Chapter 3
Gusto
Kaagad kong nilayuan si Ericka kaya naman nakita ko kung paanong bahagyang tumulis ang nguso niya. Hindi nawala ang pagkakakunot ng noo ko. Hanggang ngayon ay ramdam ko pa din ang malambot niyang labi sa labi ko.
Nanatili ang tingin niya sa akin na para bang wala siyang ginawang kalapastanganan. Tinuro ko pa siya bago ako napahawak sa labi kong ninakawan niya ng halik.
"Ikaw na babae ka! Sumusobra ka ha," sabi ko sa kanya pero hindi man lang nagbago ang ekspresyon ng kanyang mukha, para bang hindi siya nagsisi na hinalikan niya ako.
"B-bakit? Ayaw mo bang halikan kita?" tanong niya sa akin kaya naman mas lalong nanlaki ang aking mga mata.
Marahas akong napakamot sa aking batok.
"Aba't tinatanong mo pa talaga 'yan ha," inis na sabi ko sa kanya.
"G-gusto kita, Junie," marahang sabi niya sa akin. Parang siya pa ngayon ang kawawa.
Nalaglag lalo ang panga ko dahil sa pagiging straight to the point niya. Ito nga din ang unang boses na may umamin sa akin na may gusto sila sa akin. Hindi lang basta kung sino ang isang 'to. Isa siyang San Miguel, mula sa mayamang pamilya.
"Hindi kita gusto. Kaya hindi tamang halikan mo ako ng basta," pangaral ko sa kanya.
Mas lalong tumamlay ang tingin niya sa akin. Sa klase ng tingin niya ay mukhang maghihiwalay kaming dalawa na ako pa ang guilty.
"Isipin mo nga, paano kung bigla kitang halikan...hindi ba't ipapakulong moa ko for sexual harassment? Gusto mong ipakulong kita?" pananakot ko sa kanya.
Dahil sa aking sinabi ay unti-unting nagbago ang ekspresyon ng kanyang mukha. Mukhang na-realize na niya ang pagkakamali niya.
"S-sorry..." mahinang sambit niya.
Napabuntong hininga na lang ako dahil sa mga nangyayari. Muli kong pinunasan ang labi ko gamit ang manggas ng aking suot na tshirt.
"Buti nag-toothbrush ako..." bulong ko.
"Ha?" tanong niya.
Pinagtaasan ko siya ng kilay. "Wala. Wag ka nang tatakbo dito bukas, delikado dito...doon ka sa main road," sabi ko sa kanya at tumuro pa papunta sa may main road.
"Dito ka ba ulit dadaan bukas?" tanong niya sa akin kaya naman muli nanamang nanlaki ang aking mga mata.
Hindi ko kinakaya ang babaeng 'to1!
"Hindi na, doon ako sa main road dadaan bukas," sabi ko sa kanya.
Tiningnan niya lang ako. Umihip ang malakas na hangin kaya naman tinangay ang mahaba at itim niyang buhok. Napabuntong hininga ako ng muli nanaman akong nagkaroon ng pagkakataon na mapagmasdan siya.
May kung ano sa mga mat ani Ericka na kung titingnan ka niya ay para bang mapapaluhod ka. Matangos ang kanyang ilong at maganda ang hugis ng kanyang mga labi. Nag-tiim bagang ako ng muli kong maalala na naglapat ang mga labi namin kanina.
Marahan niyang inipit sa likod ng kanyang tenga ang hinangin niyang buhok.
"Dito pa din ako tatakbo bukas," giit niya kaya naman halos magpantay ang itaas at ibabang ngipin ko sa inis.
"Aba't ang tigas ng ulo mo ah!"
Tiningnan niya lang ako at inirapan pa. "Basta dito ako bukas," laban niya sa akin bago niya ako tinalikuran.
"T-teka...umaambon pa," sabi ko sa kanya pero nagtuloy tuloy na siya sa pagtakbo palabas sa lumang daan.
Ilang beses akong napabuntong hininga bago ako napahawak sa dibdib ko, ilang beses kong hinampas ang dibdib ko dahil sa malakas na kabog na nararamdaman ko doon.
"Aatakihin ata ako sa puso dahil sa babaeng 'yon," sabi ko.
Kahit medyo umaambon pa ay nagpatuloy na din ako sa paglalakad papasok sa trabaho. Sa susunod na linggo na ang graduation namin. Halos makaka-age lang kami nina Boss Eroz at Julio, nauna lang silang matapos sa kolehiyo dahil na din ilang beses akong huminto sap ag-aaral dahil sa kawalan ng pera.
"Magandang umaga!" sigaw ko pagkapasok ko sa loob ng factory.
Natawa ako ng takpan ni Manong guard ang tenga niya dahil sa ginawa ko. Kaagad na lumaki ang ngiti ko nang makita kong nandoon na si Boss Eroz, maaga siya ngayon.
"Boss Eroz, linisin ko 'tong sasakyan mo. Sa akin ka na lang magbayad kesa sa car wash," alok ko sa kanya nang makita kong namumuti na sa alikabok ang itim niyang Nissan Navara pro 4x.
Pumayag si Boss Eroz sa alok ko na linisin ang sasakyan niya pagkatapos ng trabaho.
"Nag-almusal ka na ba? Nagpabili ako ng tinapay...nasa may pantry," sabi niya sa akin.
Kaagad na nanlaki ang mata ko.
"Hindi pa!" sabi ko at kaagad na pumunta sa pantry para mag timpla ng kape at kumuha ng tinapay.
Marami siyang ipinabiling tinapay para sa lahat. Nang tuluyan kong makilala si Boss Eroz ay nakita kong ibang-iba siya sa mga mayayamang una kong nakilala, hindi siya matapobre, hindi mapagmataas, at higit sa lahat ay marunong siyang makisama.
"Siraulo ka, Junie..." puna niya sa akin ng ipakita ko sa kanya na kaya kong bumuhat ng tatlong sako ng bigas.
Kaagad kong ipinakita sa kanya ang muscles ko sa braso kaya naman napa-irap siya at napa-iling na lang.
"Plano ko din pong mag-hire na lang ng tagaluto para dito sa buong factory," si Boss Eroz.
Unti-unti nang ibinibigay ni Mang Darren sa kanya ang pamamahala ng buong factory. Rinig kong maraming plano si Boss Eroz hindi lang para sa expansion ng buong factory kundi para na din sa mga trabahador nito kagaya ko.
Tapos na ang trabaho namin at wala ng delivery sa araw na 'to kaya naman inumpisahan ko nang linisin ang kanyang sasakyan. Hindi kalayuan sa akin ay nag-uusap sila ni Mang Darren kaya naman rinig ko ang pinag-uusapan nila.
"Junie, una na ako..." paalam din ni Mang Darren sa akin ng matapos na sila ni Eroz sa pag-uusap.
"Wag mo akong singilin ng mahal ah," nakangising sabi ni Boss Eroz sa akin.
"Ikaw pa ba, Boss Eroz? Malakas ka sa akin kaya mahal ang singil ko sa 'yo," sabi ko sa kanya.
Matapos ang trabaho sa araw na 'yon ay nagpasya na din akong umuwi, imbes na dumiretso sa bahay ay dumaan muna ako sa palengke para tumingin ng malabot na kutson para kay Nanay. Ilang beses ko na kasi siyang nakitang nakahawak sa likod niya dahil na din sa tigas ng higaan namin.
"Ito na ba yung pinaka malambot niyo?" tanong ko sa tindera.
"Maganda po ang quality 'yan. Kung para sa inyo po ng asawa niyo..." pinutol ko kaagad ang sinasabi niya.
"Wala pa akong asawa," sabi ko habang nakatingin sa kutson na balak kong bilhin para kay Nanay.
Mula doon ay lumipat ang tingin ko sa babaeng nag-a-assist sa akin. Ganoon na lamang ang gulat ko ng makita ko ang malagkit niyang tingin sa akin. Namumula din halos ang magkabila niyang pisngi sa hindi ko malamang dahilan.
"Kung sakali pong bibili na kayo...ako po ang hanapin niyo para naman ma-assist ko kayo ng maayos," sabi niya sa akin.
May inabot siyang maliit na papel sa akin, pangalan daw niya 'yon at contact number.
"J-jenny," pagbasa ko sa pangalan niya.
"Sige, Jenny...ikaw ang hahanapin ko pag bibili na ako," sabi ko sa kanya kaya naman mas lalong lumaki ang ngiti niya.
Nakakunot ang noo ko habang palabas ako ng furniture shop na 'yon. Madami ding iba't ibang gamit sa loob ng bahay ang nandoon, pangarap kong punuin ng magagandang gamit ang bahay namin para naman matuwa si Nanay, kaya nga mas lalo akong nagsusumikap na makapag-ipon, kahit anong trabaho basta ay marangal ay papatusin ko na.
"Nandito na po ako, Nay!" anunsyo ko.
Maagang isinara ni Nanay ang tindahan namin ng mga gulay sa tapat ng aming bahay. Bukod kasi sa mahina ang bentahan ngayon ay kulang kulang pa ang tinda naming lalo na't nagtaas ang presyo ng mga bilihin. Wala kaming pambili ng mga paninda namin.
"Nay," tawag ko sa kanya at kaagad na nagmano sa kanya.
Bumaba ang tingin niya sa plastick na hawak ko, may laman 'yon fried chicken na binili ko sa may kanto para ulam naming sa hapunan.
"I-aadobo ko po ang mga natirang kangkong para hindi masayang," sabi ko sa kanya.
Tinanguan ako ni Nanay. Abala siya sa pananahi ng damit naming kailangan ng tahiin. Dumiretso ako sa aking kwarto para ibaba ang mga gamit ko, naligo na din muna ako pagkatapos non bago ako pumunta sa kusina para magluto ng aming hapunan.
"Balak kong mamasukan na labandera pansamantala para makapag-ipon ay makabili ulit tayo ng paninda," sabi ni Nanay habang kumakain kami.
Masarap ang kain ko dahil na din nakakamay kami, masarap din ang ulam na niluto ko kaya naman mukhang mapaparami ako ng kain.
"Wag na po, Nay...ako na po ang bahala sa pag-iipon," sabi ko sa kanya.
Sandaling natahimik si Nanay, tiningala ko siya kaya naman napa-iling na lang ako ng makita ko kung saan nanaman papunta ang pag-uusap na 'to.
"Kung nandito lang sana ang Tatay mo..." sabi niya, ramdam ko nanaman sa boses niya ang sobrang kalungkutan.
Hindi naman itinago ni Nanay sa akin kung gaaano niya ka-miss si Tatay.
"Pero wala po siya, Nay. Tayong dalawa lang po ang nandito...ako na po ang bahala, sa susunod na araw ay makakabili ulit tayo ng gulay," sabi ko sa kanya.
Malakas ang loob kong mangako kay Nanay pero ang totoo ay hindi ko din alam kung saan ako kukuha ng extrang pera para may pambili kami ng paninda.
Ang dami ko ng advance kay Mang Darren, wala na nga ata akong sasahurin sa susunod na cut-off dahil na bale ko na lahat.
Halos hindi ako makatulog ng gabing 'yon kaka-isip. Nami-miss ko din si Tatay, pero hindi ko 'yon sasabihin. Wala akong pagsasabihan. At ipinapangako ko ding hinding hindi niya malalaman na nami-miss ko siya.
Kakalimutan ko si Tatay sa kung paano niya kami kinalimutan ni Nanay.
Kamusta siya ngayon? Masaya ba siya? Ang huling balita naming ay lumabas siya ng bansa kasama ang mga kapatid niya.
Kahit walang maayos na tulog ay maaga pa din akong nagising kinaumagahan para maghanda sa trabaho. Mahimbing pa ang tulog ni Nanay kaya naman naghanda na din ako ng kakainin niya para sa almusal bago ako umalis.
Tahimik akong naglalakad palabas sa aming kanto ng mapahinto ako nang mapadaan ako sa masukal na daan papunta sa lumang kalsada. Tsaka lang ako dumadaan don pag ma-lalate na ako sa trabaho o kaya naman nagmamadali ako.
Maaga pa kaya naman pwede akong dumaan sa main road. Nagtagal ang tingin ko sa daan papasok doon. Naalala ko nanaman ang San Miguel na 'yon.
"Hindi naman siguro siraulo ang babaeng 'yon para totoohin?" tanong ko sa kawalan.
"Bahala siya...malaki na siya, kaya niya na ang sarili niya," sabi ko na lang at kaagad na nagpatuloy sa pagtahak ng main road.
Ilang hakbang pa lang ang nagagawa ko ng kaagad akong mapakamot sa aking ulo.
"Naman kasi..." inis na sambit ko at kaagad na lumiko para bumalik sa daan papasok sa lumang kalsada.
Mahina akong napamura ng makita kong nandon nga si San Miguel, nakahilig sa may lumang waiting shed at mukhang kanina pa ako hinihintay.
Kaagad siyang napa-ayos ng tayo ng makita ako. Walang ekspresyon ang aking mukha ng tingnan ko siya.
"Dumating ka. Akala ko ba ay sa main road ang daan mo..." parang nang-aasar na sabi pa niya sa akin.
"Gusto ko dito dumaan ngayon, bakit ba?" masungit na sabi ko sa kanya.
Hindi nawala ang ngiti sa labi niya habang nakatingin sa akin.
Kagaya ng suot niya kahapon ay nakapostura talaga. Suot ang itim na under armour na jacket at itim na leggings.
"Nag-almusal ka na ba? Ako kasi hindi pa," sabi niya sa akin.
"Ano share mo lang?" tanong ko sa kanya.
Ngumuso siya, bumaba ang tingin ko sa labi niya kaya naman na-alala ko ulit ang lapastangang labi niya na humalik sa akin kahapon.
"Ang sungit mo talaga, pero ang cute pa din," sabi niya sa akin kaya naman pinanlakihan ko siya ng mata.
"Bahala ka na diyan...aalis na ako," sabi ko at diniretso na lang ang lumang kalsada.
"Sabay na tayo," sabi niya sa akin at sumunod pa talaga.
Kung ano-anong pinagsasabi niya na hindi ko naman pinapansin.
"Rinig ko sa mga kasambahay namin na may masarap na lugawan dito...alam mo 'yon? Gusto ko sanang subukan," sabi pa niya sa akin.
Nilingon ko siya, nakita kong seryoso siya sa tanong niya.
"Ikaw, kakain ng lugaw?" tanong ko.
Natawa siya, "Oh, ano naman kung kakain ako ng lugaw?" tanong niya sa akin.
Bahagyang kumunot ang noo ko, hindi ko kasi akalain na ang kagaya niyang maganda...na mayaman ay kakain nga ng lugaw.
Tumingin ako sa suot kong wristwatch at nakitang may oras pa ako.
"Idadaan kita don," sabi ko.
"Sumabay ka na ding kumain sa akin," yaya niya.
Napatigil ako sa paglalakad kaya naman halos mabunggo siya sa akin.
"Hoy! Hindi ako easy to get ha, San Miguel. Anong akala mo sa akin? Basta basta sasama sa 'yo?"
Napakagat siya sa kanyang pang-ibabang labi.
"Kakain lang naman ng lugaw...ikaw 'tong nagbibigay ng malisya, e..." sabi pa niya at ako pa ngayon!
Sa sobrang inis ko sa kanya ay binilisan ko ang lakad kaya naman lakad takbo ang ginawa niya para lang masabayan ako.
"Dito na, pumasok ka na don at kumain," sabi ko sa kanya pagkahinto naming sa lugawan.
Nakita ko kung paano iginala ni Ericka ang tingin niya sa lugawan. Para bang naninibago siya, parang hindi pa nga ata nito kayang umorder.
Matapos tingnan ang kabuuan ng lugawan ay nilingon niya ako. Nang makita niyang pinapanuod ko ang reaksyon niya ay kaagad siyang ngumiti sa akin.
"Kain tayo, Junie..." yaya niya sa akin.
Tumagal ang tingin ko sa kanya. May kung ano talaga sa mga mata at tingin niya na para bang na-hy-hypnotized ako.
"Pasok," asik ko sa kanya at kaagad kaming pumasok sa lugawan para kumain.
Delikado talaga ako sa tuwing nalalapit ako sa babaeng 'to.
"The boiled egg na lang," sabi niya sa akin ng tanungin ko siya kung anong gusto niyang i-partner sa lugaw niya.
"Tsk. Kahit sa inyo pwede kang kumain ng nilagang itlog. Mag toge ka, masarap ang toge nila dito..." sabi ko.
Napaawang ang bibig niya bago siya nakabawi.
"S-sige...sabi mo, e," pagsang-ayon niya.
Ako pa ang naglagay ng paminta sa taas ng lugaw niya, maging ang pagpisil ng kalamansi ay ako pa. Naging taga-alaga pa tuloy ako ng mayamang babaeng 'to ng hindi ko namamalayan.
"Aba't baka magpasubo ka pa sa akin," sita ko sa kanya ng mapansin kong nag-e-enjoy siya na pinagsisilbihan ko siya.
Tumulis saglit ang nguso niya para itago ang ngiti. Inirapan ko siya pagkatapos no'n. Umorder na din ako ng lugaw dahil bigla akong na-inggit.
"B-bakit lugaw lang ang sa 'yo?" puna niya sa inorder ko.
"Gusto ko lugaw lang," sagot ko sa kanya at ipinagpatuloy ang pagkain ko.
Lumipat ang tingin ko ng hiniwa niya sa gitna ang lumpiang toge niya. Nang mahati niya 'yon ng maayos ay kaagad niyang iniabot sa akin.
"Nagtitipid ka ba?" tanong niya.
Napa-ubo ako at nag-iwas ng tingin.
"Ako naman ang magbabayad ng kakainin natin. Umorder ka ng kahit anong gusto mo," sabi niya sa akin.
Biglang nasaktan ang pagkalalaki ko. Alam kong wala akong karapatan na pa-iralin ang ego ko ngayon dahil tama naman siya, nagtitipid talaga ako ngayon.
"Hindi na," masungit na sabi ko sa kanya.
Hindi siya nakinig sa akin, sinubukan niyang itaas ang kamay niya para tawagin ang tindera.
"Ano ba? Sabing ayos na ako dito," giit ko kaya naman nabitin sa ere ang kamay niya at kaagad niyang ibinaba.
"Gusto ko lang naman na makakain ka ng maayos ngayon," sabi niya sa akin.
"Para ano? Isumbat mo 'yan sa akin, tapos lahat ng gusto mo kailangan kong sundin?" tanong ko sa kanya kaya naman nakita ko ang gulat sa mukha niya.
"Junie..." tawag niya sa akin.
"Wag mo akong tawaging Junie. Hindi naman tayo close," sabi ko sa kanya.
Nanatili ang tingin niya sa akin, nakita kong unti-unting naglamlam ang kanyang mga mata dahil sa nagbabadyang luha.
"Kaya nga ako nakikipag-kilala sa 'yo...kasi gusto kong maging close tayo," sabi niya sa akin.
"Ayoko. Ayokong magkaroon ng kaibigan na kagaya mo, naiintindihan mo?" pagpapaintindi ko sa kanya.
"K-kagaya ko? Anong kagaya ko?" naguguluhang tanong niya sa akin.
Nanatili ang tiningin ko sa kanya. Dapat ay maaga pa lang alam na din ni Ericka na hindi ako pabor sa paglapit lapit niya sa akin.
"Kayong mga mayayaman. Mga matapobre, ang akala niyo sa sarili niyo ay matataas kayo porket marami kayong pera, akala niyo ay kaya niyong bilhin kahit ang mga tao dahil sa pera niyo," diretsahang sabi ko sa kanya.
Halos malaglag ang panga ni Ericka dahil sa mga sinasabi ko.
"At ikaw, masyado kang aggresibo. Kulang na lang ay ihain mo ang sarili mo sa akin, wala ka ding preno kung sabihing gusto mo ako. Hindi ka man lang nahiya..." diretsahang sabi ko pa.
Isa sa mga ugali kong hindi ko din ma-control ay ang pagiging matabil ng dila ko. Oo, palagi akong nagbibiro, hindi din ako mapagtanim ng galit sa ibang tao, wala lang din sa akin kung asar-asarin ako, pero sa oras na mapuno ako ay hindi ko din naman mapigilan ang bibig ko.
Nakita ko ang panginginig ng kamay ni Ericka na may hawak na kutsara.
"Hindi kita gusto...hindi kita magugustuhan kaya tigilan mo na ako. Naiintindihan mo?" tanong ko sa kanya.
May kung ano akong naramdaman ng unti-unti siyang tumango na para bang naiintindihan niya nga.
"Sa tingin mo ba gusto ko na hinahabol habol kita? Kasalanan ko ba na gusto kita? Hindi ikaw ang pinaka gwapong lalaking nakilala ko...pero ikaw ang gusto ko," sabi niya sa akin.
Aba't...may kasama pang panlalait.
"Wag kang mag-alala, hindi na ulit kita guguluhin..." sabi niya sa akin at pumiyok pa.
Napatameme ako ng kaagad siyang tumayo at tumakbo palabas ng lugawan. Natigilan ako dahil sa nangyari, ilang minute din akong napatulala hanggan sa makabawi ako.
"Sabi mo ikaw ang magbabayad. Tingnan mo 'tong babaeng 'to," sabi ko na lang kahit ang totoo ay hindi ko din alam kung bakit bumigat ang dibdib ko.
Pinatake-out ko ang lugaw na halo hindi naman nagalaw ni Ericka. Pumasok ako sa trabaho at ginawa ang mga kailangan kong gawin, ipinagsawalang bahala ko na muna ang nangyari, pero hindi ko din talaga maalis sa isip ko ang itsura at pag-piyok niyo.
Hindi ko inakala na makakapag-paiyak ako ng babaeng may gusto sa akin. Hindi naman ako masaya na nangyari 'yon, mas lalo nga akong na-guilty.
Pakiramdam ko din ay hindi ako deserving sa luha ni Ericka. Maganda siya, mayaman, at edukada, maganda ang katayuan sa buhay, hindi niya kailangang magsayang ng luha para sa kagaya ko. Marami pa siyang makikitang lalaking kasing yaman niya, yung nararapat para sa kanya.
"May sakit ka, Junie? Ang tahimik mo...hindi ako sanay," pun ani Boss Eroz sa akin.
Hinihintay naming ang pagdating ni Julio. Nasa may pantry kami para magkape.
"May iniisip lang," sagot ko at ngumisi para hindi niya masyadong mahalata na problemado talaga ako.
"Babae?"
"Ha? Hindi ah, wala pa 'yan sa isip ko," sabi ko sa kanya pero nginisian niya lang ako.
Nagtaas siya ng kilay sa akin na para bang gusto niyang sabihing hindi siya naniniwala sa sinagot ko sa kanya.
Sa huli ay hindi ko napigilan ang sarili kong ikwento kay Boss Eroz ang lahat, maging si Julio na kararating lang ay tahimik ding nakinig sa akin.
"Kawawa naman," sabi ni Julio bago siya sumimsim ng kape.
"Dapat nga magpasalamat siya sa akin dahil pinalayo ko siya sa akin...hindi ko siya kayang buhayin," sabi ko kaya naman natawa silang dalawa.
"Pakakasalan mo na ba kaagad?" Tanong nila sa akin dahil sa pagiging advance ko mag-isip.
"Kung sino yung unang girlfriend ko...'yon na ang gusto kong maging asawa. Ayokong manligaw ng iba't ibang babae...stick to one ako," sabi ko sa kanila.
Nang tinagalain ko silang dalawa ay sabay pa silang napasimsim sa hawak nilang kape.
"Kung kayo ba?" tanong ko.
"Pag may gusto akong babae...sasabihin ko kaagad, mahirap na baka maunahan ako ng iba," sabi ni Julio sa akin.
Nakita kong tumawa si Eroz, dahil sa tawa niyang 'yon ay nilingon siya ni Julio at inirapan.
"E, ikaw Boss Eroz?" tanong ko.
"Pag gusto ko yung babae, hindi ko ipapakita sa kanya na gustong gusto ko siya...lalo na pag matigas ang ulo," sabi niya at napangisi pa na para bang may na-aalala siya.
Ngumisi din si Julio bago siya hinampas ni Eroz sa braso.
"Gusto mo ba si Ericka?" tanong nila sa akin.
Sandali akong napa-isip. Gusto ko ba si Ericka San Miguel?
"Maganda siya...kahit sino namang lalaki magugustuhan siya," sabi ko sa kanila.
"Ikaw ang tinatanong namin, gusto mo ba si Ericka?" tanong pa nila.
"Hindi ko alam..." sagot ko.
"Lalayuan ka naman na daw pala. Ano pang pinoproblema mo?" tanong ni Julio.
Hindi ko nga din alam kung anong problema ko.
Maaga akong umalis ng bahay kinaumagahan, hindi ko din alam kung bakit ang daan sa lumang kalsada nanaman ang tinatahak ko. Nagtagal ang tingin ko sa lumang waiting shed ng makita kong walang tao doon. Wala siya...
"Buti naman at natuto na..." sabi ko sa kawalan pero ramdam kong dismayado ako sa hindi ko malamang dahilan.
"Palabok sa may paso!" suwestyon ko ng magtanong si Boss Eroz ng masarap na mirienda pagdating ng hapon.
Kaagad sinang ayunan ng iba ang sinabi ko, kaming dalawa ni Boss Eroz ang pumunta sa may paso para bumili ng palabok.
"Ang sarap imaneho ng sasakyan mo...ang sarap dalhin nito sa highway," sabi ko.
Pinayagan niyang ako ang magmaneho ng sasakyan niya. Si Boss Eroz ang nasa passenger seat habang ako ang nagd-drive.
"Daanan na din natin si Julio sa may Sta. Clara, sira ang sasakyan niya kaya nagpapasundo..." sabi niya sa akin.
"Sus! Nagtitipid lang 'yon sa gasolina," sabi ko na ikinatawa niya.
Matapos naming bumili ng palabok sa may paso ay dumiretso na kami sa may Sta. Clara para sunduin si Julio. Dumaan na muna kami sa gasolinahan dahil may kalayuan ang inikutan namin.
Bumaba ako sa sasakyan ni Boss Eroz na para bang ako ang may-ari.
"Full tank," sabi ko sa gasoline boy.
Habang nagpapagasolina ay nakita ko ang pagdating ng pamilyar na sasakyan. Tumagal ang tingin ko doon at sa magarang sasakyan na kasunod niya.
Huminto ang pamilyar na sasakyan sa katapat naming, unang bumaba ang lalaking may dala ng magarang sasakyan sa likuran nito.
"Mukhang malambot ang gulong sa likod," sabi niya dito.
Nakita ko ang pagbaba ni Ericka sa sasakyan niya.
"Ganoon ba?" marahang sabi niya dito. Bigla akong may naramdamang kung ano ng marinig ko ang boses niya.
Habang kausap niya ang lalaki ay nakita kong napatingin siya sa akin. Hindi nagtagal ang tingin niya at muling ibinalik ang atensyon sa kausap kaya naman napa-awang ang bibig ko.
"Boss, ok na po," sabi ng gasoline boy sa akin.
Pinigilan ko siya. "I-full tank mo ulit," sabi ko sa kanya. Ayoko pang umalis dito.
"Junie, tapos na?" tanong ni Boss Eroz mula sa loob ng sasakyan.
"Boss, i-full tank daw po ulit," sab isa kanya ng gasoline boy.
Narinig ko ang pagbaba ni Boss Eroz mula sa passenger seat.
"Siraulo ka, lulunurin mo ba ang sasakyan?" tanong niya sa akin pero hindi ko pinansin.
Nanatili ang tingin ko kay Ericka at sa kasama niyang lalaki.
"Oh, si Ericka...may kasamang iba," puna ni Boss Eroz sa akin.
"Ayan na, hindi ka na talaga hahabulin," sabi niya sa akin kaya naman mas lalong bumigat ang dibdib ko.
Isang beses na lumingon si Ericka sa akin bago itinuon ang buong atensyon sa kanyang sasakyan.
"Ang ganda ni Ma'am,' rinig kong pag-uusap ng mga gasoline boy.
Sumama ang tingin ko sa kanila pero hindi naman nila ako pinansin.
"Hindi tayo papansinin niyan, mayaman..." sabi pa nila kaya tinamaan nanaman ako.
Tinapik ako ni Boss Eroz sa braso. "Tara na, naghihintay na si Julio," sabi niya sa akin.
Wala sa sarili akong pumasok sa may sasakyan at umalis doon.
"Tatanungin kita ulit...gusto mo ba si Ericka?" tanong ni Boss Eroz sa akin.
Nasa backseat na si Julio at tahimik na nakikinig sa amin.
"Hindi ako bagay sa kanya..."
"Hindi 'yan ang tanong," si Julio.
"Gusto mo ba si Ericka, Junie?" seryosong tanong ni Boss Eroz.
Humigpit ang hawak ko sa manibela.
"G-gusto ko...pero natatakot ako," sagot ko sa kanila.
"Mas matakot ka pag hindi napunta sa 'yo," sabi nilang dalawa. Nagkasundo talaga.
(Maria_CarCat)
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro