lalo siyang natawa sa aking sinabi.

"Ako na ang maglilinis, sa akin na lang kayo magbayad," sabi ko sa kanya.

"Kailangan mo ba ng pera?" tanong niya kaagad ng lingonin niya ako.

"Pera kaagad? Hindi ba pwedeng trip ko lang?" natatawang tanong ko sa kanya.

Ngumisi siya at inirapan ako.

"Ikaw bahala. Sabihin mo na lang sa akin kung magkano rate mo. Mukhang mahal ka e," pang-aasar niya sa akin.

Kaagad akong napakamot sa batok ko, bago ko ipinakita sa kanya ang braso ko.

"Syempre naman, Ganoon kaming mga yummy," pagbibida ko pa.

Tumawa siya at pabirong sinuntok ang braso ko. Malaki din naman yung braso ko, pero yung suntok ni Boss Eroz, kakaunti lang ang pwersa pero napaatras ako dahil sa pagsuntok niya.

Napahawak tuloy ako sa braso ko, nakita niya 'yon. Bumaba din ang tingin niya sa hawak kong braso.

"Uy, mahina lang 'yon," sita niya sa akin.

Umayos kaagad ako ng tayo. "Wala nga akong naramdaman," pagyayabang ko pa sa kanya.

Balak kong mag-ipon para mabilhan si Nanay ng TV. Kung hindi kasi radio ang ingay sa buong bahay namin ay ang ingay naman sa maliit niyang cellphone na may antenna. Doon siya nanunuod minsan.

May ipon naman ako, pero hindi naman pwedeng makakabili nga kami ng TV pero wala naman kaming pera panggastos.

Matapos sunduin si Ericka ng driver nila ay naglakad na din ako pauwi sa amin, imbes na dumiretso sa bahay ay dumaan muna ako sa bayan para tumingin ng mga secondhand na tv.

Sa isang sikat na pawnshop ako pumunta, mula sa kanilang mahabang estante ay makikita mo ang iba't ibang klase ng cellphone. May malalaki, maliit, at kung ano-ano pa. May mga laptop at camera din.

"Wala ng bawas 'yon?" tanong ko sa nagbabantay.

"Wala na. Hanggang doon na lang talaga. At magandang klase 'to, siguradong pangmatagalan," sabi pa niya sa akin.

Imbes na magsalita pa ay muli na lamang bumalik ang tingin ko sa TV na gusto kong bilhin para kay Nanay.

"Mabibili din kita," mahinang sabi ko matapos kong pasadahan ng hawak ang flatscreen tv na 'yon.

Bumili na din ako ng daing na bangus, para sa aming hapunan. May tanim naman kaming talong sa likod bahay kaya naman 'yon ang uulalim namin.

Dahil nagbasya akong maglakad pauwi sa amin ay bumili na ako ng makakain sa nadaanan ko. medyo traffic na sa bayan dahil rush hour. Nadaanan ko ang mga nakahintong magagarang sasakyan dahil sa traffic, kung minsan ay napapatingin pa ako sa bintana nito para magsalamin.

Hanggang sa unahan ng intersection ay muntik pa akong masagasaan ng kulay itim na SUV. Nung una ay papatawirin naman niya ako, hanggang sa sinubukan niya ulit na tumuloy. Parang siraulo.

"Ano? Magpapakamatay ka ba?" asik sa akin ng kabababa lang na driver. Siya pa 'tong galit.

Magpapakumbaba na sana ako kahit alam kong hindi ko naman kasalanan, pero namukhaan ko ang lalaking siraulong 'yon.

"Isaac, tam ana 'yan," sabi ni Tatay na kabababa lang din sa itim na SUV.

"Binayaran mo lisensya mo no?" tanong ko sa mayabang na lalaking 'yon.

Bago pa man niya ako masagot ay lumapit na si Tatay sa akin.

"Ayos ka lang ba, Neil?" tanong niya.

Sinubukan pa akong hawakan pero kaagad kong tinabig ang kamay niya.

"Wag mo akong hahawakan," banta ko sa kanya kaya naman napahinto siya.

"Ikaw pa 'tong mayabang. Hindi hamak naman na mas madumi ka kesa sa amin," sabi nung Isaac.

Nagpintig ang tenga ko dahil sa pagiging matabil ng dila niya. Bago ko pa man ma-isip na sugurin siya ay nauna na siyang sinuway ni Tatay.

"Isaac, wag mong pagsabihan ng ganyan ang pinsan mo," sabi ni Tatay sa kanya kaya naman siya 'tong napatameme ngayon.

"Wala akong pinsan na pinaglihi sa kayabangan, magsama-sama kayong mga matapobre," asik ko sa kanilang dalawa.

Tatalikod na sana ako ng muntik na akong ma-out of balance dahil sa biglaang pagkapigtas ng swelas ng tsinelas ko.

Mahina na lamang akong napamura, ngayon pa talaga nangyari 'to. Sa harapan pa mismo ng mga matapobreng 'to.

Narinig ko ang mahinang pag ngisi nung Isaac. Kaagad kong pinulot ang tsinelas ko, hinubad ko na pareho. Walang kaso sa akin na maglakad ako pauwi ng walang sapin sa paa.

Hindi na ako lumingon sa kanila, narinig ko pa ang pagsara at pagbukas ng pintuan ng sasakyan nila. Buong akala ko ay aalis na sila, pero ganoon lamang ang gulat ko ng maramdaman ko ang paghabol ni Tatay sa akin.

"Isuot mo ito," sabi niya sa akin.

Inabot niya ang kulay brown na tsinelas, unang tingin pa lang alam mong mamahalin 'yon, mukhang gawa pa sa totoong leather.

Hindi ako nakatanggi nang siya mismo ang lumuhod para isuot 'yon sa paa ko.

Dahil sa nangyari ay tahimik akong na-iyak habang naglalakad pauwi sa amin. Miss na miss ko na si Tatay. Alam kong hindi ko na siya kailangan, malaki na ako, kaya ko na ang sarili ko...pero miss na miss ko na ang Tatay ko.

"Ano 'to bakal?" tanong ko sa tsinelas niya na suot ko.

Hindi kagaya ng mga naging tsinelas ko ay mabigat ito.

Mahigpit kong niyakap si Nanay pagka-uwi ko ng bahay. Minsan gusto kong umiyak sa kanya, gusto kong magsumbong, pero sa tuwing naiisip kong baka bumigat lang din ang loob niya dahil sa pag-iyak ay kinikimkim ko na lang.

"Talaga? Kayo n ani Ericka?"

Ngumiti ako kay Nanay, abala ako sa paghahanda ng hapunan namin.

"Opo, Nay. Sinagot na niya ako kanina."

Masaya si Nanay para sa akin. At sinabi din niyang gustong gusto niya si Ericka para sa akin.

"Alam ko naman na iba ka, Junie. Alam kong hindi darating sa punto na sasaktan mo siya, lolokohin, at ipagpapalit sa iba," pangaral pa sa akin ni Nanay.

Sunod sunod na pagtanggo ang ginawa ko.

"Hinding hindi po 'yan mangyayari, Nay. Si Ericka lang po ang mamahalin ko..." paninigurado ko.

Ngumiti si Nanay at tumango, hindi na siya nagalita pa. Na para bang kampante na siya sa sinabi ko, pinaniniwalaan niya 'yon.

"Ipaglalaban ko po si Ericka. Kung hindi man ako magustuhan ng mga magulang niya, ipapakita ko sa kanila na mahal na mahal ko ang anak nila..." sabi ko pa.

"Hindi po ako gagaya kay Tatay, Nay..." makahulugang sabi ko pa.

Hindi ako duwag, hindi ako magiging duwag.




(Maria_CarCat)

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro