Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 5

Villaverde



Dahil sa sinabi ni Ericka ay mas lalo kong napatunayan na hindi ako nagkamali na aminin sa kanya na gusto ko din siya. Na tama lang na nilabanan ko ang takot ko, na tama lang na ipaglaban ko siya.

Sinundan ko nang tingin ang paglayo ng magara nilang sasakyan. Alam ko naman kung gaano katas yung gusto kong abutin, masyadong mataas si Ericka, kung sa ibang pagkakataon lang...ang kaya ko lang gawin ay tingnan siya, pero hinayaan niya akong maabot sya.

"Binata na," nakangising sabi ni Julio sa akin, naramdaman ko ang kamay niya sa balikat ko.

Nilingon ko siya at nakitang hindi siya nag-iisa, sa kanyang tabi ay si Boss Eroz.

"Binata ka diyan," laban ko kaya naman mas lalo silang natawa.

"Mukhang tinamaan talaga sa 'yo," sabi pa nito kaya naman inabot ko ang batok ko.

"Gwapo lang..." sabi ko sa kanila kaya naman pabirong sinuntok ni Julio ang braso ko.

Hindi maalis ang ngiti sa labi ko dahil sa nangyari ngayong araw. Hindi ko din inaasahan na mapapa-amin ako ng wala sa oras. Nang sabihin niyang lalayo na lang siya at pupunta ng ibang bansa para kalimutan ako ay 'yon na ang gumising sa akin para tigilan ang kaartehan ko.

"Hindi ko kayang pumunta ng ibang bansa, mahal ang pamasahe..." kwento ko sa kanila ng sabihin ko ang dahilan kung bakit napa-amin ako.

Mariing sumimsim ng kape si Boss Eroz habang nakatingin sa malayo.

"Pag para sa 'yo...kahit saan magpunta, babalik at babalik sa 'yo," sabi nito.

Nakita ko kung paano siya nilingon ni Julio. Minsan napapansin ko, may mga bagay na para bang silang dalawa lang ang nagkaka-intindihan.

"Basta...liligawan ko na si Ericka," sabi ko pa.

Mas lalo nila akong inasar na dalawa, muli nilang pina-alala sa akin ang mga sinabi kong kahit gusto ko si Ericka ay hindi naman kailangan na maging kami.

"Para ka kamong tanga," sit ani Alice sa akin nang magkasabay kaming maglakad pa-uwi.

Hahayaan ko n asana siya, pero nang makita kong may dala nanaman siyang mga tela para sa gagawing basahan ay ako na ang nagbuhat para sa kaibigan.

"Masama bang ngumiti?" tanong ko.

Para pa din akong nakalutang sa ere, hindi ko pa din talaga lubos akalain na ang isang kagaya ni Ericka San Miguel ay magkakagusto sa akin.

Imbes na sagutin ako ni Alice ay inirapan niya lang ako. Kagaya ko kasi ay may hinanakit din siya sa mga mayayaman. Hindi naman lingid sa kaalaman ko na iniwan sila ng Tatay niya para mag-asawa ng iba, babaeng mayaman.

"Mukha namang mabait si Ericka, hindi matapobre...sana lang ay wag siyang ma-untog at makita ang kapangitan mo," sabi niya pa sa akin kaya naman sinimangutan ko na siya.

"Grabe ka talagang white lady ka!" asik ko.

"Nuno sa punso!" balik na pang-aasar niya sa akin.

Kahit sa bahay ay hindi ko ma-iwasang hindi maging masaya. Napansin nga 'yon ni Nanay kaya naman hiyang hiya ako ng asarin niya ako.

"Wala namang kaso sa akin, dalhin mo dito para naman makilala ko..." sabi niya.

Wala pa akong sinasabi pero parang may kutob na kaagad siya na dahil sa babae kaya ako nagkakaganito. Ganito siguro talaga ang mga Nanay, kahit hindi ka magsalita ay alam na kaagad nila.

"Liligawan ko pa lang po, Nay..." sabi ko sa kanya.

Malaki ang ngiti ni Nanay. "Galingan mo," sabi pa niya.

Mas lalong naging magaan sa akin ang lahat ng malaman kong suportado din ni Nanay ang kagustuhan kong magkaroon na ng Nobya.

Kung sasagutin ako ni Ericka ay siya ang magiging una at huling Nobya ko.

Madilim pa sa labas ng gumising ako. Dumiretso kaagad ako sa may kusina para mag-init ng tubig para makapag-kape. Inayos ko na din ang pwedeng lutuin para sa almusal naming ni Nanay. Sinangag ko ang natirang kanin kagabi, nag-prito na din ako ng itlog, tuyo, at naghiwa ng maraming kamatis.

Pagkatapos magluto ay nagligo na din ako para maghanda sa pagpasok. Halos dalawang beses akong nagsabon ng buong katawan para lang masigurado na tanggal ang lahat ng libag ko. Dati naman ay walang kaso sa akin, iba na ngayon...May Ericka San Miguel na.

"Nay, mabango na po ba?" tanong ko kay Nanay pagkalabas ko ng kwarto ko,

Lumapit si Nanay sa akin para amuyin ako, tawang tawa ak ng itaas niya ang kamay ko para daw amuyin ang kilikili ko.

"Nay, hindi naman po siguro aamuyin ni Ericka yan," sabi ko sa kanya.

"Iba na yung sigurado," sabi pa ni Nanay sa akin.

Sabay kaming kumain ng almusal. Pagkatapos kumain ay ako na din ang nagligpit at naghugas ng mga pinagkainan.

Nang masigurado kong ayos na ang lahat ay nagpaalam na ako kay Nanay na papasok na sa trabaho.

"Oh, para saan 'to?" tanong ni Nanay nang mag-abot ako ng pera sa kanya.

"Sa makalawa na po ang graduation ko, Nay. Bumili po kayo ng bagong damit para maganda kayo sa picture," sabi ko sa kanya.

"Ano ka ba. Ikaw dapat ang bumili ng bagong damit dahil ikaw ang ga-graduate," sabi niya sa akin.

Nagdahilan ako sa kanya na hindi na kailangan pang bumili ako ng bagong damit lalo na't matatakpan naman 'yon ng toga.

Para kay Nanay ang lahat ng pagsisikap ko na makapagtapos ng pag-aaral dahil 'yon ang pangarap niya para sa akin. Gusto ko din na kung sakaling magkita ulit kami ni Tatay ay ma-ipamukha ko sa kanya na kinaya namin kahit wala siya.

"Ang aga mo nanaman..." pun ani Kuya guard sa akin.

Kaagad ko siyang nginisian.

"Wag kang kabahan, Manong. Hindi kita papalitan," sabi ko sa kanya kaya naman kaagad niya akong tinaboy papasok at napakamot na lang sa ulo.

"Puro ka talaga kalokohan, Junie."

Nasa paradahan na ang truck na gagamitin naming ngayon para sa delivery. Kahit ata makuha ko na ang diploma ko ay hindi na ako maghahanap ng ibang trabaho. Hindi ko kayang iwanan ang factory na 'to na naging pangalawang tahanan ko na.

Sa tuwing pumapasok ako dito ay hindi ko ramdam na nagta-trabaho ako. Ang gaan ng buhay dito sa Ricemill factory kahit gaano kabigat ang mga sakong binubuhat namin.

Nahinto ang lakad ko papasok nang marinig kong may bumusina mula sa main gate, nilingon ko 'yon at nakita ang sasakyan ni Ericka. Nang makita ko siya ay kaagad akong tumakbo palapit sa may gate, inunahan ko pa si Manong guard kaya tawang tawa ako dahil sa ginawa ko.

Pumasok ang sasakyan niya at dumiretso sa may paradahan kung saan pina-park nina Boss Eroz, at Julio ang mga sasakyan nila.

"Binuksan mo 'yan, isara mo..." sabi ni Manong guard sa akin.

Kaagad kong tinuro ang sasakyan ni Ericka.

"May isa pa akong bubuksan," sabi ko at kaagad na tinakbo ang palapit sa kanya para ako mismo ang magbukas ng pintuan ng driver seat.

Nakangiti siya at hinayaan akong buksan ang sasakyan niya.

"Good morning," bati ko kahit medyo nahiya ako dahil na-realize ko yung mga ginawa ko.

Minsan pag nasobrahan ka sa emosyon ay hindi mo na din talaga kontrolado yung mga ginagawa mo. Lalo na ngayon, kung nakita ni Alice yung ginawa ko...siguradong aasarin nanaman ako no'n.

"Good morning," bati niya sa akin.

"Nag kape ka na?" tanong niya sa akin.

Sandali niya akong tinalikuran para may kuhanin sa may backseat.

Bumaba ang tingin ko sa mamahaling bag na bitbit niya, mula sa loob ay may inilabas siyang malaking tupper ware na mukhang may laman nanamang pagkain.

"Gumawa ako ng cookies," nakangiting sabi niya sa akin.

Kinuha ko 'yon para bitbitin. Sabay kaming naglakad ni Ericka papunta sa may pantry. Habang nakasunod ako sa kanya ay muli kong kinwestyon kung naligo ba talaga ako ng maayos.

Sobrang bango niya, kahit sa malayo ay na-aamoy ko siya. Konting galaw ay humahalo 'yon sa hangin.

"Hindi ka ba lugi dito? Sarili mong pera 'to..." sabi ko sa kanya kahit alam ko namang barya lang sa kanya ang mga 'to.

Marahan siyang umiling, dumiretso siya sa may coffee maker para magtimpla ng kape.

"Gusto ko talagang mag-bake, hindi naman kasi 'yan masyadong pinapansin sa bahay. Masaya nga ako dahil dito...nagugustuhan niyo," sabi niya sa akin.

Nagtagal ang tingin ko sa kanya, nakatalikod siya sa akin habang abala sa paggawa ng kape.

Para talagang anghel na bumaba si Ericka sa langit. Hindi ko talaga inakala na may kagaya pa niya sa panahon ngayon. Na kahit nasa taas na ay walang pag-aalinlangang bumaba dahil lang sa gusto niya daw ako.

Sobrang swerte ko naman na sa dinami ng pwede niyang magustuhan ay ako pa.

"Pwede kang mag-uwi sa inyo...sino ba ang kasama mo sa bahay niyo?" tanong niya sa akin.

Lumapit siya at marahang inilapag ang tasa ng kape sa harapan ko. Bumaba ang tingin ko doon, nagtagal din ang tingin ko sa kamay niya, kutis porcelana. Mahaba ang mga daliri niya, ganoon din ang kuko. Halatang hindi gumagawa ng mga gawaing bahay sa kanila.

"Kami lang ni Nanay..." sagot ko.

Ngumiti siya sa akin, sandali siyang tumalikod para kuhanin din ang kape niya, umupo siya sa katabi kong upuan.

"Uwian mo si Nanay..." sabi niya sa akin na ikinagulat ko.

Grabe yung kilig na naramdaman ko nang sabihin niyang gusto niya ako, pero giba din yung kilig ng marinig ko kung paano niya tinawag na Nanay ang Nanay ko.

Sandali akong natigilan kaya naman nilingon niya ako.

"B-bakit?" tanong niya sa akin.

Tipid akong ngumiti sa kanya at marahang umiling.

"Sige, uuwian ko si Nanay..." sabi ko.

Nasa kalagitnaan kami ng pagkakape ng ma-ikwento ko sa kanya na gusto siyang makilala ni Nanay.

"Talaga? Ikinwento mo ako sa kanya?" paninigurado niya. Ramdam ko ang saya sa boses niya.

Pinagsilop niya ang dalawang kamay niya sa harapan ko.

"Ipapakilala mo ako?" tanong pa niya. Ramdam ko din ang excitement.

"A-ayos lang ba?" tanong ko.

Kaagad siyang tumango sa akin. Inisip na niya kaagad kung anong dadalhin niya pag dinala ko siya sa amin.

"Wag ka ng mag-abala...hindi na kailangan 'yon," sabi ko.

Sa tuwing dumidikit ang balat ni Ericka sa akin ay mas lalo kong nararamdaman ang lambot no'n. Tama nga ang Mommy niya, halos paliguan siya ng gatas sa kanila.

"May request ka bang pagkain mamayang lunch?" tanong niya sa akin.

Bumaba ang tingin ko sa kamay niyang nakahawak sa itaas ng hita ko. Kaka-kape ko lang kaya naman ramdam na ramdam ko ang mabilis na pagtatambol ng dibdib ko.

"W-wala...lahat naman ng lutuin mo ay gusto ko," sagot ko sa kanya at nautal pa.

Mas lalo akong kinabahahan ng dahan dahan siyang humilig sa akin, kasabay no'n ay naramdaman ko pa ang marahan niyang pisil sa binti ko.

"E-Ericka..." tawag ko sa kanya.

Hindi siya natinag. Marahan pa din niyang inilapit ang mukha niya sa akin.

"Pwede ba kitang halikan, Junie?" tanong niya sa akin.

Gusto kong matawa dahil sa pagpapaalam niya.

"Nanliligaw pa lang ako sa 'yo. At dapat ako ang natatanong niyan..." sabi ko sa kanya.

Napakapit ako sa lamesa nang ang isa iyang kamay ay hinawakan ang damit ko para hilahin ako palapit sa kanya.

Hindi na ako nakapalag pa nang siniil niya ako ng halik. Napapikit na lang ako, para aong lumutang sa ere, parang papunta nanaman ako sa langit dahil sa lambot ng labi niya.

Hindi ko na din napigilan, hinawakan ko ang braso niya para hilahin din siya palapit sa akin, siniil ko din siya nang halik kaya naman mas lalong tumagal at lumalim 'yon.

Kapwa namin habol ang aming hininga nang tumigil kami.

"Grabe ka talagang babae ka..." sabi ko sa sobrang pagkawala ko sa sarili.

Nginisian niya ako bago siya humalik sa pisngi ko at umayos ng upo.

"Ililigpit ko lang 'tong mga tasang ginamit natin..." paalam niya sa akin.

Nagawa niya 'yon samantalang ako ay naka-upo pa din dahil sa panghihina.

Pinanuod ko kung paano magligpit si Ericka. Wala lang talaga sa kanya kahit gumawa siya ng mga gawain dito. Kung iba 'to, doon na lang ako sa amin kung saan pwede kong iutos ang lahat sa mga kasambahay.

Bago ako tuluyang lumabas para mag-trabaho ay nilapitan ko muna siya. Kailangan talaga naming mag-usap. Kailangan naming bawasan ang pagiging mapusok.

"Nire-respeto kita, Ericka. Kaya naman...gusto ko sana yung..."

"A-alam ko na. Conservative ka kaya...hindi mo gusto yung ginawa ko kanina," sabi niya.

Napaawang ang bibig ko. Hindi ko pa tapos sabihin pero alam niya na kaagad.

"Hindi naman sa ganoon, ang kaso kasi...masyadong malakas ang epekto mo sa akin. Baka sa susunod hindi ko na din mapigilan ang sarili ko," pag-amin ko sa kanya.

Nakita kung paano siya nag-iwas ng tingin at kung paano pumula ang pisngi niya.

"Pasencya ka na ulit, Junie," sabi niya, hindi pa din makatingin sa akin.

Hinawakan ko ang malambot niyang kamay para pagaanin ang loob niya.

"Wala 'yon. Gusto kong lang na magdahan dahan tayo, gusto talaga kitang ligawan ng maayos," sabi ko sa kanya.

Nang maliwanagan siya ay tipid siyang ngumiti sa akin. Humilig ako para halikan siya sa ulo.

"Magta-trabaho na muna ako," paalam ko sa kanya.

"Ako din," nakangiting sabi niya sa akin.

Lumabas na ako ng pantry ng marinig kong dumating na din ang ibang kasamahan ko. May delivery kami ngayon kaya naman kailangan na naming magkarga ng mga sako sa truck para ma-deliver.

"Saan ang delivery ngayon, Iya?" tanong ng driver namin sa secretary namin.

Mula sa hawak na mga papel ay kaagad niyang hinanap ang pagdedeliveran namin.

"Villaverde Corp." sagot niya kaya naman halos mahulog ang karga kong sako.

Walang kaso 'yon sa mga ka-trabaho ko. Pero malaki ang epekto no'n para sa akin. Bigla akong nakaramdam ng kung ano dahil sa narinig. Apelyido pa lang nila ay iba na kaagad ang epekto sa akin, paano pa kaya kung mapunta ako doon?

Magpapaalam na sana ako na hindi ako sasama sa delivery ngayon ng saktong dalawa sa mga kasama namin ang hindi makakapasok dahil may sakit daw.

Napamura ako sa isip ko dahil wala na akong kawala. Hindi naman pwedeng dahil sa personal kong issue sa tatay ko ay ma-aapektuhan ang trabaho ko.

At sino ba siya para para maging ganito ang epekto sa akin? Sigurado namang wala na din kaming apekto ni Nanay sa kanya kaya naman patas dapat.

Kahit tumambad siya sa harapan ko mamaya, wala akong ipapakita na kahit anong emosyon, wala akong mararamdaman na kahit ano.

"Takot na takot umitim, Junie?" pang-aasar ng mga kasama ko nang takpan ko ang mukha ko ng extrang tshirt na dala ko.

Mata na lang ang kita sa akin ngayon, hindi ako magpapakita, hindi niya ako makikita.

Kilala ang mga Villaverde sa dami ng mga subdivision nila. Karamihan doon ay exclusive pa. Bukod dito sa Bulacan ay mayroon na din sila sa ibang lugar...at wala akong pakialam.

Malalim ang iniisip ko habang nasa byahe kami papunta sa isa sa mga subdivision nila. Ibababa namin ang mga sako ng bigas sa clubhouse kung saan may relief operation na ginagawa.

"Ganda!"

Manghang mangha ang mga kasama ko pagkapasok namin sa subdivision. Ito ang pinakamalaki dito sa Bulacan. May guard house may coffee shop sa bungad, malaking garden bago tumambad sa amin ang mga naglalakihang bahay.

Project daw ng mga homeowners ang relief operation kaya naman madami ang order. Tahimik lang ako ng makita na namin ang malaki at magarang clubhouse. Nakahilera din ang magagarang sasakyan kaya naman medyo nahirapan pa ang driver namin na humanap ng paparadahan.

"Pag nagasgas mo 'yan, ilang taong mong sweldo 'yan," sabi nila ng makita ang kulay itim na sports car.

Kung pwede lang na isang buhatan na lang ang lahat ng 'yon maka-alis lang kami kaagad sa lugar na 'to.

Hindi ako nag-angat ng tingin sa kahit na sinong tao sa loob, nag-focus ako sa trabaho ko, kung ano talaga ang pinunta ko dito.

Sa pangatlong balik ko ay nasaksihan ko kung paano ako paglaruan ng tadhana. Pabalik na ako sa truck para muling kumuha ng sako nang makita ko kung sino ang naglakad papasok ng club house.

Nakangiti ito habang kausap ang lalaking halos kasing edad ko. Maayos ang postura ni Tatay, magara ang suot na damit, may suot na mamahaling relo, amoy mabango...mukhang hiyang na hiyang sa marangyang buhay.

Na-ikuyom ko ang aking kamao. Muling bumalik sa akin ang galit para sa kanya. Para sa pagtalikod niya sa amin ni Nanay.

Gusto ko siyang lapitan, gusto ko siyang suntukin...para sa mga pag-iyak ni Nanay simula ng umalis siya. Para sa lahat ng paghihirap na naranasan namin.

Diretso ang lakad niya habang nakikipag-usap sa kasama. Sinadya kong hindi tumabi kaya naman nagkabanggaan kami...sinadya kong banggain siya.

Nagulat siya dahil sa nangyari, nanatili ang tingin ko sa kanya, ni wala akong balak na humingi ng tawad sa kanya...hindi dapat 'yon ibigay sa kanya.

"May problema ka?" maangas na tanong ng lalaking kasama niya.

Hindi ko 'to pinansin.

"Isaac, it's ok...hayaan mo na," sabi niya dito.

Mas lalo akong nagalit sa kanya. Hindi ok, walang ok. Hindi magiging ok ang lahat.

"No, Tito...bastos e," laban nito.

Nanatili ang matalim kong tingin sa Tatay ko. Imbes na punahin ang matalim kong tingin sa kanya ay tinanggap niya 'yon. Na para bang nalunod siya sa mga tingin ko.

Ang sabi nila ay kuhang kuha ko ang mata ni Nanay. Ano? May naaalala ka?

Hindi ko na kinaya at binalak na lagpasan sila ng magsalita siya.

"Sandali..." sabi niya.

Huminto ako, pero hindi ko siya nilingon.

"Bakit, Tito?" tanong nung tinawag niyang Isaac.

Hindi nakapagsalita si Tatay.

"W-Wala..." sagot niya kaya naman nagtuloy tuloy na ang lakad ko.

Duwag ka talaga.

Ilang pagbalik pa ang ginawa ko para lang matapos na ang trabaho naming doon ng muli kong makita si Madam Estel San Miguel.

Hindi ko alam kung ano ba talagang trip ng tadhana at sa tuwing nasa ganitong sitwasyon ako ay nakikita ko ang Mommy ni Ericka. Para bang gusto ng tadhana na makita ako nito at kung anong trabaho ko.

Walang masama sa trabaho ko, marangal 'to. Pero sa mga mata ng matapobre...wala na akong masasabi.

"Nigel Villaverde," nakangiting tawag ni Madam Estel San Miguel sa duwag kong ama.

Nakipagbeso siya dito. Mas lalo akong nakaramdam ng poot.

"Isaac, Hijo..." tawag niya sa kasama ni Tatay.

Humalik ang lalaki sa pisngi nito.

"Kamusta ang business trip mo sa Europe?" tanong niya dito.

Wala akong ma-intindihan sa pinaguusapan nila lalo na't wala akong ibang maramdaman kundi galit at pagkamuhi sa kanilang lahat.

Isang pangalan ang pumukaw sa pandinig ko.

"I told you; I like you for my daughter...You should pursue Ericka," sabi ni Madam Estel.

Ngumisi si Isaac Villaverde.

"I'll ask her out," pagsuko nito.

"No one deserves my daughter...unless he's a Villaverde."




(Maria_CarCat)

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro