Chapter 7
Boyfriend
Habang nasa likod bahay kami ay ipinakita ko na din kay Ericka yung mga bagong tanim naming mga gulay. Hindi 'yon kasing laki ng plantation ng mga Montero na pinakamalaki dito sa amin, pero sapat na ang mga 'yon para may makuha kami ni Nanay kung sakaling walang ulam.
"Pahinog na 'tong kamatis namin, nilagyan ko lang ng sapin sa baba para hindi nakasayad sa lupa," kwento ko sa kanya.
Malalaki na ang tanim naming kamatis pero kulay berde pa 'yon. Pag tumagal tagal ay pwede nang pitasin.
Napangiti ako nang makita kong interisado si Ericka sa mga sinasabi ko. Para bang gusto niyang malaman ang tungkol don, gusto niyang matutunan.
Ilang beses akong nagpahid ng pawis mula sa noo ko gamit ang manggas ng suot kong puting tshirt. Medyo ramdam ko din ang pagod dahil simula kagabi, hanggang kaninang madaling araw ay nag-aayos kaming dalawa ni Nanay para dito sa simpleng handaan.
Bumaba ang tingin ko sa suot kong black shoes, unti-unti nanamang nagpapakita ang uwang sa gilid nito. Idinikit ko lamang 'yon kagabi para naman kahit papaano ay magmukha siyang sapatos para sa graduation ko.
Wala naman ng kaso sa akin dahil hindi ko na siya kailangang gamitin pa. Mula sa aking mga sapatos ay nilingon ko si Ericka, tsaka lang nagkaroon ng kaso 'yon sa akin nang makita kong nakatingin din siya doon.
Napakamot ako sa aking batok dahil sa naramdamang hiya. Kung wala naman si Ericka dito ay wala namang kaso sa akin 'yon. Kahit hayaan ko pang batiin ng sira kong sapatos ang lahat ng bisita namin dito. Ang kaso ay si Ericka 'yon, nililigawan ko siya.
Imbes na magsalita ay tipid niya lang akong nginitian at nag-iwas ng tingin.
"Ano ang nandoon?" tanong niya sa may bandang dirty kitchen namin.
"Maduming kusina," sagot ko sa kanya.
Natawa ako nang makita ko kung paano puminta ang labis na pagtataka sa kanyang mukha.
"Dirty kitchen. Diyan kami nagluluto ni Nanay pag mga pritong isa, o kaya naman mga ulam na mabilis kumapit ang amoy sa loob ng bahay," paliwanag ko sa kanya.
Nagtaas siya ng kilay bago napatango.
"Siguro may dirty kitchen din sa inyo. Pero hindi dirty kaya hindi mo ramdam," magulong sabi ko.
Natawa siya, nagulat ako ng pabiro niya akong kinurot sa abs ko.
"Oh, wag naman sa abs, may kiliti ako diyan, e."
Mas lalo siyang natawa dahil sa sinabi ko sa kanya. Imbes na tumigil ay lumapit pa siya sa akin at pilit na itinaas ang suot kong tshirt.
"Patingin nga ng abs na pinagmamalaki mo...patingin nga," pang-aasar niya kaya naman napahalakhak ako habang nagkukunwaring umiiwas sa gusto niyang mangyari.
Baka himatayin ang babaeng 'to sa oras na maghubad ako sa harapan niya, at bumulaga sa kanya ang mala-adonis kong katawan. Mahihiya si Machete na tumabi sa akin.
Nasa ganoon kaming scenario nang magulat kaming dalawa dahil sa sunod sunod at sadyang pag-ubo nina Eroz at Julio. Pareho silang nagpipigil ng tawa na para bang may nakakatawa sa ginagawa namin ni Ericka.
Napa-ayos tuloy ito ng tayo samantalang kaagad na nawala ang ngiti sa aking mga labi. Istorbo din talaga 'tong mga Boss ko minsan.
"Junie, pinapatawag ka ni Tita...dumating na ang mga kaklase mo," sabi ni Julio. Kitang kita ko ang nagtatagong ngiti sa kanyang labi.
Kung wala lang siguro si Ericka sa harapan namin ay kanina pa nila ako inasar na dalawa.
"Oh, magpapahanda ba ako ng red carpet para sa kanila? May importante akong ginagawa," sabi ko kaya naman natawa na si Eroz, hindi na talaga niya napigilan.
Tumayo ang lahat ng balahibo sa aking katawan ng muli kong maramdaman ang hawak ni Ericka sa aking bandang tiyan. Marahan at sandali niya lang tinapik 'yon para kuhanin ang pansin ko.
"Asikasuhin mo ang mga bisita mo," sabi niya sa akin.
Parang bigla akong nanlabot. Kaagad akong napatango, yung lambot ng tango ko ay mas maayos pa sa tumatangong aso sa harapan ng sasakyan.
Narinig ko pa ang mahinang tawa nina Boss Eroz at Julio, pero hindi ko na sila pinansin. Kung hindi pa muling nagsalita si Ericka ay baka tinubuan na ng ugat ang mga paa ko sa kinatatayuan ko.
"Tara na, tulungan natin si Nanay," yaya niya sa akin at kaagad na nagpatinaog.
Pabiro ko pang pinatamaan ng suntok si Julio sa tiyan niya nang gayahin niya ang ginawa kong pagtango pag daan namin sa gawi nila. Matapos sa akin ay kay Eroz naman niya ipinakita 'yon bago sila muling nagtawanan na dalawa.
Palibhasa ay mga tapos ng kumain. Wala ng kaso sa kanila kung sakaling pa-uwiin ko na sila dahil mga busog na.
Pagbalik namin sa harap ng aming bakuran ay sumalubong sa amin ang ingay ng mga kaklase kong lalaki. Kagaya ko ay hindi pa din sila nakakapagpalit ng uniporme.
"Junie!" tawag nila sa akin.
Aamba sana silang dudumugin ako na parang artista ng halos lahat sila ay napa-ayos ng tayo nang makita ang kasama ko. Hindi lang parang artista ang nakita nila, siguradong nakakita sila ng anghel dahil sa itsura ni Ericka.
Mula kay Ericka ay nakita ko kung paano bumaba ang tingin nila sa magkahawak naming kamay.
Nang lingonin ko ito ay nakita kong nakangiti siya sa mga kaklase ko. Hindi niya ini-snob ang mga ito. Para bang handa siya makipagkilala sa mga 'to.
"Ipapakilala kita sa kanila," sabi ko sa kanya kaya naman mas lalong lumaki ang ngiti niya.
Isa-isa kong ipinakilala ang mga kaklase ko sa kanya, hindi ko na sana babanggitin pa ang mga kaklase kong lalaki pero sila na mismo ang nagsabi ng pangalan nila dito.
Ilang kamay na din ang napalo ko sa tuwing tinatangka nilang makipagkamay dito. Ayos na yung makilala at mangitian sila, wag na yung makamayan pa si Ericka. Baka imbes na makakita lang ng anghel ay maramdaman na nila ang langit sa lambot ng kamay nito.
"Junie," tawag ni Sanie sa akin sa gitna ng pakikipag-asaran ko sa mga kaklase kong lalaki.
Nagulat pa ako nung una dahil sa biglaan niyang paglapit sa aking harapan. Bumaba ang tingin ko sa hugis pusong box na hawak niya.
"Regalo ko 'to sa 'yo," nakangiting sabi niya sa akin.
Nagawa niyang ngumiti kahit halatang hindi kagaya ng mga kaklase kong masayang makilala si Ericka, hindi si Sanie. Na-iintindihan ko dahil umamin naman siya sa akin na may gusto siya sa akin. Ayoko din naman siyang saktan. Ayokong makapanakit ng damdamin ng iba, lalo siya dahil malapit siya sa akin, Palagi niya akong binibigyan ng extrang sabaw.
"M-maraming salamat, Sanie..." sabi ko sa kanya.
Sandali kong nilingon si Ericka, hindi ko kasi alam kung kukunin ko yung regalo o ano.
"Ang gwapo ni Junie," asaran ng mga kaklase ko. ang iba ay umaakto pang yumuyuko, gusto ko silang pagbabatukan.
Tinanguan ako ni Ericka tanda na gusto niyang sabihin sa akin na kuhanin ko ang iniaabot ni Sanie. Napaawang ang bibig ko, totoo ba 'yon o parang test 'to? Na baka sinusubukan niya lang ako, at pag kinuha ko nga ay basted kaagad ako.
"Kunin mo na," marahang panghihikayat niya sa akin.
"Baka magalit ka." Sabi ko. Hindi ako gagawa ng ikagagalit niya.
Tipid siyang ngumiti dahil sa sinabi ko. marahil ay dahil sa nagtatakang mukha ko na din.
"Hindi ako magagalit. Regalo 'yan para sa 'yo kaya tanggapin mo," marahang paliwanag niya sa akin.
Dahil sa sinabi niyang 'yon ay muli kong hinarap si Sanie. Mas lalo kong nakita ang lungkot sa mukha niya dahil sa naging pag-uusap namin ni Ericka sa harapan niya.
"S-salamat dito, Sanie..."
"Your welcome, Junie," sabi niya sa akin at ganoon na lamang ang gulat ko ng tumingkayad siya at kaagad na nagnakaw ng halik sa pisngi ko.
"Sanie, bakit mo ginawa 'yon?" gulat na tanong ko.
Napa-atras pa ako palayo sa kanya dahil sa gulat. Kaagad kong pinunasan gamit ang likod ng aking palad ang parte ng aking pisngi na hinalikan niya.
Imbes na hintayin ang paliwanag ni Sanie ay nilingon ko kaagad si Ericka para tingnan ang reaksyon niya. Alam ko na kaagad na hindi niya nagustuhan ang nangyari.
Para bigyan kami ng space ni Ericka ay kaagad na hinila ng mga kaklase ko si Sanie palayo sa amin. Imbes na hilahin si Sanie paalis ay hinila na lamang din nila 'to palapit sa mga pagkain para kumain.
Narinig ko pa ang malalim na pagbuntong hininga ni Ericka. Mula sa kanya ay napatingin ako kina Boss Eroz at Julio na mukha napanuod ang lahat ng nangyari.
Itinaas ni Julio ang hintuturo niya at nabasa ko sa kanyang bibig ang salitang...lagot ka.
Sinimangutan ko silang dalawa at muling ibinalik ang buong atensyon ko kay Ericka.
"Tutulungan ko muna si Nanay sa loob," paalam niya sa akin.
Kaagad ko siyang pinigilan.
"Hindi ko 'yon gusto. Promise...nagulat lang din ako," paliwanag ko sa kanya.
"Nakita ko naman lahat, Junie. Ayos lang. Ang mahalaga...ako ang gusto ni Nanay," sabi niya sa akin bago niya binawi ang kamay niya sa pagkakahawak ko at tinalikuran ako para dumiretso papasok sa loob ng aming bahay.
Hinayaan ko muna si Ericka na sumama kay Nanay, nakita ko naman na talagang magkasundo silang dalawa. Nagpalit na din ako ng tsinelas para mas mabilis akong makakilos.
Inasikaso ko ang ibang mga bisita. Panay din ang kuha ko ng mga pinaggamitang bilao para palitan 'yon ng mga bagong plastick.
"Junie, handa na kami sa panghimagas," pagpaparinig ni Julio, pumasok siya sa kusina namin na nakahawak sa kanyang tiyan na akala mo ay hindi pa siya nakakain kanina.
Bago ko pa man siya masagot ay narinig na pala 'yon nina Nanay na kasama pa din si Ericka ngayon.
"Hatiin mo na ang keyk, Anak..." sabi ni Nanay sa akin.
Nilingon ko ang cake sa taas ng lamesa, walang kaso sa akin kung kakainin ang cake na binili namin ni Nanay. Wag lang ang cake na ginawa ni Ericka para sa akin.
"Hatiin na natin ang cake. Buti na lang at malaki ang nagawa ko, sana ay kasya sa lahat," sabi niya na kaagad sinang-ayunan ni Nanay. Mukhang magkasundo na talaga silang dalawa.
Kung makipag-usap si Ericka dito ay para bang matagal na silang magkakilala, pero ramdam ko kung paano niya respetuhin si Nanay. Bagay na hinahanap ko sa babae, yung rerespetuhin at mamahalin ang Nanay ko.
"Y-yung isa...wag 'yang gawa ni Ericka," sabi ko pa. Hindi ko na napigilan pa.
"Junie, wag madamot. Mukhang masarap 'yang cake na gawa ni Ericka..." segunda pa ni Julio kaya naman sinimangutan ko siya.
"Oo nga naman, Anak. Hindi mo naman mauubos ang lahat ng 'yan," sabi pa ni Nanay.
Tumulis ang nguso ko, bahala ng magmukhang madamot at nag-iinarte, pero bukod kasi sa gawa 'yon ni Ericka ay nakakapanghinayang din talagang kainin yung cake dahil sa ganda ng itsura.
"Hawakan mo yung cake, pipicturan kita...para naman kahit makain na, may remembrance ka. At hindi lang naman ito ang una at huling cake na gagawin ko para sa 'yo, Junie," sabi pa ni Ericka.
Dahil sa mga sinabi niya ay muntik na akong lumutang sa ere.
"Junie, ang aga mong lasing," biro ni Julio sa akin bago siya muling tumawa.
Ipinahawak nila ang cake sa akin, mabigat 'yon at talaga naming malaki. Kung hindi ko aayusin ang hawak ay matatakpan pa no'n ang mukha ko sa litrato. Si Julio ang kumuha ng litrato sa amin, una ay ako lang mag-isa, pagkatapos ay kasama na si Nanay, kaming tatlo kasama si Ericka, at pang-huli ay kaming dalawa.
Sa huling take ng picture ay humalik siya sa pisngi ko kaya naman alam kong malaki ang ngiti ko doon.
"Ito ang gagawin kong wallpaper," pag-amin niya nang ibalik sa kanya ni Julio ang mamahalin niyang cellphone na ginamit namin pangkuha.
Para sa akin ang unang slice ng cake kaya naman kahit papaano ay hindi na mabigat sa loob ko na bigyan ang mga bisita. Mabilis kong naubos ang slice ng cake na ibinigay ni Ericka sa akin, na para bang 'yon ang pinaka-unang cake na natikman ko sa buong buhay ko.
Natigil ang kasiyahan ko nang pumasok ang isa sa aming mga bisita. Sinabi nitong may dumating na bagong bisita, sakay ng magarang sasakyan at hinahanap kami ni Nanay.
"Junie...may naghahanap sa 'yo. Tatay daw siya ni Neil...sino ba si Neil, Ikaw?" tanong pa niya sa akin.
Imbes na pansinin pa ang tanong niya sa akin ay kaagad ko siyang nilagpasan.
"Neil, ang tatay mo?" tanong ni Nanay.
Ramdam kong hindi din siya makapaniwala. Ako din naman, pero hindi tuwa ang nararamdaman ko. Poot at galit, anong ginagawa ng lalaking 'yan dito?
"Nay, hindi po. Dumito lang po muna kayo sa loob, wag na wag po kayong lalabas," paalala ko sa kanya.
"Pero anak..."
"Nay, hindi po makakabuti sa inyo 'to," paalala ko sa kanya.
Sa tuwing naririnig niya ang pangalan ng lalaking 'yon, sa tuwing bumabalik sa kanya ang lahat, halos sumama ang pakiramdam niya sa sobrang bigat ng kanyang dibdib, at sa labis na pag-iyak.
"G-gusto ko siyang makita," paki-usap ni Nanay.
"Nay...kinalimutan na po natin siya, di ba?" paalala ko sa kanya.
Matagal na kaming nagkasundo na kahit anong mangyari, kahit anong paliwanag ang gawin ng lalaking 'yon...hinding hindi na namin siya hahayaang makapasok o makalapit man lang ulit sa buhay namin.
Umiyak si Nanay dahil alam kong naalala niya ang pag-uusap naming 'yon. Dahil naging emosyonal ito ay kaagad siyang niyakap ni Ericka, dahilan kung bakit nagawa kong lumabas para paalisin ang hindi kanais-nais na bisita.
Pagkalabas ko ay nakita kong halos lahat ng bisita ay nasa kanya ang atensyon, kung makatayo sila at makatingin dito ay parang may dumating na isang kagalang-galang...importanteng tao.
Hindi importante ang isang 'to.
Nakatayo siya sa gilid ng kanyang magarang sasakyan. Hindi niya mawari kung ngingiti siya sa akin o ano. Nanatili ang tingin niya habang hinihintay na lumapit ako sa kanya.
Kung ano-anong bulungan ang narinig ko. Manghang mangha sila dahil sa kung sinong bisita. Na-ikuyom ko ang aking kamao, muli ko nanaman kasing naalala ang itsura ni Nanay na umiiyak dahil sa kanya.
"Neil, anak...congrats," sabi niya sa akin.
"Anong ginagawa mo dito?" matigas na tanong ko sa kanya.
"Nandito ako para batiin ka ng..."
"Congratulations? Hindi ko kailangan ng congratulations mo, kahit may dala ka pang jacket at five thousand," diretsahang sabi ko.
Nakita ko ang pagtataka sa kanyang mukha, hindi rin niya marahil maintindihan kung saan nanggaling yung mga sinasabi ko, Manuod kasi siya ng tv.
"Neil..." tawag niya sa akin.
"Junie..." pagtatama ko.
Ayokong tinatawag niya akong Neil, ang sabi kasi ni Nanay ay sa pangalan niya sinunod ang pangalan kong 'yon.
"Umalis ka na dito. Hindi ka kailangan dito," matigas na pagtataboy ko sa kanya.
Nakita ko kung paano bumagsak ang kanyang magkabilang balikat, pumungay din ang kanyang mga mata na para bang kaawa-awa siya.
"Gusto ko sanang makausap ka at ang Nanay mo," sabi pa niya kaya naman mas lalo akong nagalit.
"Hindi ka gustong kausap ni Nanay. At kung balak mong maki-kain...wala na kaming handa. Di hamak naman na mas masarap ang mga pagkain sa inyo kesa dito," sabi ko pa.
Tawagin niyo na akong bastos, na hindi tama ang ginagawa kong pakikipag-usap sa tatay ko, pero wala na akong ibang nararamdaman para sa kanya kundi galit. Galit ako sa kanya, sobra ang galit ko na maging ang pag-respeto ay hindi ko na ma-ibigay pa.
Tumikhim ako nang makita kong kung paano namula ang kanyang mga mata dahil sa nagbabadyang pag-iyak. Imbes na maawa o mahabag man lang sa kanya ay pagak na tawa lang ang nagawa ko.
"Hindi mo kami madadaan sa pag-iyak mo, Tay. Kasi kung paramihan lang nang nailuha...baka may swimming pool na kami ni Nanay ngayon dito sa bakuran."
"Miss na miss ko na kayo," dugtong pa niya nang hindi man lang pinansin ang sinabi ko.
"Sinungaling," madiing sabi ko.
Nanginginig ang kamao ko, mas lalo akong nagagalit sa kanya dahil siya pa ang may ganang umiyak-iyak ngayon sa harapan ko.
"Mahal ko kayo ng Nanay mo."
Pagkasabi niya no'n ay wala na akong nagawa kundi suntukin siya. Narinig ko ang sigawan mula sa aming mga bisita. Kahit alam kong naibigay ko ang lahat ng lakas ko sa suntok na 'yon ay hindi man lang siya natinag. Mas lalong gumanda ang katawan ni Tatay, mas lalong kumisig. Palibhasa kasi ay walang problema sa buhay.
Napa-atras lang siya. Hindi siya gumanti at napahawak lang sa pisngi kung saan tumama ang kamao ko.
"Ano? Suntukin mo din ako! Mag suntukan tayo dito, Tay! Tara!" hamon ko sa kanya.
Panay ang lapit ko sa kanya, gusto kong suntukin niya ako pabalik. Gusto kong ilabas lahat.
"Junie," tawag nina Boss Eroz at Julio sa akin. Lumapit na sila para sana pumigil pero marahas akong umiling.
Kahit hindi ko gusto ay may tumulong luha sa mga mata ko, dahil sa sobrang galit ay na-iyak ako.
"Ano, Tay? Duwag ka pa din hanggang ngayon? Magsuntukan tayo!" hamon ko pa din.
Wala pa din siyang ginawa kaya naman mas lalo akong na-inis. Ambang susuntukin ko ulit siya ng may pumigil na sa akin.
"Junie, tama na 'yan," sabi ni Ericka sa akin.
Hindi pa siya nakuntento. Lumapit pa siya sa amin para humarang sa harapan ko.
"Junie wag mong gawin 'to. Wag kang gumawa ng bagay nab aka pagsisihan mo sa huli," marahang sabi niya sa akin.
"Hindi mo alam kung anong ginawa ng lalaking 'to sa amin," sabi ko sa kanya.
Ako dapat ang kampihan niya dito.
"Ericka?" tawag ni Tatay sa kanya.
Nilingon siya ni Ericka, mukhang magkakilala sila. Bakit nga ba hindi? Pare pareho naman sila ng estado ng buhay.
"Tito Nigel," tawag ni Ericka dito.
"Anong ginagawa mo dito?"
Nag-uumapaw ang galit ko, pero dahil sa sinagot niya...para akong binuhusan ng malamig na tubig.
"Boyfriend ko po si Junie," diretsahang sagot niya.
Hindi nakasagot si Tatay kaya naman muli ko siyang tinulak sa didbib.
"Umalis ka na dito. Wag ka ng magpapakita sa amin," pagtataboy ko sa kanya.
Bago pa man siya makasagot ulit ay may tumawag na sa amin. Sumama daw ang pakiramdam ni Nanay at kailangan niya ako ngayon.
Maagang natapos ang kainan. Naiwan ang mga kalat sa labas ng bahay, ang tanging natira na lamang ay sina Boss Eroz at Julio na tumutulong sa pagliligpit.
"Inom ka muna ng tubig," sabi ni Ericka sa akin.
"Ayoko," pagtanggi ko sa kanya.
Pinagpahinga na muna namin si Nanay dahil sa nangyari.
Hindi ko tinanggap ang alok na tubig ni Ericka pero nanatili siya sa tabi ko, marahang hinahaplos ang likod ko na para bang pinapakalma niya ako.
"Hindi ka dapat naki-alam sa away namin ni Tatay," sabi ko sa kanya.
"Ayoko lang na..."
"Wala kang alam, Ericka," giit ko.
Nakita ko kung paano siya nagulat at nasaktan dahil sa sinabi ko.
"Pwede mong sabihin sa akin para malaman ko, Junie," marahang sabi niya.
Tumikhim ako, nag-iwas ako ng tingin sa kanya dahil halos malunod ako sa kung paano niya ako tingnan. Mapapa-iyak ko nanaman siya.
"Sasabihin niya sa Mommy mo ang tungkol sa atin. Siguradong mapapagalitan ka."
"Wala akong pakialam, Junie..."
"Hindi magiging madali, Ericka. Narinig ko ang Mommy mo...mayamang lalaki ang gusto niya para sa 'yo," pagpapaintindi ko.
"Pero ikaw nga ang gusto ko," giit niya sa akin.
"Bakit?" tanong ko.
Naguguluhan na din ako. Ano bang nagustuhan niya sa akin? Bakit parang patay na patay siya sa akin?
"Walang rason...kailangan ba pag mahal mo may rason?" tanong niya sa akin.
Hindi ako nakasagot sa sinabi niya.
"Ipaglalaban kita sa Mommy ko. Pangako ko 'yan, handa akong talikuran ang marangyang buhay para tumira dito kasama niyo ni Nanay," sabi pa niya.
Parang aatakihin ako sa puso. Masyadong mabilis, ang bilis bilis.
"Hindi mo pa alam ang sinasabi mo. Mahirap maging mahirap...nasasabi mo lang 'yan ngayon. Pero pag nandito ka na...pag nahirapan ka na, iiwan mo din kami at babalik sa marangyang buhay mo."
"Junie, hindi lahat kagaya ni Tito Nigel. Hindi ko kayo basta iiwanan pag nakaranas ako ng hirap," pangako pa niya.
Hindi ko alam. Hindi ko pa kayang maniwala. Hindi ko pa kayang panghawakan.
"Hindi ko alam," tipid na sagot ko.
Napayuko siya, ramdam ko ang labis na lungkot. Ang kamay niyang naka-hawak sa braso ko ay unti-unting lumuwag.
"Basta ako...sigurado ako sa 'yo. Sana ikaw din sa akin."
(Maria_CarCat)
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro