Chapter 30
America
Iyak ng iyak si Nanay habang nasa aking tabi. Gusto ko siyang patahanin at aluin, ngunit hindi ko magawa. Kahit narinig ko na ang sinabi niya ay para bang ayaw pa din 'yong iproseso ng utak ko. Ayaw tanggapin ng isip ko, walang reaksyon ang katawan ko.
Nanatili akong nakatulala sa kung saan, hindi ko alam ang gagawin ko. Gusto kong tumakbo papasok sa kwarto kung nasaan ang aking asawa pero hindi ko magawa, natatakot ako.
Natatakot ako sa kung anong pwede kong madatnan doon. Dahil baka kagaya ng kay Nanay ay hindi ko din magawang patahanin siya.
"Junie..." tawag ni Boss Eroz sa akin.
Naramdaman ko ang paghawak niya sa aking balikat, para bang 'yon ang gumising sa akin sa katotohanan kaya naman tuluyan ng tumulo ang luha sa aking mga mata.
"Masama na akong tao para tanggapin ang lahat ng 'to?" tanong ko sa kawalan.
Mas lalo kong narinig ang iyak ni Nanay, marahas siyang umiling bago ako niyakap ng mahigpit.
"Hindi, Anak...wag mong isipin 'yan," pag-aalo niya sa akin.
"Ano bang nagaw ko para pahirapan ng ganito?" umiiyak na tanong ko pa din.
Yung mga pinagdaanan namin nitong mga nakaraan, kahit yung hirap na pinagdaanan namin simula bata pa lang ako...wala lang sa akin. Inisip ko lang na parte 'yon ng buhay, parte ng pagiging mahirap.
Pero yung mawalan ka ng anak? Masama ba akong tao para bawiin siya sa amin? Nalaman ko pa lang na nagdadalang tao ang aking asawa ay iba na ang sayang naramdaman ko. Minahal ko na kaagad ang batang nasa sinapupunan niya.
Bakit kailangang bawiin sa amin?
"Magtiwala ka lang..." paulit-ulit na sabi ni Nanay sa akin.
Marahan akong umiling at napahilamos na lamang sa aking palad.
"Hindi ko po maintindihan," umiiyak na sumbong ko kay Nanay.
Tsaka lang ako nagkalakas ng loob na pumasok sa kwarto kung nasaan si Ericka nang sabihin ng Doctor na nakatulog na ito. Kita sa kanyang mukha ang halos matagal na pag-iyak.
Mas lalo akong nadurog ng marinig ko 'yon. Siguro ay hinihintay niya akong pumasok at damayan siya. Kailangan niya ako ng mga panahong 'yon pero wala ako at nagpakain sa pagiging duwag ko.
"Bakit po?" tanong ko sa Doctor.
Anong naging dahilan kung bakit nawala ang anak namin? Alam kong mahina ang kapit ng bata pero wala namang ginagawang mabigat na gawain ang aking asawa sa bahay, hindi ko din naman siya binibigyan ng stress.
"Bukod sa mahina ang kapit ng bata ay mukhang stress and pasyente," sagot niya sa akin na ikinagulat ko.
"Stress saan?" naguguluhang tanong ko. Ni hindi na ako makapag-isip pa ng maayos.
"Hindi lang naman pisikal na gawain ang pwedeng dahilan ng stress natin. Pwede sa emosyonal...mukhang may problema siyang iniisip," sabi pa ng Doctor sa akin.
Hindi na ako nagsalita pa pagkatapos no'n. Mukhang ang dulo nito ay tungkol sa problema ng mga pamilya namin. Siguro nga kahit nakikita kong tumatawa at mukhang masaya ang aking asawa ay hindi pa din ma-aalis sa kanya na hindi maayos ang aming mga pamilya.
"Nasaan ang anak ko?"
Natahimik kaming lahat at kaagad na napatingin sa pagdating ng mga magulang ni Ericka. Humahangos ang mga ito, hanggang sa nakita ko kung paanong gigil na tumingin sa akin si Madam Estel.
Hindi na siya nagsalita pa at kaagad na akong inambahan ng suntok, sampal, at sabunot. Halos kung ano na lang ang ibinato niya sa akin masaktan niya lang ako.
"Kasalanan mo ang lahat ng 'to. Ikaw ang malas sa buhay ng anak ko!" sigaw niya sa pagmumukha ko.
"Tama na. Wag mong saktan ang anak ko!" galit na asik ni Nanay.
Hindi nakinig si Madam Estel, patuloy pa din siya sa pananakit niya sa akin. Hanggang sa napahinto siya ng kaagad na nangibabaw ang tunog ng pagkakasampal sa kanya ni Nanay.
Kita ang labis na gulat sa kanyang mukha, napahawak na lamang din siya sa pisngi niyang namumula na ngayon.
"How dare you!" gigil na banta niya kay Nanay.
Bago pa man niya masaktan ang Nanay ko ay humarang na ako. Pero imbes na ang sampal galing muli sa kanya ang matanggap ko ay malakas na suntok na 'yon galing sa ama ni Ericka.
"Anong ginawa mo sa anak at apo ko?" asik niya sa akin.
"Wala po akong ginawa...hindi ko gusto ang nangyari," giit ko.
Halos umiyak ako sa harapan nila para lang ipaintindi sa kanila na kahit ako, nasasaktan din ako at hindi ko gusto ang nangyayari ngayon.
Gigil akong dinuro ng kanyang ama. Mukhang ang iniipon nitong galit sa akin ay tuluyan na ngang sumabog.
"Simula ng dumating ka sa buhay ng anak namin...minalas na siya. Peste ka sa buhay niya!" sigaw niya sa pagmumukha ko.
"Wag niyong sabihan ng ganyan ang anak ko!" sigaw ni Nanay.
Masakit makatanggap ng mga ganoong salita. Pero iba ang sakit ng makita ko kung gaano nasasaktan si Nanay habang pinapakinggan ang mga ito.
"Parang awa mo na. Kung gusto mo tulungan si Ericka...kung gusto mong mapabuti ang buhay niya...layuan mo ang anak namin. Hindi ka nababagay sa kanya..." sabi pa nito.
"Asawa ko na po siya. Hindi niyo kami pwedeng paghiwalayin," mahinahong paalala ko sa kanila na mas lalo nilang ikinainis.
"Handa akong magbayad, handa akong gawin ang lahat mapawalang bisa lang 'yang lintik na kasal niyo..." laban nila sa akin.
"Hindi deserve ni Ericka ang hirap ng buhay na meron ka. Humanap ka ng kapantay mo...kahit nalaman naming Villaverde ka, kung hindi mo din naman kayang panindigan, wala ka pa ding silbi...idadamay mo lang ang anak namin sa kamalasan mo," sabi pa nila.
Ang mga masasakit na salitang 'yon ay hindi ko alam kung saan nanggaling. Na para bang kung bitawan nila 'yon ay kilalang kilala na nila kami at alam na nila ang lahat ng pinagdaanan namin.
"Hindi kami maghihiwalay ng aking asawa," pinal na sabi ko sa kanila.
Tatalikod na sana ako para matapos na ang usapan ng magsalitang muli si Madam Estel.
"Hindi mo ba na-isip na kaya baka kinuha ang bata ay dahil hindi naman talaga kayo ang nararapat para sa isa't-isa?"
Hindi ako nagsalita, hindi ako umimik tungkol sa bagay na 'yon. Siguro nga may dahilan ang lahat ng nangyayari, pero ang dahilan na 'yon ay hindi ko matatanggap.
"Mahal na mahal ko po ang anak niyo. Kung hindi niyo po ako matanggap bilang asawa niya...'yon na lang po ang alalahanin niyo, kaya kong gawin ang lahat para sa asawa ko."
"Kaya nga pakawalan mo na siya. Magandang buhay ang naghihintay sa anak namin kung malalayo siya sa'yo," giit ng mga magulang niya.
Na para bang ako yung humahadlang sa magandang buhay para sa kanya. Na ako yung pabigat, ako yung malas, ako yung dapat na mawala.
"Tsaka ko lang po gagawin ang bagay na 'yan kung si Ericka mismo ang nagsabi sa akin na layuan ko na siya...na pakawalan ko na siya," sabi ko sa kanila.
Tumaas ang kilay ni Madam Estel. Para bang sa sinabi kong 'yon ay nagkaroon sila ng pag-asa.
"Kakausapin muna namin ang anak namin bago ka magpakita sa kanya...makikita natin. Tuparin mo ang sinabi mo...papakawalan mo ang anak ko sa oras na sabihin niyang lumayo ka na," hamon nila sa akin.
Nakipagsukatan ako ng tingin kay Madam Estel. Sa aking gilid ay nakita ko ang paglingon ni Nanay sa akin. Maging siya ay naghihintay ng isasagot ko.
"Tutupad ako sa pangako," pagsuko ko.
Kahit ang totoo ay labag 'yon sa loob ko.
Kagaya ng napag-usapan ay unang pumasok ang kanyang mga magulang ng sabihin ng Doctor na gising na siya, kalmado at pwede ng kausapin.
Gustuhin ko man sanang ako 'yon ay tinupad ko ang usapan namin ng mga magulang niya. Ma-ipakita ko man lang din sa kanila na totoo ako sa mga sinasabi ko.
"Handa ka ba sa kung anong magiging desisyon ni Ericka?" tanong ni Nanay sa akin.
Tumango ako bilang sagot. Kahit ang totoo ay kinakabahan ako, na baka nabibigla lang ako. Nawala na nga ang anak namin, pati ba siya ay iiwan din ako?
Hinawakan ni Nanay ang kamay ko, tipid siyang ngumiti sa akin.
"Kahit ako, alam kong ikaw ang pipiliin ni Ericka," sabi niya sa akin.
Tipid akong tumango. Malaki din ang tiwala ko sa aking asawa na hindi niya ako iiwan.
Napatayo ako ng lumabas ang mga magulang ni Ericka. Wala silang ipinakitang kahit anong emosyon sa amin.
"Magpapa-book na kaagad ako ng flight papuntang America," rinig kong sabi ni Madam Estel habang nagmamadaling maglakad palayo doon.
Para akong maduduwal dahil sa narinig. May possibilidad kayang...
"Pumasok ka na, kausapin mo na ang asawa mo..." sabi ni Nanay sa akin.
Ilang sandali pa akong nabato sa aking kinatatayuan. Ngayon mas ramdam ko na ang takot.
"Sige na, Anak..."
'Yon na ata ang pinakamatagal na lakad na nagawa ko. Tahimik lamang si Ericka at nakatanaw sa may bintana ng pumasok ako. Tsaka lamang siya muling umiyak ng nilingon na niya ako.
Wala siyang ibang bukambibig kundi ang salitang sorry. Ilang beses ko ding sinabi sa kanya na hindi niya 'yon kasalanan. Walang may gusto ng nangyari.
Niyakap ko siya ng mahigpit. Masakit para sa akin ang nangayari sa aming anak, pero alam kong mas masakit ito para sa kanya bilang isang ina.
"Kinausap ako nila Mommy," pagbasag niya sa mahabang katahimikan.
Bayolente akong napalunok. Dahil sa totoo lang ay ito ang pag-uusap na para bang gusto ko na lang takasan, wag na lang pag-usapan.
"Gusto nilang pumunta na kami sa America. Malabo na silang manalo sa eleksyon, tanggap na nila 'yon. Kaya naman lilipad na sila papuntang America at baka doon na manirahan ng matagal," sabi pa niya sa akin.
Nanatili akong tahimik, hinahayaan siyang magsalita. Gusto ko munang marinig ang lahat bago ako magsalita, bago ko ipaliwanag ang sarili ko.
"Gusto nilang sumama ako sa kanila..." marahang sabi niya sa akin.
Namanhid ang buong katawan ko. Handa na sana akong umiyak at magmakaawa sa kanya pero may idinugtong siya dito.
"Ayoko. Hindi ako sasama...dito ako kung nasaan ang asawa ko," sabi niya sa akin kaya naman parang bata akong umiyak sa kanya at kaagad na yumakap.
Aalis ang mga San Miguel papunta sa America para iwasan na din ang kahihiyan sa pagkatalo nila sa eleksyon. Kagaya ng sinabi ni Ericka ay mukhang doon na sila maninirahan ay magiging matagal 'yon.
"Matagal mong hindi makikita ang pamilya mo..." sabi ko.
Hindi ko din naman gustong mangyari 'yon sa kanya. Dahil kahit naman hindi naging maayos ang relasyon ko sa mga magulang niya ay pamilya pa din niya iyon.
Tipid na ngiti lang ang isinagot niya sa akin.
"Nandito naman kayo ni Nanay."
Lumapit ako sa kanya at niyakap siya ng mahigpit. Hindi man niya sabihin sa akin ay alam kong hindi naging maganda ang tagpong 'yon ng sabihin niya sa mga magulang niya na hindi siya sasama sa kanila at ako ang pinipili niya.
"Gagawin ko ang lahat para sa'yo at sa mga magiging anak natin sa future..." pangako ko sa kanya.
Hindi man kami mabubuhay sa karangyaan ay sinisigurado kong mamumuhay kaming puno ng pagmamahal. Magsusumikap ako at gagawin ang lahat para sa kanila...para sa pamilyang bubuuin ko.
"Bihira ka lang makakatagpo ng babaeng tatalikuran ang marangyang buhay para samahan ka sa hirap," sabi ng ibang mga kasama.
Na-addict na ang mga ito sa sikat na teleserye sa gabi kaya naman ito ang naging chismisan nila. Akala siguro ng mga babae minsan pag nagusap-usap ang mga lalaki ay tungkol sa ibang babae. Hindi nila alam na mas chismoso pa kami kesa sa kanila.
"Sobrang swerte mo pag ganon..."
Hindi ako nagsasalita at tahimik lang na nakikinig. Pero hindi ko mapagkakailang tama ang lahat ng sinabi nila.
Dahil ako...sobrang swerte ko kay Ericka.
Na kahit na sa araw araw na magkasama kami ay hindi pa din ma-iwasang makita sa kanyang mga kilos at pananalita ang marangyang buhay na kinamulatan niya ay hindi ko kailanman nakitang may kahit kaunting pagsisisi sa kanya na ito ang pinili niya.
Ang simpleng buhay kasama ako...
Sinubukan naming maka-buo muli pero nasabihan din kami ng Doctor na hindi magiging madali. Hindi naman kami nawawalan ng pag-asa, at hindi din naman namin minamadali ang bagay na 'yon.
"Na-miss mo na?" tanong ko sa kanya.
Naglalakad kaming dalawa pa-uwi galing sa bayan. May prosisyon kasi kaya naman mahaba ang traffic. Mas pinili na lamang naming lakarin kesa sumakay.
Tipid siyang ngumiti sa akin at inalis na ang tingin sa kanilang bahay. Walang tao doon kundi ang ilang tagapangalaga. Umalis ang buong pamilya ni Ericka, ni isa ay walang na-iwan dito. Siya lang ang bukod tangi.
"Konti...pero masaya naman ako,"sabi pa niya sa akin.
"Saan ka masaya?" tanong ko sa kanya.
"Sa kubo natin..." sagot pa niya sa akin.
Walang araw na hindi ko siya tinanong tungkol doon. Siguro ay sa takot na ding baka isang araw ay magising na lamang siya at ma-realize niyang mali ang pagpili niya sa akin.
Muling ding bumalik si Ericka sa pagluluto sa may ricemill factory kaya naman halos araw-araw din talaga kaming magkasama. Naging close din niya ang kababata kong si Alihilani maging ang ibang trabahador doon.
"Masyadong abala si Boss Eroz, baka magtagal pa siya sa Manila," sabi ko sa mga katrabaho ng itanong nila ang tungkol dito.
"Iba na ang mamamahala sa taniman ng mga Montero..." rinig ko pang pag-uusap ng mga kasamahan.
Maraming nagbago sa Sta. Maria, may mga umalis at may mga bumalik din.
"Sino ang darating?" tanong kong muli.
Halos hindi ma-proseso ng utak ko ang sinabing 'yon ni Boss Eroz.
Seryoso siyang nakatingin sa harapan ng kanyang laptop. Nawala lang si Tathi sa factory at matapos niyang bumalik galing Maynila ay parang naging suplado na siya.
"Ang magiging asawa ko," sagot niya sa akin.
"Anong ginawa mo sa Maynila, naging shopping ng asawa? May bilihan ba ng asawa don?" tanong ko hindi makapaniwala.
Ni wala nga siyang nobya, ni hindi ko nga siya nakitang may kasamang babae, tapos bigla na lang ay mag-aasawa na siya?
"Arrange marriage?" tanong ng aking asawa ng ikwento ko sa kanya ang tungkol doon.
"Baka? ganoon ba talaga pag mayayaman?" tanong ko sa kanya.
Hindi na niya ako sinagot pa at tinawanan na lang.
"Kung sakali pagdating ng araw ayokong i-arrange marriage natin ang mga anak natin..." sabi ko.
Natawa siya. "Syempre naman, bakit naman natin gagawin 'yon?"
Nagkibit balikat lang ako. Gusto ko lang na mahalin ng mga magiging anak namin kung sino ang gusto nilang mahalin.
"Gusto kong maging katulad ka nila...na kahit anong mangyari ay pipiliin ang taong mahal niya," sabi ko pa kaya naman napa-irap ang aking asawa.
"Yabang mo..." pang-aasar niya sa akin kaya naman kaagad ko siyang hinila palapit sa akin.
"Gusto mong pakitaan kita ng yabang ko?" pang-aasar ko sa kanya habang dahan dahang akong dumadagan sa kanya.
"Sobrang yabang..." patuloy na pang-aasar niya sa akin.
"Papakitaan ko talaga 'to," sabi ko bago ko hinubad ang lahat ng saplot ko at kaagad na dumagan sa kanya.
(Maria_CarCat)
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro