Chapter 8
Pawnshop
Ramdam ko ang pagkawala ng hawak niya sa braso ko. May kung anong bumara sa lalamunan ko ng makita ko ang labis na lungkot sa kanyang mukha. Mariin akong napapikit, alam kong kasalanan ko. Nasaktan ko nanaman si Ericka dahil sa mga sarili kong issue sa buhay.
Gustuhin ko man siyang pigilang umalis sa tabi ko ay hindi ko na nagawa, binalot nanaman ako ng pride, ni walang lumabas sa bibig ko para man lang pagaanin kaagad ang loob niya.
Napabuntong hininga na lamang ako matapos kong sundan ng tingin ang paglayo niya sa akin, hanggang sa makapasok na siya sa loob ng bahay. Napa-iling na lang ako dahil sa pagkadismaya ko sa aking sarili.
Siraulo ka talaga, Junie.
Inabala ko ang sarili ko sa mga bagong dating na bisita, kailangan kong libangin ang sarili ko para huminahon na din kahit papaano. Dahil sa pagdating ng ilang kababata ay nagawa ko ng tumawa dahil sa mga biro nila.
Habang nakikipag-usap ay hindi ko napigilang lingonin sina Nanay at Ericka, kahit pa mukhang sumama nanaman ang loob niya sa akin ay nagpatuloy pa din siya sa pagtulong kay Nanay. Ramdam ko yung pag-aalala niya dito.
Nakita ko kung gaano katotoo yung ngiti niya sa tuwing nakikipag-usap siya, nakita ko kung paano niya igalang ang Nanay ko. Si Ericka na talaga yung babaeng nakikita kong papakasalan ko.
"Ano nanamang ginawa mo?" tanong ni Julio sa akin matapos niya akong sikuhin.
Sa kanyang likuran ay si Eroz na may hawak na plastick cup na may lamang dirty icecream. Nang may dumaang serbetero ay hinarang nilang dalawa at binili nila ang lahat ng laman para ipakain sa mga bisita.
Marami na silang ibinigay para sa graduation party ko. Ni minsan ay hindi ko naringan na nagmayabang si Eroz o si Julio dahil sa pagiging mayaman nila, pero kung gumastos naman ay parang piso ang isang libo.
Bago sumagot ay napakamot muna ako sa aking batok.
"Eh kasi..."
"Kasi inuna mo nanaman init ng ulo mo. Pinapakalma ka lang nung tao..." Sabi ni Eroz.
Tumango si Julio bilang pagsang-ayon.
"Hindi ka naming pwedeng pigilan sa galit mo sa Tatay mo, nasaktan ka e. Pero sana matutunan mong mag-preno, piliin mo kung kanino mo ibubunton yung galit mo," marahang pangaral pa nila sa aking dalawa.
"Kung ako kay Ericka...basted ka sa akin," sabi ni Eroz.
Matapos 'yon ay nagkatinginan sila ni Julio at ngumisi.
"Kayo naman, e..." suway ko sa kanila.
Mas lalo silang nagtawanang dalawa nang makitang probelamado ako sa sarili ko naman ding kagagawan.
"Pag hindi naging kayo...hindi ko masisisi si Ericka," pahabol pa nila.
Para akong batang nagpapapadyak sa harapan nilang dalawa dahil sa pang-aasar nila sa akin. Panay ang tawa nila pag nakikita nilang sobra akong naaapektuhan.
"Wala namang ganoon. Mahal ko yung tao e..." sabi ko pa.
Pinagtaasan ako ni Eroz ng kilay.
"E, bakit kasi nag-iinarte ka? Problema sa 'yo...maarte ka," sabi pa niya bago sila muling nagtawanan ni Julio.
Kaagad ko silang sinamaan ng tingin na dalawa. Sandaling huminto si Eroz para magpaalam. Kukuha daw ultit siya ng ice cream para sulit yung binayad niya.
"Ano bang flavor?" tanong ni Julio na mukhang na-inggit na din.
"Keso...may cheese bits," nakangising sagot ni Eroz.
Tumawa din si Julio. "Kanino mo natutunan 'yan?" pang-aasar niya dito na hindi ko na nasundan pa.
Umalis silang dalawa para kumuha ng ice cream. Napa-iling na lamang ako, muli kong inilibot ang tingin ko sa kabuuan ng bakuran namin. May kanya-kanyang mundo naman na ang mga bisita, ang mahalaga ay busog sila.
Naglakad ako papasok sa bahay, bago pa man ako makarating ng sala ay nakasalubong ko na ang paglabas ni Nanay.
"May natira pa sa loob," sabi niya sa akin tukoy sa mga ulam na ilalabas niya.
"Sige po, Nay. Kukunin ko po."
Bumilis ang lakad ko, hanggang sa narinig kong may tao sa kusina. Kabado man ay ipinagpatuloy ko ang pagpasok doon kahit alam kong si Ericka ang nasa loob.
Isang beses lang siyang nag-angat ng tingin, akala siguro niya si Nanay. Nang makita niyang ako ay kaagad siyang nag-iwas ng tingin at inabala ang sarili sa ginagawa.
"Kami na diyan. Bisita ka dito," marahang sabi ko sa kanya.
Buong akala ko ay mapapagaan ko ang loob niya, pero nagtaka ako nang imbes na patigilan ko siya sa ginagawa niya ay mas lalo pa atang nagalit.
"Ako na diyan, Ericka..." marahang sabi ko sa kanya. Lalambingan ko sana, ang kaso ay nakasimangot.
Hindi niya ako pinansin, abala siya sa paglalagay ng plastick sa mga bilao.
"Sa akin 'to inutos ni Nanay," masungit na sabi niya.
Mahaba ang nguso at hindi man lang ako tinapunan ng tingin. Sinubukan kong kuhanin ang hawak niya pero pilit niyang inilalayo sa akin.
Halos mag-agawan na kami ng bilao, hanggang sa tuluyan na siyang na-inis.
"Hindi 'to gawain ng bisita, bisita ka dito, Ericka...dapat kami ang nagsisilbi sa 'yo," paliwanag ko sa kanya.
Mas lalong nalukot ang mukha niya. Ganoon na lamang ang gulat ko nang halos ipagtulakan na niya sa akin ang hawak na bilao, maging ako ay tinulak na din niya.
"Bisita huh. Bisita lang ako dito?" tanong niya sa akin na hindi ko ma-intindihan.
"Ano bang?" naguguluhang tanong ko.
Anong ikinagagalit niya?
Tinanggap ko ang matalim na tingin niya sa akin, hanggang sa nakita ko kung paanong unti-unting pumula ang mga mata niya.
"B-bakit?" nag-aalalang tanong ko.
Sinubukan ko pang lapitan siya, pero muli niya lang akong tinulak.
"Bisita pala ha. Bisita lang?" galit na tanong niya.
Mas lalong napa-awang ang bibig ko. Mas lalong hindi ko na alam kung anong dapat kong isagot.
Ano ba dapat?
"Buti pa si Nanay...buti pa si Nanay tanggap na ako," emosyonal na sabi niya.
"Tatanggap din naman kita. Mahal kita, Ericka..." sabi ko sa kanya.
Tuluyan na siyang na-iyak. Gustuhin ko mang lapitan sana siya at aluin ay pilit niya akong pinapalayo sa kanya.
"Pag pamilya, dapat nagtutulungan. Bisita lang ako dito? Bisita lang?" emosyonal na tanong niya sa akin.
Matapos ang mahabang katahimikan ay tsaka ko lang. nakuha ang gusto niyang iparating. Maayos naman ang intensyon ko ng sabihin ko sa kanyang gusto kong ako ang magsilbi sa kanya dahil bisita siya. Pero hindi naman ibig sabihi no'n ay hindi na siya parte ng pamilya namin.
"Hindi ganoon, Ericka...syempre parte ka ng pamilya. Ayoko lang na nahihirapan ka. Alam ko naman kasing hindi ka sanay sa mga ganitong klaseng gawain," paliwanag ko sa kanya.
Pero mukhang hindi niya tinanggap ang paliwanag ko.
Hindi na niya ako pinansin pagkatapos ng tagpong 'yon. Si Nanay na lang ang kinakausap niya. Kahit anong pagka-usap ko ay hindi niya ako sinasagot, para akong nakikipag-usap sa hangin.
"Dahan dahan, gawa 'yan ni Ericka," suway ko sa mga kaibigan ko.
Hiniwa na ang cake na gawa niya para ipakain sa bisita. Bukod sa hindi din naman namin 'yon mauubos na dalawa ni Nanay para ipagdamot, ay wala din naman kaming ref na paglalagyan no'n.
Kasabay ng unti-unting pagka-ubos ng aming handa ay ang pag-uwi na din ng mga bisita. Ang ilan kasi sa mga 'yon ay umalis din kaagad pagkatapos kumain.
Hindi naman kami iniwan ng ilan, alam kasi nila na kaming dalawa lang ni Nanay, at hindi din naman siya pwedeng gumawa ng mga mabibigat na gawain.
Kabilan na sa kanila sina Eroz at Julio na hindi talaga kami iniwan, tumulong sila sa pagliligpit at pag-aayos ng mga upuan.
"Dapat po pala sinama ko ang isa sa mga kasambahay namin para may maghugas ng mga plato," rinig kong sabi ni Ericka kay Nanay.
Kahit hindi naman niya ako pinapansin ay panay pa din ang lapit ko sa kanila ni Nanay. O kung minsan naman ay sinasadya kong lapitan siya pa gamy ginagawa siya.
"Naku, hindi na kailangan...anak. Kaya na 'yan ni Junie," sabi pa ni Nanay.
Ramdam ko ang paglingon niya sa akin kaya naman nilingon ko silang dalawa. Nasa kay Ericka kaagad ang tingin ko, nagkatinginan kami pero mabilis siyang nag-iwas ng tingin sa akin.
Kahit anong lapit ko kay Ericka ay todo din naman ang effort niya para iwasan ako. Ni ang pagkatinginan nga lang kami ay todo iwas na siya na para bang may dala akong sore eyes at mahahawa siya kung makikipagtitigan siya sa akin.
"Hindi ka pa ba hinahanap sa inyo?" tanong ko sa kanya.
Padilim na din kasi. Nag-aalala lang naman ako na baka hanapin siya sa kanila.Baka nag-aalala na ang magulang niya sa kanya. Hindi naman lingid sa kaalaman ko na prinsesa si Ericka sa kanila.
"Hmp. Pinapa-uwi mo naman ako ngayon?" masungit na tanong niya sa akin.
"H-hindi sa ganoon. Nag-aalala lang naman ako na..."
Hindi niya ako pinatapos, kaagad niya akong tinalikuran nang marinig naming tinawag siya ni Nanay mula sa loob ng bahay.
Ilang minutong nagtagal ang tingin ko sa pintuang pinasukan niya. Tsaka lang nawala ang atensyon ko doon nang marinig ko ang pagtatawanan nina Boss Eroz at Julio hindi kalayuan sa akin. Mukhang kanina pa din nila ako pinapanuod, binabantayan nila ang pakikitungo sa akin ni Ericka. Mga bully din talaga 'tong mga amo ko.
Sa likod bahay ako naghugas ng mga plato, matapos kong mag-igib ng tubig sa balde ay bubuhatid ko 'yon papunta sa lababo namin sa likod bahay na ginawa ko gamit ang Kawayan. Pagkadating doon ay isasalin ko ang tubig sa balde patungo sa may palanggana para hindi ako mahirapan sa pag-uurong.
Naka-uwi na din sina Boss Eroz at Julio, si Ericka at Nanay ay nasa loob bahay na at kanina pa hindi maubusan ng pag-uusapan.
Hinayaan ko na lang muna sila at pinag-iigihan ang paghuhugas ng plato. Sa dami ng nangyari ngayong araw ay hindi pa din maalis sa isip ko ang biglaang pagdating ni Tatay.
Anong ginagawa niya dito? Sa wari ba'y tsaka lang siya magpapakita sa amin pag maayos ang sitwasyon. At kung hindi naman ay magtatago siya sa matataas na pader ng malaki nilang bahay? Hindi na namin siya kailangan ni Nanay, dapat ay hindi na siya nag-abala pang magpakita sa amin.
Simula nang nagdesisyon siya na iwan kami ay wala na siyang karapatang bumalik pa.
Halos malunod na ako sa lalim ng iniisip ko nang marinig ko ang yapak ng paparating na tao. Akala ko kung sino, kaagad ko siyang nilingon, tsaka lang ako kumalma nang makita kong si Ericka 'yon.
"Uuwi na ako," tipid na paalam niya.
Dahil sa sinabi niya ay kaagad kong binitawan ang hinuhugasan kong pinggan. Walang pagdadalawang isip kong pinunas sa suot kong tshirt ang basa kong kamay.
Bumaba ang tingin ko sa hawak niyang plastick, sigurado akong si Nanay ang nag-pauwi no'n sa kanya.
"Pasencya ka na kay Nanay," sabi ko.
Nagtaas siya ng kilay sa akin. "Para saan?"
"Sa pabalot niya sa 'yo. Kahit alam kong hindi na kailangan dahil marami naman kayong pagkain sa inyo," sabi ko pa. Napakamot akong muli sa aking batok dahil sa hiya.
Sigurado akong bago ang lahat ng ito para kay Ericka, mga bagay na hindi niya nakasanayan. Mga bagay na hindi nila ginagawa sa mundo nilang mayayaman.
"Nagustuhan ko ang luto ni Nanay. Kaya nga natuwa ako dahil may pabaon pa siya sa akin. Ipapa-init ko 'to bukas at ito ulit ang kakainin ko," sabi niya sa akin.
Mas lalong lumaki ang ngiti sa aking labi. Ibang-iba talaga si Ericka sa lahat ng babaeng nakilala ko.
Gagawin ko ang lahat para kami pa ding hanggang dulo. Alam kong wala akong karapatan na hangadin ang isang katulad niya, pero hangga't kaya ko ay gagawa ako ng paraan para maging akin siya...habang buhay.
"Salamat sa cake, sa pagpunta mo. Akala ko talaga hindi ka makakapunta dahil iniway kita nung huli tayong magkita...tapos inaway nanaman kita kanina," sabi ko pa sa kanya.
Bahagyang tumulis ang nguso niya dahil sa sinabi ko.
"Naiintindihan ko din naman, Junie. Hindi ko alam kung gaano kalalim yung galit mo kay Tito Nigel. Ang alam ko...nasaktan ka, kayo ni Nanay. Ang ayoko lang mangyari ay makagawa ka ng bagay na pwede mong pagsisishan sa huli. Ayokong masaktan ka pagdating ng araw dahil sa mga desisyong nagaw amo dahil hindi ka nakapag-isip ng maayos," mahabang paliwanag niya sa akin.
"Pasencya ka na ulit. Ikaw nanaman ang napagbuntunan ko ng galit."
"Kaya nga...dapat galit ako sa 'yo at nagtatampo. Pero sige, hahalik pa din ako sa pisngi mo kasi uuwi na ako," masungit na sabi niya na may kasama pang pag-irap.
Napangisi na lamang ako. Hindi talaga niya kayang labanan ang alindog ko.
"Galit ka pero hahalik ka pa din sa akin?" tanong ko sa kanya na may halong pang-aasar.
"Ayaw mo ba?" hamon niya.
Kaagad akong napa-ayos ng tayo, humilig na ako para maabot niya ako ng maayos. Para makahalik siya ng maayos.
Kaagad kong itinulis ang nguso ko sa harapan niya. Hahalik na sana siya ng kaagad siyang mapahinto, nakakunot ang noong nakatingin sa pagtulis ng nguso ko.
"Sa pisngi nga. Di ba nga...nagtatampo ako," laban niya sa akin.
Napalitan ng ngiti ang labi ko. Humalik siya sa pisngi ko, pagkatapos no'n ay lumayo din kaagad siya. Lumayo siya na para bang kung hindi niya gagawin 'yon ay may magagawa pa siyang iba.
"Sigurado kang 'yan lang ang gusto mong gawin?" pang-aasar ko sa kanya.
"Oo!" pagmamatigas niya.
Nakita ko pa kung paano humigpit ang hawak niya sa plastick ng pagkain. Ako na mismo ang humakbang palapit sa kanya, bahagya akong humilig bago ko siya siniil ng halik sa labi.
"Salamat..." malambing na sabi ko sa kanya.
Ang daming bagay na gusto kong sabihin, ang dami kong gustong ihingi ng pasasalamat sa kanya pero 'yon na lang ang lumabas sa bibig ko.
Napabuntong hininga siya. Yumakap siya pabalik kaya naman ako na ang nagulat ngayon. Hindi inalintana ni Ericka na basa ang suot kong damit dahil sa pag-uurong ko. Hindi ko nan ga sigurado kung ano na ang amoy ko ngayon, pero walang pag-aalinlangan pa din niya akong niyakap.
Niyakap niya ako ng mahigpit na para bang amoy baby ako kahit ang totoo ay amoy dinosaur na.
"Ayokong maging bisita lang sa bahay niyo, Junie. Gusto kong maging parte dito...gusto ko dito kasama kayo ni Nanay," sabi niya sa akin. Hindi ako makapaniwala.
"Pero mas kumportable doon sa inyo. Mas malaki ang bahay niyo...kumpleto ang lahat ng kailangan mo doon," paalala ko sa kanya.
"Pero dito masaya ako," laban niya sa akin.
Hindi na ako nakasagot pa. Muli kong hinapit si Ericka palapit sa akin para yakapin ang maliit niyang bewang at hilahin siya palapit sa akin.
"Masaya ako na napapasaya kita," sabi ko.
"At si Nanay din. Hindi lang ikaw. Crush kita pero...ang kapal kapal naman," pang-aasar niya sa akin na sa huli ay ikinatawa ko din.
Kahit papaano ay nabawi naman ang lahat ng bigat ng dibdib ko ng araw na 'yon dahil sa pag-uusap namin ni Ericka. Pinapangako kong 'yon na ang huling beses na pagbubuntunan ko siya ng galit. Hindi na 'yon mauulit. Natuto na ako.
Ayoko siyang mawala sa akin kaya naman hindi ako gagawa ng bagay na magiging dahilan para layuan niya ako.
"Para nga tayong may kasamang artista kagabi. Pero kahit pa ganoon kaganda si Ericka, sobrang bait na bata, ang galing pang makisama. Bihara ka na lang makakakita ng babaeng katulad niya," sab isa akin ni Nanay.
Pareho kaming maagang nagising kinaumagahan. Napapayakap pa ako sa aking sarili dahil sa lamig na dala ng madaling araw. Iba din ang amoy ng paligid, para bang alam mo agad kung anong oras pa lang.
Pinaupo ako ni Nanay, abala siya sa pagtitimpla ng kape. Gustuhin ko mang ako na ang gumawa no'n ay pinigilan niya na ako. Na miss na daw niyang gawin 'yon, para bang na-miss niya yung mga panahon bata pa ako at nag-aaral pa.
"Hindi ko na din po papakawalan si Ericka, Nay. Siya po ang babaeng papakasalan ko," paninigurado ko kay Nanay.
Alam kong masyado pang maaga para magsalita, ni hindi pa nga namin nakakaharap ang pamilya niya. Pero kung ano man ang possibleng pagdaanan namin sa mga susunod na araw, isa lang ang sigurado ako.
Si Ericka ang papakasalan ko, siya din ang magiging ina ng mga anak ko.
Bago pumasok sa may factory ay dumaan na muna ako sa bayan para patubuan ang ilang alas na kinailangang isangla ni Nanay. Ngayon na daw kasi ang huling araw, kung hindi mahuhulugan ay makukuha na ng pawnshop.
Nilakad ko lamang ang sa amin patungo sa bayan para tipid na din sa pamasahe, maaga pa din naman kaya hindi ko kailangang magmadali.
Halos ang ibang pamilihan ay ngayon pa lang din nag-aayos para magbukas. Napadaan ako sa bilihan ng mga motor, naglalakad na ako pero halos ma-iwan ang mga mata ko sa mga naka-display na motor doon.
Matagal ko na ding pangarap magkaroon ng motor. Hindi man ngayon, pero darating ang araw na magkakaroon din ako niyan.
"Medyo mataas talaga ang tubo...sa tubo pa lang mamumulubi ka na," rinig kong pag-uusap ng ilang tindera sa katabi ng pawnshop na pupuntahan ko.
"Ang balita nga ay sa San Miguel ang corporation na 'yon. Yung nanghiram ka nga ng pera dahil sa hirap ka...pero mas lalo kang papahirapan sa bayaran," sabi pa ng isa.
Hindi ko napigilang makinig sa pag-uusap nila. Lalo na't narinig ko ang apelyido nila Ericka.
"Pinaghahandaan ata yung kasal. Ang balita ay gustong ipakasal ni Madame Estel ang unica hija niya sa isang Villaverde," sabi pa nila.
Kaagad na nagpantig ang tenga ko. Kulang na lang ay tumayo ako sa harapan nila para marinig ko 'yon ng maayos.
"Pag nagkaroon ng merge sa pagitan ng San Miguel at Villaverde, hindi impossibleng makuha nila halos lahat ng bangko dito sa Sta. Maria..."
"Ang tanong papayag ba yung anak na babae? Di ba't kaya 'yon ipinadala sa America noon ay dahil nagrebelde?"
"Siguradong gagawa nanaman 'yon ng paraan para magrebelde sa mga magulang niya." Sabi pa nila.
Nagtawanan sila, hindi ko alam kung saang parte sa pag-uusap nila ang nakakatawa. Walang nakakatawa kung ang laman ng usapan niyo ay buhay ng ibang tao.
"Kung ako sa kanya, mag nobyo siya ng hindi nila kalebel...tingnan natin kung hindi umusok ang ilong ni Madam Estel at ipadala ulit siya sa America."
"Mag boyfriend ng mahirap, para magalit ang matapobreng ina," pahabol pa ng isa bago sila muling nagtawanan.
Ganoon ba 'yon, Ericka?
(Maria_CarCat)
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro